Lunes, Disyembre 9, 2013

Paunang Salita sa aklat na SAGAD SA BUTO


Paunang Salita

PAG SAGAD NA SA BUTO, ANONG DAPAT GAWIN?

Laksa-laksa ang mga api sa lipunan, habang may iilang nagtatamasa sa yaman ng lipunan. Sagad na sa buto, ngunit hindi sagot ang paghihimutok lamang. Hindi sapat ang magalit lamang tayo ngunit wala tayong pagkilos na gingagawa at hindi pa tayo nanawagan ng pagkakaisa ng kapwa api. Sagad na sa buto kaya kinakailangan ang nararapat na pagkilos upang lutasin ang suliraning yumayanig sa buong pagkatao.

Sagad na sa buto ang kaalipinan ng mga itim kaya sila kumilos. Sagad na sa buto ang kawalanghiyaan ng mga kapitalista sa mga manggagawa. Sagad na sa buto ang mga ganid at sakim sa salapi at kapangyarihan. Sagad na sa buto ang pangungurakot ng mga pulitiko sa kaban ng bayan.

Sagad na sa buto. Inuuk-ok na ang ating kaibuturan ng kabulukan ng sistema ng lipunan. Hindi na tayo dapat magbulag-bulagan sa ating mga nararanasang dusa. Hindi tayo dapat maging bingi sa daing ng kapwa api. Hindi tayo dapat maging pipi kundi ihiyaw natin na sobra na, tama na, at dapat palitan na ang lipunang yumuyurak ng dangal ng ating kapwa. Oo, sagad na sa buto. Ibig sabihin, pag puno na ang salop, dapat nang kalusin. Pag sagad na sa buto, dapat nang lumaban! Suriin at pag-aralan ang lipunan, at kumilos para sa pagbabago! Karapatan ng sinumang api ang maghimagsik!

Ibig ding sabihin, dahil ang kabulukan ng sistema’y hene-henerasyon nang nagaganap, dapat nang magkaroon ng malawakang pagbabago, dapat nang mag-aklas ang mga api upang ibagsak ang uring mapang-api at tuluyang magbago ang kanilang kalagayan. Hindi na dapat manahin pa ng mga susunod na henerasyon ang mga kaapihang dinanas ng kanilang mga ninuno mula sa kamay ng mga mapang-aping uri. Panahon nang mag-aklas. Panahon na ng pagbabago, Panahon na ng rebolusyon. Maghimagsik laban sa mga mapagsamantala.

Ang mga tulang naririto'y paglalarawan kung bakit lumalaban ang mga api, at kung bakit dapat pangarapin ng mga api ang isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao. Nawa'y makatulong ang mga tulang naririto, kahit bahagya man, sa pagkamulat ng marami nating kababayang dapat nang humulagpos sa tanikala ng pagkaapi at kahirapan.

GREGORIO V.  BITUIN JR.
Sampaloc, Maynila
Disyembre 9, 2013