ORAS NG PAGGAWA: 8-oras, at ang panukalang 10/4 at 6/6
ni Greg Bituin Jr.
Nag-file ng panukalang batas si Rep. Winston “Winnie” Castelo (LP, 2nd Dist., Quezon City) sa Kongreso na gawin nang sampung oras ang paggawa bawat araw, ngunit imbes na limang araw, ito'y sa loob ng apat na araw sa bawat linggo o 10/4. Ngunit sa panukalang ito'y nagtatanong ang mga manggagawa: Nakakatipid nga ba ang manggagawa sa iskemang 10/4? Tama bang mula sa walong oras na paggawa ay ibalik ito sa sampung oras na paggawa? Ano ang lohika bakit walong oras ang ipinaglaban ng mga manggagawa noon, at pilit nilang binaka ang mga patakarang 12-oras, 10-oras at sobra sa 8-oras na trabaho? Makatarungan nga ba sa manggagawa ang 10-oras ngunit apat na araw na trabaho na lang?
Sinabi ni Castelo na win-win formula umano ang iskemang 10/4 kada linggo upang mapaunlad ang kalagayan ng paggawa. Ayon sa kanya, “If employers do not want wage hikes, they might as well agree to the 10/4 work formula because the alternative to improve the workers’ plight is to lessen their daily expenditures while going to work. Both parties are winners in 10/4 scheme. Workers reduce their expenditures when going to work, while employers reduce maintenance and operational cost and overtime pay.” (Kung ayaw ng mga kapitalistang taasan ng sahod, dapat sumang-ayon sila sa pormulang 10/4 dahil ang alternatibo upang umunlad ang kalagayan ng manggagawa ay mabawasan ang kanilang arawang gastos habang patungo sila sa trabaho. Parehong panalo ang dalawang panig sa iskemang 10/4. Nababawasan ang gastos ng manggagawa patungong trabaho, habang nababawasan naman ng kapitalista ang gastos sa pagmimintina, operasyon, at bayad sa sobrang oras ng paggawa (overtime)."
Noong Mayo 1, 1886, nagprotesta ang libu-libong manggagawa sa Haymarket Square sa Chicago upang ipaglaban ang walong oras na paggawa. Apat na manggagawa ang namatay dito. Ang pagpanalo ng manggagawa ng walong oras na paggawa ang simula upang kilalanin ng manggagawa sa iba't ibang panig ng mundo ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa tuwing Mayo Uno. Noong Mayo 1889, nagpulong ang mga manggagawa mula sa iba't ibang bansa sa Paris para sa Unang Kongreso ng Ikalawang Sosyalistang Internasyunal. At dito'y pinagtibay nila ang Mayo Uno, bilang pag-alala sa nangyari sa Haymarket Square, at pagtatagumpay ng walong oras ng paggawa, bilang Pandaigdigang Araw ng Paggawa.
Ang tagumpay na ito ng mga manggagawa ay tagumpay sa maayos na paghati ng 24 oras sa bawat araw sa tatlo: walong oras na paggawa, walong oras na pahinga o pagtulog, at walong oras para sa sarili, kasama ang paglilibang.
Ang nakikita lang marahil ni Castelo ay ang mga empleyado sa gobyerno na hindi naman humahawak ng makina, mga empleyadong laging nakaupo, hawak ay pawang mga papeles, mga trabahong magagaan, tulad ng pasok ng kanyang mga staff sa kongreso. Ang kanyang panukala ay tulad ng daylight saving time (DST) sa panahon ni dating Pangulong Cory Aquino, kung saan imbes na 8am-5pm ang pasok ay naging 7am-4pm upang makatipid sa kuryente. Hindi na kinilala ni Castelo ang kasaysayan at esensya ng Mayo Uno, ang esensya ng walong oras na paggawa na ipinanalo ng manggagawa. Ngunit ang kanyang panukala ay para sa manggagawa at hindi ispesipiko para sa mga empleyado ng gobyerno.
Tagumpay ng mga ninunong manggagawa, na pinagbuwisan ng buhay, ang walong oras na paggawa. Ang gawin itong sampung oras ni Winnie Castelo ay hindi katanggap-tanggap.
May mas magandang panukala kaysa 10/4 na hindi madedehado ang mga manggagawa. Ito'y ang 6/6 o anim na oras sa anim na araw na paggawa, ngunit ang basic pay para sa isang araw ay di nababawasan. Kung ngayon, ang minimum wage ay P426 bawat araw sa walong oras na paggawa, ito'y dapat P426 pa rin bawat araw sa anim na oras na paggawa.
Ayon sa blogsite ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), sa 10/4 (Compressed Work Week), (1) Mababatak ng husto ang lakas paggawa, hihina ang produktibidad ng manggagawa, at bulnerableng magkasakit ang manggagawa; (2) Sa compressed work week, hindi makakalikha ng bagong empleyo, sa halip maaaring magbawas ng empleyado, magresulta ng tanggalan sa trabaho, darami ang walang hanapbuhay, tutumal ang pamilihan, at babagal ang inog ng ekonomiya; at (3) Ang tatlong araw na walang pasok ay hindi magiging produktibo sa manggagawa, di rin ito magagamit na oras para kumita ang manggagawa dahil walang trabahong available sa tatlong araw sa bawat linggo, di rin makakatipid ang manggagawa sa tatlong araw, maaring lumaki pa nga ang gastos, dahil kung mamamasyal, mag-aaral (retooling, training), mas malaki ang gagastusin kaysa pamasahe at baon papunta sa pabrika/opisina.
Ang panukala ng BMP ay 6/6 = 6 hrs work a day/6 days work a week, dahil (1) Makakalikha ng 25% bagong empleyo, mula sa 3 shift, gagawing 4 shift, magdadagdag ng isang shift na bagong empleyado: (2) Magiging highly productive ang mga manggagawa araw araw; (3) Secured ang regular daily income ng manggagawa; (4) Tuloy tuloy ang paglikha ng mga produkto, laging may pera ang mga manggagawa, sisigla ang pamilihan, bibilis ang pag-inog ng ekonomiya, may domino effect pa para sa panibagong kabuhayan; at (5) Magkakaroon ng panahon para sa learning skills training, hobby and leisure at kahit union organizing / activities na hindi nasasakripisyo ang arawang kita ng mga manggagawa.
Para sa mga manggagawa, ipinagtagumpay na ng manggagawa noon ang walong oras na paggawa. Hindi na dapat itong ibalik sa sampung oras na paggawa. Ang maaari pa, kasabay ng pag-unlad ng lipunan, gawing anim na oras na lang ang kanilang trabaho sa bawat araw, at mas malaki ang kanilang oras sa pamilya at sa pagpapaunlad ng kanilang sarili.
Ang dapat ipanukala ni Rep. Castelo ay ang katiyakan sa seguridad sa trabaho ng manggagawa (right to security of tenure), right to collective bargaining, pagpapatupad ng living wage, pagkilala sa karapatang mag-organisa at pag-uunyon, at syempre, ang pagtiyak na tanggalin at pagkriminalisa sa iskemang kontraktwalisasyon na pahirap sa manggagawa. Mas dapat na pumabor si Castelo sa mga manggagawa, na kanyang kapwa tao, kaysa mga kapitalistang ang iniisip lamang ay ang makahayop na pagkakamal ng limpak-limpak na tubo nang walang pagsasaalang-alang sa karapatan at kinabukasan ng kanilang manggagawa.