Martes, Abril 22, 2014

Paunang Salita sa aklat na Kahoy na Walang Lilim

Paunang Salita sa aklat na Kahoy na Walang Lilim
ni Gregorio V. Bituin Jr.


ANG KAHOY NA WALANG LILIM 
SA KARTILYA NG KATIPUNAN

“Ang buhay na hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim, kundi damong makamandag." ~ mula sa Kartilya ng Katipunan

Napakahalaga ng katitikang ito mula sa Kartilya ng Katipunan. Kahoy na walang lilim kundi man damong makamandag ang buhay na hindi ginamit sa isang marangal at banal na layunin. Naramdaman ko ang kahoy na walang lilim na iyon nang magtungo ako, kasama ang iba pa, sa isang lugar na nasalanta ng Yolanda.

Sumama ako sa paglalakbay patungong Samar at Leyte mula Disyembre 1 hanggang madaling araw ng Disyembre 6, 2013. May dalawang trak at isang van kami na nag-convoy. Kasama ako sa isang trak na tumungo sa barangay ng Canramos, sa bayan ng Tanauan sa lalawigan ng Leyte. Habang ang isang trak naman ay sa isa pang bayan sa Leyte. Sumabay sila sa amin sa Canramos bago tumulak kinabukasan patungo sa bayan ng Abuyog na siyang bayan din ng dalawang estudyante ng UP na kasama namin at gumiya sa trak paroon. Ang van ay nagtungo naman sa Guiuan sa lalawigan ng Samar, na dumaan din sa bayan ng Borongan upang dalhin ang dala naming generator na binili sa Quiapo.

Isa akong aktibista, na layunin sa buhay ay makibaka at tumulong sa aking kapwa tungo sa pagbabago at pagkakapantay sa lipunan. Ito ang dahilan kung bakit napadpad ako sa mga grupong tulad ng KAMALAYAN o Kalipunan ng Malayang Kabataan, Sanlakas, Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Zone One Tondo Organization (ZOTO), Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Saniblakas ng Inang Kalikasan (SALIKA), Partido Lakas ng Masa (PLM), at sa kasalukuyan ay sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Kasapi rin ako ng Kamalaysayan  (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan, na dating Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan) na nagtataguyod ng Kartilya ng Katipunan.

Dalawang dekada nang kumikilos mula sa kilusang makabayan tungo sa kilusang sosyalista. Nasa tanggapan ako ng PLM nang maranasan ang matinding bagyong Ondoy na nagpalubog ng buong Kamaynilaan sa baha sa loob ng anim na oras noong Setyembre 26, 2009. Hanggang sa maganap ang pinakamtinding bagyo sa kasaysayan, ang Yolanda (na Haiyan ang internasyunal na pangalan), noong Nobyembre 8, 2013. Dahil dito'y boluntaryo akong sumama sa People's Caravan patungo sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda. Ang People’s Caravan ay pinangunahan ng mga kasapi ng Partido Lakas ng Masa (PLM), Bukluran ng Manggagawang Pilipino - Timog Katagalugan (BMP-ST), at SuporTado Movement.

Nakarating kami sakay ng trak sa St. Vincent Ferrer Parish sa Brgy. Canramos, Tanauan, Leyte noong Disyembre 3, 2013. Sinalubong kami ng kura parokong si Fr. Joel, at nagtulong kami ng mga mamamayan doon sa pagbaba ng mga kargamentong relief goods mula sa trak.

Magkahalong pananabik at panlulumo ang aking dinatnan doon. Pananabik dahil sa unang pagkakataon ay nakarating ako ng lalawigan ng Samar at Leyte. Panlulumo dahil dinatnan namin ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga kababayan nating nasalanta ng superbagyong Yolanda.

Naikwento naman ni Fr. Joel ang tungkol sa isa niyang sakristan na umalis na sa lugar. Ayon sa kanya, noong kasagsagan ng bagyo, akala ng sakristan na hawak na nito ang kamay ng kanyang kapatid upang di matangay ng rumagasang baha, ngunit ibang tao pala ang kanyang nasagip. Wala ang kanyang kapatid at ilang araw pa bago natagpuan ang labi nito sa isang malayong lugar.

Naglibot ako at nakita ako ni Ka Rene na dati kong kakilala noon pang 1998 sa pakikibaka laban sa demolisyon sa kanilang lugar sa Taguig. Nakilala agad niya ako at sinabi niyang "Di ba, taga-Sanlakas ka?" Na sinagot ko naman agad ng "Oo." Dugtong niya, "Natatandaan mo pa ba ako? Dati akong taga-Fomcres, kasama nina Dacuno." Sagot ko naman ay "Oo, pamilyar nga sa akin ang mukha mo." Napakaliit ng mundo.

Naikwento niya ang masakit na pangyayari noong panahon ng Yolanda. Nang humupa ang bagyo at bumaba na ang tubig ay natagpuan na lamang na nakasabit sa isang mataas na puno ang kanyang ina, wala nang buhay.

Tapos noon ay sinabi ko kay Fr. Joel ang tungkol kay Ka Rene. Inakyat naman namin nina Ka Rene ang kampanaryo upang makita ang buong paligid. Naglibot din kami ni Ka Rene sa palibot ng barangay hanggang sa plasa, kung saan nakita ko ang maraming body bags, mga nawalan ng bubong na eskwelahan at mga tanggapan, habang tangan ko ang aking kamera at kumuha ng mga litrato.

Mainit ang panahon ng aming paglilibot. Dapat na nakasumbrero ka o kaya'y nakapayong dahil walang punungkahoy na may lilim. Habang nagmumuni doon ay naalala ko ang unang taludtod na nakatitik sa Kartilya ng Katipunan, na tulad ng nakikita ko nang panahong iyon. Kahoy na walang lilim. Ang pambungad na aral ng Kartilya ng Katipunan ay "“Ang buhay na hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim, kundi damong makamandag."

Aktibista ako, makakalikasan, at nais kong gugulin ang aking buhay hindi tulad ng isang kahoy na walang lilim. Tulad din ng ibang may marangal na layunin sa buhay, hindi natin dapat sayangin ang ating panahon sa mga walang kabuluhang bagay. Nais kong gugulin ang aktibismo upang maiahon ang bayan sa kahirapang dulot ng pribadong pagmamay-ari ng iilan sa mga kasangkapan sa produksyon. Dapat tayong maging isang punong magbibigay lilim sa ating kapwang naiinitan ng karukhaang kanilang dinaranas.

Ang kahoy na may lilim ay magbubunga ng matatamis na prutas pagkat minahal at inalagaang mabuti. Tulad ng isang matatag na punongkahoy, pag tayo ay nawalay sa uring manggagawa ay para tayong mga sangang nawalay sa puno. Dapat pala tayong maging sanga ng punong nagbibigay ng lilim sa ating kapwa.

Napakahalaga ng Kartilya ng Katipunan bilang bahagi ng ating pakikibaka para sa isang maayos na kapaligiran at magandang kalikasan. Kaya halina’t isapuso ang Kartilya ng Katipunan at huwag maging kahoy na walang lilim.

Umalis kami sa Leyte nang may panibagong pag-asang lalong nagpainit sa pagkilos upang makamit ang lipunan at kalikasang inaasam.

Abril 22, 2014
Sampaloc, Maynila

Miyerkules, Abril 2, 2014

Si Teodoro Asedillo bilang Bayani ng Sariling Wika

SI TEODORO ASEDILLO BILANG BAYANI NG SARILING WIKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bago pa maging tagapagtanggol at maging Ama ng Wikang Pambansa si Manuel L. Quezon, may isa nang kilalang guro sa kasaysayan ang unang nagtanggol sa sariling wika, at siya si Teodoro Asedillo.

Dapat ituring na bayani ng wikang pambansa ang rebolusyonaryong guro na si Teodoro Asedillo. Ayon sa kasaysayan, labing-isang taon naglingkod bilang guro si Maestro Asedillo sa mababang paaralan ng Longos sa lalawigan ng Laguna, mula taong 1910 hanggang 1921. Bilang guro, itinuro niya ang lahat ng aralin sa maghapong pagpasok sa klase ng mga mag-aaral sa elementarya. Siya’y naangat bilang head teacher ngunit nagpatuloy siyang nagturo sa mga batang nasa ikatlo at ikaapat na baytang. Kilala siya sa kahusayan sa pagtuturo. Isang disiplinaryan, ayaw niya sa mga estudyanteng nagbubulakbol, di nagsisikap matuto, at nagsasayang lang ng oras.

Nang panahong iyong sakop ng Amerika ang bansa, ipinagbawal ang paggamit ng sariling wika sa pagtuturo, at yaong gumagamit nito'y pinarurusahan. Noong elementarya ako'y naranasan ko rin ang ganito sa aming paaralan, ipinagbawal ang paggamit ng sariling wika, at may parusa ang magsasalita ng sariling wika, gayong mahigit na kalahating siglo na yaong nakararaan sa panahon ni Asedillo. Matutunghayan natin ang eksenang ito sa unang bahagi ng pelikulang Asedillo na pinagbidahan ni Fernando Poe Jr. na ibinase sa kanyang buhay.

Isa sa pinagtuunan ng pansin ng mga Amerikanong kolonisador ay ang Department of Public Instruction (DPI) sa kanilang kampanya ng pasipikasyon (pwersahang pagpayapa) at asimilasyon (sapilitang pagpapalunok sa atin ng sarili nilang kultura). Sa pamamagitan ng Philippine Commission Act No. 74 (Enero 1901), iniatas ni Gobernador-Heneral Elwell Otis ang mga sumusunod na polisiya: (1) sentralisadong sistema ng batayang edukasyon; (2) paggamit sa Ingles bilang wikang panturo at komunikasyon; at (3) pagtatatag ng isang kolehiyong normal para sa maramihang pagsasanay ng magiging mga guro. 

Ang mga pangyayari at kalagayang ito ang nagtulak sa unang paghihimagsik ni Asedillo. Pinili niyang gamitin ang wikang Pilipino sa halip na wikang Ingles. Iminulat niya ang mga mag-aaral sa kagitingan at aral ng mga bayaning Pilipino, habang tinuruan din niya ang mga mag-aaral ng awiting makabayan. Hindi rin niya ginamit ang mga aklat na sinulat ng mga dayuhang awtor. Dahil dito, siya’y kinasuhan ng insubordinasyon o pagsuway sa kautusan ng kagawaran noong 1923. Ipinagtanggol niya ang sarili at ikinatwirang hindi dapat ipilit sa mga batang Pilipino ang kulturang banyaga sa kanilang karanasan at pang-unawa. Ngunit siya’y natalo at natanggal sa pagtuturo. Ang pamilyang Asedillo ay naghirap ng husto. 

Anong saklap na pangyayari! Nang dahil sa pagtatanggol sa sariling wika na dapat gamitin sa pagtuturo, siya pa ang natanggal.

Naging masalimuot ang buhay ni Asedillo mula noon. Hinirang siya ng alkalde sa bayang San Antonio bilang hepe ng pulisya roon, ngunit nabiktima ng pang-iintirga at natanggal bilang hepe.

Nang maitatag ang Katipunan ng mga Anakpawis sa Pilipinas (KAP) noong 1929, sumapi rito si Asedillo nang nagkatrabaho na siya bilang magsasaka sa taniman ng kape. Hanggang siya'y atasaan ng pamunuan ng KAP na lumuwas sa Maynila upang mag-organisa ng mga manggagawa partikular sa unyon ng La Minerva Cigar and Cigarette Factory sa Tondo, hanggang sa ang mga manggagawa rito ay nagwelga. Sa welgang iyon ay pinagtangkaan siyang arestuhin ng Konstabularya ngunit nakatakas siya patungong Laguna, ang kanyang probinsya. 

Bumalik siya sa Laguna kung saan may base ng magsasaka ang KAP. Muli siyang nag-organisa. Napagtanto niyang hindi na maaari ang parlamentaryong paraan lamang ng protesta. Hindi na libro, plakard at araro ang hawak-hawak, kundi baril, bilang isang mandirigma ng masa. Ipinakita niya ang kahusayan sa pamumuno, at nagsagawa sila ng repormang agraryo, pinababa ang buwis o upa sa lupa.

Sumanib si Asedillo sa mga pwersa ni Nicolas Encallado, na kilala sa tawag na Kapitan Kulas.

Naging alamat si Asedillo sa mga lugar na pinaglalabas-masukan niya noon sa Laguna at Tayabas. Siya’y katulad ni Robin Hood na ang kinukuha sa mayayaman ay ibinibigay sa mahihirap. Sinasabing araw na araw ay ligtas siyang nakakapaglakad sa mga kalye ng pinagmulan niyang bayan, at pinakakain siya ng taumbayan at pinatutuloy sa kanilang bahay.

Noong Disyembre 31, 1935, pagkaraan ng mahigpit na paghahanap ng mga tropa at ahente ng gubyerno kina Asedillo at Encallado, natagpuan nila ang pinagtataguan ni Asedillo sa Cavinti, Laguna. Sa labanang nangyari, napatay si Asedillo at ang dalawa niyang badigard. Pagkaraa’y inilibot ng Konstabularya sa bayan-bayan ang bangkay ni Asedillo na tadtad ng bala. Ang buong ngitngit ng kaaway ay ipinadama kahit sa kanyang luray na bangkay. Kinaladkad sa mga poblasyon, sa harap ng mga presidencia ng mga bayang kanyang kinilusan, upang ipagyabang na patay na si Asedillo. Si Asedillo ay itinulad kay Kristong ipinako sa krus hanggang sa mamatay.

Marahas na wakas ang nangyari kay Teodoro Asedillo, guro at tagapagtanggol ng sariling wika. Ngunit ang halimbawa niya bilang tagapagtanggol ng sariling wika, una pa kay Manuel Quezon, ay hindi dapat mabaon sa limot. Dapat siyang itaguyod sa panahong ito na dinedelubyo ng globalisasyon ang edukasyon at K-12 upang huwag nang pag-aralan ng sambayanang Pilipino ang sariling wika, at matuto na lang ng wikang dayuhan upang maging alipin sa ibang bansa.

Noong kanyang panahon ay wala pang idinedeklarang wikang pambansa, ngunit ang pagtataguyod niya ng sariling wikang nakagisnan niya ay malaking bagay na upang kilalanin siyang tagapagtanggol ng sariling wika at hindi ng wika ng dayo.

Dapat itaguyod ang simulan ni Teodoro Asedillo, hindi lamang ang kanyang paninindigan noong siya'y kasapi ng KAP, kundi higit sa lahat, bilang tagapagtanggol ng sariling wika.

Dapat siyang kilalanin at gawan ng bantayog bilang ganap na pagkilala sa kanya at ituring siyang bayaning nakibaka laban sa mga dayuhan at bayaning nanindigan para sa sariling wika. Halina't tayo'y magkaisa upang bigyang parangal si Asedillo bilang una pa kay Quezon sa pagtataguyod ng sariling wika.

Mabuhay si Teodoro Asedillo, rebolusyonaryo, tagapagtanggol ng api, at bayani ng sariling wika!