Linggo, Oktubre 3, 2010

Sa Alatiit ng Tugma at Sukat

SA ALATIIT NG TUGMA AT SUKAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.

May pumuna sa akin minsan kung hindi ba ako gumagawa ng mga malayang taludturan (verso libre sa Kastila, free verse sa Ingles). Sabi ko naman, gumagawa rin ako ng malayang taludturan. Iyon nga lang, madalang. Dahil mas nais kong likhain ang mga tulang may tugma at sukat.

Mas ang mga tulang may tugma at sukat ang nais kong gawin. Pakiramdam ko'y bihira na kasi ang gumagawa nito sa kasalukuyan, at karamihan ay malayang taludturan na. Pero hindi dahil malayang taludturan na ang uso ngayon o mas nililikha ng mga henerasyon ngayon ay iyon na rin ang aking gagawin. Mas nais ko pa rin talaga ng may tugma at sukat. Marahil dahil nais kong ipagpatuloy ang nakagisnan kong paraan ng pagtula nina Francisco Balagtas at Huseng Batute.

Napakahalaga na malaman ng sinumang nagnanais tumula kung ano ang tugma at sukat, talinghaga at alindog ng tula, lalo na ang kasaysayan ng pagtula ng ating mga ninuno. Ayon nga sa isa kong guro sa pagtula, dapat muna nating matuto sa kasaysayan, mapag-aralan at makagawa tayo ng tula mula sa tradisyon ng panulaang katutubo. Kaya bagamat nais ko ring magmalayang taludturan, mas kumonsentra ako sa pagkatha ng mga tulang may tugma at sukat. Ngunit dapat nating alamin ano nga ba ang mga anyong ito. Nariyan ang katutubong tanaga, na tulang may isahan o magkasalitang tugma at pitong pantig bawat taludtod ang sukat. Ang dalit naman ay waluhan ang pantig bawat taludtod. Lalabindalawahing pantig naman ang Florante at Laura ni Balagtas.

May tugmaan sa patinig at katinig. Sa patinig, hindi magkatugma kung magkaiba ng tunog kahit na pareho ng titik sa dulo. Halimbawa, nagtatapos sa patinig na o ang dugo at berdugo, ngunit hindi sila magkatugma dahil ang dugo ay may impit at walang impit ang berdugo. Magkatugma ang bugso at dugo, at magkatugma naman ang berdugo at sakripisyo.

Ang akda at abakada ay hindi magkatugma dahil ang akda ay may impit at ang abakada ay wala. Magkatugma ang akda at katha, at magkatugma naman ang abakada at asawa.

Ang bili at mithi ay hindi magkatugma dahil ang bili ay walang impit at ang mithi ay mayroon. Magkatugma ang mithi at bali, habang magkatugma naman ang bili at guniguni.

Sa katinig naman ay may tugmaang malakas at mahina. Ang mga katinig na malakas ay yaong nagtatapos sa mga titik na B, K, D, G, P, S, at T habang ang mga katinig na mahina naman ay nagtatapos sa L, M, N, NG, R, W, at Y.

Maganda ring limiin sa mga ganitong tula ang sukat. May tinatawag na sesura o hati sa gitna, upang sa pagbabasa o pagsasalita ng makata ay may luwag sa kanyang paghinga. Maganda kung bibigkasin ang tula na animo'y umaawit upang hindi mabagot ang tagapakinig. Sa paggamit ng sesura, karaniwang ang labindalawang pantig bawat taludtod ay ginagawang anim-anim, at hindi hinahati ang isang salita, tulad ng dalawang tula sa itaas.

Pansinin ang tugmaan na Saknong 80 ng Florante at Laura ni Balagtas, pati na ang sesura o hati sa ikaanim:

"O pagsintang labis / ang kapangyarihan
Sampung mag-aama'y / iyong nasasaklaw
Pag ikaw ang nasok / sa puso ninuman
Hahamakin lahat / masunog ka lamang."


Pansinin naman ang tugmaan sa ikaanim na saknong ng tulang Pag-ibig ni Jose Corazon de Jesus, pati na ang sesura sa ikawalo:

Kapag ikaw'y umuurong / sa sakuna't sa panganib
Ay talagang maliwanag / at buo ang iyong isip:
Takot pa ang pag-ibig mo, /hindi ka pa umiibig:
Pag umibig, pati hukay / aariin mong langit!


Sa pagdaan ng panahon, naisipan kong magkaroon ng eksperimentasyon sa pagtula. Sa loob ng dalawang buwan ay kumatha ako ng 150 tulang siyampituhan. Ang siyampituhan ang isa sa mga inobasyon ko sa pagtula, mahaba sa tanaga at haiku at kalahati ng soneto. Ito'y may siyam na pantig bawat taludtod sa buong tulang pito ang taludtod (siyam-pito) na hinati sa dalawang bahagi. Ang unang apat na taludtod ang problema o tesis at ang huling tatlong taludtod ang solusyon o kongklusyon. May pag-uulit ng salita, bagamat nag-iiba ng gamit, sa una't huling taludtod. At noong Nobyembre 2008 ay inilathala ko ang librong pinamagatang "Mga Sugat sa Kalamnan: Katipunan ng 150 Tulang Siyampituhan." Ang aklat ay may sukat ng sangkapat ng isang bond paper, at mabibili sa halagang P50 lamang.

Naito ang halimbawa:

AKING LUNGGATI
May bahid ng diwa ng uri
Ang inihahasik na binhi
Sa tumanang linang ng lahi
Laban sa diwang naghahari.
Payak lang ang aking lunggati
Ang iparamdam itong hapdi
Sa diwa nitong naghahari.


May ginawa rin akong onsehan, na labing-isang pantig bawat taludtod at labing-isang taludtod na tula. Narito ang halimbawa:

MASAMA ANG LABIS
may kasabihang "labis ay masama"
kunin lang kung anong sapat at tama
    huwag tularan ang trapong gahaman
    na ninong ng mga katiwalian
sa gobyerno'y kayraming kuhila
sa dugo ng madla'y nagpapasasa
    mga trapo'y di man lang mahirinan
    sagpang ng sagpang, walang kabusugan

ang lalamunang puno'y nakapinid
masibang halos maputol ang litid
nakahihinga pa ba silang manhid


Mas maiging kumuha ng pag-aaral sa mga palihan sa pagtula ang mga nagnanais matuto, tulad ng ibinibigay ng grupong LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo), upang mas mapalalim pa ang pag-aaral hinggil sa tugma at sukat, at sa katutubong pagtula.

Masarap magbasa ng mga tulang may tugma't sukat, kung paanong nalalasahan ko rin naman ang tamis at pait sa mga malayang taludturan. Bagamat nakabartolina sa tugma at sukat ang karamihan ng aking mga tula, malaya naman at hindi nakapiit ang diwang malalasahan ng mambabasa sa pagbabasa ng akda.

Mas ninais ko pa ang alatiit o lagitik ng tugma at sukat, dahil kaysarap damhin at pakinggan ang indayog na tulad ng kalikasan o kalabit ng tipa ng gitara. Parang naririyan lamang sa tabi ang mga kuliglig sa kanayunan kahit nasa pusod ka ng kalunsuran. Kaysa bangin ng malayang taludturang kung hindi ko iingatan ay baka mahulog akong tuluyan at mabalian ng buto't tadyang. Kailangan ang ingat upang ang tula ay hindi magmistulang isang mahabang pangungusap na pinagtilad-tilad lamang.

Biyernes, Oktubre 1, 2010

Ang Linyang Pangmasa sa Awitin ng Teatro Pabrika

Ang Linyang Pangmasa sa Awitin ng Teatro Pabrika
ni Greg Bituin Jr.

Di ko maunawaan kung bakit inawit ng Teatro Pabrika ang awiting "Ang Masa" at "Linyang Pangmasa" sa aktibidad ng Partido Lakas ng Masa (PLM) gayong hindi naman ito ang prinsipyong dala-dala ng organisasyon. Linyang makauri at hindi linyang pangmasa ang prinsipyong tangan ng mga organisasyong kinapapalooban ng Teatro Pabrika, pangunahin na ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Ang nasabing aktibidad, na naganap noong Setyembre 29, 2010 sa University Hotel ng UP Diliman, ay dinaluhan ng may pitumpung kandidato para kagawad at kapitan sa darating na halalang pambarangay sa Oktubre 25.

Sa awiting "Ang Masa", sinasabi ritong "ang masa lamang ang siyang tunay na bayani" at sa "Linyang Masa" ay nagsasabing "sundin ng buong tatag ang linyang pangmasa, mula sa masa, tungo sa masa, ito ang ating patnubay." Akala ko ba'y uring manggagawa ang pangunahin sa Teatro Pabrika? Nagkukulang na ba ng gabay ang Teatro Pabrika mula sa mga manggagawa? May usaping ideyolohikal sa mga awiting ito, kaya hindi lang ito basta awit. Usapin ng linya ng pagsulong ang propaganda ng awiting ito. "Sundin ng buong tatag ang linyang pangmasa", paano na ang linya ng uring manggagawa? Class line ba o mass line?

Ang mga awit na “Ang Masa” at “Ang Linyang Pangmasa” na nilikha noong 1966 ay halaw sa artikulong “Ang Linyang Pangmasa” mula sa "Mga Siniping Pangungusap" ni Mao Tsetung ng Tsina.

Capo: 2nd fret
Pasakalye: D7

I.
ANG MASA
G
Ang masa, ang masa lamang
D
Ang siyang tunay na bayani
Am D
Ang masa, ang masa lamang
G-D7
Ang siyang tagapaglikha.
G
Ang masa, ang masa lamang
E
Ang siyang tagapaglikha
Am D7 G E
Ang masa o, ang masa
Am D7 G-D7
Tagapaglikha ng kasaysayan.

II.
LINYANG MASA
G
Sundin ng buong tatag
D
Ang linyang pangmasa
Am D
Mula sa masa, tungo sa masa
G-D7
Ito ang ating patnubay.
G
Sundin nang buong tatag
G7 C
Ang linyang pangmasa
Am D7 G E
Mula sa masa, tungo sa masa
D G
Ito ang ating patnubay.

mula ito sa http://www.padepaonline.com/index.php/linyang-masa-medley.dhtml

Dahil ba may salitang "masa" sa Partido Lakas ng Masa (PLM) ay linyang pangmasa na ang ipapalaganap nila? Ang PLM naman sa oryentasyon nito ay hindi linyang pangmasa, kundi linyang sosyalista, linyang makauri? Ang salitang "masa" lang ba ang kanilang nakita kaya nila inawit iyon, pero hindi nila nakita ang kabuuan ng kanta? Hindi ba nila napansin ang mga salitang "ang masa lamang, linyang pangmasa, ito ang ating patnubay"? Nasaan na ang pamunuan ng uring manggagawa na dapat tumuligsa o pumuna sa ganitong pagkakamali? Nang sa gayon ay maupuan ito, mapag-usapan at makagawa ng kaukulang aksyon! Bakit linya ng reaffirmist (Bayan Muna, Anakpawis, atbp.) ang kanilang inaawit - linyang pangmasa - imbes na linya ng rejectionist (BMP, KPML, atbp.) - linyang makauri? Simple lang bang nagkamali sila, gayong halatang praktisado sila ng inawit nila iyon? Pambansang demokrasya na ba ang isinusulong ng Teatro Pabrika imbes na pakikibaka tungong sosyalismo? Malaki ang papel na ginagampanan ng Teatro Pabrika sa propaganda, sa pagmumulat sa masa, kaya ang ganitong pagkakamali ay hindi dapat ipagwalang-bahala!

Tulungan natin ang Teatro Pabrika. Halos wala na silang orihinal na kinakanta kundi pawang adaptasyon na lamang, minana sa mga nauna o hinahalaw nila sa iba. Gayong marami namang pwedeng gumawa ng kanta. Nariyan nga ang Zone One ng ZOTO at Fraction Band ng KPML. Nakapaglabas na sila ng sarili nilang album o CD ng mga orihinal nilang awit. Bakit ang Teatro Pabrika'y nagkakasya na lamang na awitin ang mga dating awit at ayaw magbuo ng bagong mga kanta, mga proletaryadong kanta? Ang masama pa nito, kinakanta nila ang awit ng ibang organisasyong kalaban sa linya ng pagsulong ng rebolusyon!

Magandang balikan natin ang counterthesis at namnamin natin ang kabuuan nito. Gayunman, sa usaping ito'y silipin muna natin ang pambungad sa dokumentong PPDR: Class Line Vs. Mass Line (nasa internet ito, sa marxists.org archive ni Ka Popoy Lagman): "The Program for a People's Democratic Revolution drafted by Sison in 1968 is the best proof of his abandonment or ignorance of the most basic principles of Marxism-Leninism --- the class struggle and scientific socialism. In the Party program, he substituted the Maoist "mass line" for the Marxist-Leninist "class line". He completely obscured and glossed over the struggle for socialism in his obsession for national democracy. Sison's failure to grasp the Marxist-Leninist class struggle and his fanatical adherence to Maoism which distorts this theory explain his vulgarized concept of revolution. The essential defect of PPDR is its basic character which makes it totally unacceptable as a class program of the Party of the class-conscious Filipino proletariat. It does not even pretend to be a class program but proclaims itself to be a "people's program." It is a Party Program without the struggle for socialism and without a separate section on workers' demands in the period of the democratic revolution. It characterized Philippine society as "semicolonial and semifeudal" without bringing into the foreground and emphasizing more strongly its bourgeois, capitalist basic process. It failed to present the real meaning and substance of proletarian class leadership in the democratic revolution. It elaborated a vulgarized, totally non-Marxist, non-Leninist concept of a people's revolution that departs fundamentally from the theory of class struggle. And lastly, it presented a peasant not a proletarian stand on the agrarian question and a patriotic not a proletarian stand on the colonial question."

Kung sakaling mabasa nila ito, hindi na kailangang humingi sila ng paumanhin. Ang kailangan nilang gawin ay magsuri, magrebyu, magwasto. Dapat balikan nila o mabigyan sila ng edukasyon hinggil sa counter thesis na lumabas noong 1990s. Kung di nila kayang gumawa ng kantang makauri, tulungan na rin silang makapaglunsad ng songwriting seminar sa mga manggagawa, tulad ng ginagawa ng KPML at ZOTO sa kanilang mga kabataang kasapi na nakapaglunsad na ng kanilang sariling CD. Tiyak namang maraming talentadong manggagawa na pwede nilang mapasapi sa Teatro.

Nais nating magpalakas bilang kilusan at bilang rebolusyonaryo. Nais nating patatagin ang ating kagawaran ng panustos, kagawaran ng pag-oorganisa, kagawaran ng depensa, lalo na ang kagawaran ng propaganda. Malaki ang papel ng Teatro Pabrika bilang propagandista ng kilusang proletaryado. Sa pamamagitan ng awit ay dinadala nila ang uring manggagawa at ang masa ng sambayanan sa direksyong nais tahakin ng kilusan ng uring manggagawa. Bagamat sinasabi nating masa ng sambayanan, ay hindi natin sinasabing linyang pangmasa na ang dapat tahakin. Ang masa ng sambayanan ay tumutukoy sa mga panggitnang pwersang hindi nag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon na maaring maging kabig ng uring manggagawa. Ang turing natin sa maralita ay proletaryado na, at hindi reserbang hukbo ng paggawa. Proletaryado na sila sa kalagayang ang uri nila'y walang pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon, tulad ng uring manggagawa.

Bilang mang-aawit at bilang propagandista, hindi na dapat maulit na linya ng ating kalabang organisasyon ang dapat nilang ipalaganap, kundi ang linyang tinatahak ng kilusang ating kinapapalooban. Kung bilang propagandista'y ibang linya ang ipinalalaganap nila, nililito lang nila ang mga bago nating aktibista, tinutulungan lang nila ang ating mga katunggaling organisasyon sa pagmumulat sa linyang pambansang demokrasya, imbes na sosyalismo. Kung gayon, dinadala lang nila tayo sa sarili nating pagkadurog. Hindi ito dapat mangyari.