REBOLUSYON SA PANITIKAN
ni Greg Bituin Jr.
Nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 18, Nobyembre 2004, pahina 11
Ano nga ba ang saysay ng mga panitikan, tulad ng nobela, maikling kwento, sanaysay at tula, sa pagbabago ng lipunan? Sabi ng iba, pawang kathang-isip lamang ang mga nobela, maikling kwento, sanaysay at tula, kaya wala itong maitutulong at silbi sa pagbabago ng lipunan, lalo na sa rebolusyon. Totoo nga ba ito? Magsuri muna tayo bago tumalon sa kongklusyon.
Hindi dahil ito'y panitikan, ito'y kathang isip lamang. Ayon kay national artist Nick Joaquin sa kanyang sanaysay na Journalism versus Literature?, tapos na ang panahon na nagbabanggaan ang pamamahayag (dyornalismo) at panitikan (literatura), pagkat maaari namang magsagawa ng sulating dyornalista sa paraan ng malikhaing pagsusulat, at magsagawa ng malikhaing pagsusulat sa paraang dyornalista.
Ang pagkamalikhaing ito'y tumutukoy sa kung paani isusulat ng may-akda sa kaiga-igayang paraan ang mga nangyayari sa lipunan. Ibig sabihin, ang diin ay nasa anyo ng pagkakasulat, hindi sa kathang isip. Katunayan, maraming panitikan sa kasaysayan ang nagbukas ng isipan ng mamamayan sa mga pagbabagong kailangan ng lipunan. Noong panahong sinauna, ang panitikan ang isa sa pinaka-epektibong paraan ng pagkokomento sa lipunan at sa pagpoprotesta laban sa inhustisya.
Ginamit ng mga tao noon ang panitikan upang punahin ang mga maling kalakarang umiiral, tulad ng Mga Pabula (600-560 BC) ni Aesop, na bagamat gumamit ng mga hayop sa kanyang mga kwento, ay may mga aral na naibibigay ito. Nariyan din ang sanaysay na On The Republic (51 BC) ni Marcus Tullius Cicero na naging inspirasyon nina George Washington noong 1776 upang palayain ang Amerika sa kamay ng Britanya. Ang nobelang Uncle Tom's Cabin (1851-52) ni Harriet Beecher Stowe ay nakapagmulat sa mga mamamayang Amerikano laban sa kasamaan ng sistemang pang-aalipin. Namatay si Stowe noong 1896 na nakitang naalis na ang pag-aari ng alipin sa Amerika. Ang nobelang The Jungle (1906) ni Upton Sinclair ay nakatulong upang hilingin ng publiko sa gubyerno ang pag-inspeksyon sa mga pagkaing itinitinda sa mga palengke. Inilantad naman ng nobelang Grapes of Wrath (1939) ni John Steinbeck ang mga nangyaring kawalang katarungan at pang-aabuso sa mga migranteng manggagawa noong panahon ng Great Depression sa Amerika. Ang Grapes of Wrath ay nanalo ng National Book Award at ng Pulitzer Prize, at isinapelikula noong 1940. Ang nobelang To Kill a Mockingbird (1960) ni Harper Lee ay isa sa mga nagpaapoy ng damdamin ng masa, kaya't naorganisa't napalakas ang civil rights movement sa Amerika noong 1960s.
Sa ating bansa, nariyan ang mahabang tulang Florante at Laura ni Francisco Balagtas, na sinasabing isang alegorya hinggil sa kalagayan ng bansang Pilipinas sa ilalim ng mga Kastila. Katunayan, napapanahon ang maraming saknong sa Florante at Laura, tulad ng:
Sa loob at labas ng bayan kong sawi
Kaliliha'y siyang nangyayaring hari
Kagalinga't bait ay nalulugami
Ininis sa hukay ng dusa't pighati
(Pagnilayan ninyo ang saknong na ito, at alalahanin ang fiscal crisi ngayon, ang korupsyon sa gobyerno't militar, mga bagong buwis na pahirap na naman sa taumbayan, atbp.)
Iminulat naman ni Jose Rizal ang mata ng ating mga kababayan sa dalawang nobelang Noli Me Tangere (Marso 29, 1887) at El Filibusterismo (Marso 29, 1891) hinggil sa pang-aapi ng mga mananakop na Kastila. Dahil dito'y naitatag ang Katipunan noong Hulyo 7, 1892, apat na araw matapos itatag ni Rizal ang La Liga Filipina. Dahil sa mga nobelang ito, nagalit ang mga Kastila't paring Katoliko kay Rizal, kaya't ginawaran siya ng kamatayan noong Disyembre 30, 1896.
Kung paano at saan nagtapos ang El Filibusterismo ay doon naman nagsimula ang nobelang Mga Ibong Mandaragit ni national artist Amado V. Hernandez. Lumabas ang nobelang ito sa panahon ng Kano, na naglantad ng kabulukan ng pamahalaan sa ilalim ng pamamalakad ng mga Amerikano sa Pilipinas. Ang nobelang Luha ng Buwaya ni Hernandez ay nagmulat naman hinggil sa kalagayan ng mga maralita upang magkaisa at ipaglaban ang kanilang mga karapatan. Ang nobelang Banaag at Sikat (1906) ni Lope K. Santos ang itinuturing na unang nobelang proletaryo sa bansa at nakatulong sa pagmumulat ng mga manggagawa.
Ngunit sa ngayon, bihira na ang nalilikhang ganitong tipo ng babasahin. Kahit na sa Liwayway na sinasabing pangunahing lunsaran ng mga bagong manunulat ay hindi naglalathala ng panitikang humihiyaw ng pagbabago ng bulok na sistema.
Kaya ito ang bagong hamon sa mga bagong manunulat ngayon: Ang makalikha ng mga bagong panitikang gigising sa diwa ng mga inaapi at makumbinsi silang baguhin ang bulok na sistema ng lipunan, tulad o higit pa sa impact ng Noli at Fili. Dapat makalikha ng panitikan na ang diin ay sa papel ng uring manggagawa na uugit ng bagong kasaysayan.
Kaugnay nito, isang panimula ang inilunsad na Workers' Art Festival noong Oktubre 1, 2004, lalo na sa talakayan sa palihan ng panulaan. Isa itong hakbang upang ang mga nakatagong kakayahan sa pagsusulat ay malinang pa, lalo na kung ito'y tuluy-tuloy, at ang mga interesado ay palaging nag-uusap-usap sa layuning gamitin ang panitikan sa pagmumulat ng mamamayan laban sa kabulukan ng naghaharing kapitalistang sistema.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento