Banaag at Sikat ni Lope K Santos, unang nobelang sosyalista sa Pilipinas
ni Greg Bituin Jr.
Nabili ko rin sa wakas kanina (Hulyo 4) sa National Book Store sa Katipunan Avenue ang librong Banaag at Sikat ni Lope K. Santos. Mabuti na lamang at may pera ako.
Noong 2005 ko unang nalaman ang hinggil sa nasabing aklat nang talakayin ito ni Gng. Teresita Maceda sa kanyang librong “Mga Tinig Mula sa Ibaba”, at isinulat ko naman ito sa pahayagang Obrero noong 2006, nang mag-sentenaryo ang nobelang ito. Ayon kay Gng. Maceda sa kanyang aklat, ang Banaag at Sikat ni Lope K. Santos ang kauna-unahang nobelang sosyalista sa bansa na tumatalakay sa tunggalian ng uri sa pagitan ng puhunan at paggawa. Bagamat ang balangkas ng buong nobela ay pag-iibigan ng dalawang pares na magkakaibigan, napakaraming talakayan hinggil sa usaping panlipunan, puhunan at paggawa. Mula noon ay nagkainteres na akong magkaroon ng kopya nito. Naghanap ako ng kahit lumang kopya nito sa kahabaan ng book shops sa Recto Avenue sa Maynila, at sa iba’t iba ring bookstore, ngunit hindi ako nakakuha kahit man lamang punit-punit na o lumang kopya ng Banaag at Sikat. Ayon pa sa mga nakausap ko, out-of-stock ang Banaag at Sikat, at ito ang karaniwang sagot ng mga pinagtanungan ko. May isang kakilala rin akong publisher na may sariling koleksyon ng mga libro sa kanyang library sa bahay nila, ngunit wala ring kopya ng Banaag at Sikat ni Lope K. Santos. Lumipas ang 2007 ngunit hindi pa rin ako nakakuha ng kopya nito. Kahit sa pagsasaliksik ko sa filipiniana.net na naglathala sa internet ng 100 nobelang tagalog ay hindi kabilang doon ang Banaag at Sikat ni Lope K. Santos.
Nitong Abril, 2008, nanawagan ako sa ilang mga kaibigan kung meron silang librong Banaag at Sikat ni Lope K. Santos at nais ko itong hiramin upang ipa-xerox at upang mabasa ko naman ang kabuuang aklat. May dalawang nagsabi na nakahiram sila ng aklat sa library ng kanilang eskwelahan. Ang isa’y si Beverly Siy (aka Ate Bebang) na pinahiram ako ng libro nang magkita kami sa isang poetry workshop sa UP, at ang isa naman ay si Liberty Talastas, isang social worker. Hindi ko na nakita pa yung hawak na libro ni Liberty dahil napahiram na ako ni Bebang ng libro na hiniram din niya sa UST library. Ngunit pagkalipas ng isang linggo ay isinauli ko agad ito dahil yun ang usapan upang maisoli rin niya ito sa UST library. Hindi ko na napa-xerox ang buong libro dahil sa kakapusan ng salapi. Nang magkausap naman kaming muli ni Liberty ay naisoli na rin niya dahil isang linggo rin niya iyong hiniram. Ang tanging nagawa ko noong nasa akin pa ang aklat ay i-retype sa computer ang pambungad ng nasabing aklat, at tumatalakay sa nobela bilang Novela Socialista, at ito’y inilagay ko sa isang blog na makikita sa:
Ang nasabi ko kay Bebang nang muli kaming magkita, dapat na mailathala muli ang aklat na Banaag at Sikat upang mabasa ng mga manggagawang Pilipino, at kulang-kulang tatlong buwan makalipas ay heto’t inilimbag na ng Anvil Publishing ang aklat na ito. Ngayong 2008 ang ikalimang paglilimbag nito. Una’y noong 1906, ikalawa’y 1959, ikatlo’t ikaapat ay 1988 at 1993.
Parang sinabi ni Bebang sa pabliser na i-publish agad itong Banaag at Sikat ni Lope K. Santos dahil ito’y klasiko na bilang natatanging nobelang Pilipino hinggil sa manggagawa, sosyalismo at lipunan. Gayunman, maraming salamat kay Bebang, na siya ring nahalal na pangulo ng LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo), na isang kilalang poetry group sa buong bansa.
Nitong Hulyo, sa isang miting namin sa pahayagang Obrero, ipinakita sa akin ng aming editor-in-chief na nakabili na siya ng librong Banaag at Sikat ni Lope K. Santos. Sa tuwa ko’y binalak ko agad itong bilhin kinabukasan, ngunit isang araw pa ang lumipas bago ko ito nabili. Kung noong unang makahiram ako ng aklat ay hindi ko ito napa-xerox dahil sa kawalan ng salapi, ngayon ay nabili ko agad ang aklat sa pamamagitan ng huling allowance ko sa aking pinaglilingkurang organisasyon, huling allowance na dahil sa kakulangan na ng pondo ng organisasyon.
Ang Banaag at Sikat (1906) ni Lope K. Santos, itinuturing na unang nobelang sosyalista sa bansa at siya ring itinuturing na bibliya ng manggagawang Pilipino nuong kanyang kapanahunan, ay nagkakahalaga lamang ng P250.00. Ang isyung nabili ko ang siyang ikalimang paglilimbag ng aklat, habang ang nahiram kong libro noong Abril ay siyang ikalawang paglathala. Nakita ko ang pagbabago sa disenyo ng cover, at tila mas makapal ang nahiram ko, dahil na rin sa kapal ng papel na ginamit, mga isa’t kalahating dali (1 ½”), habang ang nabili ko ngayon ay isang dali (1 inch) lamang ang kapal. Umaabot ito ng 588 pahina.
Naghahanda na ako para mabasa ko ito ng buo sa isang tahimik na lugar, mga isang linggo marahil muna ako sa probinsya. Kaugnay nito, balak kong gumawa ng book review, at isang mahabang pagsusuri sa aklat na ito.
O, pano, mga kaibigan at kasama. Bili na rin kayo ng kopya nyo ng Banaag at Sikat ni Lope K. Santos, at mataman itong basahin. Hindi ito dapat mawala sa inyong sariling library. Ito’y isa na ring collectors item. Maraming salamat sa lahat.
- greg
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento