Huwebes, Marso 19, 2020

Ang Hasik ng Katipunan, ang Buklod ng BMP, at ang KASAMA ng KPML

ANG HASIK NG KATIPUNAN, ANG BUKLOD NG BMP, AT ANG KASAMA NG KPML
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

May ninuno pala ang BUKLOD ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) at ang dating KASAMA ng grupong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Ito ang HASIK ng KKK o Katipunan nina Gat Andres Bonifacio.

Sa aklat na "Kartilyang Makabayan: Mga Tanong at Sagot Ukol Kay Andres Bonifacio at sa KKK" na sinulat ni Hermenegildo Cruz, ay nabanggit ang pagbubuo ng Hasik na maihahalintulad sa pagbubuo ng Buklod ng BMP, at dating KASAMA (Kapatiran ng mga Sosyalistang Aktibistang Maralita), ng KPML na binago na't ginawa na ring Buklod na ibinatay sa BMP. Sa pahina 21 ng nasabing aklat ay nasusulat: 

25. - Sa papaanong paraan ginagawa ang pagkuha ng kasapi? - Sa bawa't pook ay nagtatayo ng isang wari'y lupon na kung tawagin ay "Hasik" na binubuo ng tatlo katao na parang tatlong tungko. Ang "Hasik" na ito ang siyang sa inot-inot ay nanghihikayat upang may sumapi sa "Katipunan". Pagdamidami na ng mga kasangayon ay saka pa lamang itinatayo ang "Balangay" na pinamumunuan ng isang lupon na ang mga tungkulin ay tulad din ng sa Kataastaasang Lupon. Ang mga "Hasik" na yaon ay di na ipinagpatuloy ng malapit na ang tangkang panahon sa paghihimagsik, pagka't ang mga taong baya'y halos naguunahan nang sila'y mapabilang sa "Katipunan".

Sa aklat na “Andres Bonifacio: Buhay at Pakikibaka” na nalathala noong ika-150 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio noong Nobyembre 30, 2013, pahina 21, ay nakasulat naman:

“Sa larangang pang-organisasyon, isinaayos ang balangkas ng kilusang lihim sa pamamagitan ng sistemang hasik o tatsulok. Ang “Hasik” na ito ang matiyagang nanghihikayat ng bagong miyembro ng Katipunan. Kapag marami-rami na ang kasang-ayon ay saka itinatayo ang “Balangay” na pinamumunuan ng isang lupon na ang mga tungkulin ay tulad din ng sa Kataastaasang Lupon.”

Ang pagbubuo ng Buklod ng BMP ay naisulat ng namayapang Ka Popoy Lagman sa akda niyang PAGKAKAISA na nalathala sa magasing Tambuli ng BMP noong Disyembre 1998. Halina't sipiin natin ang ilang bahagi nito:

"Dapat ay mas madali ang magbuo ng grupo o sirkulong pampulitika ng lima hanggang sampu katao sa bawat kompanya (tawagin natin na mga buklod) kaysa magbuo ng unyon na kinakailangang dumaan sa mga ligal at teknikal na proseso. Upang mapatampok ang pampulitikang tungkulin at katangian ng BMP, mas wasto at mas mahusay na ang magiging ispesyalisasyon nito ay ang pagbubuo ng network ng mga grupo o sirkulong pampulitika sa pinakamaraming kompanyang maaabot nito na mas nakatuon sa pampulitikang pagkamulat, pagkakaisa, pagkakaorganisa at pakikibaka ng masang manggagawa bilang uri."

"Oryentasyon ng mga buklod na ito ang aktibong paglahok sa pang-unyong pakikibaka nang hindi binabago ang prinsipal na diin sa pampulitikang pag-oorganisa. Bawat lider, organisador at aktibista ng BMP ay dapat magkaroon ng mga target na kompanyang tatayuan nila ng mga buklod. Dapat ay walang tigil ang araw-araw na pagbubuo ng mga buklod na ito hanggang sa malatagan natin ang mayorya ng mga kompanya sa buong bansa ng ganitong network ng sosyalistang pagkakaisang makauri bilang preparasyon sa paglubha ng krisis ng globalisasyon at pag-igpaw ng kilusan ng uring manggagawa sa antas ng pampulitikang pakikibaka."

Sa bahagi naman ng KPML, binuo noon ang KASAMA upang maipalaganap ang makauring pagkakaisa ng mga maralita bilang proletaryado at ng uring manggagawa sa kabuuan. Katatampukan ang KASAMA ng pag-oorganisa at pampulitikang pagmumulat. Ayon sa dokumentong Oryentasyon ng KASAMA: "Ang KASAMA ay isang pampulitikang grupo o sirkulo (mga 5-10 katao) ng mga mulat na maralita sa loob ng isang lokal na organisasyon at komunidad na kinikilusan ng KPML, o kaya'y mga indibidwal na maralitang wala pang organisasyon sa isang komunidad."

"Binuo ang KASAMA bilang katuwang ng KPML sa pagkokonsolida sa ating mga kinikilusang komunidad. Pagkat sila ang mga mulat (may mataas na pampulitikang kamalayan) na maralita sa loob ng kanilang mga lokal na organisasyon, pangungunahan nila ang kanilang samahan sa mga pagkilos sa loob at labas ng kanilang mga komunidad, at magsasagawa ng pagmumulat sa hanay ng kasapian at maging sa iba pang organisasyon at mga kalapit pang komunidad. Ang mga KASAMA ang siyang magiging gulugod sa pag-oorganisa at pagkokonsolida ng ating organisasyon at mga komunidad na kinikilusan."

Sa ngayon, napagpasyahan na ng KPML na mas mainam na gamitin ang Buklod, at pinalitan na ang katawagang Kasama bilang pagtalima sa atas ng BMP, kung saan kasaping organisasyon ang KPML, na magtayo ng Buklod sa mga komunidad ng maralita upang palakasin ang sosyalistang kilusan.

Maraming salamat sa Katipunan, at may pinagmanahan pala ang BMP at KPML bilang mga mapagpalayang organisasyon tungo sa pagtatayo ng lipunang walang pang-aapi at walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Mga pinaghalawan:
aklat na "Kartilyang Makabayan: Mga Tanong at Sagot Ukol Kay Andres Bonifacio at sa KKK" na sinulat ni Hermenegildo Cruz, (inilimbag, 1922), pahina 22
aklat na “Andres Bonifacio: Buhay at Pakikibaka” na nilathala ng Bonifacio 150 Committee (B150C)
http://popoylagman.blogspot.com/2009/07/pagkakaisa-akda-ni-ka-popoy-lagman.html
http://kpml-org.blogspot.com/2010/10/ang-pagbubuo-ng-kasama.html

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 16-31, 2020, pahina 18-19.

Lunes, Marso 16, 2020

Si Espiridiona Bonifacio



SI ESPIRIDIONA BONIFACIO
Maikling sanaysay at saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sino nga ba si Espiridiona Bonifacio, o Nonay? At ano nga ba ang ambag niya sa Katipunan?

Nakabili ako ng dalawang aklat na tiglilimampung piso lang ang isa noong Disyembre 9, 2019 na pumapatungkol kay Gat Andres Bonifacio at sa Katipunan. Ito'y ang "Kartilyang Makabayan", na sinulat ni Hermenegildo Cruz (Inilimbag sa Maynila noong 1922), umaabot ng 70 pahina, at ang "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" na sinulat ni Jose P. Santos (Ikalawang Pagkalimbag, 1935), umaabot naman ng 43 pahina.

Dito'y nabasa ko ang ilang tala sa buhay ni Ginang Espiridiona Bonifacio. Bagamat sa isang aklat ay mali ang tala, na iwinasto naman sa isa pang aklat.

Sa pahina 6 ng "Kartilyang Makabayan" ay ganito ang nakasulat:

"2. - Nagkaroon ba siya ng mga kapatid? (na tumutukoy kay Gat Andres Bonifacio) - Apat: sina Ciriaco, Procopio, Petrona, at Troadio. Ang dalawang una at itong huli'y patay na at ang babai'y buhay pa. Ang babaeng ito ay siyang naging asawa ng nasirang bayaning Teodoro Plata, isa sa mga masikhay na kasama ni Andres Bonifacio."

Sa pahina 1 ng "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" ay ganito naman ang nakasulat:

"Sa mga nagsilabas at napalathalang biograpiya ni Andres Bonifacio ay sinasabing lima lamang silang magkakapatid, at sa limang iyan ay iisa raw ang babae na hindi pa tumpak ang pagkakasulat ng pangalan. Nguni't sa pagsusuring ginawa namin ay aming nabatid na sila'y anim na magkakapatid at hindi lima. Sa anim na iyan ay dalawa ang babae, si Espiridiona, hindi Petrona na gaya ng sinasabi ng maraming kasaysayan, at Maxima. Ang matanda sa lahat ay ang Andres, sumusunod ang Ciriaco, pangatlo ang Procopio, pang-apat ang Espiridiona, ikalima ang Troadio at bunso ang Maxima."

Idinagdag pa sa sumusunod na talata hinggil kay Espiridiona: "Ang Espiridiona na naging maybahay ng bayaning Teodoro Plata, isa sa bumubuo ng unang triangulo ng Katipunan at naging Ministro de Guerra ng pamahalaan ni Andres Binifacio, ay buhay pa."

Nakalathala naman sa pahina 4 ng "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" ang larawan ni Ginang Espiridiona.

Nabanggit muli si Espiridiona sa pahina 18 ng nasabing aklat, hinggil sa nag-iisang tula naman ni Procopio:

"Isang tula naman ni Procopio, kapatid ng Supremo, ang iniwan ni Andres Bonifacio kay Ginang Espiridiona, kapatid na babae ng Supremo, bago siya lumabas ng gubat..."

"Ang tulang ito ay buong-buong nasasa-ulo ni Ginang Espiridiona na nagkaloob sa akin ng salin."

Tatlo sa magkakapatid na Bonifacio ang nagbuwis ng buhay sa pakikibaka para sa kalayaan. Sina Andres at Procopio ay pinaslang ng mga tauhan ni Heneral Emilio Aguinaldo noong Mayo 10, 1897 sa Bundok Buntis, Maragondon, Cavite, habang si Ciriaco naman ay napatay sa Limbon. May pagtalakay hinggil kay Troadio, subalit kaunti lamang ang ipinatid sa atin tungkol kay Espiridiona. Wala nang nabanggit na anupaman tungkol kay Maxima, maliban sa siya ang bunso sa magkakapatid.

Sa website na filipino.biz.ph ay ito naman ang pakilala kay Espiridiona Bonifacio:

"The youngest sibling of Andres Bonifacio, she helped the Katipuneros even when she had just lost her husband, Teodoro Plata."

"At a designated spot, she would wait for the rebels to give guns stolen or collected from attacks on Spanish soldiers. As they would race back into hiding, she would quickly stash the weapons under her big skirt."

"Aside from her husband, she also lost her three brothers Ciriaco, Procopio, and Andres who were killed by forces loyal to Aguinaldo in 1897."

Gayunman, tila hindi nila nabasa ang aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" at hindi nila alam na si Maxima ang bunsong kapatid ni Andres Bonifacio, at pang-apat sa anim na magkakapatid si Espiridiona o Nonay. Gayunman, sinipi ko iyon dahil sa ikalawang talata, na ambag ni Nonay sa himagsikan. At isinalin ko iyon sa ganito: "Sa isang itinalagang lugar, hihintayin niya ang mga manghihimagsik na magbigay ng mga baril na ninakaw o nakolekta mula sa mga pagsalakay sa mga kawal na Kastila. Tulad ng pagtalilis nila upang magkubli, mabilis niyang itatago ang mga sandata sa ilalim ng malaki niyang baro."

Sa tagalog wikipedia ay ito naman ang ulat hinggil kay Espiridiona:

"Si Espiridonia de Castro Bonifacio (14 Disyembre 1875 – 26 Mayo 1956) ay isang Katipunera at bayaning Pilipino. Siya ay isa mga unang babaeng kasapi ng Katipunan na itinatag ng kanyang nakatatandang kapatid na si Andres Bonifacio. Ang iba pa niyang nakatatandang kapatid ay sina Ciriaco Bonifacio at Procopio Bonifacio."

"Noong siya ay labingpitong taong gulang pa lamang, siya ay nagpakasal noong 1893 kay Teodoro Plata na isa rin sa mga nagtatag ng Katipunan. Siya ay nabalo nang bitayin si Plata sa Bagumbayan (Luneta) noong 1896 nang matuklasan ng mga Kastila ang Katipunan. Di naglaon, matapos paslangin ang kanyang mga nakatatandang kapatid ng mga alagad ni Emilio Aguinaldo sa Cavite, siya ay kinupkop ng isang pamilyang taga-Cavite rin na may apelyidong Distrito upang itago sa mga tumutugis na alagad ni Aguinaldo, na nais din siyang paslangin. Matapos ang himagsikan, napangasawa niya ang isa sa mga anak ng pamilyang kumupkop sa kanya."

"Si Espiridiona Bonifacio-Distrito ay namatay noong Mayo 26, 1956 sa Paco, Manila. Siya ay nakahimlay sa Manila South Cemetery. Siya ang nalalamang pinakahuling kapatid ng Supremo na nabuhay pagkatapos ng pananakop ng mga dayuhan sa Pilipinas."

Kapansin-pansing isang araw lang ang tanda ni Ginang Espiridiona sa kasamang matalik ng kuya Andres niya na si Gat Emilio Jacinto, ang sinasabing Utak ng Katipunan, na isinilang noong Disyembre 15, 1875.

Panghuli, inalayan ko ng soneto o tulang may labing-apat na taludtod si Ginang Espiridiona. Ito'y nasa anyong akrostika, o tulang pag binasa ang unang titik ng bawat taludtod ay may mababasang salita.

SONETO KAY GNG. ESPIRIDIONA
tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ginang Espiridiona, bunsong kapatid ni Andres,
Na naghimagsik din sa Kastilang mapagmalabis
Gutom at pagod ay binata, kahit na magtiis
Esposa ni Plata, lumaban sa dayong mabangis
Sa panahon ng himagsikan ay sadyang lumaban
Panahon ay ibinigay para sa masa't bayan
Inisip din kung paano makatulong sa tanan
Rebolusyonarya, Katipunera, makabayan
Isa ka ring dakilang bayani ng bansa, Nonay!
Dahil tumulong kang sadya sa himagsikang tunay
Ikasawi man ng kabiyak, mabuhay! Mabuhay!
O, Espiridiona, taas kamaong pagpupugay!
Nawa'y di malimot ang ambag mo sa himagsikan
At kahit munti man ay dapat kang pasalamatan!

Mga pinaghalawan:
Kartilyang Makabayan, ni Hermenegildo Cruz, Maynila, 1922
Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan, ni Jose P. Santos, 1935
https://filipino.biz.ph/history/hero/espiridiona_bonifacio.html
https://tl.wikipedia.org/wiki/Espiridonia_Bonifacio

Ang dalawang aklat hinggil sa Katipunan, na nabanggit ng sanaysay
Ang litrato ni Espiridiona Bonifacio sa pahina 4 ng aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" ni Jose P. Santos
Ang nagsaliksik at nagsulat ng munting sanaysay

Martes, Marso 10, 2020

Ang patalastas ng Breeze at ang kabayanihan ni Roger Casugay


ANG PATALASTAS NG BREEZE AT ANG KABAYANIHAN NI ROGER CASUGAY
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napanood ko sa bus bago ako umuwi ng bahay ang isang magandang patalastas ng Breeze sa telebisyon.

Dahil dito'y naalala ko ang pagkakapareho ng istoryang iyon sa nangyaring kabayanihan ng ating kababayang si Roger Casugay, na isang surfer at naging gold medalist noong Southeast Asian Games 2019 na naganap sa bansa.

Sa patalastas ng sabong Breeze, maraming batang lalaki ang nagpaligsahan sa pagtakbo. Marahil ay marathon o 100 meter-dash na takbuhan. Ipinakitang nangunguna ang dalawang bata sa takbuhan, subalit biglang nadapa at lumubog sa putik ang isa sa dalawang bata. Ang batang nangunguna sa takbuhan ay napalingon, at sinaklolohan ang batang nadapa. Hanggang maunahan na sila ng iba pang bata.

Tinulungan ng nangungunang bata ang batang nadapa sa putik at halos di na nakabangon. Tila naiiyak pa ang batang nadapa, kaya sinaklolohan niya ito't inalalayan patungong finish line. Dahil sa putik sa damit ng bata, kinakailangan umanong labhan iyon gamit ang Breeze upang muling pumuti.

Sa huli, binigyan ng Sportsmanship Award ang batang sumaklolo sa batang nadapa sa putik. Ang maikling kwentong iyon ay kinuha ng Breeze sa loob ng tatlumpung segundo, na karaniwang tagal ng isang komersyal.

Halos ganito rin ang kwento ng bayaning Pinoy sa Southeast Asian Games. 

Ayon sa mga ulat, nagpaligsahan na sa surfing noong Disyembre 6, 2019, araw ng Biyernes, sa Monaliza Point sa La Union. Nangunguna noon si Roger Casugay laban sa Indonesian surfer na si Arip Nurhidayat nang mapansin niyang nasira ang tali sa surfing board ni Nurhidayat kaya nalaglag ito't tinangay na ito ng malalaking alon. Dali-daling bumalik si Casugay at tinulungan niya pabalik sa baybayin si Nurhidayat. Sinagip ni Casugay si Nurhidayat na hindi iniisip ang karera upang kamtin ang gintong medalya.

Hinayaan na ni Roger Casugay ang gintong medalya upang mailigtas ang isang kapwa katunggaling Indonesian mula sa pagkalunod. Kinilala at pinuri si Casugay sa social media dahil sa kanyang ginawang kabutihan. 

Sa kalaunan ay nanalo ng gintong medalya sa ikalawang labanan nila ni Nurhidayat na nakakuha ng bronze medal, habang ang silver medal ay nakuha naman ng kapwa Pinoy na si Rogelio Esquivel.

Ang batang sumaklolo sa kanyang kapwa bata, na di alintana ang medalya sanang makukuha, at ang ginawa ni Roger Casugay, ay tunay na kahanga-hanga. Mabuting halimbawa sa mga nakapanood ng patalastas, at nakapanood din ng Southeast Asian Games 2019, ang kabutihan nilang ginawa sa kanilang kapwa. Ang isa'y nadapa't halos di makabangon nang lumubog sa putik, at ang isa'y nalaglag sa kanyang surfing board at nailigtas sa maaaring maganap na pagkalunod.

Maganda ang konsepto ng mga patalastas ng Breeze na karamihan ay tungkol sa pagtulong ng mga bata. At ang bago nilang patalastas na ito, sa tingin ko o sa sarili kong palagay, marahil ay batay sa magandang halimbawa ni Roger Casugay. Naiba lang ang tagpuan subalit ang balangkas ng kwento ay halos pareho.

Ano kaya kung imbitahan ng Breeze si Roger Casugay sa kanilang patalastas? Wala lang, naisip ko lang.

Ginawan ko sila ng tula dahil sa kanilang kabayanihan.

WALA MANG GINTONG MEDALYA

mabuting halimbawa, magkaibang paligsahan
sa komersyal, mga bata'y unahan sa takbuhan
sa Southeast Asian Games, sa surfing naman ang labanan
ngunit katunggali nila'y nadisgrasyang tuluyan

sumaklolo ang bata sa kapwa batang nadapa
nalublob sa putik, di na makabangon ang bata
nalaglag sa tubig ang surfer niyang kasagupa
tinulungan ito ni Casugay, kahanga-hanga

di na nila naisip kamtin ang gintong medalya
basta't kalabang nasa gipit ay tulungan nila
ginawa nila'y tunay na halimbawang kayganda
at talagang inspirasyon na dapat maalala

nakuha man nila o hindi ang asam na ginto
mas magandang kamtin ang nagawa ng gintong puso
pagpupugay, gawang mabuti'y sa inyo'y di bigo
kaya pasalamat namin sa inyo'y buong-buo

- gregbituinjr.
03.10.2020

Pinaghalawan:
https://en.wikipedia.org/wiki/Surfing_at_the_2019_Southeast_Asian_Games
https://qz.com/1763786/filipino-surfer-roger-casugay-is-the-hero-of-the-2019-sea-games/
https://www.facebook.com/BreezePhilippines/

Sabado, Marso 7, 2020

"Sige, barilin mo ako": Ang Kamatayan nina Che Guevara at Eman Lacaba

"Sige, barilin mo ako!"
KAMATAYAN NINA CHE GUEVARA AT EMAN LACABA
Saliksik at sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kapwa sila rebolusyonaryo ng kani-kanilang panahon. Kapwa sila mga intelektwal na nakatapos ng pag-aaral. Kapwa sila namundok upang ipaglaban ang kanilang paniniwala. Pareho silang nadakip ng mga kaaway. At pareho nilang sinabihan ang bumaril sa kanila ng ganito: "Sige, barilin mo ako!"

Si Ernesto "Che" Guevara (Hunyo 14, 1928 – Oktubre 9, 1967) ay isang rebolusyunaryong Marxista mula Argentina, manggagamot, manunulat, pinuno ng gerilya, diplomat, at teoristang militar. Isa siya sa mga pangunahing pigura ng Rebolusyong Cubano, kasama ni Fidel Castro.

Si Emmanuel Lacaba (December 10, 1948 – March 18, 1976), na kilala bilang Eman Lacaba, ay isang Pilipinong manunulat, makata, sanaysayista, tagapaglaraw (playwright), manunulat ng maikling kwento, iskrip at awit, at isang aktibista, na itinuturing na "makatang mandirigma" ng Pilipinas.

Nagpasiyang umalis sa kanyang panunungkulan sa pamahalaan ni Fidel Castro si Che Guevara upang maikalat ang rebolusyon sa Africa at South America. Ngunit nabigo si Che sa Bolivia. Noong hapon ng Oktubre 8, 1967, binihag si Guevara at dinala ng mga sundalo patungo sa isang silid ng paaralan sa bayan ng La Higuera sa Bolivia, mga apat na milya ang layo mula sa kung saan siya nadakip, ayon sa talambuhay ni Richard Harris,  “Death of a Revolutionary: Che Guevara’s Last Mission.”

Naging instrumento sa pagdakip kay Che Guevara si Félix Rodríguez, isang operatiba ng Cuban American CIA na nakaposte bilang opisyal ng militar ng Bolivia. Nagkausap sila ni Che. Matapos iyon ay umalis si Rodríguez at nag-atas sa isang kawal na barilin sa ilalim ng leeg si Che upang maging opisyal na kwento na napatay si Guevara sa labanan.

Ang mga huling salita ni Guevara ay kay Sgt. Mario Teran, ang sundalong naatasang bumaril sa kanya, ayon sa talambuhay na sinulat ng mamamahayag na si Jon Lee Anderson na ang pamagat ay "Che Guevara: A Revolutionary Life."

“I know you’ve come to kill me,” sabi ni Che Guevara kay Teran. “Shoot, you are only going to kill a man.” Sa wikang Filipino ay ganito: "Sige, barilin mo ako, papatay ka lang naman ng isang tao."

Nagpaputok si Terán, at natamaan si Che Guevara sa mga bisig, binti at dibdib.

Samantala, isang umaga noong 1976, nag-agahan si Lacaba at ang kanyang yunit sa isang bahay sa Tucaan Balaag, Asuncion, Davao del Norte. Nakita sila ng mga Elemento ng Philippine Constabulary - Civilian Home Defense Front (PC-CHDF), kasama ang taksil na nagngangalang Martin, at sila'y pinagbabaril ng walang babala. Dalawa sa kanyang mga kasama ang napatay. Si Lacaba ay binaril at dinakip, kasama ang isang buntis na nagngangalang Estrieta.

Sa pagpunta nila sa Tagum, nagpasya ang PC-CHDF na hindi nila dadalhin ang sinumang bilanggo. Unang binaril si Estrieta. Nang oras na ni Lacaba, isang sarhento ang nagbigay ng pistola kay Martin at inutusan siyang barilin si Lacaba. Medyo nag-atubili umano yung Martin, ngunit tiningnan siya ni Lacaba at sinabi, “Go ahead. Finish me off.” na sa wikang Filipino'y "Sige. Tapusin mo na ako."

Iyon ang mga huling salita niya. Ang isang bala ay dumaan sa kanyang bibig at lumabas sa likuran ng kanyang bungo. Si Emmanuel Agapito Flores Lacaba, 27 taong gulang, ay namatay sa Davao del Norte, noong Marso 18, 1976.

Mga Pinaghalawan:
https://www.englishclub.com/ref/esl/Quotes/Last_Words/I_know_you_are_here_to_kill_me._Shoot_coward_you_are_only_going_to_kill_a_man._2720.php

* Unang nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod, isyu ng Marso 1-15, 2020, mp. 18-19.

Lunes, Marso 2, 2020

Pagtaas ng kaliwang kamao nina Ka Eddie Guazon at Ka Popoy Lagman

PAGTAAS NG KALIWANG KAMAO NINA KA EDDIE GUAZON AT KA POPOY LAGMAN
Maikling sanaysaY ni Gregorio V. Bituin Jr.

Leftist daw kami. Makakaliwa. Marahil iyan din ang dahilan kung bakit kaliwang kamao ang aming itinataas tuwing inaawit namin ang walang kamatayang kantang Internasyunal.

Nakita ko rin ang dalawang litratong inilathala ng dalawang grupo kung saan nakataas ang tikom na kaliwang kamao nina Ka Eddie Guazon, (Agosto 13, 1925 - Mayo 19, 1989), ang unang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), at ni Filemon "Ka Popoy" Lagman (Marso 17, 1953 - Pebrero 6, 2001), ang unang chairman ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Ang litrato ni Ka Eddie Guazon na nakataas ang kuyom na kaliwang kamao ay nalathala sa inilabas na magasin para sa unang anibersaryo ng kanyang kamatayan noong 1990. Makikita sa nakakwadrong litrato ni Ka Eddie ang mga titik na KPML. Nagisnan ko na rin noon pang 2001, nang maging staff ako ng KPML, na nakasabit ang kwadrong ito ni Ka Eddie sa tanggapan ng KPML.

Ang litrato naman ni Ka Popoy Lagman na nakataas ang kuyom na kaliwang kamao ay nalathala sa inilabas na imbitasyon ng Teatro Pabrika para sa Konsyerto ng Pagpupugay noong Abril 27, 2001, na ginanap sa Bahay ng Alumni sa UP Diliman. Ginawa rin nilang kober ang imbitasyong iyon sa album ng mga litrato ng naganap na konsyerto.

Nakagisnan ko nang itinataas ang kaliwang kamao sa maraming pagtitipon, mula nang maging kasapi ako ng kilusang sosyalista noong 1993, lalo na sa pagtatapos ng isang rali kung saan inaawit ang Internasyunal. Subalit bakit nga ba tayo tinawag na makakaliwa o leftist?

Sa artikulong "Where Did the Terms 'Left Wing' and 'Right Wing' Come From?" ng history.com, ay ganito ang nakasulat:

"Today the terms 'left wing' and 'right wing' are used as symbolic labels for liberals and conservatives, but they were originally coined in reference to the physical seating arrangements of politicians during the French Revolution. 

The split dates to the summer of 1789, when members of the French National Assembly met to begin drafting a constitution. The delegates were deeply divided over the issue of how much authority King Louis XVI should have, and as the debate raged, the two main factions each staked out territory in the assembly hall. The anti-royalist revolutionaries seated themselves to the presiding officer’s left, while the more conservative, aristocratic supporters of the monarchy gathered to the right." 

Halos ganito rin ang nakasulat sa en.wikipedia.org: "The political terms 'Left' and 'Right' were coined during the French Revolution (1789–1799), referring to the seating arrangement in the French Estates General: those who sat on the left generally opposed the monarchy and supported the revolution, including the creation of a republic and secularization, while those on the right were supportive of the traditional institutions of the Old Regime."

Nasa kaliwa o makakalikwa ang nais ng pagbabago, nasa kaliwa ang lumalaban sa naghaharing uri, nasa kaliwa ang sumusuporta sa rebolusyon. Nasa kanan o makakanan ang naghaharing uri, burgesya, elitista, tagapagtaguyod ng pribadong pag-aari at mga alipores nilang pulis at militar.

Kaya nga ang pagtaas ng kaliwang kamao ay tanda rin ng pagiging kaliwa, lalo na sa ideyolohiya, sa adhikaing pagbabago para sa lahat, at hindi para sa iilan. Halina't itaas natin ang kaliwang kamao tanda ng ating pagkatao bilang mga sosyalistang nakikibaka para sa sosyalismo.

Pinaghalawan:
https://www.history.com/news/how-did-the-political-labels-left-wing-and-right-wing-originate
https://en.wikipedia.org/wiki/Left-wing_politics