Linggo, Agosto 30, 2009

Wikang Filipino, Wika ng Aktibismo

WIKANG FILIPINO, WIKA NG AKTIBISMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, Tomo XIV, Blg. 2, p.2)

Tatlong daan taon tayong alipin ng mga mananakop. Hindi tayo nagkakaisa. Ngunit nang simulan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ang pagsusulat ng ating kasaysayan at adhikaing mapagpalaya sa mismong ating sariling wika, napakabilis ng pagpapalawak nila sa Katipunan. Ilang taon lamang ay inilunsad ang paghihimagsik at lumaya tayo sa kamay ng mga Kastila.

Ilang beses nang sinabi ng national artist na si Virgilio S. Almario na nang sinakop tayo ng mga Kastila, winasak nito ang ating gunita. Wala tayong maayos na nasulat na kasaysayan bago pa ang Kastila dahil binura nito ang ating alaala. Ngunit naiwan ang ating wika, na siyang salamin ng ating pagkatao at pagkakakilanlan bilang isang lahi sa silangan. Dahil sa wika, nakilala natin ang ating sarili, tayo'y nagkaisa. Napakahalaga ng sariling wika sa pagkatao kaya nasabi ni Jose Rizal sa kanyang tulang "Sa Aking Mga Kabata" na inawit ni Florante: "Ang sinumang di magmahal sa sariling wika ay higit pa ang amoy sa mabahong isda." Dito pa lang ay ikinabit na ni Rizal ang wika sa pagkatao at dangal.

Idadagdag ko pa: "Ang sinumang Pilipinong di gumamit at magsalita ng sariling wika ay higit pa sa amoy ng malansang isda." Walang pagkatao at dangal ang mga Pilipinong ayaw magsalita ng sawiling wika. Dapat silang ikahiya.

Mas nais pa nilang gamitin ang wika ng ilustrado. Kung noon ay wikang Kastila, ngayon naman ay wikang Ingles. Marami sa ating ang lumaki sa paniniwalang Ingles ang wika ng mga edukado, ng mayayaman, ng makapangyarihan, ng husgado, ng senado, ng burgesya sa pangkalahatan, ng mga respetado sa mataas na lipunan. At ang tingin nila sa wikang Filipino ay wika sa kanto, wika ng mga atsay, wika ng mga api, wika ng masa.

Ngunit dahil sa wikang Filipino, nagkaunawaan tayo. Nagkaisa ang mamamayang Pilipino laban sa mga Kastila, sa Amerikano, sa Hapon, at sa diktadurya. Ibinagsak natin ang diktadurya dahil nauunawaan natin ang isa't isa, masa man at mayaman.

Ang nakakalungkot, kahit sa eskwelahan, minsan ay halos wala nang naririnig na ibang wika kundi Ingles, na masasabi nating naghati sa marami, naghati sa mga probinsiyano't tagalunsod, sa mahihirap at mayayaman. Patok pa ay mga pelikulang Ingles habang bakya naman ang tingin ng marami sa pelikulang Filipino, kahit na marami itong naipanalong award. Ganuon din sa mga awitin.

Ang nakakaawa ay ang kababayan nating hindi bihasa sa Ingles kaya hindi maipagtanggol kaagad ang sarili dahil ang mga batas at patakaran ay nasusulat sa Ingles. Para bang inihiwalay ang ating puso't utak. Wikang sarili ang gamit sa pakikipagtalastasan habang nakasulat sa wikang Ingles ang pinag-uusapan.

Kaytagal na nilang ginagamit ang wikang Ingles ngunit nananatli pa rin ang problema ng bayan sa ekonomya, pulitika, at edukasyon. Ito'y dahil na rin sa halip na gumawa ng paraan upang itaguyod ang pambansang wika, hinahati tayo't pinagwawatak-watak ng wikang Ingles. Ginagamit ito para wasakin ang mga bahay ng maralita, kamkamin ang lupa ng mga magsasaka, upang tanggalin ang mga manggagawa sa pabrika, upang pagharian nila ang pulitika at ekonomya, upang maging mababa ang tingin sa masa, upang bolahin sa SONA ang mamamayan.

Gamitin natin ang wikang sarili laban sa mga ilustrado, laban sa burgesya, para sa pagkakaisa ng masa. Walang bansang umunlad na hindi nagtaguyod ng sariling wika nila. At kawawa ang bansang walang sariling wika, dahil wala silang gunita ng kanilang kasaysayan at nakaraan, kaya sila'y mga alipin. Mabuti na lamang at nang burahin ng mananakop ang alaala ng ating mga ninuno'y di nila nabura ang ating wika. Ang sariling wika ay kakabit na ng pagkatao at dangal ng bawat isa. Kung wala kang sariling wika, isa kang alipin at walang kalayaan. Kung may sarili kang wika ngunit ayaw mo itong gamitin, mayabang ka kundi man mapang-alipin.

Gamitin natin ang sariling wika upang magtagumpay ang masa tungo sa kanyang paglaya. Ang bayang may sariling wika ay bayang malaya. Kaya hindi lang sa pagsapit ng Linggo ng Wika tuwing Agosto lang natin inaalalang dapat itaguyod ang sariling wika, kundi sa lahat ng panahon. Ayon nga sa isang kasabihan, "Ang sinumang di magmahal sa sariling wika ay higit pa ang amoy sa mabahong isda."

Pabahay, Dahilan ng Pandaigdigang Krisis

PABAHAY, DAHILAN NG PANDAIGDIGANG KRISIS
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, Tomo XIV, Blg. 1, p.4)

Nasaklot ang buong mundo ng krisis sa pinansya na nagdulot ng pagsasara ng maraming pabrika at pagkatanggal ng mga manggagawa sa iba't ibang panig ng mundo. Kahit ang kapitalistang sistema ay nayanig. Ngunit ano ba ang dahilan nito. Ayon sa pananaliksik, ang dahilan ng krisis ay pabahay.

Ang dahilan ng krisis ay mga housing loans, na tinatawag na subprime mortgage market sa US noong 2002. Ang mga housing loans na ito ay ibinigay sa mga taong mababa ang kakayahang magbayad (low credit ratings) o mababa ang kita na sa simula'y mababa ang interest rate ngunit itinaas din sa kalaunan. Pinaluwag ang mga rekisito at pinalawak ang merkado upang makautang sila, pagkat gusto ng mga kapitalistang tumubo ng malaki. Ang pinuhunan dito'y milyun-milyong dolyar.

Sumabog ang krisis noong Setyembre 2008 nang di na kayang magbayad ng mga umutang ang kanilang hulugang bahay. Maraming bahay ang nailit. Kaya nagbagsakan ang presyo nito, naging buy one, take one. Dahil sa pagbagsak ng presyo ng bahay, kahit na yaong may kakayahang magbayad ay iniiwan ang kanilang bahay dahil mas malaki ang kanilang hinuhulugang prinsipal kaysa sa presyo ng bahay. Kaya ang naging resulta, pawang mga bahay ang naiwan sa mga bangko, walang pera. Dito na nagsimula ang krisis na tinawag na credit crunch.

Ngunit di lamang mga kumpanya sa Amerika na nagpautang sa mga tao ang apektado ng mga utang na di na mabayaran. Lumaganap sa buong sistemang pampinansya sa mundo ang epekto nito. Kumbaga, nagkaroon ito ng chain reaction kaya naapektuhan ang iba pa.

Ang sistemang kapitalismo ang dapat sisihin sa krisis na ito. Mula 1996 hanggang 2006, lumikha sila ng $8Trilyong kayamanang nakalista sa bula, kung saan ang utang para sa 2.3 milyong pabahay ang pinagpasa-pasahan ng mga bangko para sa dagliang tubo. Pinataas nito ang presyo ng mga bahay, mula sa dating $163,000 ay naging $262,000, hanggang sa ito'y di na kayang bayaran kaya nilayasan ng mga nakabili.

Maraming bahay ang nabakante, kaya agad bumagsak ang presyo nito ng halos 70%. Sa unang bugso'y bumagsak ang pamilihan, at halos $1.3Trilyong puhunan ang parang bulang nawala. Tinawag ito ng mga kapitalista't gobyerno na Global Financial Crisis. Para sa mga ito, suliranin ito sa kakulangan ng pondo dahil sa pagkabangkrap ng mga international investment houses at mga bangko sa Wall Street sa pangunguna ng Lehman Brothers, Merryl Lynch at American Insurance Group. Lumikha ito ng domino effect sa mga bangko't mga industriya sa iba't ibang panig ng daigdig. Ang ginawa ng mga kapitalistang gobyerno'y i-bailout ang mga nabangkrap na kumpanya at maglaan ng safety nets sa mga manggagawa. Ngunit mas matindi ang tama ng krisis sa mga manggagawa. Krisis sa kabuhayan ng manggagawa ang kahuugan ng pampinansyang krisis na ito. Sa ngayon nga, tinatayang 241 milyong manggagawa na ang walang trabaho sa mundo.

Inilantad sa ating mga mukha ang katotohanan ng kapitalistang sistema. Wala itong maidudulot na mabuti sa maralita kundi lalo't lalong krisis, lalo't lalong kahirapan.

Inilantad din nito ang pagkakataong pag-isipan na natin ang alternatibo sa sistemang kapitalismo na sa mahabang panahon ay yumurak sa ating pagkatao at nagpahirap ng matindi sa atin. May pag-asa pa bang mawakasan ang krisis na ito at ang sistemang nagdulot nito? Anong dapat nating gawin?

Hanggat may buhay, may pag-asa, ayon sa isang katutubong kasabihan. Pagtulungan nating tuklasin ang sikreto ng kapitalismo at ilantad ang kabulukan nito. At tayo'y magkaisa at kumilos sa adhikaing palitan na ang bulok na sistemang kapitalismo dahil hindi ito ang sistemang naglilingkod sa atin.

Panahon na para pangarapin natin ang sosyalismo, ang sistemang may paggalang sa karapatang pantao ng bawat isa at pangunahin ang kapakanan ng tao, at hindi ng iilan para lang sa kanilang tubo.

Ibagsak ang kapitalismo! Sumulong tungo sa sosyalismo!