TATLONG BESES LANG AKO NABAYARAN SA PAGSUSULAT
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.
Bihira akong mabayaran sa aking isinulat, kaya ang ginagawa ko ay inilalathala ko ang aking mga libreto ng tula at kwento upang mailako sa mga nais bumili. Tama nga marahil sila. Walang pera sa pagsusulat. Lalo na sa tulad kong hindi nagtapos ng kurso sa pagsusulat. Kaya naitatag ko noong 2006 ang Aklatang Obrero Publishing Collective, upang ilathala ang ilan kong akda at saliksik upang kahit paano'y may pagkakitaan ang isang pultaym na tibak na tulad ko. Hanggang ngayong 2026 ay naglalathala pa rin ako ng aking mga libreto ng tula at kwento.
Sa loob ng dalawang dekada (2006-2026) ng paglalathala ng aking mga sinulat, at higit tatlumpung taon na nalathala ang aking mga akda (1993-2026), sa tatlong pagkakataon pa lang talaga nabayaran ang aking mga sinulat.
Una ay noong bandang kalagitnaan ng 1990s nang nasa publikasyong The Featinean pa ako at nasa kolehiyo. May dalawang artikulo akong nalathala sa pahayagang Diyaryo Uno na sabay kong kinuha ang kabayaran na P800. Bale P400 pala ang isang artikulo, na kinuha ko sa kanilang opisina sa tabi ng Mercury Drug sa Roosevelt cor. Quezon Avenue.
Mula sa The Featinean (1993-1997) ay nakapagsulat din ako sa magasing Maypagasa ng grupong Sanlakas (1998-1999), magasing Tambuli (1996-1999) at kalaunan ay pahayagang Obrero (2003-2010) ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), ang pahayagang Ang Sosyalista (2009, isang isyu) at magasing Ang Masa na inilathala ng Partido Lakas ng Masa (PLM) noong 2011 hanggang 2012 (walong isyu), at ang publikasyong Taliba ng Maralita (2001-2008, 2018-2026) ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) subalit lahat iyan ay boluntaryo at walang bayad. Nag-ambag din ako sa iba pang magasin, tulad ng Blue Collar magazine (1993), isang isyu ng Resurgence ng National Federation of Student Councils (NFSC) noong 1995, at Tambuli ng Dakilang Lahi (pitong isyu noong 2006). Boluntaryo ako sa mga organisasyong sinalihan ko bilang pultaym na tibak, kaya tuloy lang ako sa mga gawain ko noon. Minsan, may alawans na natatanggap bilang tibak. Basta ako'y patuloy lang na nagsusulat, anuman ang paksa, samutsaring isyu ng manggagawa't maralita, habang patuloy na kasangkot ng masa sa rali at pakikibaka.
Ikalawa, at unang beses na nabayaran ako ng tseke ay nang malathala ang aking akdang “Pagsama Ko Sa Lakad Laban Sa Laiban Dam” na natanggap ng Cultural Center of the Philippines (CCP) at nilathala sa ANI 41, na pinamagatang "Paglalakbay: Lakad, Layag, Lipad" noong 2021.
Ikatlo, at ikalawang tanggap ko ng tseke ay mula sa UP Diliman nang isinalin ko ang akdang "Living in Times of Unrest: Bart Pasion and the Philippine Revolution" ni Prof. Ed Tadem, sa aklat na "Pamumuhay sa Panahon ng Ligalig: Si Bart Pasion at ang Rebolusyong Pilipino". Isa ang aklat na isinalin ko na inilunsad sa UP Diliman noong ika-60 aniversaryo ng UP Press na pinamagatang "Pagmayaw" noong Marso 20, 2025.
Iyan lang ang tatlong beses na nabayaran ako sa aking mga sinulat. Una'y dalawang artikulo sa Diyaryo Uno, ikalawa'y isang sanaysay sa ANI 41 ng CCP, at ikatlo'y salin ng buong aklat ni Prof. Ed Tadem.
Ngayon, marami pa akong sulatin at kathang batid kong hindi mababayaran kundi kailangan kong ilako bilang libro upang maibenta at kumita. Sino ba naman ang bibili o magbabayad ng bawat tula o kwento kung hindi naman ito makakain? Kaya patuloy akong sumusubok na magpasa sa mga dyaryo't magasin tulad ng Liwayway. Nagbabakasakali ang isang dukhang manunulat na hindi naman sikat kahit Bituin pa ang apelyido.
Bagamat may bago akong munting negosyong mug press, hindi iyon sapat upang mabuhay. Kailangan kong magsulat at mabuhay upang may maipambayad sa tubig at kuryente, pambili ng sabon panlaba, may maipambili ng pagkain sa araw-araw, may pamasahe papunta sa pulong sa mga pinaglilingkurang samahang madalas din ay boluntaryo, may pamasahe pauwi upang hindi na maglakad lalo't pagod sa maghapong gawain.
Hindi sapat ang tumunganga na lang sa langit o sa pader o sa kisame o sa blangkong papel o sa laptop. Dapat makapagpasa ng akda sa mga pahayagan at magasin at mabayaran ang mga akda.
05.27.2026



















































