Martes, Pebrero 28, 2023

Usapang Wika, Kaliwa Dam, Pagsasalin at KWF

USAPANG WIKA, KALIWA DAM, PAGSASALIN AT KWF 
Munting pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa mga nakasamang maglakad sa siyam na araw na Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam mula Gen. Nakar, Quezon hanggang Malakanyang noong Pebrero 15-23, 2023. Pebrero 14 pa lang ay nag-date na kami ni misis dahil anibersaryo ng aming civil wedding at hapon ay bumiyahe na ako patungong General Nakar dahil doon ang simula ng lakaran, at Pebrero 24 na kami naghiwa-hiwalay matapos ang Alay-Lakad.

Bukod sa matingkad na isyu ng Kaliwa Dam na wawasak sa 291 ektaryang kagubatan, bukod sa maaapektuhan ang ilang libong pamilya ng katutubong Dumagat-Remontado, bukod sa mawawasak pati Agos River sa Gen. Nakar, isa sa pinakamatingkad na tumatak sa akin ay ang sinabi ni Nanay Conching, na isa sa lider ng mga katutubo, nang sinabi niya noong dumating kami sa Ateneo, Pebrero 22 ng gabi, na ang pinababasa sa kanilang mga dokumento ay pawang nakasulat sa Ingles, kaya hindi nila agad iyon maunawaan, kaya sila naloloko, kaya may ibang pumirma sa dokumento ng MWSS na pumapayag na umano sa Kaliwa Dam, gayong mahigpit nila itong tinututulan.

Matingkad sa akin ang usaping wika. Ako bilang manunulat at makata ay nagsasalin din ng mga akda, subalit paano kung isalin na’y mga dokumento’t batas ng bansa natin? Tayo ang bansang nagsasalita sa sariling wika ngunit mga dokumento’y nasa dayuhang wika. Tayo ang bansang mas iginagalang ang mga Inglisero dahil mataas daw ang pinag-aralan. Tingin ko, Pinoy na Inglisero’y sa Ingles nanghihiram ng respeto.

Matagal ko na itong napapansin at sa aking panawagan ay walang pumapansin. Mayroon tayong ahensya ng wika, subalit wala talagang ahensya ng pagsasalin, bagamat may sinasabing may naitayong Filipino Institute of Translation o FIT. Ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 507, ang Institute ay 1: samahan sa pagtataguyod ng agham, edukasyon, at iba pa; 2: ang tawag sa gusali nito; 3: paaralang nagtuturo ng teknikal o espesipikong larangan ng pag-aaral. Kaya ang FIT ay masasabi nating paaralan at hindi ahensya ng pamahalaan.

Ano nga bang nais kong sabihin? Dapat may ahensyang nagsasalin ng lahat ng batas ng Pilipinas mula sa Ingles tungo sa wikang Filipino, Tagalog man, Ilokano man, Cebuano, Ilonggo, at iba pa, kung saan bawat salin ng batas ay tatatakan na “Opisyal na Salin” at may seal ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Sa ngayon ay walang ganito. Kaya ang mga batas natin ay inuunawa natin sa wikang di agad nauunawaan ng ating mga kababayan, ng simpleng mamamayan, ng mga maralita. Mali ito. Dapat may gawin ang KWF dahil siya ang ahensyang nararapat sa gawaing pagsasalin. Bagamat sa batas na nagtayo sa kanya, ang Republic Act 7194, ay walang ganitong probisyon.

Kung may ahensyang naatasang magsalin ng lahat ng mga batas ng ating bansa at tatatakan na iyon ang Opisyal na Salin, mas makakatulong iyon sa ating bansa. Napakaraming batas na dapat isalin sa sariling wika. Pangunahin na diyan ang IPRA o Indigenous People’s Rights Act, na kung may opisyal na salin ay hindi agad basta maloloko ang mga katutubo. Sa mga dukha o maralitang lungsod naman ay ang RA 7279 o Urban Development and Housing Act (UDHA) sa karapatan nila laban sa demolisyon at ebiksyon. Gumawa kami ng sariling salin niyon upang maunawaan ng maralita ang batas na iyon, subalit hindi iyon opisyal na salin. Baka sa korte ay matalo kami kung hindi angkop ang mga salitang naisalin. Sa manggagawa ay ang Labor Code. Nariyan din ang RA 9003 o National Solid Waste Management Act, ang RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Children Act, ang RA 11313 o Safety Spaces Act upang mas maunawaan kung paano nababastos ang kababaihan sa simpleng paghipo lang ng balakang at may katapat palang parusa, ang Civil Code, ang Family Code, ang Local Government Code, at marami pang batas na dapat isalin sa wika natin.

Maraming naaapi at nagpapaapi dahil akala nila ay matatalino ang mga nag-iinglesan, gayong pinagsasamantalahan na pala sila, inaagaw na pala ang kanilang lupang ninuno ay hindi pa nila nalalaman.

Kaya ang mungkahi ko na dapat maisabatas, at maging tungkulin ng ahensya ng pamahalaan na Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), na  maging opisyal na tagasalin ng pamahalaan ng lahat ng batas ng ating bansa. At tatakan ito ng imprimatur na “Opisyal na Salin ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)”. Amyendahan ang Republic Act 7194 na nagtayo sa KWF, at isama sa kanilang tungkulin ang pagiging Opisyal na Tagasalin ng lahat ng batas sa bansa. Maaari rin itong gawin sa pamamagitan ng Executive Order ng Pangulo ng Pilipinas. Nawa’y makaabot sa mga kinauukulan ang munting mungkahing ito ng abang makata.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 16-28, 2023, pahina 16-17.

Lunes, Pebrero 27, 2023

Kwento - Sariling wika at kapatid na katutubo

SARILING WIKA AT KAPATID NA KATUTUBO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Gamit nating mga maralita ay sariling wika. Nag-uusap tayo sa ating sariling wika. Nagkakaunawaan tayo sa ating sariling wika. Bagamat sinasalita natin ay sariling wika, lahat naman ng mga dokumento at batas ay nakasulat naman sa wikang banyaga, sa wikang Ingles.

Nang sumama ako sa Ala-Lakad Laban sa Laiban Dam ay narinig kong sinabi ni Nanay Conching, isa sa mga lider ng mga katutubong Dumagat-Remontado, ang ganito, “Kaming mga katutubo ay hindi maramot. Subalit kami ay niloko. Lahat ng dokumento ay nakasulat sa Ingles. Kahit ang IPRA (Indigenous People’s Rights Act) na dapat nauunawaan naming katutubo, ay nakasulat sa Ingles. Kaya kami naglakad ng higit isandaan apatnapung kolometro upang ipaunawa sa pamahalaan na kami ay tutol sa Kalwa Dam.” Halos ganyan ang natatandaan kong sinabi niya nang makarating na kami sa Ateneo sa Katipunan, sa Lungsod ng Quezon.

Naalala ko tuloy ang isa sa mga turo ng Kartilya ng Katipunan, kung saan nasusulat, “Ang kamahalan ng tao’y wala sa pagkahari, wala sa tangus ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing kahalili ng Dios, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa; wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika, yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri; yaong di napaaapi’t di nakikiapi; yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.” Malalim subalit mauunawaan: ang wika ay dangal natin at pagkatao.

Tagos na tagos sa aking pusong makata ang sinabing iyon ni Nanay Conching. Naisip kong minsan nga’y ginagamit ang wikang Ingles upang maisahan at maloko ang ating kapwa, tulad nilang mga katutubo, tulad naming nasa sektor ng maralita, tulad nating mga mahihirap.

May ginagawa ba ang pamahalaan kung paano ba mas mauunawaan ng mamamayan ang ating mga batas? Bakit ang lahat ng dokumento ay nakasulat lagi sa wikang Ingles, mula birth certificate, diploma, SSS, PhilHealth, hanggang death certificate? May ahensya ng pamahalaan na dapat gumagawa ng pagsasalin nito mula wikang Ingles tungo sa wikang Filipino. Ito ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Sila ang ahensya sa wika, subalit wala ang pagsasalin sa kanilang mandato. Kaya mungkahi kong italaga ang KWF bilang tagasalin ng lahat ng mga batas, pati dokumento, ng ating bansa. At tatakan ng “Opisyal na salin ng KWF.”

Siyam na araw kaming naglakad, ngunit labing-isang araw talaga mula sa simula hanggang bago umuwi. Una’y sa Isang dalampasigan, pito naman sa mga tinuluyan namin ay pawang basketball court, at tatlo ang simbahan. Sa isa sa huling tinulugan naming basketball court ay napag-usapan namin ng isang kasama ang hinggil sa sariling wika.

Ikinwento ni Ka Rene ang maraming beses na niyang pakikisalamuha sa mga katutubo. Minsan, nakasama rin siya sa pagsakay sa bangka subalit tumaob dahil sa lakas ng alon. Kwento pa niya, may sariling kultura ang mga katutubo sa kanilang lupaing ninuno at mga sagradong lugar. Mayroon ding silang tinatawag na punduhan kung saan nag-aaral ang kanilang mga anak. Maaaring itinuturo roon ay hindi Ingles, kundi sariling wika ng mga katutubo na marahil ay iba sa wikang Filipino.

Nang sumama ako sa kanilang Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam ay nakausap ko muli ang ilang nakasama sa naunang Lakad Laban sa Laiban Dam, na nais ko muling gumawa ng mga tula sa mahabang lakbaying iyon. Paraan ko ito upang itaguyod ang wikang Filipino, bilang makata, bilang maralita, bilang manunulat, bilang manggagawa, bilang isang mandirigmang nagtataguyod ng kagalingan ng bayan at nangangarap ng isang lipunang patas at walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Kayraming kwento ng tunggalian na dapat mapagtagumpayan ng mga katutubo, lalo na ang paggamit ng wikang Filipino sa maraming usapin, lalo na sa mga dokumento, upang mas magkaunawaan, at hindi sila matakot makipagbalitaktakan hinggil sa kung ano ang tama at mali, kung ano ang makatarungan para sa mga katutubo, kung paanong hindi masisira ang Sierra Madre, kung paanong hindi na muli silang maloloko ng mga Ingleserong nanghihiram ng respeto sa wikang Ingles, na kung hindi sila magsasalita ng wikang Ingles ay baka bansagan silang walang pinag-aralan. Subalit sa tulad kong makata, patuloy nating ipaglalaban ang wikang Filipino. Upang mas magkaunawaan pa tayo. Hanggang maisabatas na ang KWF ang maging opisyal na tagasalin ng lahat ng batas ng bansa, kahit sa pamamagitan ng Executive Order ng Pangulo.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 16-28, 2023, pahina 18-19.

Sabado, Pebrero 25, 2023

Salamat sa suporta


TAOS PUSONG PASASALAMAT SA LAHAT NG MGA SUMUPORTA SA AMING MAHABANG LAKAD PARA SA INANG KALIKASAN AT KATUTUBONG PAMAYANAN!

Gregorio V. Bituin Jr.
- participant, Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam, February 15-23, 2023, from Gen. Nakar, Quezon to Malacañang
- convenor, Human Rights Walk, from CHR to Mendiola, December 10 of 2016, 2017, 2018, and 2019
- participant, Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, April 12-21, 2016
- participant, French leg ng People's Pilgrimage  from Rome to Paris, November 7 - December 14, 2015
- participant, Climate Walk from Luneta to Tacloban, October 2 - November 8, 2014
- participant, Lakad Laban sa Laiban Dam, November 4-12, 2009

Huwebes, Pebrero 9, 2023

Kwento - Ito ang ating isyu! Ito ang ating laban!

ITO ANG ATING ISYU! ITO ANG ATING LABAN!
SAMA-SAMA NATING IPANALO ITO!
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nag-usap ang iba’t ibang sektor ng lipunan hinggil sa iba’t ibang isyu nilang kinakaharap.

Ayon sa isang lider ng mga vendor, “Madalas kaming hinahabol sa aming paglalako ng kalakal. Masama bang mabuhay sa sariling sikap. Nais pa nilang sunugin ang aming mga kalakal. Bakit? Sila ba ang namuhunan dito? Inutang nga lang namin ito sa Bumbay!”

Sabi naman ng isang lider-maralita, “Karapatan sa paninirahan ang aming ipinaglalaban. Subalit lagi kaming nangangamba sa mga banta ng ebiksyon at demolisyon. Madalas pang pag dinemolis ang aming bahay ay biglaan at wala man lang negosasyon. Hindi ba kami tao tulad nila? May dignidad din kami kahit mahirap. Paano na ang aming pamilya pag nawalan kami ng tahanan?”

Anang isang lider-manggagawa, “Nais naming maregular sa pinagtatrabahuhan ngunit hanggang ngayon kontraktwakwal pa rin kami. Paano ba maaalis ang salot na kontraktwalisasyon? Mas mataas pa sa minimum wage sa NCR ang isang kilong sibuyas. Aba, paano na namin mabubuhay ng maayos ang aming pamilya?”

Ayon naman sa isang lider ng transportasyon, “Nakaamba sa amin ang PUV modernization kung saan nais ng pamahalaan na palitan na namin ang aming mga sasakyan dahil mausok daw, at dapat bumili kami ng bagong dyip, na itsurang minibus na milyon naman ang presyo. Aba’y saan naman kami kukuha ng ganoong kalaking salapi? Uutangin pa sa Tsina ang mga bagong dyip. Bakit hindi ang nga gawang sariling atin, na mura na, mas matibay pa?”

“Pamahal ng pamahal taun-taon ang presyo ng edukasyon o ng aming matrikula? Hindi ba prayoridad ng pamahalaan ang abotkaya, siyentipiko, ngunit mataas na kalidad ng edukasyon? Nais pa nilang kursong ipakuha sa atin ay yaong magiging alipin tayo sa ibang bansa? Tama ba ang mga ito?”

Sabi ng isang lider ng mga pulubi, “Kami namamalimos lang pero nagbabayad din kami ng buwis pag bumili kaming noodles.”

Sabi naman ng isang lider-kababaihan, “Hindi lang double burden kundi triple-triple burden ang isyu naming kababaihan. Nagtatrabaho na kami, nag-aalaga pa ng mga anak. Nagluluto pa kami habang heto’t ilang buwan nang buntis. Mahal pa naman ang paospital ngayon. Dapat may naipon ka talagang pera, kundi’y mangungutang ka. Buti kung laging may mauutangan. Gipit din ang mga kakilala ko.”

Ayon naman sa isa pang lider-kababaihan, “Napakamahal na rin ng presyo ng kuryente. Hindi ko na mapagkasya ang sweldo ng asawa ko.”

“Tumitindi pa ang kinakaharap nating pabago-bagong klima,” ayon sa isang kabataan. “Hanggang ngayon ay hindi pa nagbabawas ng kanilang emisyon ang mga Annex I countries. May sinasabing naaprubahang Green Climate Fund subalit paano natin ito matatamasa? Kailan pa magdedeklara ng climate emergency ang pamahalaan? Balita ko po’y may mga nakabinbin pang aplikasyon upang magtayo ng coal plants?”

Sinuri nila ang kanilang mga karaingan, at nagtutugma ang nakita nilang problema. Isang lider-manggagawa ang naglagom ng kanilang mga karanasan. “Ang pamahalaang ito talaga ay hindi nagsisilbi sa kanyang mamamayan kundi sa negosyo. Lahat ng ating problema, tulad ng demolisyon, kontaktwalisasyon, mataas na presyo ng pangunahing bilihin, at iba pa, ay dahil ang sistema natin ay kapitalismo. Ito ang salot. Nangayupapa ang ating pamahalaan sa altar ng globalisasyon, kaya nais isapribado ang mga ospital upang lumaki ang tubo ng mga pribado. Kaymahal ng presyo ng tubig, kuryente, at iba pang serbisyo tulad ng kalusugan, dahil bahala na ang merkado. Wala na kasing kontrol ang gobyerno sa mga bilihin. Nariyan ang Oil Deregulation Law na anumang oras na gustong itaas ang presyo ng langis, itataas. Walang kontrol ang pamahalaan. Habang sa sahod ng manggagawa, kontrolado kung hanggang saan lang ang gusto ng kapitalista na isweldo sa manggagawa, dahil may Regional Wage Board, hanggang doon lang. Kapitalismo talaga ang problema. Kaya magsama-sama tayo at kumilos upang ilantad talaga ang kasamaan ng sistemang ito!”

Nagtanguan ang iba’t ibang lider ng sektor at nagkaisa silang ipaglaban ang kanilang mga karapatan. Ayon pa sa kanila, “Isyu natin ito! Ipaglaban natin ang mas makabubuti sa higit na nakararami. Sama-sama tayong kumilos upang kamtin ang isang lipunang patas para sa lahat!

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 1-15, 2023, pahina 18-19.

Linggo, Enero 29, 2023

Kwento - Makauring Kamalayan


MAKAURING KAMALAYAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Tagos sa puso ang sinabing iyon ng tagapagsalita. Talagang nadama kong kaisa talaga tayo ng uring manggagawa, kahit na tayo’y maralita.” Ito ang sinabi ni Mang Igme sa kanyang kasamang si Mang Igor.

“Ganyan din ang pakiramdam ko! Halos nag-iinit talaga ang aking kalooban, sumisingasing ang aking loob, at kaya agad akong tumindig at pumalakpak. Kailangan talaga natin ng nakauring kamalayan. Sino pa ba itong magtutulungan kundi tayo ring magkakauri.”

Dati silang mga manggagawang regular na nawalan ng trabaho dahil nagsara ang kumpanyang pinapasukan. Nalulugi raw. Ngayon ay nagbukas muli at pulos kontraktwal na ang mga manggagawa. Sila naman ay nagbuo ng samahan ng magkakapitbahay at ngayon ay mga lider-maralita sa kanilang lugar.

“Hoy, kayo ngang dalawa riyan. Kung hindi ko pa alam, aba’y nitong eleksyon lang ay nakasuso kayo sa pulitiko, at hindi man lang ikinampanya ang tumatakbong manggagawa sa pagkapangulo. Ano kayo?” ang sabad naman ni Aling Ines na nasa katabing upuan lang.

“Sa totoo lang, Ines, ngayon ko lang kasi nalaman iyang sinasabi nilang makauring kamalayan. Kung noon ko pa nalaman iyan, baka hindi kami pumasok sa pulitikong iyon. Kaya lang, gipit din kami noon, kaya pikit mata na lang na ikinampanya ‘yun basta may pambili lang ng bigas,” ang sabi naman ni Mang Igme.

“Ayuuun! Sinasabi ko na nga ba. Sabagay, nangangailangan din ako noon, marami sa atin. Subalit ikinampanya namin ang kauri natin, isang lider-manggagawa. Yung tumakbo sa pagkapangulo at yung isa naman ay sa pagkasenador. Hindi man sila nanalo ay ipinakita naming mga kababaihan kung para kanino kami.” ganting sagot ni Aling Ines.

Sunmabat si Mang Igor, “Ang mahalaga ay nalaman natin kung ano ba iyang makauring kamalayan, na tayo bilang mga maralita, ay dapat magtiwala sa ating mga kauri, ang mga manggagawa, kapwa maralita, mangingisda, vendor, magsasaka, at iba pang mahihirap. Aba’y kaytagal nang panahong ang lagi nating ibinoboto ay ang mga hindi natin kauri, pulos mayayaman, na hindi naman talaga naglilingkod sa ating mga dukha. Aba’y pag kampanyahan lang naman sila napuputikan sa pagpunta sa iskwater, para mahamig ang ating boto. Pero pag nanalo na sila, nasaan sila? Kaydali raw lapitan, kayhirap naman hanapin, di ba?”

“O, siya. Huwag na tayong magtalo pa. Ang mahalaga ngayon ay kung paano natin mapapalaganap ang makauring kamalayan na iyan, kahit wala na tayo sa pabrika, kundi bilang mga lider-maralita. Ang mga manggagawa naman ay umuuwi sa komunidad ng maralita, habang ang mga maralita’y padiska-diskarte lang para mabuhay.” Sabi ni Aling Ines.

“Ano ang malalim na dahilan ng makauring kamalayan kundi ang sama-sama nating pagkilos upang baguhin ang ating abang kalagayan, kung saan maitatayo natin ang isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, hindi ba? Yaong sistemang hindi nawawasak ang kalikasan dahil sa pagkaganid sa tubo ng iilan. Yaong sistemang ang pakuya-kuyakoy lang ay tiyak na magugutom. Hindi tulad ngayon, ang mga magsasakang anong sipag sa bukid, at ang mga manggagawang kayod-kalabaw ang siyang naghihirap, habang pakuya-kuyakoy lang habang nagkakamal ng ating pinagpaguran ang mga kapitalistang hayok sa tubo. May dapat tayong gawin. Ang imulat ang ating mga kauring maralita sa makauring kamalayan.” Sabi ni Igme.

Agad tumugon si Igor, “Mungkahi ko, pasapiin muna natin ang ating Samahang Maralita sa Pulang Bato (SMPB) sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), saka tayo magplano kasama nila. Makakapagbigay pa sila ng mga aralin tulad ng PAMALU o Panimulang Aralin ng Maralitang Lungsod at LNU o Landas ng Uri. Nabanggit na sa akin iyan ni Ka Kokoy, na pangulo ng KPML.”

Si Aling Ines naman, “Hoy, paalala lang ha? Bilang lider-maralita, mahalaga ang inyong pananagutan, kaya huwag na kayong mag-ano riyan sa mga pulitikong iyan na hindi naman natin kauri. Maano bang magkaroon tayo ng paluwagan para hindi tayo hingi ng hingi sa mga trapo na ang tingin naman sa ating maralita ay basahan.”

“Salamat sa paalala mo, Aling Ines.” Ani Igor. “Mag-iskedyul na tayo ng usap sa KPML upang makarating muli sila rito sa atin.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 16-31, 2023, pahina 18-19.

Lunes, Enero 9, 2023

Kwento - Bagong Taon, Lumang Sistema


BAGONG TAON, LUMANG SISTEMA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Kumusta, pare! Happy New Year! Ano ba ang New Year’s Resolution mo? Natupad mo ba ang dati mong mga resolusyon?” Tanong ni Igme kay Igor, habang nakikinig si Ingrid.

“Alam mo, ‘tol, hindi naman ako mahilig sa ganyang mga new year’s resolution kahit noon pa. Nagbago lang naman ay petsa, subalit hindi naman nagbabago ang sistema. Mas lumala pa. Di hamak na mas mataas na ang presyo ng isang kilong sibuyas kaysa minimum wage natin dito sa Maynila,” ang sagot naman ni Igor.

“Ay, oo nga, tama ka. Subalit isang kasiyahan na ang pagsasama-sama ng pamilya tuwing sasapit ang Bagong Taon. Sama-samang sasalubungin ang Bagong Taon nang masigla, maliwanag, nag-iingay, nagkakainan, nagkukwentuhan kung kumusta na ba ang bawat isa.” Ang sabi muli ni Igme.

“Isa pa iyan. Sinasalubong natin ang Bagong Taon nang may putukan. May nagsisindi ng lusis, may nagpapaputok ng labintador na may iba’t ibang pangalan, tulad ng PlaPla, Goodbye Philippines, at iba pa. Ang wala pa ay ang tawagin ang paputok na Goodbye Daliri, dahil marami nang nawalan ng daliri sa paputok, gayong ang iniisip lang ay masiyahan. May maling kultura na apektadp ay ang kinabukasan ng kabataang naputukan at nawalan ng daliri.” Sabi pa ni Mang Igor.

Sumabad si Ingrid, “May punto ka, Igor. May napapaputok pa ng baril pag Bagong Taon, kaya may mga batang namatay sa tama ng ligaw na bala. Iyon nga pala ang ikinampanya namin nitong bago mag-Bagong Taon, ang huwag magpaputok ng ligaw na bala. Hanggang ngayon kasi’y hindi pa natin nalilimot na namatay ang pitong taong gulang na batang babae, na nagngangalang Stephanie Nicole Ella, na namatay sa ligaw na bala noong Bagong Taon ng 2013 sa Caloocan. Ang apat na taong gulang na si Ranjelo Nimer ay sinumpak, Bagong Taon ng 2013 din iyon. Doon naman sa Mandaluyong. Mabuti ay nahuli ang suspek.” 

“Naku, Ingrid,” dagdag pa ni Igor, “balita nga noong 2021 lang, Bagong Taon din, namatay  sa ligaw na bala ang isang edad 12 babae sa Lanao del Norte, at nasaktan ang isang edad anim na batang lalaki sa Santa Catalina, Negros Oriental, at isa pa mula sa Dagupan City sa Pangasinan. Isa namang pulis-Malabon ang kinasuhan dahil sa indiscriminate firing. Hay naku, Bagong Taon! Kailan tayo titino?”

“Ano ang punto ninyo, mga igan? Huwag na tayong magdiwang ng Bagong Taon? Ang OA n’yo naman?” Sabi ni Igme.

“Hindi naman sa ganoon, ‘tol. Ang sinasabi lang natin, nagbago ang petsa, subalit hindi naman nagbago ang sistema ng ating lipunan. Kahit sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon, imbes na pangunahin ay ang kaligtasan ng pamilya, ang daming nasasaktan. Mas nangingibabaw ang komersyalismo, na kahit wala kang pera, naoobligado kang magbigay sa mga namamasko sa iyo, lalo na sa mga inaanak. Sa ganang akin, nagbago lang ang petsa, subalit ganoon pa rin tayo, mga kontraktwal. Ang ating management, mahilig magpamisa sa pabrika dahil blessing daw, subalit hindi naman magawang regular ang kanilang mga manggagawang kaytagal nang nagtatrabaho sa kanila, lalo na’t ang trabaho ay “usually necessary or desirable” sa takbo ng kumpanya. Nagbabait-baitan sila, nagpapamisa, subalit hindi nila makita ang sarili sa pagmamalupit sa manggagawa. Hindi kasi nila tayo kauri. Ang tingin nila sa atin ay manggagawa lang na ekstensyon ng makina.” Ito ang himutok ni Igor.

Napaisip si Igme, “Tama ka, Igor. Kaya kung mayroon man akong New Year’s resolution, aba’y ang resolusyon ko ay dapat tumulpng tayo at maging aktibo upang gumanda ang kalagayan natin sa pabrika, ang ipaglaban na maging regular tayo sa kumpanya, at pag-aralan natin ang lipunan. Tama, sumapi tayo sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino o BMP at nang may kakampi tayo na ating mga kauri.”

“Magandang New Year’s resolution iyan, Igme. Iyan na rin ang magiging New Year’s resolution ko, at dapat ipasa natin iyan sa unyon ng mga regular sa ating kumpanya.” Ang nakangiting sabi ni Ingrid.

“Okay din ako, sama ako riyan. At sana maging New Year’s resolutuon din natin na tumulong upang baguhin ang sistema ng lipunang pahirap sa manggagawa’t sa malawak na mamamayan.” Ang pagtatapos naman ni Igor. “Tara, kumain muna tayo. Libre ko kayo!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 1-15, 2023, pahina 18-19.

Huwebes, Disyembre 29, 2022

Kwento - Pagkatuso ng mga "Lingkod-Bayan"

PAGKATUSO NG MGA “LINGKOD-BAYAN”
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Komento at karugtong ng maikling kwentong “Kahalagahan ng Pagkilos” na nalathala sa isyung Disyembre 1-15, 2022 sa Taliba ng Maralita)

“Ano ba naman iyan? Umatras na nga ang Kongreso sa Maharlika Invesment Fund, sabi nila. Bakit ngayon ay may botohan pa rin sa panukalang batas na iyan? Hindi ba totoo ang kanilang pag-atras?” ngitngit na komento ni Aling Ligaya sa kanyang anak na si Maningning.

Sumagot naman si Aling Luningning, “Ang inatras lang yata nila ay yaong hindi na kukunin sa pondo ng SSS at GSIS ang magiging pondo ng Maharlika Invesment Fund, dahil sa malakas na pagtutol ng mga tao, hindi ang mismong Maharlika Wealth Fund na iyan, kaya pinagbotohan pa rin nila ang panukalang batas na iyan.”

“Hay, naku, ipinatatanggol mo pa ang mga kolokoy na iyan. Para talaga nilang binibilog ang ating mga ulo. Ipinipilit talaga nila kung ano ang ayaw ng mga tao. Paano natin matitiyak na pag naisabatas iyan, hindi nila kukupitin ang pera natin sa SSS, o sa GSIS man? Sige nga,” ang tugon naman ni Aling Ligaya.

Nakatingin si Mang Igme, na naroong nakikinig. “Magmasid pa tayo. Aba’y matindi ang numerong 279-6 pabor sa panukalang Maharlika Fund. Kaya saludo ako sa anim na tumutol diyan, dahil pahirap talaga iyan sa mamamayan. Kailan kaya titino ang ating pamahalaan?”

“Itay, isa lang talaga ang maisasagot ko sa tanong ninyo? Hangga’t pinaghaharian pa tayo ng mga political dynasty, patuloy ang pamamayagpag ng mga trapo. Hangga’t naririyan ang kapitalismo, patuloy na mamamayagpag ang mga dinastiya. Kaya dapat mapalitan mismo ay ang bulok na sistemang nakasuso palagi sa puhunan ng naghaharing iilan.” Paliwanag ni Maningning.

“Talagang tuso ang mga pulitikong iyan? Imbes na paglilingkod sa bayan, ginagawang negosyo ang serbisyo publiko. Sa tanda ko nang ito, nais ko pa ring sumama sa pagkilos ninyo, anak. Nais kong makiisa sa taumbayan sa anumang pagkilos laban sa anumang pagsasamantala at pang-aapi sa masa. Nais kong mamatay nang may ipinaglalaban.”

“Aba, mahal ko, sasamahan kita riyan. Hindi tayo mag-iiwanan. Aba’y kinabukasan, hindi lang ng bayan, kundi ng mga anak at apo natin ang nakasalalay. Iginapang na natin sila sa hirap, kaya marapat lang na ipaglaban din natin ang kanilang kinabukasan.” Si Aling Ligaya muli.

“Ganito na lang po, Itay. Kung may pagkilos muli kami ay sabihan po namin kayo. At sabihan ko silang pagsalitaan kayo nang inyong nararamdaman, hindi lang sa isyung binanggit ninyo, kundi sa aming isyu rin po. Ang pagbuwag sa salot na kontraktwalisasyon. Sa Lunes po ay may pagkilos kami sa Meralco laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng kuryente. Nais n’yo po bang sumama?”

“Aba’y isyu rin natin iyan, anak. Pati na ang sinasabing climate change. Sige, anak, sasama kami ng Itay mo.” Pagtatapos ni Aling Ligaya.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 16-31, 2022, pahina 18-19.