Huwebes, Hunyo 24, 2010

Mga Sosyalistang Manunulat sa Kilusang Fabiano

MGA SOSYALISTANG MANUNULAT SA KILUSANG FABIANO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang kilalang mga nobelista sa kasaysayan at panitikan na sina Oscar Wilde, George Bernard Shaw, H.G. Wells at Upton Sinclair ang pangunahing mga kasapi ng Kilusang Fabiano (Fabian Society), isang pangkat ng mga sosyalistang naniniwalang ang transisyon mula kapitalismo patungong sosyalismo ay maaaring maganap sa pamamagitan ng maliliit at utay-utay na reporma. Malaki ang naging papel ng mga ito sa larangan ng panitikan upang ilarawan at ipahayag nila ang kanilang nakikitang mga maling patalakaran at palakad sa lipunan at pamahalaan. Naging daan ito upang mamulat ang marami, di lang sa kanilang bansa, kundi maging sa buong mundo, sa sosyalistang kaisipang pinanghahawakan nila.

Si Oscar Wilde (1854-1900) ay isang makata at dramatista. Dahil na rin sa kanyang paraan ng pamumuhay at pagpapatawa, naging tagapagsalita siya ng Aesthetisismo, isang kilusan sa Inglatera na nagtataguyod ng diwang sining para sa sining. Nagtrabaho siya bilang tagasuri ng sining (1881), nagturo sa Estados Unidos at Canada (1882), at nanirahan sa Paris (1883). Sa pagitan ng taon 1883 at 1884 nagturo siya sa Britanya. Mula sa kalagitnaan ng 1880, naging regular na kontribyutor siya sa mga babasahong Pall Mall Gazette at Dramatic View. Marami siyang nilikhang dula at mga sanaysay, lalo na ang kilalang sanaysay na The Soul of Man Under Socialism noong 1891.

Si George Bernard Shaw (1856-1950) ay manunulat at mandudulang naging kasamahan ng mga radikal na sina Eleanor Marx, Edward Aveling, at William Morris. Naging kasapi siya ng Kilusang Fabiano noong 1884. Nagturo siya at naglathala ng maraming polyetong inilathala ng mga Fabiano, tulad ng The Fabian Manifesto (1884), The True Radical Programme (1887), Fabian Election Manifesto (1892), The Impossibilities of Anarchism (1893), at Socialism for Millionaires (1901). Nangatwiran si Shaw para sa pagkakapantay ng kita at parehas na hatian ng lupa at puhunan. Sa panahong ito'y naging matagumpay si Shaw bilang mandudula at kritiko sa sining, awit at tanghalan. Ilan sa kanyang inakda ay ang nobelang “An Unsocial Socialist” (1883), ang polyetong Socialism and Superior Brains (1910), Bernard Shaw and the Revolution (1922), aklat na The Intelligent Woman's Guide to Socialism, Capitalism, Sovietism and Fascism (1928). Nariyan din ang mga akdang Women in the Labor Market, Socialism and Liberty, Socialism and Children, Socialism and Marriage, at marami pang iba.

Si H. G. Wells (1866-1946) ay kilalang nobelista, mamamahayag, sosyolohista, historyan, at manunulat ng mga nobelang kathang-isip hinggil sa agham. Ginamit niya ang kanyang nobela para balaan ang mga tao sa panganib ng kapitalismo. Kaya nakilala siya sa kanyang mga nobelang The Time Machine (1895), isang parodya ng pagkakahati ng uri sa Inglatera at isang mapanuyang babala hinggil sa pagsulong ng sangkatauhan. Nariyan din ang mga klasikong The Island Of Dr. Moreau (1896), The Invisible Man (1897) at ang The War of the Worlds (1898). Naglathala din ng mga polyeto si Wells na umaatake sa pamamalakad sa lipunang Victorian, tulad ng Anticipations (1901), Mankind In The Making (1903) at ang A Modern Utopia (1905).

Si Upton Sinclair (1878-1968) ay isang manunulat na Amerikano na naglantad sa masamang kalagayan ng mga dukha sa mga industriyalisadong lungsod sa Amerika. Ang pinakasikat niyang akda ay ang The Jungle (1906) na pumukaw sa pamahalaan upang imbestigahan ang mga palengke't katayan ng hayop sa Chicago, na nagdulot ng malaking pagbabago sa mga batas hinggil sa pinagkukunan ng pagkain. Nakilala ang aklat niyang ito na naging daan sa implementsayon ng Pure Food and Drug Act ng 1906. Nakatanggap ng mahigit na 100 liham si Pangulong Roosevelt na humihiling ng reporma sa industriya ng karne at ipinatawag si Sinclair sa White House. Habang ang kinita naman ng aklat ay ginamit ni Sinclair para maitatag at masuportahan ang sosyalistang komyun na Helicon Home Colony sa New Jersey. Bata pa lang si Sinclair ay nagbabasa na siya ng mga sosyalistang klasiko at naging masugid na mambabasa ng lingguhang sosyalista-populistang pahayagang Appeal to Reason. Noong 1934 ay nagbitiw siya bilang kasapi ng Partido Sosyalista.

Ang Kilusang Fabiano, ang kilusang Briton na itinatag noong 1884, ay ipinangalan kay Quintus Fabius Maximus na isang Heneral na Romano. Halos ang kasapian nito ay galing sa mga intelektwal, tulad ng mga iskolar, manunulat, at mga pulitiko. Noong 1900, sumapi ang Kilusang Fabiano sa Partido ng Paggawa (Labour Party), at isa ang sosyalismong Fabiano na pinagmulan ng ideolohiya ng Partido ng Paggawa. Noong Unang Daigdigang Digmaan (1914-18), tinanganan ng mga Fabiano ang paninindigang sosyal-tsubinista, isang panatikong pagkamakabayan sa panahon ng digmaan, bilang pagsuporta sa kanilang bansa laban sa katunggaliang bansa.

Sabado, Hunyo 12, 2010

Si Marx at ang Kanyang Akdang Ika-18 Brumaire

SI MARX AT ANG KANYANG AKDANG IKA-18 BRUMAIRE
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ang "Ikalabingwalong Brumaire ni Louis Napoleon" sa mga pinakamahusay na akda ni Marx. Maaari itong ituring na pinakamagaling na akda sa pilosopiya at kasaysayan, na nakatuon lalo na sa kasaysayan ng kilusang proletaryado. Ito ang pinakabatayang saligan natin sa pag-unawa sa teorya ng kapitalistang estado na sinasabi ni Marx.

Ang tinutukoy ditong Ikalabingwalong Brumaire ay ang petsang Nobyembre 9, 1799 sa Kalendaryo ng Rebolusyonaryong Pranses, na siyang petsa kung saan itinanghal ng unang Emperador na si Napoleon Bonaparte ang kanyang sarili bilang diktador ng Pransya sa pamamagitan ng kudeta. Noong Disyembre 2, 1851, winasak ng mga alagad ni Pangulong Louis Bonaparte, na pamangkin ni Napoleon, ang Pangkalahatang Lehislatura at nagtatag ng diktadura. Nang sumunod na taon, itinanghal naman ni Louis Bonaparte ang kanyang sarili bilang si Emperador Napoleon III.

Sinulat ni Karl Marx ang akdang "Ikalabingwalong Brumaire ni Louis Napoleon" sa pagitan ng Disyembre 1851 at Marso 1852. Ito'y naging "Ikalabingwalong Brumaire ni Louis Bonaparte" sa mga edisyong Ingles, tulad ng edisyong Hamburg noong 1869. Nalathala ito noong 1852 sa magasing Die Revolution, isang buwanang magasin sa wikang Aleman na nilathala sa Nuweba York. Ang nasabing akda ay binubuo ng pitong kabanata at dalawang paunang salita, ang una'y mula kay Marx noong 1869 at at ikalawa'y mula kay Friedrich Engels noong 1885.

Ipinakilala si Marx sa kanyang akdang ito bilang isang panlipunan at pampulitikang historyan, kung saan tinalakay niya ang mga makasaysayang pangyayari, ito ngang naganap na kudeta ni Louis Bonaparte noong Disyembre 2, 1851 mula sa kanyang materyalistang pagtingin sa kasaysayan.

Sa akdang ito, tinuklas ni Marx kung paano ipinakita ang tunggalian ng iba't ibang panlipunang interes sa masalimuot na tunggaliang pulitikal. Pati na rin ang magkasalungat na ugnayan sa pagitan ng panlabas na anyo ng pakikibaka at ang tunay na panlipunang nilalaman nito.

Isa sa pinakabantog na sinulat dito ni Karl Marx ay hinggil sa pag-uulit ng kasaysayan. Ito’y "Ang una'y trahedya. Ang ikalawa'y katawa-tawa. (The first is a tragedy, the second is a farce.)" Tinukoy sa una ang ginawa ni Napoleon I, ang unang emperador ng Pransya, habang ang ikalawa naman ay hinggil sa ginawa ni Napoleon III. Ayon kay Marx, "Sinabi ni Hegel noon na lahat ng malalaking patunay at mga personahe sa kasaysayan ay nagaganap ng dalawang ulit. Ngunit nakalimutan niyang idugtong: Ang una'y trahedya. Ang ikalawa'y katawa-tawa."

Malaki ang idinulot na aral ng naganap na ito para sa mga proletaryado ng Paris, dahil ang karanasang ito mula 1848 hanggang 1851 ay nakatulong para sa ikatatagumpay ng rebolusyon ng manggagawa noong 1871.

Ang Akdang Anti-Dühring ni Engels

ANG AKDANG ANTI-DÜHRING NI ENGELS
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa sa maraming sulatin ng rebolusyonaryong si Friedrich Engels ang Herrn Eugen Dührings Umwälzung der Wissenschaft (sa Ingles ay Herr Eugen Dühring's Revolution in Science), na mas kilala ngayon sa katawagang Anti-Dühring, na nalathala noong 1878.

Ano ba ang aklat na ito at bakit isinulat ito ni Engels? Ang sulating ito ang isa sa mga mayor na kontribusyon ni Engels sa pagsulong ng teorya ng Marxismo. Ang Anti-Dühring ay upak ni Engels sa sinulat ng Alemang si Eugen Dühring, na nagsulat ng sarili niyang bersyon ng sosyalismo, na binalak ipalit sa Marxismo. Ngunit dahil si Karl Marx noong panahong iyon ay abala at nakatutok sa pagsusulat ng Das Kapital, si Engels ang siyang pangunahing nagsulat laban sa akda ni Dühring bilang pagtatanggol sa Marxismo.

Sa liham ni Engels kay Marx, sinabi niyang ang Anti-Dühring ay isang pagtatangkang "likhain ang isang komprehensibong pagsusuri sa ating ideya hinggil sa mga problemang pilosopikal, natural na agham at pangkasaysayan.

Bahagi ng Anti-Dühring ay nalathalang hiwalay noong 1880 bilang akdang pinamagatang "Sosyalismo: Utopyano at Syentipiko".

Sino si Eugen Dühring?

Sino nga ba itong si Eugen Dühring? Ayon sa pananaliksik, si Eugen Karl Dühring ay isang pilosoper na Aleman at ekonomista, at isang sosyalista ngunit may matinding pagbatikos sa Marxismo.

Ipinanganak siya sa Berlin, Prussia noong Enero 12, 1833. Matapos ang abugasya'y nagtrabaho bilang abogado sa Berlin hanggang 1859. Noong 1864, siya'y naging guro sa Unibersidad ng Berlin, bagamat hindi regular na kasapi ng pakuldad. Ngunit dahil sa pakikipagtalo sa mga kaguruan, siya'y natanggalan ng lisensyang magturo noong 1874.

Ang ilan sa mga sinulat ni Dühring ay ang Kapital und Arbeit (1865); Der Wert des Lebens (1865); Naturliche Dialektik (1865); Kritische Geschichte der Philosophie (1869); Kritische Geschichte der allgemeinen Principien der Mechanik (1872), na isa sa mga pinakamatagumpay niyang akda; Kursus der National und Sozialokonomie (1873); Kursus der Philosophie (1875), na sa sumunod na edisyon ay pinamagatan niyang Wirklichkeitsphilosophie; Logik und Wissenschaftstheorie (1878); at Der Ersatz der Religion durch Vollkommeneres (1883). Inilathala rin niya ang Die Judenfrage als Frage der Racenschaedlichkeit (1881, Ang mga Partido at ang Usaping Hudyo), at iba pang antisemitikong mga sulatin.

Ayon sa mga pananaliksik, walang sulatin si Dühring na matatagpuan sa wikang Ingles. At siya'y natatandaan lamang dahil sa sinulat ni Engels na kritiko na pinamagatan ngang Anti-Dühring. Sinulat ito ni Engels bilang sagot sa mga ideya ni Dühring. Si Dühring din ang pinakakilalang kinatawan ng sosyalismo sa panahong iyon na inatake rin ni Nietzsche sa mga sulatin nito.

Maraming iskolar ang naniniwalang ang pagkaimbento ni Dühring sa salitang antisemitismo ang nakakumbinsi kay Theodore Herzl na tanging Zionismo lamang ang tugon sa mga problemang kanilang nararanasan. Lagi itong sinusulat ni Herzl: "Lalabanan ko ang antisemitismo sa lugar kung saan ito nagsimula - sa bansang Alemanya at Austria."

Sina Marx at Engels sa Anti-Dühring

Nakilala nina Marx at Engels si Propesor Dühring sa pagsusuri nito sa Das Kapital noong Disyembre 1867, kung saan nalathala ito sa Ergänzungsblätter. Dahil dito’y nagpalitan ng liham sina Marx at Engels hinggil kay Dühring mula Enero hanggang Marso 1868.

Noong Marso 1874, naglabas ng artikulo ang isang di nagpakilalang awtor (na sa aktwal ay sinulat ng isang Agosto Bebel, na tagasunod ni Dühring) sa dyaryong Volksstaat ng Social-Democratic Workers’ Party na positibong tinatalakay ang isa sa mga aklat ni Dühring.

Noong Pebrero 1 at Abril 21, 1875, kinumbinsi ni Karl Liebknecht si Engels na labanan si Dühring ng sabayan sa pahina ng dyaryong Volksstaat. Noong Pebrero 1876, nilathala ni Engels sa Volksstaat ang kanyang unang upak sa pamamagitan ng artikulong “Ang Vodka ng Pruso sa Parlyamentong Aleman (Prussian Vodka in the German Reichstag)”.

Noong Mayo 24, 1876, sa liham ni Engels kay Marx, sinabi niyang malaki ang dahilan upang simulan ang kampanya laban sa pagkalat ng pananaw ni Dühring. Kinabukasan, tumugon si Marx at sinabing dapat matalas na punahin mismo si Dühring. Kaya isinantabi muna ni Engels ang kanyang akdang sa kalaunan ay makikilalang "Dyalektika ng Kalikasan (Dialectics of Nature)". Pagkalipas ng apat na araw, binalangkas na niya kay Marx ang pangkalahatang istratehiyang kanyang gagawin laban kay Dühring. Dalawang taon ang kanyang ginugol sa pagsusulat ng nasabing aklat.

Ang Nilalaman

Nahahati sa tatlong bahagi ang anti-Dühring:

Unang bahagi: Pilosopiya - Sinulat ito sa pagitan ng Setyembre 1876 at Enero 1877. Nalathala ito bilang serye ng mga artikulo na pinamagatang Herrn Eugen Dühring's Umwälzung der Philosophie sa Vorwärts sa pagitan ng Enero at May 1877. Sa kalaunan, sa pagsisimula ng 1878, na may unang hiwalay na edisyon, ang unang dalawang kabanata ng bahaging ito ay ginawang independyenteng pagpapakilala sa kabuuang tatlong bahagi.

Ikalawang bahagi: Pampulitikang Ekonomya - Sinulat mula Hunyo hanggang Agosto 1877. (Ang huling kabanata nito'y sinulat niMarx.) Nalathala sa pamagat na Herrn Eugen Dühring's Umwälzung der politischen Oekonomie sa Wissenschaftliche Beilage at sa karagdagang pahina sa Vorwärts sa pagitan ng Hulyo at Disyembre 1877.

Ikatlong bahagi: Sosyalismo - Sinulat sa pagitan ng Agosto 1877 at Abril 1878. Nalathala bilang Herrn Eugen Dühring's Umwälzung des Sozialismus sa karagdagang pahina sa Vorwärts sa pagitan ng Mayo at Hulyo 1878.

Tumanggap ng maraming pagtutol mula sa mga alagad ni Dühring ang serye ng mga artikulo sa Vorwärts. Kaya sa Kongreso ng Sosyalistang Partido ng Manggagawa sa Alemanya noong Mayo 27, 1877, tinangka nilang ipagbawal ang paglalathala nito sa dyaryo ng Partido. Ito ang pangunahing dahilan ng pagkaantala ng publikasyon.

Noong Hulyo 1877,ang Unang Bahagi ay nalathala bilang polyeto. Noong Hulyo 1878, ang Ikalawa at Ikatlong Bahagi naman ay pinagsama bilang ikalawang polyeto.

Noong Hulyo 1878, nalathala bilang isang aklat ang kabuuang sulatin, na dinagdagan ng paunang salita ni Engels. Noong 1878, isinabatas sa Alemanya ang isang Anti-Socialist Law at ipinagbawal ang Anti-Dühring kasama ng iba pang akda ni Engels. Noong 1886, lumabas ang ikalawang edisyon ng Anti-Dühring sa Zurich. Ang ikatlong edisyon, na may pagbabago at dagdag na pahina, ay nalathala naman sa Stuttgart noong 1894, matapos na mapawalangbisa ang Anti-Socialist Law (1890). Ito ang huling edisyon sa panahon ni Engels. Sa kauna-unahang pagkakataon, isinalin ito sa wikang Ingles noong 1907 sa Chicago.

Noong 1880, sa kahilingan ni Paul Lafargue, binuod ni Engels ang tatlong bahagi ng Anti-Dühring at nalikha ang isa sa pinakasikat na sulatin sa buong mundo - ang Sosyalismo: Utopyano at Syentipiko.

Bakit dapat pag-aralan natin ang Anti-Dühring?

Marapat na basahin at unawain ng mga bagong aktibista ngayon ang Anti-Dühring. Dangan nga lamang at wala pang nasusulat na bersyon nito sa wikang Filipino, kaya marapat lamang na ito’y isalin sa sariling wika upang mas higit na maunawaan ng mga aktibista ngayon at ng mga manggagawa ang mga aral ni Engels, at paano ba niya dinepensahan ang Marxismo sa sinumang nagnanais na wasakin ito.