Martes, Mayo 31, 2016

Pagbigkas ng tula sa tatlong rali, Mayo 31, 2016

PAGBIGKAS NG TULA SA TATLONG RALI, MAYO 31, 2016
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tatlong rali ang dinaluhan ko ng araw na iyon, Mayo 31, 2016, araw ng Martes, dalawa sa umaga at isa sa hapon. Ang maganda sa mga pagkilos na iyon ay binigyan ako ng pagkakataong tumula, bagamat hindi naman ako humiling na tumula. Ang gawain ko sa tatlong raling iyon ay kumuha ng litrato at ng video.

Ang unang rali ay sa harapan ng gusaling Arcadia sa Abenida Quezon, kung saan naroroon ang tanggapan ng DOLE-QC (Department of Labor and Employment - Quezon City). Kasama namin ang dalawang unyon ng manggagawa, ang mga taga-Bonpack at ang mga taga-Asgard, pati na ang SUPER Federation na may hawak ng kanilang kaso, at kami sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Nagsimula kami bandang ikawalo't kalahati ng umaga.

Ang ikalawang rali ay sa harapan ng gusali ng DOLE-NCR (National Capital Region) na nasa Daang Maligaya sa Malate, Maynila. Kami pa rin ang magkakasama. Halos magtatanghalian na nang kami'y magsimula roon.

Ang ikatlo ay sa harapan ng tanggapan ng COMELEC sa Intramuros, Maynila, kung saan nagkapiket naman doon ang mga kasapi ng Ating Guro party list dahil sa nangyayaring panalo na sila ay hindi ipinroklama. Bandang hapon ay nagsimula muli sila ng programa roon, bagamat noong umaga ay nagsagawa sila roon ng Jericho March, kung saan halos tatlong daang katao ang nagmartsa ng pitong ikot sa palibot ng gusali ng COMELEC. Hindi ko nasaksihan iyon dahil sa dalawang naunang raling dinaluhan.

Mahalaga ang pagbibigay ng pagkakataong iyon sa akin upang makapagpahayag sa pamamagitan ng pagtula. Mabuti na lamang at may mga nakahanda akong tula para sa mga okasyong iyon na siya kong binasa. Apat na tula ang aking inihandog sa tatlong pagkilos na iyon. Dalawa roon ang naulit ang pagbasa. Sa unang rali'y binasa ko ang Imortal at ang Pangako ng Bagong Pamunuan, na doon ko lang naisulat, dahil sa kahilingan ng isang kasama. Sa ikalawa'y ang Imortal at ang Unday ng Maso, at sa ikatlo naman ay tungkol sa mga guro.

Sa mga nagtiwala sa akin upang magpahayag sa pamamagitan ng tula, taospusong pasasalamat po ang ipinaaabot ng inyong lingkod. Ang pagtitiwala ninyo' nakapagbibigay ng sigla upang muli pa akong kumatha ng mga tulang mapagpalaya para sa nakikibakang manggagawa't aping sektor sa lipunan. Mabuhay kayo!

Halina't namnamin ang mga tulang iyon.


IMORTAL
15 pantig bawat taludtod

manggagawa - sila ang mayorya sa daigdigan
imortal ang gawaing pakainin ang lipunan
sila ang lumikha ng laksa-laksang kaunlaran
binubuhay nila kahit naghaharing iilan

dugo't pawis yaong gamit sa pabrika't makina
nagbayo, nagsaing, nagpalago ng ekonomya
ngunit kayraming sa kanila'y di kumikilala
lalo't nangapital na tuso't mapagsamantala

kahit walang puhunan, mabubuhay ang daigdig
kayraming puno't pananim, ulan ang dumidilig
mga obrero silang gamit ang lakas ng bisig
sa puso nitong mundo, sila ang nagpapapintig

kahit walang puhunan, mabubuhay ang obrero
kung walang obrero'y di mabubuhay ang negosyo
ngunit baligtad ang nadaranas natin sa mundo
kung sinong may puhunan ang naghaharing totoo

tunay na pagbabago ang nais ng manggagawa
totoong pagbabago ang inaasam ng madla
nais nila'y lipunang pagsasamantala'y wala
isang lipunang makatao'y kanilang adhika


PANGAKO NG BAGONG PAMUNUAN
15 pantig bawat taludtod

manggagawa, nangangako ang bagong pamunuan
para siya sa manggagawa, totoo ba naman?
aba'y kung tunay, dapat niya iyong patunayan
ang mga bulok sa DOLE ay tanggaling tuluyan

pangako niyang tanggalin ang kontraktwalisasyon
ay aabangan ng manggagawa kung tunay iyon
mga tiwali sa ahensya'y sibakin na roon
linisin ang DOLEng sa katiwalian nabaon

dahil kung hindi, kasimbulok siya ng sistema
dahil palasuko rin sa uring kapitalista


UNDAY NG MASO
15 pantig bawat taludtod

kabisado ng manggagawa ang unday ng maso
pawang matitipunong bisig ang may tangan nito
ang pagbuwag sa pader ay kanila ngang kapado
paano pa kung buwagin nila'y kapitalismo

dinambong ng tuso ang kanilang lakas-paggawa
otso-oras nila'y di nababayaran ng tama
ang unyon nila'y binubuwag ng tusong kuhila
kalagayan sa pabrika nila'y kasumpa-sumpa

di kalagayan lang sa pabrika'y dapat baguhin
kundi higit sa lahat, sistemang mapang-alipin
maso'y tangan upang bulok na sistema'y buwagin
mula roon, lipunan ng manggagawa'y buuin

ang uring manggagawa ang hukbong mapagpalaya
lipunan nila'y itayo ang kanilang adhika


ISANG UPUAN SA ATING GURO'Y DAPAT IBIGAY
15 pantig bawat taludtod

kaylakas ng unos subalit patuloy ang kampay
dumatal yaong sigwa'y pumapadyak silang sabay
sa buhawing dumaan, sila ang magkakaramay
di payag na sa delubyo'y tanghalin silang bangkay

patuloy ang paglaban, tuloy ang pakikibaka
paniwalanila, hangga't may buhay, may pag-asa
kung ano ang wasto'y sadyang ipaglalaban nila
kaytatag sa pagdatal ng laksa-laksang problema

hindi ba't mga guro ang nagtuturo ng wasto
bakit inagaw ang upuan nila sa Kongreso
takot nga ba sa kanila ang sangkaterbang trapo
pagkat baka mabigyan nila ng mababang grado

isang upuan sa Ating Guro'y dapat ibigay
pagkat nanalo't karapatan nila itong tunay

 

Walang komento: