ANG "DEMOKRASYA" NG BURGESYA AY DI DEMOKRASYA NG MASA
ni Greg Bituin Jr.
Nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 11, Nobyembre 2003, pahina 7
Nabanggit ni Abraham Lincoln sa kanyang Gettysburg Speech noong Nobyembre 19, 1863, ang mga katagang "government OF the people, BY the people, FOR the people..." kung saan tinutuloy ito ng maraming iskolar bilang kahulugan ng demokrasya. Pero ang pagiging "government OF the people, BY the people, FOR the people" ba ng demokrasya ay nasusunod sa panahong ito?
Magandang konsepto ang demokrasya, at ang mga mayor na katangian nito ay tulad ng kalayaan ng bawat isa, pagkakapantay-pantay sa harap ng batas, pagboto, at makakuha ng edukasyon. Kasama rin dito ang pagtatamasa ng iba't ibang karapatan tulad ng karapatang magpahayag, mag-unyon, mag-aral, pumili ng bansang kukupkop sa isang tao, at marami pa. At karamihan ng karapatang ito'y nakasulat sa Universal Declaration of Human Rights, International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights (ICESCR), at Bill of Rights ng Konstitusyon ng Pilipinas ng 1987.
Pero ang tanong, totoo bang umiiral ang demokrasya sa ating bansa, tulad ng depenisyon ng mga iskolar kung ano ang demokrasya? Nasa demokrasya raw tayo pagkat nakakaboto ang masa, gayong wala namang mapagpilian ang masa pagkat halos lahat ng mga kandidato ay mga elitista. Nasa demokrasya raw tayo pagkat may kalayaan daw tayo sa pagpapahayag, gayong ang pagrarali natin upang ipahayag ang ating mga karaingan ay hinahanapan pa ng permit, hinaharang, at minsa'y sinasaktan pa. Nasa demokrasya raw tayo pagkat may kalayaang mag-organisa, gayong ang mga nag-uunyon ay itinuturing na kaaway ng manedsment ng kumpanya. Nasa demokrasya raw tayo, pero marami tayong karapatang niyuyurakan ng mga burges na elitista't mga nasa kapangyarihan.
Kung merong demokrasya, bakit natutulog ang mga usapin ng manggagawa sa korte? Ang napapala ba natin sa demokrasya ay maging gutom ang masa? Ang napapala ba natin sa demokrasya ay maging api at mademolis ang kabahayan ng maralita at ng walang maayos na negosasyon sa kanila? Demokrasya ba kung sa proyektong pagpapaunlad ay hindi kasama ang masa? Demokrasya ba kaya namimili ng boto ang mga trapo? Ah, matagal nang binaboy ng mga elitista't kapitalista ang tunay na konsepto ng demokrasya. Pagkat ang ating mga nararanasang panggigipit nila sa ating mga karapatan, ay nagpapatotoo sa depinisyon ng mga elitista kung ano ang kahulugan sa kanila ng demokrasya: "government OFF the people, BUY the people, FOOL the people". Ibig sabihin, gobyernong hindi kasama ang masa, binibili ang masa, at patuloy na niloloko ang masa. Dahil iba ang demokrasya ng burgesya sa totoong demokrasyang dapat tamasahin ng masa.
Dahil dito, dapat lamang nating ipaglaban ang totoong demokrasya ayon sa tunay na kahulugan nito: "government OF the people, BY the people, FOR the people", pamahalaan ng mga tao, sa pamamagitan ng mga tao, para sa mga tao. At upang tunay na umiral ang demokrasyang ito, nararapat lamang kumilos ang masa, pagkat "Ang kapangyarihan ay nasa sambayanan. Dahil dito, karapatan ng sambayanan na labanan at ibagsak ang isang mapang-api, mapagsamantala, at bulok na rehimen sa paraang alinsunod sa mga prinsipyo ng makataong karapatan." - mula sa Artikulo 15 ng Deklarasyon ng Karapatang Pantao at Pansambayanan ng Pilipinas ng 1993.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento