Miyerkules, Setyembre 15, 2010

Paunang Salita - sa aklat na KapitBisig

PAUNANG SALITA
sa aklat na KAPITBISIG, Pagkakaisa sa Laban ng Manggagawa ng Goldilocks
ni Gregorio V. Bituin Jr.


PAGSULONG AT PAGMATE

“sa bawat labanan may iba't ibang taktika
upang pasukuin ang tusong kapitalista
panalo sa isa, sa iba'y baka di ubra
kaya sa bawat sulong, dapat mag-analisa”

Binaybay ng aklat na ito ang naging pakikibaka ng mga manggagawa ng Goldilocks bilang testamento ng kanilang marubdob na pagkakaisa sa layuning ipagtagumpay ang kanilang laban.

Gayunman, ang aklat na ito ay hindi isang blueprint kung paano manalo sa laban, kung paano magtagumpay ang isang welga, dahil wala namang blueprint ang bawat taktika at estratehiya, pagkat lahat ay nakadepende sa magkakaibang sitwasyon at magkakaibang taktika ng magkabilang panig. Walang iisang pormula kung paano manalo sa laban. Ang pagkawagi sa isang labanan ay maaaring pagkatalo naman sa isa pa. Iisa ang sigurado - hindi tayo dapat patulog-tulog sa pansitan.

Tulad ng larong chess, hindi pwedeng ang alam mo lang na opening move ay 1. e4 na ang ekspektasyon mo sa katunggali ay tutugon agad ng 1... e5 2. Nf3 Nc6 (na siyang sulong ng magkatunggali sa popular na ruy lopez opening), paano na kung tumira ng sicilian defense na 1...c5 ang iyong katunggali, e, di nawindang ka agad dahil di ka pamilyar sa sulong ng iyong katunggali. Paminsan-minsan naman, ibahin mo ang iyong sulong. Mag-1.d4 ka. Mag-queens gambit ka. Opening move pa lang iyan. Paano na kaya sa middle game hanggang sa end game? Marami ang di na nakararating sa middle game o sa end game dahil sa opening pa lang ay namate na.

Sa bawat sitwasyon, kailangan ng masusing pagsusuri sa kalagayan, hindi iyong basta tira lang ng tira. Kailangang inaanalisa ang bawat pagsulong ng katunggali, lalo na ang bawat tira mo, at baka malapit ka nang mamate ay hindi mo pa alam. Kung hindi nagkaisa sa laban at hindi nagsuri ang mga manggagawa ng Goldilocks, marahil sa unang salpukan pa lang ay namate na sila ng management. Ngunit sa matagal na panahon ng tunggalian ng uri sa lipunan, tulad ng larong chess, ay nakakaintindi sa laban ang uring manggagawa. Hindi sila paiisa sa kanilang katunggali. Ayaw nilang basta mamate na lang ng kapitalista ng walang kalaban-laban. At ayaw ng manggagawang mamate.

Ang 16 na araw na welga ng mga manggagawa ng Goldilocks, kasama na ang mga sumuporta sa kanila, ay nagpapakita ng marubdob na hangarin at determinasyon ng bawat isa na sa pagkakaisa ng uri ay kanilang mapapagtagumpayan ang anumang laban. O di kaya naman, kung di agad maipanalo ang laban dahil sa bangis ng katunggali, ay draw o kaya'y stalemate muna, upang mapaghandaan ang mga susunod na laban.

Mahaba pa ang laban, dahil hindi lang Goldilocks ang naapi at dapat tulungan, kundi marami pang unyon sa marami pang pabrika, marami pang manggagawa sa marami pang pagawaan, may unyon man o wala, na dapat organisahin at pagkaisahin. Dahil habang nasa ilalim tayo ng isang sistemang ang pangunahing layunin lagi ay tubo at ang tingin sa manggagawa ay gastos sa produksyon, mananatiling kawawa ang mga manggagawa na pinaiikot lang sa palad ng mga kapitalista. Dapat baguhin ang ganitong sistema't pananaw sa manggagawa.

Ang manggagawa ang bumubuhay sa kapitalista, ngunit ang manggagawa pa ang api sa pabrika. Kung walang manggagawa, hindi mabubuhay ang kapitalista. Maaaring mabuhay ang lipunang ito ng walang kapitalista, ngunit hindi mabubuhay ang lipunang ito ng walang manggagawa. Ang manggagawa ang bumubuhay sa ekonomya ng bansa, ngunit hindi siya binabayaran ng tamang presyo ng kanyang lakas-paggawa. Binibiktima ang manggagawa ng salot na kontraktwalisasyon sa iba't ibang pabrika, ngunit nag-aakala ang manggagawa na ganito na kasi ang kalakaran kaya dapat pagtiisan, na hindi naman dapat.

Dapat pag-aralan ng mga manggagawa sa pabrika, maging empleyado sa gobyerno, tulad ng mga guro, kung sa anong klaseng lipunan tayo nabubuhay, kung bakit laksa-laksa ang naghihirap at may kakarampot na yumayaman, kung bakit may nakatira sa kariton, mapalad na kung may barung-barong, gayong naglalakihan ang mga mansyon at kondominyum na walang nakatira. Sa kabila ng pag-unlad sa lipunan, bakit kumakain ng tira-tirang pagkain o pagpag mula sa McDo at Jollibee ang maraming maralita?

Manggagawa, masdan mo ang iyong paligid. Pag-aralan mo ang lipunang ating ginagalawan. Bakit tayong mga manggagawa ang naghihirap gayong tayo ang gumagawa ng yaman ng lipunan? Dapat ba tayong magkayod kalabaw at gumapang sa hirap para pag-aralin ang ating mga anak, gayong ang edukasyon ay karapatan kaya dapat tinatamasa ng lahat? Na kung ang edukasyon ay karapatan, ito'y dapat libre, at kung ito'y libre, bakit pa tayo magkakayod kalabaw at gagapang sa hirap para pag-aralin natin ang ating mga anak?

Dahil nabubuhay tayo sa kapitalistang sistema. Isang sistemang ang ating mga karapatan ay hindi natin natatamasa dahil may presyo. Ang ating karapatan sa kalusugan ay dapat libre, ngunit kailangan mo munang mag-down payment sa ospital bago ka magamot. Na kung di ka makapag-down payment dahil sa kawalan ng salapi, bahala ka nang mamatay sa isang tabi dahil walang pakialam ang ospital dahil wala kang pera.

Sa ngayon, nahaharap pa rin sa tuluy-tuloy na laban ang mga manggagawa. Patuloy pa ang salot na kontraktwalisasyon, kung saan karaniwang limang buwan na lamang pinagtatrabaho ang manggagawa para palitan ng ibang manggagawang limang buwan ding magtatrabaho na ang layunin ng kontraktwalisasyong ito ay makatipid ang kapitalista at maiwasan nila ang pagbibigay ng benepisyo dahil para sa mga kapitalista't negosyante, kabawasan ito sa limpak-limpak nilang tubo at gastos sa produksyon . Gastos sa produksyon, hindi lang ang benepisyo, kundi ang mismong manggagawang kakarampot ang sahod.

Sa Goldilocks man tayo nagtatrabaho o sa ibang kumpanya, may tungkulin tayong maging kaisa ng mga manggagawa sa iba't ibang pagawaan, pabrika, paaralan o maging ahensya ng pamahalaan. Kailangang magkaisa ang manggagawa bilang iisang uri. Kailangang kailangan para sa kinabukasan ng ating mga anak, magiging apo, at ng mga susunod pang henerasyon. Dapat nating ituring na ang laban ng bawat manggagawa para sa katiyakan sa pagtatrabaho ay laban ng buong uri. May tungkuling tayong mga manggagawa na itayo ang sarili nating lipunan, isang lipunang makatao. Kung hindi tayo magkakaisa ngayon bilang iisang uri, kailan pa? Kung hindi tayo, sino?

Binigyan tayo ng pagkakataong maging kaisa ng iba't ibang manggagawa mula sa iba't ibang pabrika, unyon at pederasyon, ipagpatuloy natin ito, tapos man ang welga o hindi. Dahil ang pagkakaisang ito ang hudyat natin sa ating ikapagtatagumpay upang tuluyan nang mapalitan ang bulok na sistemang kapitalismo na nagsadlak sa maraming nagdaralitang tao sa dagat ng kahirapan, di lang dito sa ating bansa kundi sa buong daigdig. Ang welga ng mga manggagawa ng Goldilocks at ang pagkakaisa ng mga manggagawa mula sa iba’t ibang unyon, pederasyon at pabrika sa labang ito ay isang aral sa ating lahat. Halina’t magkaisa tayong tulungan at organisahin ang iba pang kapatid nating mga manggagawa sa iba pang pabrika, pagawaan o ahensya upang sila’y mamulat at maging kaisa rin natin sa laban upang itayo ang lipunang walang pagsasamantala, isang lipunan ng uring manggagawa.

Magkakaiba man ang sitwasyon at pagkakataon sa pagbasa upang maipanalo ang welga, isa lang ang tiyak na maiaambag ng karanasang ito, ang pagkakaisa at pagtutulungan ng kapwa manggagawa.

Mabuhay ang mga manggagawa ng Goldilocks! Mabuhay ang Bisig-Aglo-BMP! Mabuhay ang uring manggagawa! Tuloy ang laban!

Setyembre 14, 2010

Walang komento: