Lunes, Abril 20, 2009

Bulok na Kamatis

BULOK NA KAMATIS
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bulok na kamatis. Isang kasabihan ng mga matatanda, o yaong mga may gulang na, na hindi dapat mahaluan ng kahit isang bulok na kamatis ang isang kaing na puno ng kamatis, dahil mahahawa at mabubulok din ang iba nito. Kaya nararapat na tanggalin kaagad, at di manatili kahit isang minuto pa, ang mga bulok na kamatis.

Nakakahawa ang kabulukan, kaya dapat iwasan. Ganito ang bulok na kamatis. Gayundin naman sa sistema ng lipunan. Nakakahawa ang kabulukan kaya dapat iwasan. Nakakahawa ang mga katiwalian, kabalbalan, anomalya, pangungurakot, at iba pang kabalbalan, kaya dapat tanggalin ang mga bulok. Nakakahawa ang mga pulitikong tiwali kaya ang ibang baguhang nais maglingkod sa bayan ay natututo ng katiwalian.

Hindi dapat ihalo sa mga sariwang kamatis ang isang bulok. Gayundin naman, hindi na dapat pang maiboto muli o kaya'y maitalaga sa mataas na katungkulan sa pamahalaan ang mga napatunayan nang bulok na pulitiko. Ilang beses na ba nating napanood sa telebisyon na binato ng bulok na kamatis ang mga pulitikong tiwali at mga sinungaling?

Pero bakit nga ba bulok na kamatis ang paboritong ipambato sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno? Madaling makita ang mensahe. Binato ng bulok na kamatis ang isang pulitiko dahil ang pulitikong ito ay bulok kaya binato. Ibig sabihin, ang pulitiko'y may nagawang kasalanan o kamalian sa kanyang mga pinaggagawa bilang lingkod-bayan. Katiwalian, katarantaduhan, kabalbalan, anomalya, pangungurakot, kasinungalingan, pagsasamantala sa katungkulan, at iba pang kabulukan.

Marami nang lider ng gobyerno ang pinagbabato na ng bulok na kamatis dahil ayaw magsabi ng katotohanan sa taumbayan. Marami pang mga sinungaling ang nais pang batuhin ng bulok na kamatis dahil sa kanilang ginawang kasalanan.

Dalawang lider na ng bansa ang maituturing na halimbawa ng kabulukan ang tinanggal ng taumbayan. Ang isa'y diktador na namatay nang hindi nakulong dahil sa kasalanang ginawa sa sambayanan. Ang isa naman ay sugarol na nahatulang guilty ngunit agad na pinalaya ng kauri niyang elitista.

Nalalapit na naman ang eleksyon. Tiyak na marami na namang mangangako. Tiyak marami na namang paaasahin sa mga pangako. Ang mga mayayamang pulitiko ay makikipagbeso-beso na naman sa maralita, at makikituntong muli sa mga lugar ng iskwater dahil sa boto, pero pagkatapos ng botohan at nanalo, ang pinasukang lugar ng iskwater ay pinandidirihan na.

Ang mga bulok na kamatis, tulad ng mga bulok na pulitiko, ay walang pakinabang para sa kabutihan ng lahat. Dapat lang silang mawala.

Kawawang kamatis. Ang mga nabubulok sa hanay nila ang paboritong gamitin ng mga raliyista upang ipukol sa mukha ng mga mandurugas, mapanlinlang, mga ganid, mandaraya, at higit sa lahat, bulok na pulitiko dahil sa katiwalian, kasinungalingan, at pagsasamantala nila sa mamamayan.

Ngunit mas kawawa ang taumbayan. Ang mga bulok na pulitiko sa hanay ng naghaharing uri ay nagpapatuloy, hindi maalis-alis. Marami kasing magkakamag-anak na nagtutulong-tulong. Marami kasing magkakauri na hindi ang kapakanan ng taumbayan ang nasasaisip kundi kung paano mabubuhay ang kanilang sariling uri - ang uring elitista o yaong tinatawag na naghaharing uri. Tanging ang makaaalis lamang sa mga bulok na pulitiko'y kung mababago ang sistemang naging dahilan kung bakit sila naging tiwali at sinungaling, kung mababago ang sistemang siyang dahilan kung bakit may mahihirap at mayayaman.

Hindi dapat ipagsiksikan pa ang bulok na kamatis sa kaing ng magaganda at sariwang kamatis. Gayundin naman, hindi dapat ipagsiksikan pa ang mga bulok na pulitiko sa gobyerno dahil baka mahawaan pa nila ng kanilang kabulukan ang mga totoong lingkod ng bayan.

Kung nais natin ng maayos na buong kaing na kamatis, tiyakin nating matanggal ang mga bulok. Kung nais nating maging matino ang gobyerno, dapat nating tanggalin ang mga bulok na pulitiko't lingkod-bayan, at baguhin mismo ang sistema ng gobyernong nagluwal ng mga kabulukang ito. Kung nais natin ng matinong lipunan para sa kinabukasan ng ating mga anak at ng mga susunod pang henerasyon, magtulong-tulong tayong baguhin ang sistemang nagluwal at patuloy na nagluluwal ng mga kabulukan ng kasalukuyang mapag-imbot na sistema ng lipunan.

Wala bang pakinabang ang mga bulok na kamatis? Meron. Kung ibabaon natin sila ng tuluyan sa lupa.

Oo, ang mga bulok na kamatis ay dapat ibaon sa lupa upang pakinabangan ng mga uod na makakatulong para lumusog ang lupa. Mga bulok na kamatis na magiging pataba sa lupa. Gayundin naman, ang mga bulok na pulitiko ay dapat na ring ibaon (sa limot) upang sa kangkungan ng kasaysayan na sila pulutin.

Higit sa lahat, ang bulok na kamatis ay pambato sa mga pulitikong sinungaling at puno ng katiwalian. Tutal pareho naman silang bulok kaya magsama sila.

Miyerkules, Abril 8, 2009

Ang Awiting Internasyunal

ANG AWITING INTERNASYUNAL
Sinaliksik ni Greg Bituin Jr. para sa pahayagang Obrero

Karaniwang inaawit ng mga manggagawa ang awiting Internasyunal sa mga pagtitipon. tulad ng rali, kongreso ng manggagawa, luksang parangal sa mga kasama, atbp. Ngunit sino ba ang lumikha ng Internasyunal at paano ito sumikat sa buong daigdig, lalo na sa mga manggagawa?

Ang Internasyunal ang siyang pandaigdigang awit ng uring manggagawa’t mga sosyalista. Nilikha ang awiting ito ng makatang proletaryo na si Eugene Pottier (1816–1887) noong Hunyo, 1871 bilang paggunita sa naganap na Komyun ng Paris noong Marso-Mayo 1871, at sana'y aawitin sa tono ng La Marseillaise.

Ang Komyun ng Paris ang unang rehimeng proletaryo sa kasaysayan ng sangkatauhan. Isa si Eugene Pottier sa mga nahalal na kasapi nito. Nabigo ang Komyun ng Paris sa kabila ng magiting na pagtatanggol ng mga manggagawa at mamamayang Pranses dahil sa mabangis na pananalakay ng berdugong si Thiers sa pakikipagsabwatan kay Otto von Bismarck. Bagamat pinaghahanap ng kaaway, nanatili si Pottier sa kanugnog na pook ng Paris. Nilagom niya ang kabiguan at ibinunga nito ang tulang Internasyunal. Ang tulang ito ay tigib ng matibay na paniniwalang ang mga inaalipin, na siyang lumilikha ng kasaysayan, ay tiyak na magwawagi laban sa pang-aapi at pagsasamantala. Ito'y isang panawagan sa mga naiwang kasapi ng Komyun ng Paris at sa lahat ng uring pinagsasamantalahan sa buong daigdig na ipagpatuloy ang pakikibaka hanggang sa tagumpay.

Noong Hulyo, 1888, pitong buwan pagkamatay ni Pottier, nabasa ni Pierre De Geyter (1848-1932), isang manlililok at kompositor, ang mga titik ng Internasyunal. Hindi na siya nag-aksaya ng panahon at nang gabi ring iyon, sinimulan niyang likhain ang tugtugin ng Internasyonal. Noong Hulyo ng taon din iyon, pinamunuan ni De Geyter ang pagkanta ng isang koro sa awit na ito sa isang pagtitipon ng mga nagtitinda ng pahayagan sa Lille. Mula noon, lumaganap ang Internasyunal hanggang itanghal ito ng International Workingmen's Association bilang opisyal na awitin sa pakikibaka ng proletaryado sa buong daigdig.

Noong 1904, inudyukan ni alkalde Gustave Delory ng Lille ang kapatid ni Pierre na si Adolphe para sa copyright ng kanta upang ang kikitain dito ay mapunta sa French Socialist Party ni Delory. Natalo sa unang kasong copyright si Pierre noong 1914, ngunit nang magpatiwakal ang kanyang kapatid at nag-iwan ng sulat hinggil sa pandaraya, idineklarang may-ari ng copyright si Pierre. Namatay si Pierre noong 1932, at ang kanyang awiting Internasyunal ay naka-copyright sa France hanggang Oktubre 2017.

Sa ating bansa, may mga magkakaibang bersyon ang pagkakasalin ng awiting ito, bagamat ito'y parehong tungkol sa kalayaan ng uring manggagawa. Iba ang liriko ng PKP 1930, at iba ang mga titik ng kasalukuyang bersyon. Gayunman, dapat maunawaan, maisaulo, at madama ng sinumang manggagawa, maralita, magsasaka, kababaihan, kabataan, at iba pang sektor ang awiting ito.

Halina't awitin natin ang Internasyunal at tayo'y magsibangon sa pagkakabusabos. Tayong api'y dapat magbalikwas. Tayo man ngayon ay inaalipin ngunit sa uring manggagawa ang bukas, pagkat wala tayong maaasahang bathala o manunubos, kaya't nasa pagkilos natin ang ating kaligtasan. Halina, manggagawa at bawiin natin ang yamang inagaw ng uring kapitalista. Hawakan natin ang maso upang pandayin ang bukas.

INTERNASYUNAL 
(Popular na bersyong inaawit sa kasalukuyan)

Bangon sa pagkakabusabos
Bangon alipin ng gutom
Katarunga'y bulkang sasabog
Sa huling paghuhukom.

Gapos ng kahapo'y lagutin
Tayong api'y magbalikwas
Tayo ngayo'y inaalipin
Subalit atin ang bukas.

Koro: 
Ito'y huling paglalaban
Magkaisa nang masaklaw
Ng Internasyunal
Ang sangkatauhan.

Wala tayong maasahang
Bathala o manunubos
Pagkat ang ating kaligtasa'y
Nasa ating pagkilos.

Manggagawa bawiin ang yaman
Kaisipa'y palayain
Ang maso ay ating hawakan
Kinabukasa'y pandayin.

Ulitin ang Koro 

INTERNASYUNAL 
(Lumang bersyon ng awit)

* Sinipi mula sa pahina 32 ng souvenir program ng PKP 1930 
sa kanilang ika-70 anibersaryo, Nobyembre 7, 2000.

Eugene Potier - Kompositor
Peter Degeyter - Musika
Leonardo Santos - Malayang Salin sa Filipino

Bangon sa pagkakagupiling
Bangon ka uring alipin
Sa daigdig iyong sikapin
Sosyalismo'y tanghalin

Halina at ating usigin
Laya nating sinisiil
Buhay, dugo ay puhunanin
Tanikala ay lagutin

KORO:
Ito'y huling paglalaban
Tunay na kalayaan
Ng manggagawa
Sa buong daigdigan
(ulitin ang koro)

Wala tayong maaasahan
Lingap sa mga gahaman
Kaya tayo'y magbagong buhay
Hirap nati'y lunasan

Manggagawa, huwag mong tulutan
Apihin ka habang buhay
Hanapin mo ang kalayaan
Panlulupig ay wakasan.

(Ulitin ang koro ng 2 beses)