Miyerkules, Hulyo 2, 2014

Ang vendor ba ay kapitalista o proletaryado?

ANG VENDOR BA AY KAPITALISTA O PROLETARYADO?
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Utak-kapitalista, pero buhay proletaryado. Ganito nga ba maaaring ilarawan ang vendor?

Utak-kapitalista dahil nag-iisip sila ng tubo sa kanilang munting negosyo, tulad ng buy and sell na karaniwan nilang trabaho. Ngunit buhay proletaryado sila dahil wala silang pag-aaring mga pabrika, maliban sa kanilang mga paninda. Kadalasan sa kanila'y nakatira sa mga lugar ng iskwater, mga danger zones, dahil doon na ipinadpad ng tadhana.

Mga vendor silang nagsisikap maghanapbuhay ng marangal, nagtitinda-tinda upang tumubo lamang ng kakarampot. Kumbaga'y mga palpak silang kapitalista kung mahigit na silang sampung taon sa pagnenegosyo ay vendor pa rin, at walang sariling negosyong maipagmamalaki.

Nagsimula sa pagiging vendor ang mayayamang kapitalistang sina Henry Sy at Lucio Tan. Si Henry Sy ay nagsimula sa pagtitinda ng sapatos, at naitayo niya ang Shoe Mart. Si Lucio Tan naman ay nagsimula sa paggawa ng sigarilyo, at naitayo ang pabrika ng Fortune Tobacco.

Ngunit hindi lahat ng vendor ay ganito. Dahil bihira ang tulad nila. May gintong kamay ba sila sa paghawan ng landas tungo sa pag-unlad? Anong uri ng diskarte at anong klaseng utak mayroon sila upang marating ang kinalalagyan nila ngayon? Vendor noon, tycoon ngayon.

Karamihan ng mga vendor ngayon sa bansa ay nabubuhay sa sariling diskarte, buy-and-sell, pagbabakasakali upang makakain bawat araw at hindi magutom ang pamilya. Kilala ang Divisoria at Baclaran sa maraming vendor, na pati ang kalsada ay hindi na madaanan ng mga sasakyan dahil sa nakahambalang nilang paninda.

Dumating pa ang panahong ang mga vendor sa Kalakhang Maynila ay itinuring na animo'y may ketong. Ipinagbawal na sa kanila ang magtinda, itinaboy sa mga bangketang nagmistulang kanilang tindahan, sinusunog ang kanilang mga paninda upang hindi na makabalik muli sa lugar na pinagtitindahan nila. Idineklara sila ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), sa pamumuno ni Bayani Fernando, na mga hudyong dapat malipol. Kaya itinuring din nila si Bayani Fernando na Hitler.

Sa kasagsagan ng bakbakang ito laban sa mga vendor ay naitayo ang Metro Manila Vendors Alliance (MMVA) noong Agosto 30, 2002 sa UP Diliman. Nagkaisa ang mga vendor upang ipagtanggol ang kanilang mga kabuhayan, na siyang tama naman at marapat gawin. Dahil hindi sagot ang hindi pag-imik na kahit nasasaktan na ay oo na lang ng oo.

Kung ating susuriin, ang pagiging vendor ay usapin pa ng survival, usapin kung paano lalamnan ang tiyan ng pamilya bawat araw. Hindi pa ito usapin ng pag-hire ng mga trabahador para magtrabaho sa kanyang negosyo. Dahil usapin ito ng survival at dahil karaniwan ng mga vendor ay nakatira sa mga lugar ng iskwater o mahihirap, hindi pa sila ganap na kapitalista kahit kung mag-isip sila'y tulad ng kapitalista, magkaroon ng tubo ang kanilang pinuhunan. Biktima rin sila ng kapitalismo. Dahil kailangan nilang mabuhay sa ilalim ng umiiral na sistema, ang pagvevendor ang naisipan nilang trabaho. Wala man silang amo, matindi naman ang kotong sa kanila, dahil kung hindi sila magbibigay ng tong, hindi sila makakapagtinda sa lugar.

Sa ngayon, ang vendor ay maaaring ituring na bahagi ng proletaryado, o mga taong walang pribadong pag-aari maliban sa kanilang lakas-paggawa. Bagamat sila'y negosyo na ang nasa isip dahil kailangan nilang buhayin ang kanilang pamilya. Nagbabakasakaling sa pamamagitan ng negosyong ang puhunan ay sariling sikap at kaunting salapi ay magkaroon ng maayos na buhay ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng marangal na paghahanapbuhay.

Walang komento: