Linggo, Marso 19, 2017

SosyalisTULAan bilang bagong simula



SosyalisTULAan bilang bagong simula
ni Greg Bituin Jr.

Ang naghaharing uri nga ba ang nagtatakda ng sining, kultura at panitikan sa isang lipunan? Kung susuriin, marahil ay sila nga, o kaya'y sila lang, lalo na't pinatatampok sa mga komersyal sa telebisyon, at mga istorya sa mga lifestyle section ng mga pahayagan ang kanilang pamamayagpag at panlasa.

Ang namamayaning panitikan ay pilit isinasaksak ng naghaharing uri sa ating mga lalamunan, na halos mabuwalan na tayo ay tinatanggap pa rin ng masa. Marahil dahil di nila nakikita ang alternatiba. O marahil wala namang nagkukusang maging alternatiba.

Hindi naman nakatago ang mga sosyalistang panitikan ngunit hindi naman naipalalaganap. Kung maipalaganap man ay sa maliliit na sirkulo lamang, mga sirkulong hindi mapansin ng madla kahit na magpapansin.

Halimbawa na lamang ang Teatro Pabrika na itinatag noong Nobyembre 1990 na naririnig ang kanilang mga awit sa sirkulo lamang ng maliit na seksyon ng mahigit 40 milyong manggagawa sa Pilipinas, o maliit na porsyento ng organisadong wala pang isang milyong manggagawa. Maganda at makasaysayan na ang kanilang mga naiambag ngunit hindi pa nakakatagos sa kamalayan ng mayorya ng manggagawa. Dagdag pa ang kakulangan ng mga bagong awiting sosyalista.

Paano pa kaya ang mga nasa panitikan o gumagawa ng tula, tulad ng limang makatang magtatanghal sa SosyalisTULAan sa Marso 21 - World Poetry Day. 

May mga nabuong maliliit na sirkulo noon sa panitikan. Bandang 2005 nang maitatag ang Association of Progressive Poets (APP) hanggang sa mamatay na lamang ito. Bandang 2010 ay nagkaroon ng facebook group na Maso at Panitik na layuning pagkaisahin ang mga makatang kumikilos sa kilusang sosyalista, at hindi sa kilusang makabayan.

Ngunit kailangang magsimula. Nagsisimula ang isang unos mula sa ambon lamang. Nagsisimulang mapuno ang tibuyô (tagalog ng Kastilang alkansya) ng isang bata kung may inihuhulog siyang piso bawat araw. Nagsisimula sa unang hakbang ang bawat maraming tagumpay. Hindi nagtatagumpay ang isang layuning hindi sinimulan, at hindi tuluy-tuloy upang abutin ang nilalayon.

Kailangang tunggaliin ang sining, kultura at panitikan ng naghaharing uri. Kaya kailangang organisahin at pagkaisahin ang mga manggagawa sa kultura, manunulat at makata. Ang kaaway ay ang internasyunalismo ng kapital, kaaway ng di-pa-naisasagawa-muling internasyunalismo ng uring manggagawa. Kahit sa ating mga isinusulat na tula, kailangan ang kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan. Ipwesto natin ang ating ikinakatha sa kabuuang kalagayan ng lipunan, lalo na ng uring manggagawa at ng masa ng sambayanan.

Matiyaga nating ipaunawa batay sa ating kakayahan sa pagtula, pag-awit o anupamang uri ng pagtatanghal ang kinapapalooban nating lipunan, habang ang diyalektika ng pagsulong ng lipunan ay inilalantad o ginagawang halimbawa sa bawat katha.

Gayunpaman, kailangan ng taos na pag-unawa sa lipunang ating ginagalawan habang binabakbak natin ang kapitalismong ito kapara ng anay. Kasabay ng pagkilos na ito ang pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao, na isang salik ng sosyalismong ating inaasam, o tinatawag nga nating lipunang makatao. Ang mga kinakatha nating tula, sanaysay, maikling kwento, o maging awit, ay dapat maipaunawa sa madla nang may paggalang sa bawat isa, kusang niyayapos ng madla nang hindi ipinipilit o isinusubo na lang nang hindi nila nauunawaan.

Isang bagong simula itong SosyalisTULAan sa Marso 21 - World Poetry Day na dadaluhan ng ilang piling makatang nais mag-ambag sa panitikan ng uring manggagawa. Hindi man ito ang alternatiba ngunit ang pagsisimulang ito’y unang hakbang.

Walang komento: