Biyernes, Pebrero 28, 2020

Ang BAHAY ni Gary Granada


ANG BAHAY NI GARY GRANADA
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kinagiliwan ng maraming maralita ang awiting Bahay ni Gary Granada. Kaya kadalasan nila itong inaawit sa mga pagtitipon. Tila baga ang awiting Bahay ay isang pagsusuri kung katanggap-tanggap ba ang barung-barong bilang bahay, na bagamat ito ang karaniwang tirahan ng mga maralita, ay masasabi nang matinong bahay, o hindi nararapat tirahan pagkat pinagtagpi-tagping basura lamang ang kanilang tahanan. Halina’t tunghayan natin ang liriko ng nabanggit na awitin:

Isang araw ako'y nadalaw sa bahay tambakan
Labinglimang mag-anak ang duo'y nagsiksikan
Nagtitiis sa munting barung-barong na sira-sira
Habang doon sa isang mansyon halos walang nakatira
Sa init ng tabla't karton sila doo'y nakakulong
Sa lilim ng yerong kalawang at mga sirang gulong
Pinagtagpi-tagping basurang pinatungan ng bato
Hindi ko maintindihan bakit ang tawag sa ganito
Ay bahay

Sinulat ko ang nakita ng aking mga mata
Ang kanilang kalagayan ginawan ko ng kanta
Iginuhit at isinalarawan ang naramdaman
At sinangguni ko sa mga taong marami ang alam
Isang bantog na senador ang unang nilapitan ko
At dalubhasang propesor ng malaking kolehiyo
Ang pinagpala sa mundo, ang dyaryo at ang pulpito
Lahat sila'y nagkasundo na ang tawag sa ganito
Ay bahay

Maghapo't magdamag silang kakayod, kakahig
Pagdaka'y tutukang nakaupo lang sa sahig
Sa papag na gutay-gutay, pipiliting hihimlay
Di hamak na mainam pa ang pahingahan ng mga patay
Baka naman isang araw kayo doon ay maligaw
Mahipo n'yo at marinig at maamoy at matanaw
Hindi ako nangungutya, kayo na rin ang magpasya
Sa palagay ninyo kaya, ito sa mata ng Maylikha
Ay bahay

Ang barungbarong nga ba ay bahay? Paano mo masasabing sapat nga ang isang pabahay, batay sa karapatan sa pabahay? Basta ba may kalan, kaldero, kainan, kusina, kumot, at katre, ay masasabi nang bahay?

May batayan para sa maayos at sapat na pabahay na binabanggit sa dokumento mismo ng United Nations Committee on Economic, Social and Cultural Rights (ESCR). Ito'y nakasaad mismo sa General Comment No. 4 (1991) ng nasabing komite. Narito ang pitong sangkap upang tiyakin ang karapatan sa sapat na pabahay.

1. Ligal na Seguridad sa Paninirahan (legal security of tenure) 

2. Matatamong serbisyo, materyales at imprastraktura (availability of services, materials and infrastructure)

3. Kayang-kayang matamong paninirahan (affordable housing) 

4. Bahay na matitirahan (habitable housing)

5. Kayang puntahang pabahay (accessible housing)

6. Lokasyon (location)

7. Sapat na pangkulturang pabahay (culturally adequate housing)

Sa usapin ng habitability o talagang matitirahan ay ganito ang mga pamantayan:

- Floor area (laki at lawak ng sahig) – 60-72 metro kwadrado

- Sapat na bilang ng bintana para sa pagpasok ng sariwang hangin (bentilasyon)  

- Pagtakas sa sunog (fire escape) para sa mga gusaling residensyal

- Kahit papaano’y may 3 silid (isa sa magulang at 2 sa mga bata)

- May palikuran at kusina

- Sapat na kapal ng dingding para sa duplex, hilera ng mga bahay (row houses) at mga gusaling residensyal

- Sapat na layo sa mga kapitbahay (para sa mga single-detach na yunit)

- May sapat na ilaw, ligtas na kuryente

- Itinayo ng malayo sa mga tambakan ng basura (dump sites)

- Malayo sa mga mapanganib na lugar (danger zones)

- Dapat na matibay ang bahay para maprotektahan ang mga nakatira mula sa panganib tulad ng lindol, baha, atbp.

Malinaw ang mensahe ng awitin ni Gary Granada. ito'y pagtatanong kung ano ba ang kahulugan ng bahay. Ito'y isang pagsisiyasat upang maunawaan natin kung ano ba dapat ang bahay. Hindi ka dapat nakatira sa mapanganib na lugar, tulad ng gilid ng riles ng tren, gilid ng ilog, o tabi ng tambakan ng basura. Noong unang panahon, sa mga yungib o kuweba pa nakatira ang tao, subalit sa sibilisasyon ngayon, sa panahon ng sistemang kapitalismo, bakit may mga taong walang matinong tahanan.

Nakita rin natin sa unang talata pa lang ang tunggalian ng uri sa lipunan, ang kaibahan ng tirahan ng mahirap at mayaman. Labinglimang maralitang mag-anak ang nagsiksikan at nagtitiis sa munting barung-barong na sira-sira, habang doon sa isang mansyon ay halos walang nakatira.

Tao kang may dangal, may damdamin, at may diwa, kaya bakit ka nakatira lang sa isang pinagtagpi-tagping basurang pinatungan ng bato. 

Wala man siyang inirekomenda ay mahahanap din natin ang kasagutan bilang maralita, bilang taong may dignidad. Dapat may wastong bahay para sa bawat tao, at ang bahay ng maralita ay hindi dapat tagpi-tagping karton lang, kundi bahay ng tao batay sa ating karapatang pantao at dignidad bilang tao.

* Ang bahagi ng artikulong ito'y unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 16-29, 2020, mp. 18-19.

Sabado, Pebrero 22, 2020

Atake sa Senado: Sina Ka Eddie Guazon at Fr. Pete Montallana

Atake sa Senado
SINA KA EDDIE GUAZON AT FR. PETE MONTALLANA
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kapwa kilalang lider sila ng kani-kanilang panahon. Kapwa sila may kaugnayan sa maralita. Pareho silang prinsipyado, determinado, palaban, kagalang-galang, magiting. Subalit pareho rin silang inatake habang nagsesesyon sa Senado habang ipinaglalaban ang mga maliliit at api sa lipunan. Ang isa'y tuluyang namatay at ang isa'y pinalad na nabuhay.

Si Ka Eddie Guazon ang unang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) na naitayo tatlo't kalahating dekada na ang nakararaan. Namatay siya habang nasa pagdinig ng Senado kaugnay sa mga nagaganap na demolisyon. Doon sa Senado ay inatake siya ng cardiac arrest habang pinabubulaanan ang testimonya ng isang pulis. Dinala siya sa Philippine General Hospital subalit hindi na siya umabot ng buhay.

Si Fr. Pete Montallana ay aktibo sa Save Sierra Madre Network Alliance, Inc. (SSMNAI) at sa Stop Kaliwa Dam (SKD) campaign. Nitong nakaraan lang, nabalitaan kong dinala siya sa ospital habang nasa pagdinig sa Senado kaugnay sa proyektong Kaliwa Dam na mahigpit din niyang tinututulan. Dinala siya sa klinik at sa kalaunan ay sa ospital, at siya'y inoperahan. Sa ngayon, siya'y nagpapagaling.

Hindi ko na naabutan pang buhay si Ka Eddie Guazon pagkat 1989 siya namatay. Subalit inipon ko ang mga kasaysayan ng KPML na inilagay ko sa blog na aking binuo. Pati ang kanyang mga larawang nalathala sa isang magasin ng pagpupugay sa kanya at ang nag-iisang kwadro ng kanyang litratong nasa tanggapan ng KPML ay aking nilitratuhan upang mailagay sa blog. Kaya pag kailangan ng kasaysayan ng KPML, datos, pahayag, sa blog ng KPML ito makikita. Ako naman ay napunta sa KPML bilang staff noong 2001 hanggang Mayo 2008. At muling nagbalik sa KPML bilang halal na sekretaryo heneral nito noong muling maglunsad ito ng kanyang pambansang kongreso noong Setyembre 16, 2018.

Una ko namang nakadaupang palad si Fr. Pete noong 2009 nang makasama ako sa 148-kilometrong aktibidad na tinaguriang "Lakad Laban sa Laiban Dam". Nagsimula ito sa bayan ng Gen. Nakar sa lalawigan ng Quezon, hanggang sa Maynila mula Nobyembre 4 hanggang 12, 2009. Alam din ni Fr. Pete na ginawa ko ang Filipino translation ng Laudato Si mula Hunyo 24, 2015 hanggang sa ito'y matapos noong Setyembre 16, 2015. Isinalin ko ito sa kahilingan ng mga nakasama ko sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na sina Yeb Saño at Rodney Galicha.

Kilala ni Fr. Pete ang KPML kung saan ako ang kasalukuyang sekretaryo heneral. Nang malaman niyang KPML ako ay agad niya akong tinanong kung saang KPML ba ako. Isa kasi si Fr. Pete sa nagbuo ng grupong SILAI o Sikap-Laya, Inc., isang grupo ng maralita kung saan dito napunta ang ilang pamunuan ng KPML-National Capital Region and Rizal chapter (NCRR), nang ang mga lider nito'y nawala sa KPML-NCRR noong Setyembre 2012. Nasa Thailand ako noon nang mawala sila, at pagbalik ko sa Maynila'y nabalitaan ko na lang ang paghihiwalay. Nakita ko roon sa SSMNAI ang ilang dating lider ng KPML at Zone One Tondo Organization (ZOTO) na ngayon ay nasa SILAI.

Si Fr. Pete ay nakadaupang palad din ng aking asawang aktibo rin sa kilusang makakalikasan sa ilang pagtitipon. Kaya nabahala kami nang malaman namin ang nangyari sa kanya. Kung may pagkakataon ay dadalawin namin siya.

Sina Ka Eddie Guazon at Fr. Pete Montallana ay mga batikang lider. Maka-maralita. Makamasa. Ipinaglalaban ang karapatan ng maliliit. Ayaw nilang naaapi, ayaw nilang napagsasamantalahan ang mga maralita, at ang mga katutubo. Kapwa sila nasa Senado nang maganap ang mga insidenteng ikinamatay ng isa, at halos ikamatay ng isa pa.

Ito ang nakasaad sa talambuhay ni Ka Eddie Guazon sa artikulong may pamagat na Touched by his life: "On May 19, 1989, the urban poor lost a courageous and committed leader, Eduardo Guazon, Jr., who was then the national chairman of the Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), the largest urban poor aggrupation, died during a Senate Committee hearing on a spate of violent demolition operations. The urban poor leader suffered a cardiac arrest while vehemently objecting to the distorted testimony of a policeman and was proclaimed dead on arrival at the Philippine General Hospital. Even until death, Tatay (father) Eddie, as he was fondly called by his fellow urban poor, fought for the interest and the rights of the poor and would not let anyone trifle with truth and justice."

Ito naman ang nakasaad sa isang email na pinadala ng isang kasama sa pakikibaka: "Last Monday, Feb. 17, 2020, Fr. Pete was rushed to the hospital, after his blood pressure shot up to 180.  He was attending a Senate hearing on the Kaliwa Dam project, when he felt ill and was taken to the clinic and eventually rushed to the hospital.  He suffered a rupture in his blood vessel, and underwent emergency brain surgery yesterday, Feb. 18, 2020, at around 3:30 AM, at Our Lady of Lourdes Hospital in Sta. Mesa, Manila."

Dagdag pa: "Fr. Pete is still at the ICU and recovering.  He is conscious and responsive.  He is able to have short conversations, and is accepting visitors between 11:00 AM – 1:00 PM and 5:00 – 8:00 PM.  His blood pressure is still erratic, as of today Feb. 19, 2020, and he has been advised to stay at the ICU between 3-5 days, after which he can be transferred to a regular room.  From thereon, his situation will be evaluated on a daily basis."

Nawa'y lumakas at gumaling na si Fr. Pete sa kanyang karamdaman, at patuloy pa namin siyang makasama sa pakikibaka para sa maayos na kalikasan at upang hindi matuloy ang proyektong Kaliwa Dam na talaga namang malaki ang epekto sa kalikasan, sa kapaligiran, sa mga katutubo, sa lupaing ninuno, at sa ating bansa. Magpagaling po kayo, Fr. Pete, at marami pa tayong laban na dapat ipagwagi!

02.22.2020

Mga pinaghalawan:
http://kpml-org.blogspot.com/2009/05/touched-by-his-life-ka-eddie-guazon.html
email from Mr. Jaybee Garganera of Alyansa Tigil Mina (ATM) na pinadala sa e-group ng Green Thumb Coalition

Linggo, Pebrero 9, 2020

Ang aklat na "Green Hopes: The Future of Political Ecology"

ANG AKLAT NA "GREEN HOPES: THE FUTURE OF POLITICAL ECOLOGY"
Maikling sanaysay ni Gregorio Bituin Jr.

Nabili ko ang aklat na "Green Hopes: The Future of Political Ecology" sa Book Ends Bookshop sa Lungsod ng Baguio noong Hunyo 5, 2019, sa mismong paggunita ng World Environment Day. May turo si misis hinggil sa ecobrick na nakaiskedyul doon kaya nabili ko ang 169-pahinang libro sa araw na iyon, sa halagang P150.00.

Paliwanag sa likod na pabalat ng aklat: "This book is a clear and vigorous manifesto for political ecology - a 'green' alternative to traditional political movements and doctrines. It examines the core values and principles which underlie political ecology, as well as the key problems it must address if it is to become a force of hope for the future."

Ang aklat ay salin mula sa wikang Pranses, at isinulat ng Pranses na si Alain Lipietz. Isinalin naman ito sa Ingles ni Malcolm Slater. Inilathala ito ng Polity Press noong 1995.

May tatlo itong bahagi, at labingtatlong kabanata. Narito ang tatlong bahagi:

Part 1: Old Imperatives, New Hopes
Part 2: International and Worldwide Perspectives
Part 3: A New Political Force

Hindi ko pa talaga nababasa ito ng buo, subalit magandang basahin, kahit na 1995 pa ito sinulat, tatlong taon matapos ang unang Earth Conference sa Rio de Janeiro noong 1992. 

Aktibo ako sa ilang mga grupong pangkalikasan, na nagdala sa akin sa iba't ibang lugar, tulad ng Thailand at France. Paglalakad mula Luneta hanggang Tacloban. At marami pang lugar. Nais ko pang mag-ambag ng marami pa sa usaping kalikasan at hustiyang panlipunan. At nawa'y may maiambag sa akin ang nasabing aklat.

Bakasakaling marami rin akong matutunan at maidagdag sa mga isusulat ko pang sanaysay, kwento at tula. At ito nga, nagsulat ako ng munting tula na sarili kong pagtingin sa pamagat ng aklat.

LUNTIANG PAG-ASA 

ano nga ba itong aklat na "Luntiang Pag-asa"?
ano ba itong pampulitikang ekolohiya?
bagong konsepto ba itong dapat nating mabasa?
na dapat matutunan ng nakararaming masa?

para sa kalikasan, para sa kapaligiran
bakit plastik na ang nabibingwit sa karagatan
imbes isda'y basura sa lambat pagpipilian
habang pulos polusyon na dulot ng mga coal plant

ang pag-asa ba'y luntian kung magtulungan tayo?
itong pampulitikang ekolohiya ba'y ano?
inaatake rin ba nito ang kapitalismo?
na siyang sistemang sumira sa buhay ng tao?

upang masagot ang mga tanong, ito'y basahin
baka may pabula ritong kaysarap kung namnamin
tulad ng kuwagong animo'y palaisip man din
o tulad ng unggoy na minsan kayhirap ungguyin