ni Gregorio V. Bituin Jr.
ANG KAHOY NA WALANG LILIM
SA KARTILYA NG KATIPUNAN
“Ang buhay na hindi ginugugol sa isang
malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim, kundi damong
makamandag." ~ mula sa Kartilya ng Katipunan
Napakahalaga ng katitikang ito mula sa Kartilya ng
Katipunan. Kahoy na walang lilim kundi man damong makamandag ang buhay na hindi
ginamit sa isang marangal at banal na layunin. Naramdaman ko ang kahoy na
walang lilim na iyon nang magtungo ako, kasama ang iba pa, sa isang lugar na
nasalanta ng Yolanda.
Sumama ako sa paglalakbay patungong Samar at Leyte
mula Disyembre 1 hanggang madaling araw ng Disyembre 6, 2013. May dalawang trak
at isang van kami na nag-convoy. Kasama ako sa isang trak na tumungo sa
barangay ng Canramos, sa bayan ng Tanauan sa lalawigan ng Leyte. Habang ang
isang trak naman ay sa isa pang bayan sa Leyte. Sumabay sila sa amin sa
Canramos bago tumulak kinabukasan patungo sa bayan ng Abuyog na siyang bayan
din ng dalawang estudyante ng UP na kasama namin at gumiya sa trak paroon. Ang
van ay nagtungo naman sa Guiuan sa lalawigan ng Samar, na dumaan din sa bayan
ng Borongan upang dalhin ang dala naming generator na binili sa Quiapo.
Isa akong aktibista, na layunin sa buhay ay
makibaka at tumulong sa aking kapwa tungo sa pagbabago at pagkakapantay sa
lipunan. Ito ang dahilan kung bakit napadpad ako sa mga grupong tulad ng
KAMALAYAN o Kalipunan ng Malayang Kabataan, Sanlakas, Kongreso ng Pagkakaisa ng
Maralitang Lungsod (KPML), Zone One Tondo Organization (ZOTO), Philippine
Movement for Climate Justice (PMCJ), Saniblakas ng Inang Kalikasan (SALIKA),
Partido Lakas ng Masa (PLM), at sa kasalukuyan ay sa Bukluran ng Manggagawang
Pilipino (BMP). Kasapi rin ako ng Kamalaysayan
(Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan, na dating Kampanya para sa
Kamalayan sa Kasaysayan) na nagtataguyod ng Kartilya ng Katipunan.
Dalawang dekada nang kumikilos mula sa kilusang
makabayan tungo sa kilusang sosyalista. Nasa tanggapan ako ng PLM nang
maranasan ang matinding bagyong Ondoy na nagpalubog ng buong Kamaynilaan sa baha
sa loob ng anim na oras noong Setyembre 26, 2009. Hanggang sa maganap ang
pinakamtinding bagyo sa kasaysayan, ang Yolanda (na Haiyan ang internasyunal na
pangalan), noong Nobyembre 8, 2013. Dahil dito'y boluntaryo akong sumama sa
People's Caravan patungo sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda. Ang People’s
Caravan ay pinangunahan ng mga kasapi ng Partido Lakas ng Masa (PLM), Bukluran
ng Manggagawang Pilipino - Timog Katagalugan (BMP-ST), at SuporTado Movement.
Nakarating kami sakay ng trak sa St. Vincent Ferrer
Parish sa Brgy. Canramos, Tanauan, Leyte noong Disyembre 3, 2013. Sinalubong
kami ng kura parokong si Fr. Joel, at nagtulong kami ng mga mamamayan doon sa
pagbaba ng mga kargamentong relief goods mula sa trak.
Magkahalong pananabik at panlulumo ang aking
dinatnan doon. Pananabik dahil sa unang pagkakataon ay nakarating ako ng
lalawigan ng Samar at Leyte. Panlulumo dahil dinatnan namin ang kalunos-lunos
na kalagayan ng mga kababayan nating nasalanta ng superbagyong Yolanda.
Naikwento naman ni Fr. Joel ang tungkol sa isa
niyang sakristan na umalis na sa lugar. Ayon sa kanya, noong kasagsagan ng
bagyo, akala ng sakristan na hawak na nito ang kamay ng kanyang kapatid upang
di matangay ng rumagasang baha, ngunit ibang tao pala ang kanyang nasagip. Wala
ang kanyang kapatid at ilang araw pa bago natagpuan ang labi nito sa isang
malayong lugar.
Naglibot ako at nakita ako ni Ka Rene na dati kong
kakilala noon pang 1998 sa pakikibaka laban sa demolisyon sa kanilang lugar sa
Taguig. Nakilala agad niya ako at sinabi niyang "Di ba, taga-Sanlakas
ka?" Na sinagot ko naman agad ng "Oo." Dugtong niya,
"Natatandaan mo pa ba ako? Dati akong taga-Fomcres, kasama nina
Dacuno." Sagot ko naman ay "Oo, pamilyar nga sa akin ang mukha mo."
Napakaliit ng mundo.
Naikwento niya ang masakit na pangyayari noong
panahon ng Yolanda. Nang humupa ang bagyo at bumaba na ang tubig ay natagpuan
na lamang na nakasabit sa isang mataas na puno ang kanyang ina, wala nang
buhay.
Tapos noon ay sinabi ko kay Fr. Joel ang tungkol
kay Ka Rene. Inakyat naman namin nina Ka Rene ang kampanaryo upang makita ang
buong paligid. Naglibot din kami ni Ka Rene sa palibot ng barangay hanggang sa
plasa, kung saan nakita ko ang maraming body bags, mga nawalan ng bubong na
eskwelahan at mga tanggapan, habang tangan ko ang aking kamera at kumuha ng mga
litrato.
Mainit ang panahon ng aming paglilibot. Dapat na
nakasumbrero ka o kaya'y nakapayong dahil walang punungkahoy na may lilim.
Habang nagmumuni doon ay naalala ko ang unang taludtod na nakatitik sa Kartilya
ng Katipunan, na tulad ng nakikita ko nang panahong iyon. Kahoy na walang
lilim. Ang pambungad na aral ng Kartilya ng Katipunan ay "“Ang buhay na
hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang
lilim, kundi damong makamandag."
Aktibista ako, makakalikasan, at nais kong gugulin
ang aking buhay hindi tulad ng isang kahoy na walang lilim. Tulad din ng ibang
may marangal na layunin sa buhay, hindi natin dapat sayangin ang ating panahon
sa mga walang kabuluhang bagay. Nais kong gugulin ang aktibismo upang maiahon
ang bayan sa kahirapang dulot ng pribadong pagmamay-ari ng iilan sa mga
kasangkapan sa produksyon. Dapat tayong maging isang punong magbibigay lilim sa
ating kapwang naiinitan ng karukhaang kanilang dinaranas.
Ang kahoy na may lilim ay magbubunga ng matatamis
na prutas pagkat minahal at inalagaang mabuti. Tulad ng isang matatag na
punongkahoy, pag tayo ay nawalay sa uring manggagawa ay para tayong mga sangang
nawalay sa puno. Dapat pala tayong maging sanga ng punong nagbibigay ng lilim
sa ating kapwa.
Napakahalaga ng Kartilya ng Katipunan bilang bahagi
ng ating pakikibaka para sa isang maayos na kapaligiran at magandang kalikasan.
Kaya halina’t isapuso ang Kartilya ng Katipunan at huwag maging kahoy na walang
lilim.
Umalis kami sa Leyte nang may panibagong pag-asang
lalong nagpainit sa pagkilos upang makamit ang lipunan at kalikasang inaasam.
Abril 22, 2014
Sampaloc, Maynila
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento