Linggo, Marso 17, 2024

Wakasan ang OSAEC!

WAKASAN ANG OSAEC!

Nitong Pebrero 13, 2024 ay naglathala ng infographics ang Philippine Information Agency (PIA) hinggil sa Republic Act 11930, na kilala ring Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act.

Naisabatas ito noong Hulyo 30, 2022, panahon na ni BBM subalit nakasulat sa batas ay si Pangulong Duterte. May kalakip itong pasubali: Approved: Lapsed into law on JUL 30 2022 without the signature of the President, in accordance with Article VI Section 27 (1) of the Constitution.

Matatagpuan ang nasabing batas sa kawing na: https://lawphil.net/statutes/repacts/ra2022/ra_11930_2022.html at ang Implementing Rules and Regulations (IRR) nito, na umaabot ng 73 pahina at naka-pdf file, ay nasa kawing na:  https://www.doj.gov.ph/files/2023/ISSUANCES/RA%2011930%20IRR.pdf.

Sa infographics ng PIA, may apat itong kahon na may litrato at pagtalakay. Makikita ito sa kawing na: https://pia.gov.ph/infographics/2024/02/13/batas-laban-sa-digital-child-sexual-abuse.

Narito ang mga nakasulat:
Unang kahon - Mga dapat malaman ukol sa R.A.11930 
Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Chile Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act.

Ikalawang kahon - Mga nakapaloob sa R.A.11930
- Koordinasyon sa internet service providers at telecommunications companies upang matanggal at mapigilan ang pagkalat ng CSAEM sa internet.
- Responsibilidad ng mga may-ari ng internet cafe, hotspots, at kiosks na ipabatid sa publiko ang mahigpit na ipinagbabawal ng R.A.11930 ang sekswal na pang-aabuso sa mga bata online at offline.
- Tungkulin ng mga may-ari, nagpapaupa, sub-lessors, operators, at tagapangasiwa ng mga hotel, motel, residential homes, condominiums, dormitories, apartments, transient dwellings, at iba pa, na ipaalam sa NCC-OSAEC-CSAEM ang anumang pangyayari ng OSAEC sa kanilang lugar.
- Offenders Registry - pagkakaroon ng talaan ng child sexul offenders.
- Pangangalaga ng mga lokal at nasyonal na ahensya sa mga kabataang naging biktima ng sekswal na pang-aabuso.

Ikatlong kahon - (Depinisyon)
OSAEC
- Tumutukoy sa paggamit ng Information and Communications technology (ICT) sa sekswal na pang-aabuso at/o pananamantala sa mga bata
- Kabilang dito ang mga sitwasyon kung saan bahagi ng offline na pang-aabuso at/o pananamantalang sekswal ay isinagawa online
- Saklaw nito ang produksyon, pagpapakalat, at pag-aari ng CSAEM mayroon man o walang pahintulot ng biktima

CSAEM
- Tumutukoy sa mga materyal na naglalarawan sa isang bata na kasali o nakikibahagi sa sekswal na aktibidad, maging tunay man ito o kunwari lamang
- Kasama rito ang mga materyal na nagpapakita sa sekswal na pang-aabuso at/o pananamantala sa isang bata, naglalarawan sa bata bilang isang sekswal na bagay, o nagpapakita ng mga pribadong pag-ri ng katawan ng isang bata
- Ang mga materyal na ito ay maaaring ginawa offline o sa pamamagitan ng ICT

Ikaapat na kahon - Paano makakaiwas sa OSAEC?
- Huwag magbahagi ng personal na impormsyon, litrato, at video sa mga taong nakilala lamang sa internet.
- Para sa mga magulang, siguraduhing gabayan at i-monitor ang mga kausap at gawain ng inyong mga anak sa social media
- Kung maaari, panatilihing pribado lamang sa inyong pamilya at kaibigan ang mga litrato at video ng inyong mga anak.
- Ipagbigay-alam agad sa kinauukulan kung makaranas ng kahit anong paraan ng pang-aabuso.


Strengthen online safety of children with RA 11930 or the Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act, or more commonly known as the Anti-OSAEC and CSAEM Act!

While the internet opens doors to possibilities, it also exposes children to dangers, including sexual abuse and exploitation. The Anti-OSAEC and CSAEM Act substantially reduces such danger by, among others, establishing the National Coordination Center against OSAEC and CSAEM, enhancing coordination and reporting mechanisms, and further firming up the duties and obligations of concerned actors, especially internet intermediaries.

Together, let's shape a safer digital world for our children!

Ang usaping ito'y ginawan ko ng tula bilang ambag sa pagtataguyod ng proteksyon sa mga bata:

WAKASAN ANG OSAEC!

halina't ang OSAEC ay ating labanan
na pag-abusong sekswal ang pinatungkulan
lalo sa online na biktima'y kabataan
ganitong krimen ay huwag nating hayaan

ay, iba na talaga ang panahon ngayon
may pag-abusong sekswal na gamit ang selpon
may pornograpiya o anupaman iyon
mga sexual maniac ay diyan nagugumon

kaya bantayan po natin ang mga anak
dapat kaligtasan nila'y ating matiyak
baka nang dahil diyan, sila'y mapahamak
makilala pa nila'y manloloko't manyak

kaya aralin natin ano ang OSAEC
paanong di mabiktima ng mga switik
paano iiwasan ang mga limatik
na baka sa iyong anak ay nasasabik

iwasan ang materyal na pornograpiya
at online na sekswal na pananamantala
dapat sa nagkasala'y matinding parusa
pagkat bata sa online ang binibiktima

- gregoriovbituinjr.
03.17.2024

* litratong silhouette mula sa google

Huwebes, Marso 14, 2024

Kwento - Bawal Bastos Law


BAWAL BASTOS LAW
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagkita ang mga magkakapitbahay na sina Ingrid, Ines, Isay, at Inday, at napag-usapan nila ang bagong batas na Bawal Bastos Law, dahil na rin sa isang kaso ng panghihipo sa kanilang kapitbahay na si Isabel. Umano’y kinasuhan ni Isabel ng panghihipo ang lasing na lalaki sa dyip na nasakyan niya. Hinuli ang lalaki ng mga pulis sa tulong na rin ng ibang pasahero, subalit itinatanggi umano ito ng lalaki nang mahimasmasan.

“Hoy, alam n’yo ba?” Pagsisimula ni Ingrid, “May bagong batas pala na tinatawag na Bawal Bastos Law, na siyang ginamit ni Isabel na batas upang kasuhan ang lalaking nanghipo sa kanya.”

Sumagot si Ines, “Hindi ko alam na may ganyang batas na pala. Dapat alam natin iyan. Lalo na ngayong Buwan ng Kababaihan, mga amiga, buwan natin ngayon. Ano nga pala iyang Bawal Bastos Law.”

Si Isay ang nagpaliwanag, dahil aktibong kasapi siya ng Oriang Women’s Movement. “Ang tinatawag na Bawal Bastos Law sa batas ay ang Safety Spaces Act o Republic Act No. 11313, na isinabatas noong Agosto 3 2019, habang ang implementing rules and regulations nito (IRR) ay inaprubahan noong Oktubre 28, 2019. Ang panghihipo at pagsipol dahil nagagandahan sila sa atin, aba’y kabastusan na iyan, hindi ba? Pati nga malisyosong akto at komento ay pinagbabawal na ng batas.”

“Subalit may Anti-Sexual Harassment Act of 1995 na, hindi ba? Di pa ba sapat iyon?” Tanong ni Inday.

Sumagot si Ines, “Mas pinaigting ng Bawal Bastos Law ang batas, na hindi lang panggagahasa ang kakasuhan kundi maging ang simpleng pagtitig sa katawan ng babae ay kahalayan na. Halimbawa, nakasakay ka sa dyip, bus o tren, at may isang pasahero na kung makatingin sa suso mo ay parang gusto ka agad sunggaban. Aba’y kaso na iyon.”

“Kaya pala agad nakasuhan ni Isabel ang lalaking lasing na iyon. Dahil may batas na palang ganyan.” Sabi ni Inday. “Buti naman.”

Naririnig pala sila nina Inggo at Igme na kanina pa nakaupo sa tabi habang nagkakape. Sumabat si Inggo, “Kung ganoon pala, pag sumipol pala ako habang naglalakad ka sa kalsada, maaari na akong kasuhan?”

“Aba’y oo, Inggo. Kung ako ang dalagang sinipulan mo, baka hindi lang kita isumbong sa pulis at kasuhan, makakatikim ka talaga sa akin. Subukan mo lang. Kahit ako’y matanda na, pag bastos ka, kakasuhan kita sa Safe Spaces Act. Kaya nga safe space, eh, wala dapat bastos.”

Si Igme naman, “Ibig nilang sabihin, pareng Inggo, iyang Bawal Bastos Law ay nagbabawal sa pambabastos sa sinumang tao, babae man o lalaki, bakla man o tomboy, anuman ang kasarian. Ipinagbabawal ang pangbabastos ng personal, harapan man o talikuran, at online.”

Sumagot muli si Isay, “Buti pa iyang kumpareng Igme mo, Inggo, ay alam kung ano ba itong pinag-uusapan natin. Aba’y ayaw din niyang pati sila ng kanyang mga anak na lalaki ay makasuhan ng pambabastos, kahit simpleng sipol lang iyan.”

Muling nagtanong si Ines, “Bukod sa pagsipol at panghihipo, ano pa ang mga bawal?”

Si Isay, “Iyong nasabi ko na, bawal iyang catcalling o pagsipol o pagtawag ng “sexy” sa mga dumaraan. Bawal din ang stalking o ang pagsunod-sunod nang walang pahintulot, pagtitig at paglapit sa isang tao na nagdudulot sa kanya ng takot. Pati mga kapraningan nga, ayon sa batas ay bawal, tulad ng pagma-masturbate sa pampublikong lugar, pagpapakita ng maseselang bahagi ng katawan sa plasa o palengke, o paghawak sa katawan ng isang tao na wala siyang pahintulot. Bawal din ang pagpapakalat ng mga nakakabastos na larawan ng iba, pambubully dahil sa kasarian, pagcocomment sa facebook ng mga mahahalay na salita. Bawal na rin ang paghawak sa maselang bahagi ng katawan ng waitress o pagyayayang makipagtalik sa saleslady.”

Nagtanong muli si Inggo, “Paano naman pag menor de edad ang nambastos, dahil hindi naman nila alam ang batas?”

“Alam mo, pareng Inggo,” sabi ni Igme, “May kasabihan ngang ignorance of the law excuses no one.”

Si isay muli, “May batas para riyan, at kung menor de edad, irereport ang bata sa Department of Social Welfare and Development o DSWD upang mabigyan ng kaukulang pagdisiplina.”

Tugon ni Ines, “Maraming salamat, Isay, sa mga paliwanag. Gabi na, uwi muna ako. Kita na lang tayo sa rali ng kababaihan sa Marso Otso.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 1-15, 2024, pahina 18-19.

Martes, Marso 12, 2024

Ang seasonal workers ay matuturing na regular na manggagawa, ayon sa SC

ANG SEASONAL WORKERS AY MATUTURING NA REGULAR NA MANGGAGAWA, AYON SA SC
Malayang salin ng ulat at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nais nating bigyang pansin ang balitang pinamagatang "SC: Seasonal workers can be deemed regular employees" na inulat at sinulat ng mamamahayag na si Jane Bautista ng Philippine Daily Inquirer, at nalathala nitong Pebrero 21, 2024 sa nasabing pahayagan.

Subalit nais kong isalin sa wikang Filipino ang kanyang ulat upang mas manamnam pa natin kung bakit nga ba ang seasonal workers ay maaaring ituring na regular na empleyado. Narito ang malayang salin ng ulat:

Maaari bang ituring na regular na empleyadoang isang pana-panahong manggagawa?

Sinabi ng Korte Suprema, na nagdesisyon sa isang labor case noong 2009 na kinasasangkutan ng isang tinanggal na manggagawa sa plantasyon ng asukal sa isang asyenda sa Negros Occidental, na ang isang empleyado ay maaaring ituring na regular na manggagawa kung siya ay gumaganap ng trabaho o mga serbisyong "pana-panahon o seasonal” at nagtatrabaho nang higit sa isang panahon o season.

"Ang katotohanang ang isang empleyado ay malayang gawin ang kanilang mga serbisyo para sa iba ay hindi nagpapawalang-bisa sa regular na katayuan sa pagtatrabaho hangga't sila ay paulit-ulit na tinatanggap para sa parehong mga aktibidad at hindi lamang on at off para sa anumang solong yugto ng gawaing pang-agrikultura," ayon sa Korte Suprema sa isang desisyong ipinahayag noong Nobyembre 13, 2023, ngunit nai-post lamang sa website nito noong Pebrero 16, 2024.

Sisyemang ‘Pakyawan’ 

Sinabi ng korte na ang mabayaran sa ilalim ng isang sistemang “pakyawan” o task basis arrangement (kaayusang batay sa gawain) ay hindi magpapawalang-bisa sa regular na trabaho “hangga’t ang employer ay may karapatang gamitin ang kapangyarihan ng kontrol o pangangasiwa sa paggampan ng mga tungkulin ng isang empleyado, ito man ay talagang nagagampanan o hindi."

Ibinasura ng desisyon ng Korte Suprema ang petition for review on certiorari na inihain ng Hacienda San Isidro/Silos Farms at ng isang Rey Silos Llamado na hinahamon ang desisyon ng Court of Appeals (CA) noong 2013 na nagdeklara kay Helen Villarue bilang regular na empleyado ng plantasyon ng asukal at nag-utos ng pagbabayad ng kanyang back wages at separation pay.

Ang asawa ni Villarue na si Lucito ay pinangalanang respondent sa petisyon.

Noong 2009, nagsampa ng magkahiwalay na reklamo ang mga Villarue sa National Labor Relations Commission (NLRC) para sa illegal dismissal, underpayment ng sahod, at pagbabayad ng service incentive leave pay at attorney’s fees.

Noong 2011, nagpasya ang labor arbiter na ang pagpapaalis kay Lucito ay para sa isang "makatarungang dahilan ngunit walang angkop na proseso (just cause but without due process)" at inutusan ang Silos Farm at si Silos na magbayad ng P5,000 para sa nominal damages. Si Helen naman ay napag-alamang regular na empleyado at idineklara itong legal na tinanggal.

Nagsampa naman ang mga petitioner ng isang memorandum of partial appeal sa NLRC, na pumanig sa kanila at binago ang desisyon ng labor arbiter—na si Lucito ay nabigyan ng due process noong siya ay tinanggal at si Helen ay hindi isang empleyado ng asyenda.

Iniutos din ng NLRC na kanselahin ang P5,000 award para sa nominal damages.

'Kapangyarihan ng kontrol'

Naghain ang mga Villarue ng motion for reconsideration, na pinagbigyan ng NLRC noong 2012 at nagresulta sa pagbabalik ng inisyal na desisyon ng labor arbiter. Nagdesisyon ang NLRC na ang mag-asawa ay iligal na tinanggal at inutusan ang mga petitioner na bayaran sila ng kabuuang P481,035.23 para sa separation pay, back wages, wage differential, 13th month pay at attorney’s fees.

Ito ang nag-udyok sa mga petitioner na iangat ang kaso sa CA, na sa una ay nagpasya na "Nabigo si Helen na patunayan ang pagkakaroon ng lahat ng mga elemento upang matiyak ang relasyon ng employer-empleyado sa pagitan niya at ng mga petitioner, partikular na ang mahalagang elemento ng kapangyarihan ng kontrol."

Gayunpaman, sa paghahain ng mosyon para sa muling pagsasaalang-alang noong 2013, binawi ng CA ang dati nitong desisyon at pinagtibay ang mga desisyon ng labor arbiter at ng NLRC na si Helen ay isang regular na empleyado ng mga petitioner batay sa Article 280 (ngayon 295) ng Labor Code.

Palagiang kinukuhang magtrabaho

Sinabi ng CA na itinuring nito na kaswal na empleyado si Helen "ngunit maaaring ituring na isang regular na empleyado dahil sa pagbibigay ng serbisyong hindi bababa sa isang taon, na patuloy na tinatanggap sa trabaho hanggang sa pagkatanggal sa kanya."

Binanggit ng CA ang ikalawang talata ng Artikulo 295 ng Labor Code na nagsasaad na “ang sinumang empleyado na nakapagbigay ng serbisyong hindi bababa sa isang taon, kung ang naturang serbisyo ay tuluy-tuloy o putol-potol, ay dapat ituring na isang regular na empleyado na may kinalaman sa aktibidad kung saan siya ay nagtatrabaho at ang kanyang trabaho ay magpapatuloy habang umiiral ang ganoong aktibidad.”

Sa petisyon nito sa mataas na tribunal, nangatuwiran ang mga amo na si Helen ay “bahagyang nagtrabaho sa asyenda sa batayang pakyawan,” at wala silang anumang kontrol sa paraan ng kanyang pagtatrabaho.

Idinagdag nila na si Helen ay malayang magtrabaho saanman, na binanggit na siya ay paulit-ulit na kinukuha, na nagbibilang ng "patdan" (maliit na pinagputulan ng tubo) at namamahala't nagpapatakbo rin ang sarili niyang tindahang sari-sari.

Ngunit dahil napag-alaman ng labor arbiter, ng NLRC at ng CA na si Helen ay isang regular na empleyado ng mga petitioner, sinabi ng Korte Suprema na itinuring nito ang desisyon nang may paggalang at pinal.

Gayunpaman, itinuwid ng mataas na hukuman ang katwiran ng CA sa pagtungo sa konklusyon na si Helen ay isang regular na empleyado, na nagsasabi na ito ay "mali" para sa CA na ikategorya siya bilang kaswal na empleyado sa pamamagitan ng paglalapat ng ikalawang talata ng Artikulo 295 ng Labor Code.

Ayon sa Korte Suprema, dapat ang batayan ay ang eksepsiyon na nakasulat sa unang talata ng batas na iyon, na nagsasaad na ang mga hindi sakop ng regular na trabaho ay ang mga pana-panahong manggagawa lamang na ang trabaho ay "para sa durasyon ng panahon o season."

"Kaya, ang mga pana-panahong empleyado na nagtatrabaho nang higit sa isang panahon sa trabaho o serbisyo na pana-panahong ginagawa nila ay hindi na nasa ilalim ng eksepsiyon sa unang talata, subalit nasa ilalim ng pangkalahatang tuntunin ng regular na pagtatrabaho," sabi nito.

Binanggit ng mataas na hukuman na habang ang mga manggagawang bukid sa pangkalahatan ay nasa ilalim ng kahulugan ng mga pana-panahong empleyado, palagi nitong pinanghahawakan na ang mga pana-panahong empleyado ay maaaring ituring na mga regular na empleyado.

“Paulit-ulit na kinukuhang magtrabaho [si Helen] para sa parehong mga aktibidad, ibig sabihin, pagtatanim ng tubo, pagbibilang ng patdan, atbp. Kaya naman, kung malaya siyang ibigay ang kanyang mga serbisyo sa ibang mga may-ari ng sakahan ay walang kaugnayan dito. Ang katotohanan na siya ay nagpapanatili ng isang sari-sari store ay hindi rin mahalaga at hindi tugma sa kanyang regular na katayuan sa pagtatrabaho sa mga petitioner," sabi nito. INQ

MANGGAGAWANG REGULAR SI HELEN

paulit-ulit kinukuhang magtrabaho
si Helen, isang pana-panahong obrero
ibig sabihin, pag tag-ani na ng tubo
pinakikinabangan ang kanyang serbisyo

kada tag-ani, manggagawa'y nakahanda
at nagtatrabaho nang walang patumangga
lalo't higit isang taon nang ginagawa
dapat turing na'y regular na manggagawa

ang balita pag inaral mo'y lumilitaw
ang sinabi ng Korte na sadyang kaylinaw
regular ang nagtatrabahong araw-araw
nang higit isang taon, ito ma'y may laktaw

regular ang manggagawang pana-panahon
tuloy-tuloy o putol-putol pa man iyon
pag-aralang tunay ang nasabing desisyon
ng Korte Suprema't baka magamit ngayon

03.12.2024

Sabado, Marso 9, 2024

Sahod ng manggagawa, itaas! Sahod ng SSS executives, bawasan! Ibahagi sa manggagawa!

SAHOD NG MANGGAGAWA, ITAAS! SAHOD NG SSS EXECUTIVES, BAWASAN! IBAHAGI SA MANGGAGAWA!
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa loob ng pabrika o anumang pagawaan, ang usapin ay sahod versus tubo. Pag itinaas ang sahod ng manggagawa, mababawasan ang tubo. Kaya binabarat ang sahod ng manggagawa, dahil upang hindi mabawasan ang tubo, pati na ang kinikita ng mga malalaking negosyante o mga matataas na namumuno sa isang kumpanya o ehekutibo.

Pag nanawagang itaas ang sahod ng manggagawa, umaangal ang mga employer na maaapektuhan sila. At madalas iniuugnay ito sa pagtaas ng presyo ng bilihin. Pag tumaas daw ang sahod ng manggagawa, magmamahal din daw ang pangunahing bilihin. Kaya ayaw itong itaas. Kinakailangan pa ng mga manggagawa na ipaglaban na itaas ang kanilang sahod.

Subalit pag tumaas ang kinikita ng mga kapitalista, negosyante, o pinuno ng mga ehekutibo, hindi nila sinasabing magmamahal ang presyo ng mga bilihin.

Ang manggagawa sa NCR ay may minimum wage na P610.00 kada araw, at sa isang buwan ay P610 x 26 days = P15,860. Sa loob ng isang taon, ito ay P15,860 x 12 = P190,320.

Nagsaliksik tayo ng mga sahod o kinikita ng mga negosyante, kapitalista, o ehekutibo ng isang kumpanya. Nasaliksik natin ang sa SSS, kaya ito ang binigyang-pansin natin sa artikulong ito.

Gayunman, ang trabaho bang walong oras ng manggagawa ay hindi maipapantay sa trabahong walong oras ng mga ehekutibo ng SSS? Natatandaan ko, may panawagan noon na ipantay sa sahod ng manggagawa ang sahod ng mga lingkod bayan. Alam nating magkaiba ang sistema sa gobyerno kumpara sa kumpanya. Subalit sa punto na parehong nagtatrabaho ng walong oras ang manggagawa at taong gobyerno, tulad ng taga-SSS, na bibigyang halimbawa natin dito, bakit mas mataas ang sahod ng taga-SSS kumpara sa isang regular na manggagawang tumatanggap ng minimum wage? Naaapektuhan ba talaga ng dagdag-sweldo ang presyo ng bilihin?

Tingnan natin ang monthly salary ng mga SSS officials, na nasa kawing na: https://www.sss.gov.ph/sss/DownloadContent?fileName=SSSCOMPACKDEC16_final.pdf


Ang buwang sahod at alawans sa isang buwan ng Branch Head / Department Head/Asst. Branch Head ay P50,919.00 at sa isang taon ay 611,028.00. May benepisyo kada taon ay P152,738.00. Sumatotal ay P763,766.00. Meron pa silang Provident fund na ibig sabihin ay employer share na 40% ng monthly salary, na P16,347.60.

Sa sumunod na kolum, ang sahod at alawans ng isang Branch Head/ Department Head ay P72,098.00 kada buwan, at sa isang taon ay P865,176.00. May dagdag benepisyo pa kada taon na P192,346.00. Sumatotal ay P1,336,744.00. Dagdag pa ang  Provident fund na P24,269.20,

Ang buwanang sahod at alawas naman ng Asst. Vice President ay P91,028.00, at kada taon ay P1,092,336.00. May dagdag benepisyo pa ito kada taon na P231,256.00. Sumatotal ay P1,323,592.00.

Nariyan din ang buwanang sahod, alawans at mga dagdag benepisyo ng Vice President, Senior Vice President, at President and CEO.

Subalit sa taas ng kanilang sinasahod, wala tayong narinig na pag tumaas ang kanilang sahod ay tataas din ang presyo ng mga bilihin! Naapektuhan ba ang bilihin nang tumaas ang sahod ng mga taga-SSS? Hindi, di ba?

Subalit pagdating sa karaniwang manggagawa, tumaas lang ng isangdaang piso ay sasabihin agad na magtataasan ang presyo ng mga bilihin. Sahod at presyo ba talaga ang magkatambal o magkatunggali, kaya sigaw natin: Sahod itaas, Presyo ibaba?

Ibig sabihin, hindi talaga sahod at presyo ang magkatambal o magkatunggali. Pagkat sa loob ng pabrika, sahod at tubo ang talagang magkatunggali. Pag tumaas ang sahod, maapektuhan at bababa ang tubo. Kaya ayaw itaas ang sahod, upang hindi maapektuhan at mabawasan ang tubo ng kapitalista.

Pagkumparahin natin ito sa minimum wage na natatanggap ng isang regular na manggagawa:

Buwanang sahod ng manggagawa: P15,860
Buwanang sahod at alawans ng taga-SSS: P50,919.00

Taunang kita ng manggagawa: P190,320
Taunang sahod, alawans at benepisyo ng taga-SSS: P763,766.00

Hindi tayo umaangal na higit triple ang kinikita ng taga-SSS kaysa karaniwang manggagawa, dahil hindi naman tumataas ang presyo ng bilihin, subalit umaangal sila pag taasan lang ng P100 ang minimum wage ng manggagawa, at sasabihing tataas ang presyo ng bilihin pag tumaas ang sahod ng manggagawa. 

Sinubukan ko gawan ng tula ang usaping ito:

USAPING SAHOD NG MANGGAGAWA'T EHEKUTIBO

mahal ang benepisyo't sweldo ng taga-gobyerno
subalit presyo ng bilihin ay di apektado
gayong taasan lang ng sandaang piso ang sweldo
ng obrero, bilihin na'y magmamahal ang presyo

dito pa lang ay ating masusuring binobola
talaga tayo ng mambobolang kapitalista
di itataas ang sahod ng manggagawa nila
basta tumubo ng tumubo, kumita't kumita

panahon nang itaas ang sahod ng manggagawa
upang sadyang umunlad ang ekonomya ng bansa
sahod ng mga taga-gobyerno yaong ibaba
kung nais na ekonomya'y paunlarin ngang sadya

kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan
sa artikulo't tulang ito'y ating salalayan

03.09.2024

Mga pinaghalawan:

Miyerkules, Marso 6, 2024

Paano ka naging mahirap?

PAANO KA NAGING MAHIRAP?
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Madalas, natatawa tayo sa katotohanan. Minsan, akala natin ay patawa ang katotohanan. Marahil, dahil masakit mabatid ang katotohanan.

Nang dinaan sa comic strip ang katotohanan, tayo na'y napapangiti. Tila ba binabalewala natin ang katotohanan, at marahil ay ayaw pag-usapan ng malaliman upang mabigyan ito ng kalutasan.

Makikita iyon sa isang comic strip kung saan nag-uusap ang dalawang taong namamalimos.

Tanong ng una: "Paano ka naging mahirap?"

Sagot naman ng ikalawa: "Panay ang boto ko sa kawatan."

Napakapayak lang ng kasagutan. Kaya siya mahirap ay dahil panay ang boto niya sa kawatan. Maiisip tuloy natin ang mga pulitiko sa kasalukuyan na pulos pangako lamang, subalit madalas napapako. Mga trapong namimigay ng ayuda para maiboto sa halalan. Mga mayayamang tumutuntong lang sa iskwater o sa mga mapuputik na lugar ng dukha dahil sa kampanyahan, at matapos manalo ay hindi na nila ito binabalikan.

Boto lang ang habol ng mga pulitiko sa mga dukha. Iyan ang katotohanan. Dahil silang mga maralita ay malaki ang bilang. Sila ang madalas nating marinig na nakakatanggap daw ng limang daang piso kapalit ng boto. Silang ipinagpapalit sa limang daang piso ang tatlong taon na pagdurusa, o marahil anim na taon, mairaos lang ang ilang araw na pangkain ng pamilya, lalo na ng mga anak.

Bakit nga ba sila mahirap? Bumoto daw kasi sa kawatan. Anong dapat gawin? Huwag nang bumoto sa kawatan. Paano mangyayari iyon kung lagi silang binibigyan ng ayuda ng sinasabi nilang kawatan?

May kinatha akong kwento noon na pinamagatang "Ang Ugat ng Kahirapan" na ang pambungad ay ganito: 

"Noong ika-19 dantaon, nag-usap-usap ang mga kilalang tao sa lipunan upang talakayin kung ano ang ugat ng kahirapan. Ito’y dahil na rin sa pagkairita nila sa mga nakikitang pagala-galang pulubi at mga tambay sa lansangan, at ito’y masakit sa kanilang mga mata. Pag nalaman nila ang ugat ng kahirapan ay baka mahanapan nila ito ng lunas."

"Ang sabi ng isang mayamang negosyante, ang kahirapan ay dahil sa katamaran."

"Ayon naman sa isang mataas na pinuno ng isang relihiyon, naghihirap ang mga tao dahil ito ang parusa sa kanila ng Maykapal."

"Ang sabi naman ng isang guro sa isang kilalang pamantasan, kaya naghihirap ang marami ay dahil sa kamangmangan."

"Ayon naman sa hari, iyan na kasi ang kanilang kapalaran."

"Ang sabi naman ng isang mataas na opisyal ng pamahalaan, populasyon ang dahilan ng kahirapan."

"Ngunit lahat sila ay hindi magkasundo kung ano talaga ang ugat ng kahirapan. Kaya nagpasya silang magbuo ng komite para magsaliksik. Nagpunta sila sa iba’t ibang lupain upang hanapin at malaman ang kasagutan. Hanggang may nakapagsabi sa kanila na may isang mabuting taong nakaaalam ng ugat ng kahirapan at ano ang lunas dito. Kaya’t dagli nilang pinuntahan ang naturang tao. Paalis na ang taong iyon upang pumunta sa isang napakahalagang pagpupulong nang kanilang maabutan at abalahin. Agad namang nagpaunlak ang taong nasabi."

Sa kwento, may limang tinukoy na dahilan ng kahirapan - katamaran, parusa ng Maykapal, kamangmangan, kapalaran, at populasyon. At sa ngayon marahil ay maidaragdag natin bilang pang-anim ang pagboto sa kawatan kaya naghihirap ang tao. Mali ang kanilang ibinoto. Hindi nila kauri. Silang mga maralita ay bumoto ng mayayaman, masalapi, at makapangyarihan sa lipunan. Silang mga isda ay bumoto ng mga lawin upang mamuno sa kanila.

Hindi nila ibinoto ang mga kandidato nilang kauri, tulad ng manggagawa, maralita, vendor, driver, at kapwa nila mahihirap. Silang mga isda ay dapat bumoto sa kapwa nila isda upang pamunuan sila, dahil alam ng kapwa nila isda ang kanilang mga suliranin. Hindi tulad ng mga lawin o agila na binoto ng mga isda na walang alam sa pamumuhay at kalagayan ng kapwa nila isda.

PAANO KA NAGING MAHIRAP?

"Paano ka ba naging mahirap?"
ang tanong ng isang kaibigan
na tulad niya, hanap ay lingap
"Panay ang boto ko sa kawatan."

dahil komik istrip lamang iyon
ay natatawa tayo sa sagot
gaano katotoo ang tugon
ngiti nati'y wala na't bantulot

katotohanan ang kanyang sambit
na buto natin ay manginginig
pagkat sa kalooba'y masakit
pagkat dukha'y winalan ng tinig

kung isda ang mga maralita
at mga pulitiko'y agila
isda ba'y binoboto ng isda
o binoto'y di kauri nila

pag-isipan natin ng malalim
ang komiks na iyon ay matalim
pinakita gaano kalagim
ang sistemang karima-rimarim

03.06.2024

Lunes, Marso 4, 2024

Pagbigkas ng 2 kathang tula sa Sining Luntian

PAGBIGKAS NG 2 KATHANG TULA SA SINING LUNTIAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa nang malaking karangalan ang maanyayahang makasama sa dalawang araw na programa ng "Sining Luntian: Eksibit, Musika at Talakayan" na ginanap mula ika-2 hanggang ika-3 ng Marso, 2024 sa Grand Atrium, Robinsons Las Piñas.

Nakakagaan din sa pakiramdam na mabatid na sa programa ay nakasulat ang pangalan ko, katabi ng magaling na mang-aawit at idolong si Joey Ayala. 
5:15 PM - 5:25 PM: Spoken Poetry: Greg Bituin Jr.
5l30 PM - 6:00 PM: Special Performance: Joey Ayala

Ang aking mga tinula, pakiramdam ko, ang ilan sa aking mga obra maestra, bagamat hindi iyon ang pinakamaganda. Subalit ang paksa ay napapanahon. Ang tulang "Buhay ng Boteng Plastik sa Sahig ng Bus" ay tatlong ulit ko nang na-perform. Una ay nang tinula ko ito sa isang forum ng Green Convergence na dinaluhan naming mag-asawa. Ikalawa ay nang binidyuhan ako ni misis na itinutula iyon sa bahay, at naibahagi sa facebook. At ikatlo nitong Marso 3 sa Sining Luntian.

Ang tula namang "Bakit natin dapat alagaan ang kalikasan?" ay unang beses ko lang binigkas sa harap ng madla. 

Mapapanood ang aking pagtula simula sa 5:09:27 ng kawing na: https://fb.watch/qAWt-Fz9CP/.

Narito ang dalawang tula:

(1) BUHAY NG BOTENG PLASTIK SA SAHIG NG BUS

itinapon siya sa sahig nang siya'y maubos
kaya pagulong-gulong na siya sa loob ng bus
nagtapon ba sa kanya'y wasto ang ugaling lubos
o taong ito sa kabutihang asal ay kapos

sinisipa ng mga pasaherong nakatayo
at nasisipa-sipa rin ng mga nakaupo
pagulong-gulong sa bus na tila ba naglalaro
ngunit napapagod din siya't nais nang maglaho

buhay ng boteng plastik ay tinatapon na lamang
ng kung sinong sa paligid ay walang pakialam
ganyan nga ang buhay na kanilang nararanasan
tinatapon kung saan matapos pakinabangan

naglipana na sa mundo ang milyun-milyong plastik
sa basurahan at dagat sila'y nagsusumiksik
kung may pakialam ka'y huwag magpatumpik-tumpik
ikampanyang tigilan na ang paglikha ng plastik

(2) BAKIT NATIN DAPAT ALAGAAN ANG KALIKASAN?

bakit natin dapat alagaan ang kalikasan
ito'y aking katanungang dapat may katugunan
hinagilap ko ang sagot sa iba't ibang bayan
hanggang nagbabagong klima'y akin nang naramdaman

ilang taon na lang daw, tataas na itong dagat
mga yelo'y matutunaw, di akalaing sukat
dagdag pa'y titindi raw ang mga bagyo't habagat
kung mangyari ito'y may paghahanda ba ang lahat

di lang simpleng mag-alaga ng bulaklak sa hardin
di lang simpleng magtanim ng prutas sa lupa natin
dapat wala nang plastik sa dagat palulutangin
dapat wala nang mga plantang coal ay susunugin

dapat itigil ng Annex I countries ang pagsunog
ng mga fossil fuel na sa mundo'y bumubugbog
pagtindi ng global warming ay nakabubulabog
dapat may gawin tayo bago pa bansa'y lumubog

di lang simpleng mag-drawing ng magandang kagubatan
di lang simpleng ipinta't itula ang kabukiran
dapat kongkreto'y gawin sa kongkretong kalagayan
magtulungan na upang iligtas ang kalikasan

Matapos ang aking pagtula ay tinawag ako ng emcee na si Jeph Ramos at tinanong kung bakit dinadaan ko sa tula ang aking pagtingin sa kalikasan. At sinabi kong ang tula ay maaaring makapagmulat sa mga nakakarinig. Nabanggit ko rin na ako'y nag-aral ng pagtula sa Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (Setyembre 2001-Marso 2002), at sa Palihang Rogelio Sicat Batch 15. Bago bumaba sa entablado ay binigyan ako ng sertipiko ng emcee, at nagbigay din ng isang makapal na notbuk si David D'Angelo.

Kaming mga nag-perform ay naging tagapagsalita naman sa Panel Discussion: Sining at Kalikasan (Role of Arts and Culture in Climate Action), kung saan nakasama ko ang vocalist mula sa bandang Viplava na si Jess Cayatao, ang Mobsculp artist na Yoj Blanco, at si Joey Ayala. Ang moderator ay si Jeph Ramos ng Green Party of the Philippines.

Muli, maraming maraming salamat sa pagbibigay sa akin ng pambihirang pagkakataong tumula sa aktibidad na iyon, lalo na sa pagbibigay ng halaga sa pagbigkas ng tula bilang sining na mas dapat pa nating payabungin para sa mga susunod pang salinlahi. Mabuhay!

03.04.2024

Linggo, Marso 3, 2024

Inihandang talumpati para sa kalikasan

INIHANDANG TALUMPATI PARA SA KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang malaking karangalan sa akin ang mabigyan muli ng pambihirang pagkakataong tumula sa harap ng mga dadalo sa Sining Luntian: Eksibit, Musika at Talakayan para sa Kalikasan na ginaganap ng dalawang araw, mula Marso 2-3, 2024 sa Grand Atrium, Robinsons, sa Las Piñas. Ito na ang ikalawa kong pagtula sa aktibidad na iyon. Ang una ay ilang taon na ang nakararaan, sa lugar ding iyon, na kasama ko si misis.

Subalit bukod sa pagbigkas ng tula, naanyayahan din akong maging panelist sa talakayang pinamagatang Panel Discussion: Sining at Kalikasan (Role of Arts and Culture in Climate Action). Naka-iskedyul ang nasabing talakayan sa ganap na ikaanim ng hapon ng Marso 3, 2024.

Sa ganitong pagkakataon ay dapat nakahanda at hindi basta pupunta na lang sa pagtitipon nang aanga-anga at bahala na si Batman. Tulad ng Boy Scout, dapat laging handa. Kaya naghanda ako ng aking sasabihin, kung sakali, upang tuloy-tuloy at hindi doon lang ako mag-iisip ng aking sasabihin. 

Narito ang aking inihandang munting panayam o talumpati na bibigkasin ko sa nasabing pagtitipon:

ANG TALUMPATI

Magandang gabi po sa ating lahat.

Isang karangalan po ang maging bahagi ng ganitong pagtitipon ng mga makakalikasan, ekolohista o environmentalist, o yaong may mga pagpapahalaga sa kalikasan. Sabi nga, pag naanyayahan ka tulad nito, agad mo itong paunlakan dahil bihira ang ganitong pagkakataon.

Isang karangalang maging isa sa tagapagsalita sa Panel Discussion na Sining at Kalikasan (Role of Arts and Culture in Climate Action), sa dalawang araw na aktibidad na Sining Luntian: Musika, Eksibit, at Talakayan Para sa Kalikasan dito sa Robinsons Las Piñas, dahil na rin sa imbitasyon ni Ginoong David D'Angelo, na tumakbong senador noong nakaraang halalan. Tatakbo kaya siya sa susunod na eleksyon? Ating siyang suportahan. Kailangan natin ng kampyon para sa kalikasan.

Sa paksang Role of Arts and Culture in Climate Action ay agad akong sumang-ayon upang ibahagi ang mga karanasan sa nilahukan kong dalawang beses na Climate Walk from Manila to Tacloban, at isa sa internasyunal. Una ay noong 2014 mula Oktubre 2 - Nobyembre 8, 2014, sa unang anibersaryo ng Yolanda. At ikalawa, ay noong nakaraang taon, mula Oktubre 8 hanggang Nobyembre 7, 2023, sa bisperas ng ikasampung anibersaryo ng Yolanda. Nakalahok din ako sa French leg ng Climate Pilgrimage from Rome to Paris mula Nobyembre 7 hanggang Disyembre 14, 2015, at nasaksihan ang pagkapasa ng Paris Agreement sa COP21. Doon ay dinala rin natin ang Filipino version ng Laudato Si, na isinalin sa wikang Filipino ng inyong lingkod. Sa tatlong okasyong iyon ay kinatawan ako ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ). Sa ngayon ay isinuot kong muli ang tshirt na ginamit sa Climate Walk 2023.

Ano nga ba ang papel ng makata sa pagtataguyod ng kagalingan ng kalikasan at ng hustisyang pangklima o Climate Justice? Ang papel ng makata ay hindi lamang para siyang nasa toreng garing o ivory tower na tinutula lang ano ang magaganda. Tulad ng alay na bulaklak sa isang dalaga, tulad ng pagpitas ng bituin upang ikwintas sa nililiyag, tulad ng pag-ibig sa sinisinta, kundi maging konsensya ng bayan. Ika nga ng makatang Pranses na si Percy Byshe Shelley, "Poets are the unacknowledged legislators of the world." Sabi naman ni Ho Chi Minh, na lider noon ng Vietnam, “Poetry should also contain steel and poets should know how to attack." Sa pagkamalikhain naman, ayon sa makatang Carl Sandburg, "Poetry is an echo, asking a shadow to dance" tulad ng pinagsasalita ng makata ang araw, ang buwan, boteng plastik, upos ng yosi, isda at pusit na kumain ng microplastic, batang nangangalakal, mismong kalikasan.

Dapat kasama rin ang makata sa pagkilos, hindi lang pulos sulat at salita, kundi higit sa lahat ay sa gawa, tulad ng pagtula sa rali. Bilang makata, may nakahanda na akong bolpen at papel, o notbuk upang doon ko isulat nang patula ang aking naging karanasan o kaya'y mga naiisip. Bawat tula’y tinitiyak kong may tugma at sukat, at magkakapareho ang bilang ng pantig bawat taludtod.

Noong panahon ng paglalakad ng kilo-kilometro sa Climate Walk, madalas ay sinusulat ko iyon sa araw, pag may nakitang magandang punto na dapat isulat, talakayin o tuligsain, saka na tinatapos sa gabi bago matulog. Habang tinitiyak pa rin ang tugmaan at sukat ng bawat taludtod.

Nakapaglathala ako ng aklat ng tula noong 2014 na pinamagatang "Sa Bawat Hakbang: Ang Climate Walk Bilang Epiko ng Pag-asa't Hustisya" at ang book launchging nito ay ginanap sa Kamayan para sa Kalikasan Forum sa EDSA malapit sa Ortigas noong Disyembre 18, 2014.

Narito ang isang tulang kinatha ng inyong lingkod noong Oktubre 7, 2014 habang nagpapahinga kami sa Our Lady of the Candle sa Candelaria, Quezon.

MGA PAANG NANLILIMAHID

nanlilimahid sa dumi ang mga paa
kilo-kilometrong hakbang ang pinuntirya
tila kilo-kilong libag ang nanalasa
anaki'y nasa paglulupa ang pag-asa

ang mga paang sa dumi nanlilimahid
sa iba't ibang bayan kami'y inihatid
upang hustisyang pangklima'y maipabatid
sa masa upang sa dilim ay di mabulid

ang mga paa'y nanlilimahid sa dumi
mitsa ang Climate Walk na kanilang sinindi
upang tao't gobyerno sa kapwa'y magsilbi
ng taos-puso sa araw man at sa gabi

nanlilimahid man ang mga paa namin
ito'y para sa isang magandang layunin
upang sa climate change itong mundo'y sagipin
at Climate Justice Now! ang sigaw na mariin

Kinatha naman sa banal na nayon ng Taize sa Pransya habang kami'y naroroon noong 14 Nobyembre 2015 ang sumusunod na tula:

MASUKAL ANG LANSANGAN PATUNGONG TAIZE

Masukal ang lansangan patungong Taize
Umagang sabik kaming umalis ng Cluny
Labing-isang kilometro, dumating kami
Bago magpananghali, buti’t di ginabi

Dinaanan namin ay dawag, kabukiran
Akyat-baba, tambak ang dahong naglaglagan
Rantso, kayraming bakang inaalagaan
Hanggang ang tinahak na’y gilid ng lansangan

Sa banal na nayon ng Taize tumigil
At isinuko roon anumang hilahil
Sa aming adhika’y walang makapipigil
Lalo’t hustisyang pangklima ang umukilkil

Di ko malilimot ang nayon ng Taize
Ang pagdatal dito’y ipinagmamalaki
Banal na nayong nagsisilbi sa marami
Sana dito’y makabalik pa muli kami

Sa Climate Walk 2023, ginawan naman ng Greenpeace ng video ang isa sa aking tula, kung saan bawat taludtod ay binigkas ng mga kasama sa Climate Walk. Narito ang tula:

PAGNINILAY SA CLIMATE WALK

O, kaylamig ng amihan sa kinaroroonan
habang nagninilay dito't nagpapahinga naman
tila ba kami'y kawan ng ibon sa himpapawid
na mga bundok at karagatan ang tinatawid

magkakasama sa dakilang misyon na Climate Walk
na climate emergency ang isa sa aming tutok
na climate justice sa bayan ay itinataguyod
mapagod man, naglalakad kami ng buong lugod

pagsama sa Climate Walk ay malaking karangalan
kaunti man ang lumahok sa mahabang lakaran
mahalaga'y maipahayag ang aming layunin
na climate emergency ay harapin na't lutasin

ipabatid ano ang adaptation, mitigation
ano ang climate fund, bakit may climate reparation
paano maghanda ang mga bansang bulnerable
Climate Justice Walk, ang pangalan pa lang ay mensahe

Maraming salamat po!

03.03.2024

Sabado, Marso 2, 2024

Biyahe't pamasahe mula Cubao hanggang tanggapan ng SM-ZOTO

BIYAHE'T PAMASAHE MULA CUBAO HANGGANG TANGGAPAN NG SM-ZOTO
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mula sa bahay ng namayapang biyenan sa Cubao, kung saan kami nakatira ni misis ngayon, hanggang patungo sa tanggapan ng Samahan ng Mamamayan - Zone One Tondo Organization (SM-ZOTO) sa Navotas ay paano ba ako makakatipid, sakaling doon ang iskedyul kong pulong. Tulad na lang nang maganap sa SM-ZOTO ang pagdiriwang ng anibersaryo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), kung saan ako ay sekretaryo heneral, nitong Disyembre 2023, at naganap din naman ang National Council of Leaders (NCL) meeting ng KPML nitong Pebrero 2024.

May ilang paraan pala akong nakita kung paano magtungo sa tanggapan ng SM-ZOTO mula Cubao kung iisipin paano ba magmumura ang pamasahe paroon at pabalik. Talakayin muna natin ang papunta.

Una, mula bahay ay sasakay ng tricycle hanggang Main Avenue station ng bus carousel, P10, dahil hindi mula sa terminal ng tricyle (P30 pag galing sa terminal). Pagsakay ng bus carousel mula Main hanggang Monumento, P25. Dyip mula babaan ng bus carousel sa Monumento hanggang Sangandaan, P13. Dyip mula Sangandaan hanggang Letre, P13. Tricycle mula Letre hanggang Tomana, P40 ang solo. Sumatotal: 10 + 25 + 13 + 13 + 40 = P101.

Ikalawa, mula bahay ay sasakay ng tricycle hanggang Main Avenue station ng bus carousel, P10. Pagsakay ng bus carousel mula Main hanggang Monumento, P25. Dyip mula babaan ng bus carousel sa Monumento hanggang Sangandaan, P13. Dyip mula Sangandaan hanggang Letre, P13. Tricycle mula Letre hanggang Tomana, P20 kung maghihintay ng matagal para may makasabay. Sumatotal: 10 + 25 + 13 + 13 + 20 = P81.

Ikatlo, mula bahay ay sasakay ng tricycle hanggang Main Avenue station ng bus carousel, P10. Pagsakay ng bus carousel mula Main hanggang Monumento, P25. Mula babaan ng bus carousel sa Monumento ay maglalakad at tatawid ng footbridge sa kabila, at sumakay ng dyip hanggang Letre, P13. Tricycle mula Letre hanggang Tomana, P40 ang solo. Sumatotal: 10 + 25 + 13 + 40 = P88.

Ikaapat, mula bahay ay sasakay ng tricycle hanggang Main Avenue station ng bus carousel, P10. Pagsakay ng bus carousel mula Main hanggang Monumento, P25. Mula babaan ng bus carousel sa Monumento ay maglakad at tumawid ng footbridge sa kabila, at sumakay ng dyip hanggang Letre, P13. Tricycle mula Letre hanggang Tomana, P20, maghintay ng matagal para may makasabay. Sumatotal: 10 + 25 + 13 + 20 = P68.

Ikalima, mula bahay ay sasakay ng tricycle hanggang Main Avenue station ng bus carousel, P10. Pagsakay ng bus carousel mula Main hanggang Monumento, P25. Mula babaan ng bus carousel sa Monumento ay maglakad at tumawid ng footbridge sa kabila, at sumakay ng dyip hanggang Letre, P13. Mula Letre, pag maaga pa, maglakad patungong Tomana. Sumatotal: 10 + 25 + 13 = P48.

Ikaanim: kung hindi na sasakay ng tricycle hanggang Main Avenue terminal ay nakatipid ng P10.

Ikapito, ibang ruta mula bahay sa Cubao ay maglakad hanggang LRT. Sumakay ng LRT mula Cubao hanggang Recto, P25. Sunod ay sumakay ng dyip mula Recto hanggang Pagamutang Bayan sa Malabon, P23. Maaaring sumakay ng tricyle puntang Tomana, P30, o kaya'y maglakad na lamang ng isang kilometro. Sumatotal: 25 + 23 + 30 = P78, o kung lakad, 25 + 23 = 48.

Kaya may opsyon ako upang makatipid.
Una, 10 + 25 + 13 + 13 + 40 = P101.
Ikalawa, 10 + 25 + 13 + 13 + 20 = P81.
Ikatlo, 10 + 25 + 13 + 40 = P88.
Ikaapat, 10 + 25 + 13 + 20 = P68.
Ikalima, 10 + 25 + 13 = P48.
Ikaanim, minus 10 sa pamasahe ng Una hanggang Ikalima.
Ikapito, ibang ruta, P78 pag nag-tricycle pa, ngunit kung lakad lang dahil maaga pa = P48.

Ang problema sa una, dalawang sakay ng dyip dahil nag-aagawan ng pasahero ang dalawang ruta na dumaraan sa Samson Road. Ang isa ay yaong Sangandaan hanggang MCU, na hanggang sakayan ng bus carousel. Ang ikalawa ay mula SM Hypermart sa Monumento hanggang Navotas o Malabon. Walang nanggagaling ng Navotas o Malabon na hanggang MCU ang ruta upang makasakay ng bus carousel. Kaya kung pupunta ako ng Letre, naglalakad ako at tumatawid ng footbridge hanggang makarating ng sakayan. O sumakay muna ng dyip mula MCU hanggang Sangandaan, saka sumakay muli ng dyip patungong Letre.

Sa pag-uwi naman mula Tomana hanggang Cubao, may paraan din upang makatipid. Pag may kasabay na kapwa-lider ng KPML, nakakalibre minsan sa tricycle hanggang Letre. Subalit kung palaging ganito ay nakakahiya rin, kaya obligadong mag-ambag. P20 kada pasahero pag may kasama. P40 pag solo.

Una, mula Tomana hanggang Letre, P20 sa tricycle. Sunod ay dyip na Letre hanggang Monumento, P13. O kaya'y sumakay pa ng isang dyip na galing Sangandaan hanggang bus carousel, P13. Sunod ay sumakay ng bus carousel mula Monumento hanggang Main Avenue station, P25. Kung sasakay ng tricycle mula paradahan ng tricycle, P30, hanggang bahay. Sumatotal: 20 + 13 + 13 + 25 + 30 = P101.

Ikalawa, mula Tomana hanggang Letre, P20 sa tricycle. Sunod ay dyip na Letre hanggang Monumento, P13. Tapos ay maglakad hanggang bus carousel, at sumakay ng bus carousel mula Monumento hanggang Main Avenue station, P25. Kung sasakay ng tricycle mula paradahan ng tricycle, P30, hanggang bahay. Sumatotal: 20 + 13 + 25 + 30 = P88.

Itatlo, mula Tomana hanggang Letre, P20 sa tricycle. Sunod ay dyip na Letre hanggang Monumento, P13. O kaya'y sumakay pa ng isang dyip na galing Sangandaan hanggang bus carousel, P13. Sunod ay sumakay ng bus carousel mula Monumento hanggang Main Avenue station, P25. Tapos ay maglakad na hanggang bahay, at huwag nang mag-ticycle. Sumatotal: 20 + 13 + 13 + 25 = P71.

Ikaapat, mula Tomana hanggang Letre, P20 sa tricycle. Sunod ay dyip na Letre hanggang Monumento, P13. Tapos ay maglakad hanggang bus carousel, at sumakay ng bus carousel mula Monumento hanggang Main Avenue station, P25. Tapos ay maglakad na hanggang bahay, at huwag nang mag-ticycle. Sumatotal: 20 + 13 + 25 = 58.

Ikalima, maglakad mula Tomana hanggang Letre. Sumakay ng dyip na Letre hanggang Monumento, P13. Tapos ay maglakad hanggang bus carousel, at sumakay ng bus carousel mula Monumento hanggang Main Avenue station, P25. Tapos ay maglakad na hanggang bahay, at huwag nang mag-tricycle. Sumatotal: 13 + 25 = P38.

Ikaanim, mas nais ko nang maglakad puntang sakayan ng dyip na Recto. Pagdating sa Recto ay mag-LRT uli. At maglakad na patungong bahay.

Kaya sa pag-uwi ay may mapagpipiliang diskarte upang makatipid.
Una, 20 + 13 + 13 + 25 + 30 = P101
Ikalawa, 20 + 13 + 25 + 30 = P88
Ikatlo, 20 + 13 + 13 + 25 = P71
Ikaapat, 20 + 13 + 25 = 58
Ikalima, 13 + 25 = P38
Ikaanim, 23 + 25 = P48

Madalas naman kasi akong nagtutungo sa SM-ZOTO opis dahil kadalasang doon inilulunsad ang ilang pulong at aktibidad ng KPML, gaya ng nabanggit sa itaas. Kaya dapat batid mo rin magkano ang pamasahe, at tinitingnan lagi ang bulsa kung butas ba o may tahi upang hindi malaglagan ng barya. At dapat mapagkasya ang anumang nasa bulsa. Subalit kung iyon ay hindi maulan. Sapagkat sa panahong tag-ulan ang mga unang opsyon ang madalas na nagagamit.

Pag sinisipag namang maglakad, naglalakad talaga dahil iyon din ang paraan upang makapagsulat at daluyan ko upang makapagtalakay ng paksa sa isip. Basta't alerto lang lagi sa nakakasalubong (baka may mangholdap) o sa daraanan (baka may manhole).

Matipid ako, at ito ang kinalakihan ko, kaya naiisip ko kahit ang ganitong paksa. Kaya halimbawang may P100 lang ako sa bulsa, ang ikalimang opsyon ay balikan na. Mula Cubao hanggang SM-ZOTO at vice-versa.

TULA SA PAGTITIPID SA PAMASAHE

dapat alam mo magkano ang pamasahe
nang makatipid at maisip ang diskarte
lalo kung may dalang mabigat na bagahe
sa paglalakbay ba'y para kang hinehele

bilangin ang salapi, magkano ang bayad
sa pagbunot ng barya'y di dapat makupad
ingat din, kung may sanlibo'y huwag ilantad
baryang pamasahe'y ihanda mo na agad

kung walang mabigat at maaga pa naman
huwag nang mag-tricycle, maglakad na lamang
pagtitipid sa pasahe'y kinalakihan
lalo't ako'y naging tibak sa kalaunan

kaya mula sa bahay hanggang S.M.-ZOTO
kaylaki nang dikarteng pagtitipid nito
kung halimbawang matipid mo'y sampung piso
aba'y dagdag-pambili na ng kanin ito

03.02.2024