Linggo, Enero 24, 2021

Kwento: Pagpapakatao



PAGPAPAKATAO
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

“Iisa ang pagkatao ng lahat.” Ito ang aking nabasa sa akdang Liwanag at Dilim ng ating bayaning si Gat Emilio Jacinto. Napakaganda ng isinulat niyang ito, na halos kawangki ng isinulat niya sa Kartilya ng Katipunan. “Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y magkakapantay; mangyayaring ang isa'y hihigitan sa dunong, sa yaman, sa ganda; ngunit di mahihigitan sa pagkatao.”

Kaya naiisip ko kung marahil ang lahat ng tao ay nagpapakatao at nakikipagkapwa-tao, baka wala nang pagsasamantala ng tao sa tao, baka wala nang sistemang kapitalismo na ang pangunahing layunin ay lagi nang pagsamantalahan ang manggagawa upang magkamal ng limpak-limpak na tubo. Tinanong ko ang ilang sektor hinggil dito, at anong pakahulugan nila sa pagpapakatao.

“Kung ako ang kapitalista,” sabi ng manggagawang si Kulas, “aba’y gagawin kong regular ang aking mga manggagawa, at babayaran ko ng tama ang kanilang lakas-paggawa. Sa ganito man lang ay makita nilang kahit ako’y kapitalista, ako’y makatao at mahusay makipagkapwa.”

“Aba, kung ako naman ang manedsment sa isang kumpanya,” ang sabi naman ng regular na manggagawang si Igme, “Ipapantay ko ang minimum na sahod sa living wage o nakabubuhay na sahod na nakasaad sa Konstitusyon ng bansa.”

“Ang gaganda ng inyong panukala,” ikako naman, “kung kayo ang kapitalista o manedsment ng kumpanya, kaso hindi eh. Kaya panaginip lang ang lahat ng iyan. Kalikasan kasi ng kapitalismo na durugin at lamunin ang kanyang mga katunggali sa negosyo. Kaya nga pinatatanggap nila sa atin ang salitang kumpetisyon, imbes na kooperasyon. Hindi kasi sila kikita ng malaki o magkakamal ng limpak-limpak na tubo kung pulos kooperasyon sila sa kanilang katunggali. Aba’y pababaan nga sila ng sahod ng manggagawa. Iyan ang kumpetisyon sa kanila. Kung ganyan ang kalikasan ng isinusuka nating sistema, paano ang sinasabi nating dapat silang magpakatao o makipagkapwa?”

“Tama ka,” sabat naman ni Aling Tikya, “hangga’t bulok ang sistema, hangga’t nangingibabaw ang patriyarkal na sistema, mananatili pa ring second class citizen kaming mga babae. Itinuturing na pambahay lang at tagapag-alaga ng mga bata. Disin kasi kami’y nagbubuntis at kayong mga diyaskeng lalaki ay hindi! Aba’y dapat lang baguhin ang sistemang bulok!”

“Kung nagpapakatao ang mga taong gobyerno, dapat mas buwisan nila ang mga mayayaman, kaysa mahihirap. Sa ngayon, dahil sa VAT, pare-pareho lang ang kaltas sa mga binili ng mahirap at mayaman. Tax the rich, not the poor. Sa totoo lang, ang pulubing maghapong kumita sa panlilimos, pag bumili ng pamatid-gutom na noodles para sa kanyang pamilya, aba’y may buwis agad. May 12% VAT agad na kaltas kasi sa bawat produkto,” sabi naman ng gurong si Mang Ramon.

“Pati nga ang karapatan sa edukasyon at kalusugan ay may presyo sa ilalim ng ganitong sistema ng lipunan. Karapatan na iyon, ha?” dagdag pa ni Mang Ramon. “Kaya ano ang sinasabi nating magpakatap at makipagkapwa tao ang mga nasa educational system natin, gayong sila ang hindi kikita o sasahod kung hindi magbabayad ng mahal sa edukasyon ang mga estudyante. Lalo na ang mga ospital na nais isapribado. Ang matindi pa sa ganitong sistema, pag isinugod mo sa ospital ang misis mong maysakit, hindi kayo agad tatanggapin kung wala kayong pandeposit, iyan ba ang pagpapakatao at pakikipagkapwa?

“Kung talagang nagpapakatao at nakikipagkapwa ang kapulisan, o mismong pamahalaan natin, sana’y buhay pa ang aking anak. Sana dinaan nila sa wastong proseso ang ginawa nilang pagsupil sa mga nagdodroga, upang makita nilang hindi nagdodroga ang anak ko. Kung may kasalanan man siya, dapat siyang makulong, at bilang ina ay nais ko siyang madalaw kahit sa kulungan upang ipakita ang pagmamahal ko bilang ina, hindi ang madalaw siya upang tirikan ng kandila sa sementeryo,” may halong galit at luha ang mahabang paliwanag naman ni Aling Nanette.

Natahimik kaming lahat sa kanyang tinuran.

Matitindi ang samutsaring ideyang nagsisilabasan na talaga namang nakapupukaw ng kaisipan. Malayo pa ang ating tatahakin upang talagang matamasa natin ang tunay na pagpapakatao at pakikipagkapwa.

Nakasakay ako sa dyip minsan patungo sa isang pulong nang mapansin ko kung paano ba nagpapakatao at nakikipagkapwa ang bawat isa. Sa loob ng dyip ko iyon nakita: Sa pagbabayad ng pamasahe at pag-aabot ng sukli ng mga taong hindi magkakakilala subalit kapwa naglalakbay. Aabutin ang bayad at ibibigay sa drayber, at ibabalik naman ang sukli sa pasahero nang hindi kinukupit ang pera. May katapatan sa puso’t diwa na ibalik ang sukli. Ah, naisip ko lang, may pag-asa pa.

Kung sa bayad-sukli ay may tapat na pagdadamayan na ang mga tao, hindi malayong ang inaasam nating pagkakatao at pakikipagkapwa tao ay masilayan natin talaga. Baka hindi sa panahon ng pananalasa ng bulok na sistemang kapitalismo, kundi sa susunod na yugto nito. Sa ibang sistema.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 16-31, 2021, pahina 16-17.

Sabado, Enero 23, 2021

Batas ng Kapital

Batas ng Kapital
Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nakamura. Kailangan lang maglibot at mag-ikot. Walong tali ng okra, P5 isang tali, pito ang laman. Sa talipapa katapat ng palengke. Habang sa loob ng palengke, P10 isang tali, apat ang laman.

Kaya imbes P80 sa walong tali ng okra, nabili ko ito ng P40 lang. Kinapa ko at binali ang dulo, mura pa at di magulang.

Nakamura sa paboritong okra. Marahil, napakarami nito sa pinanggalingan. Law of supply and demand. O kaya, malaki ang bayad sa stall sa loob ng palengke kaya may patong sa presyo ng okra. At maliit ang bayad sa stall sa talipapa kaya mura ang okra.

#buhayvegetarianatbudgetarian

Huwebes, Enero 14, 2021

Kwento: Pagsalubong sa Bagong Taon


PAGSALUBONG SA BAGONG TAON
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

Sinasalubong ng mamamayan ng daigdig, saanmang bansa nagmula, anumang lahi ang pinanggalingan, anumang kulay ng kanilang balat, ang pagsapit ng Bagong Taon. Sinasalubong nila ito sa pamamagitan ng mga makukulay na paputok. Madalas na Enero a-Uno ng madaling araw ay ipalalabas na sa balita sa telebisyon ang mga Bagong Taon sa iba’t ibang panig ng mundo, na ang madalas ipakita ay pawang mga paputok.

Habang sa Pilipinas, mapapanood mo sa mga ulat sa telebisyon ang mga kabataang naputukan ng daliri. Halos taun-taon na lang ay nadarag-dagan ang bilang ng mga naputukan. Maaaring mas mababa ang bilang ng naputukan ngayon kumpara noong nakaraang taon subalit walang nabawas sa bilang. May Bagong Taon pang may nabaril na bata. Namatay. Ah, dapat ngang ipagbawal ang pagpapaputok ng baril pag Bagong Taon.

Tingnan natin ang kwento ng dalawang kakilala ko. Magkaiba sila ng dahilan kung paano sila nawalan ng daliri. Si Inggo ay nawalan ng daliri noong nakaraang Bagong Taon dahil naputukan ng malakas na paputok, iyon bang Goodbye Philippines kung tawagin. Kaya iyon, Goodbye Daliri rin siya. Si Igme naman ay nawalan ng daliri nitong nakaraang taon din lang, bagamat hindi Bagong Taon, Kalagitnaan ng taon nang maipit ng makina ang kanyang tatlong daliri, ang hintuturo, ang hinlalato at ang palasinsingan. Naiwan na lang sa kanya ang hinlalaki at kalingkingan. Ah, paano ba natin sinasalubong ang Bagong Taon? Nagtanong-tanong ako.

Sabi ni Aling Rosa, “Dapat sa media noche pa lang ay marami na kayong mga prutas na bilog sa inyong lamesa. Tapos, magsuot din kayo ng mga kamisetang may tatak o disenyong bilog-bilog. Ito kasi ang sabi ng mga matatanda sa amin noong araw. Swerte raw ang mga bilog-bilog.”

Ayon naman kay Mang Kiko, “Noong araw, noong bata pa kami, asayment namin sa eskwela ang pagsulat ng mga New Year’s resolution. Ginagawa naman namin, hindi ang pagsasabuhay ng resolusyon, kundi ‘yung asayment, para makapasa naman kami at tumaas ang grado.”

“Nagpapahula naman ako pag Bagong Taon,” ani Impong Nena, “Ano bang kakaharapin ko ngayong taon? Bakasakaling tumama sa lotto ang mga numero ko.”

“Alam mo, Utoy,” ani Tata Bestre, “Kaya nagpapaputok ang mga tao sa Bagong Taon, dahil sa paniwalang tinataboy nito ang mga masasamang espiritu, at mawala ang mga kamalasan. At salubungin natin ay swerte.”

Marami pang mga kwentong kaugnay sa Bagong Taon. At ito ang matindi, nang makausap ko na’y manggagawa, tulad ni Ka Pilo, isang lider-manggagawa at pangulo ng isang unyon ng manggagawa sa Pasig.

“Bagong Taon? Bagong petsa lang naman iyan sa kalendaryo. Pero lumang sistema pa rin! Kung nuong nakaraang dalawa o limang taon ay kontraktwal na manggagawa ka, kontraktwal ka pa rin naman ngayon. Hindi nasusunod ‘yung patakarang pag nakaanim na buwan ka na, dapat maging regular ka nang manggagawa. Kaya nga walang pagbabago sa Bagong Taon. Pagbabago lang iyan ng petsa, hindi pagbabago sa buhay at kalakaran ng bulok na sistema ng lipunan!” Ito ang mariing sinabi ni Ka Pilo nang aking makausap.

Ayon naman kay Ka Miguel, na kanyang bise-presidente sa unyon, “Wala talagang pagbabago kahit Bagong Taon. Tingnan mo na lang ang sahod ng manggagawa, napakababa kumpara sa sinasabing living wage sa Konstitusyon na dapat sahod na makabubuhay. Ano pa? Magkakaiba rin ang pasahod sa bawat rehiyon. Kung dito sa NCR ay P519 ang minimum wage o natatanggap ng manggagawa, sa Laguna ay P400 lang, sa Visayas ay P310 lang, at sa Davao ay P300 lang. Aba’y dahil iyan sa mga Regional Wage Board na nagtatakda ng sahod. Aba’y nakokontrol ng pamahalaan ang sahod ng mga manggagawa ngunit hindi nila makontrol ang presyo ng mga bilihin. Nakakapikon, di ba? Kaya anong ipagsasaya natin sa Bagong Taon maliban sa nagbagong petsa?”

“Kung nais nating ipagdiwang ang Bagong Taon,” hirit ko, “dapat pala bago na rin ang sistema. Pag naipanalo na ng uring manggagawa ang inaasam niyang pandaigdigang lipunang makatao, isang lipunang walang pang-aapi at walang pagsasamantala ng tao sa tao, isang lipunang nangangalaga sa kalikasan at kapaligiran, isang lipunang ang bawat isa’y nagpapakatao at nakikipagkapwa tao.”

“Iyan, tama ka, iho.” Sabi ni Ka Pilo, “Kaya patuloy tayong magmulat at mag-organisa upang makamit natin ang lipunan nating pinapangarap.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 1-15, 2021, pahina 13-14.

Lunes, Enero 11, 2021

Ang salin ng tenant sa wikang Filipino

ANG SALIN NG TENANT SA WIKANG FILIPINO
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa sa mga nakaengkwentro kong salitang talagang dapat pag-isipan kung paano isasalin mula sa Ingles patungong wikang Filipino ay ang TENANT. Ano kaya ang tamang salin ng tenant batay sa gamit nito?

Nagsaliksik ako. Sa dalawang diskyunaryong ginagamit ko ay nakita ko ang kahulugan sa wikang Filipino ang tennt. Sa English-Tagalog Dictionary ni Fr. Leo James English, 33rd printing - 2009, pahina 1062, ang tenant ay:
(1) noun,a person paying rent for the use of land or building. Nangungupahan. Ingkilino (Spanish).
(2) a tenant in land holding: Kasamá.
(3) one that occupies or dwells: Ang nakatira (tumitira).
(4) verb, to hold or occupy as a tenant: Umupa, mangupahan, upahan.

Sa UP Diksiyonaryong Filipino naman, Ikalawang Edisyon 2010, Virgilio S. Almario - Editor, pahina 1241, ang tenant ay: png [Ingles] 1: tao na nagbabayad upang umokupa o gumamit sa lupa, gusali, at iba pa. 2: Agr kasamá. (Ang daglat na Agr ay Agrikultura.)

Sa dalawang diksyunaryo, nangingibabaw ang dalawang salin: nangungupahan at kasamá. Subalit pag iningles natin ang nangungupahan at kasamá, karaniwang hindi agad tenant ang naiisip ng tulad kong laki sa lungsod kundi renter para sa nangungupahan at comrade para sa kasamá, na may tuldik na pahilis sa ikatlong pantig, at companion para sa kasáma kung ang tuldik na pahilis ay nasa ikalawang pantig.

Kaya ano dapat ang salin? Kung gagamitin ko ang nangungupahan batay sa salin ng diksyunaryo, baka mali. Dahil sa palagay ko'y malaki ang kaibahan ng ng renter sa tenant. Ang renter, tulad ng mga nangungupahan ng isang kwarto o isang bahay sa lungsod, ay iba sa tenant. Ang tenant naman ay nangungupahan subalit siya na rin ang nangangasiwa o itinalagang tagapangalaga ng ari-arian ng may-ari. Kaya hindi renter at hindi nangungupahan ang ginagawa kong salin. Sa usapin ng mga maralitang lungsod ay kilala ang katawagang renter dahil din ito ang mga lumilitaw sa mga negosasyon hinggil sa usaping pabahay.

May iba pang salita ang kasamá sa wikang FIlipino, na maaaring pag-isipan din. Sa UP Diksiyonaryong Filipino ay ito ang iba pang kahulugan ng kasama, na ang iba'y nasa wikang lalawiganin: abe, agom, asosyado, gayyem, iba, kada, kauban, kavulun, at kompanyero. Subalit hindi ko iyon magagamit sa ngayon kung mas nais kong maunawaan ng mambabasa ang aking isinalin.

Kaya ano ang dapat na pagsasalin, lalo na ngayong may mga isinasalin akong akda ng ibang manunulat, at ito ngang tenant ang isa sa pinagkunutan ko ng noo. Na marahil ay madali lang sa mga laking probinsya, na may malawak na karanasan sa mga sakahan. Kailangan ko pang umuwi ng lalawigan upang matukoy talaga ang tamang salita sa aking isinasalin.

May nagsabi sa akin, ginagamit na ang tenant sa mga usapan sa wikang Filipino, bakit hindi mo iyon gamitin? Tama naman siya. Baka iyon na nga ang aking gamitin kaysa magsalin pa ng iba. Minsan, naiisip kong isalin ang tenant na tenante, na parang tenyente. Subalit wala naman nito sa diksyunaryo.

Sumang-ayon ako sa sinabi ng aking nakatatandang kapatid na babae na matagal nang nakatira sa lalawigan, na ayon sa kanya ang tenant ay tinatawag na kasama na mabilis ang pagbigkas. Dahil lalawigan ang setting ng akdang aking isinasalin, ginamit ko ang kasamá, na may tuldik na pahilis sa ikatlong titik a at binibigkas ng mabilis, bilang salin ng tenant, at ang kasama na mabagal ang bigkas bilang salin ng comrade o companion.

Sa ganito ko nalutas ang problemang ito. Gayunman, dapat pa ring mas maunawaan ng mambabasa ang gamit ng ating mga tuldik sa balarilang Pilipino, na marahil ay napag-aralan nila nuong elementarya, upang mapag-iba nila ang kasama sa kasamá.