ni Greg Bituin Jr.
(Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Tomo X, Blg. 4, 2005, pahina 4)
Noong Disyembre 1, 1955, pauwi na si Rosa Parks, manggagawa sa isang department store, nang sumakay siya ng bus sa Montgomery, Alabama. Ang bus ay nahahati sa dalawang bahagi - isa para sa mga puti at isa para sa mga itim. Napuno na ang bahagi ng bus para sa mga puti, at may sumakay na puting lalaki. Ayon sa John Crow laws of Alabama, dapat na ibigay ng mga itim ang kanilang upuan sa mga puti. Ngunit tumanggi si Parks, isang itim, na ibigay ang kanyang upuan sa isang puti. Dahil dito, siya’y inaresto, ikinulong at pinagmulta ng $14.
Nang gabi ring iyon, nanawagan na ang Women’s Political Council na iboykot ng lahat ng mga itim ang pagsakay sa bus bilang protesta. Ang 2/3 ng karaniwang sumasakay sa bus araw-araw ay mga itim. Sa loob ng 381 araw, binoykot ng mga itim ang Montgomery bus system. Sa araw ng paglilitis kay Parks, nabuo ang Montgomery Improvement Association na pangulo ay si Martin Luther King, kung saan nanawagan siya ng hustisya para kay Rosa Parks at sa lahat ng itim. Noong Nobyembre 1956, idineklara ng US Supreme Court na labag sa Konstitusyon ang batas ng segregasyon ng mga itim at puti sa Alabama. Mula noon, kinilala si Rosa Parks bilang simbolo ng pagbabago at nagbigay ng inspirasyon sa buong mundo.
Namatay si Parks, 92, noong Oktubre 31, 2005 sa Detroit at dinala ang kanyang labi sa Capitol Rotunda sa Washington, ang kauna-unahang babaeng itim na dinala rito at pinarangalan.
Hindi lamang nakaimpluwensya si Parks sa civil rights movement sa Amerika, kundi maging sa South Africa. Nang dumalaw sa Detroit noong 1990 si Nelson Mandela (nakulong ng 27 taon dahil sa pakikibaka laban sa Apartheid), nilagpasan niya ang iba pang dignitaryo at diretsang tumungo kay Rosa Parks, habang isinisigaw ang “Rosa, Rosa, Rosa Parks” at kanyang ipinahayag na nagsilbing inspirasyon si Parks sa pakikibaka ng mga taga-South Africa tungo sa kanilang kalayaan at pagsasarili.