Lunes, Enero 11, 2021

Ang salin ng tenant sa wikang Filipino

ANG SALIN NG TENANT SA WIKANG FILIPINO
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa sa mga nakaengkwentro kong salitang talagang dapat pag-isipan kung paano isasalin mula sa Ingles patungong wikang Filipino ay ang TENANT. Ano kaya ang tamang salin ng tenant batay sa gamit nito?

Nagsaliksik ako. Sa dalawang diskyunaryong ginagamit ko ay nakita ko ang kahulugan sa wikang Filipino ang tennt. Sa English-Tagalog Dictionary ni Fr. Leo James English, 33rd printing - 2009, pahina 1062, ang tenant ay:
(1) noun,a person paying rent for the use of land or building. Nangungupahan. Ingkilino (Spanish).
(2) a tenant in land holding: Kasamá.
(3) one that occupies or dwells: Ang nakatira (tumitira).
(4) verb, to hold or occupy as a tenant: Umupa, mangupahan, upahan.

Sa UP Diksiyonaryong Filipino naman, Ikalawang Edisyon 2010, Virgilio S. Almario - Editor, pahina 1241, ang tenant ay: png [Ingles] 1: tao na nagbabayad upang umokupa o gumamit sa lupa, gusali, at iba pa. 2: Agr kasamá. (Ang daglat na Agr ay Agrikultura.)

Sa dalawang diksyunaryo, nangingibabaw ang dalawang salin: nangungupahan at kasamá. Subalit pag iningles natin ang nangungupahan at kasamá, karaniwang hindi agad tenant ang naiisip ng tulad kong laki sa lungsod kundi renter para sa nangungupahan at comrade para sa kasamá, na may tuldik na pahilis sa ikatlong pantig, at companion para sa kasáma kung ang tuldik na pahilis ay nasa ikalawang pantig.

Kaya ano dapat ang salin? Kung gagamitin ko ang nangungupahan batay sa salin ng diksyunaryo, baka mali. Dahil sa palagay ko'y malaki ang kaibahan ng ng renter sa tenant. Ang renter, tulad ng mga nangungupahan ng isang kwarto o isang bahay sa lungsod, ay iba sa tenant. Ang tenant naman ay nangungupahan subalit siya na rin ang nangangasiwa o itinalagang tagapangalaga ng ari-arian ng may-ari. Kaya hindi renter at hindi nangungupahan ang ginagawa kong salin. Sa usapin ng mga maralitang lungsod ay kilala ang katawagang renter dahil din ito ang mga lumilitaw sa mga negosasyon hinggil sa usaping pabahay.

May iba pang salita ang kasamá sa wikang FIlipino, na maaaring pag-isipan din. Sa UP Diksiyonaryong Filipino ay ito ang iba pang kahulugan ng kasama, na ang iba'y nasa wikang lalawiganin: abe, agom, asosyado, gayyem, iba, kada, kauban, kavulun, at kompanyero. Subalit hindi ko iyon magagamit sa ngayon kung mas nais kong maunawaan ng mambabasa ang aking isinalin.

Kaya ano ang dapat na pagsasalin, lalo na ngayong may mga isinasalin akong akda ng ibang manunulat, at ito ngang tenant ang isa sa pinagkunutan ko ng noo. Na marahil ay madali lang sa mga laking probinsya, na may malawak na karanasan sa mga sakahan. Kailangan ko pang umuwi ng lalawigan upang matukoy talaga ang tamang salita sa aking isinasalin.

May nagsabi sa akin, ginagamit na ang tenant sa mga usapan sa wikang Filipino, bakit hindi mo iyon gamitin? Tama naman siya. Baka iyon na nga ang aking gamitin kaysa magsalin pa ng iba. Minsan, naiisip kong isalin ang tenant na tenante, na parang tenyente. Subalit wala naman nito sa diksyunaryo.

Sumang-ayon ako sa sinabi ng aking nakatatandang kapatid na babae na matagal nang nakatira sa lalawigan, na ayon sa kanya ang tenant ay tinatawag na kasama na mabilis ang pagbigkas. Dahil lalawigan ang setting ng akdang aking isinasalin, ginamit ko ang kasamá, na may tuldik na pahilis sa ikatlong titik a at binibigkas ng mabilis, bilang salin ng tenant, at ang kasama na mabagal ang bigkas bilang salin ng comrade o companion.

Sa ganito ko nalutas ang problemang ito. Gayunman, dapat pa ring mas maunawaan ng mambabasa ang gamit ng ating mga tuldik sa balarilang Pilipino, na marahil ay napag-aralan nila nuong elementarya, upang mapag-iba nila ang kasama sa kasamá.

 

Walang komento: