Lunes, Nobyembre 17, 2008

Halina't Itanim ang Binhi ng Aktibismo

Paunang Salita sa librong TIBAK: Katipunan ng Panitikang Aktibista, Unang Aklat

Gregorio V. Bituin Jr., Editor


HALINA'T ITANIM ANG BINHI NG AKTIBISMO
SA PUSO'T DIWA NG BAWAT ISA

May aktibista dahil may kawalang katarungan. Tutunganga na lang ba tayo kahit inaapi na ang ating mga kababayan at kapatid? O tayo'y kikilos upang sila'y sagipin? Patuloy ang teroristang demolisyon ng tahanan ng mga maralita, patuloy ang mababang pasahod sa mga gumagawa ng yaman ng kapitalista, patuloy ang pagtataboy sa mga vendors na naghahanapbuhay ng marangal, patuloy na nabibilad sa sikat ng araw ang mga napakasisipag na magsasaka ngunit kapos pa rin sa pangangailangan ang kanyang pamilya, patuloy ang pagtataas ng matrikula taun-taon gayong karapatan at hindi negosyo ang edukasyon, patuloy ang pagtaas ng presyo ng gamot at nagpapagamot gayong karapatan ng bawat isa ang kalusugan, dumarami ang mga batang manggagawang dapat ay nasa paaralan habang walang makitang trabaho ang maraming nasa gulang na, at iba pa.

May aktibista dahil may pangangailangang tugunan ang iba't ibang kinakaharap na problema ng mga manggagawa, maralita, kababaihan, kabataan, magsasaka, maliliit na manininda, magniniyog, magtutubo, mangingisda, lumad, at iba pang aping sektor ng ating lipunan.

May aktibista dahil may nagsuri na mali ang sistemang kasalukuyan nating ginagalawan, na mali na may naghaharing iilan habang naghihirap ang higit na nakararami, na mali na umiiral ang kalagayang may mahirap at may mayaman. May aktibista dahil may naniniwalang dapat ipaglaban ang lahat ng ating karapatan, at ang karapatan ay hindi dapat gawing negosyo ng pamahalaan at ng mga kapitalista, tulad ng ating karapatan sa pabahay, pagkain, trabaho, kalusugan, at marami pang karapatang dapat kilalanin at igalang. May aktibista dahil nagdurugo ang ating puso kapag nakikita at nalalaman nating may naaapi at napagsasamantalahan. Hindi natin kayang manahimik at magbingi-bingihan sa bawat hikbi ng ating kapwa mahihirap.

May aktibista dahil may nagresponde sa panawagang kumilos laban sa gobyernong puno ng kurakot, laban sa pamahalaan ng katiwalian, laban sa sistemang mapagsamantala, laban sa mga taong sariling interes lamang ang nais manaig imbes na interes ng higit na nakararami.

May aktibista dahil patuloy na nabubuhay sa kadiliman ang ating bayan. Tungkulin ng bawat aktibistang akayin sa liwanag ang bawat nasa dilim. May aktibista dahil may taong prinsipyado, may makatarungang prinsipyong tinatanganan at ayaw pabayaan sa dilim ang kanyang kapwa. Prinsipyo niya'y makatao at internasyunalismo.

May aktibista dahil naniniwala siyang makakamit lamang ang kapayapaan sa daigdig kung makakamit ang hustisyang panlipunan para sa lahat.

May aktibista dahil hindi siya pasibo o tuod, kundi taong may pakialam sa kanyang kapwa tao. May aktibista dahil naniniwala siya sa pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao, at ito'y ninanais niyang umiral sa bawat isa. May aktibista dahil mapagmahal siya sa kalikasan, at ayaw niyang mawasak ang mundong ito ng mga armas-nukleyar at mapamuksang elemento sa daigdig. May aktibista hangga't patuloy na umiiral ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, tulad ng makina, pabrika, hilaw na materyales, at lupa. Naniniwala siya at nakikibaka upang tiyaking maging pag-aari ng lipunan ang mga kasangkapan sa produksyon para sa kapakanan ng lahat, at di ng kakarampot na elitista lamang. May aktibista dahil may patuloy na mangangarap, kahit yaong mga di pa isinisilang ngayon, ng isang lipunang makatao, isang lipunang hindi pinaghaharian ng kapital, isang lipunang may pagkakapantay-pantay, isang lipunang walang uri.

Kung walang aktibista, lagi tayong nasa dilim, at patuloy tayong inaakay ng mga naghaharing uri sa kumunoy ng kahirapan. Patuloy pa ang kadiliman. Nananatiling sakbibi ng lumbay at dusa ang mga gumagawa ng yaman habang nagpapasasa sa yaman ng lipunan ang mga naghaharing iilan. May aktibista dahil naririto tayo. Aktibo, hindi pasibo. May pakialam sa mga nangyayari sa ating kapaligiran, sa ating pamayanan, sa ating bayan, sa lipunang ating ginagalawan.

Yaong mga tumutuligsa sa mga aktibista ay yaong mga naghaharing uri at mga elitistang ayaw itama ang kanilang mga pagkakamali sa kanilang kapwa. Yaong mga ayaw sa mga aktibista ay yaong mga gustong magkamal ng mas malalaking tubo at magpasasa sa pinaghirapan ng iba. Yaong mga tumutuligsa sa mga aktibista'y mga manhid sa hikbi ng masa, o kaya nama'y yaong ligaya na nilang mang-api ng kapwa. Dapat pang hilumin ang mga sugat na nalikha sa kaibuturan ng puso't diwa ng mga mahihirap, mga sugat na likha ng mga elitistang yumuyurak sa kanilang dangal at pagkatao, mga sugat na likha ng mapag-imbot na kapitalistang sistema, mga sugat na kung maghilom man ay mag-iiwan pa rin ng pilat ng nakaraan.

Mga kapwa aktibista, di tayo dapat tumigil hangga't di nagwawagi. Marami pang suliraning dapat tugunan. Ang mga karapatan ay dapat tamasahin ng lahat at di negosyo ng iilan. Patuloy pa ang kurakutan sa kabangyaman ng bayan. Kailangan pa ng mga aktibista para sa pagbabago.

Ang aklat na ito na katipunan ng mga akdang aktibista ay pagtalima sa pangangailangang tipunin ang iba't ibang akdang naglalarawan ng buhay at pakikibaka ng mga tibak (aktibista). Nawa'y makapagbigay ito ng liwanag sa mga pusong inaagiw na sa pag-iimbot, mga matang mapangmata sa maliliit, sa mga tengang laging nagtetengang kawali sa mga daing ng maralita, sa mga nangangakong laging pinapako ang kanilang sumpa pag naupo na sa poder, sa mga walang awa.

Hindi namin aasahang magustuhan nyo ang mga akdang naririto, ngunit pag iyong binasa'y tiyak na inyong malalasahan sa kaibuturan ng inyong puso't isipan ang mga mapagpalayang adhikaing nakaukit sa bawat akda.

Halina't itanim natin ang binhi ng aktibismo sa bawat isa.

Linggo, Nobyembre 16, 2008

Wilde-Shaw, Sosyalistang Manunulat

WILDE-SHAW, SOSYALISTANG MANUNULAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
mula sa Taliba ng Maralita, Tomo XI, Blg. 1, Taon 2006

Dalawa sa pinakasikat na manunulat sa daigdigang panitikan sina Oscar Wilde (1854-1900) at George Bernard Shaw (1856-1950), pawang mga mandudula at nobelista.

Kapwa nila ginamit ang kanilang mga panulat sa pagmumulat laban sa anumang inhustisya sa lipunan. At di lang sila basta manunulat, kundi sila'y kapwa sosyalistang manunulat.

Minsan nang nagkasama ang dalawang ito sa isang makasaysayang yugto ng pakikibaka ng uring manggagawa.

Noong 1886, nanawagan si Shaw sa mga personalidad sa sining at panitikan sa lipunang British na lumagda sa petisyon ng pagsuporta sa mga manggagawang martir ng Haymarket Square massacre. At tanging si Wilde lamang ang lumagda sa petisyon.

Sa kalaunan, nagkasama sila sa Fabian Society, isang grupo ng mga moderate socialists sa Britanya.

Nasa kasikatan si Wilde nang isinulat niya ang sanaysay niyang "The Soul of Man Under Socialism", kung saan tinuran niya ang inhustisyang dulot ng pribadong pag-aari, ang kaipokrituhan ng gawaing charity, at iginiit ang radikal na pagbabago sa lipunan kung saan ang kahirapan ay imposible na.

Ayon pa sa kanya, "Bakit magiging utang na loob ng iang maralita na ang kanyang kinakain ay tira lang ng isang mayaman, gayong dapat na magkasalo silang kumakain sa hapag-kainan.

Ang ina ni Wilde ay isang aktibong Irish Republican at rebolusyonaryo, habang ang kanyang asawa naman ay aktibo sa kilusang peminista.

Bilang dramatista, maraming nalathalang dula si Shaw na pawang tumatalakay sa mga panlipunang isyu ng kanyang panahon, tulad ng Widowers' House (1892), isang atake sa mga panginoong maylupa.

Noong 1928, nalathala ang sulatin niyang "The Intelligent Woman's Guide to Socialism and Capitalism". Ginawaran si Shaw ng Nobel Prize for Literature noong 1925.

(Pinaghalawan: British encyclopedia, Green Left Weekly)

Biyernes, Nobyembre 14, 2008

Ang Usaping Pabahay, ayon kay Engels

ANG USAPING PABAHAY, AYON KAY ENGELS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
mula sa Taliba ng Maralita, Tomo XI, Blg. 1, Taon 2006

Isinulat ng sosyalista, philosopher, at rebolusyonaryong si Friedrich Engels ang artikulong "On The Housing Question (Hinggil sa Usaping Pabahay)" bilang isang malalimang pagsusuri sa kalagayan ng mga manggagawa't mamamayan ng kanyang kapanahunan. Sa artikulong ito, na umaabot ng 51 pahina (sa Times New Roman 12, short bond paper), tinalakay niya ng malaliman ang usapin ng pabahay, lalo na ang pagkakaroon ng serbisyong ito na dapat ipaglaban ng uring manggagawa.

May tatlong bahagi ang mahabang artikulong ito. Ang una ay may pamagat na "Paano nilulutas ni Proudhon ang Usapin ng Pabahay". Si Pierre Joseph Proudhon (1809-1865) ay isang Pranses na nangampanya para sa isang anarkiya upang palitan ang gobyerno. Sa kabanatang ito, pinuna ni Engels ang pamamaraan ni Proudhon hinggil sa pabahay, lalo na ang hinggil sa renta, at ang bahay bilang kapital.

Ang ikalawa ay pinamagatang "Paano Nilulutas ng Burgesya ang Usapin ng Pabahay". Tinalakay dito ang sakit na idinudulot sa manggagawa ng kasalatan sa pabahay, tulad ng kolera, typhus, typhoid fever, atbp., at kung paano ito malulutas. Tinalakay din niya ang ideya ng isang Dr. Sax hinggil sa ekonomya ng pabahay.

Ang ikatlo ay pinamagatang "Suplemento kay Proudhon at sa Usapin ng Pabahay". Pinuna rito ni Engels ang mga sinulat ng isang A. Mulberger hinggil sa usapin ng pabahay.

Sa kabuuan, tinuligsa ni Engels ang pamamaraan sa upa at sa kasalatan ng paninirahan para sa mga manggagawa, at ang mga maling solusyon ng mga kapitalista at gobyerno hinggil sa usaping ito na ang nakikinabang lamang ay ang mga nasa uring kapitalista at burgesya.

Ayon kay Engels, ang kongkretong kalagayan ng isang komunidad, ang tunggalian ng uri sa mga komunidad na iyon, ang moda sa produksyon at ang burgis na pananaw sa pabahay ay mga usaping di dapat ipagwalang-bahala, kundi nararapat suriin at ayusin para makinabang ang lahat.

Nararapat lamang na pag-aralan ng mga lider-maralita mula sa KPML, ZOTO, KASAMA-KA, at iba pang organisasyon ng maralita, ang sinulat na ito ni Engels. At mas magandang pag-aralan ito ng maralita, matalakay at malalimang masuri kung ito'y isasalin mula sa Ingles tungo sa wikang laging ginagamit at madaliang maunawaan ng mga maralita. Kinakailangang bigyan ng panahon at pondohan ang pagsasalin nito sa wikang Pilipino, at mailathala bilang isang aklat, o kaya'y pamphlet, at ipamahagi ito sa mga lider-maralita. Mula rito ay gagawa ang maralita ng pagsusuri sa kasalukuyang kalagayan at kung paano magagamit ang sinulat na ito ni Engels. Tatalakayin din ang nilalaman nito sa pamamagitan ng mga pulong ng samahan, pagbubuo ng discussion groups, at pagpopopularisa nito sa mga komunidad ng maralita.

Kailangan itong proyektuhin pagkat napakahalaga ng malalimang pagsusuri ng rebolusyonaryong si Engels sa usapin ng pabahay. Hahalaw tayo ng aral dito upang magamit sa kasalukuyang kalagayan kung saan laging dinedemolis ang bahay ng mga maralita, habang sa mga relokasyon ay di pa rin payapa ang maralita sa pagkakaroon ng bahay dahil sa dami ng mga bayarin.

SINO SI FRIEDRICH ENGELS?

Si Friedrich Engels (1825-1895) ay isang sosyalistang Aleman, manunulat at matalik na kaibigan at kasama ng rebolusyonaryong si Karl Marx (1818-1883). Isa sa kanyang mga sinulat ang Condition of the Working Class in England. Ang kanyang Ant-Duhring ang nagsistematisa ng diyalektiko materyalismo. Nang mamatay si Marx, siya ang nag-edit ng Tomo II at III ng Das Kapital.

Huwebes, Nobyembre 13, 2008

Lipunang Makatao

LIPUNANG MAKATAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
mula sa editoryal ng Taliba ng Maralita, Tomo VIII, Blg. 2, Taon 2003

Maraming bayani na ang bumagsak, ang iba'y kinilala at ang karamiha'y limot na, dahil sa paghahangad ng isang lipunang makatao. Bumagsak sina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Ninoy Aquino at Popoy Lagman, dahil sa pakikipaglaban para sa isang lipunang sadyang makatao.

Matagal nang hinahangad ng sambayanan ang isang makataong lipunan. Lipunang tunay na kakalinga sa masang maralita at mga maliliit. Lipunang ang mga mamamayan ay mayroong pampulitika at pang-ekonomyang kapangyarihan na nagbubunga ng tunay na demokrasya, pagkakapantay-pantay ng kasarian, kaunlaran para sa lahat at maayos na kapaligiran. Isa itong makabuluhang pangarap. At sino ang aayaw sa isang lipunang makatao? Wala, o maaaring wala.

Ngunit may lipunang makatao ba kung meron pa ring naghaharing uri at elitista na siyang nagsasamantala sa kahinaan ng mga maliliit? May lipunang makatao ba kung may iilang yumayaman habang ang nakararami ay patuloy na naghihirap? Makatao ba ang lipunan kung sa panahon ng emergency ay hihingan ka muna ng bayad bago magamot sa ospital? Makatao ba ang lipunan kung laging kinakabahan ang mga maralita dahil sa nakaambang demolisyon? Makatao ba ang lipunan kung walang katiwasayan ang isipan ng mga manggagawa o empleyado dahil sa kontraktwalisasyon at kaswalisasyon? Makatao ba ang lipunan kung ang pangunahing nasa isipan ng mga namumuno ay puro tubo, imbes na kapakanan ng tao?

Sa lipunang makataong ating inaasam, ang mga taong maysakit, naghihingalo, o nasa emergency, ay hindi na tatanungin ng ospital kung may pera ang pasyente o wala bago siya magamot. Ang mga manggagawa, na siyang gumagawa ng ekonomya ng bansa at dahilan ng kaunlaran ng lipunan, ay hindi siyang nagugutom, Wala nang kontraktwalisasyon o kaswalisasyon na ang nakikinabang lang ay mga tusong ahensya. Ang mga bata ay papasok sa skwela nang hindi gutom kaya madaling papasok sa kanilang isipan ang mga pinag-aaralan. At lahat ng kabataan ay makakapag-aral nang anumang kursong nais nila na sagot ng lipunan. Ang mga maralita ay makakakain ng sapat, may kabuhayan at may maayos na tirahan. Sa lipunang ito'y kikilalanin ang pantay na karapatan ng mga kababaihan.

Hindi tayo nangangarap ng lipunang makatao sa kabilang buhay, kung meron man, kundi habang tayo'y nabubuhay. Ipinaglalaban natin ang isang lipunang makatao ngayon para sa kapakinabangan ng lahat at ng mga susunod pang henerasyon.

Ngunit ang tagumpay na ito ay para sa isang totoong lipunang makatao ay sinasagkaan mismo ng kasalukuyang kapitalistang sistema, ang sistema kung saan ang pangunahin ay tubo kaysa tao. Ayaw ng mga elitista't burgis ng tunay na lipunang makatao, dahil tiyak na hindi na sila makapaghahari-harian o makakapagreyna-reynahan. Ayaw ng mga kapitalista ng lipunang makatao dahil sagabal ito sa kanilang pagkakamal ng limpak-limpak na tubo. Hangga't umiiral ang kasakiman sa tubo, hangga't may dahilan para umiral ang kasakiman sa tubo, hangga't umiiral ang pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon na siyang ugat ng pagsasamantala, mananatiling pangarap na lang ang minimithing ganap na lipunang makatao.

Magaganap lamang ang isang lipunang makatao kung mapapalitan ang bulok na sistemang kapitalismo ng isang lipunang tunay na kakalinga sa lahat at papawi sa ugat ng pagsasamantala - ang pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon. Magaganap lamang ang isang lipunang makatao sa pag-iral ng isang lipunang sosyalismo.

Mag-organisa.