BAKIT SANDAKOT NA LUPA?
Pambungad sa aklat na "Sandakot na Lupa: Mga Sanaysay at Tula"
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Sandakot na lupa. Mula sa salitang "isang dakot" na pinaigsi sa "sandakot". Mistula raw lupa ang mga dukha, madaling apak-apakan ng mga naghahari-harian sa lipunan. Sandakot na lupa raw ang maralita dahil wala raw silang magawa sa kanilang buhay upang sila'y umunlad. Mga iskwater ang buhay. Pawang mga buhay-lasenggo, di kayang sikmurain ng mga nasa alta-sosyedad. Mga patay-gutom kaya mahilig daw mang-umit, o kaya naman ay pawang mga pagpag ang kinakain. Mga pagpag na tira-tirahan ng mga kostumer sa mga kilalang kainan, tulad ng Jollibee at McDo, na ang mga natirang pagkain mula sa basurahan ay kukunin, huhugasan at muling lulutuin upang kainin.
Sandakot na lupa ang mga dukha dahil walang kapangyarihan, di nagkakaisa. Gayong napakarami ng bilang, di lamang daan-daan, di lamang libu-libo, kundi milyon-milyon. Mas ang sandakot sa bilang ay ang mga naghaharing iilan. Ngunit dahil ang iilang ito ang mga nagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon ng mga kalakal sa lipunan, ang kakarampot na ito ang nagpapaikot sa maraming nagdaralita sa kanilang palad. Ang mga manggagawang gumagawa ng yaman ng lipunan ang patuloy na naghihirap habang ang iilang nagmamay-ri ng mga kagamitan sa produksyon ang siyang nagpapasasa sa yamang likha ng nakararaming manggagawa. Bahaw pa ang mga tinig na di pa makaririndi sa sistemang mapagsamantala, bagamat may mga palahaw na ng protesta sa mga lansangan sa iba't ibang panig ng mundo. Kailangan pa ng totoong pag-aalsa ng uring manggagawa upang ang mga dukhang itinuturing na sandakot na lupa sa lipunang ito'y bumangon at makibaka upang lumaya sa tanikalang ipinulupot sa kanila ng bulok na kapitalistang sistema.
Ang pamagat ng aklat na ito, ang "Sandakot na Lupa", ay mula sa ikatlong taludtod, ikalawang sesura, ng ikaanim na saknong ng 12-saknong na tulang "Bayani" ng pambansang alagad ng sining na si Gat Amado V. Hernandez, kung saan ganito ang nakasaad:
Ang luha ko’t dugo’y ibinubong pawa
sa lupang sarili, ngunit nang lumaya,
ako’y wala kahit sandakot na lupa!
Kung may tao’t bayang nangaging dakila,
karaniwang hagda’y akong Manggagawa,
nasa putik ako’t sila’y sa dambana!
Ang tulang "Bayani" ay nagwagi sa 30 kalaban sa timpalak-panitik sa Malolos, Bulakan, sa pagdiriwang ng Unang Araw ng Mayo noong 1928, kung saan ang mga inampalan ay sina Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaceda at Iñigo Ed. Regalado. Ayon kay Senador Recto, ito ang “pinakamahusay na tulang Tagalog sa paksang paggawa.”
Kay Gat Amado, wala siyang kahit sandakot na lupa sa kanyang bayang pinaghaharian ng dayuhan, tulad din ng mga nangyayari ngayon sa mga maralitang lungsod na pawang "iskwater sa sariling bayan" ang turing. Imbes na mga kababayang isinilang dito sa Pilipinas ang may tirahan sa sariling bayan, sila pa ang itinataboy na parang mga daga para pagbigyan lamang ang mga kapritso ng mga dayuhang mayayaman. Wala na nga, wala, sadyang salat na ang mga maralita. Salat na sa buhay, salat na sa pang-araw-araw, salat pa sa karapatang manirahan sa sariling bayang tinubuan.
Ngunit sadya yatang ganito sa kapitalistang lipunan. Kung sino ang may salapi, kung sino ang may milyones sa bangko, sila ang mga naghahari. SIla ang mga kinikilala sa bayang ito. Kung sino pa ang nakararami sa lipunan, sila ang tinuturing na sandakot dahil minamaliit ng iilang akala mo'y malalaki.
Sa bilang, ang mga maralita'y di sandakot lamang, kundi milyun-milyon sa Pilipinas, ngunit kung tingnan sila'y sandakot lamang, dahil walang nagkakaisang tinig na kumakatawan sa kanila. Wala pa silang pagkakaisa. Patuloy pa silang nagpapabola sa mga pulitikong pinahahalagahan lang sila sa panahon ng halalan. Ang totoong sandakot ay ang mga naghaharing iilan, na kung mag-alsa ang mga maralitang sadyang nakararami sa lipunan sa usapin ng pagpapalit ng bulok na sistema, tiyak na mag-aalsa balutan ang mga mapang-aping iilan. Lupa man ang turing sa mga dukha, hindi nangangahulugang patuloy na tatapak-tapakan at yuyurakan ang dangal ng dukha, pagkat sila'y mga tao ring may karapatang mabuhay ng may dignidad.
Panahon na ng pagkilos. Panahon na upang baguhin ang sistemang nagtanikala sa dukha. Itanim natin kahit na sa sandakot na lupa ang binhi ng paglayang inaasam, alagaan ito at diligan araw-araw, upang kung ito'y lumago ay maging matatag na punong magbibigay ng masarap na bunga sa mga nagpapakahirap, lalo na sa mga dukha't manggagawang patuloy na nagpapatulo ng pawis para makakain ang lipunan. Panahon na upang ibaon sa lupa ang sandakot na iilang naghahari sa lipunan.
Mabuhay ang mga dukha't ang uring manggagawa!