PAGDALAW KAY LOLA ROSA, ANG NATITIRANG ANAK NG BAYANING TEODORO ASEDILLO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Makasaysayan
ang araw na iyon, Enero 5, 2014, araw ng Linggo, dahil
nakadaupang-palad namin sa unang pagkakataon ang bunsong anak ng
bayaning si Teodoro Asedillo - si Mommy Rose o Gng. Rosa P.
Asedillo-Medalla.
Napapunta
kami roon dahil sa paanyaya ni Ate Gigi, isa sa kasapi ng Partido Lakas
ng Masa (PLM) sa Laguna, at organisador ng Aniban ng Manggagawa sa
Agrikultura (AMA). Ayon sa kanya, nang malathala ang aking artikulong
"Teodoro Asedillo: Magiting na Guro, Lider-Manggagawa, Bayani" sa
magasing Ang Masa noong Marso 2012, ipinakita niya iyon sa kakilala
niyang konsehal - sa Ate Emma Asedillo. Hiningi ito sa kanya, at
ipinakita naman kay Mommy Rose.
Una
kaming nagkausap ni Ate Gigi sa isang kumbensyon ng Partido Lakas ng
Masa sa Bulwagang Tandang Sora, sa ikatlong palapag ng College of Social
Work and Community Development (CSWCD) sa UP Diliman noong Disyembre 8,
2013, at ikinwento nga niya ang pagkikita nila ni Konsehala Emma
Asedillo sa Laguna, at nais daw makilala kung sino ang may-akda ng
artikulong "Teodoro Asedillo" na nalathala sa magasing Ang Masa. Ito
naman ay pinag-usapan din nila ni Ka Jojo, organisador ng Bukluran ng
Manggagawang Pilipino - Southern Tagalog (BMP-ST). Kaya nang tumungo ako
sa tanggapan ng BMP-ST sa Calamba, Laguna upang maghatid ng 20 kilo ng
hamon, nagkausap kami ni Ka Jojo hinggil sa pagtungo sa matandang
Asedillo.
Itinakda
ang petsa na Enero 5, 2014, kaya naghanda na ako ng anumang maaaring
maibigay sa matanda. Kaya nagdisenyo ako ng isang plakard sa sukat na
11" x 17" kung saan nakasulat: "Teodoro Asedillo, Magiting na Guro,
Bayani ng Uring Manggagawa at ng Mamamayang Pilipino”, at ang mga
nakalagda ay ang mga grupong BMP-PLM-KPML-AMA-TDC-SANLAKAS, na siyang
bilin ni Ka Jojo na aking ilagay. Ang TDC ay Teachers’ Dignity Coalition
at ang KPML naman ay Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod.
Enero
4 pa lang ay nagbiyahe na ako papuntang Calamba, Laguna, ngunit
dumating ako roon na walang tao sa opisina ng BMP-ST. Bandang ikatlo ng
hapon ng makarating ako doon. Tinext ko si Ka Jojo. Pinapunta niya ako
sa kanilang bahay sa Dasmariñas, Cavite at birthday raw niya. Ibinigay
niya kung paano ang pagtungo sa kanila, at anong biyahe ang sasakyan.
Takipsilim na ako nakarating sa kanila. Naroon ang iba pang mga kakilala
kong lider at kasapi ng PLM, KPML, BMP, Zone One Tondo Organization
(ZOTO), Sanlakas. Bandang ikasiyam na ng gabi nang umalis kami roon at
tumungo na sa tanggapan ng BMP sa Calamba upang doon matulog.
Umaga
ng Enero 5 ay isa-isa nang nagdatingan ang mga sasama. Matapos ang
almusal ay sumakay na kami ng van. Nagtungo muna kami sa isang
lider-manggagawa, si Nick, at isinama namin. Tinagpo rin namin si Ate
Gigi sa isang lugar, dahil siya ang gabay patungo kina konsehala Emma
Asedillo.
Ang
mga magkakasamang nagtungo roon ay sina Ka Jojo na lider ng grupo, Ka
Eli, Alex, Ate Nellie, Ate Gigi at isa niyang kamag-anak, Nick na lider
ng isang unyon, Doods na siyang tsuper ng van, at ako. Bale siyam kami.
Bandang
ikalabing-isa ng umaga nang makarating kami ng Brgy. Longos sa bayan ng
Kalayaan sa Laguna, at doon ay hinarap kami ni Konsehala Emma, na siyam
na taong naging kagawad ng bayan. Marami siyang ikinwento tungkol sa
buhay ng mga Asedillo, pati na ang kanyang panunungkulan ng siyam na
taon bilang kagawad, at ang pagsama niya sa rali ng mga magsasaka sa
Maynila noong Enero 1987 na nagdulo sa masaker. Naitanong pa sa akin
kung pwede ko raw bang isulat ang talambuhay ni Konsehal Emma, na
positibo ko namang tinugon.
Ang tinanghalian namin ay pinais na isdang tawilis, na may halong talong. Nabusog kami sa sarap ng pananghaliang iyon.
Matapos
ang pananghalian ay nagtungo kami, kasama si Ka Jun, na kapitbahay ni
Konsehala Emma, sa puntod ni Teodoro Asedillo. Ang puntod ay may
nakatayong batong animo'y kandila. Puti ang katawan at pula ang apoy. Sa
lapida ay ang pangalan ni Teodoro Asedillo, ang pangalan ng kanyang
asawang si Julia Asedillo, at ang pangalan ng kanilang apong si Myra
Medalla-Garcia. Kinunan ko ng litrato ang puntod, at nagpakuha rin kami
ng litrato doon.
Matapos
iyon ay sumakay kami ng van at tinungo na ang bahay ni Mommy Rose.
Mainit ang pagtanggap sa amin ni Mommy Rose. Kita na sa kanya ang
katandaan ngunit malakas pa siya at masigla. Naglakad kami patungo sa
bahay ng kanyang anak sa may di kalayuan.
Masaya
siyang kausap at marami siyang ikinukwento tungkol sa kanilang pamilya,
lalo na hinggil sa kanyang ama na hindi na niya nakilala maliban sa mga
kwento ng kanyang ina. Pati na ang kanyang kapatid na si Pedro ay hindi
na niya nalaman kung paano nawala. Ikinwento rin niyang nasa halagang
labingdalawang libong piso (P12,000) ang ibinayad sa kanila dahil sa
pagkakagawa ng pelikulang "Asedillo" na pinagbidahan ni Fernando Poe Jr.
Simpleng
meryenda lang ang inihain, ilang softdrinks at ilang biskwit. Matagal
din ang kwentuhan namin nina Mommy Rose at ng mga kasama. Nagkuhanan
kami ng litrato kasama ang kanyang mga anak, manugang at apo.
Bago
umuwi ay ipinakita ni Mommy Rose ang isang bungkos ng mga sulatin dahil
umano may isang liham doon ng sulat kamay ni Asedillo. Malabo na ang
xerox na iyon, at kinunan ko iyon ng litrato. Pati na ang ilang
dokumentong marahil ay malaki ang maitutulong sa mga bago kong
pananaliksik. Nagpasalamat kami kina Konsehala Emma at Mommy Rose bago
kami lumisan sa lugar na iyon, isang payak na lugar, isang liblik na
pook, ngunit mayaman sa kasaysayan ng pakikibaka para sa karapatan ng
maliliit.
Pakiramdam
ko, hindi lang ako simpleng mananaliksik at potograpo ng araw na iyon,
kundi mas tumindi pa ang aking pananalig sa pagkatao at rebolusyong
inilunsad ng bayaning si Teodoro Asedillo.
Bandang
ikalima ng hapon nang umalis kami roon, at nagtungo kami sa isang
kasamahan ni Ate Gigi sa AMA upang manghingi ng gulay. Tumungo kami sa
isang bukirin, nanguha ng mustasa, at nagkwentuhan. Bandang ikaanim at
kalahati ng gabi nang kami'y umuwi na patungong tanggapan ng BMP sa
Calamba.
Ang karanasang iyon ay makasaysayan, at hindi namin malilimutan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento