KAILANGAN BA NG PERMIT PARA MAKAPAGPAHAYAG?
ni Greg Bituin Jr.
Nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 10, Oktubre 16-31, 2003, pahina 7
Ang pagpapahayag ng anumang saloobin, damdamin o opinyon ng isang tao ay karapatan ng bawat isa. Kalalabas pa lang nila sa tiyan ng kanilang ina ay tinatamasa na ng sinuman ang mga karapatang ito. Ayon sa Artikulo 3 (Bill of Rights), Seksyon 4 ng Saligang Batas ng Pilipinas ng 1987: "No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press, or the right of the people peaceably to assemble and petition the Government for redress of grievances." Hindi dapat magpatibay ng batas na nagbabawas sa kalayaan sa pananalita, pagpapahayag, o ng pamamahayagan, o sa karapatan ng mga taongbayan na mapayapang magkatipon at magpetisyon sa pamahalaan upang ilahad ang kanilang mga karaingan.
Ang pagpapahayag tulad ng pagrarali o mobilisasyon ay ating karapatan pagkat ginagarantiyahan ito ng Konstitusyon. Isa pa ang pagrarali ang paraan ng karamihan upang maipaabot ang kanilang karaingan at mensahe sa mga kinauukulan, lalo na't ito'y nakakaapekto sa pang-araw-araw na pamumuhay. Sa rali ay naipapaabot natin ang ating pananaw at paninindigan hinggil sa mga nangyayari sa lipunan. Kahit na ang pago-OD (Operation Dikit), OP (Operation Pinta) ay bahagi ng pagpapahayag ng mamamayan. Hindi ba't ang MMDA Art ay hindi ipinagbabawal gayong pagpipinta rin ito sa pader?
Gayunpaman, nais ng ilang nasa kapangyarihan na sagkaan ang mga karapatang ito. Katunayan, ilang beses na nating narinig na kailangan daw ng permit kung magsasagawa ng rali o mobilisasyon. Ang pagrarali o mobilisasyon ay pagpapahayag ng maraming tao ng sabay-sabay. Pagkat maaaring hindi pansinin o kaya'y balewalain lamang ng kinauukulan ang reklamo ng isang tao. Tulad na lamang ng rali laban sa PPA (purchased power adjustment) noong isang taon. Kung isang tao lang ang aangal, papansinin kaya? Ngunit kung pagsasama-samahin ang mga taong aangal sa mga pahirap na patakaran, sa porma ng rali o mobilisasyon, tiyak na ito'y papansinin.
Isa pa, paano magagarantiyahan ng mga kukuha ng permit na mabibigyan nga sila nito, kung ang hihingan ng permit ay may kinikilingan? Bibigyan kaya ng permit ang mga nagrarali laban sa patakarang globalisasyon o kaya'y gyerang agresyon ng mga Kano? Marami ang natatakot sa rali dahil daw kailangan pa nito ng permit at pag walang permit ay di papayagang magrali, at maaaring hulihin at ikulong. Kinakailangan pa ba natin ng permit para makapagsalita? Kinakailangan pa ba natin ng permit para maipahayag natin ang ating saloobin? Kinakailangan pa ba natin ng permit para sabihin sa gobyernong ito na apektado ang mamamayan sa mga mali nilang patakaran? Kinakailangan pa ba nating kumuha ng permit para tamasahin natin ang mga karapatang ginagarantiyahan ng Konstitusyon? Sa madaling salita, ang permit ay paraan lamang nila upang busalan ang ating karapatang magpahayag.
"No law shall be passed," ibig sabihin, walang batas na dapat isagawa kung sasagka sa ating karapatang magpahayag. Kung ganoon, labag mismo sa Konstitusyon ang anumang paraan ng pagpigil sa ating karapatan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento