Lunes, Enero 3, 2011

Ang Tula Bilang Propaganda

ANG TULA BILANG PROPAGANDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Minsan ay sinabi ng dakilang lider at rebolusyonaryong Vietnamese na si Ho Chi Minh, "Poetry should also contain steel and poets should know how to attack." Kung paglilimiang mabuti ang mga katagang ito, sinasabi ni Ho Chi Minh na ang makata'y di lang tagahabi ng mga kataga o nagtatahi lang ng mga salita. Ang makata'y isa ring mandirigma. Ibig sabihin, dapat di pulos mabulaklak na salita, kundi bakal na tagabandila rin ng katotohanan na umaatake sa bulok na sistema ang dapat mamutawi sa mga titik ng kanyang mga tula.

At sino ang dapat atakehin ng makata? Ang mga naghaharing uri ba o ang mga inaaping uri? Kanino siya magsisilbi? Marahil ang makata'y mas magiging kakampi ng inaaping uri. Dahil wala namang pera sa tula. Sino ba namang tangang kapitalista ang mamumuhunan sa tula gayong alam naman niyang malulugi siya rito? Pagtutubuan ba ng uring elitista ang mga tula ng makata? Hindi. Bihira, kundi man kakaunti lang ang bibili nito kaya tiyak ang kanilang pagkalugi.

Kung hindi kakampi ng naghaharing uri ang makata, kakampi ba siya ng inaaping uri? Ang kanyang mga tula, palibhasa'y nasa anyo ng tugma't sukat, lalo na kung matalinghaga na siyang isang katangian ng tula, ay maaaring di basahin ng dukha o ng mga manggagawa dahil marahil mahihirapan silang arukin ang mga ito pagkat di ito ang karaniwan nilang sinasalita sa araw-araw. Baka isnabin lang nila ito't ituring ding elitista ang makata. Kaya saan susuling ang makata? Nasa kanya ang desisyon. Ngunit dahil sa mapanuligsang katangian ng makata sa mga nangyayaring di dapat sa bayan, mas mapapakinabangan siya ng aping uri upang mapalaya ang mga ito sa kanilang kaapihan. Kaya may mga makatang aktibista. Gayunman, marami ang nangingimi, o marahil ay naiirita, sa mga nililikhang tula ng mga aktibista. Di daw sila sanay magbasa ng tula, dahil hindi ito pangkaraniwan, at nauumay sila sa tugma nito't sukat. Kaya nagkakasya na lamang sila sa pagbabasa ng mga prosa o akdang tuluyan.

Ngunit ang tula'y pangmatagalan, panghabampanahon, di tulad ng mga polyetong pinapakalat na ang buhay ay nakadepende sa lumitaw na isyu sa kasalukuyan, na pagkatapos maresolba ang isyu ay sa bentahan ng papel, kundi man sa basurahan, ang tungo ng mga polyeto. Ang tulang "Mga Muog ng Uri" na isinulat ni Amado V. Hernandez sa kulungan ng Muntinlupa noong Mayo 1952 ay nalathala sa libro, habang wala ka nang makikitang mga polyetong ipinamahagi noong APEC Conference sa Pilipinas noong 1996. Ang tulang "Manggagawa" ng makatang Jose Corazon de Jesus na isinulat noong bandang 1920s (1932 namatay ang makata) ay nagawan pa ng kanta, habang ang mga polyeto noong Pebrero 2006 laban sa pagrereyna ni Gloria Macapagal-Arroyo ay di mo na makita ngayon. Wala ka na ring makitang kopya ng paid advertisement ng mga manggagawang bumuo ng UPACC (Union Presidents Against Charter Change) sa Philippine Daily Inquirer noong Mayo ng 1997 o 1998 (di ko na matandaan ang taon).

Makikita pa ang kopya ng mahabang tulang "Epiko ni Gilgamesh" sa napreserbang 12 tabletang luwad mula sa koleksyon ng aklatan ni Haring Ashurbanipal ng ika-7 siglo BC. Ito'y orihinal na pinamagatang "Silang Nakakita ng Kailaliman" (Sha naqba imuru) o Paglaktaw sa Iba Pang mga Hari (Shutur eli sharri). Ang mahahabang epikong tulang Iliad at Odyssey ni Homer ay buhay pa rin ngayon. Sa Pilipinas, naririyan ang dalawang mahahabang tulang tumatalakay sa isyu ng bayang sawi dahil sa mga naghahari-harian sa lipunan, "Florante at Laura" ni Balagtas, at ang "Sa Dakong Silangan" ni Huseng Batute (Jose Corazon de Jesus). May maiikli rin namang mga tula, tulad ng walang kamatayang "The Raven" at "Annabel Lee" ni Edgar Allan Poe, mga tula ng komunistang si Pablo Neruda, ang "Invictus" ni William Ernest Henley, ang "Manggagawa" at "Bayan Ko" ni Jose Corazon de Jesus, "Kung Tuyo na ang Luha mo, Aking Bayan" ni Amado V. Hernandez, at "Republikang Basahan" ni Teodoro Agoncillo. Nariyan din ang walang kamatayang "Sa Aking Mga Kabata" na pinagmulan ng kasabihang "ang di marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda”, ngunit ayon sa makabagong pananaliksik ay di pala akda ni Gat Jose Rizal ang naturang tula.

Narito ang birtud ng tula bilang isang makasaysayang sining at tagabandila ng kultura ng sibilisasyon noon pang una. Ipinipreserba nito ang kasaysayan, kaisipan, damdamin at paninindigan ng mga una pang tao sa pamamagitan ng tula. Di lang ang iniisip ng mga tao noon, kundi kung ano ang karanasan ng kanilang bayan at nararanasan ng kanilang mamamayan. Ang ganitong preserbasyon ng mga tula ng mahabang panahon ang isa sa mahalagang katangian ng tula na makasaysayan at kapaki-pakinabang para sa mga susunod na henerasyon.

Sa Pilipinas, nagtunggalian noon ang Sining-para-sa-Sining (art for art's sake) na kinakatawan ni Jose Garcia Villa laban sa aktibismo sa panitik na kinakatawan naman ni Salvador P. Lopez. Ito, sa pakiwari ko, ang pulso ng debate hinggil sa form versus content, o anyo laban sa nilalaman. Debateng maaari namang pag-ugnayin at hindi paghiwalayin. Maaari namang magtugma't sukat, o laliman ang talinghaga, kahit na pulitikal ang nilalaman, upang hindi ito lumabas na nakakaumay sa panlasa ng mambabasa. Kailangang mas maging mapanlikha o creative pa ang makata upang basahin at pahalagahan ang kanyang katha.

Sa sirkulo ng mga aktibista't rebolusyonaryo sa kilusang kaliwa, ang pagtula ay isang obra maestra ng makata, lalo na yaong nasa mga pook ng labanan, sa sonang gerilya man iyan, sa pabrika, sa dinemolis na erya ng iskwater, sa pangisdaan, maging sa paaralan. Ang tula'y kanyang kaluluwa, kakabit ng kanyang pagkatao, at hindi isang libangan lang. Ang tula’y propaganda upang patagusin sa kamalayan ng masa ang paninindigan ng makata.

Nagmula ang salitang "propaganda" sa Congregatio de Propaganda Fide, na ang ibig sabihin ay "congregation for propagating the faith," o "kongregasyon para sa pagpapalaganap ng pananampalataya", isang komite ng mga kardinal na itinatag noong 1622 ni Gregory XV upang pangasiwaan ang mga misyon sa ibayong dagat. Nagbago ang kahulugan nito noong Unang Daigdigang Digmaan, at nagkaroon ng negatibong kahulugan. Gayunman, ang tunay na kahulugan nito ang ating ginagamit ngayon - pagpapalaganap ng kaisipan o paniniwala.

Dahil para sa mga makatang mandirigma, ang tula'y armas sa propaganda, armas ng pagmumulat sa masa, sandata upang mulatin ang uring manggagawa sa kanyang mapagpalayang papel upang palitan ang sistemang mapang-api at mapagsamantala. Ang tula'y kasangkapan ng makatang proletaryado laban sa burgesya at naghahari-harian sa lipunan.

Sa ngayon, naitayo ang grupong pampanitikang MASO AT PANITIK noong Setyembre 2010 ng ilang mga mapangahas at makatang aktibista na layuning dalhin ang ideolohiyang sosyalista sa panitikang Pilipino. Lumikha na rin sila ng blog para sa layuning ito.

Nauna rito'y prinoyekto ng Aklatang Obrero Publishing Collective na tipunin ang mga nagawa nang tula, maikling kwento't sanaysay na tinipon ng mga nasa panig ng RJs. Nailathala na ang tatlong tomo ng aklat na MASO: Katipunan ng Panitikan ng Uring Manggagawa mula 2006 hanggang 2008, dalawang tomo ng KOMYUN: Katipunan ng Panitikang Maralita mula 2007 hanggang 2008, at ang unang aklat ng TIBAK: Katipunan ng Panitikang Aktibista noong 2008. Walang nailathalang aklat na MASO, KOMYUN at TIBAK nitong 2009 at 2010, dahil bukod sa kakapusan ng pinansya, ay dahil sa kakulangan ng akda ng mga literati, tulad ng makata at manunulat ng maikling kwento, sa kilusang sosyalista. Ang mga susunod na tomo ng mga aklat na ito'y poproyektuhin na ng grupong Maso at Panitik sa pakikipagtulungan sa Aklatang Obrero. Kaya asahan ng uring manggagawa at masa ng sambayanan ang muling paglilimbag ng MASO, KOMYUN at TIBAK.

Higit pa sa metaporang pagkausap sa mga buwan, bituin, paruparo at bulaklak, at tigib ng damdaming panaghoy ng pag-ibig ang tungkulin ng tula. Pagkat ang tula bilang propaganda ay pagmumulat ng mga natutulog na isipan, o ng mga walang pakialam sa mga nangyayari sa lipunan. Ngunit di naman lahat ay nagbabasa ng tula, kaya dapat maging mapanlikha ang mga sosyalistang makata. Ang mga tula nila'y maaaring gawing awitin, o kaya naman ay bigkasin sa mga rali, sa harap ng mas maraming nagkakatipong manggagawa't aktibista. Halina’t suriin natin ang ilan sa mga walang kamatayang saknong at taludtod sa panulaang Pilipino, na nagsilbi upang mulatin ang maraming Pilipino sa kalagayan ng lipunan at mapakilos sila tungo sa pagbabago.

Maraming manghihimagsik ang namulat sa kalagayan ng bayan nang mabasa ang ilang saknong ng Florante at Laura, tulad ng:

“Sa loob at labas / ng bayan kong sawi
Kaliluha’y siyang / nangyayaring hari
Kagalinga’t bait / ay nalulugami
Ininis sa hukay / ng dusa’t pighati.”

Ang tulang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus, na binubuo ng labing-anim na pantig bawat taludtod, at may sesura (hati ng pagbigkas) tuwing ikawalong taludtod, ay tigib ng pagpupugay sa lumilikha ng yaman ng bansa, ang mga manggagawa.

MANGGAGAWA
ni Jose Corazon de Jesus
16 pantig bawat taludtod

Bawat palo ng martilyo / sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, / alitaptap sa kadimlan;
mga apoy ng pawis mong / sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa / nitong buong Santinakpan
Nang tipakin mo ang bato / ay natayo ang katedral,
nang pukpukin mo ang tanso / ay umugong ang batingaw
nang lutuin mo ang pilak / ang salapi ay lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo / kaya ngayo'y nagyayabang.
Kung may ilaw na kumisap / ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, / tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata / ay kamay mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo / ang kurus na nakalagay.
Kaya ikaw ay marapat / dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari / nitong buong Kabihasnan.
Bawat patak ng pawis mo'y / yumayari ka ng dangal
dinadala mo ang lahi / sa luklukan ng tagumpay.
Mabuhay ka ng buhay na / walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot / nitong mundo pag namatay.
- mula sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, pahina 98

Mapagmulat. Maraming tulang nagsasalaysay na ang tingin ng marami ay simpleng maikling tulang nagsalaysay lamang sa ilang pangyayari, ngunit pag niliming maigi ay mapapansin ang hiyas ng diwang naglalarawan na pala ng tunggalian ng uri sa lipunan. Sa sumusunod na tula’y inilarawan ang konseptong baluktot na lumukob na sa madla, ngunit sa pamamagitan ng ilang taludtod lamang ay nagwasak sa kasinungalingan ng mga ideyang pilit isinaksak ng naghaharing uri sa dukha.

MGA TAGA-LANGIT
ni Gat Amado V. Hernandez
12 pantig bawat taludtod

“Saan ako galing?” ang tanong ng anak,
“Galing ka sa langit” ang sagot ng ina;
“Ang tatang at ikaw, taga-langit din ba?”
“Oo, bunso, doon galing tayong lahat.”
“Masarap ba, inang, ang buhay sa langit?”
“Buhay-anghel: walang sakit, gutom, uhaw,
walang dusa’t hirap, walang gabi’t araw,
abot ng kamay mo ang balang maibig.”

Bata’y nagtatakang tanong ay ganito:
“Kung tayong mag-anak ay sa langit mula
at ang buhay doo’y kung pulot at gata
bakit nagtitiis tayo sa impyerno?”
Sa gayon, ang tanging panagot ng ina,
ay isang malalim na buntong-hininga.

Napakasimple ng tula ni Gat Amado, ngunit tumatagos sa isip at puso ang kamalian ng mga ideyang burgis. Sadyang mapagmulat. Ang bata mismo’y nagtataka kung galing nga ba tayo sa langit? O ang langit na sinasabi’y ang tinatamasa ng mga naghaharing uri sa lipunan, ang buhay na pulot at gata. Bakit ba tayo pinabayaan ng langit na sinasabi at dito sa mundo’y pulos hirap. Sadya ngang higit pa sa pagdala ng makata sa pedestal ng pagsinta sa nililiyag ang tungkulin at katangian ng tula. Bagkus ito mismo’y kasangkapan ng aping uri upang mamulat ang mas marami pang kababayang naghihirap. Hindi lang pagtalakay ng isyu, hindi lang paglalarawan ng nagaganap sa lipunan, bagkus ay nagpapaliwanag at nangungumbinsi sa uring api na hindi permanente ang kalagayan ng dukha, na may sisilay pang panibagong sistemang magbabalik sa dangal ng tao, maging siya man ay dukha o petiburges. Kailangang wasakin ang mga baluktot na kaisipang nagpapanatili ng kamangmangan ng tao, tulad ng paniniwala sa pamahiin, mitolohiya at burgis na advertisements. Kailangang baligtarin natin ang mga kaisipang nakaangkla sa pagkamal ng tubo, imbes na sa pagpapakatao.

Malaki ang papel ng pulitika at ekonomya sa buhay ng tao. Mula pa pagkabata'y sakop na siya ng paaralan, alituntunin ng pamahalaan, kabuhayan, lipunan at kalinangan. Minomolde ng panitikan bilang bahagi ng kalinangan ng isang bansa ang kaisipan ng tao. Nariyan ang sanaysay, tula, dula, maikling kwento, na hindi lamang mababasa sa libro, kundi maririnig sa radyo at mapapanood sa telebisyon, sinehan, DVD, at mga balita't dokumentaryo sa mas malawak na saklaw. Alam ng makata na hindi nahihiwalay ang kanyang mga tula sa lipunan.

Ang tula bilang propaganda ay pagmumulat. Tagabandila na may nagaganap na tunggalian ng uri sa lipunan. Walang takot bagkus ay nakaharap na tulad ng mandirigmang sugatan na nais ipanalo ang isang digmaan. Kung matatandaan ko pa ay ganito ang sinabi minsan ni Bob Dylan, “Art is not merely a reflection of reality but it must also subvert reality.” Ibig sabihin, ang tula bilang sining ay hindi lang tagapaglarawan ng mga isyu ng lipunan at mga bagay-bagay sa paligid, bagkus ang tula’y tagapagwasak din, tulad ng pagkawasak ng konsepto ng langit sa isipan ng bata sa tula ni Gat Amado.

Kaya kailangang maunawaan ng mga makabagong makata ngayon ang pangangailangang gamitin nila ang kanilang mga tula para sa pagsulong ng pakikibaka tungo sa pagpapalit ng sistemang kapitalismo tungo sa susunod na yugto nito. Sosyalisado na ang produksyon, ngunit pribado pa rin ang pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon kaya marami pa ring naghihirap. Tungkulin ng mga aktibista’t rebolusyonaryong makata na gamitin ang kanilang mga tula sa pagmumulat tungo sa sosyalismo. Ito ang niyakap na tungkulin ng sosyalistang grupong pampanitikang MASO AT PANITIK.

Tulad ng sinabi ni Ho Chi Minh, tunay na malaki ang tungkulin ng makata sa pagmumulat, lalo na sa uring manggagawa, upang baguhin ang bulok na sistemang umiiral sa lipunan. Bilang mandirigmang makata, kinatas ko sa ilang taludtod ang tungkulin ng tula sa rebolusyon:

TULA AT REBOLUSYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

i.

ano ang silbi ng tula sa rebolusyon
kung di ito nagmumulat ng masa ngayon

dapat ba tula'y ialay lang sa pedestal
ng malaking tubo't kapitalistang hangal

o tula'y pwersang gamit sa pakikibaka
upang mapalitan ang bulok na sistema

dapat ang bawat tula'y sintigas ng bakal
masasandigan, may prinsipyong nakakintal

tula'y malaking silbi sa pakikibaka
lalo sa pagmumulat ng aping masa

di basta-basta mahuhulog sa imburnal
pagkat bawat tula ng makata'y may dangal

tula'y may tindig, naghahangad ng paglaya
ng uring manggagawa at lahat ng dukha

ii.

dapat bawat makata'y alam sumalakay
sa bulok na sistema, gobyerno’t kaaway

makata'y dapat agapay ng pagbabago
at tinig ng mga aping dukha't obrero

sila'y di dapat laging nasa toreng garing
kundi kasama ng dukha't masang magiting

sa laban dapat makata'y kayang tumagal
hindi agad natitinag o hinihingal

dapat alam nila paano umatake
nang matulungang manalo ang masang api

laban sa mga ganid, mapagsamantala
at kumakatawan sa bulok na sistema

makata'y dapat magaling ding umasinta
at kayang durugin ang lahat ng puntirya

Walang mga komento: