Mula sa isa kong tula sa email na ipinasa sa googlegroup ng BMP ay nagkaroon ng palitan ng kuro-kuro ang mga kasama. Hinggil ito sa tula kong "Hindi Unyonismo ang Landas ng Paglaya", kung saan hindi sang-ayon dito ang isang kasama. Ngunit ito'y ipinagtanggol naman ng isa pang kasama. Halina't tunghayan natin ang palitan ng mga ideya.
Email dated May 14, 2011, to bmp-org
HINDI UNYONISMO ANG LANDAS NG PAGLAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
ang landas ng paglaya'y hindi unyonismo
pagkat di lang sa pabrika ang labang ito
pakikibakang ito'y tagos sa gobyerno
kaya di dapat mag-unyon lang ang obrero
pakikibaka nila'y di hanggang pabrika
kaya dapat mangarap ng bagong sistema
kung saan malaya sa pagsasamantala
ng hinayupak na mga kapitalista
dapat nang ipaalam sa mga obrero
na magwawakas ang lumang sistemang ito
kung tuluyang bumagsak ang kapitalismo
at manggagawa na'y namuno sa gobyerno
panahon nang tapusin ang dusa at luha
unyonismo'y lagpasan na ng manggagawa
nasa sosyalismo ang landas ng paglaya
pagkat bubunutin na'y gintong tanikala
Email dated May 15, 2011, from Felipe Hernandez to bmp-org
Ka Greg
I beg to disagree. Maganda ang pantig ng tula mo pero para sa aking pagkaunawa, ang unyonismo ang pandayan ng mga manggagawa para marating ang paglayang pinapangarap ng uring manggagawa. Ang sosyalismo o pamahalaang pang lipunan.
Ang tinutumbok ng unyonismo ay ang pagkakaisa ng uri upang pansamantalang patigilin ang ekonomiya sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos o welga mula sa pabrika hanggang sa pambansang antas. Pinatunayan na ito ni Lenin nang isapraktika niya ang teorya ni Marx.
Kaya nga mga manggagawa lamang ang may kakayahang gumawa nito dahil sila ang may direktang involvement sa produksyon. Kahit ang mga manggagawang armado/sundalo na nagtangkang umagaw ng kapangyarihan na nagku- coup de etat ay sa mga estratehikong lungsod at sentro ng ekonomiya nagsasagawa ng pagkilos upang saktan at patirikin ang ekonomiya.
Malinaw na ngayon na kahit isang milyong urban poor na hindi involve sa produksyon ang magsama-sama sa kalye, walang gaanong magagawa ito kung ikukumpara sa ilang libong manggagawa na nakatalaga sa mga istratehikong industriya at produksyon. Sisibakin lang ang kanilang pagtitipon o kaya ay pipigilang makapagtipon tipon sa pamamagitan ng pagharang sa kanila sa daan pa lamang, samantalang ang mga manggagawaang nakawelga ay hindi kayang pwersahing kumilos hanggat hindi nakakamit ang kanyang nakalatag na layunin.
Komplikado ito pero narito ang hamon, Sa paaking limitadong pagkakaunawa, Sosyalismo, hindi pambansang demokrasya o nasyonalismo ang ultimong layunin ng mga manggagagawa dahil wala silang sariling bansa at ari-arian o pribadong pag-aaring gamit sa produksyon!
Ang unyonismo sa isang pabrika na nagsusulong ng kanilang pansariling interes ay simula lamang. Ang kailangang matutunan nila ay ang katotohanan na kahit pataasin nila ang kanilang CBA ay walang halaga kung hindi ibubukas sa buong uring manggagawa na ang kailangan ay sama-samang pagkilos sa pambansang antas upang magkaroon ito ng pambansang epekto at lakas.
Dito tayo mahina kaya dito tayo dapat magpalakas.
Email dated May 16, 2011, from Gem de Guzman to bmp-org
Makisawsaw ako mga kasama, pasintabi.
Pareho namang may katotohanan ang punto ng kasamang Greg at kasamang Ipe.
Sabi ng unang stanza ng tula ni Ka Greg,
ang landas ng paglaya'y hindi unyonismo
pagkat di lang sa pabrika ang labang ito
pakikibakang ito'y tagos sa gobyerno
kaya di dapat mag-unyon lang ang obrero
..... lagpasan na ang unyunismo
Ito ang parteng pinuna at di sinang-ayunan ni Ka Ipe.
Puna ni Ka Ipe:
I beg to disagree. Maganda ang pantig ng tula mo pero para sa aking pagkaunawa, ang unyonismo ang pandayan ng mga manggagawa para marating ang paglayang pinapangarap ng uring manggagawa. Ang sosyalismo o pamahalaang pang lipunan.
Ang tinutumbok ng unyonismo ay ang pagkakaisa ng uri upang pansamantalang patigilin ang ekonomiya sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos o welga mula sa pabrika hanggang sa pambansang antas. Pinatunayan na ito ni Lenin nang isapraktika niya ang teorya ni Marx. (.... at marami pang iba)
Sa akin lang, walang mali sa nilalaman ng tula ni Ka Greg. Maaaring may kulang, may dapat pang hanapin para makumpleto o mabuo ang mensahe ayon sa Marxist-Leninist theories.
Sumasang-ayon ako na hindi NGA unyunismo ang landas ng paglaya o emansipasyon ng uring manggagawa at ng sangkatauhan. Dahil dito, hindi nga dapat mag-unyon lang ang mga manggagawa para makalaya sa wage slavery o sahurang pang-aalipin ng kapital.
Sa kabilang banda, sumasang-ayon din ako, nang bahagya, sa sinabi ni Ka Ipe na, ang unyonismo ang pandayan ng mga manggagawa, pero sa mas eksakto ang welga ang paaralan ng mga manggagawa. Meron kasing unyon na di umaabot sa welga at iba pang sama-samang pakilos. At kung ang unyon ay di nakaranas ng welga, ng pinakamatinding tunggalian sa relasyong employee-employer, nasaan ang aral na magagamit sa rebolusyon? Minamahalaga ko ang welga bilang paaralan ng manggagawa sapagkat dito klarong-klaro ang talas ng tunggalian, kitang-kita ang di mapagkakasundong interes ng manggagawa at kapitalista; kitang-kita kung sino ang kakampi at kalaban ng manggagawa, malinaw na nakalantad ang papel hindi lang ng gubyerno kundi ang buong makinarya ng estadong kapitalista. Daig ng welga ang sanlaksang labas ng polyeto kung paglalantad (exposition) sa lipunang kapitalista at estado nito ang pag-uusapan.
Sa welga sila kongkretong namumulat sa katangian ng lipunan at estado. Sa welga sila napapanday sa pakikibaka. Natututo sila ng sari-saring diskarte para lumaban at magtagumpay. Narito ang halaga ng welga. Kahit pa sabihing "talo" sa mga pang-ekonomikong kahilingan ang welga.
Ang welga ay isang paaralan ng manggagawa para magrebolusyon. Ang rebolusyon ay sama-samang pagkilos ng milyon-milyong manggagawa na ang isyu ay hindi na lang isyu ng unyunismo, ang isyu ng rebolusyon ay lagpas sa mga isyu sa apat na sulok ng pabrika--ng sahod at benepisyo, makataong kondisyon sa pagtatrabaho, katiyakan sa trabaho, langkupang pakikipagtawaran.
Ang isyu sa rebolusyon ng manggagawa ay emansipasyon mula sa sahurang pang-aalipin, ang isyu sa rebolusyong manggagawa ay ang pagreresolba sa pangunahing kontradiksyon sa kapitalistang lipunan -- ang relasyong sosyalisadong paggawa at pribadong pagkamkam ng sobrang halaga gawa ng pribadong pag-mamay-ari sa mga kagamitan sa produksyon.
Kung di ako nagkakamali, wala namang pagtatalo ang dalawang kasama sa mga tinuran kong ito.
Saan nag-iiba ang pananaw ng dalawang kasama?
Narito ang saligang kaibahan ng dalawang kasama:
Greg's position: "ang landas ng paglaya ay hindi unyunismo" at kailangang "lagpasan na ang unyunismo"
Ipe's position: " ang unyonismo ang pandayan ng mga manggagawa para marating ang paglayang pinapangarap ng uring manggagawa." at "Ang tinutumbok ng unyonismo ay ang pagkakaisa ng uri..."
Merong mga salitang nakapaloob sa mga ito na importanteng bigyang-pansin:
1. Kalayaan -- na ang kahulugan ay kalayaan o emansipasyon mula sa mapagsamantala at mapang-aping lipunang kapitalista o mula sa sahurang pang-aalipin.
2. Unyunismo -- ang pangkalahatang pakahulugan ng lahat dito ay ang organisasyon ng MASAng manggagawa para ipaglaban ang kanilang mga karapatan kasama na rito ang pang-ekonomyang karapatan na ibinibigay ng mga batas ng isang estado na di lalagpas sa isinasaad ng Konstitusyon ng isang bansa.
3. Pagkakaisa ng uri -- ibig sabihin, pagkakaisa ng masang manggagawa BILANG ISANG URI (kahit di lahat pero may konsoderableng dami).
Ang aking opinyon:
Para magrebolusyon ang masang manggagawa patungong sosyalismo, maraming rekisitos na di niya makukuha sa kanilang unyon o sa unyunismo.
Una na rito ang kailangang taglayin nila ang MAKAURING KAMALAYAN o class consciousness. Ito ay dapat na walang-sawang itinuturo ito ng mga sosyalista sa masang manggagawa may unyon man o wala. Kaya nga nararapat na magsanib ang kilusang manggagawa at kilusang sosyalista. At hindi makukuha ng masang manggagawa ang kamalayang ito sa loob ng unyunismo.
(1) Kapag alam na ng masang masang manggagawa na kahit iba-iba ang kanilang employer, iba-iba ang kanilang trabaho, kahit iba-iba ang kanilang uri ng hanapbuhay ngunit kinikilala na nila na sila ay nabibilang sa isang uri ng tao sa lipunan na pinagsasamantalahan at inaapi ng kapital; (2) kapag alam na ng masang manggagawa na iisa ang kanilang problema; (3) kapag naiintindihan na ng masang manggagawa na kailangang makialam na sila sa paggugubyerno --diyan sa 3 yan lang masasabi na sila ay mulat-sa-uri. Hindi iyan makukuha sa unyunismo.
Ikalawa ang maorganisa sila bilang uri. Ang maorganisa ang masang manggagawa sa isang malaking pederasyon o koalisyon ng maraming unyon sa buong bansa ay hindi pa rin pumapasa sa pagkakaorganisa nila bilang uri. Kailangang sila ay mulat-sa-uri at may pampulitikang organisasyon silang kinabibilangan o kinikilala at pininiwalaan nila na nagdadala ng kanilang MAKAURING interes. At ang pampulitikang organisasyong ito ang mangunguna para itaas ang pang-unyon o pang-ekonomyang pakikibaka tungo sa pampulitikang pakikibaka na ibayong magmumulat sa masang manggagawa at magbibigay sa masa ng uri ng maraming karanasan sa pampulitikang pakikibaka bilang bahagi ng preparasyon ng uri na agawin ang kapangyarihang pampulitika sa oras na dumating ang rebolusyonaryong sitwasyon. Bagamat minamahalaga ko ang papel ng unyon sa buhay ng masang manggagawa sa kanilang pinagtatrabahuhan, hindi ito magagawa ng unyonismo.
Ikatlo, ang pagrerebolusyon ay lagpas sa mga karapatang sinasabi ng batas ng estado at lagpas sa konstitusyon ng isang bansa. Ang unyonismo ay sumusunod sa batas.
Beside the point sa usapang ito ang papel ng manggagawa sa pagtigil sa production, gayundin ang pagkukumpara ng manggagawang industrial, serbisyo at komersyo sa mga mala-manggagawa. Parepareho naman silang kapag di mulat-sa-uri, di sila magrerebolusyon. Kapag di mulat-sa-uri, magiging buntot lang sila lagi ng burgis na oposisyon at yung ibang seksyon ng masang manggagawa ay pabor sa administrasyong burgis.
Para mas mapalalim pa ang pag-unawa sa pagkakaibang ito, may sinulat si Lenin noong 1903 na pinamagatang "What is to be done" at isang paksa doon kung di ako nagkakamali ay may pamagat na "The primitiveness of the Economists" at saka yung tungkol sa propaganda at ahitasyon.
Pinulbos ni Lenin ang argumento ng kanyang mga kapartido sa debateng ito. Isa na rito ang puntong " ang pagmumulat at pag-oorganisa sa masang manggagawa ay laging idinadaan sa unyonismo sapagkat ito ang pinakamadali at nakaugalian."
Hanggang diyan muna mga kasama.
Gem
Emal dated May 17, 2011, from Gem de Guzman to bmp-org
Paano kung ang mga sosyalistang sumanib sa kilusang manggagawa ay nagumon na rin sa unyunismo? Ibig kong sabihin eh nagpakahusay na rin ang mga sosyalistang indibidwal sa mga gawaing unyon hanggang sa pagiging abogadilyo at pagharap sa mga kaso; inako na ang mga trabaho ng unyon sa masang manggagawa; nakipagpaligsahan sa masang manggagawa sa loob ng unyon hanggang sa pag-okupa sa matataas na posisyon ng unyon at pederasyon. Okupado na ngayon ang kanyang panahon ng samut-saring gawain sa unyon.
Sa ganitong kalagayan, makakaasa ba tayo na magagawa nilang iaral sa masang manggagawa ang makauring kamalayan na siyang unang hakbang sa pagpapalaya (pagpapalaya sa isipan) sa manggagawa ? Ng pagpapataas ng pakikibakang pang-ekonomya tungong pampulitikang pakikibaka? Ng pag-oorganisa ng makauring tunggalian sa buong bansa? Maaaring oo pero mabibilang lang sa daliri ang resulta. Pero ang kailangan ng rebolusyonaryong pagbabago ay milyun-milyong manggagawa na may angking kamalayang makauri na nakikibaka sa kanilang makauring interes! Maaaring oo pero tatanda na ang isa o tatlong henerasyon ng mga unyunista pero iilan pa rin ang mulat, kulang pa para magparami ng manggagawang mulat-sa-uri.
Ang kamalayang unyunista ay mananatiling kamalayang unyunista gaano man ito kamilitante sa mga porma ng pakikibaka. Hindi kusang tutungo sa kamalayang makauri at kamalayang sosyalista ang kamalayang unyunista hanggat di namumulat ang masang manggagawa sa kanilang makauring interes; hanggat di sila namumulat sa ugat ng pagsasamantala at pang-aapi ng kapitalistang sistema; hanggat di sila namumulat sa pangangailangan at kaparaanan ng rebolusyonaryong pagbabago; hanggat di sila namumulat sa syentipikong sosyalismo bilang alternatiba sa bulok na kapitalismo.
Bulto-bultong sinasadya at pinaplano nang may araw-araw na output tulad ng isang production line sa pabrika ang kailangang pagmumulat, pag-oorganisa ng pakikibaka at pagpapakilos sa masang manggagawa -- sa mga unyunista at di unyunistang manggagawa -- ang nararapat na gawin ng mga nabubuhay pang sosyalista ngayon upang maaninag natin o masilip man lang ang butil ng liwanag sa dako pa roon. #
Gem
Email dated May 17, 2011, from mark dario to bmp-org
ayos man itong mga palitan nang kuro-kuro mga Bay...Sa aktwal na kalagayan nang proletaryado sa Pilipinas papaano natin lilinangin ang makauring kamalayan at papaano natin patatampukin sa pang araw-araw ang kahalagahan nang pagsulong nang makauring interes?.....may pangangailangan di po ba na umunlad ang kagamitan at relasyon sa produksyon upang magkaroon nang materyal na batayan ang makauring tunggalian nang proletaryado at burgesya sa bansa.
Email dated May 17, 2011, from Gem de Guzman to bmp-org
Sabi ni Ka Ipe, "......ang unyonismo ang pandayan ng mga manggagawa para marating ang paglayang pinapangarap ng uring manggagawa. Ang sosyalismo o pamahalaang pang lipunan."
Saan nga ba mapapanday o paano mapapanday ang uring manggagawa para ito ay magrebolusyon; para magawa nito ang istorikong misyon na maging sepulturero ng kapitalismo; para magawa nito ang lagi nating naririnig sa mga rali na " uring manggagawa hukbong mapagpalaya"; para magawa nitong mamuno bilang uri sa rebolusyon mula demokratikong rebolusyon hanggang sosyalistang rebolusyon; para magawa nitong agawin sa kamay ng uring burgesya ang kapangyarihang pampulitika at itatag ang gubyerno't estado ng manggagawa; para magawa nitong ipagtanggol ang bagong tatag na estado laban sa gustong manumbalik sa poder na burgesya;; para magawa nitong ilatag sa panahon ng transisyon ang mga imprastruktura at institusyon at iba pang sangkap para sa pagtatayo ng sosyalismo?
Sa kasalukuyang kalagayan ng uring manggagawa ngayon, kabilang na ang kakarampot na may unyon at mas kakarampot na nakaranas ng welga, hindi pa natin masasabing napanday na ito. Kahit na ihiwalay sa karamihan ng uri, ang mga nakaranas ng unyunismo ay hindi pa rin napanday.
Kailangan pang pandayin ang masang manggagawa kabilang na ang mga unyunista para maihanda sila sa kanilang historical mission sa pagbabagong panlipunan -- sa rebolusyong pampulitika at rebolusyong panlipunan.
Sapagkat ang sukatan natin ng pandayan ng uri ay ang rebolusyonaryong aktibidad na nanggagaling sa taglay nitong rebolusyonaryong kamalayan at perspektiba. Sa ibang salita, ito ang tinatawag na pampulitikang preparasyon ng uring manggagawa.
At ang pampulitikang preparasyong ito ay:
Una sa lahat ang taglayin nito ang makauring kamalayan.
Ikalawa ang lumahok at manguna ang uring manggagawa sa pakikibaka para sa demokrasya, hindi lang ng pang-unyon o pangsektor na demokrasya kundi para sa lahat ng demokratikong uri sa lipunan. Hindi pa man pumuputok ang demokratikong rebolusyon, nararapat nang manguna ang manggagawa sa pakikibaka tungkol sa mga isyu ng iba’t-ibang sektor at uri, ng anumang klase ng tiranya at pagsasamantala.
Ito ang pandayan ng uring manggagawa. Ito, humigit-kumulang, ang pulitikal na preparasyon ng uring manggagawa para sa kanyang historic role sa social change.#
Gem
Email dated May 17, 2011, from Greg Bituin Jr. to bmp-org
3 Bagong Tula, re: dugtong sa Hindi Unyonismo ang Landas ng Paglaya
Maraming salamat po sa inyong mga komento. Tuloy ay nagiging masigla ang makata sa pagkatha ng mga bagong tulang munti man ay may tatak ng uri. Nagsimula man sa tula, ngunit ito’y nagiging pandayan ng mga diskurso’t usaping naglalaman ng matatayog at malalalim na pagsipat, pagninilay, at pagtalakay sa mga masasalimuot na isyu, munti man o malaki, na dapat silipin at bigyang pansin.
Ang mga talakay na ito’y ginawan ng tula bilang pagpapatunay ng adhikaing gamitin ang panitikan sa pagmumulat at pagpapalaganap ng makauring kamalayan. Dapat magkaroon pa ng mas maraming talakayang ganito upang lalo pang dalisayin ang mga aral ng Marxismo-Leninismo sa ating kamalayan, di lang sa amin, kundi sa iba pang mga aktibista, manggagawa’t manunulat na nakababasa ng mga ito. Isa rin itong magandang talakay para sa mga kasapi ng grupong MASO AT PANITIK, isang grupong pampanitikang ang layunin ay dalhin ang Marxismo-Leninismo sa pambansang kamalayan tungo sa pagtatatag ng lipunang sosyalismo.
Maraming maraming salamat po sa inyo. Mabuhay kayo!
(Ang 3 tula'y pinamagatang Kamalayang Unyunista’y Sadyang Di Sapat, Simula Man ang Unyonismo, at Ang Welga’y Isang Paaralan. Lahat ng ito'y matatagpuan sa blog kong matangapoy. - greg)