Biyernes, Mayo 9, 2008

“Bakit Sosyalismo?” ni Albert Einstein


“Bakit Sosyalismo?” ni Albert Einstein

Tinagalog ni Gregorio V. Bituin Jr.

Si Albert Einstein, isang kilalang aghamanon (scientist) sa buong mundo, ang siyang nahirang ng prestihiyosong Time magazine bilang “Person of the Century” noong Disyembre 1999.

Ipinanganak si Einstein noong 1879 sa Ulm, Germany. Nagtapos siya noong 1900 sa Swiss Federal Institute of Technology na may degree sa pagtuturo ng matematika at pisika. Noong 1905, lumabas ang kanyang unang tesis, ang Special Theory of Relativity, at ang kanyang pangalawang tesis, ang General Theory of Relativity, ay lumabas naman noong 1915. Noong 1921, napagwagian niya ang Nobel Prize sa Physics. Nalathala naman noong 1929 ang kanyang Unified Field Theory. Si Einstein ay may dalawang anak kay Mileva Maric, isa ring physicist.

Ang kanyang E=mc2 (energy equals mass times the square of the speed of light) ang itinuturing na pinakasikat na theorem sa larangan ng matematika’t agham at pangalawa lamang dito ang Phytagorean theorem.

Nang si Hitler ay napasakapangyarihan noong 1933, umalis si Einstein sa Germany, tumungo sa England, at sa United States kung saan doon na siya naglagi. Sinulatan niya noong 1939 si US President Roosevelt upang unahan ang Germany sa paggawa ng atomic bomb, bagamat hindi siya napasali sa research team na itinalaga para rito.

Noong 1937, napasali si Einstein sa mga grupong makakaliwa. Lantaran siyang nagsalita laban sa kapitalismo at sa konsentrasyon ng kapangyarihan sa iilan, at idiniin ang pangangailangan ng rebolusyonaryong pagpapatalsik ng kapitalismong sistema. Sinulat niya noong 1949 ang “Why Socialism?”, at nalathala sa Monthly Review sa US, kung saan ipinaliwanag niyang ang tanging paraan para sa sangkatauhan na malunasan ang salot na dulot ng kapitalismo ay ang pagyakap sa sosyalismo. Noong 1955, namatay siya sa Princeton Hospital sa New Jersey.

Narito ang salin mula sa Ingles ng “Why Socialism?” ni Einstein.



Nararapat ba na ang isang hindi naman eksperto sa mga isyung pang-ekonomya at panlipunan ay magpahayag ng kanyang mga palagay hinggil sa sosyalismo? Naniniwala ako pagkat maraming dahilan.

Unahin muna nating unawain ang katanungan mula sa punto de-bista ng kaalamang siyentipiko. Maaaring makitang walang esensyal na pagkakaiba sa pamamaraan sa pagitan ng astronomya at ekonomiko: ang pagtatangka ng mga aghamanon sa nasabing mga larangan na makadiskubre ng mga batas na katanggap-tanggap sa nakararami para sa limitadong grupo ng penomena upang ang kasalimuotan ng mga kaalamang ito ay mas madaling maunawaan. Pero sa reyalidad, may mga pagkakaiba ang mga pamamaraang ito. Ang pagkakadiskubre ng mga pangkalahatang batas sa ekonomiko ay naging mahirap dahil sa kalagayang makikita sa penomenang ekonomiko na kadalasang naaapektuhan ng maraming salik na mahirap pahalagahan ng magkahiwalay. Dagdag pa rito, ang mga karanasang natipon nang magsimula ang tinatawag na sibilisadong panahon ng kasaysayan ng tao – na siyang alam ng marami – ay naimpluwensiyahan ng malaki at natakdaan ng mga kadahilanang kung saan ay eksklusibo ang kalikasan ng ekonomiko. Halimbawa, karamihan ng mga mayor na estado sa kasaysayan ay nagmula sa pananakop. Itinalaga ng mga mananakop ang kanilang mga sarili, ayon sa batas at ekonomya, bilang mga probilehiyong uri sa bansang kanilang sinakop. Inagaw nila para sa kanilang sarili ang pagmomonopolyo ng pag-aari ng lupain at itinalaga ang kaparian mula sa kanilang antas. Ginawa ng kaparian, na siyang may kontrol ng edukasyon, na maging permanenteng institusyon ang pagkakahati sa uri at lumikha ng mga sistema ng kagandahang-asal kung saan ang mga kaasalang panlipunan ng mga tao, na karamiha’y di nakakaunawa, ay ginagabayan.

Ngunit ang pangkaraniwang tradisyon, masasabi ko, ay sa pangnakaraan; ni hindi natin tunay na napangibabawan ang tinatawag ni Thorstein Veblen na “baitang ng paninila” ng kaunlarang pantao. Ang napupuna nating pang-ekonomyang katotohanan ay kasama sa baitang na iyon at kahit na ang gayong mga batas na ating nahango roon ay hindi aplikable sa ibang baitang. Yayamang ang tunay na layunin ng sosyalismo ay ang tiyak na pananaig at pag-abante lampas sa baitang ng paninila ng kaunlarang pantao, ang agham-pang-ekonomya sa kasalukuyang kalagayan ay makapagpapaunawa kahit kaunti hinggil sa sosyalistang lipunan sa hinaharap.

Ikalawa, ang sosyalismo ay nakadirekta patungo sa panlipunan-pang-etikang layunin. Subalit ang agham ay di-makalilikha ng mga layunin, at munti man, iturong paunti-unti sa mga tao; ang agham sa kabuuan ay makapagbibigay ng mga paraan kung saan makakamit ang isang tiyak na layunin. Ngunit ang mga layuning ito ay inanak ng mga personalidad na may matayog at moral na hangarin at – kung ang mga layuning ito ay di inianak na patay, ngunit masigla at malusog – ay ginagamit at dinadala ng mga taong kahit papaano’y nauunawaan ang mabagal na ebolusyon ng lipunan.

Sa ganitong mga dahilan, dapat na nakabantay tayo na hindi maliitin ang agham at mga syentipikong pamamaraan kung ito’y mga katanungang nahihinggil sa suliraning pantao; at hindi natin dapat akalain na ang mga dalubhasa lamang ang may karapatang magsalita hinggil sa mga katanungang nakakaapekto sa pagkakaorganisa ng lipunan. Maraming tinig ang naninindigan hanggang ngayon na ang lipunan ng tao ay nagdaraan sa isang krisis, na ang istabilidad nito ay lubhang nasisira. Katangian ng isang sitwasyon na ang mga indibidwal ay nakararamdam ng pagwawalang-bahala o kaya’y salungat sa grupo, maliit man o malaki, kung saan sila kabilang. Para ilarawan ang ibig kong sabihin, pabayaan n’yong iulat ko ang isang personal na karanasan. Nito lamang nakaraan, tinalakay ko sa isang matalino at napakaayos na tao ang banta ng isa na namang digmaan, na sa aking palagay ay seryosong magsasapanganib sa sangkatauhan, at sinabi ko na tanging ang isang supranasyunal na organisasyon ang magbibigay-proteksyon laban sa panganib na yaon. Gayunman, ang aking panauhin, na napakamahinahon at presko, ay nagwika, “Bakit ba labang-laban ka sa pagkawala ng buong sangkatauhan?”

Alam kong sa nagdaang wala pang isang siglo, walang sinuman ang makapagsasalita ng ganito. Ito’y pahayag ng isang taong nagsikap ng walang pag-asang matamo ang isang balanse sa kanyang sarili at sa malaki ma’t maliit ay nawalan ng pag-asang magtagumpay. Ito ay pagpapahayag ng isang masakit na pamamanglaw at pag-iisa kung saan maraming tao ang nagsasakripisyo ngayon. Ano ang dahilan? May daan ba para makawala rito?

Napakadaling sabihin ang gayong mga tanong, ngunit mahirap sagutin ng may anumang antas ng katiyakan. Gayunma’y susubukan ko, sa abot ng aking makakaya, bagamat gising na gising ako sa katotohanang ang ating mga damdamin at pagsisikap ay kadalasang kabaligtaran at madilim at hindi ito maipahahayag sa madali at payak na mga pormula.

Ang tao, sa isa at magkasabay na panahon, ay mapag-isang nilalang at mapaghalubilong nilalang. Bilang mapag-isang nilalang, tinatangka niyang protektahan ang kanyang buhay pati na rin ang pinakamalalapit sa kanya, upang mabigyang-kasiyahan ang kanyang pansariling hangarin, at upang mapaunlad ang kanyang likas na abilidad. Bilang mapaghalubilong nilalang, ninanais niyang magkaroon ng pagkilala at pagtingin ang kanyang kapwa tao, makasali sa kanilang kasiyahan, aluin sa kanilang kalungkutan, at mapaunlad ang kanilang kalagayan sa buhay. Ang mga eksistensya lang nito’y pabagu-bago, kadalasang ang pagkakaiba-iba ng pagpupunyagi ang nagpapaliwanag sa natatanging panauhan ng isang tao, at ang kanilang ispesipikong kumbinasyon ang nagpapasiya kung gaano kahaba makakamit ng isang indibidwal ang panloob na balanse at makapag-ambag sa kagalingan ng lipunan. At maaaring ang relatibong kalakasan ng dalawang silakbong ito, sa prinsipal, ay ipinirmi ng mana. Pero ang personalidad na tuluyang lumabas ay hinubog ng kapaligiran kung saan nakita ng tao ang kanyang sarili habang siya’y umuunlad, sa kayarian ng lipunang kinalakhan niya, sa tradisyon ng lipunang yaon, at sa kanyang pagtatasa sa mga tanging tipo ng asal. Ang baliwag na kaisipang “lipunan” ay nangangahulugan sa isang indibidwal bilang kabuuan ng kanyang tuwiran at di-tuwirang relasyon sa kanyang mga kapanahon at sa mga tao ng naunang salinlahi. Ang indibidwal ay nakakapag-isip, nakararamdam, nagpupunyagi, at nakagagawa ng sarili; pero kadalasa’y nakadepende siya sa lipunan – ang kanyang pangkatawan, pangkaisipan, at pandamdaming kapanatilihan – na imposibleng maisip siya’t maunawaan ng labas sa balangkas ng lipunan. Ang “lipunan” ang nagbibigay sa tao ng pagkain, tahanan, gamit sa paggawa, wika, hubog ng kaisipan, at halos lahat ng nilalaman ng kaisipan; ang kanyang buhay ay naging ganap sa pamamagitan ng paggawa at mga nagawa ng milyun-milyong tao noon at ngayon na pawang natatago sa maliit na salitang “lipunan”. Kung gayon, isang katibayan na ang panananganan ng isang indibidwal sa lipunan ay isang likas na katotohanang hindi maaalis – katulad ng kaso ng mga langgam at bubuyog. Gayunman, habang ang kabuuang pamamaraan ng buhay ng mga langgam at bubuyog ay nakapirmi na sa mga maliliit na detalye sa pamamagitan ng maigting at katutubong simbuyo, ang panlipunang disenyo at rela-relasyon ng mga tao ay paiba-iba at madaling mabago. Ang memorya, ang kakayahang magkumbina, ang kakayahan sa pakikipagtalastasan ay nakagawa ng mga posibleng pag-unlad ng mga tao na naaatasan ng pangangailangang bayolohikal. Ang mga kaunlarang ito’y nahahalata sa mga tradisyon, institusyon, at organisasyon, sa panitikan, sa mga nagawang syentipiko at inhinyering, sa mga gawang sining. Ipinaliliwanag nito kung paano nangyari na, sa isang tiyak na malay, naiimpluwensyahan ng tao ang kanyang buhay at sa ganitong pamamaraan ang gising na kaisipan at kanaisan ay nakakabahagi.

Natatamo ng tao pagkasilang, at naman, ang saligang bayolohikal na masasabi nating nakapirmi na’t di maaalis, kasama na ang likas na pagnanasa na siyang katangian ng mga tao. Dagdag dito, sa kanyang buong buhay, natatamo niya ang saligang kalinangan na inampon niya mula sa lipunan sa pamamagitan ng pakikipagtalastasan at sa iba pang tipo ng impluwensya. Ang saligang kalingangang ito, sa pagdaan ng panahon, ay maaaring magbago at makapagpapasiya sa karamihan ng kaugnayan sa pagitan ng indibidwal at ng lipunan.

Itinuro sa atin ng makabagong antropolohiya, sa pamamagitan ng pagkukumparang pagsisiyasat sa mga tinatawag na sinaunang kalinangan, na ang panlipunang gawi ng tao ay maaaring mag-iba ng malaki, depende sa nananaig na disenyong linang at mga tipo ng organisasyon na nananaig sa lipunan. Dito maaaring umasa ang mga nagpupunyaging mapaunlad ang maraming tao; hindi sinusumpa ang mga tao, nang dahil sa kanilang saligang bayolohikal, para mag-ubusan o kaya’y nasa awa ng pansariling kalupitang palad.

Kung tatanungin natin ang ating mga sarili kung paano ang kayarian ng lipunan at ang linang na ugali ng tao ay mababago upang ang buhay ng tao’y maging kasiya-siya hangga’t maaari, kailangang pirming maliwanag sa atin ang katotohanang merong tiyak na kalagayan na hindi natin mababago. Nabanggit kanina, ang bayolohikal na kalikasan ng tao, sa lahat ng mga praktikal na layunin, ay hindi maaaring mabago. Dagdag pa, ang mga pag-unlad na teknolohikal at demograpiko sa nakaraang ilang siglo ay nakagawa ng mga katayuang mananatili na rito. Sa mga relatibong masikip na populasyon na may mga kagamitang kailangang-kailangan para sa kanilang tuloy-tuloy na buhay, ang sukdulang hatian sa paggawa at isang napakamabungang kasangkapan ay lubos na kinakailangan. Ang panahong – kung babalikan ay parang napakapayapa – ay nawala nang tuluyan kapag ang mga indibidwal o ang mga magkakaugnay na maliliit na pulutong ay lubos na nakapagsasarili. Isa lamang munting pagmamalabis na sabihin na ang sangkatauhan ay nabubuo ngayon bilang pandaigdigang komunidad ng produksyon at konsumo.

Narating ko na ngayon ang puntong maipaliliwanag ko ng maigsi kung ano ang bumubuo sa esensya ng krisis ng ating panahon. Ito’y may kinalaman sa kaugnayan ng indibidwal sa lipunan. Mas namamalayan ngayon ng indibidwal na siya’y nakasandig sa lipunan. Ngunit di niya tinitingnan ang pagsandig sa lipunan bilang positibong bagay, bilang likas na ugnay, bilang lakas na panangga, kundi bilang pagtatangka sa kanyang likas na karapatan, o kaya’y sa kanyang pangkabuhayan. Dagdag pa, sa kanyang katayuan sa lipunan, pirming binibigyang-diin ang pagkaakong simbuyo ng kanyang balangkas, samantalang ang kanyang panlipunang simbuyo, na likas na mahina, ay tuluyang bumababa. Lahat ng tao, anuman ang kanyang katayuan sa lipunan, ay naghihirap mula sa proseso ng panghihina. Hindi namamalayang bilanggo sila ng kanilang sariling karamutan, nakararamdam sila ng kawalan ng kapanatagan, nag-iisa, at pinagkakaitan ng walang pagkukunwari, payak at di-sopistikadong kasiyahan sa buhay. Makatatagpo ang tao ng kahulugan sa buhay, maiksi man ito at mapanganib, sa pamamagitan lamang ng pag-uukol ng kanyang sarili sa lipunan.

Ang anarkiyang ekonomiko ng kapitalistang lipunan na nabubuhay ngayon, sa aking palagay, ang tunay na dahilan ng kapinsalaan. Nakikita natin noong una pa ang malaking komunidad ng mga manggagawa na ang mga kasapian ay walang tigil na nagpupunyagi upang kapwa magkait ng bunga ng kanilang kolektibong paggawa – hindi sa pamamagitan ng pwersa, kundi sa kabuuan ay sa katapatan sa pagsunod sa mga legal na ginawang alituntunin. Sa ganitong dahilan, mahalagang mapagtanto na ang mga kagamitan sa produksyon – na ibig sabihin, ang buong produktibong kakayahang kinakailangan para makagawa ng mga kasangkapang maipagbibili pati na mga dagdag na kasangkapang kapital – ay maaaring legal na, at sa malaking bahagi ay, pribadong pag-aari na ng indibidwal.

Sa pinakapayak, sa sumusunod na pagtalakay, tatawagin kong “manggagawa” ang mga hindi kasama sa pag-aari ng kagamitan sa produksyon – bagamat maaaring hindi ito makatugon sa palagiang gamit ng salita. Ang may-ari ng kagamitan sa produksyon ay nasa katayuang bilhin ang lakas-paggawa ng mga manggagawa. Sa paggamit ng mga kagamitan sa produksyon, nakakagawa ang manggagawa ng mga bagong produktong magiging pag-aari ng kapitalista. Ang pinakamahalagang punto hinggil sa ganitong proseso ay ang ugnayan sa pagitan ng ano ang nagagawa ng manggagawa at ano ang sa kanya’y ibinabayad, na parehong sinusukat sa pamamagitan ng tunay na halaga. Habang ang kasunduan sa paggawa ay “libre”, ang anumang natatanggap ng manggagawa ay matutukoy hindi bilang tunay na halaga ng produktong ginawa niya, kundi batay sa kanyang minimum na pangangailangan at sa pangangailangan ng kapitalista para sa lakas-paggawa kaugnay ng dami ng mga manggagawang nagpapaligsahang magkaroon ng trabaho. Mahalagang maunawaan na kahit sa teorya, ang kabayaran sa manggagawa ay hindi natutukoy sa halaga ng kanyang kalakal.

Ang pribadong kapital ay maaaring mapunta lang sa iilang kamay, bahagi nito’y dahil sa kumpetisyon ng mga kapitalista, at bahagi rin nito’y dahil din sa pag-unlad ng teknolohiya at ang paglaki ng hatian sa paggawa ay nag-aanyayang magbuo ng mas malaking pulutong ng paggawa na ang mga maliliit ang mas isinasakripisyo. Ang kinalabasan ng ganitong pag-unlad ay isang oligarkiya ng pribadong kapital na ang matinding lakas nito’y hindi epektibong masusuri kahit na ng pinaka-demokrasya’t organisadong lipunang pulitikal. Ito’y totoo dahil ang mga kasapi ng lehislatibong pulutong ay pinipili ng mga partidong pulitikal, malakihang pinipinansyahan o kaya’y naiimpluwensiyahan ng mga pribadong kapitalista, na ayon sa mga praktikal na layunin, ay inihiwalay ang mga botante mula sa kongreso. Ang kinahinatnan nito’y hindi sapat na naprotektahan ng mga kinatawan ng mga tao ang interes ng mga maralitang seksyon ng populasyon. Dagdag pa, sa ilalim ng kasalukuyang kalagayan, di maiiwasang kontrolin ng mga pribadong kapitalista, tuwiran man o di-tuwiran, ang pangunahing pinagmumulan ng impormasyon (ang pahayagan, radyo, edukasyon). Kaya sa sukdula’y mahirap, at sa maraming kaso’y tila imposible, para sa mga indibidwal na mamamayan na magkaroon ng obhetibong pasiya at magamit ng tama ang kanyang karapatang pulitikal.

Ang sitwasyong nananaig sa isang ekonomyang nakabatay sa pribadong pag-aari ng kapital ay naglalarawan ng mga pangunahing simulain: una, ang mga kagamitan sa produksyon (kapital) ay pag-aaring pribado at pinagpapasiyahan ito ng mga may-ari kapag tingin nila’y nararapat; ikalawa, libre ang kasunduan sa paggawa. Syempre, wala namang bagay na masasabing purong kapitalistang lipunan. Sa partikular, dapat na matanto nating ang mga manggagawa, sa pamamagitan ng mahaba at mapait na pakikibakang pulitikal, ay nagtagumpay na matiyak ang tila napabuting anyo ng “malayang kasunduan sa paggawa” para sa tiyak na kategorya ng manggagawa. pero sa kabuuan, ang kasalukuyang ekonomya ay halos hindi naiiba sa “purong” kapitalismo. Ang produksyon ay isinasagawa para tumubo, hindi para magamit. Walang probisyon na ang lahat ng may kakayanan at nagnanais magtrabaho ay laging nasa kalagayang makakuha ng trabaho; ang “hukbo ng mga walang trabaho” ay halos laging naririyan. Ang manggagawa’y sadyang may takot na mawalan ng trabaho. At dahil ang mga walang trabaho at ang mga may mababang sahod na manggagawa ay di nakapaglalaan ng pamilihang kumikita, limitado ang paggawa ng pangangailangan ng mga mamimili, at malaking paghihirap ang kinahinatnan nito. Ang pag-unlad ng teknolohiya madalas ay nagbubunga ng pagdami pa ng mga walang trabaho kaysa pag-alwan ng bigat ng trabaho para sa lahat. Ang hangaring tumubo, karugtong ng kumpetisyon ng mga kapitalista, ay maykapanagutan para sa kawalang-kapanatagan ng pagtitipon at paggamit ng kapital na tutungo sa lalong lumalalang pagsasalat. Ang walang hanggang kumpetisyon ay tutungo sa malaking pagkaaksaya ng paggawa, at siyang pipilay sa panlipunang kamalayan ng indibidwal na nabanggit ko kanina.

Ang pagkapilay ng indibidwal ay itinuturing ko bilang pinakamasamang pinsalang idinulot ng kapitalismo. Ang ating buong sistema sa edukasyon ay nagdurusa sa ganitong pinsala. Ang labis na pag-uugaling pakikipag-kumpetensya ay ikinintal sa isipan ng mga estudyante, na sinanay upang sambahin ang mapangamkam na tagumpay para sa kanyang paghahanda sa kanyang propesyon sa hinaharap.

Kumbinsido ako na may isang paraan lamang para mapawi ang mga malalang kapinsalaang ito, at ito’y sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang sosyalistang ekonomya, kaagapay ang isang sistema ng edukasyon na katanggap-tanggap tungo sa panlipunang hangarin. Sa gayong ekonomya, ang mga kagamitan sa produksyon ay pag-aari na ng buong lipunan at ito’y magagamit upang magkaroon ng planadong kaayusan. Sa isang planadong ekonomya, kung saan ibinabagay ang produksyon sa pangangailangan ng komunidad, ibabahagi ang mga gawaing dapat matapos doon sa mga may kakayahang magtrabaho at maggagarantiya ng kabuhayan sa bawat kalalakihan, kababaihan at kabataan. Ang edukasyon ng indibidwal, na dagdag sa paglinang ng sariling abilidad, ay magtatangkang mapaunlad sa sarili ang kamalayang pananagutan para sa kanyang kapwa sa halip na pagsamba sa kapangyarihan at tagumpay sa kasalukuyang lipunan.

Gayunman, nararapat tandaan na ang isang planadong ekonomya ay hindi pa sosyalismo. Ang planadong ekonomya kung gayon ay maaaring samahan ng kabuuang pagtitiwala ng indibidwal. Ang magagawa ng sosyalismo ay nangangailangan ng lunas sa ilang napakahirap na sosyo-pulitikang hangarin: paanong mangyayari, sa pananaw ng di-maabot na sentralisasyon ng pulitikal at ekonomyang kapangyarihan, na ang burukrasya ay mahahadlangan mula sa pagiging napaka-makapangyarihan at palalo? Paano mapoprotektahan ang mga karapatan ng indibidwal at mula roo’y matiyak ang isang demokratikong pambalanse sa kapangyarihan ng burukrasya?

Ang kalinawan hinggil sa mga adhikain at suliranin ng sosyalismo ay may napakalaking kahalagahan sa panahon ngayon ng transisyon. Mula noon, sa sitwasyon ngayon, ang malaya at di-nakatagong talakayan ng mga suliraning ito ay mahigpit na ipinagbabawal, kinukunsidera ko na ang pundasyon ng babasahing ito ay napakahalagang serbisyo sa masa. 30


Walang komento: