Linggo, Agosto 27, 2017

Si Lean Alejandro at ang Lord of the Rings

SI LEAN ALEJANDRO AT ANG LORD OF THE RINGS
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kung nabubuhay lang si Lean Alejandro, tiyak na matutuwa siya sa pagsasapelikula sa tatlong bahagi o trilogy ng The Lord of the Rings ni J.R.R. Tolkien, sa direksyon ni Peter Jackson. Napanood ko ang tatlong ito. Ang unang bahagi ang Fellowship of the Rings (2001), ang ikalawa'y ang Two Towers (2002), at ang ikatlo'y ang Return of the King (2003).

Ayon sa isang saliksik, "The future of civilization rests in the fate of the One Ring, which has been lost for centuries. Powerful forces are unrelenting in their search for it. But fate has placed it in the hands of a young Hobbit named Frodo Baggins, who inherits the Ring and steps into legend. A daunting task lies ahead for Frodo when he becomes the Ringbearer - to destroy the One Ring in the fires of Mount Doom where it was forged." (Ang kinabukasan ng sibilisasyon ay nakasalalay sa kapalaran ng Isang Singsing, na nawala sa loob ng maraming dantaon. Ang mga makapangyarihang pwersa ay walang tigil sa kanilang paghahanap dito. Ngunit inilagay ito ng tadhana sa kamay ng isang batang Hobbit na nagngangalang Frodo Baggins, na nagmana ng Singsing at humakbang sa mga alamat. Napasan sa balikat ni Frodo ang pagwasak sa Isang Singsing sa apoy ng Bundok ng Mordor kung saan ito nabuo - nang siya na ang natalagang tagapangalaga ng Singsing.)"

Maraming nagsulat kung gaano nakahiligang basahin ni Lean ang nobelang ito. At may ilan akong pinaghalawan ng pagkagiliw ni Lean sa Lord of the Rings. Mas klarado itong naisulat ni Lean sa kanyang propesor na si Rita Estrada ng Kagawaran ng Sikolohiya ng UP habang nakapiit pa siya sa Camp Ipil Detention Center. At nabanggit din ito ng kanyang kaibigang si Jojo Abinales.

Ngunit bago iyon, may mga payo ang kritikong si Virgilio S. Almario, na aking guro sa Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA), isang samahan ng mga makata, mahalaga sa pagsusuri ang "pagtitig" sa akda, dahil marami ka umanong makikitang kahulugan, na maaaring batay sa kasaysayan, o maging sa iyong sariling karanasan, bukod pa sa karanasan ng sumulat nito. Ginamit namin ang payo niyang iyon sa pagsusuri ng mga tula at iba pang akda.

Sa ngayon, maaari kong sabihing ang sinulat ni Lean hinggil sa Lord of the Rings ay maaaring ihalintulad sa karanasan niya sa buhay. Halina't baybayin natin ang ilang talata sa kanyang liham sa kanyang propesor na si Dr. Rita Estrada ng UP Psychology Department. Ito ang kanyang isinulat sa ikapitong talata:

"We must avenge the dead and the dying victims of dictatorship in no uncertain terms but I think it would do us some good to remember the words of Gandalf when he said -- 'Many that live deserve death. And some that die deserve life. Can you give it to them? Then do not be too eager to deal out death as judgement.'

Sinabi ni Lean na dapat nating ipaghiganti ang mga namatay sa diktadura pati na rin ang mga naghihingalo nang walang pasubali, subalit ibinigay niya sa atin bilang payo ang mga sinabi ng pantas na si Gandalf, "Maraming nabubuhay ang dapat mamatay, habang maraming namatay ang dapat mabuhay. Maibibigay mo ba iyon sa kanila? Kung gayon ay huwag magmadaling gamitin ang kamatayan bilang hatol."

Ibig sabihin, hindi dapat kamatayan kaagad ang kahatulan sa diktadura o sa sinumang nagkasala, dahil sino ba ang dapat magwakas ng buhay? May karapatan ba tayong wakasan ang buhay, tulad ng nangyayari sa kasalukuyang lipunan, na parang manok lang kung puksain ang buhay ng mga dukha? Paano ba natin pinahahalagahan ang buhay? Paano ba tayo nakikipagkapwa-tao kung ang kalaban natin ay mamamatay-tao? Mabigat at malalim ang kahulugan ng sinabi ni Gandalf na dapat nating suriin at pag-isipan.

Sa ikasampung talata ng liham na iyon ay ito ang nakasulat: "I am getting another chance to visit Beleriand. The War of the Rings is on. The Company has just lost Gandalf in Moria. And there is still such a long, long way to go. It is an adventure on an epic scale. And I am glad that it is an adventure that we both share, together with all the Free People of Middle Earth."

Nais muling bisitahin ni Lean ang Beleriand. Ito'y isang rehiyon sa hilagang-silangan ng Middle Earth sa panahon ng First Age o Unang Edad. Ang panahon nina Frodo at Gandalf ay tinatawag na Third Age o Ikatlong Edad. Ang Beleriand ay tahanan ng mga Elves at sa kalaunan ay ng mga Tao at Dwarves. naglaho ang Beleriand sa panahon ng Ikatlong Edad dahil sa digmaan.

Ayon sa kasaysayan, "Sa pagtatapos ng Unang Edad sa Middle Earth ng taon 583, nadurog ang Beleriand dahil sa Digmaan ng Poot (War of Wrath) ng mga anghel, ang Maiar, laban sa demonyong si Morgoth (ang kanyang sarili ay isang Vala na nahulog sa kasamaan). Tulad ng mga naninirahan sa Beleriand, kabilang ang mga walang panginoong Orcs, mga hayop ng Angband, Elves, Tao at Dwarves, ay nagsitakas, lumubog sa dagat ang Beleriand. Isang maliit na bahagi lamang ng Silangang Beleriand ang nanatili, at pinangalanang Lindon, sa Hilagang-kanluran ng Middle Earth sa Ikalawa at Ikatlong Edad."

Patuloy ang digmaan, ayon kay Lean, sa Lord of the Rings, habang napahiwalay naman sa mga kasamahan si Gandalf sa Moria. Ang Moria ay isang malalim na bangin na pinagmiminahan sa ilalim ng makulimlim na mga bundok. Kilala iyong sinaunang lupain ng mga Dwarves ng mga tao sa Turin. Doon sa Moria nakatunggali ni Gandalf ang halimaw na Balrog at nahulog sila sa kailaliman. Napahiwalay nang tuluyan si Gandalf sa kanyang mga kasamahan. Ito'y sa unang bahagi ng nobela, ang Fellowship of the Ring. Sa ikalawang nobela na nakabalik si Gandalf, sa Two Towers. 

Ang pagkawala ni Gandalf sa Moria ay maaaring itulad sa pagkawala ni Lean sa kilusang masa, dahil siya'y napiit. "And there is still such a long, long way to go. It is an adventure on an epic scale. And I am glad that it is an adventure that we both share, together with all the Free People of Middle Earth." At mahaba ang kanilang lalakbayin sa pakikibaka laban sa diktadura. At iyon ay isang malawakang epiko ng pakikibaka upang mabago ang sistema ng lipunan. At natutuwa si Lean na iyon ay pakikibakang kabahagi ang isa't isa, kasama ang mga malalayang tao, tulad ng mga kasama niya sa UP at sa kilusang masa.

Ang ikalabing-isa't ikalabingdalawang talata ng liham na iyon ay nakapatungkol pa rin sa Lord of the Rings subalit itinulad niya sa panahon ng martial law, na nang panahong isinulat niya iyon ay nakapiit siya sa Camp Ipil sa Fort Bonifacio. At narito ang mga talatang iyon: "But not withstanding the glory of the Third Age, I am sure that you will agree with me when I say that the greatest adventure on earth today is our struggle for freedom. The pain and the sacrifice is staggering. The battles are historical. And the victory shall be truly glorious indeed."

Nagtagumpay sina Frodo, Gandalf, Aragorn, Legolas, at iba pang bayani sa Lord of the Rings na madurog ang Singsing sa apoy ng Mordor, na tinutukoy ni Lean na "glory of the Third Age". At kung itutulad pa rin ito sa kanyang panahon, kailangang makibaka upang lumaya ang bayan mula sa hilakbot ng diktadura. Kailangang tuloy-tuloy na makibaka hanggang mabago ang sistemang mapaniil. Nakahihilo man ang mga pasakit at sakripisyo ay dapat magpatuloy.

"I am glad that we share this greater adventure. And I am sure that we shall overcome the Dark Lord of our age, together with all the freedom loving Filipinos in our land. When all is over the telling of the tale will surely take a great number of lay and song. For our children and our children's children."

Tiyak na hindi sa Sauron ng Lord of the Rings ang kanyang tinutukoy na Dark Lord of our age, kundi ang diktador na si Marcos. Ang "greater adventure" naman ay ang pakikibaka laban sa martial law. 

Dagdag pa niya sa liham, sa ikalabingtatlo't ikalabing-apat na talata, ang makahulugang usapan ng dalawang bida ng Lord of the Rings:

'I wish it need not have happened in my time', said Frodo.

'So do I,' said Gandalf, 'and so do all who live to see such times. But that is not for them to decide. All we have to decide is what to do with the time that is given us.'

Sino nga bang makatitiyak na hindi dapat mangyari ang ayaw nating mangyari? Subalit payo nga ni Gandalf na kung anuman ang mangyari sa ating panahon ay hindi natin kapasyahan. Ang tanging mapagpapasyahan natin  ay kung ano ang dapat nating gawin sa panahong ibinigay sa atin.

Kung panahon iyon ni Bonifacio, tiyak na sasapi si Lean sa Katipunan. Kung panahon iyon ng pagsakop ng mga Hapon, marahil ay sumapi si Lean sa Hukbalahap. May kani-kanyang panahon. Ang mahalaga ay paano mo gagamitin ang iyong kakayahan at buong puso't diwa upang mapigilan ang mga mapag-imbot sa kapangyarihan na nagdudulot ng kapariwaraan ng taumbayan. Ang mahalaga ay ang pagkilos tungo sa kapayapaan at pag-unlad ng lahat upang lahat ay makinabang, at walang napag-iiwanan.

Upang manamnam ng mambabasa ang buong sulatin, mangyaring basahin sa aklat na ito ang salin mula sa Ingles ng buong liham ni Lean sa kanyang gurong si Dr. Estrada.

Kaya kung pakasusuriin, makahulugan ang pagtatapos ng liham ni Lean sa kanyang guro, lalo na sa ating henerasyon, at sa mga susunod pang henerasyon. Lalo na ang usapan nina Frodo at Gandalf - hinggil sa kasalukuyang panahon, noong panahon nila, at noong panahon ni Lean. At kung uunawain pa nating mabuti, sa panahon natin. Mabuting payo mula kay J.R.R. Tolkien, sa pamamagitan ni Gandalf.

Sa talambuhay ni Lean Alejandro sa wikipedia ay sinabi ng kanyang kaibigang si Jojo Abinales ang ganito:

"He was fond of reading Marx's love letters to his wife. He was an avid fan of literary fiction writer J. R. R. Tolkien and raved about The Lord of the Rings trilogy. Lean often shared to his friends the interesting books he has read and movies he has watched and spontaneously began intense discussions about them. In his interests in literature and film, he empathized with the characters who subdued evil and the forces of darkness. According to Jojo, who became Lean's room mate at the Narra Residence Hall, "Lean selflessly spent many sleepless nights with us just to impress why it was important to read about the commitment of Frodo Baggins and Gandalf the Grey (of The Lord of the Rings) to partly help us situate ourselves in a rapidly polarizing society; why, in confronting the evils of the real world, one can learn much in understanding Sauron the Great and his desire to repossess the one ring that shall make him ruler of Middle Earth; and why, in reading through the life of Gollum, one discovers that even in his miserable and deceitful life, he still would bring something good in a society threatened with darkness."

Ating namnamin: "Lean selflessly spent many sleepless nights with us just to impress why it was important to read about the commitment of Frodo Baggins and Gandalf the Grey (of The Lord of the Rings) to partly help us situate ourselves in a rapidly polarizing society;"

Napakahalaga ng talakayan hinggil sa Lord of the Rings at ang pagpapasya kung paano ba madudurog ang makapangyarihan at makademonyong Singsing ni Sauron. Bakit tinanggap ng simpleng taong tulad ni Frodo Baggins ang pagwasak sa Singsing gayong wala siyang kalaban-laban sa makapangyarihang si Sauron at kanyang mga alagad. Subalit naroon si Gandalf the Grey (na naging Gandalf the White na sa Ikalawang Aklat na Two Towers), upang tiyakin ang pagsusuri sa kalagayan at anong mga dapat gawin. Tulad din ng mga aktibistang karaniwang tao rin subalit piniling tahakin ang landas ng pakikibaka upang mapalaya ang bayan mula sa pagsasamantala at paghahari ng iilan.

"why, in confronting the evils of the real world, one can learn much in understanding Sauron the Great and his desire to repossess the one ring that shall make him ruler of Middle Earth;"

Kailangan nating unawain ang daigdig nating ginagalawan, lalo na ang paglaban natin sa kasamaang pumipighati sa ating bayan. Kung paanong dapat nating maunawaan si Sauron the Great at ang pagnanais nitong makuha muli ang singsing na dahilan upang mapamunuan niya ang Middle Earth, tulad din ng pagnanais ng diktadurang Marcos na tuloy-tuloy na maghari sa buong bansa. Pag naunawaan natin ito'y lalabanan natin ang anumang pag-iimbot ng iilan habang nahihirapan ang higit na nakararami. May pagkakataong ibinibigay ang kasaysayan upang labanan ng bayan ang mga mapaniil at may utang na dugo sa sambayanan.

"and why, in reading through the life of Gollum, one discovers that even in his miserable and deceitful life, he still would bring something good in a society threatened with darkness."

Si Gollum ay dating ang mabuting si Smeagol. Pinangalanan siyang Gollum batay na sa tunog ng kanyang boses. Dati siyang hobbit ngunit dahil sa singsing, siya'y naging maputla, payat at maumbok na nilalang. Sa ikatlong aklat, sa Return of the King, ay nagdebate sina Gollum at ang dati niyang katauhang si Smeagol. Sa kalaunan ay tinulungan ni Gollum si Frodo na makarating sa Mordor upang doon lusawin sa apoy ng Mordor ang singsing. Subalit sa huli, sa pagnanasa ni Gollum sa singsing dahil na rin nahahatak siya nito, ay kinuha niyang pilit kay Frodo ang singsing subalit kasabay ng pag-agaw niya sa singsing ay nahulog siya kasama ng singsing sa apoy ng Mordor. Iyon na ang katapusan niya at katapusan din ng singsing.

Si Lean Alejandro at ang Lord of the Rings ay magkaugnay, at hindi lang iisa. At ang mga natutunan niya sa Lord of the Rings ay maaari ring kapulutan ng aral ng marami sa atin. Nawa'y habang pinanonood natin, o ng ating mga anak at mga kaapu-apuhan, ang Lord of the Rings ay maalala natin na minsan man sa buhay natin o ng bansang Pilipinas ay may isang Lean Alejandro na nagsakripisyo para sa pagbabago ng sistema ng lipunan at para sa kalayaan ng sambayanan.

Pinaghalawan ng datos:
https://en.wikipedia.org/wiki/Beleriand
https://en.wikipedia.org/wiki/Leandro_Alejandro
http://www.sparknotes.com/film/lordoftherings/summary.html
https://en.wikipedia.org/wiki/The_Lord_of_the_Rings
https://medium.com/@lttrsnscrbbls/the-quintessential-life-of-lean-alejandro-1960-1987-ec9472eedab5

Walang komento: