Lunes, Setyembre 27, 2010

Ang grupong MASO at PANITIK

Ang grupong MASO at PANITIK
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sinimulan ang grupong MASO AT PANITIK noong Setyembre 4, 2010 sa pamamagitan ng paglikha ng blog nito na masoatpanitik.blogspot..com kung saan dito tinitipon ang iba't ibang akda ng mga aktibistang makata at manunulat. 

Nauna rito ay nabuo na noong 2005 ng Association of Progressive Poets (APP) ngunit kaunti lamang ang mga kasamang nag-aktibo rito, at di naman talaga ito naging isang ganap na samahan. Nakapagpatatak lamang ng t-shirt na may nakasulat na buong pangalan ng APP. Nang lumaon, nagbago ito ng anyo, at naging MASO AT PANITIK bilang tanda ng pagyakap sa prinsipyo't diwa ng uring manggagawa bilang hukbong mapagpalaya, isang samahan ng mga makatang lumilikha ng seryosong mga tula, masakit man tumama at nakasusugat ang mga salita, isang samahang mapagmulat, mga makatang para sa adhikaing maipagwagi ang isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Kaya binuo ang MASO AT PANITIK bilang isang samahan ng mga makata at manunulat para sa uring manggagawa at masa ng sambayanan, mga aktibistang alagad ng panitikan na nagsusulong ng kaisipang Marxismo at Leninismo sa pambansang kamalayan na ang adhikain ay ang pagtatayo ng lipunang sosyalismo. Ang tema ng kanilang mga sulatin ay hinggil sa pakikibaka ng uring proletaryado, iba't ibang isyung panlipunan at pang-ekonomya, at layuning pagwasak sa relasyon ng pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon dahil ito ang ugat ng kahirapan.

Sa panitikan ngayon, laganap pa rin ang kaisipan ng burgesya, mayayaman, kapitalista, at mga elitista. Sa kabilang banda’y laganap din ang nagsusulong ng kaisipang makabayan at pambansang demokrasya. Bihira ang nagtatalakay ng pagbuwag mismo sa pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon at pangangampanya tungo sa lipunang sosyalismo. Kaya nararapat lamang na organisahin ang mga aktibistang manunulat at makata upang makapag-ambag sa pagsulong ng sosyalistang literatura sa buong daigdig. Ang MASO AT PANITIK ay kaisa, di lamang ng mga kilusang makabayan, kundi higit ay ng kilusang sosyalista, di lamang sa bansa, kundi sa iba pang panig ng daigdig.

Para sa grupong MASO AT PANITIK, internasyunalismo at sosyalismo ang dapat lumaganap ngayon. Kaya nagkaisa ang ilang mga sosyalistang makata at manunulat na dapat gamitin ang literatura para sa pagsusulong ng kaisipang sosyalismo sa uring manggagawa at masa ng sambayanan. Tungkulin ng mga kasapi ng MASO AT PANITIK ang pagmumulat sa madla tungo sa adhikaing pagbabago at pagkakapantay sa lipunan hanggang sa maitatag ang isang lipunang sosyalismo.

MGA SASAPI:
- Nakakuha ng oryentasyon ng MASO AT PANITIK
- Nakapagpasa ng tatlong tula o dalawang sanaysay o isang maikling kwento
- Nasulatan, nalagdaan at nakapagpasa ng membership form
- Nakakuha ng edukasyong pang-aktibista, tulad ng Aralin sa Kahirapan (ARAK), Landas ng Uri (LNU), at Puhunan at Paggawa
- May pagkilala sa Pahayag ng mga Prinsipyo ng sosyalistang Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (mula sa Saligang Batas ng KPML) at 10 Katangian ng Sosyalismong Tinitindigan ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), na siyang mga magulang ng grupong MASO AT PANITIK

MGA TUNGKULIN AT GAWAIN NG MGA KASAPI:
- Pagtukoy at pagrerekrut ng mga aktibistang manunulat at makata
- Pagsusulat ng maikling kwento, sanaysay at tula na nagpapakita ng aping kalagayan ng manggagawa, maralita, mangingisda, magsasaka, kababaihan, kabataan, at iba pang aping sektor sa lipunan
- Pagbibigay ng pag-aaral hinggil sa pagsusulat ng maikling kwento, sanaysay, tulang may tugma't sukat, tulang may malayang taludturan, kasaysayan ng panitikang Pilipino
- Sariling pag-aaral at pagbibigay ng sosyalistang pag-aaral sa kapwa makata't manunulat, tulad ng Aralin sa Kahirapan (ARAK), Landas ng Uri (LNU), at Puhunan at Paggawa (PAKUM)
- Pag-oorganisa ng mga literary editors sa mga pahayagang pangkampus
- Paggawa ng mga aklat-pampanitikan hinggil sa iba't ibang isyung panlipunan at pang-ekonomya
- Palagiang paglulunsad ng mga poetry reading hinggil sa iba't ibang isyu ng sambayanan, na maaaring gawin sa mga piketlayn, sa mga lugar na dinemolis, sa rali sa Mendiola, sa lansangan ng pakikibaka
- Pagpapakilala sa mga sosyalistang makata at manunulat
- Pagkatha ng mga islogan sa mga pagkilos, tulad ng rali o mobilisasyon
- Pagmumulat sa pamamagitan ng pagtula
- Pagsasalin ng mga sosyalistang akda at tula
- Paghahanap ng pondo para sa mga ilalathalang aklat at pahayagan
- At marami pang iba na may kaugnayan sa pagsusulong ng sosyalistang diwa’t panitikan

ILANG MGA PAHAYAG:

Pahayag ng mga Prinsipyo ng KPML
- mula sa Saligang Batas ng KPML, Artikulo 2

Seksyon 4. Bilang sosyalistang organisasyon, itinatakwil ng KPML ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, dahil ito ang pinag-uugatan ng malaganap na kaapihan, kahirapan at pagsasamantala ng tao sa kapwa tao.

Seksyon 8. Naniniwala ang KPML na maaaring baguhin at lumaya ang mamamayan sa kahirapan at kawalang katarungan kung ganap na maitatayo ang isang sosyalistang lipunan at paglikha ng yaman na aariin ng lahat sa halip na iilan lamang at magkaroon ng tunay na kasaganaan para sa lahat ng mamamayan.

Seksyon 9. Naniniwala ang KPML na ang isang sosyalistang kaayusan ay matatamo lamang sa pamamagitan ng mahigpit na pagkakaisa, sama-sama at tuloy-tuloy na pagkilos ng mga maralita ng lunsod, ng mga manggagawa, at ng buong sambayanan.

10 Katangian ng Sosyalismong Tinitindigan ng BMP

Isa mga pangunahing dahilan ng pagbaklas ng BMP sa KMU ang magkaibang tindig ng dalawang samahan sa oryentasyon ng kilusang paggawa - magkakasya na lamang ba ang mga manggagawa sa pagsusulong ng pambansang demokrasya o ipaglalaban nila ang isang lipunan na bubuwag sa lahat ng anyo ng pang-aapi at pagsasamantala?

Sa ilalim ng pambansang demokrasya, iinam ang kalagayan sa paggawa ng mga manggagawa. Subalit mananatili silang alipin ng kapital - mga sahurang alipin na binubuhay lamang para lumikha ng yaman na hindi sa kanila.

Sa sosyalismong tinitindigan ng BMP, ipapalit ang isang sistema na walang pagsasamantala at pang-aapi sa sinuman. Isang sistema na magtataglay ng sumusunod na katangian:

1. Lipunang walang mga uri. Lipunan na hindi hinahati, hindi sinisino o kinikilala ang tao sang-ayon lamang sa uri niyang kinalalagyan.

2. Lipunang walang imperyalismo at imperyalistang pagsasamantala. Lipunang wawakas sa kapitalismo at kapitalistang pagsasamantala.

3. Lipunang walang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon. Lipunang nakapundar sa sosyal na pagmamay-ari ng mga kasangkapan at mga produktong nililikha nito.

4. Lipunang hindi pinatatakbo ng 'free market' o nakapundar lamang sa tubo at paghahangad ng limpak na tubo. Lipunang nakaplano ang ekonomiya sang-ayon sa layuning ipagkaloob ang lahat ng pangangailangan ng tao.

5. Lipunang ang estado ay pinatatakbo ng mga manggagawa. Lipunang ang buong populasyon ay bahagi ng armadong hukbo ng bayan.

6. Lipunang ipinatutupad ang ganap na demokrasya sa pamamagitan ng direktang partisipasyon ng bawat tao sa gobyerno at sa lahat ng usaping hinaharap ng lipunan.

7. Lipunang ipagkakaloob ang lahat ng pangangailangan ng tao - trabaho sa lahat, libreng pabahay, libreng edukasyon sa kabataan, libreng gamot at pangangalaga sa kalusugan, at marami pa. Ang mga ito ay hindi pribilehiyo kundi karapatan ng bawat mamamayan.

8. Lipunang ang mga pagawaan ay patatakbuhin ng mga manggagawa mismo (workers' self-management).

9. Lipunang ganap na magpapalaya sa kababaihan mula sa pang-aapi sa pagawaan at sa loob ng tahanan.

10. Lipunang bibigkis sa pinakamalawak na pagkakaisa ng buong sangkatauhan.

Miyerkules, Setyembre 15, 2010

Paunang Salita - sa aklat na KapitBisig

PAUNANG SALITA
sa aklat na KAPITBISIG, Pagkakaisa sa Laban ng Manggagawa ng Goldilocks
ni Gregorio V. Bituin Jr.


PAGSULONG AT PAGMATE

“sa bawat labanan may iba't ibang taktika
upang pasukuin ang tusong kapitalista
panalo sa isa, sa iba'y baka di ubra
kaya sa bawat sulong, dapat mag-analisa”

Binaybay ng aklat na ito ang naging pakikibaka ng mga manggagawa ng Goldilocks bilang testamento ng kanilang marubdob na pagkakaisa sa layuning ipagtagumpay ang kanilang laban.

Gayunman, ang aklat na ito ay hindi isang blueprint kung paano manalo sa laban, kung paano magtagumpay ang isang welga, dahil wala namang blueprint ang bawat taktika at estratehiya, pagkat lahat ay nakadepende sa magkakaibang sitwasyon at magkakaibang taktika ng magkabilang panig. Walang iisang pormula kung paano manalo sa laban. Ang pagkawagi sa isang labanan ay maaaring pagkatalo naman sa isa pa. Iisa ang sigurado - hindi tayo dapat patulog-tulog sa pansitan.

Tulad ng larong chess, hindi pwedeng ang alam mo lang na opening move ay 1. e4 na ang ekspektasyon mo sa katunggali ay tutugon agad ng 1... e5 2. Nf3 Nc6 (na siyang sulong ng magkatunggali sa popular na ruy lopez opening), paano na kung tumira ng sicilian defense na 1...c5 ang iyong katunggali, e, di nawindang ka agad dahil di ka pamilyar sa sulong ng iyong katunggali. Paminsan-minsan naman, ibahin mo ang iyong sulong. Mag-1.d4 ka. Mag-queens gambit ka. Opening move pa lang iyan. Paano na kaya sa middle game hanggang sa end game? Marami ang di na nakararating sa middle game o sa end game dahil sa opening pa lang ay namate na.

Sa bawat sitwasyon, kailangan ng masusing pagsusuri sa kalagayan, hindi iyong basta tira lang ng tira. Kailangang inaanalisa ang bawat pagsulong ng katunggali, lalo na ang bawat tira mo, at baka malapit ka nang mamate ay hindi mo pa alam. Kung hindi nagkaisa sa laban at hindi nagsuri ang mga manggagawa ng Goldilocks, marahil sa unang salpukan pa lang ay namate na sila ng management. Ngunit sa matagal na panahon ng tunggalian ng uri sa lipunan, tulad ng larong chess, ay nakakaintindi sa laban ang uring manggagawa. Hindi sila paiisa sa kanilang katunggali. Ayaw nilang basta mamate na lang ng kapitalista ng walang kalaban-laban. At ayaw ng manggagawang mamate.

Ang 16 na araw na welga ng mga manggagawa ng Goldilocks, kasama na ang mga sumuporta sa kanila, ay nagpapakita ng marubdob na hangarin at determinasyon ng bawat isa na sa pagkakaisa ng uri ay kanilang mapapagtagumpayan ang anumang laban. O di kaya naman, kung di agad maipanalo ang laban dahil sa bangis ng katunggali, ay draw o kaya'y stalemate muna, upang mapaghandaan ang mga susunod na laban.

Mahaba pa ang laban, dahil hindi lang Goldilocks ang naapi at dapat tulungan, kundi marami pang unyon sa marami pang pabrika, marami pang manggagawa sa marami pang pagawaan, may unyon man o wala, na dapat organisahin at pagkaisahin. Dahil habang nasa ilalim tayo ng isang sistemang ang pangunahing layunin lagi ay tubo at ang tingin sa manggagawa ay gastos sa produksyon, mananatiling kawawa ang mga manggagawa na pinaiikot lang sa palad ng mga kapitalista. Dapat baguhin ang ganitong sistema't pananaw sa manggagawa.

Ang manggagawa ang bumubuhay sa kapitalista, ngunit ang manggagawa pa ang api sa pabrika. Kung walang manggagawa, hindi mabubuhay ang kapitalista. Maaaring mabuhay ang lipunang ito ng walang kapitalista, ngunit hindi mabubuhay ang lipunang ito ng walang manggagawa. Ang manggagawa ang bumubuhay sa ekonomya ng bansa, ngunit hindi siya binabayaran ng tamang presyo ng kanyang lakas-paggawa. Binibiktima ang manggagawa ng salot na kontraktwalisasyon sa iba't ibang pabrika, ngunit nag-aakala ang manggagawa na ganito na kasi ang kalakaran kaya dapat pagtiisan, na hindi naman dapat.

Dapat pag-aralan ng mga manggagawa sa pabrika, maging empleyado sa gobyerno, tulad ng mga guro, kung sa anong klaseng lipunan tayo nabubuhay, kung bakit laksa-laksa ang naghihirap at may kakarampot na yumayaman, kung bakit may nakatira sa kariton, mapalad na kung may barung-barong, gayong naglalakihan ang mga mansyon at kondominyum na walang nakatira. Sa kabila ng pag-unlad sa lipunan, bakit kumakain ng tira-tirang pagkain o pagpag mula sa McDo at Jollibee ang maraming maralita?

Manggagawa, masdan mo ang iyong paligid. Pag-aralan mo ang lipunang ating ginagalawan. Bakit tayong mga manggagawa ang naghihirap gayong tayo ang gumagawa ng yaman ng lipunan? Dapat ba tayong magkayod kalabaw at gumapang sa hirap para pag-aralin ang ating mga anak, gayong ang edukasyon ay karapatan kaya dapat tinatamasa ng lahat? Na kung ang edukasyon ay karapatan, ito'y dapat libre, at kung ito'y libre, bakit pa tayo magkakayod kalabaw at gagapang sa hirap para pag-aralin natin ang ating mga anak?

Dahil nabubuhay tayo sa kapitalistang sistema. Isang sistemang ang ating mga karapatan ay hindi natin natatamasa dahil may presyo. Ang ating karapatan sa kalusugan ay dapat libre, ngunit kailangan mo munang mag-down payment sa ospital bago ka magamot. Na kung di ka makapag-down payment dahil sa kawalan ng salapi, bahala ka nang mamatay sa isang tabi dahil walang pakialam ang ospital dahil wala kang pera.

Sa ngayon, nahaharap pa rin sa tuluy-tuloy na laban ang mga manggagawa. Patuloy pa ang salot na kontraktwalisasyon, kung saan karaniwang limang buwan na lamang pinagtatrabaho ang manggagawa para palitan ng ibang manggagawang limang buwan ding magtatrabaho na ang layunin ng kontraktwalisasyong ito ay makatipid ang kapitalista at maiwasan nila ang pagbibigay ng benepisyo dahil para sa mga kapitalista't negosyante, kabawasan ito sa limpak-limpak nilang tubo at gastos sa produksyon . Gastos sa produksyon, hindi lang ang benepisyo, kundi ang mismong manggagawang kakarampot ang sahod.

Sa Goldilocks man tayo nagtatrabaho o sa ibang kumpanya, may tungkulin tayong maging kaisa ng mga manggagawa sa iba't ibang pagawaan, pabrika, paaralan o maging ahensya ng pamahalaan. Kailangang magkaisa ang manggagawa bilang iisang uri. Kailangang kailangan para sa kinabukasan ng ating mga anak, magiging apo, at ng mga susunod pang henerasyon. Dapat nating ituring na ang laban ng bawat manggagawa para sa katiyakan sa pagtatrabaho ay laban ng buong uri. May tungkuling tayong mga manggagawa na itayo ang sarili nating lipunan, isang lipunang makatao. Kung hindi tayo magkakaisa ngayon bilang iisang uri, kailan pa? Kung hindi tayo, sino?

Binigyan tayo ng pagkakataong maging kaisa ng iba't ibang manggagawa mula sa iba't ibang pabrika, unyon at pederasyon, ipagpatuloy natin ito, tapos man ang welga o hindi. Dahil ang pagkakaisang ito ang hudyat natin sa ating ikapagtatagumpay upang tuluyan nang mapalitan ang bulok na sistemang kapitalismo na nagsadlak sa maraming nagdaralitang tao sa dagat ng kahirapan, di lang dito sa ating bansa kundi sa buong daigdig. Ang welga ng mga manggagawa ng Goldilocks at ang pagkakaisa ng mga manggagawa mula sa iba’t ibang unyon, pederasyon at pabrika sa labang ito ay isang aral sa ating lahat. Halina’t magkaisa tayong tulungan at organisahin ang iba pang kapatid nating mga manggagawa sa iba pang pabrika, pagawaan o ahensya upang sila’y mamulat at maging kaisa rin natin sa laban upang itayo ang lipunang walang pagsasamantala, isang lipunan ng uring manggagawa.

Magkakaiba man ang sitwasyon at pagkakataon sa pagbasa upang maipanalo ang welga, isa lang ang tiyak na maiaambag ng karanasang ito, ang pagkakaisa at pagtutulungan ng kapwa manggagawa.

Mabuhay ang mga manggagawa ng Goldilocks! Mabuhay ang Bisig-Aglo-BMP! Mabuhay ang uring manggagawa! Tuloy ang laban!

Setyembre 14, 2010