Sabado, Hulyo 11, 2009

Ang Maralita Bilang Uring Proletaryado

ANG MARALITA BILANG URING PROLETARYADO
ni Gregorio V. Bituin Jr.


Maraming maralita ang nagtatanong kung bakit isinisigaw natin sa mga rali ay "uring manggagawa, hukbong mapagpalaya", gayong hindi naman daw sila manggagawa. Wala daw silang pirming trabaho, di tulad ng mga manggagawa na swelduhan.

Una kong napuna ang sentimyentong ito sa isyu ng P125 nang magrali kami sa Kongreso upang hilingin ang pagpapasa ng batas hinggil sa P125 dagdag na sahod ng mga manggagawa. Mga bandang 2003 yata ito, kung hindi ako nagkakamali.

Sabi ng mga maralita, "Nasaan ang mga manggagawa? Bakit tayong mga maralita ang sumisigaw na itaas ang sahod, gayong wala naman tayong sahod. Ano ang itataas sa atin? Hindi natin ito isyu." Sa raling iyon kasi, mas marami ang maralitang nagrali kumpara sa mga manggagawa.

Sa ilan sa aming mga talakayan, lagi nilang itinatanong kung maituturing ba silang manggagawa. Maralita sila at walang sahod, katwiran nila. Ako naman ay nagsasabing bilang maralita, bahagi tayo ng uring manggagawa. Pero sa pagpapaliwanag sa kanila, kailangan talagang ipaliwanag ito ng masinsinan at hindi simple lang na sabihing "Ang manggagawa ay umuuwi sa mga komunidad at ang mga maralitang may trabaho ay manggagawa." Dahil kasabay nito'y ihihirit nilang muli, "Bakit tayong maralita, sumasama sa mga pagkilos ng mga manggagawa, pero pag tayong maralita ang dinedemolis, wala naman dito ang mga lider-manggagawa. Paano natin mapapatunayan na sila nga ang hukbong mapagpalaya?"

Matitindi ang mga tanong. Ngayon ngang 2009, ilang araw lang ang nakararaan ay muli itong naging paksa ng mga maralita, kaya obligadong talakayin ito ng isang lider-manggagawa sa pulong ng mga pinuno ng lider-maralita. Kinakailangan talagang patindihin pa ang edukasyon o pagpapaunawa ng diwa ng uring manggagawa sa lahat ng sektor.

Kailangan talagang magagap ng maralita na pag sinabi nating manggagawa, hindi ito tumutukoy lamang sa mga manggagawa sa pabrika. Ito'y Marxistang termino na tumutukoy sa relasyon sa pribadong pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon tulad ng makina, pabrika, lupain at mga hilaw na materyales. Dahil Marxistang termino, hindi ito depinisyong taal sa Pilipinas. Obligadong ipaunawa sa kanila bakit lumitaw ang ganitong termino, at bakit natin sinasabing manggagawa ang mga maralita, mangingisda, at maliliit na manininda o vendors, at iba pang aping sektor, kahit hindi sila nasa pabrika.

Isa sa mga pulitikang pag-aaral na ibinibigay sa mga maralita ang ARAK o Aralin sa Kahirapan. Dito'y pinag-aaralan ang mga pinagdaanang lipunan ng tao sa kasaysayan.

Una, sa panahon ng primitibo komunal, kung saan ang mga tao mula sa iba't ibang tribu'y kolektibong namumuhay at nagsasalu-salo sa mga pagkaing kanilang nakukuha.

Lumitaw ang lipunang alipin nang inalipin ng mga malalakas na tribu ang mahihinang tribu. sa panahong ito nagawa ang Great Wall sa Tsina, Pyramid sa Ehipto, at ang Taj Mahal sa India na pawang produkto ng mga alipin. Naging pag-aari ng panginoong may-alipin ang mga alipin.

Nang matuto ang tao ng pag-aagrikultura at inari na ng tao ang lupa, lumitaw ang panginoong maylupa at ang mga walang pag-aari ay nagtrabaho bilang magsasaka. Ito ang lipunang pyudal. Ang sistema dito'y hatian ng produkto sa pagitan ng may-ari ng lupa at ng walang lupang magsasaka, na ang ibinenta ay ang kanilang lakas-paggawa.

Dahil nang panahong iyon ay may salapi na bilang gamit sa pagpapalitan ng mga kalakal, na siyang sistema ng mga mangangalakal ng panahong iyon, lumaganap ang paggamit ng salapi bilang kapalit ng serbisyo.

Kasabay ng paglitaw ng Rebolusyong Industriyal, unti-unti na ring napalitan ang hatian ng produkto sa lupa, na imbes na palay ang kapalit ay salapi na. Unti-unti nang napalitan ang lipunang pyudal ng sistemang kapitalismo. Malaki ang papel na ginampanan ng mga mangangalakal o merchant upang maipakilala ng unti-unti ang sistemang ito. Pati na ang palitan ng kalakal gamit ang pera, at pagbibigay ng pera kapalit ng serbisyo o lakas-paggawa. Kaya para ka magkapera, kung wala kang kapital, ang ibenta mo ay ang iyong lakas-paggawa kapalit ng katumbas na salapi sa bilang ng oras bawat araw. Halimbawa, inupahan ka ng walong oras bawat araw, ang salaping ibibigay sa iyo ay tinatawag na sahod.

Sa lipunang kapitalismo, nariyan ang mga may-ari ng mga kagamitan sa produksyon, tulad ng makina, pabrika, hilaw na materyales at malalaking lupain, na siya nilang kapital upang makagawa ng maraming produktong bumubuhay sa lipunan, habang ang mas nakararami ay ang mga nabubuhay lamang sa pamamagitan ng pagbebenta ng kanilang lakas-paggawa. Sa lipunang ito sumulpot ang dalawang uri: Una'y ang uring nagmamay-ari ng mga gamit sa produksyon, na tinatawag na kapitalista, burgesya, naghaharing uri, o elitista. Dahil sa kanilang kapangyarihan sa pag-aari, kinilala silang makapangyarihan sa ekonomya at pulitika ng isang bansa.

Ang ikalawa'y ang uring walang pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon o mga proletaryado (mula sa salitang Italyanong "proletarius" o mamamayan nasa mababang uri dahil walang pribadong pag-aari ng ikabubuhay) at nabubuhay lamang sa pagbebenta ng kanilang lakas-paggawa, pangunahin ang mga manggagawang nagtatrabaho sa mga pabrika, kasama na rin dito ang mga maralita, mga bendor, guro, at iba pang nabubuhay lamang sa pagbebenta ng kanilang lakas-paggawa. Sa kalaunan, mas ginamit ang salitang ‘proletaryado’ na tumutukoy sa manggagawa bilang uri at malakas na pwersa sa pagbabago.

Dahil walang pribadong pag-aaring pabrika, makina at lupain ang mga maralita, kundi nabubuhay din lang sa pagbebenta ng kanilang lakas-paggawa o pagtatrabaho para swelduhan, ang maralita ay nabibilang sa uring manggagawa o proletaryado at hindi sa uring kapitalista. Kaya ang maralita’y di lang simpleng bahagi ng uring proletaryado, kundi sila mismo’y uring proletaryado.

Sa masinsinang pagpapaliwanag sa mga maralita, mas naunawaan nila kung bakit sila uring manggagawa o proletaryado. Kailangan lang na tayo'y maging matyaga sa pagpapaliwanag at pagpapaunawa nito sa kanila.

Lunes, Hulyo 6, 2009

TRAPO KADIRI: Sa Republikang Basahan Naghahari

TRAPO KADIRI: Sa Republikang Basahan Naghahari
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Basahan ang trapo. Panlinis sa kadumihan. Ngunit ang isa pang trapo ay pinaikling 'traditional politician', na ibang klaseng luminis, dahil ang kadalasang nililinis ay kaban ng bayan. Ito ang trapong walang silbi sa bayan, at namamayagpag sa republikang basahan.

Noong una, tinawag sila ng mga mamamahayag na 'tradpol' na kasintunog ng tadpole o palaka. Hanggang sa uminog na ito sa salitang 'trapo' (Jose F. Lacaba, 02-21-06). Ayon naman kay Dean Jorge Bocobo, naimbento ang salitang 'trapo' dahil kay dating Speaker Jose de Venecia (Philippine Commentary, 05-31-04). Noong 1995, ginamit na rin ito ng Students Advocates for Voters Empowerment (SAVE) na itinatag ng National Federation of Student Councils (NFSC) at Kalipunan ng Malayang Kabataan (Kamalayan) sa kanilang TRAPO KADIRI campaign, kung saan naipanalo nila ang apat sa pito nilang kandidato sa kongreso. Ayon naman kay Henry F. Carey, tinawag na ng NAMFREL ang mga traditional politicians na 'trapo' (Christian Science Monitor, 08-19-91). Ngunit bago pa mapasok ang bagong kahulugan ng trapo sa ating wika, uso na ang 'trapo' sa panahon pa ng Batasang Pambansa ni Marcos.

Ang trapo ay mga tradisyunal na pulitiko. Ibig sabihin, nagsimula ang pamamayagpag ng mga trapo mula pa ng maitayo ang Pangkalahatang Asembliya, o kauna-unahang kongreso sa Pilipinas, noong 1916.

Dahil sa kanilang kayamanan at impluwensya sa ekonomya't pulitika ng kanilang bayang nasasakupan, sila ang kinilala'y nahalal sa matataas na pusisyon sa bansa. Ang kanilang kapangyarihan ay palipat-lipat sa kamay ng kanilang pamilya, asawa, anak, at maging apo.

Kadalasang ginagamit ng mga trapo para manalo ay tatlong G's (guns, goons, gold), ngunit ngayon ay 5 G's na (guns, goons, gold, Garcia at Gloria). Nadagdag ang Garci at Gloria nitong mga nakaraang taon, dahil sa isyu ng "Hello, Garci" tapes, kung saan kinausap ni Gloria si Comelec commissioner Virgilio Garcialiano. Wala na si Garci sa Comelec, ngunit ang iniwan niyang pangalan sa eleksyon sa Pilipinas ay mananatili. Nalagay na ang kanyang pangalan sa diksyunaryo ng pandaraya sa elektoral sa bansa. Kaya habang may dayaan, maaalala ng tao ang kanyang pangalan. "Mag-ingat baka ma-Garci tayo." Marahil matatagalan pa bago mapalitan ang 5 Gs na ito, at marahil di pa ito mangyayari sa eleksyong 2010.

Kananiwan, ang trapo ay mula sa mayayamang angkan sa kanilang bayan o lungsod, at ang mga kamag-anak ay may mga matatas din na posisyon sa gobyerno. Kontolado nila ang ekonomya’t pulitika ng kanilang bayan o lungsod.

Tinukoy ng kolumnistang si Fel Maragay sa dyaryong Manila Standard Today (May 14, 2007) kung sinu-sino ang mga angkang kumokontrol sa pulitika ng bawat probinsya. Ayon sa kanya, ito'y sina "Ortega ng La Union, mga Dy ng Isabela, mga Marcos ng Ilocos Norte, mga Singson ng Ilocos Sur, mga Joson ng Nueva Ecija, mga Roman ng Bataan, Magsaysay ng Zambales, mga Cojuangco at Aquino ng Tarlac, mga Fuentebella ng Camarines Norte, mga Dimaporo ng Lanao del Sur, mga Osmeña ng Cebu, mga Espinosa ng Masbate, mga Laurel at Recto ng Batangas, mga Gordon ng Zambales, mga Plaza ng Agusan, mga Durano ng Danao City, mga Antonino ng General Santos, mga Lobregat ng Zamboanga City at mga Cerilles ng Zamboanga del Sur." Idinagdag pa niyang may mga bagong angkang sumusulpot, tulad ng angkang Estrada sa San Juan, mga Arroyo sa Pampanga at Negros Occidental, mga Angara sa Aurora, mga Defensor sa Iloilo at sa Quezon City, mga Suarez sa lalawigan ng Quezon, mga Villafuerte sa Camarines Sur, mga Villarosa sa Mindoro Occidental, mga Espina sa Biliran, mga Ampatuan sa Mindanao, at ang mga Akbar sa isla ng Basilan.

Ang trapo ay tulad ng mga uwak na laging sariling pangalan ang binabanggit. Syempre, para matandaan lagi.

Ang trapo ay pera ang pang-akit sa mga botante. Syempre, mayaman.

Ang trapo ay yaong palipat-lipat ng partido para matiyak ang panalo sa halalan. Syempre, hunyango o kaya’y balimbing.

Ang trapo ay yaong mga pulitikong tumatapak lang sa lugar ng iskwater pag malapit na ang botohan. Syempre, nandidiri sa iskwater.

Ang trapo ay yaong pinagmamayabang ang proyekto ng pamahalaan na siya umano ang nagpagawa, gayong galing iyon sa pondo ng bayan, at ang gumawa'y simpleng manggagawang tinipid pa sa sweldo, kaya manggagawa'y nagugutom. Syempre, kapitalista.

Ang trapo ay yaong nag-aartista muna bago pasukin ang pulitika. Syempre, para makilala agad.

Ang trapo ay laging pinaghihintay ang mga taong kinakailangan siya. Syempre, paimportante.

Ang tingin ng trapo sa kanilang sarili ay hindi lingkod bayan, kundi negosyante't haring may kapangyarihan. Marami ngang bayarang bodyguard ang mga trapong ito. Syempre, negosyanteng nag-aastang lingkod-bayan.

Para sa trapo, negosyo ang pulitika. Bakit naman sila magtatapon ng milyung-milyong piso sa kampanyahan para lang ipagpalit sa napakaliit na sweldo kada buwan ng pangulo at iba pang posisyon sa pamahalaan, kung hindi nila ito babawiin mula sa kabang yaman ng bayan?

Ang trapo ay yaong mga tiwaling pulitikong ginagatasan ang kabangyaman ng bayan para manatili sa pwesto. Syempre, hawak nila ang pondo ng bayan.

Ang trapo ay yaong mga kinatawan ng pribadong nagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, tulad ng mga pabrika, makina, at malalawak na lupain. Syempre, panginoong maylupa, o kaya'y panginoong kapitalista.

Ayaw ng trapo ng pagbabago dahil tiyak sila ang mababago. Kaya gusto nilang panatilihin ang kasalukuyang sistema, o tradisyon ng pulitika sa bansa.

Higit sa lahat, ang trapo ang mga tagapagsulong ng bulok na sistema, at representante ng kapitalismo laban sa uring manggagawa at sa naghihirap na sambayanan.

Silipin natin kung sinu-sino ang mga tatakbong trapo sa pagkapangulo sa 2010. Nariyan si Senador Manny Villar representante ng Las Pinas at ang asawang si Cynthia Villar ay Congresswoman ng Las Piñas. Si Senador Mar Roxas, na magiging kabiyak ay ang sikat na mamamahayag na si Korina Sanchez ng ABS-CBN, ay apo ni dating Pangulong Manuel Roxas at anak ni dating senador Gerry Roxas. Si Defense secretary Gilbert "Gibo" Teodoro, na pamangkin ni Danding Cojuangco na kapatid ng kanyang ina. Asawa naman niya si Rep. Monica Prieto ng Tarlac, na lalawigang balwarte ng mga Cojuangco. Si Senador Chiz Escudero ay galing sa angkan ng mga Escudero sa Sorsogon. Ang kanyang ama ay dating Congressman sa unang distrito ng Sorsogon, at ang mga tiyuhin naman niya ay Bise-Gobernador at Meyor sa kanilang probinsya. Si Joseph Estrada, guilty sa salang plunder ngunit napardon kaya di nakulong, ay nagbabalak na namang tumakbo. Walang kadala-dala. Nasa pulitika rin ang kanyang mga anak na sina Senador Jinggoy at Mayor JV, habang dating senadora ang kanyang asawang si Loi. Nariyan din sina Loren Legarda at Noli “Kabayan” de Castro na pawang batikang mamamahayag. Si Bayani Fernando na maraming kinawawang vendors ay nagbabalak ding kumandidato.

Bistado na sila, ngunit patuloy pa silang namamayagpag sa ating bansa. Kawawa ang bayan dahil sa kanilang kagagawan. Sobra na sila. Dapat lang silang kalusin. Kaya ngayon ay may mga itinatag na kilusang anti-trapo sa iba't ibang panig ng bansa upang di na sila muli makapaghari. Kung noong 1995, ang pakikbakang anti-trapo ay aktibidad lamang ng kabataan, ngayong 2009, ito'y pakikibaka na ng buong bayan.

Panahon nang palitan ang Republikang Basahan na itinayo nila ng isang tunay na gobyerno ng ng masa't ng manggagawa. HALINA’T IBAGSAK ANG TRAPONG PAGHAHARI! Ngayon!