Sabado, Oktubre 4, 2008

Tagumpay ang Book Launching ng Banaag at Sikat

TAGUMPAY ANG MULING PAGLULUNSAD NG NOBELANG “BANAAG AT SIKAT” NI LOPE K. SANTOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Oktubre 4, 2008


Napakalaking bagay para sa akin na maging bahagi ng muling paglulunsad ng nobelang “Banaag at Sikat” ni Gat Lope K. Santos ngayong ika-4 ng Oktubre, 2008.

Maaga pa ng tatlumpung minuto sa nakatakdang pagsisimula ng 12:00 ng tanghali nang ako’y dumating sa Bantayog Memorial Center, sa auditorium sa ikalawang palapag, na siyang pinagdausan ng muling paglulunsad ng aklat. Pagdating ko roon, may ilang mga taong nag-aabang na rin sa pagsisimula ng programa, habang nanonood ng palabas hinggil sa martial law, pagpaslang kay Ninoy, at people power, na ang nagtalakay ay si VJ Diane dela Fuente.

Ganap na ika-12 ng tanghali ay nagtawag ang nasa programa para ang mga unang dumating ay kumain muna ng tanghaliang inihandog ng pamilya ni Lope K. Santos. Nagsimula ang programa ng ganap na ala-una ng hapon.

Nag-emcee ay isang nagngangalang Gwen, marahil ay taga-Anvil Publishing. Binasa niya bilang panimula ang dalawa sa tatlong talatang inihandog ni Lope K. Santos noong 1906 bilang pagpapakilala sa aklat.

Nagbigay ng welcome remarks ay si Karina A. Bolasco ng Anvil Publishing. Nagpasalamat naman siya sa mga dumalo, nagbigay din ng kaunting mensahe, at pagpapakilala kay Bienvenido Lumbera, national artist for literature, bilang panauhing tagapagsalita.

Inilabas ko ang aking notebook at sinulat ang ilang mga sinabi ni Ginoong Lumbera, na kanya namang binasa mula sa inihanda niyang sasabihin. Ayon sa kanya, ang muling paglulunsad ng aklat na Banaag at Sikat ay mahalagang okasyon bilang paggunita sa mahalagang awtor ng panitikan at wika. Ang wikang ginamit sa akda ay klasikong tagalog na maaaring di na agad maunawaan, ayon sa kanya, ng mga mambabasa sa kasalukuyan. Binigyang diin niya ang adhikain ng “Banaag at Sikat” at ito’y ang pagpapalaganap ng kaisipang sosyalismo para sa manggagawa at magsasaka. Ito rin ay aklat na kakikitaan ng mga kaugaliang Pilipino, at nasa anyong may bahid ng katutubong kahalagahan. Ang mensaheng sosyalismo ng aklat ay makabuluhan pa rin sa ating panahon. Ito’y mula sa sosyalismong iniuwi ni Isabelo delos Reyes, ang ama ng unyonismo sa Pilipinas. Naglalarawan din ang aklat di lang ng kalagayan ng manggagawa kundi ng magsasaka, at ang sosyalismo bilang sistemang pampulitika ang lunas sa nagaganap na malawakang kahirapan. Binigyang halimbawa rin ni Ginoong Lumbera ang “Brothers Karamazov” ni Fyodor Dostoevsky bilang kauri ng aklat na ito. Binigyang diin din ni Lumbera na ang sosyalismo noon na nais ni Lope K. Santos ay tila malayo pa sa nagaganap ngayong kilusang pambansang demokratiko.

Pagkatapos ng kanyang pananalita, sinabi ng emcee na paalis na si Ginoong Lumbera dahil may alas-dos pa itong lakad, kaya nagkaroon muna ng picture taking sa entablado, magkasama sina Ginoong Lumbera at ang dumalong kamag-anakan ni Lope K. Santos. Doon ay napansing kong halos kalahati ng dumalo sa launching ng aklat ay pawang kamag-anak ni Lope K. Santos, nang kumaunti na lamang ang nakaupo habang sila’y naglilitratuhan dahil nag-akyatan ang mga kamag-anak ng awtor sa entablado. Sa tantya ko, nasa limampung katao ang dumalo rito.

Pagkatapos ng litratuhan, nagsalita naman ang isang apo ni Ka Lope na si Ginang Paraluman Reyes Nonato, isang matandang babaing puti na ang buhok, ngunit buo pa ang boses sa pagsasalita. Binanggit ni Ginang Nonato ang ilan sa kanyang mga natatandaang pangaral sa kanya ng kanyang Lolo Lope. Una, ang mahihirap na kamag-anak at kaibigan ay laging tutulungan at huwag pagtataguan. Ikalawa, walang maipamamanang kayamanan sa kanila kundi edukasyon. Ikatlo, bibilhin lang ang kailangan at ang kaya mong bilhin. At huwag bibilhin ang hindi kailangan kahit kaya mong bilhin. Tinuruan silang mag-impok. Ikaapat, kung ayaw mong maghirap, huwag kang magpulitiko. Tinalakay pa ng ale na noong kapanahunan ng kanyang lolo, wala pang catering, at sa dahon lamang ng saging sa mahabang lamesa nagsasalu-salo ang mga pulitiko, kung saan kasalo ng kanyang lolo sina Jose P. Laurel at Claro M. Recto.

May ikinwento pa siyang anekdota hinggil sa pangingisda sa Binangonan, kung saan tinutuhog ang mga isda, saka ibinebenta. Minsan daw na napagawi si Lope K. Santos doon, nagbiro siya sa matandang tindera na magpapatuhog daw siya ng dulong (isang uri ng isdang napakaliit). Ngunit sinagot umano siya ng tindera na ang gawing pantuhog sa dulong ay ang bigote nig kanyang Lolo Lope. Pag ikinukwento raw iyon ng kanyang Lolo Lope, sinasabi nitong naisahan daw siya ng matalinong tindera. At panghuli, sa pagkakape ng kanyang lolo, ang nais daw nito ay tanging gatas ng kalabaw. Wala nang iba.

Tinawag din ang isa sa mga apo ni Ka Lope na si Lito Garcia, isang publisher. Ayon kay Ka Lito, kung nabubuhay lamang ang kanyang Lolo, tiyak na siya’y pagagalitan pagkat ang ibinebenta niyang libro ay pawang librong dayuhan. Siya’y naging regional sales manager ng Bantam Books, Time Warner at Hashett Books. Noong bata pa raw siya, nahuli siya ng kanyang lolo na naglalaro ng text, kwadradong karton, na may tantyang sukat na 2” at 3” na may komiks, ito umano’y pinakuluan ng kanyang lolo at ipinainom sa kanila. Ganuon daw kahigpit magdisiplina ang kanyang lolo. Ayon pa sa kanya, labindalawang taon na nawala sa sirkulasyon ang Banaag at Sikat. Ang Bookmark ang una niyang nilapitan. Napag-usapan daw nila ito ng Anvil nang idaos ang Asean Publishers Congress dito sa Pilipinas. Ayon pa kay Ka Lito, maraming sinulat ni Ka Lope noong 1905 na hanggang ngayon ay relevant pa. Wala pa si Mao Tse Tung ay galit na si Lope K. Santos sa imperyalismo.

Ayon naman kay Ginang Bolasco ng Anvil, dapat daw na may seminar para sa mga guro nitong umaga ngunit di na naihabol pagkat kasabay ito ng final exams ng mga estudyante. Nais nilang maipalaganap muli ito sa mga eskwelahan at maisama sa kurikulum, pagkat maraming matututunan ang mga kabataan. Ang seminar ay ini-reset nila ng Nobyembre. Ibinalita rin niya na may ginagawang dula si Ginoong Lumbera hinggil sa Banaag at Sikat na ilulunsad naman sa susunod na taon, na umano’y ika-130 taon ng kaarawan ni Lope. K. Santos. Ipinanganak ang awtor noong Setyembre 25, 1879 at namatay noong Mayo 1, 1963, kasabay ng “Pandaigdigang Araw ng Manggagawa”.

Bukod kay Ginoong Lumbera, ilan lang ang kilala kong nakarating doon. Si Ginoong Apo Chua ng UP at tagapayo ng grupong Teatro Pabrika at Mike Coroza, na naging guro ko sa isang palihan ng panulaan. Natapos ang palatuntunan sa ganap na ika-2 ng hapon.

Sa aking pagninilay kanina, habang nakikinig ako kay Ginoong Lumbera, kanyang binanggit ng dalawang beses na sa kasalukuyan, nagpapatuloy sa pagtataguyod ng konsepto ng sosyalismong nais ni Lope K. Santos ang kilusang pambansa demokratiko. Nais ko sanang sabihin sa kanya na kumikilos din ngayon ang kilusang sosyalista sa bansa, at hindi lang kilusang pambansa demokratiko (na kung tutuusin ay nasyonalista at di pa masasabing sosyalista o komunista), ngunit hindi ko na ito nagawa dahil paalis na siya patungo sa sa kanyang alas-dos na tipanan.

Naglalakad na ako mula sa Bantayog at nasa bandang Quezon City Hall na ako nang maalala ko na sana pala’y napapirmahan ko ang aklat ko sa dalawang kamag-anak ng awtor, ngunit malayo na ako. Napagod na akong bumalik.

Makahulugan at makabuluhan sa akin ang araw na ito dahil kahit papaano’y naging bahagi ako ng kasaysayan, ang makasaysayang ikalimang paglilimbag ng sosyalistang nobelang Banaag at Sikat ni Lope K. Santos. Di ko dinaluhan ang isa pang makabuluhang aktibidad para lang makapunta rito.

Nabasa ko ang hinggil sa Banaag at Sikat nang mabili ko ang aklat na Tinig mula sa Ibaba ni Teresita Gimenez Maceda, kung saan tinalakay niya na ang Banaag at Sikat ang unang nobelang pangmanggagawa sa pagpasok ng ika-20 dantaon, sumunod ay ang Pinaglahuan ni Faustino Aguilar noong 1907, at ang Bulalakaw ng Pag-asa ni Ismael Amado noong 1909. Mula noon, hinanap ko na ito sa iba’t ibang book store, at kahit sa mga second hand book store sa kahabaan ng Claro M. Recto Ave. sa Maynila. Nito lamang Hulyo 4, 2008 ako nakabili sa National Book Store sa Katipunan Ave. sa Quezon City, sa halagang P250.00.

Panghuli, salamat sa Anvil Publishing sa muling paglilimbag ng aklat na ito. Ito’y agad kong inirekomenda sa maraming unyon at manggagawang aking kayang tagusin, kasama na ang pag-email at multiply sa internet.