Martes, Disyembre 29, 2020

Maikling Kwento: Pangangaroling

PANGANGAROLING
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

"Tay, marami na namang mangangaroling ngayon kasi malapit na po ang Pasko. Nais kong sumama sa mga kaibigan ko sa pangangaroling." Ito ang sabi ni Utoy sa kanyang ama minsang pauwi na sila galing sa pamamalengke.

"Alam mo, anak, nakikita ko nga na kahit sa mga dyip pag papasok ako sa trabaho ay marami nang nangangaroling. Tutugtog ng dala nilang tambol, kasama ang anak na nakatali ng balabal nila sa balikat, aawit ng pamasko, at hihingi ng limos. Hindi na iyon ang nakagisnan kong Pasko."

"Bakit po, Tay?"

"Kasi, sa amin noon, pupunta kami sa bahay-bahay na parang manghaharana. Barkadahan kami, nakasuot ng disente, at pagtapat sa bahay ng kakilala namin ay aawit kami ng kantang 'Sa may bahay'. Natutuwa naman ang inaawitan namin kaya nagbibigay sila ng malaki-laking halaga bilang pakikiisa sa diwa ng kapaskuhan. Ibang-iba ngayon, anak, na kaya ka lang namamasko ay dahil hirap ka sa buhay. Tulad ng nakikita ko pag papasok ako at uuwi galing sa trabaho. Hindi gayon ang nais kong pasko, bagamat para sa kanila, malimusan lang sila ay malaking bagay na dahil nagugutom ang kanilang pamilya. Kung sasama kang mngaroling, dapat hindi ka mukhang namamalimos. Anak, ang diwa ng kapaskuhan ay pagbibigayan, pagmamahalan, hindi pamamalimos. Bagamat hindi naman masamang manlimos. Masama lang tingnan."

"Ano po ba, 'Tay, ang dapat naming gawin pag mangangaroling. Baka pag maganda ang suot namin, sabihin sa amin, patawad. Baka hindi pa maniwala na namamasko kami."

"Mamasko ka, anak, sa mga ninong mo, sa mga kakilala natin. Palagay ko, anak, huwag kang basta tumapat lang sa bahay ng kung sino. Dapat, anak, ang pangangaroling ay hindi parang nanghihingi tayo ng limos. Kahit mahirap lang tayo, anak, nais kong makita pa rin nila at maramdaman din natin na may dignidad pa rin tayo bilang tao. Taong nirerespeto at hindi minamata ng ibang tao. Iyon lang naman, anak."

"Salamat po, Tay, sa payo ninyo. Sabihan ko ang mga kalaro ko na kung mangangaroling kami ay mag-ayos din po kami ng suot, para po di kami magmukhang kawawa na walang pera. Salamat po, Tay."

“Salamat din, anak, at nauunawaan mo ang nais kong sabihin. Ingat lagi kayo ng mga kalaro mo sa pangangaroling, at huwag sana kayong makikipag-away, ha. Isipin mo lagi ang diwa bakit kayo nangangaroling.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Disyembre 16-31, 2020, pahina 14.

Sabado, Disyembre 5, 2020

Paggawa ng ekobrik

PAGGAWA NG EKOBRIK
Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nitong Nobyembre 18, 2020, ay nagtungo ako sa tanggapan ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) upang aking pirmahan ang ilang dokumento hinggil sa isang petisyon sa Korte Suprema nang ibinigay sa akin ni kasamang Jackie ang natipon nilang isang bag na walang lamang plastik ng mga kape. Aba’y alam pala niyang ako’y nageekobrik. Ibig sabihin, ginugupit ko ang mga malilinis na plastik, tulad ng mga ubos na kape upang ipasok sa boteng plastik at gawing ekobrik. Patitigasin iyon na parang brick na pawang laman lang ay mga plastik. Para saan ba ito? Ang mga natipong ekobrik ay pagdidikitin upang gawing istruktura, tulad ng upuan o kaya’y lamesa. Maraming salamat, Ate Jackie!

Nananalasa ang mga basurang plastik sa ating kapaligiran, pati na sa ating mga karagatan. Kaya may mga nag-inisyatibang ipasok ang mga plastik sa loob ng boteng plastik upang mapaliit ang basura. 

Nagsimula ito sa Mountain Province, nakita ng isang Canadian, at ginawang kampanya laban sa plastik. Ngayon ay marami nang nageekobrik sa iba’t ibang panig ng daigdig. Nabuo ang Global Ecobrick Alliance o GEA, kung saan isa ako sa nakatapos, at may sertipiko.

Sa paggawa nito, dapat malinis ang mga plastik at walang latak, halimbawa, ng kape. Dahil kung marumi, baka may mabuong bakterya na sa kalaunan ay sisira sa mga ekobrik na ginawang istruktura tulad ng silya o lamesa, na maaaring mapilayan ang sinumang uupo doon. 

Upang matuto pa, tingnan ang GoBriks.com sa internet.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2020, pahina 16.

Biyernes, Disyembre 4, 2020

Bukrebyu: Ang librong "Che: A Graphic Biography" ni Spain Rodriguez

BUKREBYU

ANG LIBRONG “CHE: A GRAPHIC BIOGRAPHY” NI SPAIN RODRIGUEZ
Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nakita ko lang sa aklatan ng Bukluran ng Manggagawag Pilipino (BMP) ang aklat na “Che: A Graphic Biography” ni Spain Rodriguez. Inilarawan niya ang talambuhay ni Che Guevara sa pamamagitan ng komiks, o ng mga larawan. Bagamat nakagawa na rin ako ng libro ni Che Guevara noon, iyon ay pulos mga salin ng mga sulatin ni Che.

Iba ito, talambuhay ni Che na isinakomiks. Nakasulat sa Ingles at magaganda ang pagguhit ng mga larawan, na nasa black-and white, hindi colored. Subalit nakakahalina dahil sa galing ng tagaguhit at awtor na si Spain, kaygandang pangalan.  

Si Che Guevara ang isa sa mga kasamahan ni Fidel Castro nang ipinanalo nila ang rebolusyon sa Cuba noong 1959. Kinikilala siyang “the most iconic revolutionary of the twentieth century”, ayon sa libro. Sabi pa, “It portrays his revolutionary struggle through the appropriate medium of the under-ground political comic – one of the most prominent countercultural art form of the 1960s.” Wow, bigat!

Kaya kahit nasa wikang Ingles ay binasa ko ang kasaysayang komiks na ito. Kung may pagkakataon, nais ko itong isalin sa wikang Filipino.

Inirerekomenda ko itong basahin ng mga estudyante at aktibista, at sinumang nagnanais ng kalayaan ng bayan mula sa kuko ng mapang-api at mapagsamantala.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2020, pahina 15.

Linggo, Nobyembre 29, 2020

Pananalasa ni Ulysses, nagpalubog sa mga lalawigan ng Cagayan at Isabela

PANANALASA NI ULYSSES, NAGPALUBOG SA MGA LALAWIGAN NG CAGAYAN AT ISABELA
Saliksik at sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nagmistulang dagat ang binahang mga lalawigan dahil sa pananalasa ng bagyong Ulysses. Nakakakilabot habang pinapanood sa telebisyon. Paano kung tayo ang nasa kanilang kalagayan? Gutom, antok, pagod, dusa, sakripisyo, agam, mga negatibong karanasang animo’y bangungot.

Ayon sa isang ulat, "Mula sa kanilang mga bubong, nanawagan ng tulong ang mga residente ng Cagayan Valley at Isabela matapos lumubog sa baha ang kanilang bahay - dahilan para idaan ng netizens sa social media ang panawagan na agarang pagsagip sa mga residente. Nasa state of calamity ngayon ang buong probinsiya ng Cagayan, kung saan 9 na ang kumpirmadong patay, apat dito ang natabunan ng landslide, dalawa ang nakuryente habang nagre-rescue, at tatlo naman ang nalunod."

"Ayon kay Cagayan Governor Manuel Mamba, umagos ang tubig-ulan sa mga probinsiya ng Quirino, Nueva Vizcaya, Kalinga, at Isabela sa kanilang probinsiya, dahilan para mag-overflow ang tubig sa Cagayan River at matapon ito sa ilang bayan. Nangyari ang pagbaha kahit walang storm signal na nakataas sa bansa matapos umalis ang bagyong Ulysses sa Philippine area of responsibility."

Sa isa pang balita, "Isinailalim naman sa state of calamity ang Isabela City, kung saan 3 ang namatay batay sa inisyal na tala ng mga awtoridad. Unang nabanggit din ng LGU na nasa 144,000 indibidwal ang naapektuhan ng baha."

At sa isa pang balita, "At sa dulo din umano ng ilog sa Magapit ay paliit o kumikipot ang ang bahagi ng river sa bahagi ng Alcala kaya naiimbudo ang tubig at naiipon doon. Ayon kay PAGASA administrator Vicente Malano, kahit alisin ang tubig na inilabas ng Magat dam, babaha at babaha pa rin ang Cagayan."

Malayo ako sa pinangyarihan subalit noong bata pa ako’y dinanas ko na ang sunod-sunod na pagbaha sa Maynila, kaya habang pinanonood ko ang mga balita’y talagang sindak at awa ang aking nararamdaman. Nais kong makatulong subalit paano? Sa mga evacuation center ay wala nang social distancing. Nangabaha ang mga kagamitan at lumubog ang mga kabahayan. Kahindik-hindik na karanasan bihirang dumating sa buhay ng tao, ang lumubog ang buo mong nayon sa baha. 

Kailangan ng mga nasalanta ang mga pagkaing luto na, dahil hindi sila makakapagluto at nalubog sa tubig kahit ang kanilang kalan. Kailangan din nila ng malinis na inuming tubig, idagdag pa ang gamot sakaling may magkasakit. Mga pampalit na damit, at huwag na nating iambag ang ating mga pinaglumaang damit na para lang sa mga pulubi, sira-sira, butas-butas. Maayos na damit sana.

Nais ding tumulong ng pamunuan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa mga nasalanta, lalo na yaong mga nawalan ng tahanan, dahil ang karapatan sa paninirahan ang kanilang mandato. Subalit bagyo at hindi demolisyon ang dahilan ng pagkawala ng tahanan ng mga ito. Anuman ang maliit na makakayanan, ay gawin natin ang makakaya, ayon kay Ka Kokoy Gan, ang pambansang pangulo ng KPML. Tayo’y magtulungan sa panahong ito ng pandemya’t kalamidad.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 16-30, 2020, pahina 7-8.

Sabado, Nobyembre 14, 2020

Ang mga bagyong Rolly at Ulysses

Ang mga bagyong Rolly at Ulysses
Saliksik at sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Dalawang matitinding bagyo ang sumalanta sa bansa nito lamang unang dalawang linggo ng Nobyembre 2020. Ang bagyong Rolly ay tinatawag na super Typhoon Goni sa ibang bansa, at ang Ulysses naman ay Typhoon Vamco. Dumating ang bagyong Rolly, na ayon sa mga ulat ay kinatakutan dahil sa Category 5 na super-bagyo, na tinawag na "pinakamatinding tropical cyclone sa buong mundo noong 2020." Napakalakas nga nito ayon sa prediksyon. Mabilis itong humina, ngunit matapos manalasa ay nag-iwan ito ng pinsalang nakaapekto sa daan-daang libong katao, at puminsala sa libu-libong bahay.

Nakakabigla rin ang pagdating ng bagyong Ulysses, na ayon sa ulat ay bagyong nasa Kategorya 2, subalit ang pinsalang iniwan nito'y mas laganap, at nagdulot ng pinsala sa agrikultura at imprastraktura, nag-iwan ng 67 na patay, at higit sa 25,000 walang tirahan.

Sadyang maiiyak ka kung ikaw ang tinamaan ng alinman sa dalawang bagyong ito. Sa Ulysses ay naulit ang bangungot ng Ondoy. Ako nga'y muntik nang hindi makasama sa isang lakad sa Thailand kung nalunod sa tubig ang aking pasaporte. Kakukuha ko lang ng pasaporte ko noong Setyembre 25, 2009, naganap ang Ondoy ng Setyembre 26, 2009, at nakalipad ako puntang Thailand kasama ng iba pa noong Setyembre 28, 2009. Ang pinuntahan ko'y isang kumperensya hinggil sa nagbabagong klima o climate change, at isa ang Ondoy sa aming napag-usapan doon.

Ayon sa mga ulat, ang Bagyong Rolly ang pinakamalakas na bagyong naitala sa buong mundo ngayong 2020. Una itong bumagsak sa Pilipinas noong Nobyembre 2, na tumama sa Bato, Catanduanes; Tiwi, Albay; San Narciso, Quezon; at Lobo, Batangas. Bago nito, inilikas ng pamahalaan ang halos 1 milyong residente sa Bicol, ngunit malubhang napinsala ni Rolly ang higit sa 10,000 mga bahay sa Catanduanes lamang. Ang malakas na hangin at malakas na pag-ulan ang sanhi ng pagbaha, pagdaloy sa mga kabukiran ng lahar mula sa bulkang Mayon, mga pagguho ng lupa, at paghalimbukay ng unos (storm surge) sa rehiyon. Nagdala rin ito ng malawak na pagkawala ng kuryente at nasira ang linya ng komunikasyon.

Noong Nobyembre 11 2020 naman, sinalanta ng Bagyong Ulysses ang pangunahing isla ng Luzon na rumagasa ang mapanirang hangin at matitinding pagbagsak ng ulan na nagdulot ng matitinding mga pagbaha sa maraming lugar kabilang na ang Cagayan Valley (Rehiyon 2) na isa sa mga pinakamatinding naapektuhan. Halos 40,000 na mga tahanan ang ganap o bahagyang nalubog sa Lungsod ng Marikina, ayon naman kay Mayor Marcelino Teodoro ng Marikina. At naulit muli sa Marikina ang naranasang bagyong Ondoy noong Setyembre 26, 2009.

Sa pagitan ng Rolly at Ulysses ay dumaan din sina Siony at Tonio. Mabuti't mahina lamang sila. Subalit sa nangyaring bagyong Rolly at Ulysses, napakaraming istoryang kalunos-lunos ang ipinakita sa telebisyon at narinig sa radyo. Nariyan ang naglalakad na mga tao sa baha pasan ang kanilang mga gamit, aso, o kaya'y anak. Nariyan ang mga tao sa bubungan ng kanilang bahay na naghihintay masagip dahil nalubog na ang kanilang bahay sa baha. Nariyang hindi na mauwian ang tahanan dahil nawasak na.

Sa taon-taong bagyong nararanasan ng bansa, masasabing beterano na ba tayo sa baha? Maling sabihin dahil nakakaawa ang sinasapit ng ating mga kababayan. Dapat na seryosong makipagtulungan ang pamahalaan sa taumbayan kasama na ang mga nasa lugar na madaling bahain. Dapat magkaroon ng sistema, mekanismo, istraktura, at mabisang hakbang upang maghanda, at mabisang tugunan at mapamahalaan ang mga natural na kalamidad tulad ng mga nangyaring bagyo. Dapat kasangkot ang mamamayan sa pagtugon, maging responsable, at sundin ang mga protokol. Dapat handa na tayo sa ganitong mga sitwasyon, lalo na’t pabagu-bago ang klima at patuloy pa ring gumagamit ang bansa ng coal-fired power plants na itinuturing na isa sa dahilan ng matitinding bagyo.

Mga pinaghalawan:
https://reliefweb.int/report/philippines/wfp-philippines-typhoon-rolly-situation-report-1-6-november-2020
https://newsinfo.inquirer.net/1359823/typhoon-ulysses-triggers-worst-floods-in-metro-manila-in-years
https://opinion.inquirer.net/135319/five-lessons-from-typhoon-ulysses

* Ang artikulong ito'y unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 1-15, 2020, pahina 10-11.

Biyernes, Oktubre 30, 2020

Mula Smokey Mountain hanggang Happy Land

Litrato mula sa internet. CTTO (Credit to the owner).

MULA SMOKEY MOUNTAIN HANGGANG HAPPY LAND
Munting saliksik at sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ilan sa mga kasapi ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay nakatira sa Happyland sa Brgy. 105 sa Tondo, Maynila. Sinasabing ito ang kilalang Smokey Mountain noon, o yaong bundok-bundok na basura, na kaya tinawag na Smokey Mountain ay dahil sa nakasusulasok na amoy ng sunog na basura rito.

Paano nga ba ito tinawag na Happy Land, o sa wikang Tagalog ay Masayang Lupain? Gumanda na nga ba ang buhay ng mga maralitang nakatira rito kaya masaya na sila't tinawag itong Happy Land? 

Subalit batay sa pananaliksik, ang pinagmulan ng salitang Happy Land ay hindi Ingles, kundi ito'y salitang Bisaya na HAPILAN, na ibig sabihin ay lugar na mabaho dahil sa basura. Ganito ipinaliwanag ito sa isang akdang nakita ko sa internet. "The name “Happyland” is derived from the Visayan dialect’s name for smelly garbage: Hapilan, a slum made up of many mini dumpsites put together. The most common type of trash seen here is from the large fast food chain in Philippines Jollibean, where the scavenger sort the different types of packaging and leftover food from cups to straws to spoons.The leftover food gets recooked into ‘pag pag’ and is actually re-consumed by the scavengers."

Ayon sa pananaliksik, tinanggal na ang Smokey Mountain sa Tondo, subalit lumikha naman ng isang bagong Smokey Mountain na naging tirahan ng mga walang matirahan, na animo'y naging kampo na ng mga nagsilikas sa kung saan-saan at doon nakakita ng pansamantala, kundi man, pirmihang matutuluyan. Bukod sa Hapilan ay may tiatawag pa umanong lugar na Aroma. O marahil iba pang katawagan iyon dahil sa amoy o aroma ng lugar.

Maraning maliliit na tambakan ng basura sa lugar. At ang karaniwan ummanong basura roon ay mula sa mga pagkaing itinapon na o tira-tira mula sa mga fast food, tulad ng Jollibee, kung saan pinipili ng mga magbabasura ang iba't ibang nakabalot at tira-tirang pagkain. Ang mga tira-tira, o yaong hindi naubos, ay ipapagpag muna upang bakasakaling malaglag ang anumang dumi, halimbawa sa tirang pritong manok. Tapos ay huhugasan ito at muling iluluto. Dahil ipinagpag muna kaya tinawag na PAGPAG ang mga pagkaing ito.

Kung nakapunta ka na rito, o sa mga lugar na malapit dito, maraming itinitindang pritong manok, na kung kinain mo'y para ka na ring nasa Jollibee. Subalit pagpag na pala iyon.

Sa hirap ng buhay at nasa sentro ka pa ng kapital ng bansang Pilipinas, gayon ang buhay ng mahihirap na tao roon. Namumulot ng basura subalit namumuhay ng marangal. Mahirap man, kapit man sa patalim, subalit doon nila binuo ang kanilang pamilya at mga pangarap. Sa kabila ng hirap, nakakangiti, na animo'y paraiso kaya tinawag na Happy Land. Tanda nga ba iyon ng pagiging resilient ng mga Pinoy, o dahil wala na silang mapuntahan, kaya kahit ayaw nila roon ay nagiging kontento na rin doon. Marahil, naiisip nila, nabubuhay man silang mahirap, subalit may dignidad. Ika nga sa awitin ni Freddie Aguilar:

"Ako'y anak ng mahirap
Ngunit hindi ako nahihiya
Pagka't ako'y mayroon pang dangal
Di katulad mong mang-aapi."

Nawa’y maging tunay na masaya o happy ang mga taga-Happy Land. Hangad kong matagpuan nila rito ang pangarap na kaalwanan at kaginhawaan, at kapayapaan ng kanilang puso. At sana’y hindi na maging tapunan ng basura ang kanilang lugar.

Pinaghalawan:
https://ph.theasianparent.com/teach-kids-genuine-compassion
https://www.lydiascapes.com/happyland-philippine-slums-in-manila/
https://glam4good.com/they-call-this-happy-land-a-heartbreaking-view-from-inside-manila-slums-on-thanksgiving-day/

* Ang akdang ito'y unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 16-31, 2020, pahina 14-15.

Huwebes, Oktubre 29, 2020

Kwento: Nawalan ng trabaho dulot ng pandemya

NAWALAN NG TRABAHO DULOT NG PANDEMYA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

"Noong mag-lockdown, nahinto kami sa produksyon sa pabrika dahil hindi kami makapasok sa trabaho. Hindi ko malaman ano ang gagawin. Paano na kami ng aking pamilya? Ang kakarampot kong sahod ay di sapat lalo't nangungupahan lang kami ni misis, kasama ng apat naming anak." Ito ang sabi ni Mang Inggo nang unang linggo ng lockdown at hindi sila pinayagang magbiyahe patungo sa trabaho.

Wala na kasing pinayagang makalabas ng bahay noon, kaya pati mga nagtatrabaho, sa pabrika man iyan, sa opisina, sa pamamasada o maging tindera sa palengke, ay napatigil sa pagtatrabaho. Ayon naman sa pamahalaan, kailangan mag-lockdown upang labanan ang COVID-19. 

Ang mga maralita nga ng San Roque sa Lungsod Quezon ay nagrali na dahil sila'y nagugutom. Gutom ang dulot ng lockdown. Gutom dahil di makalabas upang makadiskarte ng pang-ulam. Di makakain si Bunso. Mabuti kung may natitira pa silang salaping pambili sa tindahan. Subalit kahit pagbili sa tindahan ay pahirapan din dahil nga hindi sila makalabas.

Si Mang Tune na drayber ng dyip ay naghihimutok dahil hindi na sila makapamasada. Ang nangyari ay tambay na lang sila sa looban. Naaabutan lang ng may malasakit. Ang ayudang bigay ng pamahalaan ay di naman sapat. Ang iba’y nabibigyan ng salapi, habang ang iba’y nabibigyan ng grocery na pang-ilang araw lang, na tulad ng ibinibigay sa mga nasunugan. Limang kilong bigas, ilang delatang sardinas, ilang noodles, kape, asukal, nadagdagan lang ng alkohol at face mask.

“Anong dapat nating gawin?” Sabi ni Mang Igme sa kanyang mga kapitbahay. “Hindi tayo makalabas. Gutom ang aabutin natin nito?” 

Kaya nagkaisa ang mga magkakapitbahay, sa pamamagitan ng HOA nila, upang pag-usapan ang mga hakbang na dapat gawin. Di makapag-patawag ng pulong ang HOA dahil lockdown. Walang makalabas. Gayunman, nagawan nila ng paraang makapagpulong, nang isa-isa silang magpuntahan sa bahay ni Mang Kanor, ang pangulo ng HOA.

Ayon kay Mang Kanor, “Dalawang dahilan lamang upang bigyan tayo ng pamahalaan ng makakain, pag panahon ng gera at pag panahon ng kalamidad. Ngayong idineklara ng pamahalaan ang lockdown, ito’y nasa linya ng kalamidad, kaya dapat bigyan nila tayo ng ayuda upang hindi magutom ang ating pamilya. “

Sa ganitong punto ay napagkaisahan nilang sumulat sa pamahalaan upang bigyang katugunan ang kanilang kalagayan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 16-31, 2020, pahina 16.

Huwebes, Oktubre 15, 2020

Ang kalagayan ng mga locally stranded individuals (LSI)

ANG KALAGAYAN NG MGA LOCALLY STRANDED INDIVIDUALS (LSI)
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napabalita sa telebisyon, radyo at pahayagan, lalo na sa social media, ang tinatawag na locally stranded individuals o LSI. Sumulpot ang ganitong penomenon nito lamang panahon ng pandemya. 

Ayon sa balita, mayroon nang 8,408 LSI na pawang nasa Kamaynilaan na nais nang pauwiin ng pamahalaan sa kani-kanilang lalawigan. 

Sa pagtitipon ng mga LSI, halimbawa sa loob ng Rizal Memorial Stadium, hindi nasusunod ang social distancing, o yaong pamantayang dapat ay isang metro ang layo sa bawat isa. Habang ang karamihan sa kanila ay nagsusuot naman ng face mask at face shield, malinaw na hindi nila napapanatili ang ligtas na distansya mula sa bawat isa. Sa dami ba naman ng tao, paano nga ba ang pagdisiplina sa kanila, habang karamihan sa kanila, bukod sa nais nang makauwi, ay pagod na, kaya kung saan-saan na lang isinasalampak ang kanilang pagal na katawan.

Paulit-ulit ngang binigyang diin ng mga opisyal ng kalusugan ang kahalagahan ng paglayo ng pisikal at iba pang mga hakbang sa kaligtasan upang maiwasan ang anumang impeksyon sa coronavirus. Ang pagbawas ng mga paghihigpit sa usaping ito ay pinangangambahan na maging sanhi ng pagkakaroon ng coronavirus sa kalusugan ng mamamayan at sa ekonomiya.

Maaaring kumalat ang virus dahil sa mga malawakang pagtitipon tulad nito at maaaring mahirap nang malaman at masubaybayan kung sino ang maaaring magkasakit sakaling may mga taong nahawahan ng COVID-19.

Umapela si Joseph Escabo, pinuno ng Hatid Tulong Program ng pamahalaan, para sa pag-unawa matapos na maging viral ang mga larawan ng mga LSI sa mataong Rizal Memorial Stadium.

"Noong nakaraang araw, lahat ng mga taong 'yun ay nasa kalsada… Kailangan mo ng pagbibigay ng desisyon upang mabigyan ng maayos na kanlungan ang kababayan nating LSIs. Kung lumabag man po kami sa isyu ng social distancing, kailangan nating ipakita ang simpatya, pag-unawa at pag-aruga sa ating mga kababayan," sabi ni Escabo.

Pinag-aaralan din ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ang kalagayan ng mga LSI upang makagawa ng nararapat na tulong upang hindi sila mapabayaan ng pamahalaan.

Dahil sa pandemya, dumarami na ang mga LSI tulad sa labas ng Libingan ng mga Bayani at sa loob ng Rizal Memorial Stadium. Tila isa nang bagong penomenon ang usapin ng LSI sa bansa. Dahil sa pandemya, marami sa kanila'y natutulad sa mga maralitang iskwater na walang tahanan, walang matuluyan, at marahil ay wala na ring panggastos.

Isa ang kwento ni Michelle Silvertino, 33, na namatay habang nag-aabang ng masasakyang bus sa Pasay patungo sa Camarines Sur. Dahil walang masakyan, ilang araw siyang naghintay sa Pasay, at nagbabaka-sakaling may masakyan. Subalit dahil marahil wala nang sapat na pera, nagutom na, gininaw, walang matulugan kundi sa bangketa, at marahil iyon na ang kanyang ikinamatay. Ang kanyang kwento ang marahil nag-udyok sa pamahalaan na tingnan ang kaso ng mga LSI.

Kasama na riyan ang mga manggagawang nakatira na lamang sa kalye nang mawalan ng trabaho dahil sa pandemya, at pinalayas sa mga inuupahan nilang kwarto o apartment dahil wala na silang pambayad. Silang umaasa pa ring makabalik sa trabaho kaya hindi makauwi ng kanilang probinsya.

Sila'y ilan lang sa dumaraming maralitang hindi na alam kung saan titira. Marahil dapat silang organisahin upang sama-sama nilang maipaglaban ang kanilang karapatan at sama-samang singilin ang pamahalaang ito sa mga kapalpakan nito upang matiyak sanang napapangalagaan ang kanyang mga mamamayan.

Mga pinaghalawan:
https://cnnphilippines.com/news/2020/7/25/LSI-homecoming-Rizal-Memorial-Sports-Complex.html?fbclid=IwAR3-DOUrXGyD-yQp9i9_3xES-8RGGRPhSURks4YfKPgpcI_pZUiAfhbxTqc
https://newsinfo.inquirer.net/1331451/more-stranded-individuals-to-be-sent-home
https://newsinfo.inquirer.net/1289335/stranded-mother-dies-after-waiting-for-bus-ride-to-camarines-sur-at-edsa-footbridge

* Unang nalathala ang artikulong ito sa Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 1-15, 2020, pahina 14-15.

Miyerkules, Oktubre 7, 2020

Bakit tinanggal ang Pluto sa solar system?

BAKIT TINANGGAL ANG PLUTO SA SOLAR SYSTEM?
Saliksik at sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Noong bata pa ako'y nagisnan ko nang kasama ang planetang Pluto sa solar system. May mga disenyo pa nga sa paaralan ng siyam na planeta sa solar system na minsan ay makikita rin sa iba pang paaralan. Oo, ganoon kasikat ang solar system lalo na sa mga araling agham at astronomya.

Subalit ngayon ay hindi na itinuturing na kabilang sa solar system ang Pluto, kaya bale walo na lang ang opisyal na planeta sa solar system - ang Mercury, ang Venus, ang ating Earth, ang Mars, ang Jupiter, ang Saturn, ang Uranus, at ang Neptune. Bakit at paano nangyari iyon? 

Ayon sa mga ulat, noong 2006, ibinaba ng International Astronomical Union (IAU) ang katayuan ng Pluto sa isang dwarf planet sapagkat hindi nito naabot ang tatlong pamantayang ginagamit ng IAU upang tukuyin ang isang buong sukat na planeta. Mahalagang maabot ng Pluto ang lahat ng pamantayan maliban sa isa — ito ay "hindi natanggal ang iba pang bagay sa mga kalapit nito." Sa isang iglap ay mahirap unawain, kaya mas dapat pa nating tunghayan ang mga saliksik.

Tatlo ang pamantayan ng IAU upang mapasama sa solar system ang isang planeta.

Una, umiikot ito sa palagid ng araw o nasa orbit ng araw

Ikalawa, may sapat itong kimpal (sufficient mass) upang ipalagay (assume) ang hydrostatic equilibrium (isang halos bilog na hugis).

Ikatlo, "natanggal ang mga sagabal sa kapitbahay" nitong umiikot sa paligid nito (It has “cleared the neighborhood” around its orbit).

Pasok ang Pluto sa una't ikalawang pamantayan, subalit hindi sa ikatlo.

Sa loob ng bilyun-bilyong taon na nabuhay ang Pluto, hindi nito nagawang matanggal ang kapitbahayan nito. Ayon nga sa ulat ay tulad ng minesweeper o tagatanggal ng booby trap na mina sa kalawakan. 

Ibig sabihin, dapat ang planeta mismo ang nangingibabaw, at walang iba pang bagay sa paligid nito maliban sa sarili niyang buwan o mga satellite na nasa impluwensya ng dagsin (gravity) nito, sa bisinidad nito sa kalawakan.

Malalim, kung tatalakayin natin sa wikang Filipino, subalit kailangang subukan.

Teka, paano nga ba napasama ang Pluto sa solar system? Magsaliksik muna.

Ayon naman sa NASA Science, Solar System Exploration, sa internet, na nasa kawing na https://solarsystem.nasa.gov/planets/dwarf-planets/pluto/overview/, "Ang Pluto - na mas maliit kaysa sa Buwan ng ating Daigdig - ay may isang hugis-pusong glacier na sinlaki ng Texas at Oklahoma. Ang kamangha-manghang mundong ito'y may bughaw na alapaap, may umiikot na mga buwan, mga bundok na kasintaas ng Rockies, at nag niyebe - ngunit ang niyebe ay pula."

Dagdag pa nito, "Ang Pluto at ang pinakamalaking buwan nito, ang Charon, ay magkasinglaki na umikot sa bawat isa tulad ng isang dobleng sistemang planeta."

Ito pa: "Ang Pluto ang nag-iisang mundo (sa ngayon) na pinangalanan ng isang 11-taong-gulang na batang babae. Noong 1930, iminungkahi ni Venetia Burney ng Oxford, England, sa kanyang lolo na ang bagong tuklas ay mapangalanan para sa Romanong diyos ng kailaliman. Ipinasa niya ang pangalan sa Lowell Observatory at ito ang napili."

Ayon naman sa Wikipedia, "Ang Pluto (minor planet designation: 134340 Pluto) ay natuklasan ni Clyde Tombaugh noong 1930 at idineklarang ikasiyam na planeta mula sa Araw. Matapos ang 1992, ang katayuan nito bilang isang planeta ay sinuri kasunod ng pagtuklas ng maraming mga bagay na may katulad na laki sa Kuiper belt. Noong 2005, natuklasan ang Eris, isang dwarf na planeta sa kalat-kalat na disc na 27% na mas malaki kaysa sa Pluto. Ito ang dahilan kaya pormal na inayos ng International Astronomical Union (IAU) ang kahulugan ng terminong "planeta"  noong Agosto 2006, sa kanilang ika-26 Pangkalahatang Asembleya. Dahil sa depinisyong iyon ay natanggal ang Pluto (sa solar system) at itinuring na ito bilang dwarf planet."

Sa puntong ito'y ginawan ko ng tula ang Pluto.

ANG PLUTO

noon, planetang Pluto'y kabilang sa solar system
sa higit pitumpung taon, ito ang batid natin
ngayon, ang Pluto'y tila sinipa ng anong lagim
tinanggal siya sa planeta sa solar system

Pluto'y natuklasan ni Clyde Tombaugh na astronomo
sa solar system ay dineklarang pangsiyam ito
turo ito sa paaralan, na naabutan ko
at ang solar system pa'y ginawa naming proyekto

pinangalan kay Plutong diyos ng kailaliman
mula sa mungkahi ng labing-isang taong gulang
na batang babaeng si Venetia Burney ng England
at ang kanyang suhestyon ang piniling kainaman

subalit ngayon, isang dwarf planet na lang ang Pluto
wala na siya sa solar system na kilala ko
International Astronomical Union, I.A.U.
ang nagpasiya at terminong planeta'y nabago

gayunman, natuto ako sa kanilang pagsuri
ang alam natin dati'y mababago ring masidhi
tulad ng anuman sa mundo'y ating nilunggati
mababago rin ang sistema't tusong naghahari

- gregoriovbituinjr.

Mga Pinaghalawan:

https://solarsystem.nasa.gov/planets/dwarf-planets/pluto/overview/
https://www.loc.gov/everyday-mysteries/item/why-is-pluto-no-longer-a-planet/
https://www.bbc.com/news/science-environment-33462184
https://isequalto.com/iet-app/ask-the-world/XSgq5716-why-pluto-is-removed-from-the-solar-system

Sabado, Oktubre 3, 2020

Proyektong patula ng ABC of Philippine Native Trees

PROYEKTONG PATULA NG ABC OF PHILIPPINE NATIVE TREES
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Malaking karangalan sa akin na magawan ng proyekto dahil sa kaalaman ko sa pagtula. Ayon kay misis, nais ni Mam Ime sarmiento, na siyang nagproyekto ng tatlong serye ng aklat na Philippine Native Trees (PNT), na magkaroon ng ABC of Philippine Native Trees na kanilang isasaaklat. 

Nauna kong proyekto sa kanila'y pagsasalin sa wikang Filipino ng mga maiikling kwento hinggil sa mga puno, na sinulat sa Ingles ng ilang manunulat. Tatlong maikling kwento ang aking naisalin. 

Nang hinanap muli ako kay misis para sa proyektong ABC of Philippine Native Trees, aba'y nais ko agad itong simulan. Ang proyektong ito'y patula, kaya dapat kong basahin at aralin ang mga punong ito upang mas mabigyan ko ng buhay ang paglalarawan nito sa anyong patula. Ako na muna ang pipili ng mga puno. Sa ngayon, may kopya kami sa bahay ng dalawang aklat - ang Philippine Native Trees 101 at 202.

Ang PNT 101 ay nalathala noong 2012. Nagkaroon ako ng PNT 101 nang bigyan ako nito nang ako'y magsalita sa Green SONA (State of Nature Assessment) ng Green Convergence sa Miriam College noong 2012. Lumabas naman ang PNT 202 noong 2015, at ang PNT 203 noong 2018. Tinatapos pa sa kasalukuyan ang pagsasaaklat ng Philippine Native Trees 404.

Sa aklat na iyon, kapansin-pansing may dedikasyon sila para kay Leonard L. Co. Sa PNT 202 ay may apat na artikulong sinulat para sa kanya. Apat na awtor ng sanaysay sa siyam na pahina. Si Leonard L. Co ay napagkamalang rebelde ng mga militar at mag-isa lang siya nang siya'y pinaslang sa kagubatan ng Kananga, Leyte noong Nobyembre 15, 2010. Sa PNT 101 ay nakasulat, "the great Leonard Co, the country's foremost botanist ang taxonomist." Sa Wikipedia naman, si Co ang "foremost authority in ethnobotany in the Philippines." Kaya sa pagbabasa ko ng aklat na Philippine Native Trees ay makikita ko ang kanyang anino sa ilan sa mga punong ito.

Narito ang talaan ng mga napili kong punong gagawan ko ng tula, na karamihan ay mula sa aklat na Philippine Native Trees 202. Karamihan pala ng lugar sa Pilipinas ay mula sa pangalan ng puno, tulad ng Anilao sa Mabini, Batangas, ang Antipolo sa lalawigan ng Rizal, ang Betis sa Pampanga, na maraming kamag-anak na apelyidong Bituin din, ang Calumpit sa Bulacan, ang lalawigan ng Iloilo na katabi ng Antique na sinilangan ng aking ina, ang Pandakaki sa Pampanga na relokasyon ngayon ng mga tinulungan naming maralita sa grupo kong KPML, ang Tiaong sa Quezon, ang Talisay sa Batangas at Cebu.

Anilaw
Betis
Calumpit
Dita
E
F
Gatasan
Hagakhak
Iloilo
J
Kahoy Dalaga
Lamog
Marang
Nara
Otog-Otog
Pandakaki
Q
Rarang
Subiang
Tiaong
Upas
V
White Lauan
X
Yellow Lanutan
Zambales pitogo

Maaaring mabago ang talaan ng mga puno habang nagtatagal. Baka kasi mas may kilalang puno na dapat ko munang itula. Halimbawa, imbes na Anilaw ay Atis, imbes na Betis ay Bayabas, imbes na Subiang ay Santol o Sinigwelas. Di naman maaaring ang Upas ay palitan ko ng Ubas dahil hindi naman Philippine Native Tree ang Ubas. Subalit sa ngayon, naisip kong imbes na Duhat ay ang punong Dita muna dahil nagligtas ng maraming buhay ang punong Dita nang rumagasa ang bagyong Ondoy noong 2009 sa Barangay Bagong Silangan sa Lungsod Quezon. Dito nakatira ang isang kasama ko sa grupong Sanlakas, at sa unang anibersaryo ng Ondoy ay nag-alay kami ng kandila para sa mga nasawi sa Ondoy. 

Kung papansinin ang talaan sa aklat, walang nakatalang punong nagsisimula sa E, F, J, Q, V, at X. Kaya ang ABC ay baka maging Abakada ng mga Katutubong Puno sa Pilipinas. Tingnan na lang natin sa kalaunan. Ang Calumpit nga ay Kalumpit sa PNT 101. Puno rin pala ang Antipolo na nasa PNT 101. O baka mas maganda kong gawin, gawan ko pareho ng tula bawat titik. Halimbawa, sa titik A, may tula para sa Atis at sa punong Anilaw. Sa titik B ay Bayabas at Betis. Para may pambata (young) at may pangtigulang (adult) at pangmatanda (oldies). Para masaya, di ba?

Gayunman, yaon lang nakatala muna sa mga aklat na Philippine Native Trees ang aking gagawan ng tula. Kung wala sa talaan nito ay hindi ko gagawan ng tula. Kung magawan ko man ng tula ang wala sa aklat ay hindi ko isasama sa proyektong ito, kundi dagdag-koleksyon sa iba pang tula.

Sa ngayon, sisimulan ko na munang basahin ang PNT 202. Maraming salamat sa pagtitiwala na napunta sa akin ang ganitong mahalagang proyekto.

Sabado, Setyembre 26, 2020

Ang ibinigay sa aking dalawang aklat

After manggaling ng Bookends sa Baguio, nakipagkita si misis sa kanyang amiga na palagay ko'y nasa 65-70 years old na. Pinatuloy kami sa kanilang tahanan at doon nananghalian. First time kong na-meet ang matanda, at agad niya akong binigyan ng dalawang libro. 

Ang Kite Runner ni Khaled Hosseini, tungkol sa bansang Afghanistan, na nasa 398 pages. Ang ikalawa at agad kong binasa dahil nagkainteres agad ako, ang aklat na Prisoners of Geography, Ten Maps that tell you everything you know about global politics, nasa 320 pages. 

Kaibigan ni misis, first time ko na-meet, ngunit dalawang political books ang aking natanggap mula sa kanya. Alam kaya niyang political activist ako? Gayunman, ako'y lubos na nagpasalamat sa kanya, na mula sa Lipa, Batangas, na ang asawa ay from Baguio.

- gregoriovbituinjr.

Nabili kong dalawang literary books sa Book Ends

Nabili ko sa Book Ends Bookshop sa Baguio City ang dalawang literary books na ito: katipunan ng mga tula ng makatang Ingles na si William Wordsworth, at ang koleksyon ng sanaysay sa kritisismo ni American-British poet na si T. S. Eliot. Imbes na P400 ang dalawang aklat ay naka-discount ako, P250 na lang. 

Ang Wordsworth Poetical Works, 780 pages, imbes na P250 ay P150 na lang. Iyon namang Selected Prose of T. S. Eliot, 320 pages, na P150 ang presyo ay P100 na lang. Naka-discount ako ng makita ng staff ng bookstore na kasama ko si misis. Kakilala kasi sila ni misis, at lagi doon si misis noon na naglulunsad ng training sa ecobrick at bokashi. Buti na lang, naka-discount sa 2 literary books ang makata.

- gregoriovbituinjr.

Biyernes, Setyembre 18, 2020

Ang Libog, Albay pala noon ay hindi ang Libon, Albay ngayon

ANG LIBOG, ALBAY PALA NOON AY HINDI ANG LIBON, ALBAY NGAYON
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Para akong nabunutan ng tinik, dahil natagpuan ko ang isang bagay na dapat mabatid sa kasaysayan, dahil sinabihan ako ng mali noon, na ngayon ay tama pala. Sa saliksik ko noon na pinamagatan kong "Ang limang anak ni Gat Andres Bonifacio", ay nabanggit ko ang Libog, Albay, na sinipi ko para sa artikulo.

Ayon sa pahina 4 ng aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan", ni Jose P. Santos, "Noong 1894 o 1895, si Andres Bonifacio ay nagtungo sa Libog, Albay, kasama ang mananaysay na Amerikanong si John Foreman na isa sa kanyang matalik na kaibigan at kapalagayang loob. Sinasabi ni Dr. Jose P. Bantug na siya kong pinagkakautangan ng mga ulat na ito, na si Andres Bonifacio ay nagkaroon doon ng kasintahan na nagngangalang Genoveva Bololoy at dito'y nagkaroon siya ng isang anak na babae na pinanganlang Francisca."

Nagtungo si Bonifacio sa Libog, Albay, at hindi sa Libon, Albay. Dahil naisulat ko ang Libog, may nagkomento sa facebook ng ganito, "Tanga! Libon, hindi Libog." Kaya agad ko iyong pinalitan ng Libon, at binura ang komentong iyon. Tulad ko, hindi rin niya alam na may Libog, Albay pala noong panahon ni Bonifacio. Ilang buwan nang nakalipas, hanggang sa aking pagbabasa ay nakita kong talaga palang may Libog, Albay, na kaiba sa Libon, Albay. Nilitratuhan ko iyon bilang patunay.

Sa Codebook ng 2020 Census of Population and Housing, na gamit ni misis ngayon bilang isa sa census area supervisor ng PSA (Philippine Statistics Authority), nakatala sa pahina 14 nito, sa ilalim ng lalawigan ng Albay ang mga bayang LIBON at SANTO DOMINGO (LIBOG). Doon ko napagtanto na tama pala ang nakasulat sa aklat ni Santos tungkol sa ulat niya kay Bonifacio, at hindi iyon typographical error o kamalian sa pagtipa sa makinilya. Nagtungo si Bonifacio sa Libog, Albay, na ngayon ay Santo Domingo na, at hindi sa Libon, Albay.

Nagsaliksik pa ako. Ayon sa Wikipedia, "The town of Santo Domingo was originally named Libog. Albay historians say that there were a number of stories on the origin of the name Libog. One version is that libog was derived from the Bikol word labog meaning "unclear water" for there was a time when no potable water was available in the locality. Another has it that the town might have been called after labog (jellyfish), which abound in its coastal water. Libod (behind) is another version because the town’s position is behind the straight road from Legazpi to Tabaco across Basud to Santa Misericordia."

Kaya sa Libog, Albay nagtungo noon si Bonifacio, at hindi sa Libon, Albay, na kilala natin ngayon. At marahil ay sa bayan ng Santo Domingo matatagpuan ang mga apo ni Bonifacio kay Genoveva Bololoy, at hindi sa Libon.

Sa puntong ito, aayusin ko't iwawasto na rin ang nauna kong naisulat sa artikulo kong nabanggit.

Taospusong pasasalamat sa misis kong si Liberty at sa PSA sa saliksik na ito, at talagang malaking tulong ito sa pagwawasto ng ilang detalye sa kasaysayan ng ating bayan. Mabuhay kayo!

Pinaghalawan:
aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" ni Jose P. Santos, nalimbag noong 1935
ang Codebook ng 2020 Census of Population and Housing ng Philippine Statistics Authority (PSA)
http://mgakatipunero.blogspot.com/2019/12/ang-limang-anak-ni-gat-andres-bonifacio.html
https://en.wikipedia.org/wiki/Santo_Domingo,_Albay





Linggo, Agosto 30, 2020

Ang makatang Cirilo F. Bautista at ako

ANG MAKATANG CIRILO F. BAUTISTA AT AKO
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Binasa ko ang talambuhay ng makata't manunulat na si Cirilo F. Bautista, pambansang alagad ng sining para sa panitikan ng ating bansa. Iginawad sa kanya ang pagiging national artist for literature noong 2014. Nakabili ako ng kanyang dalawang aklat noon, ang Sugat ng Salita, at ang Kirot ng Kataga, mga orihinal, bago ko pa mabili sa UP Bookstore ang pinagsamang aklat na iyon.

Una ko siyang nakilala noon dahil kolumnista siya ng Philippine Panorama, kung saan tinatalakay niya noon ay hinggil sa English poetry o mga tula sa Ingles. Nang binasa ko ang kanyang talambuhay, nakita kong may munti kaming pagkakapareho, dahil kapwa kami mula sa Sampaloc, Maynila, manunulat at manunula.

Ayon sa pananaliksik, si Bautista ay isinilang sa Maynila noong Hulyo 9, 1941, at lumaki sa Balic-Balic, Sampaloc. Tulad ko, ipinagbuntis ako ng aking ina sa Washington St. (ngayon ay Maceda St.), sa Sampaloc,  hanggang ako'y isilang, hanggang lumipat kami sa Honradez St., sa Sampaloc. Nag-aral siya ng elementarya sa Legarda Elementary School sa Sampaloc, habang ako naman ay sa Nazareth School sa Sampaloc.

Pareho rin kaming nag-aral sa paaralang pinangangasiwaan ng mga paring Dominikano, mga paaralang umabot na sa ika-400 anibersaryo. Siya'y nag-aral ng AB Literature sa University of Santo Tomas, na tinatag noong 1611, habang ako naman ay nagtapos ng high school sa Colegio de San Juan de Letran, na tinatag noong 1620. 

Matapos siyang magtapos bilang magna cum laude sa UST noong 1963, inimbitahan siya ng isa niyang kaibigan na magturo sa Lungsod ng Baguio, sa St. Louis University. Nagturo siya roon ng limang taon, at doon din niya tinapos ang kanyang Masters Degree in Literature bilang magna cum laude noong 1968. Nang umalis siya sa Baguio, siya'y nagturo naman sa UST at sa De La Salle University.

Nakatapos siya ng AB Literature, habang ako naman ay nagtapos ng anim na buwang poetry workshop sa LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo) mula Setyembre 2001 hanggang Marso 2002.

Nito lang, mga dalawang taon na matapos kaming ikasal ni misis (tatlong beses ikinasal - civil wedding sa Tanay, Rizal, at tribal wedding - at church wedding sa Nasugbu, Batangas), ay naging malimit ang pagpunta ko sa Lungsod ng Baguio dahil sa aking asawa. At nito ngang kwarantina dahil sa pananalasa ng COVID-19 ay dito kami sa malapit sa Lungsod ng Baguio nanirahan, pagkat may bahay sina misis sa katabing bayan ng Baguio, sa La Trinidad, Benguet.

Si Bautista ay maraming nalikhang aklat na inilabas ng mga kilalang publikasyon. Ako naman ay nakapaglathala ng aking mga tula at sanaysay bilang aklat sa pamamagitan naman ng pinamamahalaan kong Aklatang Obrero Publishing Collective.

Marami siyang natanggap na parangal bilang manunulat, at pinakamataas na karangalan na ang magawaran siya bilang National Artist for Literature. Ako naman ay nagkaroon ng apat na beses na pagkilala mula sa Human Rights Online Philippines, una, noong 2010, dalawang beses noong 2016, at noong 2019, dahil sa aking mga akda hinggil sa karapatang pantao.

Nang siya'y mamatay noong Mayo 6, 2018, kasalukuyan akong nasa Bontoc, Mountain Province, kasama si misis. Kagagaling lang namin noon sa lugar nina misis, kung saan sa kanilang lumang bahay ay nahalungkat ko ang mga lumang kopya ng Philippines Free Press. At nilitratuhan ko ang mga tula sa bawat isyung naroroon, at nahalungkat ang ilang mga lumang tula nina Cirilo F. Bautista at Eman Lacaba.

Mula Sampaloc, Maynila, tungo sa Lungsod ng Baguio, may pagkakapareho kami ni Cirilo F, Bautista, at pareho rin kaming makata at manunulat.

Gayunman, malayo pa ako kumpara sa kanya, pagkat National Artist na siya, habang ako naman ay patuloy pa ring nagsusulat sa ngayon sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Mula sa maraming pasulatan tulad ng magasing Tambuli at pahayagang Obrero ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, ang magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa, tanging Taliba ng Maralita na lang ang aking pinagsusulatan. Marahil ay maaabot ko rin ang naabot ni Cirilo F. Bautista, subalit hindi ko na iyon pinapangarap, pagkat malayong-malayo ako sa kanya.

Basta siya'y iniidolo ko bilang manunulat at makata. At ngayon ay patuloy akong kumakatha ng mga tula, habang paminsan-minsan ay may mga sanaysay at maikling kwento. Susubukan ko pang makalikha kahit ng isang nobela sa tanang buhay ko.

Tila magtatagal pa ako dito sa Benguet. Kung si Cirilo Bautista ay tumagal sa Lungsod ng Baguio, na siyang kapital ng Benguet, ng limang taon bago bumalik ng Maynila, ako kaya'y tumagal din ng limang taon dito sa Benguet? Kung sakali man, magpapatuloy ako sa aking mga gawain sa karapatang pantao at manggagawa, marahil bilang labor paralegal. O kaya ay magtatayo rito ng Human Rights Center, o sasapi sa human rights center, kung meron man, sa Baguio. Gayunpaman, mukhang matagal pa ang pananalasa ng coronavirus kaya dito na muna ako marahil sa Benguet, kasama ng aking asawa.

Ginawan ko ng isang soneto si Cirilo Bautista, na hindi ko man lang nakadaupang palad, noong Disyembre 29, 2018. Ang soneto, o tulang may labing-apat na taludtod, ang tingin kong angkop dahil kung bibilangin ang letra ng kanyang pangalan at apelyido ay labing-apat na titik. Di ko na isinama ang kanyang middle initial upang eksakto sa soneto. Halina't tunghayan natin ang tula:

SONETO ALAY KAY SIR CIRILO F. BAUTISTA, 
PAMBANSANG ALAGAD NG SINING SA PANITIKAN

Cirilo Bautista, pambansang alagad ng sining
Idolo ka sa panitikan, kayhusay, kaygaling
Ramdam namin ang mga katha mong may suyo't lambing
Ikaw yaong sa panulat ng marami'y gumising.

Laking Sampaloc, Maynila, mahusay na makata
O, Cirilo, inidolo ka sa bawat mong likha
Baguio'y tinirahan din, naging guro sa pagkatha
Ang kolum sa Panorama'y kinagiliwang sadya.

Umpisa pa lang, akda mo'y nakapagpapaisip
Tulad ng Kirot ng Kataga, di agad malirip
Isinaaklat na katha mo'y ginto ang kalakip
Sugat ng Salita pag ninamnam, may nahahagip.

Tunay kang alagad ng sining, Cirilo Bautista!
Ang mga lakang akda mo sa bayan na'y pamana.

Mga pinaghalawan:
https://www.manilatimes.net/2018/05/07/news/top-stories/national-artist-cirilo-f-bautista-76-2/397305/
https://en.wikipedia.org/wiki/Cirilo_Bautista
https://www.rappler.com/life-and-style/arts-and-culture/202045-poet-cirilo-bautista-baguio-city-muse



Biyernes, Hulyo 31, 2020

Bukrebyu: How Much Land Does A Man Need, ni Leo Tolstoy

BUKREBYU
How Much Land Does A Man Need by Leo Tolstoy
Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nabili ko ang aklat na “How Much Land Does A Man Need” ni Leo Tolstoy sa Fully Booked sa Gateway, Cubao, noong Pebrero 24, 2018 sa halagang P80.00. Isinalin ito sa Ingles, mula sa Ruso, ni Ronald Wilks. Ang aklat na iyon ang ika-57 aklat sa kabuuang 80 aklat ng Penguin Classics. Umabot ang aklat ng 64 pahina, na may dalawang maikling kwento. Ang una nga ay ang nabanggit ko, na may 21 pahina, at ang ikalawa’y ang What Men Live By, na akda rin ni Tolstoy, na umaabot naman ng 31 pahina, mula mp. 23-53.

Ang kwento ay binubuo ng siyam na kabanata. Ang bida rito ay si Pakhom, isang magsasakang naghangad magkaroon ng maraming lupain.

Noong panahong iyon, nagpasya ang isang kasera sa nayon na ibenta ang kanyang mga ari-arian, at ang mga magsasaka roon ay bumili ng halos lahat ng lupaing kaya nilang bilhin. Si Pakhom mismo ay bumili ng ilang lupain, at sa pamamagitan ng pagtatrabaho ay nabayaran niya ang kanyang mga utang at nabuhay ng komportable. Pumunta pa siya ng ibang lupain upang bumili pa ng mas maraming lupain. Paniwala niya, pag marami siyang lupain, hindi na siya matatakot sa demonyo.

Hanggang makilala ni Pakhom ang mga Bashkirs, na mga simpleng tao lang na maraming lupain.  Nais niyang bilhin ang lupa ng mga ito. Sa halagang isang libong rubles, lalakarin ni Pakhom ang lupa mula sa simula o tinatapakan niya hanggang makarating muli sa simula bago magtakipsilim, at ang mga naabot niya ang kanyang magiging lupain. Subalit pag hindi siya nakarating sa simula bago magtakipsilim, mawawala na ang kanyang pera’t hindi magkakaroon ng lupa. Kaya naglakad siya hangga’t kaya niya. Nang dapithapon na’y nagmadali siya upang makaabot sa pinagsimulan niya. Subalit sa kanyang pagod, siya’y tumumba’t namatay. Inilibing siya ng kanyang mga kaibigan sa isang libingang may anim na talampakan, na siyang sagot sa katanungang binanggit sa pamagat ng kwento.

Isa ito sa mga sikat na akda ni Tolstoy. At kung may pagkakataon ay isasalin ko ito sa wikang Filipino upang mas mabasa ng nakararami pa nating kababayan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 16-31, 2020, pahina 16.
* Nalathala rin sa isyung ito ng Taliba ng Maralita, pahina 20, ang tulang: 

Gaano karaming lupa ang kailangan ng tao?

pamagat pa lang ng aklat, nakakaintriga na
anong sagot sa tanong? ito ba'y pilosopiya?
"How much land does a man need?" ay pamagat at tanong pa
na magandang akda ni Leo Tolstoy mula Rusya

tanong bang ito'y tungkol sa pribadong pag-aari?
ilang lupa ang dapat mong ariin kung sakali?
libu-libong ektarya ba sa puso mo'y masidhi?
dahil ba sa lupa kaya maraming naghahari?

ilan bang lupa ang kailangan ng isang tao?
bibilhin? aagawin? palalagyan ng titulo?
pinalalayas ba ang dukha para sa negosyo?
at kapag yumaman na, sa pulitika'y tatakbo?

di ko pa tapos basahin ang nobela ni Tolstoy
sa pamagat pa lang, mapapaisip ka na tuloy
ilan na bang dahil sa lupa'y lumuha't nanaghoy?
ilan ang naging playboy, ilan ang naging palaboy?

pag wala ka bang lupa, ang buhay mo na'y hilahod?
kaya pribadong pag-aari'y itinataguyod?
ideyang pyudal? magkalupa ba'y nakalulugod?
o lupa'y kailangan mo sa libingan mo't puntod?

- gregbituinjr.
04.29.2020

Linggo, Hulyo 26, 2020

Munting pagtalakay hinggil sa teorya ng alyenasyon ni Marx

Munting pagtalakay hinggil sa teorya ng alyenasyon ni Marx
Nalathala sa tatlong bahagi sa tatlong isyu ng Taliba ng Maralita
Maikling salaysay ni Greg Bituin Jr.

I

May sinulat noon si Karl Marx hinggil sa teorya ng alyenasyon, o yaong pakiramdam mo’y hindi ka na tao kundi bahagi ng makina. O pagkahiwalay mo sa reyalisad bilang isang taong may dignidad at karapatan. Sinasabing ang salitang alyenasyon ay tumutukoy sa “pagkakahiwalay ng tao mula sa kanyang sarili at mula sa kanyang mga kakayahan”.

Ang sinulat ni Marx ay tumutukoy sa manggagawa, hindi pa sa katauhan ng isang tao. Pag-isipan natin at aralin ito, lalo na sa konteksto ngayong maraming manggagawa ang nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19. Marami ang pinabalik sa trabaho subalit wala namang masakyan patungong trabaho. Sa Negros, tinanggal ang mga manggagawang nagtanong lang kung sasagutin ba ng kumpanya ang kanilang ospitalisasyon sakaling sila’y magkasakit pagkat pinapasok sila ng wala man lang mass testing.

Ayon kay Marx, may apat na batayan ng alyenasyon. Ito ang (a) alyenasyon ng manggagawa; (b) alyenasyon ng manggagawa mula sa gawain sa produksyon; (c) alyenasyon ng manggagawa mula sa  kanilang esensya bilang tao o ispesye; at (d) alyenasyon ng manggagawa mula sa ibang manggagawa. 

Ipinaliwanag ni Marx kung paano, sa ilalim ng kapitalismo, mas maraming tao ang umaasa sa kanilang "lakas-paggawa" upang mabuhay. Sa kasalukuyang lipunan, kung nais ng taong kumain, dapat siyang magtrabaho at makakuha ng sahod. Kaya, kung sa pagkahiwalay ng manggagawa ay nagiging animo’y "alipin siya ng paggawa", ang manggagawa ay dobleng nakahiwalay: "una, may natatanggap siyang isang bagay sa paggawa, iyon ay nakatagpo siya ng trabaho. Masaya nga niyang sinasabi: “Sa wakas, may trabaho na ako!” Ikalawa, tumatanggap na siya ng sahod.

Ang teyoretikal na batayan ng alyenasyon sa loob ng kapitalismo'y ang manggagawa ang laging nawawalan ng kakayahang matukoy ang kanyang buhay at kapalaran kapag tinanggalan ng karapatang mag-isip ng kanilang sarili bilang direktor ng kanilang sariling mga aksyon. Naramdaman ko ito noon bilang makinista ng tatlong taon sa isang metal press department. Basta pinagawa ang trabaho, kahit di mo nauunawaan, gagawin mo. Bakit ba ang isang proseso'y lagi kong ginagawa araw-araw, habang ang iba'y ibang proseso ng iisang produkto. Lalo na sa assembly line.

Mas mauunawaan mo pa ang buhay ng isang artisano, na kanyang ginagawa ang isang produkto't kanyang ipinagbibili sa kanyang presyo. Sa kapitalismo, ang kapitalista ang bibili ng iyong lakas-paggawa, hindi sa presyo mo, kundi sa presyong itinakda nila. Kaya para kang ekstensyon ng makina. Ito'y dahil na rin sa kumpetisyon ng mga kapitalista, kung saan ay hindi saklaw ng manggagawa. Basta magtrabaho ka at suswelduhan ka.

Ang disenyo ng produkto at kung paano ito ginawa ay tinutukoy, hindi ng mga gumagawa nito (ang mga manggagawa), ni ng mga konsyumador ng produkto (ang mga mamimili), kundi ng uring kapitalistang bukod 

sa kinikilala ang mano-manong paggawa ng manggagawa, ay kinikilala rin ang intelektuwal na paggawa ng inhinyero at ng tagadisenyo nito na lumikha ng produkto upang umayon sa panlasa ng mamimili upang bilhin ang mga kalakal at serbisyo sa isang presyong magbubunga ng malaking kita o tubo.

Bukod sa mga manggagawa na walang kontrol sa disenyo-at-paggawa ng protokol, kontrolado ng kapitalista ang manu-mano at intelektwal na paggawa kapalit ng sahod, kung saan ang nakikinabang sa kongkretong produkto ay ang mga bumili, at ang kapitalistang kumita.

II

Mabuti pa raw noong panahon ng mga artisano. Gumagawa ang artisano ng produkto na gustong-gusto niyang gawin, may sining, pinagaganda, pinatitibay, upang pag ibinenta niya'y kumita ng malaki. Subalit iba na sa panahon ng kapitalismo.

Sa kapitalistang mundo, ang ating paraan ng pamumuhay ay batay sa palitan ng salapi. Kaya wala tayong ibang pagpipilian kundi ibenta ang ating lakas paggawa kapalit ng sahod.

Ayon kay Marx, dahil dito, ang manggagawa "ay hindi nakakaramdam ng kontento at hindi nasisiyahan, dahil hindi malayang malinang ang kanyang pisikal at lakas ng isip ngunit pinapatay ang kanyang katawan at nasira ang kanyang isipan. Kaya't naramdaman lamang ng manggagawa ang kanyang sarili sa labas ng kanyang trabaho, at ang kanyang trabaho ay naramdaman sa labas ng kanyang sarili". 

Dagdag pa niya, "Dahil ang paggawa ay panlabas sa manggagawa, hindi ito bahagi ng kanilang mahahalagang pagkatao. Sa panahon ng trabaho, ang manggagawa ay malungkot, hindi nasisiyahan at natutuyo ang kanilang enerhiya, ang trabaho ay "pumapatay sa kanyang katawan at nasira ang kanyang isip". Ang nilalaman, direksyon at anyo ng produksiyon ay ipinataw ng kapitalista. Ang manggagawa ay kinokontrol at sinabihan kung ano ang gagawin dahil hindi nila pagmamay-ari ang paraan ng paggawa."

Ang isipan ng tao ay dapat na malaya at may kamalayan, sa halip ito ay kinokontrol at pinamunuan ng kapitalista, "ang panlabas na katangian ng paggawa para sa manggagawa ay lilitaw sa katotohanan na hindi siya sarili ngunit ibang tao, na hindi ito pag-aari, na sa loob nito, siya ay hindi, hindi sa kanyang sarili, kundi sa iba pa. Nangangahulugan ito na hindi siya malaya at kusang makalikha alinsunod sa kanyang sariling direktiba dahil ang porma at direksyon ng paggawa ay pagmamay-ari ng ibang tao.

Ang halaga ng isang tao ay binubuo sa pagkakaroon ng pag-iisip ng mga dulo ng kanilang mga aksyon bilang mga napakahalagang ideya, na naiiba sa mga aksyon na kinakailangan upang mapagtanto ang ideyang isinubo lang sa kanila.

Maaaring tukuyin ng tao ang kanilang mga hangarin sa pamamagitan ng isang ideya ng kanilang sarili bilang "ang paksa" at isang ideya ng bagay na kanilang nalilikha, "ang bagay". Sa kabaligtaran, hindi tulad ng isang tao, hindi natutukoy ng hayop ang sarili bilang "paksa" o ang mga produkto nito bilang mga ideya, "ang bagay". Kumbaga'y hindi nila naiisip ang mangyayari sa hinaharap, o isang sadyang intensyon. Sapagkat ang Gattungswesen ng isang tao (likas na katangian ng tao) ay hindi umiiral nang nakapag-iisa ng mga tiyak na aktibidad na nakondisyon ng kasaysayan, ang mahahalagang katangian ng isang tao ay maisasakatuparan kapag ang isang indibidwal — sa kanilang naibigay na pangyayari sa kasaysayan — ay malayang ibigay ang kanilang kalooban sa mga panloob na pangangailangan na mayroon sila na ipinataw sa kanilang sarili sa pamamagitan ng kanilang imahinasyon at hindi ang panlabas na hinihiling na ipinataw sa mga indibidwal ng ibang tao.

Ayon pa kay Marx, anuman ang pagkatao ng kamalayan (kalooban at imahinasyon) ng isang tao, ang pagkakaroon ng lipunan ay nakondisyon ng kanilang pakikipag-ugnayan sa mga tao at mga bagay na nagpapadali ng pamumuhay, na sa panimula ay nakasalalay sa pakikipagtulungan sa iba, sa gayon, ang kamalayan ng isang tao ay natutukoy nang magkakaugnay (sama-sama), hindi subjectively (nang paisa-isa), dahil ang mga tao ay isang hayop sa lipunan. 

Sa kurso ng kasaysayan, upang matiyak na ang mga indibidwal na lipunan ay inorganisa ang kanilang mga sarili sa mga pangkat na may iba't ibang kaugnayan sa paraan ng paggawa.

Isang uri o pangkat ang nagmamay-ari at kinokontrol ang paraan ng paggawa samantalang ang isa pang uri sa lipunan ay nagbebenta ng lakas-paggawa.

Gayundin, nagkaroon ng isang kaukulang pag-aayos ng likas na katangian ng tao (Gattungswesen) at ang sistema ng mga pagpapahalaga ng uring nagmamay-ari at ng uring manggagawa, na pinapayagan ang bawat pangkat ng mga tao na tanggapin at gumana sa nabagong katayuan ng quo ng paggawa- relasyon."

III

Itinuturing ng kapitalismo ang paggawa bilang isang komersyal na kalakal na maaaring ibenta sa kumpetisyon ng merkado ng paggawa, sa halip na bilang isang nakabubuong aktibidad na sosyo-ekonomiko na bahagi ng kolektibong pagsisikap na isinagawa para sa personal na kaligtasan at pagpapabuti ng lipunan. 

Sa isang kapitalistang ekonomiya, ang mga negosyong nagmamay-ari ng mga paraan ng paggawa ay nagtatag ng isang kumpetisyon ng pamilihan ng paggawa na nangangahulugang katasin sa manggagawa ang lakas-paggawa sa anyo ng kapital. 

Ang pagkamada ng kapitalistang ekonomiya ng mga ugnayan ng produksiyon ay nagtutulak sa panlipunang tunggalian sa pamamagitan ng pagtrato sa manggagawa laban sa manggagawa sa isang kumpetisyon para sa "mas mataas na sahod", at sa gayon ay maiiwasan ang mga ito mula sa kanilang kaparehong interes sa ekonomiya; ang epekto ay isang maling kamalayan, na kung saan ay isang anyo ng kontrol na ideolohikal na isinagawa ng kapitalistang burgesya sa pamamagitan ng pangkulturang hegemonya nito.  

Bukod dito, sa kapitalistang moda ng produksyon, ang pilosopikong sabwatan ng relihiyon sa pagbibigay-katwiran sa mga relasyon ng produksiyon ay nagpapadali sa pagsasakatuparan ng pagsasamantala at pagkatapos ay pinalala ang pagkakaiba-iba (Entfremdung) ng manggagawa mula sa kanilang katauhan; ito ay isang sosyo-ekonomikong papel ng independiyenteng relihiyon bilang “opyo sa masa”.

Sa teoryang Marxista, ang Entfremdung (pag-iiba) ay isang nakapundasyong panukala tungkol sa pag-unlad ng tao tungo sa pagkilala sa sarili. Tulad ng paggamit nina Hegel at Marx, ang pandiwang Aleman ay entäussern ("upang masira ang sarili ng sarili”) at entfremden ("upang maging hiwalay") ay nagpapahiwatig na ang salitang "alyenasyon" ay nagsasaad ng paghiwalay sa sarili: na maiiwasan mula sa mahahalagang tao likas na katangian. Samakatuwid, ang pagkahiwalay ay kakulangan sa pagpapahalaga sa sarili, ang kawalan ng kahulugan sa buhay ng isang tao, bunga ng pagiging mapilit na mamuno ng isang buhay na walang pagkakataon para sa katuparan sa sarili, nang walang pagkakataon na maging aktuwal, upang maging isang sarili.

Sa akdang The Phenomenology of Spirit (1807) ay inilarawan ni Hegel ang mga yugto sa pagbuo ng tao ng Geist ("Espiritu"), kung saan ang mga kalalakihan at kababaihan ay umusbong mula sa kamangmangan patungo sa kaalaman, ng sarili at ng mundo. Sa pagbuo ng proporsyon ng espiritu-sa-tao ni Hegel, sinabi ni Marx na ang mga posteng ito ng pagiging ideyalismo - "espiritwal na kamangmangan" at "pag-unawa sa sarili" - ay pinalitan ng mga materyal na kategorya, kung saan ang "espiritwal na kamangmangan" ay nagiging "pag-iiba" at ang "pag-unawa sa sarili" ay naging pagsasakatuparan ng tao ng kanyang Gattungswesen (species-essence).

Sa Kabanata 4 ng The Holy Family (1845), sinabi ni Marx na ang mga kapitalista at proletaryado ay pantay na magkahiwalay, ngunit ang bawat uring panlipunan ay nakakaranas ng alyenasyon sa ibang anyo.

Kahit sa panahong ito ng pandemya, nakakaranas ang mga manggagawa ng alyenasyon, na para bagang hindi sila tao kung ituring kundi ekstensyon ng makina, na kung magkasakit ang manggagawa, ay parang piyesa lang sila ng makinang basta papalitan.

Nakita natin ito sa balita doon sa lalawigan ng Negros, sa Hiltor Corporastion na isang forwarding company, nang magtanong lang ang mga manggagawa kung matutulungan ba sila ng kapitalista kung sila’y magkakasakit, agad silang tinanggal sa trabaho. Ganyan kagarapal ang iho-de-putang mga kapitalista sa kanilang manggagawang nagbigay naman ng limpak-limpak na tubo sa kumpanya.

Hangga’t patuloy ang nararanasang alyenasyon ng manggagawa sa kanilang trabaho, dapat nilang maisip na kaya nilang kontrolin ang mga makina, at gamitin nila ito upang muling kamtin ang kanilang pagkataong nawala sa kanila nang maging mga manggagawa. 

Ang teorya ng alyenasyon ni Marx ay mahalagang paalala sa ating dapat tayong magsama’t magkapitbisig bilang kolektibong nakikibaka para sa ating katauhan.

* Ang tatlong serye ng artikulong ito ay nalathala sa tatlong isyu ng pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na pahayagan ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Ang I ay nalathala sa Taliba isyu # 35 (Hunyo 16-30, 2020), mp. 16-17; ang II sa Taliba isyu # 36 (Hulyo 1-15, 2020), mp. 16-17; at ang III ay sa Taliba isyu # 37 (Hulyo 16-31, 2020), mp. 18-19.
Magdagdag ng caption