Linggo, Hunyo 28, 2020

Maikling kwento: Paghuli sa mga tinuturing na pasaway

PAGHULI SA MGA TINUTURING NA PASAWAY
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

"Galing lang ako sa botika upang bumili ng facemask, pero ubos na raw at walang stock. Kaya umuwi na ako. Sa paglalakad ay bigla na lang akong hinuli at pinalo ng yantok ng pulis. Pasaway daw ako at hindi sumusunod, dahil wala raw akong suot na facemask." Ito ang kwento ni Ka Kiko sa ilan pang nakakulong sa presintong iyon.

"Halos ganyan din ang nangyari sa akin. Wala rin akong mabilhan. Tapos sabi nila, dapat social distancing. Sinunod ko iyon. Pero silang mga alagad ng batas ang hindi sumusunod, dahil mismong dito sa kulungan ay walang social distancing. Para tayong sardinas dito." Ito naman ang sabi ni Efren na nakilala ni Ka Kiko sa loob.

Tahimik lang na nakikinig si Ka Dodong sa kanilang usapan. Subalit siya'y natanong. "Ikaw naman, anong kwento mo?"

Ayaw sana niyang sumabat sa usapan, ngunit nais na rin niyang ikwento ang nangyari sa kanya. Aniya, "May facemask ako, subalit wala akong quarantine pass. Taga-Malabon ako subalit nais kong bumili ng isda sa Navotas. Hinuli ako't ikinulong. Di pa alam ng pamilya ko ang nangyari sa akin."

Matitindi na ang mga usapan sa piitang iyon. Ikinulong sila sa salang walang suot na facemask, walang quarantine pass, at mga pasaway daw sila.

Sumabat naman si Ka Lito na isang manggagawa. Ang kwento niya, bilang lider-manggagawa, hindi niya kinakalimutan ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa na sumasapit tuwing unang araw ng Mayo. Tiniyak nilang may social distancing at sila’y nagpahayag sa social media ng mga panawagang tulad ng Free Mass Testing Now! na nakasulat sa kanilang plakard. Ayon pa sa kanya, walang masama roon dahil "Taon-taon naman ay ipinagdiriwang namin ang Mayo Uno. Ganoon din ngayon, na naka-facemask kami, nag-alkohol, at nag-social distancing, ngunit hinuli pa rin."

Sumabat uli si Ka Kiko, "Ano bang maaasahan natin sa ganitong gobyernong walang pakundangan sa karapatang pantao. Iyon ngang sundalong si Winston Ragos na sinita ng limang pulis ay pinaslang ng pulis, na may sayad din yata, dahil walang facemask. Meron pang batang pinalo ng yantok ng pulis dahil walang facemask. May hinuli ring twalya, imbes facemask, ang isinuot. Paano na ang due process at karapatang pantao?”

Narinig sila ng pulis na nagba-bantay sa kanila. "Mga pasaway kasi kayo, kaya dapat kayong hulihin."

Sinagot tuloy ni Ka Kiko ang pulis na bantay. "Paano kami naging pasaway? Naubusan nga ng facemask sa botika, pasaway?"

"Mas pasaway kayong mga pulis. Sabi ninyo, dapat social distancing, pero dito sa kulungan, naka-social distancing ba kami? Ang hepe nyo ngang si Debold Sinas, nakapag-manyanita pa. Nagkasayahan nang hindi naman nag-social distancing. Tapos, di nakasuhan. Basta pulis, lusot sa kaso kahit lumabag." Dagdag naman ni Efren.

Maya-maya, nakita rin ng mga kamag-anak ni Ka Dodong ang kanyang kinaroroonan. Akala nila'y tuluyang nawala ang kanilang ama. Ayon sa isang dating bilanggong pulitikal, isa itong kaso ng desaparesido dahil sapilitang siyang iwinala, at si Ka Dodong ay resurfaced pagkat muling nakita.

Ilang araw naman ang lumipas, dumating na ang abugadong sumaklolo kay Ka Lito. Laya na siya. Subalit paano ang ibang walang abugado?

Ang sabi ni Atty. Juan sa mga nabilanggo, "Hindi kayo mga pasaway, dahil ang palpak ay ang plano sa kwarantinang ito. Dapat maging makatao. Kung wala kayong facemask, bakit kayo ikukulong? Ang dali-dali, magbigay lang sila ng facemask, wala na sanang problema. Ang problema, imbes na mga doktor o kaya’y mga espesyalista sa karamdaman ang manguna sa pagbaka sa coronavirus na ito, bakit pulis at militar ang nangunguna? Anong malay ng mga iyan sa problema sa kalusugan? Ang dapat, serbisyong medikal, hindi militar. Checkup at hindi checkpoint. Kung walang facemask, dapat magbigay ng facemask. Tulong, hindi kulong. Paana lang kung maipasa ang Anti-Terror Bill? Baka mas tumindi pa ang mga paglabag sa karapatang pantao..."

Bukod sa mga bilanggo, medyo naliwanagan din ang ilang pulis. Humingi ng pasensya. "Sumusunod lang naman kami sa utos mula sa itaas. Sabi nga ni Presidente, shoot them dead laban sa mga pasaway. Mabait pa kami dahil hindi namin kayo pinatay. Sumusunod lang po kami sa utos."

Napailing na lang ang mga bilanggo at ang abugado sa palsong paliwanag ng pulis.

Bago umalis kasama ng abugado, isinigaw ni Ka Lito, "Karapatang pantao, ipaglaban! Free mass testing now!" na ikinagulat man ng mga naroon ay hinayaan na lang silang makaalis.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 16-30, 2020, pahina 18-19.

Biyernes, Hunyo 19, 2020

Sanaysay sa Taliba: ANG KASONG LIBELO

SERYE NG BATAS AT KARAPATAN
Ang kasong libelo 
Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Natatandaan ko noong ako pa’y editor ng pahayagang pangkampus na upang maging matagumpay ang kasong libelong isasampa sa iyo ay dapat may apat na batayan, at may daglat itong PIDM. Publication - paglathala; Identification - Pagkilala o pagtukoy; Defamation - Paninirang puri; at Malice - malisya. Pag wala ang isa man sa apat na ito ay hindi magiging hinog ang kasong libelo. Halimbawa, sa isang blind item, may presensya ng tatlo pero hindi tinukoy ang pangalan, hindi ito magiging matagumpay na kasong libelo, dahil kulang ng isa.

Gayunman, mas dapat din nating aralin ang batas sa libelo upang makaiwas tayong makasuhan sa isang sinulat nating di natin mapanindigan, o di natin mapatunayan sa harap ng hukuman.

Ayon sa Artikulo 353 ng Philippines Revised Penal Code, ang kahulugan ng libelo ay “a public and malicious imputation of a crime, or of a vice or defect, real or imaginary, or any act, omission, condition, status or circumstance tending to cause dishonor, discredit or contempt of a natural or juridical person, or to blacken the memory of one who is dead.”

Sa simpleng sabi, pag may paninirang puri kang inilathala, maaari kang sampahan ng kasong libelo. Pagkat hindi garantiya ang kalayaang magpahayag. Ang pinaka-epektibong depensa rito ay ang katotohanan, at kaya mong idepensa ang iyong ulat ng mga katibayan, tulad ng preponderous evidence at testimonial evidence.

Dapat nauunawaan natin ito lalo na’t ginagawa natin ang ating pahayagang Taliba ng Maralita. Kaya may nagsusulat ng mga salitang “diumano”, “ayon sa saksi”, o sa Ingles ay “alleged”, at iba pa.

Paano maiiwasang makasuhan ng libelo? Ano ang dapat nating gawin pag tayo’y nakasuhan nito? Di sapat ang dapat handa tayong makasuhan ng libelo. Ang malaki riyan ay magkano ang piyansa, na di lang libo kundi milyong piso, lalo na’t ang nagsakdal ay mayaman at kilalang tao.

Sa susunod na isyu, pag-usapan naman natin ang isyu at batas hinggil sa cyberlibel.

* Ang artikulong ito'y unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 16-30, 2020, pahina 2.

Huwebes, Hunyo 18, 2020

Karahasan at paglabag sa karapatang pantao sa panahon ng kwarantina

KARAHASAN AT PAGLABAG SA KARAPATANG PANTAO SA PANAHON NG KWARANTINA 
Saliksik ni Greg Bituin Jr.

Balitang-balita ang maraming paglabag sa karapatang pantao nang magsimula na ang lockdown o community quarantine noong kalagitnaan ng Marso 2020 dahil sa pananalasa ng COVID-19. Dapat daw, lahat ay may facemask, mag-alkokol, Stay-at-Home, mag-social distancing, atbp. upang maiwasan ang sakit na COVID-19. Habang ang marami'y nananawagan noon ng Free Mass Testing, at ayuda.

Subalit maraming paglabag sa karapatang pantao ang naganap, dahil mga pasaway daw ang mga nagtinda upang di magutom ang pamilya, hinambalos ng yantok, binugbog, sinaktan, kinulong, at ang pinakamatindi’y ang pagpatay. Ano pa bang aasahan natin kung sinabi mismo ng pangulo na “Shoot them dead!” sa sinumang lumalabag sa polisiya sa kwarantina? Tulad ng tokhang, karahasan ang mga naganap.

Kawawa ang inabot ng mga walang facemask, pulos maralita ang mga hinuli’t ikinulong. Habang ang mga sikat at kampi ni Duterte ay nakakalaya sa kabila ng mga paglabag din sa polisiya ng kwarantina. Sikat sa social media ang pagkakaligtas, sa kabila ng paglabag, nina Senador Koko Pimentel, Mocha Uson, Debold Suñas, at marami pang iba.  

Kitang-kita ang tunggalian ng uri sa kasalukuyan. Tunay ang sinabi sa kantang Tatsulok: “At ang hustisya ay para lang sa mayaman.” At kita ito ng mga maralitang galit na sa nangyayaring inhustisya sa lipunan.

Nasaan na ang due process? Sa panahon ng tokhang nga’y walang due process, hahanapin pa ba natin ito sa ngayon? Oo. Sapagkat ito ang nararapat. 

Sunod-sunod ang mga vendor na hinuli dahil gutom sila’t nais kumita upang mapakain ang pamilya. May 13-anyos na pinalo umano ng yantok ng pulis. Si Ka Dodong na taga-Navotas, na hinuli’t muntik maging isang desaparesido, dahil walang quarantine pass. May magsasakang namatay dahil tinanggihan ng anim na ospital. Pinaslang ang sundalong si Winston Ragos, gayong limang pulis ang naroroon. May war shock umano ang sundalo, ngunit tila may topak din ang pulis na bumaril sa kanya. Pati manggagawang nagdiwang ng Mayo Uno ay dinakip din at ilang araw namalagi sa kulungan.

Ayon kay Mayor Joy Belmonte ng Quezon City, pag walang facemask sa QC, 6 na buwang kulong at P50K na multa. Anong klase ang ganitong pinuno, na imbes bigyan ng facemask ang walang facemask ay ikukulong pa?

Nakaparaming karahasan, na imbes tutukan ang COVID-19, ay pulos tapang at pananakit ang nararanasan ng mamamayan. Ganito nga ba ang pamahalaang pinamumunuan ng matapang na mamamatay-tao, at nagsabing una sana siyang nanggahasa sa isang babaeng Australianang pinaslang.

* Unang nalathala ang artikulong ito sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 1-15, 2020, pahina 10-11.

Linggo, Hunyo 14, 2020

Ang pagkamatay ni George Floyd na naging mitsa ng protesta sa US

Ang pagkamatay ni George Floyd na naging mitsa ng protesta sa US
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Black Lives Matter. Muling nabuo ang malaking protesta ng mga Itim sa Amerika bunsod ng pagkamatay ni George Floyd. Hindi ito tulad sa Pilipinas, na di pa agad masabing Brown Lives Matter, dahil Pilipino rin ang pumapatay sa kapwa Pilipino sa mga nagaganap sa salvaging o E.J.K (Extra-Judicial Killings) sa bansa.

Si George Floyd ay isang Egoy (Amerikanong Negro) na nakita sa video at litrato na nakadapa sa gilid ng isang police car, pinosasan ang mga kamay sa likod at dinaganan ng tuhod ng pulis na Puti ang kanyang leeg. Ang pulis, si Derek Chauvin, at tatlo pang pulis, ang umaresto kay Floyd, dahil diumano sa pekeng pera. Nangyari iyon sa Minneapolis noong Mayo 26, 2020.

"I can't breathe! (Hindi ako makahinga!)" ang paulit-ulit niyang sinasabi. Namatay siya sa kalaunan.

Kinabukasan ay sinibak agad ang apat na pulis. Ayon sa awtopsiya, homicide ang ikinamatay ni Floyd. Sa madaling salita, namatay siya sa kamay ng pulis na si Chauvin. Kinasuhan si Chauvin ng third-degree murder at second-degree manslaughter.

Dahil sa nangyari, nagkaroon ng malawakang protesta sa pagkamatay ni Floyd, at laban sa karahasan ng mga pulis na Puti laban sa mga Egoy, sa iba't ibang lugar ng Amerika, maging sa ibang panig ng mundo.

Bago iyon, bumili si George Floyd ng kaha ng sigarilyo sa Cup Foods sa Minneapolis, at nagbayad ng $20. Nang makaalis na siya pasakay ng kanyang SUV, tumawag ng pulis ang may-ari ng Cup Foods sa hinalang peke ang perang ibinayad ni Floyd. Kaya dumating ang mga pulis at inaresto si Floyd.

Sa ating bansa, marami nang pinatay ang mga pulis sa War in Drugs. Ang nangyari kay Kian Delos Santos, kung ikukumpara kay Floyd, ay nagpaputok din ng maraming protesta para sa hustisya.

Kung nagalit ang mga tao sa pagpatay na iyon ng pulis, na mitsa ng libu-libong protesta, sa ating bansa naman, sa takot pagbintangang kumakampi sa adik, ang kawalang proseso at kawalang katarungan ay tila binabalewala. Ayaw lumabas sa kalsada, ayaw iprotesta ang mga mali.

Dapat kumilos din tayo laban sa inhustisya. Dapat kumilos din tayo laban sa kawalang paggalang sa due process at karapatang pantao.

Nakagawa man ng pagkakamali si George Floyd, hindi siya dapat namatay, o "di-sinasadyang" pinatay. Isa siya ngayong inspirasyon sa pakikibaka laban sa racismo, karahasan ng mga Puti laban sa mga Itim, at laban sa police brutality.

Sa ating bansa, kung napanood natin ang dokumentaryong "On the President's Order", isa itong dokumentaryo sa War on Drugs at panayam sa mga totoong pulis at totoong pamilya ng biktima ng pagpaslang.

Ang pakikibaka para sa hustisyang panlipunan ay ipinakita sa pagkamatay ni George Floyd sa Amerika, habang si Kian delos Santos naman, bilang naging kinatawan ng iba pang pinaslang. Kung maisasabatas pa sa ating bansa ang Terror Bill, baka mas lalong umabuso ang mga nasa kapangyarihang nang wala pang Terror Bill ay marami nang pinaslang nang walang paggalang sa due process.

Nawa'y makamtan ng mga biktima ng pamamaslang ang hustisya!

* Ang artikulong ito'y unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal ng publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 1-15, 2020, pahina 18-19.

Linggo, Mayo 31, 2020

Sa mga mambabasa ng Taliba ng Maralita

Mayo 31, 2020
Sa mga mambabasa ng Taliba ng Maralita,

Maraming salamat sa inyong pagtangkilik sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Simula nang matagumpay na mailunsad ang Ikalimang Pambansang Kongreso ng KPML, nakapag-umpisa muli tayo ng paglalathala ng Taliba ng Maralita. Noong mag-umpisa ako sa KPML bilang staff noong taon 2001 hanggang Marso 2008, sa akin pinatrabaho ang paglalabas ng Taliba ng Maralita, kaya nakapaglathala tayo ng Taliba ng Maralita noon sa size na 8.5 x 11 o short bond paper bawat pahina, at walong pahina kada labas nito. Nalalathala ito noon ng isang beses kada tatlong buwan, apat na beses sa isang taon, may kulay ang unang pahina. Nang mawala na ako noong Marso 2008 bilang staff, at naging volunteer na lamang, di na nakagawa ng Taliba ng Maralita dahil na rin sa kakapusan ng badyet.

Subalit lumiit ito ngayon, bawat pahina ng Taliba ng Maralita ay kalahati na lang ng short bond paper. Kaya sa isang buong bond paper, ito'y titiklupin na sa gitna. Matapos ang 5th National Congress ng KPML noong Setyembre 16, 2018, at nahalal ang inyong lingkod bilang sekretaryo heneral ng KPML, inumpisahan muli natin ang Taliba ng Maralita, at ginawang isyu number 1 ang Oktubre-Nobyembre 2018 na labas nito. Mula Nobyembre 2018 hanggang Pebrero 2019 ay isang beses kada buwan ang labas nito. Subalit simula ng Marso 2019 hanggang sa kasalukuyan ay dalawang beses bawat buwan na ito nalalathala. Sa ngayon, nakapaglathala na tayo ng tatlumpu't tatlong isyu, at ang huling nalathala ay ito ngang Isyu 33, Mayo 16-31, 2020, at ang susunod ay Isyu 34, Hunyo 1-15, 2020.

Tulad ng karaniwang dyaryong nabibili sa news stand, ibinebenta sa halagang sampung piso (P10.00) ang Taliba ng Maralita, upang maibalik lang ang puhunan. Gayunman, dahil sa higit dalawang buwang kwarantina o lockdown dahil sa COVID-19, ibinahagi na natin sa lahat, na mababasa na ng libre, ang lahat ng isyu ng Taliba ng Maralita na nasa blog na https://talibangmaralita.blogspot.com.

Sa ngayon, naisipan kong gumawa ng ilang patakaran hinggil sa Taliba ng Maralita, at nais ko kayong magbigay ng mungkahi o puna, pagsusuri, o marahil ay mag-ambag ng sulatin, bilang aming mga mambabasa ng Taliba ng Maralita.

Draft Guidelines, o patakaran ng Taliba ng Maralita

- Dapat ipaalam sa Pambansang Lupong Tagapagpaganap (NEC) ang lalamanin ng bawat isyu ng Taliba ng Maralita

- Dalawang beses isang buwan ang labas ng Taliba ng Maralita, tuwing a-kinse at katapusan ng buwan

- Ito ay naglalaman ng dalawampung (20) pahina, sa isang 8.5 x 11 size bond paper, titiklupin kaya bawat pahina ay kalahati ng bond paper, nasa kalahating pulgada ang margin, at 1 pulgada ang gitna (para sa pagtiklop)

- Ang unang pahina ay headline, o tampok na pagkilos ng maralita, o anumang putok na isyu

- Ang ikalawang pahina ay hinggil sa batas at karapatan

- Ang ikatlong pahina ay Editoryal, at may maliit na kahon hinggil sa Taliba ng Maralita

- Ang ikaapat na pahina ay nakalaan sa sulatin ng pambansang pangulo ng KPML, subalit kung wala siyang sulatin, ang pahina 4 ay maglalaman ng pahayag ng KPML sa anumang putok na isyu

- Ang panggitnang pahina o spreadsheet, pahina 10-11, ay hinggil sa mga tampok na lathalain

- Ang pahina 12-13 ay hinggil sa Balita Maralita, at komiks na Mara at Lita

- Ang iba pang pahina, mula pahina 5-9, at 14-19, o labing-isang pahina, ay maglalaman ng iba pang sulatin, tulad ng pahayag ng KPML, mga saliksik, sanaysay, balita mula sa mga kapatid na organisasyon ng BMP, Sanlakas, PLM, ZOTO, Piglas-Maralita, atbp. 

- Paminsan-minsan ay may isang pahinang Bukrebyu at mga sanaysay at salin hinggil sa sosyalismo, o sosyalistang adhikain

- Ang pahina 20 o huling pahina ay panitikan, o mga tula, na siyang masasabing kolum ng sekretaryo heneral ng KPML, na isa ring makata

- Kung kulang ng artikulo, magsaliksik. O kaya naman, dapat may mga reserbang artikulo, salin, bukrebyu, awit na pangmasa, tungkol sa pampublikong pabahay, sulating teoretikal, na ilalagay pag wala nang iba pang pumasok na artikulo

- Tuwing ikalima at ikadalawampu ng buwan ay ilalabas ng sec gen ang plano para sa isyung malalathala sa a-kinse o sa katapusan ng buwan

- Tuwing ikasampu o ikadalawampu't lima ng buwan ang deadline ng mga artikulo

- Sa ika-12 at ika-27 ng buwan ay umpisa na ng layout

- Kung may artikulong ihahabol, dapat sa ika-12 o ika-27 ng buwan ay maihabol na. Kung hindi makahabol, ito'y sa susunod na isyu na ilalathala

- Kung kakayanin, makapaglathala tayo ng mga balita mula sa rehiyon ng KPML at mga kasaping pederasyon at lokal na organisasyon, na sana'y maiambag nila

- Ang mga pahayag o artikulo, hangga't kakayanin ay kunin sa kalahating pahina ng short bond paper, o mas maikli pa kung may litrato, dahil bawat pahina ng Taliba ay kalahati ng 8.5 x 11 na papel, ang font ay size 11, Calibri, Arial o Times New Roman; ito'y upang di mahirapan sa layout bawat pahina

- Sinusunod ng Taliba ng Maralita ang prinsipyo ng creative commons, na maaaring ilathala ang anumang artikulo basta sinabi mo kung saan ang source, kahit di na magpaalam upang ilathala sa Taliba, tulad ng mga press statement, polyeto, litrato, at balita ng mga organisasyon; dahil nais talaga nila itong ipalaganap, at isa lang ang Taliba ng Maralita sa magpapalaganap nito; "Creative Commons aspires to cultivate a commons in which people can feel free to reuse not only ideas, but also words, images, and music without asking permission — because permission has already been granted to everyone." (mula sa https://wiki.creativecommons.org/wiki/Legal_Concepts)

- Imbes na copyright, sinusunod ng Taliba ng Maralita ang copyleft, na ibig sabihin, "which seeks to support the building of a richer public domain by providing an alternative to the automatic "all rights reserved" copyright, and has been dubbed "some rights reserved" (mula sa Wikipedia). Katulad din lang ito ng pagsi-share natin ng anumang sulatin sa facebook upang mabasa ng iba.

- Kung pribadong sulatin ng mga indibidwal na nasa facebook, ito'y dapat munang ipaalam sa nagsulat na ilalathala ang kanyang artikulo; tulad ng pagpapaalam ng Taliba ng Maralita na ilathala ang mga sulatin ng pangulo ng KPML na nasa kanyang facebook

- Dapat eksaktong a-kinse at katapusan ng buwan ay tapos na, at nailathala na ang Taliba ng Maralita

- Dahil lahat ng isyu ng Taliba ng Maralita ay nasa blog na https://talibangmaralita.blogspot.com, maaari na natin itong i-share sa ating mga kamag-anak, kakilala at kaibigan, sa pamamagitan ng facebook upang mabasa ng mga kasapian, mga kapatid na organisasyon, mga kasama, at mga kapwa dukha, at kahit ng pamahalaan

Kung may maidadagdag kayo, mungkahi o puna, bilang mambabasa ng Taliba ng Maralita, kayo po ay inaanyayahang magbigay ng mga mungkahi.

Hindi ko alam, ngunit bilang manunulat, ang Taliba ng Maralita na lang ang tanging publikasyong aking sinusulatan. Kaya parang personal na krusada ko na ito bilang makata't manunulat. At matindi ang inilapat kong disiplina sa aking sarili upang patuloy na malathala ang pahayagang ito sa takdang panahon, walang patid. Mahirap kasi na naturingan kang manunulat nang wala ka namang pinagsusulatang anumang dyaryo o magasin.

Wala na ang mga pinagsulatan ko noong magasing Tambuli ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (1996-1999 kung di ako nagkakamali), magasing Maypagasa ng Sanlakas (na nakadalawang isyu, 1998 at 1999), pahayagang Obrero ng BMP (na higit 40 isyu ang nalathala mula 2003 hanggang 2010), ang magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (na nakapitong isyu noong 2012), ang nag-iisang isyu ng pahayagang Sosyalista ng PLM (bandang 2008 o 2009 kung di ako nagkakamali, lumabas ng SONA ni GMA), ang Siklab ng Super Federation (na naglathala ng ilang artikulo ko at tula). Sa totoo lang, kung may pahayagan ang MASO (Manggagawang Sosyalista) at PAGGAWA (Pagkakaisa ng Uring Manggagawa, magboboluntaryo rin ako, di lang sa pagsusulat, kundi sa layout at pamamahagi.

Kaya nais kong mag-iwan ng tulang medyo personal, ipagpaumanhin. Naiiyak lang ako dahil Taliba ng Maralita na lang ang napagsusulatan ko, dahil wala na ang iba. Kaya bigay todo na ako rito. Na kahit nitong panahong kwarantina ay patuloy ang paglalathala natin ng Taliba ng Maralita. Taos-pusong pasasalamat sa lahat ng mga kasama sa National Executive Committee ng KPML sa kanilang taospusong suporta. Pasensya na sa tula:

pinagbubutihan ko ang paggawa ng Taliba
ng Maralita't ito ang tanging naglalathala
ng aking kathang sanaysay, tula't iba pang akda
tanging dyaryong sinusulatan ko bilang makata

may Aklatang Obrerong naglalathala rin naman
ng mga tula ko sa aklat, aba'y kainaman
subalit bihira nang nagagawa pa ang ganyan
di tulad nitong Talibang talagang pahayagan

kinsenas at katapusan, dapat nalathala na
itong Taliba ng Maralita upang mabasa
ng madla ang mga nilalaman nito tuwina
balita, paninindigan, komiks, isyu't problema

Taliba ng Maralita'y dyaryo ng masa, ninyo
kaya suportahan natin ang pahayagang ito
ito lang ang tangi kong pinagsusulatang dyaryo
kung dito na ako mamamatay, payag na ako

Maraming salamat. Mabuhay kayo!

Greg Bituin Jr.
Tagapangasiwa ng Taliba ng Maralita
Sekretaryo Heneral, KPML

Huwebes, Mayo 28, 2020

Ilang pananaw hinggil sa ating karapatan sa kalusugan

Ilang pananaw hinggil sa ating karapatan sa kalusugan
Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Ano nga ba ang tinatawag na rights based approach to health? O ano ang kalusugang nakabatay sa karapatan? Mahalaga ang usaping ito lalo na ngayong panahon ng pananalasa ng COVID-19. Ito ba'y isyu ng mga nasa sektor ng kalusugan, o isyu ito ng mga sundalo at kapulisan?

Bakit sa usapin ng kalusugan, parang martial law at pulos pulis at militar itong mga nakaharap sa taumbayan, imbes na mga doktor, nars, at iba pang nasa sektor ng kalusugan? Masakit pakinggan na sabihin nating ang tanging alam lang ng pangulo sa pagsugpo ng problema ay pagpaslang o extrajudicial killings (EJK), kaya pati sa usapin ng COVID-19 ay pulis at militar pa rin ang inihaharap.

Sigaw nga ng marami sa atin: Serbisyong Medikal, Hindi Militar! Checkup, hindi checkpoint! Paano ba natin nauunawaan na tayo'y nakaharap sa sakit na coronavirus, at hindi tungkol sa pasistang paghahari?

Ano nga ba ang ating karapatan sa kalusugan? Ano ang mass testing? Ano ang flatten the curve?

Lalo na ngayong maraming mga manggagawa ang pinababalik na sa mga pagawaan. Panawagan ng manggagawa: Mass Testing muna bago pabalikin sa trabaho! Sa mga mag-aaral ay gayon din. 

Ayon kay Dr. Tedros Adhanom Ghebreyesus, WHO Director-General, “The right to health for all people means that everyone should have access to the health services they need, when and where they need them, without suffering financial hardship. No one should get sick and die just because they are poor, or because they cannot access the health services they need." ("Ang karapatan sa kalusugan para sa lahat ng tao ay nangangahulugang bawat isa’y dapat madaling kamtin ang serbisyong pangkalusugan na kailangan nila, kung kailan at kung saan nila ito kailangan, nang di maghihirap dahil sa kawalan ng salapi. Walang sinumang dapat magkasakit at mamatay dahil lamang sa mga ito ay mahirap, o dahil hindi nila ma-access ang mga serbisyong pangkalusugan na kailangan nila." – salin ni GBJ)

Sa ngayon, dapat magkaroon ng mass testing para sa lahat, mayaman o mahirap. Bago sila pabalikin sa trabaho o pumasok sa eskwelahan, tiyaking ligtas ang pagawaan, paara-lan, opisina, maging sa mga tahanan. 

Tiyaking ang karapatan sa kalusugan ay tinatamasa ng lahat. Sabi nga, dapat rights based approach, kaya dapat hindi pulis at militar, kundi mga doktor ang dapat sundin sa panahong ito, at hindi ang mga may baril na sanay sa hazing bilang disiplina.

* Unang nalathala ang artikulong ito sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Mayo 16-31, 2020, pahina 2.

Martes, Mayo 26, 2020

Bukrebyu hinggil sa nobelang tulang ANG MGA ANAK DALITA ni Patricio Mariano

BUKREBYU: Ang nobelang tulang ANG MGA ANAK DALITA
Sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mapalad akong nagkaroon ng sipi ng mahabang tula nobelang ANG MGA ANAK DALITA ni Patricio Mariano, na isinulat at natapos noong Enero 1907, at isinaaklat noong Disyembre ng 1911. Nabili ko ang aklat na ito noong Disyembre 9, 2019, sa Popular Bookstore sa Lungsod Quezon sa halagang P50.00. Ito'y umaabot ng 64 pahina.

Kung sa Florante at Laura ay may "Sa Babasa Nito" si Balagtas, may "Sa Babasa" naman si Mariano. Mayroon din siyang dedikasyon na may pamagat na "Sa mga binibining manggagawa". Kung ang Florante at Laura ay may 399 saknong, at ang Sa Dakong Silangan ni Jose Corazon de Jesus ay may 443 saknong, binubuo naman ng 364 saknong itong Ang Mga Anak Dalita, na maylabimpitong kabanata. Ang estilo ng nobelang ito ay patula, tulad ng estilo ng Florante at Laura ni Francisco Balagtas at Sa Dakong Silangan. Bawat taludtod ay may labingdalawang pantig, at may sesura sa ikaanim. Gayunman, kapansin-pansing magkakaiba ang bilang ng taludtod sa bawat saknong.

Nagsimula sa tigaapat na taludtod bawat saknong mula Kabanata 1-7, 11, 13, 16-17 At pagdating na sa Kabanata 8-10, at 12, ay tiglilimang taludtod na bawat saknong. Sa kabanata 14-15 naman ay tigaanim na taludtod naman. 

Halina't ating pagnilayan ang ilang taludtod. Sa Kabanata 5 (Paghabag ng Puhunan), sa saknong 11 at 12 ay ito:

"O gayon na lamang ang pag-alipusta
sa inuupahang mga maralita!
ibayo't ibayo ang dagdag na gawa
at sa upa naman ay baba ng baba."

"Datapwat ang tao'y hindi makadaing
pagkat natatakot na sila'y alisin,
dahil sa maraming kahit na gayonin
ay nakikiagaw, dahil sa kakanin."

Sa pamagat pa lamang ay tungkol na sa buhay ng mga maralita, at inilarawan sa nobela ang unang bahagi ng lipunang kapitalismo. Marami tayong matututunan. Basahin natin ang kabuuan ng tulang nobelang ito at namnamin pa ang tula ni Mariano tungkol sa mga kapatid nating dukha.

* Unang nalathala ang akdang ito sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Mayo 16-31, 2020, pahina 14.