Martes, Nobyembre 29, 2022

Kwento - Ang Awiting Manggagawa, Awit sa Klima, at Teatro Pabrika

ANG TULANG MANGGAGAWA, AWIT SA KLIMA, AT TEATRO PABRIKA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nang magkita kami ng ilang kasama sa grupong Teatro Pabrika nitong Nobyembre 23 sa unang araw pa lang ng Ikatlong Pambansang Kongreso ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) ay ibinalita ko agad sa kanila na sayang at wala sila sa dinaluhan kong kauna-unahang National Poetry Day o Pambansang Araw ng Pagtula na ginanap sa Metropolitan Theatre. Hindi raw naman nila alam, at kung alam nila’y baka hindi sila pumunta dahil walang imbitasyon sa kanila upang kumanta.

Tama naman. Ang National Poetry Day, Nobyembre 22, ay itinaon sa kaarawan ng unang Hari ng Balagtasan na si Jose Corazon de Jesus, na kilala ring Huseng Batute. Narinig ko na kasi nang inawit ng mga taga-Teatro Pabrika ang isang tula ni Batute na pinamagatang Manggagawa. Anong ganda ng kanilang awiting iyon. Makabagbag-damdamin. Narito ang tula:

Bawat palo ng martilyo / sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, / alitaptap sa kadimlan;
mga apoy ng pawis mong / sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa / nitong buong Santinakpan
Nang tipakin mo ang bato / ay natayo ang katedral,
nang pukpukin mo ang tanso / ay umugong ang batingaw
nang lutuin mo ang pilak / ang salapi ay lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo / kaya ngayo'y nagyayabang.
Kung may ilaw na kumisap / ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, / tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata / ay kamay mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo / ang kurus na nakalagay.
Kaya ikaw ay marapat / dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari / nitong buong Kabihasnan.
Bawat patak ng pawis mo'y / yumayari ka ng dangal
dinadala mo ang lahi / sa luklukan ng tagumpay.
Mabuhay ka ng buhay na / walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot / nitong mundo pag namatay.

Sinabi ni Erwin Cuenca na nilagyan nila ng tono ang tulang ito bilang bahagi ng pagsasanay nila noon sa PETA (Philippine Educational Theater Association). Kung mapapansin natin, labing-anim na pantig bawat taludtod, at may sesura o hati sa ikawalo. Sa ikalabindalawang taludtod, ang salitang “kurus” ay iyon mismo ang orihinal, hindi krus, kaya sukat na sukat sa tula. 

Kahit iyon ay Pambansang Araw ng Pagtula, marami rin ang naghandog ng awitin, tulad ng dalawang anak ni Prof. Michael Coroza, na sina Miko at Haraya, na inawit ang dalawang tula ni Huseng Batute.

Maya-maya, tinawag na ang Teatro Pabrika, kasama ang Soulful Band nina Erwin Puhawan, at ang bandang Apolonio Samson, upang awitin ang isang kanta hinggil sa Climate Justice. Pinakita muna ang bersyong Ingles sa tonong “Bella Ciao” na orihinal na awiting Cubano, at inawit naman nila ang bersyong Pinoy nito. Pinakinggan ko ang awit at halos ganito ang liriko. Pasensya na kung hindi ko nakuha lahat.

Tayo nang gumising, mga mata'y imulat
Tayo nang tumulak at kumilos na, ngayon na
Adhika natin, magandang bukas
Ito na ang ating simula, ngayon na, ngayon na
Hustisyang pangklima, ngayon na, ngayon na
Ang ating mundo ay may problema
Solusyon ay iparte, ngayon na, ngayon na
Pagpalain, magandang bukas, ito ang ating simula
Hustisyang pangklima, ngayon na, ngayon na
Walang hustisya para sa klima kung sistema'y di babaguhin, kilos na
Nagnanais ng magandang bukas
Ito ang ating simula, ngayon na, ngayon na

Ilang taon na rin ang nakararaan nang makakita ako ng unang album ng Teatro Pabrika, ang Haranang Bayan, na talagang madarama mo ang pagtimo sa puso’t diwa ng mga awit, lalo na ang Lipunang Makatao. Sana’y magrekrut pa sila ng mga bagong dugo upang magpatuloy ang Teatro Pabrika.

Maraming salamat sa inyo, mga kasama sa Teatro Pabrika, na patuloy pa rin ang paglilingkod sa bayan at sa uring manggagawa, sa inyong mga makabagbag-damdaming awitin. Sana, sa ikalawang National Poetry Day na gaganapin muli sa MET sa 2023 ay maimbitahan kayo upang iparinig sa madla, lalo na sa sektor ng panitikan, tulad ng mga makata, ang pag-awit ninyo ng akdang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus. Naroon din sa aktibidad na iyon, noong 11.22.22 ang dalawang pambansang alagad ng sining para sa panitikan, sina Virgilio S. Almario at Gemino H. Abad.

Magkita-kita tayo sa MET sa Nobyembre 22, 2023 nang marinig ng madla ang pag-awit ninyo ng Manggagawa ni Huseng Batute. Kita-kits!

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 16-30, 2022, pahina 18-19.

Lunes, Nobyembre 14, 2022

Kwento - Redtagging


REDTAGGING
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Hoy, alam n’yo ba na na-redtag daw si Mang Gusting, kaya hindi niya alam ang gagawin. Kaya nagpapahanap ng abogado upang ipagtanggol ang kanyang sarili.” Agad na balita ni Mang Igme.

“Nakupo,” ang tugon ni Aling Ligaya. “Mahirap iyan, alam n’yo naman na pag na-redtag ka ay para na ring may nakatutok na bala sa ulo mo. Pagbibintangan ka nang komunista, at baka likidahin ka na rin ng mga terorista, ‘yun bang mahilig sa tokhang. Lagot siya sa mga asong ulol na naglalaway sa gatilyo. Sana’y mag-ingat si Mang Gusting.” Dating unyonista si Mang Gusting at ngayon ay lider maralita.

“Tama po kayo, pagkat mura na lang ang buhay ngayon. Di ba’t nung nakaraang administrasyon ay libu-libo ang natokhang, na pinatay nang walang kalaban-laban, at sinasabing nanlaban daw kaya pinatay. Hay, naku! Lalo na iyang redtagging na iyan. Nakakatakot!” sabi ni Mang Kulot.

“Kaya anong maipapayo natin kay Mang Gusting?” ani Mang Igme.

“Aba’y kausapin natin si Attorney kung anong dapat gawin. Aba’y nakakaawa naman ang ating kasamahan kung ganyang sa araw-araw na lang ay kinakabahan dahil sa maling paratang sa kanya,” dugtong naman ni Aling Ligaya. “Iyan lang sa ngayon ang ating magagawa.”

Kaya kinausap nila si Mang Gusting upang pumunta kay Attorney. “Ano kaya kung samahan ka namin upang matiyak namin na makakausap mo siya? Aba’y kaligtasan mo na ang nakasalalay dito. Baka isang araw ay matagpuan kang nakahandusay na lang sa kalye at may tama ng bala.” 

“Mga siraulo ang nangre-redtag na iyon. Mga naglalaway sa dugo. Akala’y kabayanihan ang kanilang ginagawa para sa bayan kundi pagiging salot at kawalanghiyaan!” ang himutok ni Mang Gusting.

“Naririyan na iyan,” sabi ng kanyang asawang si Aling Luningning, “di na panahon ng paghihimutok ngayon kundi ng pagtatanggol sa ating karangalan. Harapin natin iyan, mahal ko. Dahil kung di natin haharapin iyan ay baka mamihasa ang mga damuho at marami pang mabiktima!”

Buong puso ang suporta ng kanyang asawa. “Batid natin ang ating mga karapatan. Ang nais nila’y patahimikin ka sa pagtatanggol sa mga karapatang iyan. Mga karapatang matagal nang ipinaglaban ng ating mga ninuno upang lumaya tayo sa kamay ng mga halimaw na dayuhan at tusong mangangalakal. Ngayon ka pa ba susuko? Huwag. Lalaban tayo!”

Kaya nagplano na silang tumungo para makipag-usap kay Attorney upang hingan ng payo. Sinabihan silang kumuha ng ebidensya na ilalabas upang may patunay kung paano siya na-redtag, at iyon ang ipi-presenta sa mungkahing presscon. “Nais nating mabulgar at mapanagot ang mga gumagawa ng ganyang krimen. Isang krimen na ang pananakot na iyan, ang pangre-redtag na iyan, na maaaring magresulta ng hindi magandang pangyayari, o kaya’y kamatayan.” Ito ang payo ni Attorney.

Kaya nang makakuha sila ng footage ng bidyo kung saan binanggit ang pangalan ni Mang Gusting, iyon na ang gagamitin nilang ebidensya upang makasuhan ang mga nangre-redtag sa kanya. “Si Mang Gusting ay kasapi ng armadong grupong CPP-NPA kaya siya’y terorista!” ang sabi sa bidyo.

“Matagal ka nang aktibista, Gusting, mula noong ating kabataan. Alam kong ipinaglalaban lang natin ang malayang karapatan na magpahayag, magsalita, mag-organisa, hustisya sa mga api’t pinagsasamantalahan, tulad din ng ipinaglaban noon ng Katipunan. Kaya alam kong hindi mo isusuko nang basta na lang ang prinsipyo mo sa mga halimaw na nangre-redtag at nais magpatahimik sa iyo. Huwag kang susuko, mahal ko.”

Sa araw ng presscon ay sinabi ni Attorney, “Hindi mali ang maging aktibista. Kaya may aktibista tulad ni Mang Gusting ay dahil may mali.” 

At ipinahayag naman ni Mang Gusting, “Tayo ay nasa isang malayang bansa, na ginagarantiyahan ng ating Konstitusyon ang mga karapatan natin bilang malayang tao, bilang mamamayan, at kahit bilang aktibista, dahil mismong mga demokratikong karapatan natin ay nakaukit sa mga pandaigdigang kasunduan tulad ng Universal Declaration of Human Rights, International Covenant on Civil and Political Rights, at mismong Bill of Rights sa ating Konstitusyon. Walang labag sa ginagawa naming pagtatanggol sa karapatan ng mga manggagawa’t maralita. Wala kaming armas kundi ang aming paninindigan. Hindi kami papayag na sirain lamang ng mga halimaw na iyon ang aming dignidad at karapatang matagal na naming ipinaglalaban. Ang salot na pangre-redtag ang isang patunay kung bakit dapat baguhin na ang bulok na sistema!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 1-15, 2022, pahina 18-19.