Martes, Enero 30, 2024

Liboy pala'y Alon; Atab ay Nipa

LIBOY PALA'Y ALON; ATAB AY NIPA
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Habang sumasagot ng palaisipan sa pahayagang Pang-Masa, isyu ng Enero 30, 2024, pahina 7, ay napatitig tayo sa dalawang katanungan, na kung hindi pa ako sasangguni sa aklat ng talasalitaan, ay hindi ko mababatid ang sagot. Mga luma, kundi man malalim o lalawiganin, ang mga salita.

Sa 15 Pahalang, ang tanong ay LIBOY, hindi libot. Apat na titik ang sagot. Upang malaman ang sagot ay sinagutan ko muna ang mga tanong na Pababa. At ang lumabas na sagot ay ALON. Ang LIBOY nga ba'y ALON? Ngayon ko lang iyon nabatid.

Sa 30 Pahalang naman, ang tanong ay NIPA. Apat na titik din ang sagot. Marahil ay SASA. Subalit titik A ang unang letrang sagot. Hindi S. Kaya sinagutan ko muna ang mga Pababa. Ang natira ay ATA_, at hindi ko batid ang tamang sagot. ATAW, ATAG, ATAS, ATAY, ano nga ba? Kaya kailangang sumangguni sa diksiyonaryo.

Tanging ATAS ang nasa Diksyunaryong Filipino-Filipino na inedit ni Ofelia E. Concepcion, pahina 19. Tiyak hindi ATAS. Gayon din ang entri sa Diksyunaryong Filipino: Tagalog-Tagalog na nilathala ng Tru-Copy Publishing House, pahina 16.
Subalit sa pahina 86 ng U.P. Diksiyonaryong Filipino (UPDF) ay may siyam na entri upang pagpiliian sa ATA_:
atab (Botany, Sinaunang Tagalog o ST): dahon ng palma na ginagamit na pantakip;
atag - 1. pagtibag at paghukay; 2, ST, gawain sa komunidad; (iba pang kahulugan: paulit-ulit);
atak - 1. ST, dapyo sa init ng araw; 2. ST, watak;
atal - Ilokano: gulong na karaniwang gawa sa kahoy; Tausug: lapis na pangkulay ng labi;
atan - Ivatan: bahagi ng dalampasigan na nasa ilalim ng tubig;
atas - utos o bilin;
atat - halatang gustong-gusto ang isang bagay;
ataw - ST, hindi gusto; ginagamit din upang ipahabol sa aso ang usa o baboy-damo;
atay - Biology - malaki at bilugang organismo sa tiyan ng vertebrate, at ginagamit sa iba't ibang prosesong metaboliko.

ATAB ang aking isinagot. Dahil ang NIPA, ayon sa UPDF, pahina 821, ay katutubong palma; at ang ATAB ay dahon ng palma.
Ang LIBOY naman, ayon sa UPDF, pahina 683, ay Sinaunang Tagalog, 1. paglawlaw dahil sa labis na katabaan; 2. kilapsaw. Ang kilapsaw naman, ayon sa UPDF, pahina 607, ay maliliit na along pabilog na likha ng isang bagay na bumagsak o lumitaw sa tubig.

Kaya wasto ang mga sagot sa palaisipan. Ang LIBOY ay ALON, at ang NIPA ay ATAB. Pawang mga dagdag sa ating bokabularyo. Dahil dito'y kumatha ako ng tula.

LIBOY AT ATAB

mga lumang tagalog o kaya'y lalawiganin
anang diksyunaryo'y Sinaunang Tagalog man din
kaya di mo rin masasabing salita'y malalim
kundi sa kasalukuyan ay di mga gamitin

ang LIBOY pala ay ALON, ATAB naman ang NIPA
salitang lalawiganin ma'y napakahalaga
may sariling Tagalog ang iba't ibang probinsya
iba sa Maynila, iba sa Batangas, Laguna

kaya sa ating pagsagot nitong palaisipan
halimbawang may salitang di nauunawaan
magandang sangguniin din ang talasalitaan
baka masagot ang nakaabang na katanungan

wala namang mawawala kung mabatid man ito
mahalaga'y napapagyaman ang bokabularyo
madalas sa palaisipan tayo'y natututo
may madaragdag pa sa pagsulat ng tula't kwento

01.30.2024

Lunes, Enero 29, 2024

Kwento - Ibatay sa kakayahan ng maralita, hindi sa market value, ang pabahay

IBATAY SA KAKAYAHAN NG MARALITA, HINDI SA MARKET VALUE, ANG PABAHAY
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matindi ang naging pag-uusap nila sa ipinatawag nilang pulong hinggil sa Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program o 4PH na flagship project ng pamahalaang BBM. Dahil sa kanilang pagsusuri sa Operations Manual, nakita nilang hindi para sa mga maralita ang 4PH kundi sa may pay slip lamang na kayang bayaran ang isang yunit ng pabahay sa loob ng 30 taon na nagkakahalaga ng halos P2 milyon.

Nagpaliwanag si Mang Igme, “Nililinlang na naman tayong mga maralita. Ang naturingang ISF o informal settler families ay hindi ang mga maralitang isang kahig, isang tuka kundi yaong may payslip at sumasahod na manggagawa. “

“Paano iyon nangyari?” Tanong ni Inggo.

Sinagot naman siya ni Aling Isay, “Heto, babasahin ko sa inyo, mga kasama ang nakasaad sa Operations Manual: "While low-salaried ISFs, employees and workers should be the priority beneficiaries, it is paramount that they must be capable of and committed to paying the monthly housing loan amortization over the 30-year loan term, to the GFIs or private banks. Employees or wage/salary earners shall be priorotized as potential beneficiaries, over those who derive regular income from sources other than salaries/wages (e.g., informal economy activities, remittances, etc.) Malinaw na mga may kakayahang tuloy-tuloy magbayad ang makikinabang sa 4PH na iyan, hindi tayo.”

“Aba’y akala ko ba ISF, hindi ba tayo iyon, mga impormal settler, mga iskwater, mga nabubuhay sa diskarte, tulad ko na isang pedicab driver. Hindi pala tayo kasama riyan.” Ani Inggo.

Si Mang Igme muli, “Kaya ang mungkahi ko ay magtungo tayo sa tanggapan ng DHSUD upang iklaro iyan. Kung hindi man ay magsagawa tayo ng malawakang pagkilos kasama ang iba pang komunidad upang malinawan tayo bakit ganyan ang Operations Manual nila, na palagay ko’y dapat baguhin. Sino ba talaga ang ISF? Malinaw naman sa Saligang Batas ang ISF ay yaong mga mahihirap na pamilya na nabubuhay lamang sa halos dalawang daang piso bawat araw.”

“Anong gusto mo, magrali na naman tayo,” sabad ni Aling Isay.

“Aba’y bakit hindi, kung ganitong ginigipit tayo,” ani Mang Igme, Hindi ba’t mas dapat tayong kumilos ngayon, lalo’t may ganyan ngang iskemang tatamaan na tayo, ngunit hindi pa rin tayo kikibo.”

Nagmungkahi naman si Igor, isa sa opsiyales sa komunidad, “Dapat may imungkahi tayong alternatiba, kaysa ngawa lang tayo ng nagawa. Ang mungkahi ko ay baguhin ang iskema sa Operations Manual na binasa natin kanina. Dapat na hindi batay sa market value ang pabahay, kundi dapat batay sa kakayahan ng maralita.”

“Paano naman iyon?” tanong ng isa pang medyo batang ginang, si Aling Ines, na may karga pang bata.

“Ganito iyon,” ani Igor. “Ang dapat ay maging makatao ang iskema ng pabahay para sa maralita. Gawing batay sa kakayahan ng maralita. Kung pedicab driver ka na kumikita ng P500 isang araw, dapat sampung porsyento lang niyon ang para sa pabahay. Ang 30% ay para sa pagkain, ang 30% para sa edukasyon ng mga bata, ang 10% ay para sa tubig, ilaw, at ang natitira pa ay para sa iba pang gastusin. Ibig sabihin, kung 10% sa pabahay, P50 isang araw sa P500 kada araw na kita. Sa isang buwan na may 30 araw, P50 x 30 = P1,500 kada buwan ang nakalaan para sa pabahay. Gayon din sa mga vendor, tsuper ng dyip, at iba pang nabubuhay sa diskarte. Kaya kung magbabayad ka ng tatlumpung taon ayon sa kontrata, 30 taon x 12 buwan kada taon x P1,500 kada buwan, ang babayaran mo sa kabuuan ay P540,000. Hindi na masama, hindi ba?”

“Maganda ang naisip mong iyon. Ngunit dapat pa iyang isulat. Gawin nating position paper na isusumite sa mga kinauukulang ahensya. Subalit aralin pa natin. Dapat mas malawak na mamamayan ang makaalam at mapaabutan natin niyan upang mas may lakas tayong ipaglaban iyan. Hindi ba, mga kasama.” Tugon ni Aling Isay.

“Simulan nang isulat iyan, at muli tayong umupo at magpulong upang ihanda rin ang ating mga kasama at iba pang karatig komunidad upang ipaliwanag ito sa kanila, na pupunta tayo sa tanggapan ng DHSUD para mapag-usapan ang ating mungkahi. Na tayong mga maralita na siyang talagang ISF ay hindi papayag sa kapitalismong iskema na patubo dahil sa market value ng pabahay. Ang pabahay ay serbisyo, hindi negosyo.” Pagtatapos ni Mang Igme. “Sige, pahinga muna kayo, mga kasama. At maraming salamat sa pagdalo.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 16-31, 2024, pahina 18-19.

Linggo, Enero 28, 2024

Hindi naman free of charge

HINDI NAMAN FREE OF CHARGE
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

May isa kaming kinainan nina misis, kasama ang kanyang pamangkin. Tatlo kami. Hindi ko na tutukuyin kung saan ang kainang iyon, kundi litrato na lang ang ipapakita ko. Isa sa patalastas ng nasabing kainan ay ito: NO RECEIPT - The FOOD is FREE" na nakadikit sa bawat lamesa ng kainan. Wow! Libre raw ang kinain mo pag walang resibo. Para hindi ka mabigyan ng resibo, dapat munang magbayad ka. Paano kang isyuhan ng resibo kung hindi ka magbabayad?

Maliwanag din itong nakasulat sa isa pang nakahilig na patalastas sa lamesa: "REMINDER: IF THE CASHIER DID NOT ISSUE RECEIPT UPON PAYMENT,  YOUR FOOD WILL BE FREE OF CHARGE." Pambobola, di ba? Pag nagbayad ka, nakuha na nila ang pera mo. Hindi ka lang nabigyan ng resibo, libre na agad kinain mo, eh, nagbayad ka na! Saan ang libre doon? Wala.

Ngayon ko lang naalala na ako ang nagbayad sa cashier ng kinain namin, subalit walang iniabot na resibo sa akin, hanggang makababa na kami. Para bang sinadya na hindi kami bigyan ng resibo? Iisipin mo pa bang dapat libre ka dahil hindi ka nabgyan ng resibo? Hindi. Mababawi mo pa ba ang binayad mo dahil sabi sa patalastas nila, pag walang resibo, libre na ang kinain mo?

Magkakaroon ka lang ng resibo pag nagbayad ka. Isyuhan ka man ng resibo o hindi, nakabayad ka na! Ikinain mo na iyon kaya paano magiging free of charge pag hindi ka nabigyan ng resibo? Alangan namang mabawi mo pa ang pera mo? Makikipag-away ka pa ba sa cashier na hindi nagbigay ng resibo?

Malinaw na pambobola lang talaga ang patalastas nila. Napagawa tuloy ako ng tula hinggil dito.

BOLADAS LANG ANG PATALASTAS

bola lang ang patalastas sa kinainan
libre na raw ang kinain mong binayaran
basta walang resibo ay libre na iyan
ah, gimik lang talaga kung pagninilayan

kaya ka lang may resibo, pag nagbayad ka
pag di ka binigyan ng resibo, libre na?
free of charge ba? nasa kanila na ang pera!
ang ibinayad mo'y mababawi mo pa ba?

sa lohika pa lang, pambobola na ito
gimik lang upang marahil makaengganyo
ngunit bago magbayad, naubos na ninyo
lahat ng inorder at kinaing totoo

pasensya na, at ito'y akin lang napansin
na patalastas nila'y gimik kung isipin
na boladas lang at dapat balewalain
dahil walang katuturan, kunyari lang din

01 28.2024

Anim na libreng libro

ANIM NA LIBRENG LIBRO
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Enero 27, 2024 ng gabi, bago kami lumuwas papuntang Cubao galing Benguet ay dumaan muna kami ni misis sa isang tindahan ng aklat sa Baguio, kung saan ninang namin sa kasal ang may-ari niyon. 

Sabi ko kasi kay misis, dumaan muna kami roon dahil may mga aklat pampanitikan  na doon ko lang nakikita. Noon kasi'y may nabili na ako roong tatlong aklat-pampanitikan. Nakabili ako noon sa staff ni ninang, na nagsabi sa akin, "Ang ganda naman ng mga napili mong libro, Sir." Binigyan pa niya ako ng discount.

Pagdating namin ni misis sa book store, kumustahan muna sila ni ninang. Ako naman ay tumingin-tingin na ng libro. Maya-maya, lumapit sa akin si ninang at ibinigay ang aklat na "Minutes of the Katipunan" at ang sabi kay misis, "Tiyak magugustuhan ito ng asawa mo." Wow! Alam niyang mahilig ako sa usaping kasaysayan. Maraming salamat po, ninang!

Tapos ang sabi niya sa amin ni misis, kuha lang ako ng libro, siya na ang bahala. Ibig sabihin, libre na. Kaya ang mga nakita kong aklat-pampanitikan na interesado ako ay aking kinuha. Bago iyon ay may napili akong isang aklat-pangkasaysayan.. Ang aklat na may pamagat na "A Heart For Freedom" hinggil sa buhay ng isang babaeng nanguna at naging lider ng mga nagprotesta sa Tiananmen Square. Ayon sa paglalarawan sa likod na pabalat: "She led the protesters at Tiananmen Square and became China's most wanted woman." Doon pa lang ay nakuha na ang atensyon ko. Dagdag pa ng aklat: "Today, she's finally telling her astonishing story."

Ang unang napili kong aklat-pampanitikan ay may pamagat na "Ted Hughes's Tales of Ovid". Pareho kong kilala ang dalawang ito. Si Ted Hudges ay isang makatang Ingles at asawa ng kilala ring makatang si Sylvia Plath. Si Ovid naman ay makatang Romano noong unang panahon.

Kilala ring manunulat at ginawaran ng Nobel Prize for Literature si Ernest Hemingway. Kaya napili ko ring kunin ang aklat hinggil sa kanyang talambuhay.

Agad ding pumukaw sa akin ang librong "The Poet" ng kilalang nobelistang si Michael Connelly, na ayon sa pananaliksik ay nakakatha na ng tatlumpu't walong nobela. Pamagat pa lang, napa-Wow na ako.

Ang huling aklat na napili ko ay ang "The Wordsworth Encyclopedia". Kilala ring makata si William Wordsworth.

Dalawang aklat-pangkasaysayan. Apat na aklat-pampanitikan. Sapat na iyon. May dalawa pang aklat na ibinalik ko dahil naisip kong baka ako'y umabuso na. Kaya anim lamang. Medyo nahiya rin.

Magkano ba ang nalibre kong libro? Tiningnan ko isa-isa:
(1) Minutes of the Katipunan - 261 pahina - P200
(2) A Heart For Freedom - 360 pahina - P155
(3) Ted Hughes's Tales from Ovid - 135 pahina - P128
(4) Ernest Hemingway - 782 pahina- P480
(5) The Poet - 410 pahina - walang presyo ngunit halos singkapal ng Hemingway kaya ipagpalagay nating P480 din, makapal ang papel kaysa Hemingway 
(6) The Wordsworth Encyclopedia - 476 pahina - P150
Sumatotal = P1593

Sa pagbilang ng pahina, isinama ko ang naka-Roman numeral sa naka-Hindu-Arabic numeral.

Muli, maraming salamat po sa mga libreng libro, ninang. Dahil dito'y ikinatha ko ito ng tula.

ANIM NA LIBRENG LIBRO

kaygaganda ng mga aklat kong napili
lalo't pagbabasa ng libro'y naging gawi
aklat-pampanitikan pang sadya kong mithi
nilibre ni ninang, sa labi namutawi

ang pasasalamat kong sa puso'y masidhi
ang bawat libreng libro'y pahahalagahan
sa maraming panahong kinakailangan
may panahon ng pagbabasa sa aklatan

may panahon din ng pagtitig sa kawalan
panahon ng pagkatha ay pagsisipagan
batid ni misis na libro ang aking bisyo
na pawang mga aklatan ang tambayan ko

kaya maraming salamat sa libreng libro
munting kasiyahan na sa makatang ito

01.28.2024

Huwebes, Enero 25, 2024

Fr. Oscar Ante: Pari, Guro, Kaibigan

FR. OSCAR ANTE, PARI, GURO, KAIBIGAN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Enero 19, 2024 nang ibinalita sa akin ni kasamang Thorvix na namatay na si Father Oca, o Fr. Oscar Ante, OFM, na matagal ko ring nakasama sa simbahan sa Bustillos.

Dalawa ang simbahan sa Bustillos St., sa Sampaloc, Maynila. Ang malaki ay ang Our Lady of Loreto Parish, at ang maliit ay ang St. Anthony Shrine, na kilala ring VOT. Natatandaan ko pa ang nakasulat sa kisame ng St. Anthony Shrine: Devs Mevs Et Omnia. Walking distance lang ito sa aming bahay.

Hayskul pa lang ako'y aktibo na sa simbahan. Noong 1984 ay ipinasok ako ng aking ama, na kasapi ng Holy Name Society, sa tatlong araw na live in seminar na CYM (Catholic Youth Movement) sa Loreto Parish. Pinangasiwaan ang seminar na iyon ng Holy Name Society. Matapos iyon ay napasama na ako sa Magnificat choir, na umaawit tuwing Linggo sa Loreto church, na pawang mga taga-Labanderos Street ang kumakanta.

Subalit sa kalaunan ay sa St. Anthony Shrine ako naging aktibo, dahil pawang matatanda ang nasa Loreto Parish. Marami kasing kabataan ang naglilingkod sa simbahan ng VOT noon. At doon ko nakilala si Father Oca. Ang OFM sa dulo ng kanyang pangalan ay Order of Franciscan Minors.

Sa VOT ko rin nakilala si Father Greg Redoblado na hindi pa pari noon, na nasaksihan ko rin ang kanyang pagiging pari sa isang seremonya sa VOT. Nag-lector ako at nakilala ang mga mang-aawit sa simbahan, lalo na ang Pinagpala Choir. Minsan na rin akong gumanap sa isang dula na pinanood ng mga taga-simbahan. Ang dulang Father Sun, Sister Moon, na ang bida ay gumanap na St. Francis ng Assisi, habang isa naman ako sa gumanap na kasama ni St. Francis. Kaya nasubukan ko ring magsuot ng brown na abito. Ang nakababata ko namang kapatid ay naging sakristan sa VOT.

Minsan, nag-uusap kami ni Father Oca na nakaupo lang sa tapakan ng hagdan papasok sa opisina ng simbahan. Doon ay nagkukwentuhan, at kung hindi mo siya kilala ay aakalain mong hindi pari at tambay lang sa kanto ang iyong kausap. Simpleng manamit. Simpleng kausap. Ngunit matalas pag nakinig ka sa kanyang sermon sa homily, dahil hindi lang pansimbahan kundi isyung panlipunan ang kanyang tinatalakay.

Sa kanya ko nga nabatid na may itinatayo noong malaking kilusan na tinawag na Siglaya, subalit hindi iyon naging katuparan. Hanggang sa ibang kilusan ay naging aktibo ako, lalo na sa eskwelahan kung saan ako'y bahagi ng campus paper at nahalal na opisyales ng grupong Kamalayan (Kalipunan ng Malayang Kabataan) na dating LFS-NCR.

Dahil ako'y aktibo, isinama ako nina Father Oca sa dalawang linggong imersyon sa Lamitan, Basilan sa Mindanao, sa kumbento ng mga pari, na malapit sa Campo Uno na headquarters ng Philippine Marines. Doon ko nakilala si Fr. Al Villanueva na siyang aktibo roon. Isinama rin kami nina Father Oca sa Lungsod ng Isabela sa Basilan at kinausap namin ang retiradong Obispo na si Jose Ma. Querexeta. Tatlong araw iyon bago ang Earth Day.

Natatandaan kong nakangiting tinanong kami ni dating obispo Querexeta kung bakit kami nandoon sa Basilan gayong mas mabuting manatili sa Maynila. Pagkatapos, hinikayat niya kaming lumahok sa funeral march para sa darating na Earth Day. Ang nasabing funeral march ay pinangunahan ng Basilan Green Movement, Inc. Bakit funeral march? Ayon sa obispo, walang dahilan upang ipagdiwang ang Araw ng Daigdig dahil sinisira ng tao na dapat maging tagapagtanggol ng Mother Earth ang kanyang sariling tirahan. Isa iyon sa nagpamulat sa akin upang maging bahagi ng kilusang makakalikasan nang bumalik sa Maynila.

Isinulat ko ang mga karanasang iyon sa aking kolum sa pahayagang pangkampus. Bilang manunulat ay minsan na rin akong nakapag-ambag ng sulatin sa OFM newsletter, na buwanang pahayagan ng simbahan.

Nang malipat na si Father Oca sa Provincial noong 1995, unti-unti na rin akong hindi nag-aktibo sa St. Anthony Shrine, at mas nag-pultaym na sa kilusang masa, kasama ang grupong Sanlakas, at Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Ang huli naming pagkikita ni Father Oca ay noong 2015, dalawang dekada ang nakalipas, nang mapadalaw ako sa St. Anthony Shrine at nakita ko siya. Doon ay binigyan ko siya ng libro kong "Sa Bawat Hakbang" na pawang mga tula hinggil sa sinamahan kong Climate Walk from Luneta to Tacloban. Isa iyong paglalakad mula Kilometer Zero hanggang Ground Zero mula Oktubre 2 hanggang Nobyembre 8, 2014, sa unang anibersaryo ng bagyong Yolanda.

"Tumutula ka na pala ngayon, ah." Sabi ni Father Oca, at pinasulat pa niya sa akin ang celphone number ko.

Halos siyam na taon makalipas ay ibinalita nga sa akin ni kasamang Thorvix na namatay na si Father Oca. Nang tinanong ko kung saan ang burol, ang sagot niya'y nasa ospital pa ang bangkay. Si Thorvix ay matagal kong nakasama sa Kamalayan bilang aktibista.

Kasalukuyang nasa Benguet ako nang ibalita ni Thorvix na namatay na si Father Oca. Maraming salamat sa pagpapaabot, kasamang Thorvix.

Malungkot na balita subalit lahat naman tayo ay mamamatay. Una-una lang. Kaya bilang pag-alala at pagpupugay ay kumatha ako ng tula bilang alay kay Father Oca.

MUNTING TULA PARA KAY FATHER OCA

itinataas ko ang aking kaliwang kamao
bilang tanda ng pagpupugay sa naging ambag mo
sa simbahan, lipunan, at nakasamang totoo
nangaral, di lang God, kundi karapatang pantao

para bagang mga anak ang turing mo sa amin
isyung pambayan sa homily mo'y aming diringgin
sa pagtahak sa mga matitinik na landasin
tulad ng pagtungo sa Basilan na danas ko rin

mga sermon mo'y sadyang matalas, nakahihiwa
lalo't isyu'y Diyos at Bayan, nadaramang sadya
tunay kang kaibigan at magandang halimbawa
sa simbahan at sa bayan ay maraming nagawa

nawala ka man sa mundo, marami mang nalumbay
pahinga ka na, tula man ang aking tanging alay
maraming-maraming salamat po sa payo't gabay
Father Oca, ako po'y taospusong nagpupugay

01.25.2024

* litrato mula sa youtube

Miyerkules, Enero 24, 2024

Samboy Lim, idolong Letranista

SAMBOY LIM, IDOLONG LETRANISTA
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa mga nalungkot sa pagkamatay ng aking idolong basketbolista na si Avelino "Samboy" Lim Jr. Nitong Disyembre 23, 2023 ay namatay si idol sa gulang na 61. 

Sa loob ng apat na taon ko sa hayskul (wala pang K-12 noon) ay nakita ko nang personal at napanood ang mga laban nina Samboy Lim sa Rizal Memorial Colisuem, na siyang palagiang venue noon ng NCAA (National Collegiate Athletic Association), kung saan magkakaribal sa liga ang Letran, San Beda, Mapua, San Sebastian, Jose Rizal College, at di ko na matandaan ang iba pa.

Matapos ang mga aralin mula ikapito ng umaga hanggang ikatlo ng hapon, magtutungo na ako sa Letran gym upang doon tumambay. May anim na basketball court doon - isang full court na siyang pinaglalaruan ng mga atleta, at apat na half court sa gilid, tigalawa magkabila, subalit magkatapatan din. Hihiram kami ng bola sa janitor kapalit ng ID. At matapos maglaro kaming magkaklase ay isosoli namin ang bola, at ibabalik naman sa amin ang ID. Sa entabladong naroon sa gym ay doon naman nagpa-praktis ng taekwondo.

Sa Letran Knights sina Samboy, na mga atleta sa kolehiyo, habang pinangungunahan naman nina Libed at Tabora ang Letran Squires. Ka-batch ko at kaklase sa Letran si Babilonia na sumikat kalaunan sa Philippine Basketball Association (PBA). Naging basketbolista rin ang kaklase at ka-batch kong si Fritz Webb na anak ng maalamat na si Freddie Webb ng PBA.

Minsan, sa Letran Gym tumatambay ang iba pang manlalaro at doon nagpa-praktis lalo na para sa laban nila sa SEA Games. Kasama ni Samboy na nagpa-praktis doon sina Allan Caidic ng University of the East, Eric Altamirano ng San Beda, at iba pa.

Mahilig din akong maglaro ng basketball noon, subalit ini-represent ko ang Letran sa NCAA sa sports na track and field (1984) habang nasa fourth year high school ako. 1982 naman ay naging bahagi ako ng taekwondo team ng Letran at sa Rizal Memorial Coliseum din kami nakipaglaban.

Sa panahong iyon, sa pangunguna ni Samboy, ay naging kampyon ang Letran Knights nang tatlong magkakasunod na taon (1982-1984) at nasaksihan ko mismo iyon. Dahil pag may laban ang Letran, pati propesor namin ay kasama naming pumupunta sa Rizal Memorial Coliseum upang manood at mag-cheer para sa Letran.

Sa kalaunan, nabalitaan kong nagkaroon ng batas na Samboy Lim Law, o Batas Republika 10871, na mas kilala bilang “The Basic Life Support Training in Schools Act” na ang may-akda ay ang isa ring alamat na coach sa PBA na si Rep./Coach Yeng Guiao noong 2015. Ang batas ay ang pagsasanay hinggil sa basic life support training o CPR sa hayskul.

Kaya bilang atleta rin at Letranista ay taospuso akong nakikiramay sa pagkamatay ni Samboy Lim. Nais kong maghandog ng tula hinggil sa aking idolo.

SAMBOY LIM, LETRANISTA, SKYWALKER  NG PBA

taospusong pakikiramay sa buong pamilya
ni Samboy Lim, isang magaling na basketbolista
noong hayskul pa ako'y kilala na namin siya
napapanood madalas, magaling na atleta

siya ang nagdala sa Letran Knights sa kampyonato
nang tatlong sunod na taon, at naka-Grand Slam ito
nasaksihan ko iyon habang nag-aaral ako
kaya sa buong koponan, ako'y sumasaludo

at ilang taon pa, sa P.B.A. na'y nakilala
si Samboy Lim, ikinararangal na Letranista
sa mahusay na paglalaro, nabansagan siya
bilang Skywalker, tila lumilipad talaga

O, Samboy, tunay kang dangal ng ating paaralan
salamat sa ambag mo sa isports at sa lipunan
ang batas na pinangalan sa iyo'y karangalan
at taospuso ka naming pinasasalamatan

01.24.2024

* mga litrato mula sa google

Ang aklat-pangkalusugan nina Doc Willie at Liza Ong

ANG AKLAT-PANGKALUSUGAN NINA DOK WILLIE AT LIZA ONG
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kayganda ng nabili kong aklat-pangkalusugan. May pamagat itong "Sakit sa Puso, Diabetes at Tamang Pagkain" na Payo Pangkalusugan na inakda nina Doc Willie Ong at Doc Liza Ong. Nagkakahalaga ito ng P200 na nabili ko nitong Enero 23, 2024, sa ikalawang palapag ng National Book Store sa Gateway, Cubao. Binubuo ng 112 pahina, na ang naka-Roman numeral ay 7 pahina (na binubuo ng Pamagat, Publishers' Corner, Nilalaman, Paunang Salita), habang ang talagang teksto ay umaabot ng 105 pahina.

May dalawa pang aklat na ganito rin, na kumbaga'y serye ng aklat-pangkalusugan ng mag-asawang Ong. P200 din, subalit hindi ko muna binili. Sabi ko sa sarili, hinay-hinay lang. Pag nakaluwag-luwag ay bibilhin ko rin ang dalawa pang aklat nila upang makumpleto ang koleksyon.

Sa Paunang Salita, binigyang-pansin ni Mr. Miguel G. Belmonte, presidente ng pahayagang The Philippine Star at tabloid na Pilipino Star Ngayon, ang wikang Filipino. Ayon sa kanya, "Kapag nagpupunta ako sa mga health section ng mga book store, napapansin ko na walang libro ukol sa pangkalusugan na nasusulat sa wikang Filipino. Sa presyo pa lang magkakasakit na ang mambabasa."

Tama. Kaya kailangang pag-ipunan din, at kung nasa Ingles ay baka hindi bilhin. Kailangan mo pa ng diksyunaryo upang sangguniin kung ano ang kahulugan ng salitang nasa Ingles. Mabuti na lang, mayroon na ngayong aklat-pangkalusugan na nasusulat sa wikang Filipino, at ito nga ang sinulat ng mag-asawang Ong.

Tinapos ni Mr. Belmonte ang kanyang Paunang Salita sa ganito: "Ang librong 'Sakit sa Puso, Diabletes at Tamang Pagkain' ang tamang libro para sa kalusugan na dapat mabasa ng mga Pilipino sa panahong ito. Madali itong maiintindihan at mauunawaan."

Kayganda ng sinabing ito ni Mr. Belmonte. Dahil tayo'y bansang nangangayupapa sa wikang Ingles, na animo ito'y wika ng may pinag-aralan, at itinuturing ng iba na wikang bakya ang wikang Filipino. Kaya magandang panimula ang sinabing iyon ni Mr. Belmonte upang mahikayat pa ang ibang manunulat, doktor man at hindi, na magsulat sa wikang nauunawaan ng karaniwang tao sa ating bansa. Pagpupugay po!

May sampung kabanata ang aklat na ito. At narito ang pamagat ng bawat kabanata:
I. Sakit sa Puso at Diabetes
II. Tamang Pagkain
III. Tamang Pamumuhay
IV. Para Pumayat, Gumanda at Para sa Kababaihan
V. Murang Check-up at Tamang Gamutan
VI. Murang Gamutan
VII. Tanong sa Sex at Family Planning
VIII. Artista at Kalusugan
IX. Mga Sakit Mula Ulo Hanggang Paa
X. Pahabain ang Buhay

Habang isinusulat ito, natapos ko nang basahin ang unang kabanata. Talagang tumitimo sa akin ang mga payo rito. Tunay na malaking tulong ito sa ating mga kababayan.

Nais kong maghandog ng soneto (o munting tulang may labing-apat na taludtod) hinggil sa makabuluhang aklat na ito.

AKLAT-PANGKALUSUGAN

kaygandang aklat-pangkalusugan ang nabili ko
sinulat ng dalawang batikang doktor ang libro
taospusong pasasalamat, ako po'y saludo
pagkat malaking pakinabang sa maraming tao

"Sakit sa Puso, Diabletes, at Tamang Pagkain"
ang pamagat ng librong kayraming payo sa atin
kung nais mong tumagal ang buhay, ito'y basahin
bawat kabanata nito'y mahalagang aralin

may sakit ka man o wala ay iyong mababatid
ang bawat payo nilang tulong sa mga kapatid
nang sa mga sakit ay makaiwas, di mabulid
sa gabing madilim, libro'y kasiyahan ang hatid

maraming salamat po, Doc Willie at Doc Liza Ong
sa inyong aklat at mga ibinahaging dunong

01.24.2024

Biyernes, Enero 19, 2024

Kung bakit ayaw nila ng larong Trip to Jerusalem

KUNG BAKIT AYAW NILA NG LARONG TRIP TO JERUSALEM
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa mga dadalo sa reyunyon ng pamilyang katutubo sa Benguet. At si misis ang punong abala sa okasyong iyon. Hindi ako pwedeng mawala upang suportahan at tulungan siya.

Napag-usapan namin, kasama ang ilang kapamilya, pamangkin, hipag, bayaw ang tungkol sa paghahanda sa games. Isa roon, na hindi Igorot o katutubo sa lugar, ang nagmungkahi ng Trip to Jerusalem subalit tinanggihan ko dahil may maling itinuturo iyon sa mga kabataan. Bagamat hindi rin ako native Igorot kundi nakapangasawa lang ng tagaroon.

Hanggang ngayon tanda ko ang ikinwento ng isang NGO worker nang minsang makasalamuha niya ang ilang katutubo sa Mindanao.

Hinanap ko sa internet ang kwentong iyon, subalit hindi ko natagpuan.Kaya ang natatandaan ko ang aking ikinwento.

Matagal nang panahon na dumadalo ako sa mga environmental cause o grupong makakalikasan. Noon pang 1995 nang nasa kolehiyo pa ako ay naging opisyal ako ng Environmental Advocacy Students Collective, hanggang maging regular na dumadalo sa buwanang Kamayan para sa Kalikasan Forum.

Isang NGO worker na naging ispiker sa dinaluhan kong forum ang nagkwento sa amin kung bakit hindi naglalaro ng Trip to Jerusalem ang mga katutubo sa Mindanao.Tinanong daw ng nagpapa-games bakit hindi nagpa-participate o nakikiagaw ng upuan ang mga batang katutubo. Sagot daw sa kanya. "Kaya po kami hindi naglalaro niyan ay dahil hindi po kami tinuruang maging sakim. Tinuruan po kami ng mga matatanda na magbigayan."

Hanggang ngayon ay tanda ko pa ang kwentong iyon. Kaya nang may magmungkahing laruin ang Trip to Jerusalem ay tumanggi ako dahil nagtuturo iyon na maging sakim ang mga participant sa laro. Kailangan mo kasing agawin ang upuan ng iba para lang manalo ka.

Naalala ko tuloy ang mga pulitikong nag-aagawan sa upuan, o sa pwesto sa pamahalaan. At ang awiting Upuan ni Kitchie Nadal, na ang liriko ay:
"Kayo po na nakaupo
Subukan nyo namang tumayo
At baka matanaw, at baka matanaw ninyo
Ang tunay na kalagayan ko!"

Talagang tumagos sa aking puso't diwa ang kwentong iyon, na madalas kong ibahagi sa iba. Bagamat di ko na matandaan kung sino ang nagkwento niyon.

01.19.2024

Martes, Enero 16, 2024

SIBI at LAOG

SIBI AT LAOG
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bigyang pansin natin ang dalawang salitang bago sa ating pandinig, na marahil ay ginagamit na salita sa lalawigan.  Ito ang SIBI at ang LAOG.

Sa ikatlong Krosword sa pahayagang Abante, Enero 15, 2024, pahina 7, ay nakita natin ang SIBI na siyang lumabas na sagot sa 28: Pababa na ang tanong ay BALKON.

Sa Diwang Switik naman na palaisipan sa pahayagang Pang-Masa, Enero 16, 2024, pahina 7, ay nakita natin kung ano ang LAOG. Iyon kasi ang lumabas na sagot sa 12: Pababa na ang tanong ay LAYAS.

Ang kahulugan ng SIBI, mula sa Diksyunaryong Filipino-Filipino (DFF), na inedit ni Ofelia De Guzman, ay: habong na nakakabit sa gilid ng bahay, balkon, balkonahe. 

Sa UP Diksiyonaryong Filipino (UPDF) naman, pahina 1131, ang SIBI ay salitang arkitektura na nangangahulugang 1: nakahilig na silungan. karaniwang nakakabit sa dingding ng isang bahay o nakadugtong sa bubong (na ang iba pang salita ay: awning, balawbaw, gabay, medyaagwa, palantikan, panambil, sibay, suganib, suyab, suyak); 2. dagdag na bahagi sa tunay na bahay. Kumbaga, ito'y espasyo itong naging ekstensyon ng bahay. May tuldik ito sa unang pantig kaya ang diin ay sa SI, kaya mabagal ang bigkas. Walang impit sa ikalawang pantig.

Ang iba pang entri na SIBI ay malayo na sa kahulugang balkon, kundi ngiwi, at ayos ng bibig na tila nagpipigil umiyak.

Nabanggit lang ang balkon sa DFF ngunit hindi sa UPDF. Wala namang LAOG sa DFF.

Sa UPDF, pahina 677, may tatlong entri ang LAOG. Ang una'y may tuldik sa unang pantig habang ang ikalawa't ikatlo ay sa ikalawang pantig ang tuldik. Ibig sabihin, dahil may tuldik, magkaiba ng bigkas ang una, kaysa ikalawa't ikatlo. Tunghayan natin ang kahulugan ng LAOG.

láog (pangngalan, salitang Heograpiya, Sinaunang Tagalog): maliit na lawa

laóg (pangngalan, salitang Bikol): loob

laóg (pang-uri) 1: mailap o ilahas, karaniwang patungkol sa pusa; 2: (salitang Meranaw at Tagalog) pagala-gala upang maghanap ng pagkain o makipagsapalaran.

Ang ikatlo ang nangangahulugang LAYAS. Dahil nasa pangalawang pantig ang tuldik, mabilis ang bigkas. Ang diin ay nasa OG.

Mga lumang salita o salitang lalawiganin ang SIBI at LAOG. Para sa akin, mahalaga ang mga salitang ito na nakakasalubong ko lang sa mga palaisipan at hindi sa aktwal na usapan. 

Mahalaga ang mga salitang ito hindi lang upang masagutan natin ang palaisipan o krosword, kundi baka balang araw ay gamitin natin ang mga ito sa pagkatha ng maikling kwento, ng tula, pagsulat ng sanaysay, o kaya'y naghahanap tayo ng mas tapat na salin ng isang salita.

Sinubukan kong gawan ng tula ang dalawang salitang ito:

1

SIBI

anong silbing mabatid ang sibi?
ngayon ba'y mayroon itong silbi?
doon kaya'y anong sinusubi?
may tinago ba doon kagabi?

minsan nga, sa bahay ay may balkon
madalas nagpapahinga roon
nakaupo, utak ay limayon
diwa'y kung saan napaparoon

minsan din, sa balkon ang huntahan
kapag may bisita sa tahanan
kapag dumalaw ang kaibigan
at marami pang napag-usapan

kaya iyan ang silbi ng sibi
ang maghuntahan sa balkonahe
o pahingahan sa hatinggabi
nasa diwa'y anu-anong siste


LAOG

ang mga laog ang mga layas
na di mo alam ang nilalandas
ang laog kaya'y makaiiwas
pag nakasalubong niya'y ahas

sila ba'y makalumang lagalag
Samwel Bilibit, di mapanatag
lakad ng lakad, nababagabag
ngunit wala namang nilalabag

o naghahanap ng makakain
nang pamilya nila'y di gutumin...
tinulak ng tadhana sa bangin?
silang mga kapit sa patalim?

sila ba'y mga manhik-manaog
sa ibang bahay upang mabusog?
kailan ba sila mauuntog
upang pangarapin ang kaytayog?

01.16.2024

Ang wastong gamit ng gitling sa panlaping ika

ANG WASTONG GAMIT NG GITLING SA PANLAPING IKA
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Paano nga ba ginagamit ang gitling sa panlaping ika? Sa pagkakaalam ko, ginagamitan ng gitling ang ika pag ang kasunod na salita ay numero. 

Ang ika ay panlapi, kaya ikinakabit ito sa salitang-ugat. Kaya bakit lalagyan ng gitling kung naging salita na ang pagkakabitan ng ika? Halimbawa, ikaapat, ikalima, ikaanim. Pag numero na sila, lalagyan na ng gitling, ika-4, ika-5, ika-6.

Nakita ko na naman ang ganitong pagkakamali sa palaisipan sa isang pahayagan ngayong Enero 16, 2024. Sa unang larawan ay makikita sa 4: Pahalang ang Ika-apat na buwan. Dapat ay Ikaapat na buwan. 

Sa aklat na Balarila ng Wikang Pambansa ni Lope K. Santos, sa Kabanata VI, Ang Palagitlingan, pahina 58, ay ganito ang nakasulat (tingnan din ang ikalawang larawan):

(m) kung gamit sa pagbilang ng mga nagkakasunud-sunod na hanay, at ang bilang ay di mga salita kundi mga titik-bilang o tambilang (numero, figure). Gaya ng:

ika-8 ng umaga; ika-10 n.t.; ika-11 n.g.
ika-28 ng Pebrero; ika-13 ng Agosto; ika-25 ng Disyembre
tuntuning ika-4; kabanatang ika-12; ika-20 pangkat

Kung ang mga bilang ay salita, pinagkakabit na nang walang gitling. Gaya ng: 

ikawalong oras; ikasampu't kalahati; ikalabing-isa
ikadalawampu't walo ng Pebrero; ikalabintatlo ng Agosto
tuntuning ikaapat; kabanatang ikalabindalawa

Sa tungkulin namang pandiwa, ang ika, na nangangahulugan ng maging sanhi, kadahilanan, o bagay na ikinagagawa o ipinangyayari ng sinasabi ng salitang-ugat, ay ikinakabit na rin nang tuluyan o walang gitling, yamang wala nang iba pang anyong sukat pagkamalan. Gaya ng:

ikamatay, ikakilala, ikalungkot, ikaunlad, ikagiginhawa

Kahit naman hindi natin tingnan ang alituntunin sa Balarila ni L.K.Santos, pag alam nating panlapi, ikinakabit natin ito sa salitang-ugat nang hindi nilalagyan ng gitling. Halimbawa, magutom, nagtampo, paglathala, mangahas, makibaka.

Maraming panlapi, hindi lang ika. Nariyan ang ma-, mang-, mag-, na, nang-, nag-, pa-, pang-, pag, at iba pa. Subalit kailan ito lalagyan ng gitling? Walang gitling sa mga salitang-ugat, maliban kung depende sa buka ng bibig, lalo na kung kasunod ng panlaping may katinig sa dulo ang salitang-ugat na nagsisimula sa patinig. Ang mayari ay iba sa may-ari. Ang pangahas ay iba sa pang-ahas. Ang nangalay ay iba sa nang-alay. Ang magisa ay iba sa mag-isa.

Nawa'y naunawaan natin ang tamang paggamit ng gitling sa ika. Payak lang ang panuntunan. Pag numero ang kasunod ng ika, may gitling sa pagitan nila. Ika-7, ika-8, ika-9. Subalit kung salita, hindi na nilalagyan ng gitling. Ikapito, ikawalo, ikasiyam.

Naisipan kong gawan ng tula ang paggamit ng gitling sa ika.

ANG GITLING SA PANLAPING IKA

lalagyan mo ng gitling ang panlaping ika
kung kasunod ay numero, at hindi letra
walang gitling sa ikaapat, ikalima
ngunit meron sa ika-4, ika-5

sa panlaping ika'y ganyan ang panuntunan
bukod sa ika, maraming panlapi riyan
pag-, mag-, nang-, maki-, aba'y kayrami po niyan
wastong paggamit nito'y dapat nating alam

may panlaping depende sa buka ng bibig
kapag ang dulo ng panlapi ay katinig
simula ng salitang-ugat ay patinig
tulad ng pag-asa, pang-uuyam, pag-ibig

alamin ang wastong paggamit ng panlapi
upang sa pagsusulat ay di magkamali
pangit basahin kung salita'y bakli-bakli
imbes kanin at ulam, hapunan mo'y mani

01.16.2024

Ang siyam kong aklat ng maikling kuwento

ANG SIYAM KONG AKLAT NG MAIKLING KUWENTO
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa sa aking paboritong basahin at pagpalipasan ng oras ay ang pagbabasa ng maikling kwento, lalo na sa magasing Liwayway. Isa rin sa madalas kong isulat, bukod sa sanaysay at tula, ang maikling kwento, tulad ng inilalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Sa munti kong aklatan ay may may siyam na pala akong aklat ng maikling kwento. Sa siyam na iyon, ang apat na aklat ay inilathala ng Ateneo de Manila University Press, at tig-isa naman ang University of the Philippines Press, Pantas Publishing, National Book Store, Bookman, Inc., at Psicom Publishing.

Ang apat na inilathala ng Ateneo ay ang Landas sa Bahaghari at Iba Pang Kuwento ni Benjamin P. Pascual, Alyas Juan de la Cruz at iba pang Kuwento ni Placido R. Parcero Jr., Mga Piling Katha ni Liwayway A. Arceo, at Si Juan Beterano at Iba Pang Kuwento ni Rosario De Guzman-Lingat.

Inilathala naman ng UP Press ang Paglawig ng Panahon: 20 Maiikling Kuwento ni Gloria Villaraza Guzman. National Book Store naman ang naglathala ng Tuhug-Tuhog ni Frank G. Rivera, 25 Maiikling Kuwento ng Pag-ibig at Pakikipagsapalaran ng OFWs. Inilathala naman ng Pantas Publishing ang Mga Kuwento Mula sa Lipunan, 12 Maikling Kuwento, ni Edberto M. Villegas, habang ang Mga Kuwento ni Lolo Imo, na siyang salin mula sa Ingles ng mga kuwento ni Maximo Ramos, ay inilathala naman ng Bookman, Inc. Isinalin nina Ma. Veronica U. Calaguas at Ma. Jessica H. Tolentino. Ang BASAG: Modernong Panitikan ng mga Kuwentistang Wasak na pinamatnugutan ni Juan Bautista ay inilathala naman ng Psicom Publishing.

Kapansin-pansin na hindi gaya ng inilalathala ko sa Taliba na maikling kwento, sa pamagat ng mga aklat ay may u ang kwento, kaya kuwento. Marahil ito ang wastong pagbaybay, subalit nasimulan ko na sa Taliba ang kwento, na marahil ay modernong baybay ng salita.

Bukod sa siyam na aklat na nabanggit ko, may iba pa akong aklat ng kuwento na nasa lalawigan, tulad ng Sa Aking Panahon, 13 Piling Katha (at Isa Pa!) ni Edgardo M. Reyes. Pati na ang aklat na 60-40 at Iba Pang Akda ni Mabini Rey Centenona natatandaan kong ang nagbigay ng Introduksyon sa libro ay si Liwayway Arceo. Tanda kong dito ko nabatid kung ano ang ibig sabihin ng balantukan, sa kuwentong Maghilom Ma'y Balantukan ni Centeno. Ibig sabihin, sugat na naghilom na sa labas, ngunit sariwa pa sa loob, tulad halimbawa ng karanasan sa pag-ibig at paghihiwalay.

Hindi ko na matandaan ang iba pang aklat na nabili ko na nasa lalawigan. Subalit dahil hindi ko hawak at wala sa aking aklatan ang mga iyon ay nabanggit ko na lang. Kung idadagdag pa ang dalawa, aba'y labing-isa pala ang aklat ko ng maikling kuwento.

Ano ba ang nasa maikling kuwento at bakit ko ba nakahiligan ang pagbabasa niyon? Una, lagi kong nababasa ang maikling kuwento sa magasing Liwayway, at sa totoo lang, mas kinagigiliwan kong magbasa ng maikling kuwento kaysa magbasa ng tula. Buhay na buhay kasi ang mga karakter at akala mo'y kuwento lang sa tabi-tabi kung saan ako naroon.

Ikalawa, nagbabasa ako ng maikling kuwento bilang paraan ko ng paghahasa ng sariling kakayahan, lalo na't may dalawang pahinang espasyong nakalaan sa maikling kuwento sa aming publikasyong Taliba ng Maralita.

Ikatlo, ang pagsusulat ko ng maikling kuwento ay bilang paghahanda sa mas mahaba-habang kuwento o nobela na maraming kabanata. Pangarap ko kasing maging nobelista balang araw. Sa mga susunod pang aakdaing sanaysay, balak kong isa-isahing talakayin ang mga aklat na ito ng maiikling kuwento.

Bagamat mas kinagigiliwan kong magbasa ng maikling kuwento kaysa tula, nais ko namang maghandog ng tula hinggil sa maikling kuwento.

SA PAGKATHA NG MAIKLING KUWENTO

maikling kuwento'y inaakda ko sa Taliba
na munting publikasyon ng samahang maralita
na kinagigiliwan kong isulat, di lang tula
at makabagbag-damdamin kung mabasa ng madla

maikling kuwento'y nakakatulong sa pagmulat
hinggil sa lipunan at mga isyung mabibigat
pinapaksa'y pakikibaka't pagsasabalikat
ng mga layunin laban sa isyung maaalat

di malagay sa Taliba ang maikling kuwento
kapag ang paksa'y di pangmaralita o obrero
sa blog ko na lang ng kuwento inilalagay ko 
nang matipon din at balang araw maisalibro

may nabili't natipon akong libro sa aklatan
hinggil sa maiikling kuwentong kagigiliwan
o marahil kuwentong ikagagalit mo naman
dahil kaytindi ng banghay at pagsasalarawan

maraming salamat sa mga aklat kong nabili
kaya sa pagbasa't pagsulat nito'y nawiwili
uupakan ko sa kuwento ang tuso't salbahe
habang bida naman ang dukha, obrero't babae

01.16.2024

Lunes, Enero 15, 2024

Ang frost o andap

ANG FROST O ANDAP
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang frost ba sa salitang Benguet ay andap? Ito ang nabasa ko sa balita sa pahayagang Abante, Enero 15, 2023, pahina 3. Ang balita ay may pamagat na "Mga Benguet farmer inalerto sa frost".

Ayon sa unang talata ng balita: "Naghahanda na ang mga magsasaka ng Atok, Benguet sa magiging epekto ng 'frost' o 'andap' dahil sa lalong tinatamaang lamig sa Benguet."

Tinanong ko si misis hinggil dito pagkat siya't taga-La Trinidad, Benguet, at ang mga ninuno'y taga-Mountain Province, at halos dalawang taon ding nagtrabaho sa Atok. Subalit hindi niya arok kung ano ang andap, pagkat ang alam din niya, ang andap ay salitang Tagalog, na ibig sabihin ay kutitap o patay-sindi. Nagagamit ko rin ang andap sa pagtula tulad ng aandap-andap ang buhay ng mahihirap.

Si misis ay Igorota subalit ang salita sa Atok, ayon sa kanya, ay Ibaloi. Nakakita na ako ng diksyunaryong Ibaloi, na makapal, subalit natatandaan ko'y nasa isang pinsan ni misis sa Baguio. Marahil pag nagawi uli kami roon ni misis ay titingnan ko muli ang diksyunaryong Ibaloi kung ano ang andap.

Nahanap ko naman sa facebook post ng PTV Cordillera na ginamit ang frost bilang andap, sa kanilang post noong Enero 10, 2021, tatlong taon na ang nakalipas. Ayon sa kanilang ulat: "Naitala ang 'andap' o frost sa Paoay, Atok, Benguet ngayong umaga kasabay pa rin ng pagbaba ng temperatura. Alas kwatro ng madaling araw kanina ay naitala ang 11 degrees celsius na temperatura sa Baguio City na sinundan ng 10.4 degrees celsius kaninang 6:30 ng umaga. Mas mababa naman ang temperatura sa mataas na bahagi ng Benguet."

Ibig sabihin, hindi typo error na ang frost ay andap kundi ito marahil ang native o taal na salita sa Benguet ng frost. Hindi natin ito makita sa UP Diksiyonaryong Filipino (UPDF), lalo na sa English-Tagalog Dictionary (ETD) ni Leo James English. Ang dalawang iyan kasi ang dalawang diksyunaryong nasa akin kaya sinasangguni ko. Bukod sa iba pang diksyunaryong maliliit na nasa akin. Sa UPDF naman ay may mga entri ng iba't ibang lengguwahe sa bansa, kaya nagbakasakali ako roon. May Ilokano, Kapampangan, Bisaya, Igorot, Meranaw, at iba pa.

Ayon sa ETD, pahina 393, ang frost ay frozen dew: Hamog na nagyelo. Namuong hamog.

Ayon naman sa UPDF, pahina 374, ang frost ay salitang Ingles na nangangahulugang 1: pamumuo o pagtigas dahil sa lamig; 2: lamig ng temperatura na sapat na makapagpayelo; 3: namuong hamog dahil sa lamig.

Ayon pa sa UPDF, pahina 53, ang andap ay 1: liwanag na malamlam, kukurap-kurap o patay-sindi; 2: {Sinaunang Tagalog] pagkurap ng mga mata. Sa kasunod na entri, ang andap din ay "takot". Kaya pala, may naririnig ako noong bata pa ako, pag sinabing "andap ka sa kanya, ano?", iyon pala'y takot ka sa kanya kaya iniiwasan mo siya.

Mas malinaw ang paliwanag sa www.cordillera.com sa kanilang post noong Enero ng taon 2020: Frost or 'andap' in local language is a yearly occurrence in the months of January or February. It usually occurred due to a cold temperature brought by the northeast monsoon or 'amihan'.

Kaya nang mabatid kong may lokal na salita sa frost, at ito nga ang andap (na marahil nga'y salitang Ibaloi), aba'y may magagamit na akong wikang katumbas ng frost para sa tula. Mahirap ding gamitin dahil nga may andap sa wikang Tagalog. Baka makalito lang. Subalit ginawan ko pa rin ng tula sa aking notbuk na nais kong ibahagi sa inyo:

ANG FROST O ANDAP

ang salin pala ng frost ay andap sa Atok, Benguet
nabasa sa ulat ni Atok Mayor Franklin Smith

nasa ten degrees Celsius na raw ang temperatura
na baka raw eight degrees Celsius ang ibababa pa

mga magsasaka roo'y pinaalalahanan
ang banta ng lumalamig na klima'y paghandaan

kaya maaga nilang didiligan ang pananim
upang matunaw ang yelo't di malanta ang tanim

sabi ni misis, ang andap ay salitang Ibaloi
kako naman, sana pananim nila'y di maluoy

naisip ko, buhay na kaylamig, aandap-andap
anong gagawin kung walang init na natatanggap

01.15.2024

Kung walang sagot, mali ba ang tanong?

KUNG WALANG SAGOT, MALI BA ANG TANONG?
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa Enero 14, 2024 isyu ng palaisipang Aritmetik sa pahayagang Pang-Masa, pahina 7, nakita kong walang sagot sa panglima ng walong tanong dito.

Sa instruksyon, ilagay ang product sa unang box o i-multiply. Sa ikalawa at ikatlo ang mga digit. At sa ikaapat ang sum o total.

Sa unang tanong, ito ang sagot: 6 x 13 = 78; 6 + 13 = 19.
Ikalawang tanong: 29 x 3 = 87; 29 + 3 = 32.
Ikatlong tanong: 21 x 4 = 84; 21 + 4 = 25.
Ikaapat na tanong: 18 x 3 = 54; 18 + 3 = 21.
Ikaanim na tanong: 4 x 4 = 16; 4 + 4 = 8.
Ikapitong tanong: 5 x 2 = 10; 5 + 2 = 7.
Ikawalong tanong: 25 x 6 = 150; 25 + 6 = 31.

Subalit hindi ko masagutan ng tama ang ikalimang tanong, kung ano ang dalawang digit, o factor na tatama sa product na 69, at sa sum na 29. Ang maaari lang sa 69 ay 23 x 3, subalit wala nang factor pa ang 23 kundi 23 x 1. 23 x 3 = 69. 23 + 3 = 26. Hindi sila nagtugma.

Sinubukan kong isa-isahin, at isinulat sa papel. Ang sum ng dalawang digit ay 29, kaya kung i-multiple ito, alin ang tatama sa 69?

15 x 14 = 210
16 x 13 = 208
17 x 12 = 204
18 x 11 = 198
19 x 10 = 190
20 x 9 = 180
21 x 8 = 168
22 x 7 = 154
23 x 6 = 138
24 x 5 = 120
25 x 4 = 100
26 x 3 = 78
27 x 2 = 54
28 x 1 = 28
29 x 0 = 0

Wala talagang tamang sagot kung whole number ang dalawang digit. Marahil ay may sagot kung dalawang fraction o dalawang decimal numbers na maaaring maging factor sa product na 69 o sum na 29. Subalit hindi ko na sinubukan dahil sa tagal kong nagsasagot ng Aritmetik ay pawang whole number ang sagot, at hindi fraction at hindi rin decimal. 

Hanapin ko man ang sagot sa kasunod na araw ng pahayagan, baka ang makita nating sagot ay hindi talaga 29 kundi 26 ang tanong. At typo error lang ito.

01.15.2024

P.S. Nakabili ako ng pahayagang Pang-Masa, Enero 15, 2024, p.7, at nakita nating typo error ang nakasulat. Tama ang factoring na 23 x 3 = 69, subalit mali ang sum, dahil nakasulat doon sa "Sagot sa nakaraan" na 23 + 3 = 29, imbes na 26.

Linggo, Enero 14, 2024

Ang pitong nobela ni Faustino Aguilar

ANG PITONG NOBELA NI FAUSTINO AGUILAR
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakabili ako noon ng aklat-nobelang Pinaglahuan ni Faustino Aguilar, na kulay pula ang pabalat. Bukod doon ay may iba pa pala siyang nobela. Ito'y ang Busabos ng Palad, Nangalunod sa Katihan, Sa Ngalan ng Diyos, Sa Lihim ng Isang Pulo, at Kaligtasan, na tinalakay bilang kabanata sa aklat. Mayroon pang Ang Patawad ng Patay, subalit nabanggit lang ito bilang huling nobela ni Aquilar, ngunit walang bukod na kabanata na tumalakay dito.

Nabatid ko ito nang mabili ko ang librong Faustino Aguilar: Kapangyarihan, Kamalayan, Kasaysayan, Isang Komentaryo sa mga Nobela ni Faustino Aguilar. Sinulat ito ni E. San Juan Jr. Nabili ko ang aklat sa Solidaridad Bookshop sa Ermita, Maynila sa halagang P500 noong Pebrero 11, 2022.

Ang nobelang Pinaglahuan ay sinulat niya noong 1906 at isinaaklat noong 1907. Nauna lang ng isang taon dito ang unang sosyalistang nobela sa bansa, ang Banaag at Sikat ni Lope K. Santos na nalathala ng serye noong 1905 sa pahayagang Muling Pagsilang bago isinaaklat noong 1906.

Ayon sa aklat ni San Juan, ang Busabos ng Palad ay nalathala noong 1909, at dalawang nobela ni Aguilar ang nalathala noong 1911, ang Sa Ngalan ng Diyos, at ang Nangaluhod sa Katihan.

Noong 1926 naman nalathala ang nobelang Ang Lihim ng Isang Pulo. Matapos ang halos dalawampu't limang taon ay magkasunod namang nalathala ang mga nobelang Kaligtasan (1951) at Ang Patawad ng Patay (1952).

Gustong-gusto ko ang sinabi ni San Juan sa kanyang Introduksyon sa aklat tungkol kay Aguilar: "Higit na karapat-dapat sa kaniya ang karangalang-bansag na "National Artist" kaysa sa mga ibang nagtamasa ng biyaya noon o ngayon."

Dagdag pa niya, "Opinyon ng piling dalubhasa na si Aguilar, sampu ng kaniyang mga kontemporaneo, ang pinakamasugid na "tagapaglahad ng katotohanan at tagamungkahi ng kalutasan" habang maalab niyang binuhay "ang pagdurusa ng kaluluwa" ng sambayanang Filipino."

Sino si Aguilar? Ito ang ilan sa isiniwalat ni San Juan hinggil sa talambuhay ni Aguilar: "Ipinanganak si Aguilar noong 15 Pebrero 1882 sa Malate at namatay noong 24 Hulyo, 1955 sa Sampaloc, Maynila. Naging kasapi siya ng Katipunan sa gulang na 14 taon. Di naglaon, nahirang siya  bilang kawani ng Kalihim ng Digmaan at Kalihim Panloob ng Republikang Malolos, kaya siya ibinilanggo ng mga Amerikano noong 1899."

Bilang manunulat, si Agular, ayon kay San Juan: "Naging editor siya ng seksyong Tagalog ng pahayagang La Patria at pangkalahatang editor ng pahinang Tagalog ng El Renacimiento. Siya ang kahuli-hulihang editor ng pahayagang Muling Pagsilang at naging editor ng pumalit na pahayagang Taliba."

Bilang manggagawa, si Aguilar naman ay: "Masigasig si Aguilar sa usaping pangmanggagawa. Hinirang siya bilang pangalawang direktor ng Bureau of Labor noong 1913 at pagkaraan umangat bilang direktor nito sa panahong 1918-1923. Naging kalihim siya ng Senado mula 5 Enero 1923 hanggang mabalik siya sa Kagawaran ng Paggawa at maging pangalawang kalihim sa mga taong 1933-1939. Ang mga huling katungkulan niya ay miyembro ng Board ng Rural Progress Administration noong Abril 1947 at ng Philippine Homesite and Housing Corporation."

Hinggil sa pitong nobela ni Aguilar, ayon pa kay San Juan, "Bagamat apat na nobela lamang ang naisaaklat, matayog at manining pa rin sa lahat ang kagalingan ni Aguilar sa uri ng sining na pinagsikhayan niya." Tinutukoy niya marahil sa apat na nang magsaliksik ako sa internet ay may larawan ng pabalat ng aklat - ang Pinaglahuan, Busabos ng Palad, Sa Ngalan ng Diyos, at Ang Lihim ng Isang Pulo. Ayon pa kay Sa Juan, "Pambihirang makakita ng lumang edisyon ng Ang Lihim ng Isang Pulo (1926) na itinuturing na pinakamasining sa paghawak ng dalisay na artikulasyon ng wika." Kung gayon, hindi pa naisaaklat ang mga nobelang Nangalunod sa Katihan, Kaligtasan, at Ang Patawad ng Patay? Nawa'y proyektuhin din itong malathala.

Mabuti't nakapagsulat si San Juan ng sinasabi niyang metakomentaryo sa mga nobela ni Aguilar. Kundi'y hindi natin mababatid na may iba pa pala siyang nobela bukod sa Pinaglahuan. Kailangan pa natin hanapin at basahin ang kanyang mga nobela upang mas malasahan pa natin ang himagsik ng kanyang panulat. Ito ang isa sa mga mithiin ko ngayon, ang basahin ang kanyang nobela at magbigay ng komentaryo, o kaya'y gawan ng sanaysay, ang mga ito.

Minsan, naiisip ko, magandang isalin sa Ingles ang lahat ng nobela ni Aguilar, subalit habambuhay itong gawain kung gagawin ko. Marahil isa o dalawa lamang ang kakayanin ko, kung sisipagin. At mailathala ang bersyong Ingles nito, halimbawa, sa Collins Classics sa Amerika. Gayunman, pangarap pa lang itong mananatiling pangarap kung hindi ako kikilos. Dapat mapagtuunan ito ng pansin at bigyan ng oras upang maisakatuparan.

Naisipan kong gawan ng tula ai Aguilar, tulang may tugma't sukat na labinlimang pantig bawat taludtod, bilang alay sa kanya.

FAUSTINO AGUILAR, NOBELISTANG MANGGAGAWA

Faustino Aguilar, magaling na nobelista
inilarawan ang lagay ng bayan sa nobela
ikinwento ang pagkaapi't himagsik ng masa
pati na ang kahilingang panlipunang hustisya

ang nobela'y Busabos ng Palad, Pinaglahuan,
Ang Patawad ng Patay, Nangalunod sa Katihan,
nariyan ang Sa Ngalan ng Diyos, ang Kaligtasan,
Ang Lihim ng Isang Pulo, sadyang makasaysayan

di dapat mawala na lang ang kanyang mga akda
lalo't nobela hinggil sa manggagawa't dalita
dapat siyang basahin at sa atin manariwa
ang lagay noon na hanggang ngayon ay di nawala

nagsamantala ang kapitalista't asendero
nilarawan niya noon ay di pa rin nagbago
may pagsasamantala pa rin sa dukha't obrero
hustisya noon ay panawagan pa ring totoo

maraming salamat, taoskamaong pagpupugay
kay Faustino Aguilar, na nobelistang tunay
basahin siya't samahan natin sa paglalakbay
hanggang mabago ang sistemang bulok at mabuway

01.14.2024