Huwebes, Pebrero 23, 2017

Marso 8 at ang Sentenaryo ng Rebolusyong Oktubre 1917

MARSO 8 AT ANG SENTENARYO NG REBOLUSYONG OKTUBRE 1917
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ngayong 2017 ay ipagdiriwang ng uring manggagawa ang sentenaryo ng matagumpay na Rebolusyong Oktubre 1917 sa Rusya. Malaki ang naging papel ng kababaihan dahil sila ang nagsindi ng mitsa upang maging matagumpay ang Rebolusyong Oktubre.

Sinindihan ng manggagawang kababaihan sa St. Petersburg ang matagumpay na Rebolusyong Pebrero noong 1917 upang mapatalsik ang Tsar at mga kaalyado nito.

Noon ay ginagamit pa sa Rusya ang Julian Calendar, kaya nang magsimula ang kababaihan ng kanilang pagkilos ay noong Pebrero 23, 1917, na katumbas ng Marso 8, 1917 sa Gregorian Calendar na ginagamit natin ngayon. Ang matagumpay na Rebolusyong Oktubre na naganap noong Oktubre 25, 1917 sa Julian Calendar ay ipagdiriwang naman sa buong mundo sa Nobyembre 7, 1917 sa Gregorian Calendar. Noong 1918 lamang ginamit ng mga Ruso ang Gregorian Calendar.

Naglunsad ng malawakang pag-aaklas at pagkilos ang mga manggagawang kababaihan noong Marso 8, 1917 (Gregorian Calendar) o Pebrero 23, 1917 sa lumang kalendaryo. Hinihiling nila noon ang Kapayapaan at Tinapay (Peace and Bread). Kumalat sa iba't ibang pabrika ang kilusang welga at sumiklab bilang Rebolusyong Pebrero. Isa itong malawakang proseso na tumungo sa Rebolusyong Oktubre at nagpabago sa kalagayan ng kababaihan. Sa unang pagkakataon sa kasaysayan, ang lipunan ay mapamamahalaan para sa benepisyo ng lahat, para sa lahat ng manggagawa, ng mga maralita at inaapi. Ang prosesong ito ng pagkakamit ng rebolusyon ang siyang naglatag din ng daan upang unti-unting kilalanin ang karapatan ng kababaihan, at magkaroon ng pagkakapantay-pantay sa lipunan.

Noong 1910, sa Ikalawang Pandaigdigang Kumperensya ng mga Manggagawang Kababaihan, pinangunahan ni Clara Zetkin ang pagtatatag ng Pandaigdigang Araw ng Manggagawang Kababaihan. Pinagpasiyahan ng kumperensya na bawat taon, sa bawat bansa, ay ipagdiwang ng kababaihan ang Araw ng Kababaihan sa panawagang "Ang boto ng kababaihan ang magkakaisa ng ating lakas sa pakikibaka para sa sosyalismo."

Ipinagdiwang ang unang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan noong Marso 19, 1911, na pinili ng mga proletaryadong Aleman dahil sa kahalagahan sa kasaysayan. Noong Marso 19 ng Rebolusyong 1848, na siya ring taon na sinulat nina Marx at Engels ang Manipesto ng Komunista, kinilala ng hari ng Prussia ang lakad ng armadong mamamayan at naglatag ng daan bago pa ang banta ng pag-aaklas ng proletaryado. Isa sa mga pangakong di natupad ng hari ang pagpapakilala sa boto ng kababaihan.

Noong 1913, ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan ay inilipat sa Marso 8, at nananatili hanggang ngayon. Sa araw na ito'y nakipagkaisa sa unang pagkakataon ang mga manggagawang kababaihang Ruso, pagkat isa itong reaksyon ng mga kababaihan laban sa Tsarismo. Ang mga ligal na dyaryo ng proletaryado - ang Pravda ng mga Bolshevik at ang Looch ng mga Menshevik - ay naglathala ng mga artikulo hinggil sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, kasama na ang mga pagbati mula sa mga lider-kababaihan tulad ni Clara Zetkin.

Noong 1914 ay mas matatag ang pagkakaorganisa ng manggagawang kababaihan sa Rusya. At nang taon ding iyon ay nagsimula naman ang madugong Unang Daigdigang Digmaan (Hunyo 1914).

Noong 1915, tanging Norway lamang nakapag-organisa ng malawakang pagkilos ang mga kababaihan upang ipagdiwang ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, ngunit hindi sa Rusya dahil sa tindi ng kamay na bakal at militar ng Tsarismo.

Noong 1917, sa mismong araw ng kababaihan (Pebrero 23 sa lumang kalendaryo) at Marso 8 sa mga kanluraning bansa, libu-libong kababaihan ng Rusya ay nagsilabasan sa lansangan. Sa pagkakataong ito, naging malaking banta sa Tsar at sa militar nito ang ginawang paghihimagsik ng mga manggagawang kababaihan.

Ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan ng 1917 ay tumatak na sa kasaysayan. Sa araw na ito, sinindihan ng mga kababaihan ang mitsa ng rebolusyong proletaryado. Ito ang simula ng Rebolusyong Pebrero, na nagtungo sa matagumpay na Rebolusyong Oktubre 1917.

Ngayong taon, 2017, ay ipinagdiriwang ng uring manggagawa, hindi lamang sa Pilipinas, kundi sa buong mundo ang tagumpay ng Rebolusyong Oktubre 1917, na sinimulan ng pag-aaklas ng mga kababaihan noong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan.

Halina't gunitain natin at pagpugayan ang mga kababaihan na nagpasimula ng pag-aaklas upang maging matagumpay ang Rebolusyon nina Kasamang Lenin!

Kaya sa darating na Marso 8, 2017, papulahin natin ang mga kalsada at ibandila ang tagumpay ng mga kababaihan.

At sa darating na Nobyembre 7, 2017, ay sabay-sabay din nating ipagdiwang ang sentenaryo ng Rebolusyong Oktubre!

Taas-kamaong pagpupugay sa alaala ng mga manggagawang kababaihang nagpasimula ng Rebolusyong Pebrero sa Rusya! 

Taas-kamaong pagpupugay sa sentenaryo ng Rebolusyong Oktubre!

Tuloy ang laban para sa pagbabago ng bulok na sistema!

Uring manggagawa, hukbong mapagpalaya!

Mga pinaghalawan:
http://www.history.com/this-day-in-history/february-revolution-begins-in-russia

Huwebes, Pebrero 2, 2017

Planong aklat hinggil kay Ka Anto

Interesado akong sulatin ang isang aklat hinggil kay Crisanto "Ka Anto" Evangelista, ang tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas noong 1930.

May dalawa akong saliksik hinggil sa isa niyang sanaysay at isa niyang tula: 
(a) Kung ano ang mga pangunang tungkulin ng isang manggagawa - Sanaysay ni Crisanto Evangelista
(b) Ang Sigaw ng Dukha - tula ni Crisanto Evangelista

Nasaliksik ko rin ang ilang kaso sa Korte Suprema na kanyang kinasasangkutan, tulad ng:
(a) Crisanto Evangelista versus Tomas Earnshaw, G.R. No. 36453 
(b) The People of the Philippines versus Crisanto Evangelista, Jacinto Manahan and Dominador Ambrosio, G.R. No. L-36275 
(c) The People of the Philippines versus Crisanto Evangelista and Abelardo Ramos, G.R. No. L-36277
(d) The People of the Philippines versus Crisanto Evangelista, et al., G.R. No. L-36278

Nabanggit din si Ka Anto sa mga kaso noong 1940 (G.R. No. L-47903), 1948 (G.R. No. L-1673), at 1964 (G.R. No. L-6025). Noong 1921, nang hindi pa niya naitatag ang PKP ay nabanggit na rin siya sa isang kaso, sa G.R. No. L-16717, "On that date a meeting of the strikers and their sympathizers was held at the Zorrilla Theater, which meeting was opened by Simeon and afterwards presided over by Salita. At the meeting one Crisanto Evangelista made an inflammatory speech in which he criticized the Government for protecting the "scabs" with Constabulary guards and secret service men, and stated that in other countries such repressive measure led to violence on the part of strikers. He finally, however, advised the audience to remain peaceful while justice took its course."

Marami pang sulatin si Crisanto Evangelista na dapat masaliksik, at hindi pa ako nagkakaroon ng kumpletong kopya, tulad ng manipestong "Manggagawa: Ano ang Iyong Ibig?"; kopya ng  sanaysay na pinamagatang "Kung Alin-alin ang mga Paraang Mabisa sa Ikalalaganap ng Unyonismo sa Pilipinas" sa ilalim ng alyas na Labor Omnia Vinci (kumilos para sa tagumpay ng lahat) kung saan isinali niya sa isang patimpalak sa sanaysay na inilunsad ng Kawanihan ng Paggawa at nanalo; ang sanaysay na Nasyonalismo-Proteksiyonismo vs. Internasyonalismo-Radikalismo (Babasahing Anak-Pawis, 1929); at iba pa.

Pag nakuha ko ang mga ito, at pati na ang kanyang talambuhay, maaari nang gawing isang aklat ito, upang makatulong sa pagsasaliksik din ng iba hinggil sa tagapagtatag ng PKP. Kung sakali mang makita ninyo ang ilang mga hinahanap kong sulatin, halimbawa, sa Library sa inyong lugar ay sabihan nyo po ako. Marami pong salamat.

- GREGBITUINJR.

Draft cover ng planong aklat ng inyong lingkod

Huwebes, Disyembre 1, 2016

Pasasalamat sa HR Online

PASASALAMAT SA HR ONLINE

ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ipinaaabot ko ang taospusong pasasalamat sa HR Online sa dalawang karangalang aking natanggap sa 6th HR Pinduteros Choice Award na ginanap sa isang restawran sa Lungsod ng Quezon.

Ang una'y nagwagi ang inyong lingkod dahil sa tulang Ilitaw na aking isinulat hinggil sa mga desaparesidos, na nananawagan sa tulang ilitaw na ng mga may kagagawan ang mga nangawalang mahal sa buhay. Nakatanggap ako ng plake, t-shirt, at isang bote ng red wine bilang gantimpala. Nilikha ko ang tulang iyon noong panahong nagsagawa ng pagkilos ang FIND (Families of Victims of Involuntary Disapperance) at AFAD (Asian Federation Against Involuntary Disappearance) sa Sunken Garden sa UP Diliman noong Mayo 22, 2016, sa pagsisimula ng International Week of the Disappeared.

Ang ikalawa naman ay ang pagiging second place sa Write Up for Right-Up Challenge, kung saan nakatanggap ang inyong lingkod ng plake at cash prize.

Ang mga natanggap kong parangal ay lalong nagpatibay ng aking paninindigan upang patuloy na kumilos para sa karapatang pantao. 

Mabuhay ang HR Online! Mabuhay ang mga nakikibaka para sa karapatang pantao!

Biyernes, Setyembre 30, 2016

Itigil ang pagpaslang sa mga manggagawa!

ITIGIL ANG PAGPASLANG SA MGA MANGGAGAWA!
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kahindik-hindik ang mga naganap nitong mga nakaraang araw at buwan. Tila baga sumasabay sa pagpaslang sa mga adik ang pagpaslang sa mga manggagawa. Lagim ang isinalubong ng bagong rehimen at pati manggagawa ay nadamay sa lagim na ito.

Nitong nakaraang Setyembre 23 ay nakita sa facebook ang isang litrato ng manggagawang duguan at nakahiga sa tapat mismo ng tanggapan ng National Labor and Relations Commission (NLRC) sa Banaue St., sa Lungsod Quezon. Ayon sa pahayag ng iDefend (In Defense of Human Rights and Dignity Movement), ang pinaslang ay si Edilberto Miralles, dating pangulo ng unyon ng R&E Taxi.

Ito'y naganap ilang araw matapos namang mapabalita ang pagkapaslang kay Orlando Abangan, na isang lider-obrero mula sa Partido ng Manggagawa, mula sa Talisay, Cebu. Siya'y binaril ng isang di pa nakikilalang salarin noong Setyembre 17.

Pinaslang din noong Setyembre 7 ang manggagawang bukid na si Ariel Diaz ng umano'y tatlong katao sa bayan ng Delfin Albano, lalawigan ng Isabela. Si Diaz ang tagapangulo ng Danggayan Dagiti Mannalon ti Isabela at namumuno sa tsapter ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa lalawigan.

Apat na magsasaka ang binaril ng mga di pa nakikilalang salarin sa maagang bahagi ng Setyembre. Sila'y pinaslang sa isang bukid na nasa loob ng Fort Magsaysay sa Laur, Nueva Ecija. Ang mga biktima'y sina Emerenciana Mercado-de la Cruz, Violeta Mercado-de Leon, Eligio Barbado at Gaudencio Bagalay, na pawang mga kasapi ng Alyansa ng mga Magbubukid na Nagkakaisa, na nagsasaka sa pinag-aagawang 3,100 ektaryang lupa sa loob ng Fort Magsaysay. May ilan pang nasugatan.

Noong Setyembre 20 naman ay pinaslang ang lider-magsasakang si Arnel Figueroa, 44, sa Yulo King Ranch sa Coron, Palawan. Si Figueroa ang tagapangulo ng Pesante-Palawan at ang kanilang mag kasapi ay petisyuner ng CARP (Comprehensive Agrarian Reform Program).

Sa unang araw pa lang ng Hulyo ng administrasyong Digong ay pinaslang ng di pa nakikilalang salarin ang anti-coal activist na si Gloria Capitan, isang lider sa komunidad at kasapi ng Kilusan Para sa Pambansang Demokrasya-Bataan. Pinaslang siya sa Lucanin, Mariveles, Bataan. Kilala siyang nakikibaka upang ipasara ang open coal storage at stockpile sa kanilang komunidad dahil nakadudulot ito ng mga matitinding sakit sa mga naninirahan malapit doon.

Nakababahala na ang ganitong mga pangyayari. Dapat na hindi lang manahimik sa isang tabi ang mga manggagawa, lalo na't ang kanilang hanay na ang dinadaluhong ng mga rimarim. Hindi dapat ang laban sa kontraktwalisasyon lang ang kanilang asikasuhin kundi ang lumalalang kalagayan mismo ng ating mga komunidad sa ngalan ng madugong pakikipaglaban ng pamahalaan sa inilunsad nitong giyera sa droga.

Ang pagkamatay ng mga manggagawang ito ay isang alarmang hindi na dapat maulit. Dapat lumabas sa kalsada ang mga manggagawa't ang mismong sambayanan sa ngalan ng proseso o due process of law at paggalang sa karapatang pantao, buhay at dignidad.

Ang mga nangyaring pagpaslang na ito'y dapat masusing imbestigahan ng mga ahensya sa karapatang pantao, at maging ng kapulisan, at dapat magkaroon ng katarungan ang pagkamatay ng mga manggagawa at magsasakang ito.

Katarungan sa mga manggagawa at magsasakang pinaslang! Stop Labor Killings!

Sanggunian: Press statement ng iDefend, Sentro at Partido ng Manggagawa (PM)

Miyerkules, Agosto 31, 2016

10 km Lakad Laban sa Pagpapalibing sa Diktador sa LNMB, Isinagawa

10KM LAKAD LABAN SA PAGLILIBING SA DIKTADOR SA LNMB, ISINAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Agosto 31, 2016 nang maglakad ang inyong lingkod mula sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon Avenue sa Lungsod Quezon, hanggang sa Korte Suprema sa Maynila, mula ika-6 hanggang ika-9 ng umaga. Dapat na Agosto 24, 2016 ang lakad na ito, pagkat ang orihinal na oral argument sa Korte Suprema ay sa araw na ito, ngunit inurong ng pitong araw pa. Ang paglalakad na ito ay isang anyo ng protesta laban sa pagpapalibing kay dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB).

Ang patalastas dito'y inanunsyo ng inyong lingkod sa facebook. Gayunman, ako lamang mag-isa ang naglakad, marahil ay dahil hindi pa sanay ang mga tao na isang kampanya rin ang paglalakad. O kabilang ang mahabang paglalakad sa pagkilos tulad ng rali. Kasama ng isang litratong nilagyan ko ng anunsyo, aking isinulat sa facebook, 

"Ni-reset ng Supreme Court ang Oral Argument hinggil sa Marcos burial mula August 24 sa Agosto 31. Kaya ni-reset din ang lakad na ito.

Sa muli, bilang pakikiisa sa sambayanang hindi pumapayag sa pagpapalibing kay dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani, ako po ay maglalakad mula sa Bantayog ng mga Bayani hanggang sa Korte Suprema, na pangyayarihan naman ng oral argument na naka-iskedyul sa araw na iyon. Sa mga nais sumama, mangyaring magdala po kayo ng inyong plakard, pampalit na tshirt, tubig at twalya. Magdala na rin po ng payong o kapote dahil baka maulan sa araw na iyon. Maraming salamat po.

Greg Bituin Jr.
participant, 142km Lakad Laban sa Laiban Dam, Nobyembre 2009
participant, 1,000 km Climate walk from Luneta to Tacloban, Oct2-Nov8, 2014
participant, French Leg ng Climate Walk from Rome to Paris, Nov-Dec 2015
participant, 135km Martsa ng Magsasaka, mula Sariaya, Quezon to Manila, April 2016
participant, 10km Walk for "Justice for Ating Guro" from DepEd NCR to Comelec, May 2016"

Kinagabihan bago ang araw na iyon ay dumalo ang inyong lingkod sa pagtitipon sa Our Lady of Loreto Parish sa Sampaloc, Maynila para sa isang misa, pagtutulos ng kandila, at maikling programa hinggil sa panawagang huwag mailibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Nagsimula ang misa ng ikaanim ng gabi sa isang tuklong (kapilya) sa gilid ng Simbahan ng Loreto, at sa pasilyo niyon naganap ang pagtutulos ng kandila at pagsasabi ng karamihan kung sinong martir, pinahirapan at nangawala noong panahon ng batas-militar ang kanilang inaalala. Nagkaroon din ng ilang power point presentation hinggil sa mga naganap noong martial law, at pagkukwento rin ng ilang dumalo hinggil sa mga nangyari noon.

Agosto 31, 2016, nagsimulang maglakad ang inyong lingkod ng ganap na ika-6:15 ng umaga sa Bantayog ng mga Bayani, at nakarating sa Korte Suprema ng bandang ika-8:45 ng umaga. Ang ruta kong dinaanan ay ang kahabaan ng Quezon Avenue sa Lungsod Quezon, sa Welcome Rotonda, sa España Blvd., at lumiko ako sa Lacson Ave. papuntang Bustillos, Mendiola, Legarda, Ayala Bridge, Taft Ave., hanggang makarating ng Korte Suprema sa Padre Faura St., sa Maynila.

Nang makarating ako roon ay naroon na ang dalawang panig - ang grupong anti-Marcos at ang grupong maka-Marcos. May mga nagtatalumpati na at may mga sigawan. Hanggang sa pumagitna na rin ang mga pulis upang hindi magkagulo. Bandang ika-11 ng umaga ay natapos na ang programa ng panig ng mga anti-Marcos burial, at kasunod nito ay ipinarinig na sa malakas na speaker mula sa Korte Suprema ang oral argument sa loob. Kaya kasama ng ilang mga kaibigan mula sa human rights, tulad ng FIND (Families of Victims of Involuntary Disappearances) at CAMB-LNMB (Coalition Against the Marcos Burial in Libingan ng mga Bayani), kami'y nakinig ng mga talumpati. Bandang ikalawa ng hapon nang ako'y magpasyang umalis dahil may ilan pang gawaing dapat tapusin.

Maaaring may magtanong, "Bakit kailangan mong maglakad?" Na sasagutin ko naman ng ilang mga dahilan.

Kailangan kong lakarin iyon, hindi dahil walang pamasahe, kundi ipakitang ang paglalakad ay isa ring anyo ng pagkilos na makabuluhan, at isa ring anyo ng pakikibaka na hindi lamang rali o paghahawak ng armas.

Tulad ng mga nasamahan kong lakaran noon, nais kong ipakita sa taumbayan ang kahalagahan ng mga isyung dapat nilang huwag ipagsawalang bahala. Tulad ng isyu ng paglilibing sa dating Pangulong Marcos. Kapag inilibing siya sa Libingan ng mga Bayani, natural na maituturing siyang bayani, kahit siya ay pinatalsik ng taumbayan dahil sa kanyang kalupitan noong panahon ng diktadura. Ayaw nating basta na lamang mababoy ang kasaysayan, o mabago ito dahil pinayagan ang pagpapalibing sa kanya sa Libingan ng mga Bayani.

Kahit na sabihin pa ng iba na wax na lamang at hindi na ang katawan ni Marcos ang ililibing sa Libingan ng mga Bayani, makakasira pa rin ito sa imahen ng Pilipinas bilang siyang nanguna sa people power na naging inspirasyon ng iba pang bansa upang ilunsad din ang kanilang sariling bersyon ng people power.

Dapat ngang sundin na lamang ang hiling noon ni Marcos na ilibing siya sa tabi ng kanyang ina sa Ilokos, at hindi pa magagalit ang mamamayan. Ito marahil ang mas maayos na libing na marapat lamang kay Marcos na pinatalsik ng taumbayan.

Hindi ako maka-Ninoy o makadilawan, kaya ang isyung ito para sa akin ay hindi tungkol kay Marcos o kay Ninoy, o sa maka-Marcos o maka-Ninoy. Ako'y nasa panig ng hustisya sa mga nangawala noong martial law na hanggang ngayon ay hindi pa nakikita. Ako'y nasa panig ng mga ulilang hindi pa nakikita ang bangkay ng kanilang mga kaanak. Ako'y aktibistang dalawang dekadang higit nang kumikilos para sa uring manggagawa at masa ng sambayanan, na karamihan ng aming mga lider ay pinahirapan noong panahon ng diktadurang Marcos.

Patuloy akong maglalakad bilang isang uri ng pagkilos upang manawagan para sa katarungan sa mga biktima ng martial law na hindi na dapat maulit sa kasaysayan.

Narito ang kinatha kong tula hinggil sa isyung ito na may walong pantig bawat taludtod:

sa bayan ng magigiting
diktador ay ililibing
papupurihang bayani
masa'y nanggagalaiti
di bayani ang diktador
sabi nilang nagmamaktol
bakit muling ililibing
ang dati nang nakalibing
sa lalawigang Ilokos
ng tatlong dekada halos
ngunit masa'y tumatanggi
kung Libingan ng Bayani
si Makoy ay ililibing
di payag, iiling-iling
mga bayaning nabaon
baka mag-alisan doon
"ayaw naming makasama
ang kumawawa sa masa
daming nawala, tinortyur
sa panahon ng diktador
di siya isang bayani
huwag sa aming itabi!"

Sabado, Hulyo 30, 2016

Ang tulang "Imperyalismo" ni Jose Corazon de Jesus


ANG TULANG "IMPERYALISMO" NI JOSE CORAZON DE JESUS
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pananakop ng isang malaking bansa sa isa pang bansa ang imperyalismo, di pa sa pisikal na kaanyuan nito kundi kahit na sa pang-ekonomyang patakaran. At sa panahon ng makatang Jose Corazon de Jesus, na panahon ng mga Kano sa atin, ay kumatha siya ng tulang pinamagatan niyang "Imperyalismo", na nalathala noong Enero 6, 1923 sa pahayagang Taliba. Muli itong nalathala sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, na pinamatnugutan ni Virgilio S. Almario, na nasa pahina 163-164 ng aklat.

Halina't namnamin at pagnilayan natin ang tulang "Imperyalismo":

IMPERYALISMO
Jose Corazon de Jesus

"Washington D.C. (Nob. 30) - Maraming pahayagan dine ang nagsasabi na hindi dapat palayain ang mga Pilipino sapagkat hindi pa edukado at tinitiyak nila na hindi magkakaroon ng independensiya hangga't di marunong ng Ingles ang lahat ng Pilipino."

Ingles naman ngayon itong salitaan,
lalo pang lumayo yaong Kasarinlan;
matuto ng Ingles itong Kapuluan,
mawalan ng wikang katuubo't mahal;
mag-Amerikano sa kaugalian,
mag-Amerikano pati kabastusan,
mag-Amerikano gayong hindi naman,
isang utos itong napakahalimaw!

Piliting ang bayan, nang upang lumaya'y
papagsalitain ng di niya wika:
Imulat ang mata sa kilos masagwa,
edukahin tayong parang gagong bata.
Ito'y gawa lamang noong mga bansa
na lubhang salbahe, makamkam, masiba!
Walang katuwiran ang may ganyang diwang
ululin ang bayan sa pangakong pawa.

At hindi ba Ingles itong aming bayan?
Tingnan at kay buti na naming magnakaw,
tingnan at kay buting umestapa diyan,
tingnan at kay galing sa panunulisan.
Noong araw baga, kami'y mayr'on niyan,
noong araw baga'y may sistemang ganyan?
Iya'y edukasyong aming natutuhan
sa iingles-ingles na dito'y dumatal!

Noong araw kami, sa isang araro'y
ilagay ang k'walta at may tatrabaho;
ngunit ngayon, gawin ang sistemang ito
at tagay ang k'walta pati araro mo.
Kung tunay man kaming mga Pilipino,
natuto't bumuti sa Amerikano,
ang Amerikano ay nagdala rito
ng sama rin naman ng mga bandido.

Pipilitin ngayong matuto ng Ingles
ang Bayang ang nasa'y Paglayang matamis;
pipilitin ngayong dila'y mapilipit
nitong mga taong dila'y matutuwid;
pipilitin ngayong kami ay mapiit
hangga't di matuto na umingles-ingles;
saka pagkatapos, pipintasang labis,
inyong sasabihing kami'y batang paslit!

Tarantado na nga itong daigdigan!
Tarantado na nga itong ating bayan!
Kung ano-ano na iyang kahilingan,
sunod ke te sunod na animo'y ugaw!
Kung ayaw ibigay iyang Kasarinlan,
tapatang sabihin, na ayaw ibigay.
Pagkat dito'y inyong kinakailangan
maging dambuhala ng pangangalakal!

Ni walang katwirang dito ay magtaning
ang sinumang bansang dumayo sa amin,
walang bayang api ni bayang alipin
at hindi katwiran na kami'y sakupin!
Kung bagamat ito'y natitiis namin,
sapagkat ang Oras ay di dumarating!
Nagtitiis kami't umaasa pa rin
na ang Amerika'y hindi bansang sakim!

Ayon sa Merriam Webster Dictionary, ang kahulugan ng imperyalismo o imperialism ay: (a) a policy or practice by which a country increases its power by gaining control over other areas of the world; (b) the effect that a powerful country or group of countries has in changing or influencing the way people live in other, poorer countries.

Ayon naman sa Cambridge Dictionary, ang kahulugan ng imperyalismo o imperialism ay: the attempt of one country to control another country, esp. by political and economic methods.

Sa English-Tagalog Dictionary ni Fr. Leo English, ang imperialism ay: (noun) an imperial system of government. Ang imperialist ay: a person who favors imperialism. At ang imperial naman ay: of or having to do with an empire or its ruler: Ukol sa imperyo o emperador.

Ayon naman sa UP Diksiyonaryong Filipino, ang imperyalismo ay: patakaran sa pagsakop ng isang bansa o imperyo sa ibang bansa o teritoryo; pag-impluwensiya o pagkontrol ng isang bansa sa mahina at mahirap na bansa sa pamamagitan ng kalakalan, diplomasya, o katulad.

Sa Encyclopedia Britannica naman ay ganito ang pakahulugan ng imperialism: Imperialism, state policy, practice, or advocacy of extending power and dominion, especially by direct territorial acquisition or by gaining political and economic control of other areas. Because it always involves the use of power, whether military force or some subtler form, imperialism has often been considered morally reprehensible, and the term is frequently employed in international propaganda to denounce and discredit an opponent’s foreign policy. (Ang imperyalismo, patakarang pang-estado, kalakaran, o adbokasiya ng pagpapalawak ng kapangyarihan at pinamamahalaan, lalo na direktang pagsakop ng teritory o sa pagkontrol sa pulitika at ekonomiya ng iba pang lugar. Pagkat lagi rin itong gumagamit ng lakas, ito man ay pwersang militar o ilang tusong pamamaraan, itinuturing ang imperyalismo na maganda nga ngunit pagsisisihan mo, at kadalasang ginagamit din ang termino sa mga pandaigdigang propaganda upang tuligsain at wasakin ang patakarang panlabas ng kaaway. - sariling salin ng may-akda).

Kung babaybayin natin ang kasaysayan, ang imperyalismo noong mga panahong sinauna ay malinaw, dahil sa papalit-palit ng imperyo. 

Ayon sa rebolusyonaryong si Vladimir Lenin, ang imperyalismo ang pinakamataas na antas ng kapitalismo. Binanggit niyang may limang yugto ang imperyalismo, at ito'y ang mga sumusunod: (1) nalikha ang konsentrasyon ng produksyon at puhunan sa mataas na yugtong nakalikha ng mga monopolyong may malaking papel sa buhay-pang-ekonomya; (2) ang pagsasama ng pamumuhunan ng bangko sa pang-industriyang pamumuhunan, at ang paglikha ng oligarkiyang pinansyal sa batayan ng nabanggit na "pinansyang kapital"; (3) ang pagluluwas ng puhunan na kaiba sa pagluluwas ng mga kalakal na may natatanging kahalagahan; (4) ang pagbuo ng mga internasyonal na monopolyo kapitalistang asosasyon na pinaghahatian ang yaman ng mundo para sa kanila, at (5) ang ganap na pagkakahati ng buong daigdig sa pagitan ng mga pinakamakapangyarihang kapitalistang bansa. Ang imperyalismo ay kapitalismong nasa yugto ng pag-unlad at kung saan nabubuo ang pangingibabaw ng monopolyo at pampinansyang puhunan; at napakahalaga ng pagluluwas ng puhunan; kung saan nagsimula na ang pagkakahati ng mundo sa mga pandaigdigang nagpopondo, at ganap nang nakumpleto ang pagkamkam ng mga kapitalistang bansa ng iba't ibang teritoryo sa daigdig. [mula sa [Lenin, Imperialism the Highest Stage of Capitalism, LCW Volume 22, p. 266-7.]

Kumbaga, hindi na ito simpleng bili-benta o buy and sell, kundi nakamit na ng kapitalismo ang bulto-bultong tubo sa pandaigdigan at ang sistemang ito na ang nagpapasya sa kung saan na patutungo ang mundo, sa pamamagitan na rin ng mga dambuhalang korporasyon. Ang labis na tubo't puhunan ng mga korporasyong ito, na nagmula sa pagsasamantala o pambabarat sa lakas-paggawa ng manggagawa, ay iniluluwas sa di pa gaanong maunlad na bansa kung saan kakaunti ang puhunan, mababa ang halaga ng lupa, lakas-paggawa at hilaw na materyales.

Sa ganitong pananaw ni Lenin, hindi lamang ito simpleng isyu ng dayuhang pananakop, at tanging sagot ay pagkamakabayan, dahil wala namang magagawa ang pagkamakabayan sa isyu ng puhunan at paggawa, sa isyu ng kapitalista't manggagawa. Tulad din maraming mga makabayang kapitalista ang nambabarat sa manggagawa. Sa loob ng pabrika halimbawa, na mas ang umiiral ay ang sistema ng sahod at tubo, at kahit lahat kayo ay makabayan, mananatiling barat ang makabayang kapitalista sa sahod, at maaaring mag-aklas ang makabayang Pilipino dahil sa baba ng sahod. Dahil kalikasan talaga iyon ng sistemang kapitalismo.

Sa tula ni Huseng Batute, nagsimula ang imperyalismo sa pagpapagamit ng wika ng mga kapitalistang mananakop, at pagbabalewala sa sariling wika ng mismong pamahalaang Pilipino. Ipinoprotesta niya ang wikang Ingles na ipinipilit sa atin upang unti-unting yakapin natin ang kulturang dayuhan, na magdudulo sa pagkawala naman ng sariling identidad o sariling katauhan. Gayunman, sa dulo ng tula ay umaasa pa rin naman siyang hindi sagad-sagaring kapitalistang ganid ang bansang Amerika.

Panahon iyon ng Amerikano sa bansa, na nang ginawa ang tula ay mahigit isang dekada pa bago maganap ang Ikalawang Daigdigang Digmaan. Namatay si Huseng Batute noong 1932, sa panahong siya ang kinikilalang Hari ng Balagtasan.

Mahalaga ang pagkakasulat ni Huseng Batute upang masilip natin kung ano ba ang imperyalismo sa kanilang panahon. Mas makabayan, at mas laban sa pananakop ng dayuhan. Kaiba ito sa pananaw ni Lenin na ang imperyalismo ang pinakamataas na yugto ng kapitalismo, pagkat nasa panahong mas umiiral pa ang piyudalismo sa bansa kaysa kapitalismo, dahil mayorya ng bansa ay agrikultural at hindi pa gaano noon ang industriya sa bansa.

Kaya bagamat nagkaroon na ng nobelang Banaag at Sikat na inilabas ng serye sa pahayagang Muling Pagsilang noong 1905 (at naisaaklat noong 1906) na sinulat ni Lope K. Santos na tumatalakay sa buhay at pakikibaka ng uring manggagawa sa Pilipinas, mayorya ng panahong iyon ay nabubuhay sa pagsasaka. Noong 1930, dalawang taon bago mamatay si Batute ay naitatag naman ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) na nananawagan din ng pakikibaka laban sa imperyalismo. Kumbaga, tumagos man sa kamalayan ng mga Pilipino ang sosyalismo, o lipunan ng uring manggagawa, hindi ito agad maipagtatagumpay kung mayorya ay magsasaka.

Gayunpaman, mahalaga ang pagtalakay ni Batute sa tula pagkat isiniwalat niya ang kalapastanganan ng imperyalismo sa ating bansa noong kanyang panahon.