Lunes, Mayo 29, 2023

Kwento - Karapatang Pantao at Pangangalaga sa Kalikasan, Idagdag sa Panatang Makabayan

MAIKLING KWENTO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

KARAPATANG PANTAO AT PANGANGALAGA SA KALIKASAN, IDAGDAG SA PANATANG MAKABAYAN

“Alam n’yo ba, pare,” sabi ni Inggo, “nagpalabas pala ng Memo Blg. 4 ang DepEd, nito lang Pebrero 14, 2023,  na pirmado ni VP  Sara Duterte, na ang laman, pinalitan lang ang katagang nagdarasal ng nananalangin sa Panatang Makabayan. Iyon lang ang punto ng memo.”

“Ano ba naman iyan?” sagot ni Igme, “kayraming dapat palitan, iyan lang. Ni hindi man lang mailagay ang mga mahahalagang isyu ng lipunan na dapat alam ng mga kabataan habang bata pa sila.”

“Ano naman ang dapat pang idagdag?” ani Igme, habang nakikinig na rin si Aling Isay sa usapan. “E, nung bata pa tayo, mukha namang maayos na ang mga salita sa Panatang Makabayan. Iniibig ko ang Pilipinas. Ito ang tahanan ng aking lahi. Ako'y kanyang kinukupkop at tinutulungan, upang maging malakas, maligaya at kapaki-pakinabang…”

“Ops, Inggo, hindi na iyan tulad noong bata pa tayo. Binago na ang mga salita sa Panatang Makabayan. Di ko alam kung kailan nila binago.” si Mang Igme, “Gayunpaman, sa mga nagdaang panahon natin ng pakikibaka mula martial law hanggang ngayon, hanggang sa nagkaroon ng malawakang patayan dahil sa War on Drugs sa panahon ng tatay ni Sara, hindi na iginalang ang karapatang pantao, na para bang barya-barya na lang ang buhay. Tapos, tumitindi na rin ang pag-iinit ng mundo dahil sa climate change. Dapat di na umabot sa 1.5 degri ang lalo pang pag-init ng mundo. Iyang dalawang isyung iyan, sa palagay ko, ang dapat maisama sa Panatang Makabayan, ang pagrespeto sa karapatang pantao at pangangalaga sa kalikasan.”

“Ayos iyan, Igme,” ani Aling Isay, “Sang-ayon ako riyan. Subalit hindi mangyayari iyan sa panahon ni Sara. Bakit? Anak siya ng dating pangulong naging dahilan ng malawakang patayan, na kahit mga bata, tulad nina Danica Mae Garcia, 5, at Althea Berbon, 4, ay napatay din. Subalit maganda ang mungkahi mo.”

“Oo nga, sang-ayon din ako, Igme, sa mungkahi  mo.” Sabi naman ni Inggo, “Ngunit paano mo ba sisimulan iyan? Dapat yata isulat mo iyan. Matatanda na tayo, may maiambag man lang tayo upang isulong pa rin ang karapatang pantao at ang climate emergency na tinalakay sa atin minsan ng mga kasama sa Philippine Movement for Climate Justice.

“Tama kayo, mga kasama, kahit internasyunalista tayo at hindi makabayan, susubukan kong isulat upang maisama sa Panatang Makabayan ang usapin ng paggalang sa karapatang pantao at pangangalaga sa kalikasan. Upang mapatimo na sa murang isipan ng mga bata ang kahalagahan ng mga isyung iyan, lalo’t may kaugnayan iyan sa pangarap nating pagtatayo ng lipunang makatao” ani Igme. “Kaya lalabas sa kabuuan ng Panatang Makabayan ay ito:”

Panatang Makabayan,
Iniibig ko ang Pilipinas,
aking lupang sinilangan
tahanan ng aking lahi;
kinukupkop ako at tinutulungang
maging malakas, masipag at marangal.
Dahil mahal ko ang Pilipinas,
diringgin ko ang payo
ng aking mga magalang,
susundin ko ang tuntunin ng paaralan,
tutuparin ko ang tungkulin
ng mamamayang makabayan
na gumagalang sa karapatang pantao
at nangangalaga sa kalikasan,
naglilingkod, nag-aaral, at nananalangin
nang buong katapatan.
Iaalay ko ang aking buhay,
pangarap, pagsisikap
sa bansang Pilipinas.

“Aba’y mahusay ang pagkakadugtong mo, di lang pagpapalit ng salita kundi pagdagdag ng konsepto,” sabi ni Aling Isay. “bagamat alam nating baka di gawin iyan ng anak ng dating pangulo, dahil sa mga naganap na malawakang pagpaslang noong panahon nito sa pagiging pangulo.”

“Mahalaga ay maitimo sa isipan ng kabataan iyan ngayon,” ani Igme” at baka sa mga susunod pang panahon, ay mailagay na iyan sa Panatang Makabayan, hindi man sa panahon natin ngayon, kundi tatlumpung taon man o limampung taon pa sa hinaharap.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Mayo 16-31, 2023, pahina 18-19.

Lunes, Mayo 15, 2023

Paghahanap sa libro ni Pilosopo Tasyo, si VS Almario, at ang nobelang Tasyo ni EA Reyes

PAGHAHANAP SA LIBRO NI PILOSOPO TASYO, SI VIRGILIO ALMARIO, AT ANG NOBELANG TASYO NI ED AURELIO C. REYES
Maikling saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang panibagong dakilang layon na naman ang nadagdag sa aking balikat: ang ipalaganap ang nobelang Tasyo ng namayapang awtor Ed Aurelio "Sir Ding" C. Reyes.

Bunsod ito ng sinulat ni national artist for literature Virgilio S. Almario sa kanyang kolum na Sarì-Sámot sa Filipino Ngayon sa pesbuk, na pinamagatang Ang Libro ni Pilosopo Tasyo. Ito'y nasa kawing na: https://www.facebook.com/photo/?fbid=698097328988568&set=a.503294381802198

Ayon sa kanya, "Mabuti pa ang mga hiyas ni Simoun at pinakinabangan ng panitikan. Noong 1941, sumulat si Iñigo Ed. Regalado ng isang mahabàng tulang pasalaysay, ang Ibong Walang Pugad, at dinugtungan niya ang mga nobela ni Rizal. Pinalitaw niyang may anak si Elias, at sinisid nitó ang kayamanan ni Simoun, at ginámit sa kawanggawa para tulungan ang mga dukha. Nitong 1969 inilathala naman ni NA Amado V. Hernandez ang nobelang Mga Ibong Mandaragit, at isang gerilya ang sumisid sa kayamanan ni Simoun para gamítin sa kampanya laban sa mga gahaman ng lipunan. Ngunit walâng nagkainspirasyong kupkupin ang mga libro ni Pilosopo Tasio."

Mayroon. May nobelang Tasyo si Sir Ed Aurelio C. Reyes na nalathala pa noong 2009. Mababasa ninyo ang buong nobela, na may labimpitong kabanata sa kawing na: http://bookmakers-phils.8m.net/tasyo-opening.htm

Hindi sapat ang karampot kong salapi dahil pultaym na tibak upang matustusan ang pagpapalathala ng aklat na Tasyo. Subalit bakit ko tutustusan?

Matagal ko nang kakilala si Sir Ding Reyes, mula pa noong 1995 sa Kamayan para sa Kalikasan Forum sa EDSA, at sa paglulunsad ng Seremonya ng Kartilya ng Katipunan na sinamahan ko sa Titus Brandsma sa QC. Nakasama ko siya bilang associate editor ng pitong isyu ng magasing Tambuli ng Dakilang Lahi noong 2006. Magkasama rin kami sa Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan). Namayapa siya noong 2015

Kaya nang mabatid ko ang sinabing iyon ni Sir Virgilio S. Almario, na guro ko sa Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) mula Setyembre 2001 hanggang Marso 2002, hinggil sa walang nagpatuloy o nag-usisa man lang hinggil sa librong naiwan ni Pilosopo Tasyo, agad akong dapat magsalita. Dahil ang pananahimik ay pagiging walang pakialam sa kabila ng may alam.

Kung may mga awtor na nagdugtong sa nobela ni Rizal, may awtor ding gumawa ng nobela hinggil sa naiwang sulatin ni Pilosopo Tasyo - si Sir Ed Aurelio C. Reyes, kung saan ang kanyang nobela ay pinamagatang TASYO: Ngayon na ba ang Bukas sa Habilin ng Pantas?

Marahil, dahil ang kanyang nobelang Tasyo na nakalathala bilang aklat ay kumalat o naibenta lamang sa loob ng kanyang sirkulo, o sa mga kaibigan, o sa kanyang mga estudyante, hindi iyon talaga lumaganap. Hindi iyon talaga nailagay sa mga kilalang tindahan ng aklat. Nakita ko rin ang kopyang ito noong nabubuhay pa siya subalit hindi ako nakabili. Makikita pa sa pabalat ng aklat ang nakasulat sa baybayin. Kilala ko rin si Sir Ding kung saan sa kanya rin ako natuto ng pagbu-bookbinding ng kanyang mga aklat.

Marahil, kung nailathala ito ng mga kilalang publishing house sa bansa, baka nagkaroon ito ng mga book review, dinaluhan ng mahilig sa panitikan at kasaysayan ang paglulunsad nito, at nabatid ito ni Sir Almario.

Ngayong patay na ang may-akda ng Tasyo, marapat naman nating itaguyod ang kanyang nobela sa mga hindi pa nakakaalam, upang maisama rin ito sa mga book review at sa kasaysayan ng mga nobela sa Pilipinas. Sa ngayon, iyan ang aking magagawa sa nobela ng isang mabuting kaibigan - ang itaguyod ang kanyang nobelang Tasyo sa mas nakararaming tao. Hindi man natin ito nailathala bilang aklat ay nakapag-iwan naman siya ng kopya ng buong nobela sa internet. 

Tara, basahin natin ang online version ng labimpitong kabanatang nobelang Tasyo sa kawing na: http://bookmakers-phils.8m.net/tasyo-opening.htmMaraming salamat.

Linggo, Mayo 14, 2023

Kwento - Sahod vs. Presyo? O Sahod vs. Tubo?

SAHOD VS. PRESYO? O SAHOD VS. TUBO?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Bakit pag sa malalaking kinikita ng mga kapitalista o ng malalaking negosyante, walang nagsasabing tataas ang presyo ng mga bilihin pag tumaas ang kanilang kinikita? Subalit kaunting baryang taas ng sahod ng manggagawa, sinasabing magtataasan na ang presyo ng mga bilihin?” Ito ang bungad na tanong ni Aling Ines kay Mang Igme, habang sila’y naghuhuntahan sa karinderya ni Mang Igor katabi ng opisina ng unyon.

Narinig iyon ni Mang Inggo, isa sa lider ng unyon. “Hindi po totoo na pag tumaas ang sahod ng manggagawa ay tataas din ang presyo ng bilihin. Binobola lang tayo ng mga iyan. Paraan nila iyan nang hindi tayo taasan ng sahod habang limpak ang kita nila sa ating lakas-paggawa.”

Sumabad din si Mang Igme, “Ano ka ba naman, kasamang Ines. Syempre, kapitalista sila. Mga negosyante, malakas ang kapit sa gobyerno, at makapangyarihan. Tama si Inggo. Ang totoo niyan, ang talagang magkatunggali ay sahod at tubo, sahod ng manggagawa, at tubo ng kapitalista. Pag tumaas ang sahod ng manggagawa, bababa ang tubo ng kapitalista. Upang tumaas ang tubo ng kapitalista, dapat mapako sa mababa ang sahod ng manggagawa. Kaya walang epekto sa kapitalista ang presyo ng bilihin, tumaas man o bumaba.”

“Subalit bakit nga ganyan? E, di, ang dapat pala nating hilingin o kaya’y isigaw: Sahod Itaas, Tubo Ibaba! Hindi ba?” Sabi ni Aling Ines.

“Tama ka, Ines!” si Mang Igme uli, “Subalit ang Sahod Itaas, Presyo Ibaba ay mas makapagmumulat sa mas malawak na mamamayan, dahil iyon ang mas malapit sa kanilang bituka. Baka hindi nila intindihin ang Sahod Itaas, Tubo Ibaba, baka sabihing panawagan lang iyan sa loob ng pagawaan. Sa ngayon, nananatili pa rin namang wasto, bagamat kapos, ang Sahod Itaas, Presyo Ibaba.”

Sumagot din si Mang Igor na nakikinig matapos magluto. “Kaya kailangan pa ng mamamayan ang makauring kamalayan, na magagawa lang natin sa pagbibigay ng edukasyong pangmanggagawa, tulad ng Landas ng Uri, Aralin sa Kahirapan, at ang paksang Puhunan at Paggawa. Hangga’t hindi naaabot ng manggagawa ang makauring kamalayan, baka hindi nila maunawaan ang panawagang Sahod Itaas, Tubo Ibaba, o Tubo Kaltasan. Paano ito maiuugnay sa buhay sa lipunan.”

“Sige,” sabi ni Aling Ines. “Magpatawag tayo ng pulong at pag-aaral sa Sabado upang talakayin ang konseptong iyan. Bago iyan sa amin.”

Dumating ang araw ng Sabado, at sa opisina ng unyon ay dumalo ang nasa dalawampung manggagawa. Idinikit nila sa pader ang isang manila paper. Matapos ang kumustahan ay nagsimula na ang talakayan.

Si Mang Igme, "Alam nyo ba na may apat na sikreto ang kapitalismo hinggil sa sahod, subalit apat na katotohanang pilit nilang itinatago sa manggagawa. Una, ang sahod ay presyo. Ikalawa, ang sahod ay kapital. Ikatlo, ang sahod ang pinanggagalingan ng tubo. At ang huli, ang sahod ay galing mismo sa manggagawa. Napakaliit na nga ng naibibigay sa manggagawa, nais pang baratin ng kapitalista upang humamig pa limpak-limpak na tubo. Ang sahod ay hindi lang panggastos ng manggagawa para siya mabuhay. Ito mismo ay gastos ng kapitalista para umandar ang kanyang negosyo at lumago ang kanyang kwarta. Ibig sabihin, ito ang pinakaimportanteng bahagi ng kanyang kapital.”

Nagtanong si Iking, “Ibig po bang sabihin, hindi sapat ang sigaw nating Sahod Itaas, Presyo Ibaba, kundi ang sinabi ni Aling Ines na Sahod Itaas, Tubo Bawasan, kung sa atin palang manggagawa galing ang tubo.”

“Tama ka.” Sagot ni Mang Igme. Mahaba pa ang naging talakayan. Maraming tanong at paliwanag. 

Pinutol ni Mang Inggo ang talakayan, "Kung wala nang mga tanong, iyan muna ang ating tatalakayin. Sunod nating paksa ay bakit kailangan natin ng kamalayang makauri." Sumang-ayon naman ang mga kasama.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Mayo 1-15, 2023, pahina 18-19.

Miyerkules, Mayo 10, 2023

Si Datu Amai Pakpak, Bayani ng Mindanao

SI DATU AMAI PAKPAK, BAYANI NG MINDANAO
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Noong Disyembre 30, 2022, araw ng kamatayan ng bayaning si Gat Jose Rizal, ay mag-isa akong nagtungo sa Luneta upang masaksihan kung anuman ang pagdiriwang na ginagawa roon. Maraming tao sa monumento ni Rizal noong panahon iyon, at nanood ako ng isinagawang programa roon.

Matapos iyon ay nilibot ko ang Luneta hanggang mapatapat ako sa Open Air Auditorium katapat ng malaking tubigan na may fountain na nag-iilaw sa gabi. Sa palibot niyon ay may dalawampung busto, o eskultura ng ulo, balikat at dibdib, ng mga kinikilalang bayani ng Pilipinas. Sa unang hilera ay sampung busto, ganoon din sa ikalawa na nasa kabila, kung saan nasa gitna ng dalawang hilera ng nasabing tubigan at fountain. Lahat ng naroong busto ay inikot ko at nilitratuhan. At inilagay sa facebook page na Brown History na nasa link o kawing na https://www.facebook.com/brownhistoryph at sa blog na Mga Bayani ng Lahi na nasa kawing na https://mgabayaninglahi.blogspot.com/.

Naroon ang busto ng mga bayaning sina Lapu-lapu, Graciano Lopez-Jaena, Marcelo H. Del Pilar, Jose Ma. Panganiban, Apolinario Mabini, Apolinario Dela Cruz o Hermano Pule, Francisco Maniago ng Pampanga, Juan Sumuroy ng Samar, Aman Dangat ng Batanes, Diego Silang ng Ilocos, Mateo Cariño ng Cordillera, Gregorio Aglipay, Francisco Dagohoy ng Bohol, Vicente Alvarez ng Zamboanga, Pantaleon Villegas o Leon Kilat ng Cebu, Sultan Dipatuan Kudarat ng Cotabato, Datu Taupan ng Balanguigui, Datu Ache ng Sulu, at Datu Amai Pakpak ng Lanao. Labinsiyam sapagkat ang isang rebulto ay natanggal ang nakasulat na marker.

Doon ko unang nakita ang rebulto ni Datu Amai Pakpak, isa sa mga martir at bayani sa kasaysayan ng ating bansa. Sino ba siya at ano ang inambag niya sa himagsikan? Bakit libo-libong Kastila ang ipinadala sa Mindanao upang durugin siya, at ang pinamumunuan niyang Kuta ng Marawi?

Basahin natin ang nakasulat sa kanyang marker:

DATU AMAI PAKPAK
(Lanao, d. 1895)

The Chief of Marahui (Marawi), Datu Amai Pakpak was also known as Datu Akadir who bravely resisted the Spanish campaigns to subjugate Lanao. He was killed while defending his cotta during the Blanco campaign in 1895.

Naka-upload ang litratong ito sa blog na Mga Bayani ng Lahi sa kawing na: https://mgabayaninglahi.blogspot.com/2023/01/datu-amai-pakpak.html, at sa fb page ng Brown History na nasa https://www.facebook.com/photo.php?fbid=129110663357375&set=pb.100087753241695.-2207520000.&type=3

Kamakailan ay nahalungkat ko sa aking munting aklatan ang aklat na "Kabayanihan ng Moro at Katutubo" ni Roland G. Simbulan. Nabili ko ang aklat sa Popular Bookstore noong Disyembre 29, 2021. Binabasa-basa ko ito nang mapadako ako sa pahina 32 kung saan naroon ang pagtalakay na pinamagatang "Datu Amai Pakpak ng Marahui, Lanao". Ang talakay hinggil sa kanya ay umaabot ng apat na pahina, mula pahina 32 hanggang 35.

Sipiin natin ang ilang bahagi:

"Nang pumanaw si Sultan Desarip, iniwan niya sa kanyang bayaw na si Datu Akadir Akobar, na mas kilala sa pangalang Amai Pakpak, ang pamumuno ng mga mandirigma ng Rapitan sa mga makasaysayan ngunit pinakamadugong labanan ng Moro-Kastila sa Mindanao. Tampok dito ang pagdepensa ni Amai Pakpak sa Cotta Marahui. Ang nasabing cotta ay armado ng 19 na mga kanyon na nakapaligid sa mga makakapal na batong pader nito. Ang apat na pinakamalaking kanyon ay binigyan pa ng mga Moro ng pangalang Marawi, Balo, Diatris, at Barakat. (Saber, 1986)"

"Noong Agosto 1891, tinangka ni Valeriano Weyler, ang Gobernador-Heneral ng Pilipinas, nagplano ng mga kampanya sa Mindanao sa pamamagitan ng pagtatayo ng kawing sa mga kutang militar sa mga dalampasigan. Ang kanyang estratehiya ay hawig sa mga "Fortress" ng mga Krusada sa Mediterranean at Gitnang Silangan laban sa Moors."

"Nagmobilisa si Weyler ng 1,242 tropa na dinala sa apat na barkong may pangalang S.S. Manila, S.S. Cebu, S.S. San Quintin at S.S. Marquez de Duero upang kubkubin ang Cotta Marahui ni Amai Pakpak. Kahit may panimulanhg tagumpay ang mga Kastila, di nagtagal ay napaatras ng mga Moro ang malaking operasyong ito at giniba ang mga itinayong kuta-militar ng Espanya."

"Pagsapit ng 1904, ang bagong upong Gobernador Heneral Ramon Blanco naman ang personal na namuno ng kampanya militar sa Lanao. Gumamit siya ng mga bakal na bapor pandigma na inorder pa sa mga British sa Hong Kong. Ang mga barkong pandigma sa mga operasyong ito ay ang S.S. Heneral Blanco, S.S. Corcuera, S.S. Heneral Almonte at S.S. Lanao na may dalang mga awtomatik na masinggan na gawa rin sa Inglatera."

"Sa operasyong militar ni Gobernador Heneral Blanco noong Marso 10, 1895, lumusob ang malaking pwersa ng Kastila na 5,000 sundalo laban kay Amai Pakpak at sa kanyang mga mandirigma sa Cotta Marahui. Dalawang beses ginawa ang paglusob. Ayon sa historyador na si Mamitua Saber, ang 5,000 nasa Sandatahang Dibisyon ng Kastila ay nanggaling sa 68th, 69th, 70th, 71st, 72nd, 73rd at 74th Infantry Units ng Espanya sa Maynila. Dagdag pa rito ang 2 kumpanya ng Disciplinary Batallion, 3 unit galing sa Peninsular Artillery Regiments, 2 Mountain Batteries (artillery), 1 mortar battery, isang kumpanya mula Cristina yunit, 2 unit mula sa Veterans Civil Guards, mga sundalo galing sa Halberdiers, at mga boluntaryong "indio" galing Zamboanga (Saber, 1986). Armado pa ang Spanish Infantry ng mga ripleng Mauser na may mga bayoneta."

"Samantala, ang mga panlabang sandata ng mga Moro ay kris, kampilan, sibat at ilang mga nasamsam na riple. Ayon pa rin kay Saber, makikita sa mga kanyon, lantaka at iba pang armas sa loob ng Cotta Marahui ang talino ng Moro sa paglikha."

"Sa buong araw ng Marso 10, 1895, kinubkob ng mga barkong pandigma at Sandatahang Dibisyon ni Blanco ang mga mandirigma ni Amai Pakpak sa Cotta Marahui sa Lanao. Naging martir sa makasaysayang labanang ito si Amai Pakpak (Datu Akadir) at ilang mga kasama niya, katulad nina Bai Ataok Inai Pakpak, Pakpak Akadir, Palang Amai Mering, Ali Amai Admain, Amai Porna, Diamla sa Wato, Amai Domrang, Amai Dimaren, Amai Pangompig, atbp. Bagamat marami sa kanyang mga natirang Datu at mandirigma ang umatras ng cotta, patuloy silang lumaban sa mga dayuhang mananakop sa iba't ibang bahagi ng Mindanao. (Saber, 1979)"

"Ito na marahil ang pinakamalaking armadong operasyong militar ng Espanya sa buong Pilipinas. Mula 1891-1895, napako sa Mindanao ang malaking porsyento ng puwersang militar ng Espanya at nagbigay ng puwang sa mga Katipunero na mag-organisa at magpalawak ng organisasyon sa Luzon at Bisayas."

May maikling pagtalakay naman sa WikiFilipino hinggil sa talambuhay ni Datu Amai Pakpak, na matatagpuan sa kawing na: https://fil.wikipilipinas.org/view/Datu_Amai_Pakpak

Datu Amai Pakpak

Si Datu Akadir Akobar, o mas kilala bilang Amai Pakpak, ay isang pinunong Maranao na kilala sa pamumuno sa pagtutol ng mga Maranao sa pagsakop ng mga Espanyol sa rehiyon ng Lanao noong 1890.

Tubong Marawi, ipinagtanggol ni Amai Pakpak ang rehiyon sa pamamagitan ng Fort Marawi, isang kuta na kaniyang itinatag sa lugar.

Bagama't maraming iba pang mga naging labanan sa pagitan ng mga Maranao at ng mga Espanyol, tanging ang mga labanang pinamunuan ni Amai Pakpak ang naitala, kabilang na ang labanan noong 1891 sa pagitan ng mga Espanyol na ipinadala ni Gobernador-Heneral Valeriano Weyler at noong 1895 laban sa hukbong ipinadala ni Gobernador-Heneral Ramon Blanco.

Sa labanan noong 1891, nagtagumpay si Amai Pakpak at ang kaniyang hukbo na pigilan ang pag-atake ng mga Espanyol sa Lanao. Umatras ang mga Espanyol patungong Iligan matapos dumating ang karagdagang hukbo mula sa mga lugar sa paligid ng Lake Lanao.

Noong 1895, napatay si Amai Pakpak kasama ang kaniyang pamilya at iba pang hukbo nang dumating ang isang eskuwadron ng mga barkong ipinadala ni Gobernador-Heneral Blanco sa Lake Lanao para tapusin ang pagsakop sa rehiyon ng Lanao.

Umatras din kinalaunan ang mga Espanyol mula sa lugar nang magsimula ang Digmaang Espanyol-Amerikano noong 1898.

Kilala bilang isang bayaning Maranao si Amai Pakpak. Noong 1970, ipinangalan kay Amai Pakpak ang dating Lanao General Hospital bilang pagkilala sa kaniyang kagitingan sa pakikipaglaban sa mga Espanyol sa Labanan sa Marawi noong 1895.    

Sabado, Mayo 6, 2023

Si Libay at ang makatang Li Bai

SI LIBAY AT ANG MAKATANG LI BAI
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Libay ang palayaw ng asawa kong si Liberty. Tulad ng Juday na palayaw naman ng artistang si Judy Ann Santos. Ayon naman sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 693, ang salitang libay ay nangangahulugang 1. babaeng usa; at 2. halamang damo na magaspang at kulay lungti ang bulaklak.

Subalit natuwa ako nang may kapangalang makata si Libay. Nabasa ko ang ilang tula ng makatang si Li Bai (Li Po) mula sa Dinastiyang Tang sa Tsina. Una ko siyang nabasa sa aklat na Three Tang Dynasty Poets, kasama sina Wang Wei (Wang Youcheng) at Tu Fu (Du Fu). Sa nasabing aklat ay may sampung tula si Li Bai, mula pahina 21 hanggang 33.

Nabanggit din si Li Bai sa aklat na Gagamba sa Uhay: Kalipunan ng mga haiku ng makatang Rogelio G. Mangahas, pahina xvii. Ayon sa kanya, "Naalala ko tuloy ang mga klasikong makatang Tsino na sina Li Bai (Li Po) at Du Fu (Tu Fu) na nakaimpluwensiya sa mga unang maestro ng haiku, gaya nina Basho at Buson. Ang paggamit ng katimpian at pagkanatural sa masining na pagpapahayag ay ilan impliwensiya ng mga makatang Tsino sa mga haikunista."

May maikling pagpapakilala ang Poetry Foundation tungkol sa kanya, na matatagpuan sa kawing na: https://www.poetryfoundation.org/poets/li-po

Li Bai
701–762

A Chinese poet of the Tang Dynasty, Li Bai (also known as Li Po, Li Pai, Li T’ai-po, and Li T’ai-pai) was probably born in central Asia and grew up in Sichuan Province. He left home in 725 to wander through the Yangtze River Valley and write poetry. In 742 he was appointed to the Hanlin Academy by Emperor Xuanzong, though he was eventually expelled from court. He then served the Prince of Yun, who led a revolt after the An Lushan Rebellion of 755. Li Bai was arrested for treason; after he was pardoned, he again wandered the Yangtze Valley. He was married four times and was friends with the poet Du Fu.
 
Li Bai wrote occasional verse and poems about his own life. His poetry is known for its clear imagery and conversational tone. His work influenced a number of 20th-century poets, including Ezra Pound and James Wright.

Narito ang aking malayang salin:

Li Bai
701–762

Isang makatang Tsino sa Dinastiyang Tang, si Li Bai (na kilala rin sa pangalang Li Po, Li Pai, Li T’ai-po, at Li T’ai-pai) ay malamang na isinilang sa gitnang Asya at lumaki sa Lalawigan ng Sichuan. Nilisan niya ang tahanan noong 725 upang maglibot sa Lambak ng Ilog Yangtze at nagsulat ng tula. Noong 742 siya ay hinirang ni Emperor Xuanzong sa Akademya ng Hanlin, kahit na sa kalaunan ay pinatalsik siya ng korte. Pagkatapos ay pinaglingkuran niya ang Prinsipe ng Yun, na namuno sa isang pag-aalsa matapos ang Rebelyon ni Heneral An Lushan noong 755. Dinakip si Li Bai sa salang pagtataksil; matapos siyang mapatawad, muli siyang gumala sa Lambak ng Yangtze. Apat na ulit siyang nag-asawa at naging kaibigan niya ang makatang si Du Fu.
 
Paminsan-minsang sumusulat si Li Bai ng taludtod at mga tula tungkol sa kanyang sariling buhay. Bantog ang kanyang mga tula sa sa malinaw na paglalarawan at sa paraang nakikipag-usap. Naimpluwensyahan ng kanyang mga katha ang ilang makata noong ika-20 siglo, tulad nina Ezra Pound at James Wright.

Sinubukan kong isalin ang tulang Old Poem ni Li Bai, na nasa pahina 33 ng aklat, na isinalin nina G. W. Robinson at Arthur Cooper sa Ingles:

OLD POEM
by Li Bai

Did Chuang Chou dream
he was the butterfly,
Or the butterfly
that it was Chuang Chou?

In one body's
metamorphoses,
All is present,
infinite virtue!

You surely know
Fairyland's oceans
Were made again
a limpid booklet,

Down at Green Gate
the melon gardener
Once used to be
Marquis of Tung-Ling?

Wealth and honour
were always like this:
You strive and strive
but what do you seek?

Narito ang malaya kong salin:

LUMANG TULA
ni Li Bai

Nanaginip ba si Chuang Chou
na siya ang paruparo,
O ang paruparong 
iyon ay si Chuang Chou?

Sa pagbabanyuhay
ng isang katawan,
Lahat ay naroroon,
walang hanggang kabutihan!

Tiyak batid mo yaong mga
karagatan sa lupa ng mga diwata
ay muling ginawa bilang
maliit na libreto,

Pababa sa Lunting Tarangkahan
ang hardinero ng melon
nga ba'y dating
Marquis ng Tung-Ling?

Ganito namang lagi
ang yaman at dangal:
Patuloy kang nagsisikap
ngunit ano ang iyong nahanap?

Napalikha na rin ako ng tula:

SI LIBAY AT ANG MAKATANG LI BAI

di man makata ang asawa kong si Libay
ay nadarama ko ang kasiyahang tunay
na tangi kong kasama sa ginhawa't lumbay
hanggang mabasa ko ang makatang si Li Bai

katukayo niya'y magaling na makata
mula sa Dinastiyang Tang ay nakakatha
ng hanggang ngayon ay mga tulang sariwa
kahit napakatagal na't talagang luma

dalawa kayong sa puso ko'y inspirasyon
upang kamtin ang pangarap at nilalayon
na sangkaterbang tula'y makatha't matipon
upang ilathala bilang aklat paglaon

Libay at Li Bai, dalawang magkatukayo
una'y sinuyo, isa'y makatang nahango
una'y inibig, isa'y tula ang tinungo
sa inyo'y nagpupugay akong taospuso

05.06.2023

Biyaya

BIYAYA

Nag-sort ako ng mga kuha kong litrato nang mapadako ako sa petsang Abril 16 ng umaga. Mataba pa ang inahing pusa dahil buntis. Iyan ang huli kong kuhang litrato na buntis pa siya.

Kinabukasan, Abril 17, sinabi sa akin ni misis na nanganak na ang inahing pusa, at pumasok sa ilalim ng kama. Baka raw doon dinala ang kanyang mga sanggol. Subalit ang nakita ni misis ay ang nawawala niyang bagong biling muskitero na nahulog pala sa ilalim ng kama.

Abril 18 ng gabi, habang nasa hapag-kainan ay biglang pumasok ang inahing pusa at ngumiyaw. Biglang naglabasan ang anim na kuting at sumuso lahat sa kanya. Kinunan ko ng litrato ang unang araw na nakita ko ang mga kuting.

Mayo 6 ng madaling araw, in-screenshot ko ang mga litratong ito bilang patunay kung kailan ba isinilang ang mga kuting.

Kaya sa Mayo 17 ay isang buwan na ng mga kuting. Advanced Happy first month birthday!

Inalayan ko sila ng tula bago pa ang kanilang unang buwan sa mundong ibabaw:

Abril Disisiyete pala kayo isinilang
galak at biyaya sa inahing pusa't magulang
ako'y natutuwa ring sa amin kayo nanahan
masaya ring marinig ang inyong pagngingiyawan

anim kayong ipinanganak, umalis ang isa
kaya lima na lamang kayong nagkasama-sama
balang araw, nawala n'yong kapatid na'y makita
sana'y nasa maayos pa siya't di nadisgrasya

sa Mayo Disisiyete, isang buwan na kayo
nawa'y lumaki kayong masigla dito sa mundo
basta narito ako, kayo'y pakakainin ko
ng pritong isda, hasang, mais na natira rito

05.06.2023

Huwebes, Mayo 4, 2023

Isama ang karapatang pantao at kalikasan sa Panatang Makabayan

ISAMA ANG KARAPATANG PANTAO AT KALIKASAN SA PANATANG MAKABAYAN
Maikling pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bilang masugid na mambabasa ng magasing Liwayway, nabasa ko sa kolum ni Sir Pat V. Villafuerte sa Liwayway, isyu ng Abril 2023, pahina 35-37, ang hinggil sa pag-amyenda sa Panatang Makabayan. Dahil dito'y agad kong sinaliksik ang mismong DepEd Order No. 004 na kanyang binanggit, kung saan mada-download ang kopyang iyon sa kawing na https://www.deped.gov.ph/wp-content/uploads/DO_s2023_004.pdf.


Nitong Pebrero 14, 2023, kasabay ng Araw ng mga Puso, ay inilabas ng Kagawaran ng Edukasyon ang dalawang pahinang DepEd Order No. 004, hinggil sa pag-amyenda sa Panatang Makabayan. Nilagdaan ito ni VP Sara Z. Duterte, kalihim ng DepEd. 

Ayon sa Talata 1 ng nasabing Order, sa pamamagitan ng Batas Republika Blg, 1266, na kilala ring An Act Making Flag Ceremony Compulsory in All Educational Institutions, binibigyan ng awtorisasyon ang Kalihim ng Edukasyon na mag-isyu ng mga alituntunin at patakaran (rules and regulations) para sa tamang pagsasagawa ng seremonya o pagpupugay sa watawat (flag ceremony). 

Nabanggit naman sa Talata 2 ang Batas Republika Blg, 8491, na kilala ring Flag and Heraldic Code of the Philippines.

Sa Talata 3 ipinaliwanag ang sanhi ng pag-amyenda sa Panatang Makabayan. Sa inisyatiba ng Office of the Undersecretary for Curriculum and Teaching (OUCT), maraming organisasyon ang kinonsulta hinggil sa pagbabago ng terminolohiya o salita sa Panatang Makabayan. Ang pag-amyenda ay batay sa pagpapalit ng nagdarasal sa nananalangin. Dahil mas wikang Filipino raw ang nananalangin kaysa nagdarasal, at hindi nakabatay sa relihiyon, kundi kasama na rin ang paniniwala ng mga katutubo.

Gayunpaman, nakikita kong may kakulangan pa sa Panatang Makabayan, dahil hindi nababanggit ang paggalang sa karapatang pantao, na palagay ko'y dapat ilagay bilang makabayan, at ang pangangalaga sa kalikasan.

Ito ngayon ang buong katitikan ng Panatang Makabayan:

Iniibig ko ang Pilipinas,
aking lupang sinilangan
tahanan ng aking lahi;
kinukupkop ako at tinutulungang
maging malakas, masipag at marangal.
Dahil mahal ko ang Pilipinas,
diringgin ko ang payo
ng aking mga magalang,
susundin ko ang tuntunin ng paaralan,
tutuparin ko ang tungkulin
ng mamamayang makabayan; 
naglilingkod, nag-aaral, at nananalangin
nang buong katapatan.
Iaalay ko ang aking buhay,
pangarap, pagsisikap
sa bansang Pilipinas.

Noong bata pa ako'y iba ang nakatitik, na medyo kabisado pa ng marami kong kapanahon, na binanggit din sa kolum ni Sir Pat Villafuerte:

Panatang Makabayan
Iniibig ko ang Pilipinas.
Ito ang tahanan ng aking lahi.
Ako'y kanyang kinukupkop at tinutulungan
Upang maging malakas, maligaya at kapaki-pakinabang.
Bilang ganti ay diringgin ko ang payo ng aking mga magulang.
Susundin ko ang mga tuntunin ng aking paaralan.
Tutuparin ko ang mga tungkulin ng isang mamamayang
Makabayan at masunurin sa batas.
Paglilingkuran ko ang aking bayan
Nang walang pag-iimbot at ng buong katapatan.
Sisikapin kong maging isang tunay na Pilipino
Sa isip, sa salita at sa gawa.

Sa bagong Panatang Makabayan, maraming nabago, tulad ng nawala ang pagiging tunay na Pilipino, at masunurin sa batas. Subalit nais kong mag-ambag kung sakaling aamyendahan muli ang Panatang Makabayan. Dapat maisama ang paggalang sa karapatang pantao, at ang pangangalaga sa kalikasan, na marahil ay ganito ang kalalabasan:

Panatang Makabayan
Iniibig ko ang Pilipinas,
aking lupang sinilangan
tahanan ng aking lahi;
kinukupkop ako at tinutulungang
maging malakas, masipag at marangal.
Dahil mahal ko ang Pilipinas,
diringgin ko ang payo
ng aking mga magalang,
susundin ko ang tuntunin ng paaralan,
tutuparin ko ang tungkulin
ng mamamayang makabayan
na gumagalang sa karapatang pantao
at nangangalaga sa kalikasan,
naglilingkod, nag-aaral, at nananalangin
nang buong katapatan.
Iaalay ko ang aking buhay,
pangarap, pagsisikap
sa bansang Pilipinas.

Kaya inaanyayahan ko ang iba't ibang pambansang samahan sa karapatang pantao at kalikasan, na magtulong-tulong upang ipasok ang mga salitang "gumagalang sa karapatang pantao at nangangalaga sa kalikasan" sa Panatang Makabayan. Mabuti pang bata pa lang sila ay batid na nila kung ano ang karapatang pantao, at bakit sa nagbabagong klimang nararanasan ng daigdig na hindi na dapat umabot pa sa 1.5 degri Celsius ang pag-iinit pa ng mundo, ay dapat maukit na sa isipan ng mga kabataan ang pangangalaga sa nag-iisa nating mundo, ang Earth. There is no Planet B, ika nga nila.

Maaari nating ihain ang mungkahing ito sa mga kakampi natin sa Kongreso, tulad ni Congressman Edcel Lagman, na isa sa naghain ng panukalang batas na Human Rights Defenders (HRD) Protection Bill, na gawan ng panukalang batas na isama ang "paggalang sa karapatang pantao at pangangalaga sa kalikasan" sa Panatang Makabayan.

Kaya sa mga kilala kong samahan ng karapatang pantao at samahang makakalikasan, nawa ito'y bigyang pansin. Tinatawagan ko ng pansin ang mga samahang kilala ko at di pa kilala, tulad ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), In Defense of Human Rights and Dignity Movement (IDefend), PhilRights, Families of Victims and Involuntary Disappearance (FIND), Green Convergence for Safe Food, Healthy Environment and Sustainable Economy (Green Convergence), Rights of Nature Ph, GreenPeace Philippines, Haribon, Environmental Studies Institute (ESI) ng Miriam College, Saniblakas ng Inang Kalikasan (SALIKA), Makakalikasan Party, Partido Lakas ng Masa (PLM), Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Teacher' Dignity Coalition (TDC), Commission on Human Rights (CHR), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at marami pang iba.

Maaaring sa ngayon ay hindi basta maisingit ang "paggalang sa karapatang pantao" sa Panatang Makabayan, bagamat maaaring mailagay ang "pangangalaga sa kalikasan" dahil ang Kalihim ng DepEd ay anak ng dating Pangulong Duterte, na nagpasimula ng madugong drug war na sanhi ng maraming kamatayan o pagpaslang, tulad ng nangyari sa estudyanteng si Kian Delos Santos, na diumano'y huling sinabi sa mga pulis ay "Huwag po. May exam pa ako bukas..." subalit siya pa rin ay pinaslang. 

Gayunpaman, maganda na itong itanim sa kasalukuyang henerasyon upang dumating ang panahon na mailagay din sa Panatang Makabayan ang mga salitang "paggalang sa karapatang pantao at pangangalaga sa kalikasan".

Panghuli, taospusong pasasalamat sa retiradong guro ng Philippine Normal University (PNU) sa kanyang kolum kaya nabatid natin na may amyenda pala sa Panatang Makabayan. Muli, salamat, Sir Pat! Mabuhay ka!

Mayo 4, 2023, Lungsod Quezon