Linggo, Setyembre 28, 2008

Mabuhay ang mga bayani ng Balangiga

MABUHAY ANG MGA BAYANI NG BALANGIGA!
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pulos pagkatalo ang laging napapatampok sa kasaysayan ng Pilipinas at bihirang ipagdiwang ang mga panalo. Tingnan na lamang ang laging ginugunita - Abril 9 na Araw ng mga Bayani (na sa orihinal ay pagbagsak ng Bataan), pagbagsak ng Corregidor, pagbagsak ni Rizal sa Bagumbayan, atbp. Bakit ang karaniwang ipinagdiriwang sa bansa ay ang panalo ng mga kaaway? ito ba'y dahil ito ang nais at idinidikta ng mga dayuhan? O baka naman talagang bobo ang mga nasa gobyerno? O sadyang wala tayong pakialam sa kasaysayan at sa kabuluhan nito sa ating mga pakikibaka sa kasalukuyan? Maaaring ito ang dahilan kung bakit kahit ipagdiwang ng mga nasa gobyerno ang kinalendaryong petsa ng paggunita ay matamlay pa rin ang pagtanggap ng mga Pilipino rito. Gaya na lang ng Hunyo 12 na sinasabing "Araw ng Kalayaan" pero ang bansa'y "under the mighty and humane American nation" na nakasulat sa Acta de Independencia. Lumaya nga ang bansa sa Kastila pero nagpailalim naman sa Kano! Tayo ba'y sadyang bayan ng mga api? Ah, hindi pa natin ganap na kilala ang ating kasaysayan.

Bakit hindi ginugunita ang pag-aalsang "Nag-Sabado" sa Pasig, ang paggapi ng mga pwersa ni Lapulapu sa mga hukbo ni Magellan, ang pagpapasuko ng mga Katipunero sa Bulakan sa mga pwersang Kastila roon, at ang tagumpay ng mga hukbong Pilipino laban sa mga Kano sa Balangiga, Samar noong Setyembre 28, 1901. Panahon naman na gunitain natin ang mga tagumpay at hindi mga kabiguan. Dahil dito, muli nating pag-aralan ang ating kasaysayan, at maaaring mas makilala pa natin ang ating mga sarili, na maaaring humantong sa higit na pagkakaisa.

Dumaong sa Balangiga, Samar, ang tatlong opisyal at 71 sundalo ng Company C, 9th US Infantry noong Agosto 11, 1901 upang magtayo ng garison. Sila'y mga pawang beterano ng pagsusugpo ng Boxer Rebellion sa Tsina.

Pawang mga bigating opisyal at tauhan ng hukbong Amerikano ang ipinadala sa Balangiga. Ang pinuno ng Company C ay si Capt. Thomas Connel (gradweyt ng West Point noong 1894), at si Lt. E. C. Bumpus naman ang pangalawa sa kumand.

Sa kabilang dako naman, pinamunuan ni Heneral Vicente Lukban, tubong Labo, Camarines Sur, bilang gobernador-militar, ang mga lalawigan ng Samar at Leyte. Bilang makabayan, inuudyukan niya ang mga katutubo na magtiwala sa kanyang pamumuno at labanan ang mga mananakop.

Noon, ang poblasyon ng Balangiga ay may 200 kubong pawid lamang. Napakarumi ng Balangiga nang datnan ito ng Amerikano. Nagkalat ang mga basura, dumi ng hayop, at mataas ang mga damo. Bumabaligtad ang maselang sikmura ng mga Amerikano at hindi nila matiis ang ganito. Ang hindi nila alam, sinasadya ito ng mga tagaroon.

Kinausap ni Capt. Connel at ng kanyang mga nakababatang opisyal si Alkalde Pedro Abayan na mag-utos sa malulusog na kalalakihan ng Balangiga para maglinis. Ayon naman sa alkalde, may mga nakatira sa gilid-gilid ng bayan na may malaki pang pagkakautang sa buwis at makabubuting ang mga iyon na ang bihagin at sapilitang papagtrabahuhin sa paglilinis. Pumayag ang mga opisyal na Amerikano, at sinabihan pa ng isang sarhento ang alkalde na kumuha ng kahit gaano karaming mapipilit na maglinis. Iyon lamang pala ang hinihintay ni Hen. Lukban. Ang buong iskema pala ng karumihan at ng paglilinis na ginagamit ang mga taong kapos pa sa pagbabayad ng buwis ay pakana ng mga rebolusyonaryo. At kakampi pala nila ang buong taumbayan ng Balangiga.

Isang tauhan ni Hen. Lukban, si Kapitan Eugenio Daza, ay nagtungo sa Balangiga at lihim na nakipagpulong kay Abayan, sa hepe ng pulisya na si Valeriano Abanador, at sa kura-parokong si Padre Donato Guinbaolibot, upang planuhing mabuti ang pagsalakay sa mga mananakop.

Sa pulong, napagkaisahang isang sorpresang pagsalakay ang dapat isagawa upang maparalisa ang mga Kano. Ngunit may mga problema, gaya ng paano ipantatapat ang mga gulok at mga sibat sa mga ripleng Krag-Jorgensen at mga pistolang .45. Mahirap ding makapasok sa garison. Laging may pitong armadong nagbabantay.

Ang solusyon, isasagawa ang pagsalakay sa ikapito ng umaga, ang tanging oras na iniiwan ng mga sundalo ang kanilang mga riple sa barracks. Sa araw ng Linggo, merong pintakasi (sabong) sa bayan kung saan maraming mga bisita ang darating  at di mapapansin ang mga rebolusyonaryong nakasibilyan.

Ang mga aatakeng pwersa ay nasa 500 katao, na hinati sa pitong grupo, na may tigpipitumpung kasapi bawat grupo na magsasagawa ng kanya-kanyang trabaho. Ang unang limang grupo ay sa labas ng bayan at papasok lamang mula sa iba't ibang bahagi ng kabayanan pag narinig ang hudyat. Ang pang-anim na grupo ay itinalaga naman sa loob ng simbahan. Ang sangkatlo (1/3) nito ay papasok na nakadamit pambabae para hindi maghinala kung bakit walang babae sa loob ng simbahan. Magkukunwari silang nagsisimba.

Ang pampitong pangkat, na kinabibilangan ng mga lokal na pulis at mananabong, ay maghahati sa tatlo pang maliliit na pangkat. Ang una ang sasalakay sa mga sundalong Kano sa munisipyo. Ang pangalawa at pangatlo ay sa dalawang kubo kung saan ang mga sarhentong sina Betron at Markley, kasama ang kanilang mga platoon, ay nakabase. Si Hepe Abanador naman ang magtitiyak na ang grupong naglilinis sa mga daan ay mga bihasa sa gulok, dahil sila ang aatake sa mga Kano habang kumakain. Ang magdala ng mga dagdag na tao ay madali dahil humihingi lagi si Capt. Connel ng mga dagdag pang tao upang mapabilis ang paglilinis sa bayan. Si Hepe Abanador ang magbibigay ng hudyat ng paglusob at dito'y ikakalembang ang kampana.

Kinaumagahan, Setyembre 28, ganap na ikaanim at kalahati ng umaga, kampante at komportable pa rin ang mga sundalong Kano. Nag-aalmusal ang inaantok pang mga dayuhan, nagkukwentuhan, nagtatawanan, nagbabasa ng mga liham mula sa Amerika - may detalyadong balita tungkol sa asasinasyon kay Presidente William McKinley ilang linggo pa lang ang nakalilipas; at maraming kwentong nagmula sa kanilang pamilya. Tiwalang-tiwala ang mga mananakop na hawak nila ang sitwasyon sa Balangiga. Sa oras na iyon, tatlo lang ang bantay.

Dahan-dahang lumakad si Hepe Abanador sa tabi ng mga kubo ng mga sundalong Kano nang bigla niyang agawin ang riple ng isang bantay na Kano at hinampas ng riple ang ulo nito. Kasabay nito'y nagpaputok siya ng baril at sumigaw ng "Yana! Ngayon na!!!" Kaagad sumunod dito ang walang tigil na pagkalembang ng kampana ng simbahan. Buong bayan na ang nakarinig ng kalembang ng kampana at iyon na ang hudyat. Noon ibinuhos ng mga taga-Balangiga ang naipong galit ng mga mamamayan sa buong kapuluan na nang-agaw na nga sa kalayaang naipagwagi laban sa mga Kastila ay nagmalupit at nandarahas pa sa mga Pilipino.

Ang pintuan ng simbahan ay biglang bumukas at dito'y lumabas ang mga galit na Pilipinong may mga hawak na gulok. Ang iba'y pumaroon sa plasa, at ang iba nama'y sa kumbento. Ang mga naglilinis naman sa daan ay pumunta agad sa kainan at pinagtataga ng gulok, piko at pala ang bawat Kanong makita nila. Nasorpresa ang mga Kano. May mga nakapanlaban, may tumalilis patungong dagat at sumakay sa mga bangkang kung tawagin ay "barroto". Ang mga nanlaban ay napatay din. Ang mga tumakas ay hinabol at napatay din.

Sa kumbento, natagpuan ng mga sumugod ang pitong Kano, kasama ang tatlong opisyal. Si Griswold, ang siruhano, at si Lt. Bumpus ay napatay sa kanilang higaan. Kagigising lang ng nakapadyama pang si Capt. Connel. At para makaiwas sa mga umaatake ay tumalon siya sa bintana. Ngunit hindi pa rin nakawala sa mga nasa ibaba. Tinagpas ang kanyang ulo at inilagay sa apoy.

May mga bungong sumabog, mga katawang naluray. Talagang madugo at kahindik-hindik ang naganap na paniningil at labanan. Hindi sukat akalain ng pamahalaang Kano sa Washington o ng mga opisyal at sundalong ipinadala nila rito na ang mga Pilipino ay may kakayahang makalusot sa kanilang mga kaparaanang panseguridad at makaganting-salakay sa kanila.

Sa 74-kataong kabuuang pwersang Kano doon, 38 ang napatay agad, 30 ang malubhang nasugatan, walo rito ang namatay din paglaon, ang ilan ay nawala na sa kaguluhan. Ang mga armas ng mga Kano ay tinangay na ng mga kababayan nating nagwagi sa labanan, kabilang na rito ang 200,000 rounds ng amunisyon.

Ang pangyayaring ito ang isa sa mga pinakamalaking pagkatalo sa labaan ng hukbong Kano sa buong kasaysayan nito magpahanggang ngayon. Nagapi ng lakas ng taumbayan ang lakas ng pwersang militar ng pinakamakapangyarihan nuon sa mga bansang mananakop. Dahil sa tagumpay na ito, nagsagawa pa ng mga pagsalakay sina Heneral Lukban sa iba pang bahagi ng Samar.

Ngunit hindi pumayag ang pamahalaang Kano na hayaan na lamang mangyari iyon. Nagmasaker sila sa malalawak na lugar sa buong isla ng Samar at ginawang bahagi ng kanilang paghihiganti ang pagsamsam sa mga kampana ng Balangiga, kasama na ang ginamit na hudyat para sa matagumpay na operasyon ng taumbayan laban sa mga Kano.

"Take no prisoners! I want you to kill and burn. The more you will kill, the more you will please me." Ganito ang iniutos ni US Gen. Jacob "Howling" Smith ukol sa buong isla ng Samar. Sa sukdulang pagkaulol sa galit ng mga pwersang Kanong nasa Pilipinas nuong panahong iyon ay iniutos ng heneral na barilin ang sinumang gumagalaw, patayin ang sinumang may kakayahang magpaputok ng sandata, na ang inilinaw niyang pakahulugan ay patayin ang lahat ng may edad na sampung taong gulang pataas, lalaki man o babae.

Noong Pebrero 27, 1902, nahuli si Heneral Lukban. At dito nagtapos ang mga pananalakay ng mapagpalayang pwersa sa Kabisayaan.

Nakaganti ang mga Kano, ngunit huwag nating kalimutang napakalaki ng kabuluhan ng tagumpay ng Balangiga para hayaan nating ito'y makalimutan na lamang.

Mabuhay ang mga bayani ng Balangiga!

- Mga datos mula sa aklat na The Filipino Nation, Tomo IX
- Sinulat sa tanggapan ng KPML, Disyembre 15, 2005

Martes, Setyembre 16, 2008

Setyembre 16, 1991 - Base Militar, Pinatalsik Na!

SETYEMBRE 16, 1991
Paninindigan ng Paglaya mula sa Kuko ng Agila
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Nalathala sa magasing Tambuli, Setyembre 2006, pp. 12-16.)

Sa ilang okasyon, tinanong ko ang ilan sa aking mga kakilala't kaibigan kung anong makasaysayang mga tagumpay ng mga Pilipino sa loob ng dalawampung taon ang kanilang natatandaan pa? Karamihan sa kanila ay mga guro, manggagawa, maralita, at simpleng tao. Kadalasan ng kanilang sagot sa akin ay ang People's Power o Edsa 1, na siyang nagpatalsik kay dating pangulong Ferdinand Marcos, at Edsa Dos, na nagpatalsik naman kay dating pangulong Erap Estrada. Ang sabi ko, meron pang isang mahalaga. Pero talagang nagkukunot sila ng noo. Nagtanong pa ang isa kung iyon ay Edsa Tres? Sabi ko, hindi.

May pahimaton (clue) akong binigay sa kanila. Ito'y hinggil sa kalayaan ng sambayanang Pilipino? May isang nakasagot. Isang aktibista. Tugon niya: ang Setyembre 16, 1991 na siyang pagpapatalsik sa base militar ng mga Amerikano sa Pilipinas.

Pero bakit nga ba parang hindi alam ng mga tao ang makasaysayang pangyayaring ito at tila unti-unting nakakalimutan.

Natatandaan ko pa, ilang taon na ang nakararaan, noong Setyembre 16, 1991, nang mapanood ko sa telebisyon ang balita hinggil sa desisyon ng labindalawang senador na maalis ang mga base militar ng Amerika sa Pilipinas. Umuulan noon at nais kong sumama sa rali, ngunit hindi maaari. Pagkat ako'y nagtatrabaho pa noon sa isang pabrika sa Alabang bilang press machine operator. Hindi ako nakasama, ngunit ang laki ng aking galak sa balitang bumoto ang 12 senador laban sa panibagong tratado na mag-i-extend pa ng sampung taon ang base militar. Ang iskor ay 12-11 (No-Yes).

Sa sumunod na araw ng Linggo, inilathala ng StarWeek, lingguhang magasin ng Philippine Star, ang kumpletong talumpati ng 23 senador hinggil sa kanilang paninindigan at dahilan ng pagboto ng "Yes" at "No". Isa iyong makasaysayang dokumento at collector's item. Ngunit dahil sa palipat-lipat ako ng tirahan, at maraming kaibigan ang may access sa aking mga aklat at magasin, ang nag-iisang kopya ko ng Starweek magazine na iyon ay hindi ko na nakita pa.

Ang dating Senado na pinangyarihan ng makasaysayang kaganapang ito ay nasa Maynila pa. Napapalibutan ang gusali ng Senado ng mga basang banner at streamers dahil nag-vigil pa kinagabihan ang mga anti-bases advocates at namalagi roon kinabukasan na araw ng botohan. At ang mga taong nagrarali sa labas, sa gitna ng ulan, ay naghumiyaw sa galak, tulad din ng iba pang nakabalita, nang malaman nilang tanggal na ang mga base militar sa Pilipinas.

Isang araw bago iyon, tiniyak na ng Senate Committee on Foreign Relations ang kapalaran ng panukalang tratado. Bumoto ito ayon sa Resolusyon Blg. 1259 ni Sen. Wigberto Tañada na hindi pakikipagkasundo sa "A Treaty of Friendship, Cooperation and Security" - ang mapanlinlang na pamagat ng panukalang tratado para mamalagi pa ng sampung taon pa ang mga base militar ng Amerika sa Pilipinas. Ang 12 senador na bumoto sa resolusyon ay sina Senate President Jovito Salonga, Senators Agapito "Butz" Aquino, Juan Ponce Enrile, Joseph, Estrada, Teofisto Guingona Jr., Sotero Laurel, Ernesto Maceda, Orlando Mercado, Aquilino Pimentel Jr., Rene Sagisag, Wigberto Tañada at Victor Ziga. Tiniyak ng pagbotong ito ang pagkamatay ng panukalang tratado na nangangailangan lamang ng walong botong "No" para tanggihan ito ng Senado. Dalawang-katlong (2/3) boto ang kinakailangan naman para manatili ang mga base militar.

Mula Setyembre 2 hanggang 6, 1991, nagsagawa ng araw-araw na public hearings, kung saan nagbigay ng opinyon ang iba't ibang tagapagsalita mula sa Philippine negotiating panel, myembro ng gabinete, opisyal ng Kagawaran ng Depensa, mga nasa academe, at mga eksperto sa relasyong Pilipinas-Estados Unidos. Kasama ring inimbita ang mga kinatawan ng unyon ng manggagawa, taga-simbahan, non-government organizations (NGOs) at peoples' organizations (POs). At mula Setyembre 7 hanggang 10, tinalakay naman ng Senate Committee on Foreign Relations sa ilalim ni Sen. Leticia Shahani ang tratado; at ang debate sa plenaryo ay isinagawa mula Setyembre 11 hanggang 15.

Sa kahuli-hulihang bahagi ng pagpupulong ng Senate committee, pinangunahan ni dating Pangulong Corazon Auino ang pagmartsa at rali sa Senado para sang-ayunan ang pananatili ng mga base militar ng Amerika sa Pilipinas. Siya ang kauna-unahang pangulo ng isang malayang bansa na nanawagang bumoto ng "Yes" ang mga senador. Ito'y isang akto na kahit ang kanyang sariling gabinete na nasa negotiating panel, si Alfredo Bengzon, ay ikinahihiya siya.

Ngunit paano nga ba ang nangyari na ang isang institusyong ang tingin ng marami ay maka-Amerika ay tumanggi sa panibagong tratado. May ilang sagot ang mga eksperto.

Una, mag nagsasabing magandang salubungin na malaya ang bansa sa anumang impluwensya ng dayuhan sa pagdiriwang ng sentenaryo ng kapanganakan ng bansa sa Agosto 24, 1996 at sa sentenaryo ng umano'y kalayaan ng bansa sa Hunyo 12, 1998.

Ikalawa, minaliit ng US ang post-Edsa Senate, na ang karamihang senador ay mga human rights lawyer o kaya'y mga dating detenido na lumaban sa rehimeng Marcos na suportado naman ng US.

Ikatlo, hindi na pinayagan sa bagong Konstitusyong 1987 ang pagdadala at pananatili ng mga armas-nukleyar sa Pilipinas, kung saan alam ng marami na laging may dala nito ang mga sasakyang-pandigma ng US saan mang panig ng mundo ito naroroon.

Noong ika-42 General Assembly ng United Nations, bumoto ng "Yes" ang Pilipinas sa 39 resolusyon mula sa 40 resolusyon hinggil sa pagtanggal ng mga armas-nukleyar (nuclear disarmament).

Nagtalumpati at bumoto ang 23 senador (hindi na kasama si Sen. Raul Manglapus na naitalaga na bilang kalihim ng foreign affairs) noong tag-ulan ng Setyembre 16, 1991, na nag-umpisa mula ika-9 ng umaga hanggang ika-8:13 ng gabi. Si Senador Jovito Salonga, na siyang namuno sa proceedings, ang siyang huling bumoto at nagpaliwanag ng kanyang boto. Ayon sa kanya: "Ang Setyembre 16, 1991 ang siyang araw na natagpuan namin sa Senado ang kaluluwa at tunay na diwa ng ating bansa dahil nag-ipon-ipon ang ating katapangan at hangaring wakasan ang pananatili ng mga base militar ng Amerika sa Pilipinas. Bumoboto ako ng "No" sa tratadong ito."

Ang makasaysayang pangyayaring ito ay hindi dapat mapunta sa kangkungan ng kasaysayan. Dapat itong malaman ng mas marami pang tao. Dapat itong ideklarang pista opisyal o holiday bilang paggunita sa pagpapasya ng mga Pilipinong tumayo sa sariling paa. Kung karamihan ng ginugunita natin sa ating kasaysayan ay pawang mga pagbagsak, tulad ng Disyembre 30 (pagbagsak ni Rizal), Agosto 21 (pagbagsak ni Ninoy), Abril 9 (pagbagsak ng Bataan), mas dapat nating gunitain ang tagumpay ng bansang Pilipinas - ang pagpapatalsik sa mga base militar ng Amerika sa bansa (Setyembre 16).

Malaki rin ang ginampanang papel ng mga aktibista at kilusang makabayan sa pagpapasya ng 12 senador para pumanig sa kinabukasan at tiwala na kayang tumindig ng Pilipino kahit walang suporta ang bansang Amerika.

Anong dapat nating gawin? Dapat kilalanin ang dakilang araw na ito sa pamamagitan ng pagpasa ng panukalang batas na kumikilala sa araw na ito. At ang manipestasyon ng pagkilalang ito ay kung gagawin itong pista-opisyal tulad ng Disyembre 30, Agosto 21, Hunyo 12 at Hulyo 4. Hikayatin natin ang ating mga kongresista na magpasa ng panukalang batas hinggil dito.

At ito'y maaari nating maisagawa sa pamamagitan ng pagsusulat ng liham bawat isa sa ating mga kongresista at senador, o kaya'y magpalabas din ng signature campaign na ihahain natin sa ating mga kongresista at senador upang mapwersa silang sulatin at balangkasin ang pagkilala sa Setyembre 16 kada taon bilang "Araw ng Paninindigan at Kalayaan".

Maghanda ang ating mga kababayan sa pagsuporta sa gagawing panukalang batas o "house bill" sa pamamagitan ng iba't ibang pagkilos, tulad ng forum, symposium, mobilisasyon, at mga pagdiriwang.

May kasabihan ngang "Ang di marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan." Kilalanin natin at unawain ang nagdaang kasaysayan upang matiyak nating tama ang ating tinatahak sa kasalukuyan. Ipatimo natin sa kamalayan ng kasalukuyan at mga susunod na henerasyon ng mga Pilipino na tayo'y marunong manindigan para sa kapakanan, kinabukasan at kalayaan ng ating bansa. Halina't ipagdiwang natin ang tagumpay ng mga Pilipino.

Mabuhay!!!