Biyernes, Nobyembre 29, 2024

Balagtas mula bagtas, kalamyas mula kamyas

BALAGTAS MULA BAGTAS, KALAMYAS MULA KAMYAS

Sa lalawigan ni Itay sa Batangas, ang tawag sa bungang KAMYAS ay KALAMYAS na madalas isahog sa sinaing na tulingan. Nadagdagan ng "la" ang KAMYAS. Kumbaga, ang kamyas sa Maynila ay kalamyas sa Batangas. Ang aking ama'y mula sa Balayan kung saan palasak ang sinaing na tulingan. Ang kalamyas na pinatuyo mula sa pagkabilad sa araw ang paborito kong papakin sa sinaing na tulingan.

Mas napansin ko ang paggamit sa "la" ngayon nang talakayin ni Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario na ang BALAGTAS ay mula sa salitang BAGTAS. Tulad din ng kalamyas na nadagdagan ng "la" sa salita.

Binabasa ko ang aklat na Kulo at Kolorum ni Almario, pahina 31, at nabanggit niya iyon. Ayon sa kanya, "Una, dahil isang totoong Tagalog na salita ang "balagtas" - varyant ng "bagtas" at katumbas ng shortcut natin sa Ingles. Ikalawa, bahagi ng kadakilaan ng Florante at Laura ang idinulot nitong simbolikong pagbagtas ng panitikan ng ..."

Panlapi ba ang "la"? Ito ang tila sinasabi sa mga nabanggit na salita. Mayroon tayong gitlaping "la". Bukod sa Balagtas at kalamyas, may iba pa kayang salitang gumagamit ng gitlaping "la"?

Dagdag pa ni Almario, "Sa kasulatan ng binyag, isinunod ang pangalan ng makata sa pangalan ng ama na si Juan Balagtas ng Panginay, Bigaa, kaya bininyagan siyang "Francisco Balagtas."

Ginawan ko ng munting tula ang usaping ito:

GITLAPING "LA"

ani Almario, mula "bagtas" ang "Balagtas"
dahil panitikan ng bayan ang binagtas
para pala itong kalamyas sa Batangas
na dinugtungan ng gitlaping "la" ang kamyas

mga dagdag-kaalaman ang mga ito
nang mapaunlad pa ang wikang Filipino
at mabatid ng tagapagtaguyod nito
gaya ng makata't manunulat tulad ko

sa mga saliksik ko'y isasamang sadya
at magagamit sa anumang maaakda
ang gitlaping "la" ay luma ngunit sariwa
na karaniwan nang ginagamit ng madla

maraming salamat, mga ito'y nabatid
wikang lalawiganin ay may naihatid
at napagtantong kung sakaling may balakid
sa pagpaunlad ng wika'y maging masugid

- gregoriovbituinjr.
11.29.2024

Martes, Nobyembre 19, 2024

Panayam sa akin ng mga estudyante para sa kanilang thesis

PANAYAM SA AKIN NG MGA ESTUDYANTE PARA SA KANILANG THESIS
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Narito ang isang panayam sa akin ng ilang mag-aaral ng Batangas State University na nais kong ilahad sa sanaysay na ito upang hindi malimutan at maging bahagi ito ng aking kathambuhay. Kumontak sila sa akin nitong Nobyembre 13, 2024, bandang hapon. Dahil sa kanilang mga katanungan ay parang isinulat ko na rin ang aking talambuhay bilang manunulat. Bagamat sa messenger ng facebook lamang kami nag-usap, napakahalaga na nito sa akin bilang manunulat. Narito ang kanilang panayam.

"Magandang araw po, Sir Gregorio! Ako po si Bb. Vhonna Pascual,  mag-aaral po mula sa Batangas State University-The National Engineering University. Kasalukuyan po akong nasa 3rd year sa ilalim ng programang Bachelor of Secondary Education Major in Filipino at kami po ng aking grupo ay may binubuong pananaliksik/ thesis. Sa amin pong isinagawang pananaliksik ay ang inyo pong mga maikling kuwento ang aming pinapaksa. Layunin po namin na makapagpasuri ng inyong tatlong maikling kwento partikular sa "Sona na Naman, Sana Naman, "Bigong Bigo ang Masa" at "Budol-budol sa Maralita". Ngayon po ay nais namin itong ipaalam sa inyo upang makahingi rin ng permiso gayundin ay mapagbigyan at mapaunlakan nawa ninyo kami ng panayam. Ito po ay upang magkaroon ng diskusyon at pagkakataon na makapagtanong-tanong sa inyo hinggil sa inyo pong mga akda. 

Umaasa po kami ng aking grupo sa inyong positibong pagtugon. Maraming salamat po!

Sinagot ko naman agad sila. "Okay po. Gamitin ninyo ang mga nasulat kong kwento. Text na lang yung panayam at sasagutin ko." Kasalukuyan akong nagbabantay kay misis sa ospital nang maganap ang panayam.

"Maraming salamat po sa pagtugon, Sir Gregorio! Tiyak na malaki po ang maitutulong ng inyong mga kasagutan sa aming mga katanungan. Mangyaring makikihintay na lamang po ng aming mga tanong na ipapasa sa inyo kinabukasan na siya naman pong aming iku-consult muna sa aming guro sa pananaliksik. Muli, magandang gabi po at maraming salamat po."

Nobyembre 14, 2024, ikasampu ng umaga, ay kumontak muli sila sa akin.

"Magandang araw po sir Gregorio! Kami po ay lubos na nagpapasalamat sa inyong pagpapaunlak sa amin upang kayo ay aming makapanayam. Naririto po ang aming mga inihandang katanungan para sa inyo:

Ilang taong gulang na po kayo? At ilang taon na po kayo sa larangan ng pagsulat?

Ano ang mga salik/bagay na nagtulak sa iyo upang sumulat?

Ano o sino po ang naging inspirasyon mo sa pagsulat/ mga batayan?

Ano po ang inyong mga layunin sa pagsulat ng mga akda?

Hindi po ba kayo nakakaramdam ng takot sa dahilan na ang iyong mga katha ay sumasalungat sa gobyerno? May pagkakataon na po ba na nakaranas na kayo ng pananakot o banta na nagmula sa ibang mga tao o sa gobyerno?

Ano ang mensaheng nais iparating ng inyong mga akda sa mga mambabasa?

Nakatanggap na po ba kayo ng iba’t ibang parangal sa inyong pagsulat? At ano-ano ang mga ito?

Ano po ang magandang dulot ng pagiging isang aktibista?"

Tumugon agad ako. "Magandang katanungang nais kong sagutin sa pamamagitan ng sanaysay. Pakihintay lamang dahil may mga nilalakad pa ngayong araw."

Anila, "Maraming salamat po, Sir. Mag-iingat po kayo!"

Narito naman ang aking mga sagot:

"Ako si Gregorio V. Bituin Jr., makata, pultaym na aktibista, at manunulat para sa masa at uring manggagawa. Laking Sampaloc, Maynila at doon din ipinagbuntis ng aking ina, subalit isinilang sa isang ospital sa Lungsod Quezon noong Oktubre 2, 1968. Kaya edad 56 na ako ngayon. Ang aking ama ay mula Balayan, Batangas at ang aking ina ay mula Barbaza, Antique.

Hayskul pa lang ay nagsusulat na ako. Subalit noong nasa kolehiyo, sa campus paper na The Featinean unang nalathala ang aking akda. Mula 1993-95 ay staffwriter ako ng The Featinean, opisyal na publikasyon ng FEATI University, na paaralan din ng aking ama't ina. Naging features and literary editor ng The Featinean noong 1995 - 1997.

Nakawilihan ko nang kumatha ng tula, maikling kwento at sanaysay, subalit di pa nobelista. Pangarap kong makapaglathala ng nobela balang araw.

Naging kasapi ako ng Association of Filipino Poets (ASFIPO) at naging aktibo rito noong 1996-98. Nag-aral ng pagtula sa Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) mula Setyembre 2001 hanggang Marso 2002. Naging fellow sa Palihang Rogelio Sicat noong Hunyo 2022.

Nagsulat din sa magasing Tambuli, ng grupong Bukluran ng Manggawang Pilipino (BMP), (1996-99) at sa dalawang isyu ng magasing Maypagasa ng grupong Sanlakas, 1998-99. Nagsulat sa Taliba ng Maralita bilang staff ng grupong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) mula 2001-2008, at muling inasikaso ang publikasyong ito mula Setyembre 2018 nang mahalal na sekretaryo heneral ng KPML hanggang kasalukuyan.

Nagsulat din sa pahayagang Obrero ng BMP mula 2003-2010, at sa magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (PLM), walong isyu, 2011-2012.

Ang mga salik na nagtulak sa akin upang magsulat ay ang mga isyung nasa paligid, lalo't isyu ng mamamayan. Upang matupad ang pangarap kong maging nobelista, dapat munang pag-igihan ko ang pagsusulat ng maikling kwento.

Naging inspirasyon ko sa pagsusulat ang pakikibaka ng karaniwang mamamayan para sa hustisyang panlipunan - isyu ng mga saray ng sagigilid o marginalized sector ng lipunan. Mga naging guro ko ay lider-manggagawa, lider-maralita, lider-kababaihan, magsasaka, vendor, kabataan at bata. Isyu ng mababang sahod, kagutuman, pagpag na pagkain, demolisyon, relokasyon, kalusugan ng mamamayan, na ginagawan ko ng maikling kwento, sanaysay at tula.

Layunin ko sa pagsusulat ay magmulat sa kapwa dukha at kauring manggagawa. Nagsusulat ako para sa bayan, karapatang pantao at hustisyang panlipunan. Ito na ang buhay ko, ang magsulat para sa mga api at pinagsasamantalahan sa lipunan. Hindi ako takot ma-redtag dahil sinusulat ko'y mga totoong nangyayari sa masa.

Kung mapapatay ako dahil sa pagsusulat, tanggap ko. Mas mabuting mamatay sa laban kaysa magbilang ng araw sa banig ng karamdaman.

Nakatanggap ng Gawad mula sa HR Online ang ilan kong tula at blog. Tanging sa Human Rights Online pa lang nakatanggap, mga apat na beses na.

Ang mensaheng nais kong iparating sa mambabasa ay huwag silang manahimik kung may nakita silang mali. Kung kinakailangan, lumabas sila at ipaglaban ang katarungang ipinagkakait sa kanila.

Para sa akin, mabuti ang aktibista dahil ipinaglalaban mo ang karapatan at kaginhawahan ng lahat, hindi ng iilan.  Ipinaglalaban mo ang dignidad mabuhay ng karaniwang tao. Ipinaglalaban mong magkaroon ng lipunang makatao, lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao. Nangangarap ang aktibista ng lipunang matino, pantay, at makatarungan."

Hanggang diyan ko tinapos ang maikli kong talambuhay bilang makata, manunulat at pultaym na aktibista. At tumugon naman sila ng:

"Lubos po kami ng aming grupo na  nagpapasalamat sir Gregorio, Malaking tulong po ito para sa aming thesis at gayundin po ay sa proposal defense na gaganapin bukas ❤️🥰Nawa po na kapag naaprubahan ang aming thesis proposal ay patuloy niyo po kaming paunlakan upang maipalimbag namin sa aming unibersidad ang inyong mga katha❤️

Sinagot ko naman agad: "Maraming salamat din. Nawa'y magtagumpay kayo sa inyong proposal defense."

Nobyembre 16 ng ikalima ng hapon ay kumontak muli ang tagapanayam.

"Magandang araw po, Sir Gregorio! Kahapon po ay naganap ang aming thesis proposal na may pamagat na "PAGKILALA SA TINIG NG MAKABAGO: PAGSUSURI SA MGA PILING AKDA NI GREGORIO V. BITUIN JR." Nais po naming ipabatid sa inyo na matagumpay po naming nadepensahan ang aming proposal na ito. Kami po ng aking mga kasamahan ay naniniwalang isa pong malaking parte ng aming tagumpay kahapon na malaman ng aming mga panel na kayo po ay tumugon sa ilan naming mga katanungan kung kaya't nawa po ay patuloy po kayong  maging bukas sa aming mga mananaliksik sa mga susunod pang mga araw upang mapaghusay pa ang aming isinasagawang pananaliksik. Muli po, mula sa aming tatlo ay lubos po kaming nagpapasalamat sa inyo, Sir!"

Kalakip niyon ang disenyo ng pabalat ng kanilang thesis na ipinadala sa akin, na ang pamagat ay: "Pagkilala sa Tinig ng Makabago: Pagsusuri sa mga Piling Akda ni Gregorio V. Bituin Jr." nina Mary Pauleen B. Cruz, Kim Andrea O. Manimtim & Vhonna Aileen T. Pascual. At sa itaas na kanang bahagi ay nakasulat naman ang pangalan ng kanilang paaralan: "Batangas State University - The NEU" at kaliwang bahagi ay "Nobyembre 2024".

Agad din akong tumugon sa kanila. "Congrats! Maraming salamat at mabuhay kayo!"

Ginawan ko ng tula ang kanilang panayam bilang pasasalamat.

SA MGA TAGAPANAYAM

maraming salamat / sa interes ninyo
sa aking panulat / at maikling kwento
na para sa thesis / nang pumasa kayo
sa inyong aralin / at sa guro ninyo

ang sinagot ko na'y / aking talambuhay
bilang manunulat / at makatang tunay
aking mga tindig / at pala-palagay
bilang aktibista't / kwentista ng buhay

noong una, ako'y / totoong nagulat
kwentong SONA pala / ang napiling sukat
maikling kwento kong / layon ay magmulat
ang masasabi ko'y / maraming salamat

buti't napili n'yo'y / kwento kong pangmasa
na buhay na'y alay / sa bayan kong sinta
ang talambuhay ko'y / agad inakda na
nawa, sa thesis n'yo / kayo'y makapasa

11.19.2024

Huwebes, Nobyembre 14, 2024

Ligalig

LIGALIG 

Kahapon, Nobyembre 13, alas-kwatro pa lang ng madaling araw ay nagtungo na ako sa Lung Center sa Quezon Avenue upang pumila sa PCSO. Hihingi sana ako ng tulong sa PCSO dahil malaki na ang hospital bill sa ospital. Nakaratay si misis doon.

Subalit sabi ng gwardya, wala na ang PCSO roon since pandemic. Nabigla ako.

Saan lumipat, tanong ko. Sa Shaw Blvd sa Mandaluyong. Kaya agad akong lumabas sa Lung Center, sumakay ng dyip hanggang Edsa.

Agad sumakay ng MRT patungong Shaw Blvd. Pagdating sa Manuela na ngayon ay Star Mall, sa terminal ng dyip, tinanong ko sa driver saan ang PCSO. Mga 250 meters lang, pwede mong lakarin.

Ah, kaya hindi na ako sumakay ng dyip. Nilakad ko na lang. Hanggang matanaw ko ang gusaling may malaking nakasulat na PCSO. Pasadong alas-singko na ako nakarating.

Pinadaan ako sa likod ng PCSO, habang may gwardya rin sa harap. Nabigyan ako ng guard ng stub number 4. Ibig sabihin, pang-apat ako sa pila. Sinabi rin ng guard na walang walk-in. Nakupo. walk-in ako. Aba'y dalawang linggo na kaming nag-aabang sa onlayn. Kaya sabi ni misis, pumila na lang.

Alas-otso pa pala ang bukas, kaya higit dalawang oras din akong naghintay. Bago mag-9 ng umaga ay tinawag na ako. Nag-usap kami ng taga-PCSO. Wala munang walk-in, sabi niya. Nilabas ko ang mga dokumento. Tiningnan niya iyon at nagbigay lang ng payo subalit sinabi niyang pulos onlayn na ang transaksyon sa PCSO.

Ikasiyam ng umaga, lumabas na ako ng PCSO. Nilakad ang patungong MRT. Sumakay patungong Cubao station.

Aba'y nakalampas ako ng baba. Hindi ko napansing Cubao na pala. Tumayo ako nang umandar na muli ang tren patungong sunod na istasyon. Nakita ko ang QMart. Kaya nakalampas nga ako. Bumaba na ako sa GMA-Kamuning station.

Sumakay muli pabalik ng Cubao. Pagdating ng Cubao ay sumakay ng dyip pabalik sa ospital.

Marahil kaya ako nakalampas ay ligalig na ako, kaunti rin ang tulog. Paano ba mababayaran ang higit Isang milyong pisong halaga ng hospital bill, gayong pultaym akong tibak. Si misis ang may sweldo bilang social worker.

Dahil ako ang asawa, sa pangalan ko naka-address ang sulat mula sa billing station. Ako ang sinisingil. Sinisingil ay isang pultaym na tibak. Paano ka hindi maliligalig? Buti, hindi ako natatabig ng sasakyan o nabubundol habang tumatawid.

naliligalig, litong-lito na
natutulala, grabe talaga
sa ospital, milyon ang halaga
ng paggamot kay misis, di ko na
alam saan kukuha ng pera

aktibistang pultaym ang tulad ko
kumikilos gayong walang sweldo
nasa ospital pa ang misis ko
mga babayaran ba'y paano
subalit lahat ay gagawin ko

sa PCSO aking nilakad
ang mga dokumentong kinalap
mga ahensya'y puntahang sukat
ligalig at pagod man sa lakad
ay gagawin ko pa rin ang lahat

- gregoriovbituinjr.
11.14.2024

Linggo, Nobyembre 3, 2024

18,756 ang inabusong bata noong 2023

18,756 ANG INABUSONG BATA NOONG 2023
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa Philippine Star na may petsang Nobyembre 2, 2024, may dalawang sulatin hinggil sa karapatan ng mga bata. Ang una, na nasa pahina 4, ay pinamagatang "18,756 children's rights violations recorded in 2023" at ang Editoryal na nasa pahina 8 ay may pamagat namang "Protecting Children".

Narito ang apat na unang talata ng balita, na malaya nating isinalin sa wikang Filipino:

"Over 18,000 reports of child violations have been documented in the country for 2023, a majority of which were cases of rape and acts of lasciviousness, the Council for the Welfare of Children (CWC) said yesterday.

Based on the records of the Philippine National Police-Women and Children Protection Center, a total of 18,756 reports of child violation were logged for the year 2023. Of this number, 17,304 were “rape and acts of lasciviousness.”

“Since 2016, these are the top violations committed against children,” CWC executive director Angelo Tapales said.

According to him, this month’s 32nd celebration of the National Children’s Month (NCM) is focused on advocating an end to all forms of violence against children."

(Mahigit 18,000 ulat ng mga paglabag sa bata ang naidokumento sa bansa nitong 2023, karamihan dito'y pawang kaso ng panggagahasa at gawaing mahahalay, ayon sa Council for the Welfare of Children (CWC) kahapon.

Batay sa talaan ng Philippine National Police-Women and Children Protection Center, nakapagtala ng kabuuang 18,756 na ulat ng paglabag sa karapatan ng bata sa taong 2023. Sa bilang na ito, 17,304 ang “panggagahasa at gawaing mahahalay.”

"Mula 2016, ito ang mga nangungunang paglabag na ginawa laban sa mga bata," sabi ni CWC executive director Angelo Tapales.

Ayon sa kanya, ang ika-32 na selebrasyon ng National Children’s Month (NCM) ngayong buwan ay nakatuon sa pagsusulong ng pagwawakas sa lahat ng uri ng karahasan laban sa mga bata.)

Basahin naman natin ang unang apat na talata sa Editoryal, na malaya rin nating isinalin sa wikang Filipino.

"Aside from being the month for remembering the dead, November is also marked as National Children’s Month. Sadly, the situation for millions of Filipino children is grim.

The Department of Social Welfare and Development reported that at least 18,756 cases of child rights violations, many involving physical and sexual violence, were recorded nationwide in 2023. These were only the cases that were reported. Child welfare advocates say that many cases of domestic violence and sexual exploitation of children go unreported because the perpetrators are the victims’ parents or guardians themselves.

A 2020 study conducted by the United Nations Children’s Fund reported that the Philippines “has emerged as the center of child sex abuse materials production in the world, with 80 percent of Filipino children vulnerable to online sexual abuse, some facilitated even by their own parents.” Child welfare advocates say the COVID lockdowns worsened the problem, with children confined at home with their abusers.

The victims are typically too young to resist or understand that they are being abused. Among children who are old enough to understand, there are also those who genuinely believe they are helping their families survive, even if their parents are the ones subjecting the children to online sexual abuse and exploitation."

(Bukod sa buwan ng paggunita sa mga namatay, tinukoy din ang ang Nobyembre bilang National Children’s Month o Pambansang Buwan ng mga Bata. Nakalulungkot, mapanglaw ang kalagayan ng milyun-milyong batang Pilipino.

Iniulat ng Department of Social Welfare and Development na hindi bababa sa 18,756 ang kaso ng paglabag sa karapatan ng mga bata, na karamihan ay may kinalaman sa pisikal at sekswal na karahasan, ang naitala sa buong bansa noong 2023. Ito lang yaong kasong naiulat. Sinasabi ng mga tagapagtaguyod ng kapakanan ng bata na maraming kaso ng karahasan sa tahanan at sekswal na pagsasamantala sa mga bata ang hindi naiuulat dahil ang mga may sala mismo'y mga magulang o nag-aalaga mismo sa mga biktima.

Sa isang pag-aaral noong 2020 na isinagawa ng United Nations Children's Fund, naiulat na ang Pilipinas ay “lumitaw bilang sentro ng produksyon ng mga materyal ng sekswal na pang-aabuso sa mga bata sa mundo, kung saan 80 porsiyento ng mga batang Pilipino ang bulnerable sa onlayn na pang-aabusong sekswal, ang ilan ay ginawa mismo ng kanilang sariling magulang.” Sinabi ng mga child welfare advocate na pinalala ng COVID lockdown ang problema, kasama ang mga bata na nakakulong sa bahay kasama ang mga nang-aabuso sa kanila.

Kadalasang napakabata pa ng mga biktima upang labanan o maunawaan nilang sila'y inaabuso. Sa mga batang nasa hustong gulang na upang makaunawa, mayroon ding mga tunay na naniniwalang tinutulungan nilang mabuhay  ang kanilang pamilya, kahit na ginagamit ng kanilang mga magulang ang mga bata sa onlayn na sekswal na pang-aabuso at pagsasamantala.)

Nakababahala ang dalawang akdang itong lumabas sa Philippine Star, na sana'y matugunan ng mga kinauukulan, at maging ng mga mamamayan. Paano nga ba mababawasan ang ganyang pagsasamantala sa mga bata? Paano maiiwasang mismong mga magulang pa o mga nag-aalaga pa sa mga bata ang magsamantala sa kanila?

Mayroon tayong pandaigdigang kasunduan upang maprotektahan ang mga bata, tulad ng Convention on the Rights of the Child. Nakalagay nga sa isang talata sa Preambulo nito:

Isinasaisip na, gaya ng ipinahiwatig sa Deklarasyon ng mga Karapatan ng Bata, "ang bata, dahil sa kanyang pisikal at mental na kawalan ng gulang, ay nangangailangan ng mga espesyal na pananggalang at pangangalaga, kabilang ang naaangkop na legal na proteksyon, bago at pagkatapos ng kapanganakan",

Isinasaisip na, tulad ng ipinahiwatig sa Deklarasyon ng mga Karapatan ng Bata, "ang bata, dahil sa kanyang pisikal at mental na imatyuridad, ay nangangailangan ng mga espesyal na pananggalang at pangangalaga, kabilang ang naaangkop na legal na proteksyon, bago at pagkatapos ng kapanganakan",

Naiisip kong buong isalin sa wikang Filipino, kung sakaling wala pa, ang Convention on the Rights of the Child sa wikang Filipino, sa wikang madaling maunawa ng masa, ng mga guro at mga magulang, bilang munti kong ambag upang mabawasan o matigil na ang pang-aabuso sa mga bata. Sa ngayon, ang aking pananaw sa mga nabasa kong ulat at editoryal ay idinaan ko sa tula.

WAKASAN ANG PANG-AABUSO SA MGA BATA

ulat na'y higit labingwalong libong bata
ang inabuso noong nakaraang taon
ulat itong tunay na nakababahala
na dapat talagang pagtuunan ng nasyon

National Children's Month ang buwan ng Nobyembre
kaya nasabing isyu'y napag-uusapan
kinauukulan ba'y anong masasabi
upang gawang pang-aabuso'y mabawasan

kahit man lang sa tula'y aking maihatid
ang pag-aalala sa ganyang mga kaso
kahit man sa pagtula'y aking mapabatid
na mga bata'y di dapat inaabuso

naiisip kong maging ganap na tungkulin
bilang aktibista't makata'y maging misyon
Convention on the Rights of the Child ay isalin
sa wikang Filipino, ito'y nilalayon

malathala bilang pamplet o isaaklat
at maipamahagi sa maraming tao
nawa, masang Pilipino ito'y mabuklat
upang mapakilos sila hinggil sa isyu

11.03.2024

Sabado, Nobyembre 2, 2024

Sino si Norman Bethune?

SINO SI NORMAN BETHUNE?
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kasintunog ng apelyido kong Bituin ang Bethune (na binibigkas umano na silent e, tulad ng Betun). Nabasa ko noon ang buhay ni Norman Bethune bilang isang doktor na mula sa Canada.

Nabanggit ang kanyang pangalan sa Limang Gintong Silahis o Five Golden Rays na sinulat ni Mao Zedong. Tungkol ito sa pagkilala kay Bethune nang mamatay siya, at binigyan ng luksang parangal.

Isang doktor ng rebolusyong Tsino si Norman Bethune. 

Tulad ng doktor na si Che Guevara, na isinalin ko ang kanyang akdang Rebolusyonaryong Medisina, pumasok sa utak ko si Norman Bethune. Nagsaliksik pa ako hinggil sa kanya, lalo na't naglingkod siya sa Partido Komunista ng Tsina bilang siruhano o surgeon.

Dalawang doktor na naglingkod sa masa, na muling binabalikan ko ngayon, dahil na rin sa pagkakaratay ni misis sa ospital. Habang ako naman ay isang aktibistang nagrerebolusyon kasama ng uring manggagawa. Dalawa silang inspirasyon hinggil sa isyung pangkalusugan bagamat ako'y di naman magdodoktor.

Isinalin ko naman sa wikang Filipino ang Rebolusyonaryong Medisina ni Che Guevara, na isinama ko sa isang aklat ng mga salin ng mga akda ni Che.

Tutukan muna natin si Norman Bethune. At sa mga susunod na susulating artikulo na si Che Guevara.

Ayon sa pananaliksik, si Norman Bethune ay isang Canadian thoracic surgeon, na isa sa mga maagang tagapagtaguyod ng sosyalisadong medisina, at naging kasapi ng Communist Party of Canada. Unang nakilala si Bethune sa internasyonal sa kanyang serbisyo bilang frontline trauma surgeon na sumusuporta sa gobyernong Republikano noong Digmaang Sibil sa Espanya, at kalaunan ay sumuporta sa Hukbo ng Ikawalong Ruta ng Partido Komunista ng Tsina (CCP) noong Ikalawang Digmaang Sino-Hapones. Tumulong si Bethune sa pagdadala ng makabagong gamot sa kanayunan ng Tsina, na ginagamot ang mga may sakit na taganayon at mga sugatang sundalo.

Si Bethune ang nanguna sa pagbuo ng isang mobile blood-transfusion service sa mga frontline operation sa Digmaang Sibil sa Esoanya. Nang maglaon, namatay siya sa pagkalason sa dugo matapos aksidenteng maputol ang kanyang daliri habang inooperahan ang mga sugatang sundalong Tsino.

Kinikilala ang kanyang mga kontribusyong pang-agham noong panahong iyon, at nakakuha ng pansin sa buong mundo. Bilang isang aktibista, pinamunuan niya ang isang krusada upang repormahin ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa Canada, na humihiling ng libreng pangangalagang pangkalusugan para sa lahat. Ang kanyang namumukod-tanging trabaho sa Digmaang Sibil sa Espanya, kung saan inorganisa niya ang kauna-unahang mobile blood transfusion unit, at sa panahon ng digmaang Sino-Hapones, kung saan lubos siyang nakatuon sa kapakanan ng mga sundalo't populasyong sibilyan, ay pagkilos laban sa Pasismo, at sigasig para sa layuning Komunista.

Kinilala ni Mao Zedong ang paglilingkod ni Bethune sa CCP. Sumulat ng iang eulohiya si Mao na inialay kay Bethune noong siya ay namatay noong 1939. Mababasa ang alay na iyon sa Limang Gintong silahis na sinulat ni Mao.

Sa Canada, siya ay inaalala bilang social activist na nakatuon sa kapakanan ng mahihirap at sa reporma ng sistema ng pangangalagang pangkalusugan. Sa People’s Republic of China, iniidolo siya at nananatiling nag-iisang banyagang naging pambansang bayani.

Sinubukan kong isalin sa wikang Filipino ang unang talata ng eulohiya ni Mao Zedong kay Norman Bethune noong 1939:

Sa Alaala ni Norman Bethune
Disyembre 21, 1939

Si Kasamang Norman Bethune, isang miyembro ng Partido Komunista ng Canada, ay humigit-kumulang limampu, nang ipadala siya ng Partido Komunista ng Canada at Estados Unidos sa Tsina; ginawa niyang magaan ang paglalakbay ng libu-libong milya upang tulungan tayo sa ating Digmaan ng Paglaban sa Japan. Dumating siya sa Yenan noong tagsibol ng nakaraang taon, kumilos sa Kabundukan ng Wutai at sa ating matinding kalungkutan, namatay siyang martir habang naririto. Anong klaseng diwa itong ginawa ng isang dayuhan nang walang pag-iimbot na tanggapin ang layunin ng mga Tsino sa pagpapalaya ng kanyang sarili? Ito ang diwa ng internasyunalismo, ang diwa ng komunismo, na dapat matutunan ng bawat Komunistang Tsino. Itinuro ng Leninismo na magtatagumpay lamang ang rebolusyonaryong Tsino kung susuportahan ng proletaryado ng mga kapitalistang bansa ang pakikibaka para sa pagpapalaya ng kolonyal at malakolonyal na mamamayan at kung ang proletaryado ng mga kolonya at malakolonya ay sumusuporta sa proletaryado ng mga kapitalistang bansa. Isinabuhay ni kasamang Bethune ang linyang Leninistang ito. Tayong mga Komunistang Tsino ay dapat ding sumunod sa linyang ito sa ating praktika. Dapat tayong makiisa sa proletaryado ng lahat ng kapitalistang bansa — Japan, Britanya, Estados Unidos, Alemanya, Italya at lahat ng iba pang kapitalistang bansa — bago posibleng ibagsak ang imperyalismo, palayain ang ating bansa at mamamayan at palayain ang iba mga bansa at mga tao sa mundo. Ito ang ating internasyonalismo, ang internasyunalismo kung saan tinututulan natin ang makitid na nasyonalismo at makitid na patriotismo.

May tatlong talata pa ang nasabing eulohiya, subalit basahin n'yo na lang ang Five Golden Rays ni Mao.

PAGPUPUGAY KAY NORMAN BETHUNE

halos katunog ng Greg Bituin ang Norman Bethune
marahil dahil pareho kami ng nilalayon
upang mapalaya ang mamamayan ng daigdig
sa kabulukan ng sistemang dapat na malupig

nagunita siya dahil ako'y nasa ospital
nang maoperahan si misis at dito'y nagtagal
inspirasyon sa tulad ko ang naging kanyang buhay
isang doktor siyang sa masa'y tumulong na tunay

pagyakap niya sa misyon ay tinutularan ko
maging masigasig sa laban ng uring obrero
maging mapagsikhay upang paglingkuran ang masa
maging tapat sa pagkilos at sa pakikibaka

panawagan noon ni Bethune: libreng kalusugan
para sa lahat! na halimbawang dapat tularan
lalo't abot milyong piso ang babayaran namin
nakabibigla't di mo alam kung saan kukunin

O, Norman Bethune, taas-kamaong pasasalamat
ang ginawa mo't halimbawa'y nakapagmumulat
nawa'y marami pang Norman Bethune sa mga doktor
at sa rebolusyonaryong medisina'y promotor

11.02.2024

* litrato mula sa google

* Pinaghalawan ng mga datos:
The medical life of Henry Norman Bethune, na nakatala sa National Library Medicine na nasa kwing na https://pmc.ncbi.nlm.nih.gov/articles/PMC4676399/ 

Biyernes, Nobyembre 1, 2024

Pambayad ko'y tula

PAMBAYAD KO'Y TULA
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nang ilunsad ang The Great Lean Run noong 2016, sabi ko sa mga organizer, wala akong pambayad kundi sampung tula. Dahil doon, pinayagan nila akong makasali at makatakbo sa The Great Lean Run. Matapos ang isang taon, sa nasabing aktibidad noong 2017, nailathala ko na ang mga iyon bilang munting aklat na naglalaman ng mga tula kay Lean. Natupad ko ang pangako kong sampung tula, ngunit dinagdagan ko kaya labinlimang tula iyon pati na mga isinalin kong akda ang naroroon.

Sa gipit naming kalagayan ngayon, anong magagawa ng tula, gayong batid kong walang pera sa tula. Nakaratay si misis sa ospital, dahil sa operasyon, may ilang mga kaibigan at kasamang tunay na nagmalasakit at nagbigay ng tulong. Alam nilang pultaym akong kumikilos habang social worker naman si misis na hina-handle ay OSAEC (online sexual abuse and exploitation of children). Bagamat secgen ako ng dalawang organisasyon, XDI (Ex-Political Detainees Initiative) since July 2017, at KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod) since Sept 2018 ay wala naman akong sinasahod doon. Sa KPML, minsan meron, pero maliit lang, sanlibong piso, subalit madalas wala. Si misis ang may regular na sahod.

Bagamat noon pa'y batid kong walang pera sa tula, maliban kung ang aklat mo ng tula ay maibenta, naiisip kong tulad sa The Great Lean Run, patuloy akong kumatha ng tula, iba't ibang isyu, samutsaring paksa. Subalit tula ba'y maipambabayad ko tulad ng sa librong Lean? 

May mga nagbigay ng tulong sa panahong ito ng kagipitan, nais kong igawa rin sila, di lang isa o sampung tula kundi ang mga isyu't kampanya nila'y ilarawan ko sa tula. At marahil ay bigkasin ko sa pagtitipon tulad ng anibersaryo at rali.

Subalit uso pa ba at pinakikinggan ang pagbigkas ng tula ngayon? Open mike. Spoken word. Rap. FlipTop. Balagtasan.

Gayunman, ang pagtula ang isa sa lagi kong ginagawa. Kumbaga, ito ang bisyo ko, at hindi alak at yosi. Sa katunayan, santula-sang-araw ang puntirya ko. Sana'y matutukan ko pa ang pagsasaaklat ng aking mga katha.

Oktubre 23 naadmit si misis sa ospital. Mula Oktubre 1 hanggang 22 ay nagsasalin ako ng mga tulang sinulat ng mga makatang Palestino. Natigil iyon mula Oktubre 23. Isinasalin ko mula sa Ingles ang mga tula sa Arabik na isinalin sa Ingles, at balak ko iyong ilunsad na aklat para sa Nobyembre 29, International Day of Solidarity with the Palestinian People.

Pangarap ko ring maging nobelista, tulad ni JK Rowling ng Harry Potter, o ni J.R.R. Tolkien ng Lord of the Ring. At sinimulan ko iyon sa pagkatha ng maiikling kwento, na nalalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod o KPML. Maikling kwento muna bago magnobela. Baka doon ang bukas ko bilang manunulat. At baka pag sumikat ang aking nobela ay magkapera. Pangarap na sana'y aking matupad.

Iniisip ko na ring ituloy ang naunsyaming paggigitara upang awitin ang ilan sa nagawa kong tula. Nagbabakasakali. Baka matularan ang ilang katutubong mang-aawit. Hindi pa naman huli ang lahat.

Ayoko sanang magkautang. Ayokong matulad sa mag-asawang nagkautang ng malaki sa kwentong "The Necklace" ng kwentistang Pranses na si Guy de Maupassant, na sampung taon ang binuno upang bayaran ang mamahaling alahas na kanilang hiniram sa mayamang kaibigan, subalit nawala ito. Kaya upang mabayaran iyon ay nagsikap magtrabaho ang mag-asawa ng sampung taon na ang isipan ay nakatutok lang upang mabayaran o kaya'y mapalitan ang nawalang alahas ng kanilang kaibigan. Subalit sa huli ay inamin ng mayamang babae, na nagulat sa ipinagbago ng anyo ng nanghiram na kumare, na hindi totoong mamahalin ang alahas kundi puwet ng baso.

Subalit tiyak may utang na kami sa ospital, malaki. Dahil sa operasyon pa lang o surgery, umabot na iyon ng halos kalahating milyong piso at ang gamot ay mahigit dalawang daang libong piso, di pa kasama roon ang bayad sa mga doktor. Umabot na sa isang milyong piso ang gamutan. Subalit dapat kong gawan ng paraan.

Gawan ng paraan ng isang pultaym na tibak na hindi naman kumikita sa kanyang pagkilos.

Tula ang kaya kong ibayad, bagamat batid kong walang pera sa tula. Natatawa ka na ba sa tulad kong tibak at makata? Nakakatawa, di ba?

Subalit sarili ko ba'y maaaring kolateral upang mabayaran ang ospital? Gayong sino ako?  Hindi sikat, kundi pultaym na maglulupa. Walang sahod subalit masipag sa pagkilos.

Ito ako. Makata. Manunulat. Aktibistang Spartan. Pultaym. Tagagawa ng pahayagang Taliba ng Maralita dalawang isyu bawat buwan. Mga gawaing walang sahod, na niyakap bilang pamumuhay habang tinataguyod ang karapatang pantao, hustisyang panlipunan, at pagkakapantay.

Kaya naisip kong mag-alay ng tula para sa lahat ng mga tumulong sa aming pamilya sa panahong ito ng kagipitan.

ALAY KO'Y TULA

salamat sa lahat ng tumulong
nang maospital ang aking misis
malayo man ang tingin ko ngayon
ay kailangang magtiis-tiis

bagamat ako'y tibak na pultaym
paraan ay ginagawang lubos
sana'y umayos ang pakiramdam
ni misis at siya'y makaraos

pasasalamat ko'y taospuso 
at bumubukal sa puso'y wagas
na sana si misis ay mahango
mula sa sakit niya't maligtas

ngayon salapi'y hinahagilap
upang ospital ay mabayaran
salamat sa lahat ng paglingap
sa asawa kong may karamdaman

11.01.2024