ANG DAPAT GUNITAIN NG MANGGAGAWA SA HUNYO 12
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Tradisyunal nang ginugunita ng pamahalaan, na kadalasan ay etsapuwera ang masa, ang taunang Hunyo 12, na sinasabi nilang Araw ng Kalayaan. Pero sa simpleng masa o ng karaniwang tao, ginugunita lamang nila ito bilang holiday, at hindi bilang araw ng paglaya. Marahil dahil alam din ng masa, lalo na ng manggagawa, na huwad ang kalayaang ito. Na ito'y paglaya sa Kastila at pagpapailalim sa Amerikano.
Maliwanag ito sa nakasulat sa Acta de Independencia, ang dokumentong nilagdaan ng maraming manghihimagsik bilang patunay umano ng deklarasyon ng kalayaan. Ayon sa dokumento, lumalaya ang Pilipinas mula sa bansang España upang magpailalim naman sa bansang Amerika. Ito ba ang kalayaan? Narito ang patunay: "And having as witness to the rectitude of our intentions the Supreme Judge of the Universe, and under the protection of our Powerful and Humanitarian Nation, The United States of America, we do hereby proclaim and declare solemnly in the name by authority of the people of these Philippine Islands, that they are and have the right to be free and independent; that they have ceased to have allegiance to the Crown of Spain; that all political ties between them are should be completely severed and annulled..." (http://www.msc.edu.ph/centennial/declaration.html)
Ikalawa, ang mga kulay ng iwinawagayway na bandila ng ating bansa ay batay mismo sa kulay ng watawat ng Amerika bilang pagtanaw ng utang na loob ng mga kabig ni Aguinaldo sa imperyalistang bansang iyon. Narito ang patunay: "and the colors of Blue, Red, and White, commemorating the flag of the United States of America, as a manifestation of our profound gratitude towards this Great Nation for its disinterested protection which it lent us and continues lending us." (http://www.msc.edu.ph/centennial/declaration.html)
May dapat mas gunitain at gawing pagkilos ang uring manggagawa sa Hunyo 12. Ito'y ang World Day Against Child Labor. (O Labour para sa mga bansang impluwensyado ng Ingles ng Britanya, dahil ang Labor ay ispeling sa mga bansang impluwensyado ng Ingles ng Amerika.) Ngunit marahil tatanungin ng manggagawa: Bakit child labor, pangkabataan iyan. Dapat isyu lang iyan ng mga batang manggagawa.
Balikan din natin sila ng tanong: Ang isyu ba ng batang manggagawa ay isyu lang ng bata, o dahil may kakabit itong salitang manggagawa bilang pang-uri, ito'y isyu rin ng uring manggagawa? Taglisin natin: Ang isyu ba ng child labor ay isyu lang ng child, o isyu rin ito ng labor? Kaya ba may adjective na child sa child labor ay dahil isyu lang ito ng child?
Ang usapin ng child labor o ng mga batang manggagawa ay usapin din ng labor o ng paggawa / manggagawa. Mismong ang nagsabi nito'y ang International Labour Organization (ILO), isang pandaigdigang samahan ng mga manggagawa na nasa ilalim ng pamumuno ng United Nations. Patunay na rito ang deklarasyon ng ILO na ang Hunyo 12 ay gunitain bilang World Day Against Child Labour.
Ayon sa pahayagang Philippine Star nitong Mayo 1, 2013, Araw ng Pandaigdigang Paggawa, may lima't kalahating milyong (5.5M) batang manggagawa sa bansa, at may naitalang dalawang daan at labinglimang milyong (215M) batang manggagawa sa buong mundo, higit na dalawang ulit na malaki sa ating populasyon na 94M (2011 data).
"The Philippines has about 5.5 million child laborers (from five to 17 years old) with nearly three million of them doing hazardous tasks, a 2011 survey on children release by the National Statistics Office (NSO) showed. Globally, there are 215 million child laborers, with half of them doing hazardous work, according to the United Nations International Labor Organization (ILO)." http://www.philstar.com/business/2013/05/01/936783/phl-has-5.5-m-child-laborers
Batay pa sa ulat ng Philippine Star, ang ugat ng child labor ay ang kahirapan at kawalan ng disente at produktibong paggawa. "The root of child labor is directly linked to poverty and lack of decent and productive work."
Inilunsad ng International Labour Organization (ILO) ang kauna-unahang World Day Against Child Labour noong Hunyo 12, 2002 bilang paraan nila upang maiparating sa higit na nakararami ang kalagayan ng mga batang ito. Ang paglulunsad ng araw na ito'y ibinatay sa maraming deklarasyon at talakayan, tulad ng ILO Convention No. 182 hinggil sa masasamang anyo ng pagtatrabaho ng mga bata (worst form of child labour) at sa ILO Convention No. 138 hinggil sa minimum na edad ng pagtatrabaho. Ngayong 2013, ang tema ng paggunitang ito ay "No to child labour in domestic work!" Noong 2012, ang tema'y "Human rights and social justice... let's end child labour!"
Ang mga batang manggagawa'y makikitang nasa batilyo, nasa pangingisda gamit ang pampasabog, nasa agrikultura, nasa mga minahan, nasa pabrika’t lansangan. Lantad sila sa panganib at sa mga mapanganib na kagamitan, kemikal, init at lamig ng panahon, at walang pananggalang sa alikabok na maaaring pumasok sa ilong. Maraming nasa lansangan ang naglalako ng paninda tulad ng yosi at mani, habang nasa pabrika naman ng sardinas ang iba. Meron ding nasa murang gulang pa lang ay nagiging katulong na, habang may mga batang nasa edad labinlima pababa ang nasa mga bahay-aliwan. Napagsasamantalahan sila pagkat nagtatrabaho sila sa murang edad at hindi nababayaran ng minimum wage. Nakakamura ng lakas-paggawa ang mga kapitalistang nag-eempleyo sa kanila. Dapat nasa paaralan ang mga batang ito, ngunit dahil sa hirap ng buhay, nagtrabaho sila ng maaga at hindi hustong dinanas ang kasiyahan ng pagiging bata. Wala na silang pagkakataong maglaro at mag-aral. Ganito ba ang kinabukasan nila sa isang sistemang walang pagpapahalaga sa kanila? Kailangan itong mabago. Kailangan nating kumilos.
Hindi kaya may kaugnayan din ang isyu ng child labor sa isyu ng salot na kontraktwalisasyon? Pinatatrabaho na ng mga nangangapital sa mga batang manggagawa ang mga trabahong mabibigat dahil mura ang paggawa kaysa mga matatandang mahal ang bayad kahit ang mga ito’y kontraktwal. Hindi rin saklaw ng pag-uunyon ang mga batang manggagawa dahil sa kanilang edad.
Ang isyu ng batang manggagawa o ng child labor ay hindi isyu lamang ng mga bata kundi ng manggagawa sa pangkalahatan. Isyu rin ito ng karapatang pantao, na dapat ang mga bata sa kanilang murang gulang ay dapat nasa paaralan at dinaranas ang katuwaan ng pagiging bata, at hindi dapat nagtatrabaho na ng maaga. Marapat lamang na lumabas din at kumilos ang mga manggagawa, kasama ang mga batang manggagawa at ang dukha nilang mga magulang, sa Hunyo 12 upang iparating sa pamahalaan na dapat nang itigil ang child labor sa bansa at dapat na itong solusyunan ng pamahalaan.
Dapat bigyan ng trabaho ang mga magulang ng mga batang manggagawa, at hindi ang mga batang manggagawa ang magtrabaho sa murang edad. Bigyan ng trabaho ang mga magulang, at hindi trabahong kontraktwal na walang kasiguruhan, kundi trabahong regular. Ang isyu ng batang manggagawa ay hindi lang isyu ng mga bata kundi isyu ng mga manggagawa. Ayon nga kay Frances Ann Yap, presidente ng Pagkakaisa ng mga Kabataang Manggagawa para sa Karapatan (PKMK), noong Mayo 1, 2009: “Nais namin sa paaralan. Ayaw namin sa basurahan. Dapat nang itigil ang child labor sa ating bansa upang kaming mga bata ay makapag-aral, makapaglaro at mabuhay bilang malayang bata. Dapat din pong bigyan ng sapat na trabahong makabubuhay ng pamilya ang aming mga magulang. Dapat nang itigil ang pananakit sa mga bata, child trafficking, at ang patuloy na pagdami ng mga batang manggagawa.” Ang PKMK ay nakapaloob sa Child Rights Program (CRP) ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML).
Ang isyu ng child labor ay isyu rin ng karapatang pantao. Ayon sa International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights (ICESCR), Artikulo 10(3): "Ang mga bata at kabataan ay dapat maprotektahan mula sa pagsasamantalang pang-ekonomya't panlipunan. Ang kanilang pagtatrabahong makasasama sa kanilang moral o kalusugan o mapanganib sa buhay o yaong makapagbabaog sa kanilang normal na pag-unlad ay dapat parusahan ng batas. Dapat ding maglagay ang Estado ng limitasyon sa edad na mababa sa kung saan ang binabayarang trabaho ng batang manggagawa ay pinagbabawal at pinarurusahan ng batas. (Children and young persons should be protected from economic and social exploitation. Their employment in work harmful to their morals or health or dangerous to life or likely to hamper their normal development should be punishable by law. States should also set age limits below which the paid employment of child labour should be prohibited and punishable by law.)"
Ayon sa Convention on the Rights of the Child, Artikulo 32: "Kinikilala ng mga Partidong Estado ang karapatan ng mga bata upang maprotektahan laban sa mga pagsasamantalang pang-ekonomya at mula sa pagsasagawa ng anumang trabahong nakikitang mapanganib, at nakasasama sa kalusugan ng bata at sa kanyang pisikal, mental, ispiritwal, moral, at panlipunang pag-unlad. (States Parties recognize the right of the child to be protected from economic exploitation and from performing any work that is likely to be hazardous or to interfere with the child's education, or to be harmful to the child's health or physical, mental, spiritual, moral or social development.)"
Sa mga batas ng ating bansa, naririyan ang mga batas hinggil sa proteksyon ng mga batang manggagawa ngunit hindi naipatutupad. Dahil kung naipatutupad ito, bakit may 5.5 milyon pang batang manggagawa sa bansa? Nariyan ang Republic Act (RA) 7160 - Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination, Artikulo VIII, Seksyon 12-16; ang RA 9231 na pag-amyenda sa RA 7160 - An Act providing for the Elimination of the Worst Form of Child Labor and affording stronger protection for the working child, amending for this purpose RA 7160. Nariyan din ang RA 7658 - Prohibiting the Employment of Children Below Fifteen (15) Years of Age in Public and Private Undertakings. Ang Artikulo 130-153 ng Labor Code ay hinggil sa espesyal na grupo ng manggagawa, tulad ng bata at kababaihan. Higit sa lahat, nariyan ang Department Order (DO) 46-03 hinggil sa paggunita sa ika-12 ng Hunyo bawat taon bilang Pandaigdigang Araw Laban sa Pagtatrabaho ng mga Bata (World Day Against Child Labor).
Gayunpaman, dapat din nating maunawaan na magkaiba ang child labor sa child work. Sa child work, ang trabaho ay angkop sa edad at kakayahang mental ng bata, habang sa child labor, ang trabaho'y mabigat sa edad, katawan, at kaisipan ng bata. Sa child work, tulad ng mga batang artista, dapat silang kumuha ng Working Child's Permit sa DOLE. Sa child work, ang trabaho ng bata'y naaayon sa batas at kalakaran ng pamilya't pamayanan, habang sa child labor, ang pagtatrabaho ng bata'y labas sa mga umiiral na batas, seguridad at benepisyo. Sa child work, limitado ang oras-paggawa at may oras ang bata upang makapag-aral, makapaglaro at makapagpahinga, habang sa child labor, napakahabang oras ng paggawa ng batang manggagawa, at limitado o wala nang oras para makapag-aral, makapaglaro at makapagpahinga. Dagdag pa, sa child labor, itinulak ng kalagayan o ng ibang tao ang mga bata upang magtrabaho sa murang edad, at ang mga batang manggagawa'y karaniwang naaabuso sa pisikal, sekswal, sikolohikal at berbal.
Ang Hunyo 12 ay paalala sa atin na hindi pa malaya ang mga batang manggagawa, kundi patuloy pa ang pagsasamantala sa kanila. Kaya ang Hunyo 12 ay gawin nating pagkilos ng uring manggagawa sa isyu ng child labor, at hindi tayo dapat magpahinga lamang sa araw na ito dahil idineklarang holiday ng pamahalaan, kundi dapat kumilos tayo dahil ito'y isyu ng paggawa at karapatang pantao. Gunitain nating sama-sama ang World Day Against Child Labor tuwing Hunyo 12 at ating iparating sa buong bansa at sa buong mundo: END CHILD LABOR, NOW!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento