Miyerkules, Mayo 29, 2024

Kwento - Hindi Haka-Haka ang Kahirapan

MAIKLING KWENTO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

HINDI HAKA-HAKA ANG KAHIRAPAN

Nabalita sa mga komunidad ng maralita ang sinabi ni Larry Gadon, ang itinalaga ni BBM bilang Presidential Adviser on Poverty Alleviation o PAPA, na haka-haka lang daw ang kahirapan. Katwiran niya, hindi totoong naghihirap ang mga Pilipino, dahil malaki raw ang ibinaba ng poverty rate sa bansa, mula sa 24.7% ay naging 23.4% na lamang.

Inihalimbawa ni Gadon, kaya niya nasabing haka-haka ang sinasabing naghihirap daw ang mga Pilipino ay ang pagdagsa ng mga tao sa mall, at lagi raw puno ang mga fastfoods. Napakarami rin daw ng mga sasakyan sa kalsada. Dahil sa dami ng sasakyan, kaya nagtatrapik. Kaya sabi ni Gadon, maganda raw ang ekonomiya. Kaya haka-haka lang daw ng marami ang tungkol sa kahirapan. Hindi raw totoong may naghihirap.

Napag-usapan iyon sa maraming komunidad ng maralita. Tulad ng napag-usapan ng mga maralita sa Navotas. Ani Mang Igme, “Malala na ang kahirapan sa bansa ay mas malala pa itong si Gadon. Kung wala nang mahihirap sa bansa ay dapat na siyang umalis sa pwesto dahil ano pang silbi ng kanyang opisina kung wala na palang naghihirap?”

Sumagot din si Aling Isay, “Aba’y hindi siya bumababa sa komunidad at nasa de-erkon lang siyang opisina. Hindi ba niya nakikita ang mga nakatira sa ilalim ng tulay na tinatawag na bat people, at mga walang bahay na nakatira lang sa mga kariton? Habang hindi niya sinasabing may naghihintay na mga maralita sa mga tirang pagkain ng mga kostumer sa fastfood tulad ng Jollibee at McDo upang gawing pagpag. O yaong lulutuin muli ng maralita ang tinapong pagkain upang kanilang kainin. Iyan ba ang haka-haka lang ang kahirapan? ”

Pati si Mang Inggo ay napatanong, “Anong batayan niya kundi ang datos na hindi natin nararamdaman. Bumaba raw ang poverty rate mula  24.7% sa 23.4% subalit baka ang mga numerong ito’y haka-haka lamang, dahil di natin alam paano nila ito sinukat kaya di natin ramdam.”

Nagmungkahi naman si Aling Ising, “Mabuti pa’y maglakad-lakad siya sa komunidad ng maralita. Baka lagi na lang siyang nakakotse at di sumasakay ng dyip. Baka nga kaya hindi siya makatapak sa mga lugar ng iskwater ay nandidiri siya sa ating mga mahihirap. Bumaba siya upang makita talaga niya ang totoong kalagayan nating mga mahihirap!”

“Maganda ang mungkahi ni Aling Ising,” ani Mang Igme, “Bakit hindi natin siya hamuning bumaba sa mga tinatawag na slum area upang makita niya ang totoong kalagayan ng mga maralita.”

“Paano?” Tanong ni Aling Isay.

“Kausapin natin sina Ka Kokoy ng samahang KPML o Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod upang ralihan si Larry Gadon, at hamunin siyang bumaba sa ating mga lugar.”

“Bakit pa? Sisikat lang iyon! Sinupalpal na nga iyan ni Ka Luke Espiritu sa debate, papatulan pa natin?” Sabi naman ni Mang Inggo.

“Oo nga.” Susog ni Aling Isay.

“Nais kasi nating ilantad pa siyang lalo, na ang tulad niya’y hindi dapat malagay sa pwesto sa gobyerno. Pupuntahan ko muna si Ka Kokoy bukas din.” Ani Mang Igme.

Kinabukasan, pagtungo ni Mang Igme sa pwesto ni Ka Kokoy sa palengke ay pinag-usapan nila ito. Nabatid ni Mang Igme, na nagpadala na si Ka Kokoy ng pahayag sa midya na hindi totoo ang sinasabi ni Gadon na wala nang mahihirap. Iba pa kung maglulunsad sila ng pagkilos, tulad ng rali sa harap ng tanggapan ni Gadon.

Napag-usapan nilang magkaroon muna ng talakayan at pag-aaral sa iba’t ibang lugar bago maglunsad ng pagkilos, tulad ng ARAK (Aralin sa Kahirapan) LSK2 (Lunas sa Kahirapan, Landas sa Kaunlaran), at iba pang isyu ng maralita, tulad ng karapatan sa pabahay. 

Gayunman, nais pa rin ni Mang Igme na maikasa ang isang pagkilos upang tuligsain ang sinabi ni Gadon. Kaya napapayag si Ka Kokoy sa kanyang suhestiyon. Matapos ang pag-uusap, nagtakda na sila ng pagkilos sa Miyerkules sa harap ng tanggapan ni Gadon.

Dumating ang araw ng Miyerkules, nasa limampung maralita ang lumahok sa pagkilos. Nagsalita si Mang Igme gamit ang megaphone.

“Sekretaryo Gadon, hinahamon ka naming pumunta sa lugar ng mga iskwater upang makita mo ang totoong kalagayan ng mahihirap!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Mayo 16-31, 2024, pahina 18-19.

Biyernes, Mayo 17, 2024

Ang dalawang edisyon ng aklat na "Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula"

ANG DALAWANG EDISYON NG AKLAT NA "JOSE CORAZON DE JESUS: MGA PILING TULA"
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mayroon na akong dalawang edisyon ng aklat na "Jose Corazon de Jesus" Mga Piling Tula" na ang pagitan ng pagbili ko sa mga ito ay dalawampung taon at apat na buwan. Ang editor ng mga nasabing aklat ay si National Artist for Literature Virgilio S. Almario.

Ang unang edisyon, na may paunang salita ng namayapa nang dating Senador Blas F. Ople, ay nabili ko sa halagang P250.00 sa National Book Store sa Gotesco Grand Central sa Lungsod ng Caloocan noong Disyembre 23, 2003. May sukat itong 5 3/4 x 8 3/4, may kapal na kalahating pulgada, at binubuo ng 252 pahina, 200 pahina ang nasa Hindu-Arabic numeral habang 52 pahina ang naka-Roman numeral.

Ang ikalawang edisyon naman ay nabili ko sa halagang P350.00 noong Abril 17, 2024, sa Gimenez Gallery ng UP Diliman, habang inilulunsad doon ang 50th UMPIL National Writers Congress at ika-37 Gawad Pambansang alagad ni Balagtas. May sukat itong 5 3/4 x 8 3/4, may kapal na 7/8 pulgada, at binubuo ng 270 pahina, 260 pahina ang nasa Hindu-Arabic numeral habang 10 naman ang bumubuo sa pahinang pampamagat, karapatang-sipi at talaan ng nilalaman.

Sa pabalat ng unang edisyon ay tatlo ang litrato ni de Jesus, habang isang litrato na lang sa binagong edisyon.

Sa unang edisyon, ang pambungad ni Almario, na may pamagat na "Mga Kuwintas ng Bituin at Luha: Isang Pagbabalik sa Buhay at Tula ni Jose Corazon de Jesus" ay nagsimula sa pahina xiii at nagtapos sa pahina l, o pahina 13 hanggang 50. Kaya 38 pahina iyon (50 - 13) + 1 = 38.

Sa ikalawang edisyon, nagkaroon ng mga dagdag o inapdeyt ni Almario ang pambungad, subalit umabot na lamang iyon ng 33 pahina, dahil mas maliit ang sukat ng font nito kumpara sa unang edisyon. Nakalagay din sa dulo niyon:

Unang bersiyon: 9 Oktubre 1984
Binago: 22 Oktubre 2022

Gayunpaman, napansin ko sa ikalawang edisyon na may ilang natanggal na tula mula sa unang edisyon.

Suriin natin ang talaan ng nilalaman. Hinati sa apat na kabanata ang mga tula, na nilagyan ng pamagat:

Ibong Asul - 32 tula sa unang edisyon; 29 tula sa ikalawang edisyon; 3 tula ang nawala

Ang Pamana - 38 tula sa unang edisyon; 32 tula sa ikalawang edisyon; 6 na tula ang nawala

Sa Siyudad ng Ilaw - 32 tula sa unang edisyon; 24 tula sa ikalawang edisyon; 8 tula ang nawala

Bayan Ko - 29 tula sa unang edisyon; 27 tula sa ikalawang edisyon; 2 tula ang nawala

Kung isasama ang pambungad na tulang Paghahandog na nasa una't ikalawang edisyon, na hindi kasama sa mga nabanggit na kabanata, ang unang edisyon ay binubuo ng 132 tula, habang ang ikalawang edisyon ay binubuo na lamang ng 113 tula, at 19 na tula ang tinnggal sa ikalawang edisyon.

Kaya maganda pa ring mayroon ako ng unang edisyon dahil mababasa ko pa rin ang nawalang 19 na tula sa ikalawang edisyon.

Kumatha ako ng munting tula hinggil dito:

ANG AKLAT NG MGA TULA NI HUSENG BATUTE

mayroon na akong / dalawang edisyon
ng aklat ng tula / ni Jose Corazon
de Jesus, tunay na / naging inspirasyon
sa tugma't sukat na / dito natitipon

ngunit una'y tila / iba sa ikalwa
pagkat labingsiyam / na tula'y wala na
siya namang aking / ipinagtataka
na tulang nawala'y / wala ring kapara

gayunman, saludo / pa rin kay Sir Rio
siyang nagsaliksik / at nagtipon nito
nagkaroon tayo / ng nasabing libro
mga tulang ginto / bagamat di puro

tanging masasabi'y / maraming salamat
mga tula rito'y / nakapagmumulat
tulang Manggagawa'y / inspirasyong sukat
na paborito kong / agad nadalumat

05.17.2024

"Babae na" o "Babaeng", "Dalagita na" o "Dalagitang"?

"BABAE NA" O "BABAENG", "DALAGITA NA" O "DALAGITANG"?
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa pahayagang Pilipino Star Ngayon (PSN) na may petsang Mayo 17, 2024, may dalawang pamagat ng balita o artikulong nakakuha ng aking atensyon. Ang una ay may pamagat na "Babae na maraming pinaretoke para gumanda, tumunog sa airport scanner ang mga 'turnilyo' sa kanyang mukha", pahina 5. Ang ikalawa ay may pamagat na "Dalagita na nais kumalas sa nobyo, pinatay" na nasa pahina 9..

Hindi ko na tatalakayin ang nilalaman ng balita, kundi ang paggamit ng sumulat sa pang-angkop na "na" at "ng".

Parang hindi Pinoy o marahil ay gumamit ng google translate o artificial intelligence (AI) ang nagsalin ng pamagat ng unang artikulo. Makiikita mo agad ito sa "Babae na" na dapat ay "Babaeng" kung Pinoy talaga ang sumulat. Mas maayos na pamagat ay "Babaeng maraming pinaretoke para gumanda..." O mas mainam pa, "Babaeng maraming pinaretoke upang gumanda..."

Marahil ay Pinoy naman ang nagsulat ng ikalawang artikulo dahil ang lunan ng pinangyarihan ng balita ay Tanauan City sa Batangas, subalit parang isinalin din lang ang balitang marahil ang orihinal ay nasa wikang Ingles. Dahil kung Pinoy talaga ang manunulat nito, dapat ang pamagat ay "Dalagang nais kumalas sa nobyo, pinatay."

Sa google translate ay hindi niya kayang magsalin ng "Babaeng... at "Dalagang..." dahil nga verbatim o word by word ito nagsasalin, kaya masasabi mong Barok ang pagkakasalin.

Magandang sangguniin natin ang Balarila ng Wikang Pambansa ni Lope K. Santos, sa Kabanata IX. Ang mga Pang-angkop, pahina 105-107. 

(a) Kapag ang unang salita'y nagtatapos sa katinig, maliban sa n, anyong "na" ang ginagamit, at isinusulat nang hiwalay.

masipag na tao
pag-ibig na nabigo
sumusulat na madalas

(b) Kapag ang huling titik ng unang salita ay patinig, anyong "ng" ang ikinakabit sa hulihan ng tinurang salita. Halimbawa:

masayang mukha (hindi masaya na mukha)
ugaling pangit (hindi ugali na pangit)
tayong mga Pilipino (hindi tayo na mga Pilipino)

(K) Kapag titik n ang huling titik, anyong g ang ikinakabit.

mahinahong magsalita (hindi mahinahon na magsalita)
bayang magiliw (hindi bayan na magiliw)
kabuhayang maralita (hindi kabuhayan na maralita)

Kaya nga ang pamagat ng dalawang artikulo ay hindi maayos, dahil dapat mas ginamit ang "Babaeng..." imbes na "babae na..." at "Dalagitang..." at hindi "Dalagita na..."

May sinabi pa si LKS hinggil dito, sa pahina 107, "Subalit ang mga kalayaang ito ay karaniwang di nagpapakilala ng kalinisan ng pananalita; kaya't hangga't maiiwasan ay di dapat gamitin ng nagsasalita, sumusulat o tumutula, kundi kung totoo na lamang kailangan o siyang nababagay kaysa sa himig ng pagsasalita."

Kumatha ako ng tula hinggil sa usaping ito"

HINGGIL SA PAMAGAT NG BALITA

may napuna akong dalawang barok na titulo
sa iisang diyaryo, lalo sa paggamit nito
ng "na" imbes idikit ang "ng" sa unang salita
tulad ng "babae na" imbes "babaeng" na tama

dapat inaaral ng mismong mga nagsusulat
ang balarila natin lalo't kita sa pamagat
kung barok o hindi, kung salin iyon mula google
o isinalin ng A.I., dapat ito'y mapigil

bagamat wikang pambansa'y tuluyang umuunlad
ay huwag hayaan ang mga barok na palakad
tulad ng gamit ng "kina" na ginagawang "kila"
huwag magsawang punahin ang maling nakikita

05.17.2024

* mga litrato'y kuha ng may-akda

Lunes, Mayo 13, 2024

Xanadu

XANADU
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

May awitin noon si Olivia Newton-John na ang pamagat ay Xanadu. Pamilyar pa ako hanggang ngayon sa tono ng nasabing awit.

Hanggang sa mabili ko sa Fully Booked ang aklat na Khubilai Khan, Lord of Xanadu, Emperor of China, na inakda ni Jonathan Clements.

Binalikan ko ang liriko ng awit. Narito ang ilang talata:

A place where nobody dared to go
The love that we came to know
They call it Xanadu (it takes your breath and it'll leave you blind)
And now, open your eyes and see
What we have made is real
We are in Xanadu (you dream of it, we offer you)
A million lights are dancing and there you are, a shooting star
An everlasting world and you're here with me, eternally
Xanadu, Xanadu
(Now we are here) in Xanadu

Isinalin ko ito sa wikang Filipino:

Isang lugar kung saan walang nangahas pumunta
Ang pag-ibig na ating nabatid
Tinatawag nila iyong Xanadu (tangay nito ang iyong hininga't iiwan kang bulag)
At ngayon, buksan mo ang iyong mga mata at tingnan
Kung ginawa natin ay totoo
Tayo'y nasa Xanadu (pinangarap mo ito, iniaalok namin sa iyo)
Isang milyong ilaw ang sumasayaw at narito ka, isang bulalakaw
Isang mundong walang hanggan at narito ka sa piling ko, magpakailanman
Xanadu, Xanadu
(Narito na tayo ngayon) sa Xanadu

Tila baga ang Xanadu na tinutukoy sa awit ay isang paraiso ng pag-ibig na walang nangahas magpunta dahil marahil malayo sa tunay na daigdig. O kaya'y isang lungsod ng mga ilaw na nasa kalawakan.

Subalit ang apo ni Genghis Khan, pinuno ng Mongolia noon, na si Khubilai Khan, ayon sa aklat na nabili ko, ay Lord of Xanadu, Emperor of China, o Panginoon ng Xanadu, Emperador ng Tsina. Nasa loob ba ng Tsina ang Xanadu, o nasa katabing lugar nitong Mongolia?

Naging duguan ba ang lupa ng Xanadu dahil sa pananakop nina Genghis Khan, at sumunod ay ang kanyang apong si Khubilai Khan? Sa awit, ang Xanadu ay isang lugar na hindi mapuntahan. Marahil, dahil ba isa na itong malawak na sementeryo na kayraming pinaslang ang hukbong pinamunuan ni Khubilai Khan? Ano ang itsura ng Xanadu ni Khubilai Khan?

Ayon sa Wikipedia (https://en.wikipedia.org/wiki/Xanadu), Xanadu may refer to: Shangdu, the summer capital of Yuan dynasty ruled by Khubilai Khaan, grandson of Genghis Khaan.
- a metaphor for opulence or an idyllic place, based upon Samuel Taylor Coleridge's description of Shangdu in his poem Kubla Khan

(Ang Xanadu ay maaaring tungkol sa: Shangdu, ang summer capital ng Yuan dynasty na pinamumunuan ni Khubilai Khaan, apo ni Genghis Khaan.
- isang metapora para sa karangyaan o isang lugar na may kaaya-ayang pamumuhay, batay sa paglalarawan ni Samuel Taylor Coleridge sa Shangdu sa kanyang tulang Kubla Khan

Ayon muli sa Wikipedia (https://en.wikipedia.org/wiki/Shangdu): Ang Xanadu o Shangdu ay matatagpuan sa kasalukuyang Zhenglan Banner, sa loob ng Mongolia. Noong Hunyo 2012, ginawa itong World Heritage Site para sa makasaysayang kahalagahan nito at para sa kakaibang paghahalo ng kulturang Mongolyano at Tsino.

Inilarawan din ito ng makatang si Samuel Taylor Coleridge sa kanyang tulang Kubla Khan, na ang unang talata ay ito:

In Xanadu did Kubla Khan
A stately pleasure-dome decree:
Where Alph, the sacred river, ran
Through caverns measureless to man
Down to a sunless sea.
So twice five miles of fertile ground
With walls and towers were girdled round;
And here were gardens bright with sinuous rills
Where blossom'd many an incense-bearing tree;
And here were forests ancient as the hills,
Enfolding sunny spots of greenery.

Balak kong isalin sa wikang Filipino ang buong tula ni Coleridge na nasa limampu't apat na taludtod. Subalit hindi pa magawa ngayon. Gayunpaman, nakahilera na ito sa aking mga planong tulang salin.

Sa ngayon, nais ko munang kumatha ng tula hinggil sa Xanadu:

XANADU

isang awiting narinig noon
inawit ni Olivia Newton-John
nakahahalinang dinggin iyon
pagkat mapapaindak ka roon

ang Xanadu'y isang lugar pala
tawag din ay Shangdu sa Mongolia
doon si Kubla Khan nakilala
at si Genghis Khan ay lolo niya

nakabili nga ako ng libro
naakit na ako ng titulo
ang "Khubilai Khan, Lord of Xanadu"
aba'y Xanadu, pamilyar ako

babasahin ko ang talambuhay
ni Khubilai Khan, at magninilay
ang Xanadu ba kung malalakbay
ay mapuntahan ko kayang tunay?

05.13.2024

Sabado, Mayo 4, 2024

Ang makakalikasang paalala sa PNU

ANG MAKAKALIKASANG PAALALA SA PNU
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa ikaanim na araw ng burol ng aking ama, ako'y lumuwas muna ng Maynila upang daluhan ang isang kaganapan sa Edilberto P. Dagot Hall ng Philippine Normal University (PNU) noong Abril 17, 2024, araw ng Miyerkules. Dinaluhan ko roon ang Lektura at Paglulunsad ng Modyul sa Pagtuturo ng Filipino Bilang Pangalawang Wika mula alauna hanggang alas-singko ng hapon.

Nakabili rin ako roon ng tatlong aklat ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), pangunahin na ang aklat na inilunsad ng araw na iyon - ang Modyul sa Pagtuturo ng Filipino Bilang Pangalawang Wika; ang KWF Manwal sa Masinop na Pagsulat, Ikalawang Edisyon, at ang Tandang Bato, Ang mga Manunulat sa Aking Panahon, ni Efren R. Abueg. Nabigyan pa ako ng KWF ng dalawang Komplimentaryong Kopya ng babasahin - ang Rubdob ng Tag-init, na salin ng akda ni Nick Joaquin, at ang Purism and "Purism" in the Philippines. na akda ni national artist Virgilio S. Almario.

Nagsimula at natapos ang programa, at napakinggan ang mga tagapagsalita, ay naroroon ako at matamang nakinig. Nagkausap pa kami roon ng musikero at propesor na si Ka Joel Malabanan, at napag-usapan namin ang hinggil sa gawaing pagsasalin bago magsimula ang programa. Ikalima ng hapon, nang ako'y papalabas na ng PNU ay nakita ko sa gate ang isang karatulang nagsasabing: "Philippine Normal University prohibits usage of single-use plastics (BOR Resolution No. U-2883, s.2018)".

Wow! Bigat! Talagang makakalikasan ang panawagang iyon. Kaya agad akong nag-selfie sa karatulang iyon. Paglabas ko roon ay bumiyahe na ako ng probinsya dahil kinabukasan na ang libing ng aking ama. Mabuti't naisingit ko ang pagtungo sa PNU na nagbigay sa akin ng bagong kaalaman nang araw na iyon.

Dahil dito'y kumatha ako ng maikling tula.

ANG MAKAKALIKASANG PAALALA SA PNU

pagsaludo'y alay sa magaling na paaralan
nang makita ang karatulang makakalikasan
bawal doon ang single-use plastics o kaplastikan
nang estudyante't buong eskwela'y maprotektahan

ang mga single-use plastic kasi'y di nabubulok
isang gamitan lang ay basura nang inilugmok
bilin iyon sa estudyante't gurong dapat arok
at sa sambayanang asar sa pulitikong bugok

sa Philippine Normal University o P.N.U.
ako'y karaniwang taong sa inyo po'y saludo
patakarang sana'y tumagos sa puso ng tao
upang single-use na plastik ay mawala sa mundo

ang inyo pong halimbawa'y paglilingkod na tunay
sa bayan, paaralan, lansangan, pamilya, bahay
maraming salamat po, mabuhay kayo! Mabuhay!
ako po sa inyo'y taas-kamaong nagpupugay!

05.04.2024

* mga litrato'y selfie ng makatang gala sa loob ng PNU, Abril 17, 2024

350 klasikong kwento ang babasahin

350 KLASIKONG KWENTO ANG BABASAHIN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pitong aklat na may limampung kwento bawat isa ang aking nabili nitong nakaraan lamang sa National Book Store. Nagkakahalaga ng P245.00 bawat isa, kaya P245.00 x 7 - P1,715.00 sa kabuuan. Subalit hindi ito isang bilihan, dahil pinag-ipunan ko muna ang mga ito hanggang sa makumpleto. Isa muna sa una, dalawa sa pangalawang bili, dalawa uli sa ikatlong bili, at dalawa sa ikaapat na bili.

Una kong nabili ang 50 Greatest Short Stories. Nakita ko rin ang iba pa. Hindi ko muna ipinagsabi at baka maunahan. Kaya pinuntirya ko talaga ang mga ito. Nag-ipon na ako, lalo na't mga klasikong kwento ito sa panitikang pandaigdig.

Ikalawa kong binili ang 50 Greatest Love Stories at ang 50 Greatest Detective Stories. Naghalungkat pa ako kung mayroon pa ba itong mga kasama, at nakita ko nga ang 50 Greatest Horror Stories na sa susunod kong punta na bibilhin.

Ikatlong pagpunta sa National Book Store ay binili ko na ang 50 Greatest Horror Stories at nakita ko pa ang 50 Creepy and Blood-Curdling Tales na aking isinabay na rin, na pawang dalawang aklat ng katatakutan. Iniisip ko ring magsanay ng paggawa ng maikling kwentong katatakutan noon, dahil nakapagbabasa na ako ng maiikling kwentong katatakutan, tulad ng mga kwento ni Edgar Allan Poe.

Ikaapat na bili ay dalawa uli. Ito ang 50 Strange and Astonishing Tales, na hinggil sa mga kababalaghan, at ang 50 Tales of Valour, Victory and the Vanquished, na mga kwento hinggil sa digmaan, kabayanihan, at namatay sa labanan.

Ang naglathala ng pitong aklat na ito'y ang Rupa Publications India Pvt. Ltd, 7/16 Ansari Road, Daryaganj, New Delhi 110002. Sa bawat aklat ay nasusulat din ang Printed in India. Bagamat iba-iba ang taon ng pagkalathala.

Pawang naglalaman ng mga akda ng mga klasikong manunulat, tulad nina Edgar Allan Poe, Guy de Maupassant, Sir Arthur Conan Doyle, Virginia Woolf, Rudyard Kipling,  H. G. Wells, Bram Stoker, Joseph Conrad, Jack London, Stephen Crane, Ernest Hemingway, at marami pang idolo ko sa pagsusulat.

Hindi makakaya kung bawat gabi ay magbabasa ng isang kwento dahil na rin sa maraming gawain. Subalit halimbawang makatapos ka ng isang kwento sa bawat gabi, at sunod-sunod na gabi, mababasa mo ito sa loob ng labing-isang buwan at labinlimang araw (350 kwento sa 350 araw) o kulang ng kalahating buwan sa isang buong taon (365 araw) ay matatapos mong basahin ang lahat ng kwento.

365 araw kada taon - kulang pa ng 15 kwento para sa isang buong taon. Nais kong makakatha rin ng mga kwentong ganito na pawang may lalim at naging klasiko na. Sa ngayon ay nalalathala ang aking mga kinathang maikling kwento, o dagli, sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), na hinggil naman sa napapanahong mga isyu ng mga maralita't manggagawa.

Kaya ang pagbabasa ng pitong aklat na nabanggit ay dapat bigyan ng panahon upang mas malinang pa ang aking kakayahang magsulat ng kwento. Kaya hindi lamang ang mga ito koleksyon ko sa munti kong aklatan kundi mapag-aralan din ang mga estilo ng mga klasikong manunulat, at makalikha rin ng mga akdang baka maging klasiko rin sa kalaunan 

Ginawan ko ng munting tula ang usaping ito.

PITONG AKLAT NG KWENTO

pitong aklat ng maikling kwento ang nabili ko
limampung kwento ang nilalaman ng bawat libro
na pinag-ipunan upang mabili kong totoo
at mailagay sa aklatan at mabasa ito

una kong binili ang 50 Greatest Short Stories
sunod ay pinag-ipunan ang librong ninanais
sa pangalawang bili'y 50 Greatest Love Stories
na kasabay ng 50 Greatest Detective Stories

katatakutan ang 50 Greatest Horror Stories
pati ang aklat na 50 Creepy and Blood-Curdling Tales
sunod na bili'y 50 Strange and Astonishing Tales 
at ang 50 Tales of Valour, Victory and the Vanquished

limampung kwento ang nilalaman ng bawat aklat
tatlong daan at limampung kwento ang mabubuklat
at mababasa, bawat isa nawa'y madalumat
mabatid ang estilo ng klasikong manunulat

mga ito'y iba't ibang genre kung tutuusin
kayraming awtor at estilong pagkamalikhain
mga kwento'y nanamnamin, alamin at aralin
kung nais magpakabihasa sa kwento'y basahin

pagkatha ng maiikling kwento'y paghuhusayan
hinggil sa isyu ng api't pinagsamantalahan
kakathai'y kwento ng dukha, manggagawa't bayan
upang makatulong sa pagmulat sa sambayanan

05.04.2024

* litratong kuha ng makatang gala, Mayo 4, 2024

Huwebes, Mayo 2, 2024

Kurus, at hindi krus, ang nasa tulang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus

KURUS, AT HINDI KRUS, ANG NASA TULANG MANGGAGAWA NI JOSE CORAZON DE JESUS
Maikling talakay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Marami ang nagkakamali ng pagkopya sa tulang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus, ang dakilang makata ng ika-20 siglo, at naging Unang Hari ng Balagtasan sa bansa.

Lalo na't sasapit ang Mayo Uno, ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa, sinisipi nila ng buo ang tulang Manggagawa, subalit nagkakamali na sila ng pagsipi sa salitang "kurus" na ginagawa nilang "krus" sa pag-aakalang mali o typo error ang pagkatipa.

Subalit kung susuriin natin ang buong tula, binubuo ito ng labing-anim na pantig bawat taludtod, na may sesura o hati sa ikawalong pantig. Kaya sa ikalabindalawang taludtod ay sakto sa ikawalong sesura ang "kurus".

hanggang hukay ay gawa mo (8 pantig)
ang kurus na nakalagay (8 pantig)

Halina't balikan natin ang nasabing tula, na nasa aklat na "Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula",  Binagong Edisyon, pahina 145, na nilathala ng San Anselmo Press noong 2022.

Lagyan natin ng slash o paiwa (/) sa ikawalong pantig o sesura upang makita natin ang bilang ng mga pantig.

Manggagawa
by José Corazón de Jesús

Bawat palo ng martilyo / sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, / alitaptap sa kadimlan;
mga apoy ng pawis mong / sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa / nitong buong Santinakpan.
Nang tipakin mo ang bato / ay natayo ang katedral
nang pukpukin mo ang tanso / ay umugong ang batingaw,
nang lutuin mo ang pilak / ang salapi ay lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo, / kaya ngayon'y nagyayabang.
Kung may ilaw na kumisap / ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, / tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata / ay kamay mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo / ang kurus na nakalagay.
Kaya ikaw ay marapat / dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari / nitong buong Kabihasnan.
Bawat patak ng pawis mo'y / yumayari ka ng dangal,
dinadala mo ang lahi / sa luklukan ng tagumpay.
Mabuhay ka nang buhay na / walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot / nitong mundo pag namatay.

Inulit din ng makatang Jose Corazon de Jesus sa isa pa niyang tula ang pagkakagamit sa salitang "kurus".

Sa isang mahaba at dating kalsada
ang kurus sa Mayo ay aking nakita.
O, Santa Elena!
Sa buhok, mayroong mga sampagita;
sa kamay may kurus siyang dala-dala
ubod po ng ganda.

- unang saknong ng tulang Gunita sa Nagdaang Kamusmusan mula sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, pahina 91

Suriin pa natin ang mga tula ng tatlo pang makatang halos kasabayan ni de Jesus, tulad nina Gat Amado V. Hernandez, na naging Pambansang Alagad ng Sining noong 1973, makatang Florentino T. Collantes, na nakalaban ni de Jesus sa unang Balagtasan noong 1924, at makatang Teo S. Baylen, sa paggamit nila ng salitang "kurus" imbes na "krus".

ANG PANAHON
ni Gat Amado V. Hernandez

Kurus na mabigat / sa ayaw magsakit
ligaya sa bawa't / bihasang gumamit;
pagka ang panaho'y / lagi nang katalik
ay susi sa madlang / gintong panaginip.

- ikawalong saknong ng 16 na saknong na tulang Ang Panahon ni Gat Amado V. Hernandez, mula sa aklat na Amado V. Hernandez: Tudla at Tudling, pahina 370

ANG LUMANG SIMBAHAN
ni Florentino T. Collantes

Sa isang maliit / at ulilang bayang
pinagtampuhan na / ng kaligayahan
ay may isang munti / at lumang simbahang
balot na ng lumot / ng kapanahunan.
Sa gawing kaliwa / may lupang tiwangwang
ginubat ng damo't / makahiyang-parang.
Sa dami ng kurus / doong nagbabantay
makikilala mong / yaon ay libingan.

- unang saknong ng 17 saknong na tulang Ang Lumang Simbahan, mula sa aklat na Ang Tulisan at Iba Pang Talinghaga ni Florentino T. Collantes, pahina 167

TATLONG KURUS SA GOLGOTA
ni Teo S. Baylen

Ikaw, ako't Siya / ang kurus sa Bundok,
Isa'y nanlilibak, / nanunumpang lubos;
Isa'y nagtitikang / matapat at taos,
At nagpapatawad / ang Ikatlong Kurus!

- mula sa aklat na Tinig ng Darating ni Teo S. Baylen, pahina 53

Marami pang makata noong panahon bago manakop ang Hapon ang sa palagay ko'y ganito nila binabaybay ang salitang "kurus". Gayunman, marahil ay sapat na ang ipinakitang halimbawa ng apat na makata upang maunawaan nating "kurus" na dalawang pantig at hindi "krus" ang pagbaybay ng mga makata noon ng salitang iyon.

Kaya napakahalagang maunawaan ng sinuman, lalo na kung kokopyahin ang mga tula ng mga sinaunang makata para ipalaganap, na may patakaran sa panulaang Pilipino na tugma't sukat (may eksaktong bilang ang bawat pantig), bukod pa sa talinghaga't indayog. Unawain natin at huwag basta baguhin ang kanilang tula dahil lang akala natin ay mali o typo error.

Lalo na pag sasapit ang Mayo Uno, ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa, na muling inilalathala ng mga kasama sa kilusang paggawa ang tulang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus, sa kanilang account sa pesbuk o anumang social media.

05.02.2024

Bakit daw umiinom ng mainit na kape ang matanda?

BAKIT DAW UMIINOM NG MAINIT NA KAPE ANG MATANDA?
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

May nakapagkwento sa aking isang nasa pitumpung gulang na matandang lalaki kung bakit kapeng mainit agad ang iniinom niya sa umaga. Minsan ay sa hapon at sa gabi. Aniya, bukod sa nakasanayan na niya, at maganda sa katawan, ang mainit na kape rin daw ang nagtatanggal ng mga nakabarang taba sa ugat.

Napatanong tuloy ako ng paano po.

Ang tugon niya, pagmasdan mo ang mamantika o sebo pag nilagay mo sa ref ang natira mong adobo, hindi ba't namumuo. Subalit pag ininit mo ang adobo, ang sebong namuo ay natutunaw. Ganyan din ang sebo sa ating mga ugat, lalo na't mahilig tayong kumain ng karne, tulad ng litson at adobo, matutunaw din at lalabas sa ating katawan ang mga sebong iyon. Kaya mahalaga talaga ang uminom lagi ng kapeng mainit. Sa umaga man, sa tanghali, hapon o gabi.

Napatango naman ako, bagamat wala pa akong nababasang ganoon sa aklat, pahayagan, o maging sa mga scientific journal.

Nang makauwi ako ng bahay, naalala ko ang kwento ng matanda dahil pinainit ni misis ang nakalagay sa ref na natirang adobong baboy. Nakita kong may namuong sebo. At nang aking painitin sa kalan, talaga namang natunaw ang sebo, at muling naging mantika.

Tunay nga kaya ang teorya ng matanda hinggil sa mainit na kape? Wala namang mawawala kung paniwalaan ko. Huwag lang lalagyan ng maraming asukal ang kape dahil baka lumala ang diabetes kung meron ka niyon.

Kumatha ako ng tula hinggil sa usapang iyon.

ANG TEORYA NG MATANDA SA MAINIT NA KAPE

kinwento sa akin ng isang matanda kung bakit
palagi niyang iniinom ay kapeng mainit
may teorya siyang sa balikat ko'y nagpakibit
na marahil ay tama kung iisipin kong pilit

pantanggal daw ito ng sebo sa ating katawan
masdan mo raw ang adobong nanigas nang tuluyan
nang nilagay na sa ref at talagang nalamigan
namuo ang sebo, at natunaw nang mainitan

ganyan din daw pag katawan nati'y puno ng sebo
na sa mainit na kape'y matatanggal nang todo
sa kanya ko lamang narinig ang teoryang ito
na di ko pa nabasa sa dyaryong siyentipiko

wala bang mawawala kung sundin ko ang sinabi?
basta huwag lang sobrahan ang asukal sa kape
kahit paano'y lohikal din ang kanyang mensahe
heto, kapeng barako'y iniinom ko na dine

05.02.2024

* mga litratong kuha ng makatang gala