Huwebes, Agosto 19, 2010

Ang Lipunang Makatao sa BMP Hymn

ANG LIPUNANG MAKATAO SA BMP HYMN
ni Greg Bituin Jr.

Tama si Tina ng Teatro Pabrika nang sinabi niyang "Hayo" at hindi "Tayo" ang nakasulat sa unang taludtod ng ikalawang saknong (koda) ng BMP Hymn. Sinabi niya sa akin ito nuong isang gabi (Agosto 15 o kaya'y 16, 2010 ito) habang kumakanta sila ni Michelle ng BMP Hymn, Lipunang Makatao, at 2 pang awit, sa opisina ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Nag-print kasi ako sa computer ng kopya ng kanilang mga inaawit. Bale apat na awitin iyon sa isang bond paper.

Nang sinabi ni Tina na "Hayo" ay agad akong nagsaliksik ng kopya ng BMP Hymn para malaman ko kung mali siya o ako ang mali. Kaya binalikan ko ang kopya ng magasing Maypagasa ng Sanlakas na nalathala noong Setyembre 1998, at tama siya. Mali nga ako dahil ang ibinigay ko sa kanilang kopya ng kanta ay "Tayo" ang nakasulat, imbes na "Hayo". Maraming salamat sa puna, Tina.

Habang inaawit nila ang BMP Hymn, "lipunang makatao" ang nababanggit ni Michelle kaya pinupuna siya ni Tina na "daigdig na makatao" ang tama imbes na "lipunang makatao". Lumalabas sa pananaliksik ko na tama si Michelle sa pag-awit, dahil "lipunang makatao" ang nasa orihinal na kopya.

Natatandaan ko, ako nga pala ang nag-type ng kopyang ito na binigay sa akin ni Bobet Mendoza ng Teatro Pabrika noong 1998 para isama sa artikulong inakda ko na pinamagatang "Teatro Pabrika: Artista at Mang-aawit ng Pakikibaka" sa unang isyu ng magasing Maypagasa, kung saan isa ako sa nag-asikaso nito.

Gayunpaman, magandang nabaliktanawan ito, dahil may isang pagkakamali o inonsistency akong napansin sa koro ng BMP Hymn na iniabot ko kay Michelle, nakasulat sa ikatlong taludtod, "daigdig na makatao" imbes na "lipunang makatao". Mas popular kasing inaawit ngayon ang "daigdig na makatao", habang ang nakalathala naman sa magasing Maypagasa ay "lipunang makatao". Alin ba ang tama sa dalawa?

Mapapansing ang pagkakasulat ng buong awit ay patula, lalo na't susuriin natin ang tugma at sukat nito. Nakakaunawa ng paraan ng pagtulang may tugma't sukat ang kumatha nito, kaya may palagay akong isa ring makata ang nag-akda ng awit.

Ngunit bago ito, dapat maunawaan ng mambabasa kung ano ba itong tinatawag nating pantig (syllable), taludtod (line), saknong (stanza), tugma (rhyme) at sukat (meter). Ang pantig ang bawat buka ng bibig sa pagsasalita. Ang taludtod ang bawat linya ng tula. Ang saknong ay binubuo ng ilang taludtod, na kung baga sa sanaysay, ito ang talata na binubuo ng ilang pangungusap. Ang tugma naman ay ang pagkakapareho ng tono sa dulo ng dalawa o higit pang taludtod. Ang sukat ang siyang bilang ng pantig bawat taludtod.

Binilang ko ang pantigan ng tatlong saknong ng BMP Hymn, labing-apat ang pantig sa una at ikalawang saknong, habang ang ikatlong saknong naman o ang koro ay labindalawang pantig lahat.

BMP Hymn
Nalathala sa magasing Maypagasa ng Sanlakas
Setyembre 1998, pahina 23


Ating mga karanasan, pinanday, hinubog (14)
Nitong pakikibakang sa atin ay huminog (14)
Kaya't tumindig, patuloy sa pagbabantayog (14)
Ng pag-asa at liwanag na nais ihandog. (14)

Koda:
Hayo na't iguhit sa dahon ng kasaysayan (14)
Sagisag ng uri't ganap nating kalayaan (14)
Nasa pagbubuklod natin ang kapangyarihan (14)
Na kamtin ang pagbabagong ating inaasam. (14)

Koro:
Bukluran ng Manggagawang Pilipino (12)
Ang siyang tatambuli sa buong mundo (12)
Tungo sa isang lipunang makatao (12)
Ito'ng tunay na diwa ng sosyalismo. (12)

(Ulitin ang koda)
(Ulitin ang koro 3x)

Kaya kung ang inaawit ngayon sa koro ay "daigdig na makatao" imbes na "lipunang makatao" na nasa orihinal, inconsistent na ito sa pantigan, dahil magiging labintatlo na ang pantig ng ikatlong taludtod ng koro. Kaya ganito ang mangyayari:

Koro:
Bukluran ng Manggagawang Pilipino (12)
Ang siyang tatambuli sa buong mundo (12)
Tungo sa isang daigdig na makatao (13)
Ito'ng tunay na diwa ng sosyalismo. (12)

Paano nga ba nangyaring nabago ang taludtod na ito? Ginusto ba ito ng mga umaawit nito, o pinalitan mismo ito ng Teatro Pabrika sa pag-aakalang ito ang mas tama? Tila ang nagbago nito'y di nauunawaan ang tugma't sukat sa pagtula na dapat na una niyang pinansin kung babaguhin niya ang tulawit (tulang paawit) na ito. Marahil kung malalaman ng orihinal na nagsulat ng kanta na binago ito ay agad itong magpoprotesta.

Mas angkop pa at hindi kapansin-pansin ang pagbabago kung halimbawa’y ganito ang ginawang pagbabago sa ikatlong taludtod ng Koro: Patungo sa daigdig na makatao, 12 pantig pa rin.

Kaya magiging ganito na ang Koro:

Koro:
Bukluran ng Manggagawang Pilipino (12)
Ang siyang tatambuli sa buong mundo (12)
Patungo sa daigdig na makatao (12)
Ito'ng tunay na diwa ng sosyalismo. (12)

Gayunman, mahalagang suriin natin ang mismong nilalaman ng koro, at ito ang pagtuunan natin ng pansin. "Daigdig na makatao" nga ba o "lipunang makatao"? Magandang suriin muna natin kung ano ang kahulugan ng "daigdig" at "lipunan".

Ayon sa unang kabanata ng librong "Puhunan at Paggawa" ni Ka Popoy Lagman, "Ang lipunan ay kung paano nabubuhay ang tao. Ito ang sistema ng ating kabuhayan. Ibig sabihin, ang lipunan ay ang sistema ng ekonomya. Ang paraan ng produksyon ng isang bansa. Kung ang lipunan ay “asosasyon ng tao”, ito’y isang “asosasyon” para sa kabuhayan ng mga myembro nito."

Ano naman ang "daigdig"? Ang daigdig naman ay isang planeta sa pisikal na kaanyuan nito, at hindi isang sistema ng kabuhayan. Ayon sa Tagalog na Wikipedia, ang malayang ensiklopedya, at sa WikiFilipino: "Ang planetang Daigdig[1] ay ang pangatlong planeta mula sa Araw. Ito ang pinakamalaking planetang terestriyal ng sistemang solar. Kumpirmado ng makabagong agham na ang Daigdig lamang ang katawang pamplaneta kung saan maaaring tumira ang mga buhay na organismo tulad ng mga hayop at halaman."

Agad naresolba ang munting problemang ito kung pagbabatayan ang ikaapat na taludtod ng koro na "Ito'ng tunay na diwa ng sosyalismo", kaya ang ikatlong taludtod ng koro ay tumutukoy sa "lipunang makatao" at hindi sa "daigdig na makatao". Pagkat ang sosyalismo ay sistema ng lipunang ipapalit natin sa lipunang kapitalismo. Tulad ng ating binabanggit sa ating mga pag-aaral ng lipunan sa daigdig na ito mula primitibo komunal, lipunang alipin, lipunang pyudal, ang kasalukuyang lipunang kapitalismo, at ang ipapalit natin ditong lipunang sosyalismo. Bagamat sinasabi nating pandaigdigan ang pagbabagong dapat maganap dahil pandaigdigan ang salot na kapitalismo, na dapat nating palitan ng pandaigdigang sosyalismo, ang mas tinutukoy nating babaguhin ay ang sistema ng lipunan, at di pa ang mismong daigdig. Dagdag pa rito, nabanggit na sa ikalawang taludtod ng koro ang salitang "mundo" na singkahulugan ng "daigdig".

Kaya para maayos at pare-pareho ang bilang ng pantig, may lohika, at magkakaugnay sa ibig ipahiwatig, mas angkop at wastong gamitin ang "lipunang makatao" kaysa "daigdig na makatao" sa koro ng awit. Mungkahing ito ang ating gamitin sa pag-awit ng BMP hymn. Ang kabuuan nito yaong nasa itaas.

Sa kabuuan, maganda ang mensahe ng sosyalistang awitin ng BMP dahil makatindig-balahibo at nakapagpapaapoy ng damdamin kung uunawaing mabuti ang mensahe ng awit, sadyang kumakapit sa kaibuturan ng ating diwa't pagkatao.