Lunes, Mayo 26, 2008

Pagninilay - desaparecido sa 24th IB ng army

Pagninilay sa lakad sa 24th IB ng army hinggil sa mga desaparecidos

Bilang pakikiisa sa International Week of the Disappeared, ilan sa amin ang sumama sa pagpunta sa kampo ng 24IB sa Samal, Bataan ngayong araw. Kabilang sa mga sumama ang mga kasapi ng Families of Victims of Involuntary Disappearance (FIND), Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), Task Force Detainees of the Philippines (TFDP), Sanlakas, Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Commission on Human Rights (CHR), Samahan ng mga Anak ng mga Desaparecidos (SAD), Fr. Lauro ng Bataan, Balay, at mga abogado ng Free Legal Assistance Group (FLAG). Binigyan kami ng t-shirt na ang nakasulat sa harapan ay “Bawal Magwala, Penalize Enforce Disappearance” habang ang nakatatak sa likod ay FIND at ang kahulugan nito. Ikinabit naman sa walong sasakyan ang mga tarpouline na ang nakasulat ay “Enact an Anti-Disappeance Law, Now!”

Umalis kami ng Bantayog sa Quezon Avenue bandang ika-8:30 ng umaga. Dumating kami ng San Fernando, Pampanga bandang ika-10 at nagkaroon ng pagtanggap at munting programa sa bulwagan ng hall. Ang programa’y pinangunahan ng pagsasayaw ng grupong SAD sa himig ng awiting “Bathala” ni Joey Ayala.. Kasunod nito’y nagsalita ang pangulo ng FIND na si Gng. Nilda Sevilla (kapatid ni Ka Popoy), si Mayor Rodriguez at ang kanyang Bise-Alkalde. Bandang alas-12 na ay naglakbay na kami. Kumain kami sa nadaanang karinderya (naubusan pa nga ng kanin dahil nabigla yung may-ari ng karinderya sa dami namin). Pagkakain ay naglakbay muli kami, at dumating sa 24IB bandang 1:45 pm. Naroon na ang taga-GMA7 at nag-interview. Pumasok naman ang inspection team mula sa FIND, PAHRA, TFDP, CHR at FLAG, at si Dorina Paras na ang asawa ay dinukot umano ng military. Sinalubong sila ng isang Col. Lapinid na umano’y namumuno sa kampong iyon.

Hinintay namin ang paglabas ng inspection team na tumagal din ng ilang oras, habang kami naman sa labas ay may mga hawak na plakard at mga litrato ng iba pang nawawala o biktima ng sapilitang pagkawala. Habang naroroon kami ay may umaaligid na kulay-blue na kotse, tinted ang salamin, na hinala ng iba’y intelligence ng militar. Sa malayo ay tumigil ang sasakyan at lumabas ang isang malaking tao na mayhawak ng video camera pero sa malayo lamang siyang kumuha. Bandang ika-5 na ng hapon nang lumabas ang inspection team. Sa kanilang ulat, tanging ang nakasulat lamang sa inspection order ang pinuntahan ng inspection team, at ang ibang bahagi na wala sa order ay di na pwedeng pasukin. Mga nasa 2-ektarya umano ng kampo ang kanilang nilibot. May bahagi umano ng kampo na ibang batalyon o yunit ng militar na pala ang maysakop kaya di pwedeng inspeksyunin. Meron ding isang kwarto doon na wala yung maysusi, pero pinilit ding buksan bilang pagtalima sa inspection order.

May ilang mga kumento ang ilang kasama doon. Sa writ of amparo, may letter at schedule, kaya pwedeng kung naroon nga iyong taong hinahanap ay naitago na nila iyon dahil nga parating ang inspection team ng human rights. Kaya may butas pa rin daw yung writ of amparo.

Bumyahe kami bandang ika-5:30 ng hapon, at nakabalik kami ng Maynila bandang ika-8 ng gabi.

Upang madagdagan ang inyong kaalaman sa detalye ng kampanyang ito, mangyaring basahin ang ipinamigay naming polyeto na ang nilalaman ay ang mga sumusunod (nire-type ko para mabasa ninyo):

SA OKASYON NG PANDAIGDIGANG LINGGO PARA SA MGA DESAPARECIDO

Sila ay dinudukot sa gitna ng gabi o maging sa kasikatan ng araw, kadalasan ng mga nakatalukbong na pulis o militar na kailanma’y hindi umaamin sa karumal-dumal na pagsasagawa ng sapilitang pagkawala. Ang paghahanap ng pamilya sa kanilang mahal sa buhay ay nasasagkaan ng patuloy na pagtanggi at pagtago ng kinaroroonan at kapalaran ng mga biktima.

Ang mga nawawala ay bihirang lumilitaw ng buhay. Ang ilan ay natatagpuang patay o nabubungkal ang mga labi sa mga libingang walang pangalan. Ang ilan ay magkakasamang itinambak sa iisang hukay. Karamihan ay hindi pa natatagpuan hanggang ngayon. Sila ang mga desaparecido.

Buhay o patay, lahat ng biktima ng sapilitang pagkawala ay may mga nakakikilabot na kwento ng labis-labis na pagpapahirap habang ang patuloy na kawalan ng katiyakan sa sinapit ng nawawala ay siya namang labis na nagpapahirap sa kanilang pamilya.

Bilang pandaigdigang kampanya upang wakasan ang karima-rimarim na sapilitang pagkawala, ang mga pamilya, kamag-anak at kaibigan ng mga desaparecido kasama ng mga tagapagtanggol ng karapatang pantao ay inilulunsad ang Pandaigdigang Linggo ng mga Desaparecido o International Week of the Disappeared (IWD) tuwing huling lingo ng Mayo.

Upang masimulan ang kampanyang IWD, ang Koalisyon Laban sa Sapilitang Pagkawala o Coalition Against Involuntary Disappearance (CAID) sa Pilipinas ay sasamahan ang lupon na mag-iimpeksyon sa 24th Infantry battalion (IB) ng AFP sa Samal, Bataan ngayong umaga, ika-26 ng Mayo 2008. Ang inspection order ay resulta ng writ of amparo na isinampa ni Dorina Paras, isang rebel returnee mula sa Samal, Bataan. Ang kanyang asawa, si Tomas Paras, na isa ring rebel returnee ay nawawala mula pa noong ika-13 ng Oktubre 2005.

Sa paghangad ng tahimik na buhay kasama ang kanilang mga anak, ang mag-asawang Paras ay nagdesisyong sumailalim sa programang amnestiya ng gubyerno. Pormal silang sumurender noong ika-10 ng Disyembre 1997. Ngunit noong Abril 2005, nadismaya ang mag-asawa nang malaman nila mula sa 24th IB ng Philippine Army sa Palili, Samal, Bataan detachment na kasama pa rin sila sa order of battle ng army. Makalipas ang anim na buwan, sapilitang kinuha si Tomas mula sa kanilang kubo ng isang grupo ng mga sundalo na naiulat na pinangungunahan ni Staff Sergeant Elizaldo Bete, na noon ay kumander ng 24th IB detachment.

Kinumpirma ng kasong Para sang suspisyon ng mga kritiko ng programang amnestiya ng gubyerno na ang programang ito ay isa lamang paraan upang sugpuin ang makakaliwang pwersa. Ang Proklamasyon Blg. 1377 ni GMA na nag-aalok ng amnestiya sa mga komunista ay tiyak na papalpak bilang instrumento ng kapayapaan hanggang hindi tinutugunan ng pamahalaan ang ugat ng armadong pakikibaka – ang malaking agwat sa distribusyon ng kita at kayamanan na nagbubunsod ng kahirapan, kagutuman at kakulangan sa kaalaman na pawing nagdudulot ng kawalang-laban at pagsasantabi sa mga dukha at kapus-palad.

Tinaya ng mga desaparecido ang kanilang buhay at kalayaan sa kanilang pakikipaglaban upang mawala ang agwat sa pagitan ng mayaman at makapangyarihan, at ng mahirap at naghihikahos, sa kanilang pakikibaka upang magkaroon ng pangmatagalang kapayapaang nakaugat sa katarungang panlipunan at pananaig ng batas.

Upang protektahan ang mamamayan laban sa pagkait ng buhay at kalayaan, at upang wakasan ang kawalan ng kaparusahan sa mga maysala, nananawagan ang CAID para sa kagyat na pagpasa ng batas na nagpaparusa sa sapilitang pagkawala at para sa pamahalaan na agarang pirmahan at ratipikahan ang International Convention for the Protection of All Persons from Enforce Disappearance.

Ika-26 ng Mayo 2008

Lunes, Mayo 19, 2008

BUKREBYU: Ang Das Kapital ni Marx

ANG DAS KAPITAL NI MARX
ni Greg Bituin Jr.

Ang DAS KAPITAL ang isa sa pamana sa atin ng rebolusyonaryong si Karl Marx. Ito ay isang malalimang pag-aaral sa pulitika't ekonomya na sinulat ni Marx at inayos naman ang ilang bahagi nito ni Friedrich Engels. Nilatag din nito ang kritikal na pagsusuri sa kapitalismo, at ang praktikal na aplikasyon nito sa ekonomya. Nalathala ang unang tomo nito noong 1867.

Dito sa bansa, mangilan-ngilan lamang ang mayroong aklat na ito, ngunit nakasulat pa sa Ingles. At bihira rin ito sa mga bookstore. Mahirap din itong unawain agad, dahil sa malalalim na termino. Nararapat lang itong isalin sa sariling wika at isulat ng mas magaan upang mas maunawaan pa ito ng manggagawang Pilipino. Gayunman, ang librong "Puhunan at Paggawa" ni Ka Popoy Lagman ay maganda nang panimula upang maunawaan ng manggagawang Pilipino ang Das Kapital ni Karl Marx. Binabalak ng Aklatang Obrero Publishing Collective, na naglathala ng Puhunan at Paggawa, na isalin sa sariling wika ang Das Kapital, ngunit tiyak na ito'y kakain ng malaking panahon, marahil ilang taon, bago ito matapos.

Inilathala ni Marx ang unang tomo ng Das Kapital noong 1867, ngunit namatay siya bago niya matapos ang ikalawa at ikatlong tomo na naisulat na niya. Ito'y inayos naman ng kanyang kaibigang si Friedrich Engels at inilathala ito noong 1885 at 1894, kung saan nakasulat pa rin sa mga orihinal na pabalat ng ika-2 at ika-3 tomo ang pangalan ni Marx bilang may-akda.

Sa Das Kapital, hindi isinulat ni Marx ang isang teorya ng rebolusyon kundi ang teorya ng krisis bilang kondisyon sa isang potensyal na rebolusyon. Ang mga krisis na ito, ayon kay Marx, ay nagmumula sa magkasalungat na karakter ng kalakal. Sa kapitalismo, napapaunlad ang materyal na yaman ng lipunan kasabay ng pag-unlad ng teknolohiya at pag-angat ng antas ng produktibidad, habang napapababa naman nito ang halaga ng yamang ito, kaya bumababa ang nakakamal na tubo - isang tendensyang tumutungo sa isang kakaibang sitwasyon, na karakter ng krisis ng kapitalismo, sa "kahirapan sa kabila ng kaunlaran", o sa madaling salita, krisis sa lagpas-daming kalakal sa kabila ng hindi ito magagamit ng lahat.

Sa paghahanda sa kanyang aklat, pinag-aralan ni Marx sa loob ng labindalawang taon ang mga literatura sa ekonomya sa panahon niya, lalo na doon sa British Museum sa London. Ibinatay ni Marx ang kanyang akda sa mga sulatin ng mga ekonomistang tulad nina Adam Smith, David Ricardo, John Stuart Mill, at Benjamin Franklin, ngunit inayos niya ang ideya ng mga ito, kaya ang kanyang aklat ay isang sintesis na hindi sumusunod sa mga palaisip na ito. Makikita rin sa kanyang aklat ang impluwensya ng dyalektika ni Hegel, at impluwensya ng mga sosyalistang Pranses na sina Charles Fourier, Comte de Saint-Simon, at Pierre Joseph Proudhon. Ipinakita ni Marx sa kanyang aklat na ang pag-unlad ng kapitalismo ang magiging batayan ng bagong sosyalistang moda ng produksyon, na naglatag ng syentipikong pundasyon para sa kilusang paggawa sa kasalukuyan.

* Nalathala ang artikulong ito sa pahayagang Obrero, Blg. 37, pahina 7, Mayo 2008

Sabado, Mayo 17, 2008

Hermenegildo Cruz: Biographer ni Francisco Balagtas, Lider-Manggagawa

Hermenegildo Cruz: 
Biographer ni Francisco Balagtas, Lider-Manggagawa
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maraming mahahabang tulang epiko ang Pilipinas, tulad ng Ibong Adarna, na hindi na nakilala kung sino ang maykatha. Kaya malaki ang dapat ipagpasalamat ng sambayanang Pilipino kay Hermenegildo Cruz upang makilala natin kung sino si Francisco Balagtas, ang makatang lumikha ng walang kamatayang Florante at Laura.

Noong 1906, isinulat, inilathala at ipinamahagi ni Hermenegildo Cruz ang kanyang maliit ngunit makapal na aklat na pinamagatang Kun Sino ang Kumatha nang “Florante”. Ito’y umaabot ng 220 pahina, kung saan ito ang siyang tangi at pinakamahalagang batayan ng buhay at sulatin ng kilalang makatang si Francisco Balagtas. Ang aklat na ito’y ibinenta ng Librería Manila Filatélico, na nasa Daang Soler sa Santa Cruz, Maynila.

Maraming mahahalagang detalye ang aklat na suportado ng mga opisyal na rekord, bagamat ang karamihan ay mula sa mga kwento at patunay mula sa mga indibidwal, anak, at kamag-anak ni Balagtas. Ang edisyon ni Cruz ng Florante at Laura ay inedit para sa kanya ng anak ni Balagtas na si Victor. Naroon din ang talaan ng mga kilalang komedya na kinikilalang sinulat ni Balagtas, at ang kanyang iba pang kinathang tula na binigkas niya sa malalaking piging. Pati na ang kanyang sayneteng La India Elegante y El Negrito Amante.

May mga malalalim na komentaryo din kay Balagtas at sa kanyang mga tula, at sa panitikang Tagalog at sa kultura sa kabuuan. Idinagdag pa ni Cruz na maunlad na ang kulturang Pilipino bago pa dumating ang mga Kastila kung ikukumpara sa pamantayan ng kanluran. Binigyang-diin pa ni Cruz ang mga sulatin ni Lewis Henry Morgan, isang US technologist na binabanggit ni Friedrich Engels sa kanyang aklat na Origin of the Family, Private Property and the State. Binanggit din ni Cruz si Antonio Morga na awtor ng Sucesos de las islas Filipinas na nalathala sa Mexico noong 1609.

Ayon kay Hermenegildo Cruz, unang nalathala ang Florante at Laura noong 1838, at mula noon hanggang 1906, labingdalawang edisyon na ang nalathala kung saan umabot ito sa 106,000 kopya (o maliit ng kaunti sa 9,000 kopya bawat edisyon).

Ipinanganak si Cruz noong Disyembre 31, 1880 sa San Nicolas, Binondo, Maynila mula sa mahirap na pamilya. Dahil sa kahirapan at maagang pagkamatay ng kanyang mga magulang, hindi siya agad nakapag-aral. Sa maagang gulang, nagtinda na siya ng tungkod, saranggola at dyaryo, habang sa gabi, nagsikap siyang mag-aral. Dahil sa kanyang pagsisikap, nakapagtrabaho siya bilang apprentice sa isang palimbagan, naging kompositor, proofreader, katulong ng manunulat, at sa kalaunan at naging isang manunulat.

Nakasama siya sa paglalathala ng La Independencia, ang rebolusyonaryong pahayagang pinamamatnugutan ni Heneral Antonio Luna, noong 1899. Nagsulat din siya ng iba’t ibang artikulo at editoryal sa mga pahayagang Tagalog at Kastila, kung saan ipinakita niya ang kanyang sigasig sa pagpapalaganap ng diwa ng kalayaan, pagtatama sa mga maling datos sa kasaysayan, at paglilinaw ng mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas.

Bilang tagahanga ng bayaning si Gat Andres Bonifacio, kanyang isinulat ang aklat na Kartilyang Makabayan noong 1922 bilang unang masinsinang pagtalakay sa kasaysayan ni Bonifacio at ng Katipunan. Kahit sa aklat na Kun Sino ang Kumatha nang Florante, nabanggit niya at ipinagtanggol si Bonifacio at ang Katipunan laban sa mga taong sumisira sa Rebolusyong 1896 at sa mahalagang papel na ginampanan ni Bonifacio.

Naging tagapagtatag at patnugot siya ng dalawang publikasyon sa mga unang taon ng pananakop ng mga Amerikano. Ito’y ang pahayagang Ang Mithi at ang magasing Katubusan. Magkasama rin sila ni Lope K. Santos sa serye ng mga artikulong sosyalista hinggil sa paggawa sa pahayagang Muling Pagsilang. Dito rin sa Muling Pagsilang nalathala ng serye noong 1905 ang unang nobelang sosyalista sa bansa, ang Banaag at Sikat ni Lope K. Santos, na naisaaklat noong 1906.

Isa siya sa mga tagapagtatag at naging kalihim ng Union Obrero Democratico (UOD) noong 1902. Isa siya sa mga alagad ni Isabelo delos Reyes, ang tinaguriang Ama ng Kilusang Paggawa sa Pilipinas, sa pagpapakalat ng diwang manggagawa sa bansa. Bilang isang tunay na lider-manggagawa, pinag-ukulan ni Hermenegildo Cruz ng buong panahon ang kilusang manggagawa sa Pilipinas. Inorganisa niya noong 1904 ang Union de Litografos y Impresores de Filipinas (ULIF). Siya rin ang unang pangulo ng Union de Impresores de Filipinas (UIF) na itinayo ni Crisanto Evangelista noong 1906. Noong Mayo 1, 1913, itinatag ang Congreso Obrero de Filipinas (COF), na siyang pinamalaking samahang manggagawa sa bansa ng panahong iyon, at unang pinamunuan ni Hermenegildo Cruz.

Bilang pagkilala sa kanyang mahahalagang ambag sa kilusang paggawa, naimbitahan siyang maglingkod sa pamahalaan at naitalaga bilang auxilliary Director of Labor noong 1918, naging interim Director of Labor noong 1922, at naging Director of Labor hanggang sa magretiro siya noong 1935. Pagkatapos noon, nagsilbi siya bilang technical adviser on labor matters kay Pangulong Manuel L. Quezon, at naging kinatawan din siya ng sektor ng paggawa sa National Sugar Board. Namatay siya sa Maynila noong Marso 21, 1943.

Mga pinaghalawan: (a) Chapter 1 ng aklat na Poet of the People: Francisco Balagtas and the Root of Filipino Nationalism, ni Fred Sevilla, at inilathala ng Philippine Centennial Commission; (b) aklat na Mga Tinig mula sa Ibaba ni Teresita Gimenez Maceda.

Huwebes, Mayo 15, 2008

Talambuhay ni Ka Amado V. Hernandez


KA AMADO V. HERNANDEZ
Lider-Manggagawa, Manunulat, Makata,
at National Artist for Literature

“Sa aking piita’y hindi pumupurol ang lumang panulat, / bawa’t isang titik, may tunog ng punlo at talim ng tabak.” — Amado V. Hernandez, “Bartolina”

Sinaliksik at sinulat ni Gregorio V. Bituin Jr.

ISA SIYA sa kinikilalang dakilang Pilipino ng ating bansa. Siya’y isang manunulat, nobelista, makata, lider-manggagawa, at bilanggong pulitikal. Siya ng kanyang asawang si Atang dela Rama ang isa sa dalawang mag-asawa na kinikilalang National Artist ng Pilipinas.

Bata pa siya ay kinakitaan na siya ng hilig sa pagsusulat. Nang lumaon ay naging tanyag siya sa larangang ito. Mula 1926 hanggang 1932, sinubaybayan ng marami ang kanyang kolum na “Sariling Hardin”. Noong 1929, hinamon siya ng kanyang kaibigang makata na si Jose Corazon de Jesus sa debate sa balagtasan. Ang kay de Jesus ay nakalathala sa pang-araw-araw niyang kolum na “Mga Lagot na Bagting ng Kudyapi” sa pahayagang Taliba, habang ang kay Ka Amado naman ay sa kolum niyang “Sariling Hardin” sa pahayagang Pagkakaisa. Tumagal nang mahigit isang buwan ang kanilang makasaysayang Balagtasan hinggil “sa lumang usapin ng lahi”. Makaraan ang sampung taon, muling inilathala ito sa pahayagang Mabuhay Extra ni Teodoro Agoncillo na siyang editor nito.

Bilang manunulat, marami siyang natanggap na gawad-pagkilala. Noong 1938, ang kanyang narrative poem na Pilipinas ay nanalo ng Commonwealth Literary Award. Ang kanyang nobelang Mga Ibong Mandaragit ay nanalo ng Balagtas Award mula sa Cultural Center of the Philippines (CCP). Noong 1962, ang koleksyon ng tula na Isang Dipang Langit ay nanalo ng Republic Cultural Heritage Award. Ang tulang-kasaysayan na Bayang Malaya ay nanalo ng Balagtas Award noong 1969. Ang kanyang nobelang Mga Ibong Mandaragit ay maituturing na pagpa-patuloy ng nobelang El Fili ni Rizal.

Bilang mamamahayag, nakasama siya sa nabuong Philippine Newspapers Guild (PNG) noong 1945, na umanib sa Congress of Labor Organizations (CLO). Naging pangulo si Ka Amado ng CLO noong 1947.

Sa kanyang pamumuno, pinangunahan ng CLO ang welga ng 2,600 mga mang-gagawa mula sa Manila Trading and Supply, Co., Canlubang Sugar Estate, Metram Gomtawco Sawmill, Republic Sawmill, atbp. Noong 1948, sa pangunguna muli ng CLO, nag-aklas muli ang mga mang-gagawa sa malalaking kumpanya tulad ng Philippine Refining Co., Benguet Consolidated Mines, Luzon Brokerage, atbp. Nagawa rin nito ang kauna-unahang “stay-in” strike sa Franklin Baker, isang kumpanyang Amerikano. Noong 1949, may 83 welgang naisagawa, kung saan sa taon ding ito inilunsad ang ikaapat na Kongreso ng CLO, na ang kanilang gi-namit na islogan ay “Manggagawa at Seguridad!” at “Ibagsak ang Imper-yalismo!” Noong 1950 ay nagwelga ang 38,000 manggagawa.

Ang kamalayang pampulitika ng manggagawang kasapi ng CLO ay nasustina sa kanilang binuong “Workers Institute” na pinamahalaan ng Komite sa Edukasyon, Impormasyon at Panana-liksik.

Dahil sa kanyang pagiging aktibo at pagtataguyod sa kapakanan ng mang-gagawa, noong Enero 26, 1951, hinuli at ikinulong si Ka Amado. Limang buwang inkomunikado si Ka Amado sa Camp Murphy (ngayo’y Camp Aguinaldo) bago naiharap ang pormal na sakdal sa kanya noong Agosto 1951 sa salang “rebellion complexed with other crimes”. Ibinaba ang hatol na nagkasala si Ka Amado kaya’y siya’y nakulong ng limang taon at anim na buwan. Palipat-lipat siya ng kulungan sa Muntinlupa, Camp Murphy, Camp Crame, Fort McKinley, at Panopio Compound. Sa kulungan niya isinulat ang kanyang koleksyon ng mga tula, ang “Isang Dipang Langit”.

Noong Hulyo 26, 1956, pansamantala siyang nakalaya sa bisa ng lagak (bail), at noong Mayo 31, 1964, si Ka Amado ay napawalang sala.

Mula 1958 hanggang 1961, nakatanggap siya ng apat na Palanca Awards sa kanyang mga isinulat na dula.

Noong 1965, dumalo siya sa kumperensya ng mga mamamahayag na Asyano sa Indonesia, at nalathala ang kanyang ulat hinggil dito sa Taliba, kung saan nanalo siya ng NPC-Esso Journalism Award. Noong 1966, dinaluhan naman niya ang Afro-Asian Writers meeting sa Tsina. 1966 din nang dumalo siya sa International War Crimes Tribunal sa London kung saan ipinagtanggol niya ang Pilipinas sa bintang na ang kanyang bansa ay isang “war criminal” sa Biyetnam.

Noong 1967, tumakbo siyang konsehal ng Maynila ngunit natalo. Nagsulat siyang muli at naging editor ng Ang Masa.

Si Ka Amado ay namatay sa atake sa puso noong Marso 24, 1970. Noong 1973, iginawad sa kanya ang karangalan bilang Pambansang Alagad ng Sining (National Artist for Literature) ng Pilipinas.

Ilan sa kanyang mga isinulat ay ito:
1. Bayang Malaya (Tulang Kasaysayan)
2. Mga Ibong Mandaragit (Nobelang Sosyo-Politikal)
3. Isang Dipang Langit (Koleksyon ng Tula)
4. Luha ng Buwaya (Nobelang Sosyo-Politikal)
5. Tudla at Tudling: Katipunan ng Tula 1921-1970
6. Langaw sa Isang Basong Gatas at Iba Pang Kwento
7. Magkabilang Mukha ng Isang Bagol at Iba Pang Akda

Martes, Mayo 13, 2008

Gat Andres Bonifacio, Sosyalista

Gat Andres Bonifacio, Sosyalista
ni Greg Bituin Jr.

Alam n’yo ba na kinilalang sosyalista si Gat Andres Bonifacio kahit ng mga banyaga? Ayon mismo sa Amerikanong si James Le Roy, isa sa mga awtoridad noong panahon ng Rebolusyong Pilipino: “Andres Bonifacio, an employee of a foreign business house in Manila, was the leading spirit of the Katipunan; gathering his ideas of modern reform from reading Spanish treatises on the French revolution, he had imbibed also a notion that the methods of the mob in Paris where those best adapted to secure amelioration for the Filipinos. His ideas where those of a socialist, and of a socialist of the French revolution type, and he thought them applicable to an undeveloped tropical country, where the pressure of industrial competition is almost unknown, and where with the slightest reasonable exertion, starvation may be dismissed from thought.”(Si Andres Bonifacio, kawani ng isang banyagang bahay-kalakal sa Maynila, ang siyang diwang namumuno sa Katipunan, nakuha niya ang mga kaisipan para sa pagbabago mula sa pagbabasa ng mga salaysay sa wikang Kastila hinggil sa rebolusyong Pranses, at naisip niyang ang mga paraan ng mga Pranses ang siyang nararapat para matiyak ang pagbuti ng kalagayan ng mga Pilipino. Ang kanyang kaisipan ay katulad ng isang sosyalista, at ng sosyalistang tipo ng rebolusyong Pranses, at naisip niyang ito’y lapat sa isang di pa maunlad na bansang tropikal, kung saan ang tindi ng kumpetisyon sa kalakal ay halos di pa nalalaman, at sa pamamagitan ng marahan at makatwirang paggigiit, ang kagutuman ay di na maisip.)

Hinggil sa “methods of the mob in Paris”, maaaring ang tinutukoy dito ni Le Roy ay ang naganap na Paris Commune ng 1871, na kinilala rin ni Karl Marx bilang “the finally discovered political form under which the economic emancipation of labour could take place”.

Biyernes, Mayo 9, 2008

“Bakit Sosyalismo?” ni Albert Einstein


“Bakit Sosyalismo?” ni Albert Einstein

Tinagalog ni Gregorio V. Bituin Jr.

Si Albert Einstein, isang kilalang aghamanon (scientist) sa buong mundo, ang siyang nahirang ng prestihiyosong Time magazine bilang “Person of the Century” noong Disyembre 1999.

Ipinanganak si Einstein noong 1879 sa Ulm, Germany. Nagtapos siya noong 1900 sa Swiss Federal Institute of Technology na may degree sa pagtuturo ng matematika at pisika. Noong 1905, lumabas ang kanyang unang tesis, ang Special Theory of Relativity, at ang kanyang pangalawang tesis, ang General Theory of Relativity, ay lumabas naman noong 1915. Noong 1921, napagwagian niya ang Nobel Prize sa Physics. Nalathala naman noong 1929 ang kanyang Unified Field Theory. Si Einstein ay may dalawang anak kay Mileva Maric, isa ring physicist.

Ang kanyang E=mc2 (energy equals mass times the square of the speed of light) ang itinuturing na pinakasikat na theorem sa larangan ng matematika’t agham at pangalawa lamang dito ang Phytagorean theorem.

Nang si Hitler ay napasakapangyarihan noong 1933, umalis si Einstein sa Germany, tumungo sa England, at sa United States kung saan doon na siya naglagi. Sinulatan niya noong 1939 si US President Roosevelt upang unahan ang Germany sa paggawa ng atomic bomb, bagamat hindi siya napasali sa research team na itinalaga para rito.

Noong 1937, napasali si Einstein sa mga grupong makakaliwa. Lantaran siyang nagsalita laban sa kapitalismo at sa konsentrasyon ng kapangyarihan sa iilan, at idiniin ang pangangailangan ng rebolusyonaryong pagpapatalsik ng kapitalismong sistema. Sinulat niya noong 1949 ang “Why Socialism?”, at nalathala sa Monthly Review sa US, kung saan ipinaliwanag niyang ang tanging paraan para sa sangkatauhan na malunasan ang salot na dulot ng kapitalismo ay ang pagyakap sa sosyalismo. Noong 1955, namatay siya sa Princeton Hospital sa New Jersey.

Narito ang salin mula sa Ingles ng “Why Socialism?” ni Einstein.



Nararapat ba na ang isang hindi naman eksperto sa mga isyung pang-ekonomya at panlipunan ay magpahayag ng kanyang mga palagay hinggil sa sosyalismo? Naniniwala ako pagkat maraming dahilan.

Unahin muna nating unawain ang katanungan mula sa punto de-bista ng kaalamang siyentipiko. Maaaring makitang walang esensyal na pagkakaiba sa pamamaraan sa pagitan ng astronomya at ekonomiko: ang pagtatangka ng mga aghamanon sa nasabing mga larangan na makadiskubre ng mga batas na katanggap-tanggap sa nakararami para sa limitadong grupo ng penomena upang ang kasalimuotan ng mga kaalamang ito ay mas madaling maunawaan. Pero sa reyalidad, may mga pagkakaiba ang mga pamamaraang ito. Ang pagkakadiskubre ng mga pangkalahatang batas sa ekonomiko ay naging mahirap dahil sa kalagayang makikita sa penomenang ekonomiko na kadalasang naaapektuhan ng maraming salik na mahirap pahalagahan ng magkahiwalay. Dagdag pa rito, ang mga karanasang natipon nang magsimula ang tinatawag na sibilisadong panahon ng kasaysayan ng tao – na siyang alam ng marami – ay naimpluwensiyahan ng malaki at natakdaan ng mga kadahilanang kung saan ay eksklusibo ang kalikasan ng ekonomiko. Halimbawa, karamihan ng mga mayor na estado sa kasaysayan ay nagmula sa pananakop. Itinalaga ng mga mananakop ang kanilang mga sarili, ayon sa batas at ekonomya, bilang mga probilehiyong uri sa bansang kanilang sinakop. Inagaw nila para sa kanilang sarili ang pagmomonopolyo ng pag-aari ng lupain at itinalaga ang kaparian mula sa kanilang antas. Ginawa ng kaparian, na siyang may kontrol ng edukasyon, na maging permanenteng institusyon ang pagkakahati sa uri at lumikha ng mga sistema ng kagandahang-asal kung saan ang mga kaasalang panlipunan ng mga tao, na karamiha’y di nakakaunawa, ay ginagabayan.

Ngunit ang pangkaraniwang tradisyon, masasabi ko, ay sa pangnakaraan; ni hindi natin tunay na napangibabawan ang tinatawag ni Thorstein Veblen na “baitang ng paninila” ng kaunlarang pantao. Ang napupuna nating pang-ekonomyang katotohanan ay kasama sa baitang na iyon at kahit na ang gayong mga batas na ating nahango roon ay hindi aplikable sa ibang baitang. Yayamang ang tunay na layunin ng sosyalismo ay ang tiyak na pananaig at pag-abante lampas sa baitang ng paninila ng kaunlarang pantao, ang agham-pang-ekonomya sa kasalukuyang kalagayan ay makapagpapaunawa kahit kaunti hinggil sa sosyalistang lipunan sa hinaharap.

Ikalawa, ang sosyalismo ay nakadirekta patungo sa panlipunan-pang-etikang layunin. Subalit ang agham ay di-makalilikha ng mga layunin, at munti man, iturong paunti-unti sa mga tao; ang agham sa kabuuan ay makapagbibigay ng mga paraan kung saan makakamit ang isang tiyak na layunin. Ngunit ang mga layuning ito ay inanak ng mga personalidad na may matayog at moral na hangarin at – kung ang mga layuning ito ay di inianak na patay, ngunit masigla at malusog – ay ginagamit at dinadala ng mga taong kahit papaano’y nauunawaan ang mabagal na ebolusyon ng lipunan.

Sa ganitong mga dahilan, dapat na nakabantay tayo na hindi maliitin ang agham at mga syentipikong pamamaraan kung ito’y mga katanungang nahihinggil sa suliraning pantao; at hindi natin dapat akalain na ang mga dalubhasa lamang ang may karapatang magsalita hinggil sa mga katanungang nakakaapekto sa pagkakaorganisa ng lipunan. Maraming tinig ang naninindigan hanggang ngayon na ang lipunan ng tao ay nagdaraan sa isang krisis, na ang istabilidad nito ay lubhang nasisira. Katangian ng isang sitwasyon na ang mga indibidwal ay nakararamdam ng pagwawalang-bahala o kaya’y salungat sa grupo, maliit man o malaki, kung saan sila kabilang. Para ilarawan ang ibig kong sabihin, pabayaan n’yong iulat ko ang isang personal na karanasan. Nito lamang nakaraan, tinalakay ko sa isang matalino at napakaayos na tao ang banta ng isa na namang digmaan, na sa aking palagay ay seryosong magsasapanganib sa sangkatauhan, at sinabi ko na tanging ang isang supranasyunal na organisasyon ang magbibigay-proteksyon laban sa panganib na yaon. Gayunman, ang aking panauhin, na napakamahinahon at presko, ay nagwika, “Bakit ba labang-laban ka sa pagkawala ng buong sangkatauhan?”

Alam kong sa nagdaang wala pang isang siglo, walang sinuman ang makapagsasalita ng ganito. Ito’y pahayag ng isang taong nagsikap ng walang pag-asang matamo ang isang balanse sa kanyang sarili at sa malaki ma’t maliit ay nawalan ng pag-asang magtagumpay. Ito ay pagpapahayag ng isang masakit na pamamanglaw at pag-iisa kung saan maraming tao ang nagsasakripisyo ngayon. Ano ang dahilan? May daan ba para makawala rito?

Napakadaling sabihin ang gayong mga tanong, ngunit mahirap sagutin ng may anumang antas ng katiyakan. Gayunma’y susubukan ko, sa abot ng aking makakaya, bagamat gising na gising ako sa katotohanang ang ating mga damdamin at pagsisikap ay kadalasang kabaligtaran at madilim at hindi ito maipahahayag sa madali at payak na mga pormula.

Ang tao, sa isa at magkasabay na panahon, ay mapag-isang nilalang at mapaghalubilong nilalang. Bilang mapag-isang nilalang, tinatangka niyang protektahan ang kanyang buhay pati na rin ang pinakamalalapit sa kanya, upang mabigyang-kasiyahan ang kanyang pansariling hangarin, at upang mapaunlad ang kanyang likas na abilidad. Bilang mapaghalubilong nilalang, ninanais niyang magkaroon ng pagkilala at pagtingin ang kanyang kapwa tao, makasali sa kanilang kasiyahan, aluin sa kanilang kalungkutan, at mapaunlad ang kanilang kalagayan sa buhay. Ang mga eksistensya lang nito’y pabagu-bago, kadalasang ang pagkakaiba-iba ng pagpupunyagi ang nagpapaliwanag sa natatanging panauhan ng isang tao, at ang kanilang ispesipikong kumbinasyon ang nagpapasiya kung gaano kahaba makakamit ng isang indibidwal ang panloob na balanse at makapag-ambag sa kagalingan ng lipunan. At maaaring ang relatibong kalakasan ng dalawang silakbong ito, sa prinsipal, ay ipinirmi ng mana. Pero ang personalidad na tuluyang lumabas ay hinubog ng kapaligiran kung saan nakita ng tao ang kanyang sarili habang siya’y umuunlad, sa kayarian ng lipunang kinalakhan niya, sa tradisyon ng lipunang yaon, at sa kanyang pagtatasa sa mga tanging tipo ng asal. Ang baliwag na kaisipang “lipunan” ay nangangahulugan sa isang indibidwal bilang kabuuan ng kanyang tuwiran at di-tuwirang relasyon sa kanyang mga kapanahon at sa mga tao ng naunang salinlahi. Ang indibidwal ay nakakapag-isip, nakararamdam, nagpupunyagi, at nakagagawa ng sarili; pero kadalasa’y nakadepende siya sa lipunan – ang kanyang pangkatawan, pangkaisipan, at pandamdaming kapanatilihan – na imposibleng maisip siya’t maunawaan ng labas sa balangkas ng lipunan. Ang “lipunan” ang nagbibigay sa tao ng pagkain, tahanan, gamit sa paggawa, wika, hubog ng kaisipan, at halos lahat ng nilalaman ng kaisipan; ang kanyang buhay ay naging ganap sa pamamagitan ng paggawa at mga nagawa ng milyun-milyong tao noon at ngayon na pawang natatago sa maliit na salitang “lipunan”. Kung gayon, isang katibayan na ang panananganan ng isang indibidwal sa lipunan ay isang likas na katotohanang hindi maaalis – katulad ng kaso ng mga langgam at bubuyog. Gayunman, habang ang kabuuang pamamaraan ng buhay ng mga langgam at bubuyog ay nakapirmi na sa mga maliliit na detalye sa pamamagitan ng maigting at katutubong simbuyo, ang panlipunang disenyo at rela-relasyon ng mga tao ay paiba-iba at madaling mabago. Ang memorya, ang kakayahang magkumbina, ang kakayahan sa pakikipagtalastasan ay nakagawa ng mga posibleng pag-unlad ng mga tao na naaatasan ng pangangailangang bayolohikal. Ang mga kaunlarang ito’y nahahalata sa mga tradisyon, institusyon, at organisasyon, sa panitikan, sa mga nagawang syentipiko at inhinyering, sa mga gawang sining. Ipinaliliwanag nito kung paano nangyari na, sa isang tiyak na malay, naiimpluwensyahan ng tao ang kanyang buhay at sa ganitong pamamaraan ang gising na kaisipan at kanaisan ay nakakabahagi.

Natatamo ng tao pagkasilang, at naman, ang saligang bayolohikal na masasabi nating nakapirmi na’t di maaalis, kasama na ang likas na pagnanasa na siyang katangian ng mga tao. Dagdag dito, sa kanyang buong buhay, natatamo niya ang saligang kalinangan na inampon niya mula sa lipunan sa pamamagitan ng pakikipagtalastasan at sa iba pang tipo ng impluwensya. Ang saligang kalingangang ito, sa pagdaan ng panahon, ay maaaring magbago at makapagpapasiya sa karamihan ng kaugnayan sa pagitan ng indibidwal at ng lipunan.

Itinuro sa atin ng makabagong antropolohiya, sa pamamagitan ng pagkukumparang pagsisiyasat sa mga tinatawag na sinaunang kalinangan, na ang panlipunang gawi ng tao ay maaaring mag-iba ng malaki, depende sa nananaig na disenyong linang at mga tipo ng organisasyon na nananaig sa lipunan. Dito maaaring umasa ang mga nagpupunyaging mapaunlad ang maraming tao; hindi sinusumpa ang mga tao, nang dahil sa kanilang saligang bayolohikal, para mag-ubusan o kaya’y nasa awa ng pansariling kalupitang palad.

Kung tatanungin natin ang ating mga sarili kung paano ang kayarian ng lipunan at ang linang na ugali ng tao ay mababago upang ang buhay ng tao’y maging kasiya-siya hangga’t maaari, kailangang pirming maliwanag sa atin ang katotohanang merong tiyak na kalagayan na hindi natin mababago. Nabanggit kanina, ang bayolohikal na kalikasan ng tao, sa lahat ng mga praktikal na layunin, ay hindi maaaring mabago. Dagdag pa, ang mga pag-unlad na teknolohikal at demograpiko sa nakaraang ilang siglo ay nakagawa ng mga katayuang mananatili na rito. Sa mga relatibong masikip na populasyon na may mga kagamitang kailangang-kailangan para sa kanilang tuloy-tuloy na buhay, ang sukdulang hatian sa paggawa at isang napakamabungang kasangkapan ay lubos na kinakailangan. Ang panahong – kung babalikan ay parang napakapayapa – ay nawala nang tuluyan kapag ang mga indibidwal o ang mga magkakaugnay na maliliit na pulutong ay lubos na nakapagsasarili. Isa lamang munting pagmamalabis na sabihin na ang sangkatauhan ay nabubuo ngayon bilang pandaigdigang komunidad ng produksyon at konsumo.

Narating ko na ngayon ang puntong maipaliliwanag ko ng maigsi kung ano ang bumubuo sa esensya ng krisis ng ating panahon. Ito’y may kinalaman sa kaugnayan ng indibidwal sa lipunan. Mas namamalayan ngayon ng indibidwal na siya’y nakasandig sa lipunan. Ngunit di niya tinitingnan ang pagsandig sa lipunan bilang positibong bagay, bilang likas na ugnay, bilang lakas na panangga, kundi bilang pagtatangka sa kanyang likas na karapatan, o kaya’y sa kanyang pangkabuhayan. Dagdag pa, sa kanyang katayuan sa lipunan, pirming binibigyang-diin ang pagkaakong simbuyo ng kanyang balangkas, samantalang ang kanyang panlipunang simbuyo, na likas na mahina, ay tuluyang bumababa. Lahat ng tao, anuman ang kanyang katayuan sa lipunan, ay naghihirap mula sa proseso ng panghihina. Hindi namamalayang bilanggo sila ng kanilang sariling karamutan, nakararamdam sila ng kawalan ng kapanatagan, nag-iisa, at pinagkakaitan ng walang pagkukunwari, payak at di-sopistikadong kasiyahan sa buhay. Makatatagpo ang tao ng kahulugan sa buhay, maiksi man ito at mapanganib, sa pamamagitan lamang ng pag-uukol ng kanyang sarili sa lipunan.

Ang anarkiyang ekonomiko ng kapitalistang lipunan na nabubuhay ngayon, sa aking palagay, ang tunay na dahilan ng kapinsalaan. Nakikita natin noong una pa ang malaking komunidad ng mga manggagawa na ang mga kasapian ay walang tigil na nagpupunyagi upang kapwa magkait ng bunga ng kanilang kolektibong paggawa – hindi sa pamamagitan ng pwersa, kundi sa kabuuan ay sa katapatan sa pagsunod sa mga legal na ginawang alituntunin. Sa ganitong dahilan, mahalagang mapagtanto na ang mga kagamitan sa produksyon – na ibig sabihin, ang buong produktibong kakayahang kinakailangan para makagawa ng mga kasangkapang maipagbibili pati na mga dagdag na kasangkapang kapital – ay maaaring legal na, at sa malaking bahagi ay, pribadong pag-aari na ng indibidwal.

Sa pinakapayak, sa sumusunod na pagtalakay, tatawagin kong “manggagawa” ang mga hindi kasama sa pag-aari ng kagamitan sa produksyon – bagamat maaaring hindi ito makatugon sa palagiang gamit ng salita. Ang may-ari ng kagamitan sa produksyon ay nasa katayuang bilhin ang lakas-paggawa ng mga manggagawa. Sa paggamit ng mga kagamitan sa produksyon, nakakagawa ang manggagawa ng mga bagong produktong magiging pag-aari ng kapitalista. Ang pinakamahalagang punto hinggil sa ganitong proseso ay ang ugnayan sa pagitan ng ano ang nagagawa ng manggagawa at ano ang sa kanya’y ibinabayad, na parehong sinusukat sa pamamagitan ng tunay na halaga. Habang ang kasunduan sa paggawa ay “libre”, ang anumang natatanggap ng manggagawa ay matutukoy hindi bilang tunay na halaga ng produktong ginawa niya, kundi batay sa kanyang minimum na pangangailangan at sa pangangailangan ng kapitalista para sa lakas-paggawa kaugnay ng dami ng mga manggagawang nagpapaligsahang magkaroon ng trabaho. Mahalagang maunawaan na kahit sa teorya, ang kabayaran sa manggagawa ay hindi natutukoy sa halaga ng kanyang kalakal.

Ang pribadong kapital ay maaaring mapunta lang sa iilang kamay, bahagi nito’y dahil sa kumpetisyon ng mga kapitalista, at bahagi rin nito’y dahil din sa pag-unlad ng teknolohiya at ang paglaki ng hatian sa paggawa ay nag-aanyayang magbuo ng mas malaking pulutong ng paggawa na ang mga maliliit ang mas isinasakripisyo. Ang kinalabasan ng ganitong pag-unlad ay isang oligarkiya ng pribadong kapital na ang matinding lakas nito’y hindi epektibong masusuri kahit na ng pinaka-demokrasya’t organisadong lipunang pulitikal. Ito’y totoo dahil ang mga kasapi ng lehislatibong pulutong ay pinipili ng mga partidong pulitikal, malakihang pinipinansyahan o kaya’y naiimpluwensiyahan ng mga pribadong kapitalista, na ayon sa mga praktikal na layunin, ay inihiwalay ang mga botante mula sa kongreso. Ang kinahinatnan nito’y hindi sapat na naprotektahan ng mga kinatawan ng mga tao ang interes ng mga maralitang seksyon ng populasyon. Dagdag pa, sa ilalim ng kasalukuyang kalagayan, di maiiwasang kontrolin ng mga pribadong kapitalista, tuwiran man o di-tuwiran, ang pangunahing pinagmumulan ng impormasyon (ang pahayagan, radyo, edukasyon). Kaya sa sukdula’y mahirap, at sa maraming kaso’y tila imposible, para sa mga indibidwal na mamamayan na magkaroon ng obhetibong pasiya at magamit ng tama ang kanyang karapatang pulitikal.

Ang sitwasyong nananaig sa isang ekonomyang nakabatay sa pribadong pag-aari ng kapital ay naglalarawan ng mga pangunahing simulain: una, ang mga kagamitan sa produksyon (kapital) ay pag-aaring pribado at pinagpapasiyahan ito ng mga may-ari kapag tingin nila’y nararapat; ikalawa, libre ang kasunduan sa paggawa. Syempre, wala namang bagay na masasabing purong kapitalistang lipunan. Sa partikular, dapat na matanto nating ang mga manggagawa, sa pamamagitan ng mahaba at mapait na pakikibakang pulitikal, ay nagtagumpay na matiyak ang tila napabuting anyo ng “malayang kasunduan sa paggawa” para sa tiyak na kategorya ng manggagawa. pero sa kabuuan, ang kasalukuyang ekonomya ay halos hindi naiiba sa “purong” kapitalismo. Ang produksyon ay isinasagawa para tumubo, hindi para magamit. Walang probisyon na ang lahat ng may kakayanan at nagnanais magtrabaho ay laging nasa kalagayang makakuha ng trabaho; ang “hukbo ng mga walang trabaho” ay halos laging naririyan. Ang manggagawa’y sadyang may takot na mawalan ng trabaho. At dahil ang mga walang trabaho at ang mga may mababang sahod na manggagawa ay di nakapaglalaan ng pamilihang kumikita, limitado ang paggawa ng pangangailangan ng mga mamimili, at malaking paghihirap ang kinahinatnan nito. Ang pag-unlad ng teknolohiya madalas ay nagbubunga ng pagdami pa ng mga walang trabaho kaysa pag-alwan ng bigat ng trabaho para sa lahat. Ang hangaring tumubo, karugtong ng kumpetisyon ng mga kapitalista, ay maykapanagutan para sa kawalang-kapanatagan ng pagtitipon at paggamit ng kapital na tutungo sa lalong lumalalang pagsasalat. Ang walang hanggang kumpetisyon ay tutungo sa malaking pagkaaksaya ng paggawa, at siyang pipilay sa panlipunang kamalayan ng indibidwal na nabanggit ko kanina.

Ang pagkapilay ng indibidwal ay itinuturing ko bilang pinakamasamang pinsalang idinulot ng kapitalismo. Ang ating buong sistema sa edukasyon ay nagdurusa sa ganitong pinsala. Ang labis na pag-uugaling pakikipag-kumpetensya ay ikinintal sa isipan ng mga estudyante, na sinanay upang sambahin ang mapangamkam na tagumpay para sa kanyang paghahanda sa kanyang propesyon sa hinaharap.

Kumbinsido ako na may isang paraan lamang para mapawi ang mga malalang kapinsalaang ito, at ito’y sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang sosyalistang ekonomya, kaagapay ang isang sistema ng edukasyon na katanggap-tanggap tungo sa panlipunang hangarin. Sa gayong ekonomya, ang mga kagamitan sa produksyon ay pag-aari na ng buong lipunan at ito’y magagamit upang magkaroon ng planadong kaayusan. Sa isang planadong ekonomya, kung saan ibinabagay ang produksyon sa pangangailangan ng komunidad, ibabahagi ang mga gawaing dapat matapos doon sa mga may kakayahang magtrabaho at maggagarantiya ng kabuhayan sa bawat kalalakihan, kababaihan at kabataan. Ang edukasyon ng indibidwal, na dagdag sa paglinang ng sariling abilidad, ay magtatangkang mapaunlad sa sarili ang kamalayang pananagutan para sa kanyang kapwa sa halip na pagsamba sa kapangyarihan at tagumpay sa kasalukuyang lipunan.

Gayunman, nararapat tandaan na ang isang planadong ekonomya ay hindi pa sosyalismo. Ang planadong ekonomya kung gayon ay maaaring samahan ng kabuuang pagtitiwala ng indibidwal. Ang magagawa ng sosyalismo ay nangangailangan ng lunas sa ilang napakahirap na sosyo-pulitikang hangarin: paanong mangyayari, sa pananaw ng di-maabot na sentralisasyon ng pulitikal at ekonomyang kapangyarihan, na ang burukrasya ay mahahadlangan mula sa pagiging napaka-makapangyarihan at palalo? Paano mapoprotektahan ang mga karapatan ng indibidwal at mula roo’y matiyak ang isang demokratikong pambalanse sa kapangyarihan ng burukrasya?

Ang kalinawan hinggil sa mga adhikain at suliranin ng sosyalismo ay may napakalaking kahalagahan sa panahon ngayon ng transisyon. Mula noon, sa sitwasyon ngayon, ang malaya at di-nakatagong talakayan ng mga suliraning ito ay mahigpit na ipinagbabawal, kinukunsidera ko na ang pundasyon ng babasahing ito ay napakahalagang serbisyo sa masa. 30


Biyernes, Mayo 2, 2008

Gubyernong Ataul

Ang artikulo kong ito'y nakita kong muli sa yahoogroup ng Teachers Dignity Coalition (TDC) bilang message #22. Matagal ko nang hinahanap ang sinulat kong ito, pero nakita kong muli dahil sa internet. – greg

GOBYERNONG ATAUL
ni Greg Bituin Jr.

Masdan mo ang ataul. Napakakintab. Kumikinang sa bawat silaw ng liwanag. Ngunit alam natin kung bakit may ataul, at ano ang nakasilid dito.

Ataul – napakakinang ng labas ngnit nabubulok ang loob nito. Inuuod pagkat ang nakasilid dito’y nilalang na matagal nang napugto ang naghingalong hininga. Nilalang na hindi na muling mapagmamasdan ang kalikasang binaboy ng tao, ni mapakinggan ang mga panaghoy ng mga api. Ataul na nagbigay ng katahimikan sa dating pagal na katawan.

Ngunit nang nabubuhay pa ang nilalang na nahimlay sa ataul na ito, tiyak na napagmasid niya na ang gobyernong dati niyang kinabibilangan ay tila din isang ataul. Ang gobyernong napapalamutian ng naggagandahang mga pangako, papuri at pag-asa para sa mga maralitang naghihirap tuwing eleksyon, ngunit bulok at inuuod ang pamunuan dahil sariling interes lamang ang karaniwang iniisip. Nakakalimutan na ang mga ipinangako sa mga naghihirap niyang mamamayan.

Napakaraming magagandang pangako ang namutawi sa mga pulitikong sumumpang maglilingkod sa sambayanan. Mga pangakong gagawin ang ganito at ganoon para sa ikagiginhawa ng buhay ng mga naghihirap. Mga pangakong tutuparin umano nila kapag sila’y inihalal ng taumbayan. Kung ang intensyon nila sa bawat pangakong namumutawi sa kanilang bibig habang nangangampanya para sa darating na halalan ay makakuha ng mga boto, sana’y ang intensyon din ay hindi lamang hanggang sa araw ng botohan, kundi makatapos manumpa, ay gampanan ng mahusay ang mga tungkuling nakaatang sa kanilang balikat, at tuparin ang anumang ipinangako nila sa mga mahihirap hanggang sa matapos ang kanilang termino.

Ngunit kadalasan, ang bawat pangako’y tila laway lamang na tumilamsik at natuyo at naglaho. Madalas na sila’y nakalilimot sa kanilang mga ipinangako noong panahon ng kampanya. Nakakaligtaan na nila ang mga taong kanilang pinaasa. Nakakalimutan na rin nila na sila’y nakipag-usap at nangako sa mga tao sa isang pamayanang kanilang pinagkampanyahan. O baka naman ito’y sadyang kinakalimutan dahil tapos na naman ang halalan at sila’y nanalo na at naupo na sa pwestong kanilang pinakaaasam-asam.

Napakasakit lumatay ng mga pangakong ipinako. Nanunuot sa kalamnan. Lalo na sa maraming taong umasa at naghalal sa kanila. Ang bawat pangako’y tila isang laro na lamang ng mga pulitikong maykayang gastusan ang kanilang kampanya. Ang inakalang ginintuang mga pangako ay naging tanso ng mga walang buhay na mga salita. Sana’y hindi na lamang sila nangako.

At hindi lamang pangako, kundi ang mismong namamahala ay inuuod sa kabulukan. Ito’y dahil na rin sa katusuhan ng mga namumuhunan na ang nasasaisip ay kung paano babaratin ang lakas-paggawa ng mga obrero, at hindi pagbabayad ng tamang halaga ng lakas-paggawa. O kung paano aagawin ang mga lupang kinatitirikan ng bahay ng mga mahihirap at ipapangalan sa kanilang mga sarili. o di kaya’y kung paano sila kikita sa kanilang pailalim na transaksyon. Ang nasasaisip na ba ng mga pulitiko ngayon ay mas madali silang yayaman sa gobyerno kaysa sila’y magnegosyo? Imbes na maglingkod ng tunay sa taumbayang kanilang pinangakuan?

Ang mga salaping nakalaan para sa serbisyo ay naipambabayad pa sa utang panlabas na hindi naman napapakinabangan ng taumbayan. Ang mga salaping dapat ay nakalaan na para sa edukasyon, kalusugan, atbp., ay napupunta sa ibang gugulin, tulad ng pamasahe ng iba’t ibang mga pulitikong nangingibang-bansa upang manood lamang ang laban ng kababayang boksingero, o di kaya’y magliwaliw.

Halos ang mga nahahalal na pulitiko’y pulos nasa hanay ng mga mayayaman, mga pulitikong may-ari ng mga malalaki at maliliit na kumpanyang hindi nagbabayad ng tamang halaga ng lakas-paggawa. Mga pulitikong ang tingin sa maralita ay marurumi, mababaho at magnanakaw, gayong ang kadalasang napapabalitang nagbabalik ng mga malalaking salaping naiiwan sa airport, taxi, mall, at maging sa barangay ay pawang mga mahihirap. Wala pa akong narinig na mayamang nagsoli ng perang hindi kanya.

Kadalasan din, patong-patong ang buwis na ipinapataw sa naghihirap na mamamayan, habang ang mga malalaking kapitalista’y lagi silang nalulusutan. Kahit na sa sistema ng hustisya sa bansa, ang mga mahihirap ay agad na nakukulong sa pagnakaw ng isang tinapay dahil sa gutom, pero hindi agad maikulong ang mga nasa gobyernong nagnanakaw ng limpak-limpak na salapi mula sa kaban ng bayan.

Anong klaseng gobyerno ito na ang mga nahahalal upang maglingkod sa taumbayan ay sila pang nagsasamantala sa bayan? Ito ba’y kusang nangyayari sa mga nahahalal? O ito’y dulot na rin ng inuuod na sistema ng pamahalaan? Kung ito’y kusang nangyayari sa mga hinalal, ibig sabihin ay sadyang bulok ang sistemang umiiral pagkat nilalamon nito ang mga nilalang na pumapaloob dito. Sa madaling sabi’y sadyang walang mapapala sa ganitong uri ng gobyerno, sa ganitong uri ng sistemang inuuod sa kaibuturan. Ang mga pumapaloob dito’y tila pumapaloob sa kulungan ng mga baboy.

At kung inuuod na ang gobyerno gaya ng nasa loob ng ataul, dapat lang itong ihatid na sa huling hantungan. At ibaon sa kailaliman ng lupa upang di na ganap na mangamoy pa ang baho nito.

Tulad ng maraming inilibing na, ang inuuod na sistemang hindi karapat-dapat mahalin at gunitain ay dapat na ring kalimutan. Ang hindi lamang makalilimot dito’y ang ilang mga nilalang na nakinabang ng husto at kumapal ang bulsa. Sa ganap na pagkalibing ng bulok na sistema’y tiyak na may panibagong sisibol na kaiba kaysa sa inilibing. Ang bagong sibol na ito’y may dalang pag-asa dahil ito’y magiging totoong makatao, makatarungan, at may pagkakapantay-pantay.

At dito sa bagong sistema, titiyakin natin ang ganap na pagiging marangal nito, kung saan ang ating mga pinapangarap na pagbabago ay tuluyang mabubuo at ang kaunlaran ng lipunan ay mattamasa ng lahat ng walang pag-iimbot.

Oo, panahon na para ilibing ang inuuod na sistema lalo na ang bulok na gobyernong inanak at aanakin pa nito.

Oktubre 11, 1999, sa tanggapan ng Sanlakas, Calderon St., QC

Alamat ng Karit at Maso

ALAMAT NG KARIT AT MASO
ni Greg Bituin Jr.

“Sintalas ng karit sa pagsusuri sa lipunan. Sintigas ng maso ang paninindigan. Ganito ang katangiang dapat taglayin ng ating mga lider-manggagawa upang masiguro ang panalo ng rebolusyon.” – Ka Romy Castillo, BMP Vice-Chairperson

Bibihira ang pagkakataong makadaupang-palad ko at makakwentuhan, lalo na sa isang inuman, ang isang lider-manggagawa tulad ni Ka Romy. Kaya nang makainuman ko siya isang araw pagkatapos niyang mag-birthday nitong Abril, marami akong natutunan, tulad na lamang ng kanyang sinabing “Dapat na ang ating mga lider-manggagawa ay magkaroon ng katangiang sintalas ng karit sa pagsusuri sa lipunan at sintigas ng maso ang paninindigan.” Ito ang nag-udyok sa akin upang saliksikin ko ang pinag-ugatan ng simbolong karit at maso.

Ang karit ang siyang gamit ng mga magsasaka o pesante, habang ang maso naman ang siyang tangan ng mga manggagawang industriyal o proletaryado. Ang dalawang ito kapag pinagsama ay sumisimbolo ng pagkakaisa ng mga manggagawang industriyal at manggagawang agricultural. Mas nakilala ang simbolong karit at maso sa pulang bandila ng Unyong Sobyet, kasama ang pulang bituin. Ito’y ginamit din sa iba’t ibang bandila at sagisag.

Ang orihinal na karit at maso ay isang masong pakrus na nakapatong sa araro, na sumasagisag din sa pagkakaisa rin ng pesante at manggagawa. Ang karit at maso, bagamat ginagamit na noong 1917/18 ay hindi pa opisyal na simbolo. Noong 1922 lamang ito naging opisyal na sagisag nang gamitin ito ng Red Army at Red Guard sa kanilang mga uniporme, medalya, sombrero, atbp. Noong 1923, ang karit at maso ay iniukit na sa watawat ng Unyong Sobyet. Inilagay na rin ito sa 1924 Konstitusyong Sobyet, at ginamit na rin sa watawat ng mga republikang kasapi ng Unyong Sobyet pagkalipas ng 1924. Bago ito, ang mga watawat ng mga republika ng Sobyet ay payak na pula lamang, at nakaukit sa kulay ginto ang pangalan ng republika, na nakasaad sa Artikulo 90 ng 1918 Konstitusyong Sobyet.

Ayon sa ilang mga antropolohista, ang simbolong karit at maso ay simbolo umano ng Russian Orthodox na ginamit ng Partido Komunista upang punan ang panganga-ilangang pangrelihiyon na ang Komunismo ay pumapalit bilang bagong “relihiyon” ng estado. Ang simbolo ay makikitang inayos na bagong bersyon ng dalawang magkahalang na krus.

Maraming gumagamit ng iba’t ibang estilo ng karit at maso sa kanilang mga bandila, tulad ng watawat ng Angola, Workers’ Party of Korea (na may maso, panulat at asarol), ang matandang simbolo ng British Labour Party (spade, sulo at asarol); sa mga watawat din ng bansang Albania, German Democratic Republic at Communist Party USA; ang sagisag ng Ikaapat na Internasyunal, na itinatag ni Trotsky (karit at maso, at bilang “4”); ang simbolong karit at kalapati ng Communist Party of Britain; ang Austrian coat of arm na may larawan ng agila na hawak ang karit at maso sa magkabilang paa nito. Kahit na ang Aeroflot na dating Soviet airline (Ruso na ngayon) ay patuloy na gumagamit sa karit at maso bilang simbolo. Naging fashion na rin ang karit at maso ngayon.

Ang karit at maso ang simbolo ng uring manggagawa sa buong daigdig. At lahat halos ng partido komunista ay gumagamit din ng simbolong ito.

Nagpapakita lamang ito na kinikilala ng marami ang tunay na gumagawa ng yaman ng lipunan at ang pagkakaisa ng mga manggagawang agrikultural at manggagawang industriyal, na tinatawag nating hukbong mapagpalaya – ang uring manggagawa.

(Nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 35, Nobyembre 2007)