PABLO NERUDA: MAKATA NG DAIGDIG, SOSYALISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 20, Pebrero 2005, pahina 11
Isang pagpapaumanhin ang aking hinihingi. Dapat na ang artikulong ito'y nasulat noong 2004, kasabay ng ika-100 anibersaryo ng kapanganakan ng dakilang makatang si Pablo Neruda. Nalaman ko lang kasi ito nang aking mabili noong Disyembre 13, 2004 ang aklat na "Pablo Neruda: Mga Piling Tula". Ito'y koleksyon ng mga tula ni Neruda na isinalin sa wikang Pilipino ng mga kilalang makata sa bansa, tulad nina National Artist for Literature Virgilio S. Almario, a.k.a Rio Alma; Palanca awardees Roberto Añonuevo, Rebecca Añonuevo, Jerry Gracio, Vim Nadera (pawang aking mga guro sa palihan sa pagtula), at marami pang iba.
Ngunit sino nga ba ang bunying makatang ito? Si Pablo Neruda ang isa sa pinakapopular na makata ng ika-20 siglo. Isinilang siya bilang si Ricardo Reyes y Basoalto sa bansang Chile noong Hulyo 12, 1904. Ginamit niya ang pangalang Pablo Neruda nang magwagi sa isang timpalak pang-estudyante ang kanyang Cancio de la fiesta (labingpitong taon siya noon). Nalathala ang kanyang unang aklat sa edad na bente anyos.
Isa sa kanyang koleksyon ang Canto general (1950) na ayon kay Almario ay "isang koleksyong initunturing noon at ngayon na sadyang pinagbuhusan ng talino't pagod ni Neruda bilang isang makatang politikal, o mas angkop, bilang makatang Marxista at Komunista dahil ito ang kanyang unang koleksyon pagkaraang sumapi sa Partido Komunista ng Chile noong 1945."
Si Neruda ay nakisangkot sa pulitika dahil sa pagwasak ng mga Pasista sa bahay ng kanyang kaibigang si Rafael Alberti noong 1934, at pagpaslang sa kanyang kaibigang si Federico Garcia Lorca, kasabay ng gera sibil sa Espanya noong1936. Noong 1940, hinirang siyang konsul sa Mexico, at noong 1945 ay kumandidato siya't naging senador ng Chile, kung saan sa panahon ding ito siya sumapi sa Partido Komunista.
Natanggap ni Neruda noong 1953 ang Stalin Prize - ang pinakamataas na karangalang iginagawad ng pamahalaan ng Unyong Sobyet sa mga manunulat na may pulitikal na paninindigan. Pinarangalan siya ng Nobel Prize for Literature noong 1971. Namatay siya sanhi ng kanser noong Setyembre 23, 1973 sa Chile.
Ayon sa pahayagang Granma International, isang pahayagan sa Cuba, umaabot sa apatnapu't limang (45) aklat ng mga tula ang kanyang nalikha. May dalawampung (20) makata umano ang nagsama-sama sa kanyang katawan.
Sa pagdiriwang ng kanyang sentenaryo, maraming tula niya ang ipinaskel sa malalaking biilboards sa buong kontinente ng Latin Amerika. Maraming bookfairs ang inilunsad bilang pagpupugay sa kanya, at tinalakay ang kanyang buhay at nagawa sa mga libro, magasin, pelikula, at mga programa sa telebisyon at radyo, at nagkaroon din ng mga dramatic interpretation ng kanyang mga tula.
Kaming mga makatang Pilipino ay saludo sa mga nagawa ni Pablo Neruda sa larangan ng Panitikan, di lamang sa Chile, di lamang sa Latin Amerika, kundi sa daigdig.