Martes, Setyembre 5, 2017

Ang tsinelas ni Lean at ang taunang The Great Lean Run

ANG TSINELAS NI LEAN AT ANG TAUNANG THE GREAT LEAN RUN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa mga ipinalabas na poster hinggil sa The Great Lean Run ay kapansin-pansin ang mukha ni Lean Alejandro na nasa loob ng isang tsinelas. Maganda ang itsura ng poster at sa loob ng tsinelas ay naroon ang nakapangalumbabang si Lean. Ngunit bakit ganuon ang poster? Kung The Great Lean Run iyon ay dapat sapatos dahil pantakbo ang sapatos, at hindi ang tsinelas.

Hanggang mapaisip ako sa itsura ng poster. Bakit nakapaloob ang mukha ni Lean sa anyong tsinelas? Bakit hindi sa isang sapatos dahil nga Lean Run, pagtakbo? Anong kaugnayan ng tsinelas sa kanya bilang tao? Ang tsinelas ba ay sagisag ng kanyang pagiging makamasa o makamahirap pagkat kadalasang ang mga nakatsinelas ay ang masa't mahihirap?

Kay Lean Alejandro ba natuto ang dating alkalde ng Lungsod Naga at naging kalihim ng DILG (Department of Interior and Local Government) na namayapang si Jessie Robledo? Kilala rin si Robledo sa kanyang tsinelas leadership, dahil lagi rin umano siyang nakatsinelas sa pagpunta niya at pakikisalamuha sa masa, lalo na sa paglalakad papunta sa mga liblib at maputik na komunidad. Sa ngayon ay may ginagawaran ng Tsinelas Leadership Award ang Jesse M. Robredo Foundation, Inc. para sa mga magagandang isinagawa o best practices sa mga kanayunan.

May naitayo pa ngang Tsinelas Association Inc. na ang layunin ay magbigay ng tulong pang-edukasyon sa mga mahihirap na estudyante sa mga barangay sa kabundukan at mga liblib na lugar sa Cebu. Tsinelas ang ginamit nilang pangalan dahil naniniwala silang angkop na simbolo ang isang pares ng mga tsinelas sa layunan ng samahan na magbigay ng kaginhawahan sa mga batang nangangailangan at tiyakin na ang kanilang karapatan sa edukasyon ay iginagalang.

Naalala ko tuloy ang kwento ng tsinelas na isinalaysay ng makatang Rio Alma at ang magkaibang liriko ng awiting Tsinelas ng Yano at awiting Tsinelas ng grupong Kamikazee. Makahulugan ang tula at mga awit.

Sa Yano ay ganito ang liriko:

Mang kulas
Pabili nga ng tsinelas
Pudpod nat gasgas
Baka mapigtas tong luma kong tsinelas
Tong luma kong tsinelas
Tong luma kong tsinelas
Tong luma kong tsinelas

Sa bandang Kamikazee naman ay ito:

Nasan na kaya?
Nandito lang kanina,
Hinanap ko na sa lahat
Pero di ko parin makita,
Wala sa kwarto..
Wala sa banyo..
Iniwan dito..baka kinuha mo!!!!

Nasan ang chinelas ko!!!!!?????
(Ewan kooo!!!!)
Nasan ang chinelas ko???!!!!
Tsinelas ko
Tsinelas ko
Tsinelas ko 

Maraming mga tanong na dapat hanapan ng kasagutan. Nagsaliksik ako hanggang sa makita ko ang artikulong "Lean Alejandro's tsinelas revolution" sa internet at sinulat ng kanyang matalik na kaibigang si Patricio N. Abinales. Meron palang tinatawag na "tsinelas charm" na isa sa subtitle ng nasabing artikulo. 

Ayon sa nasabing artikulo, paboritong magtsinelas ni Lean Alejandro habang nakikisalamuha sa mga tao, at maging sa pagpasok sa UP. Imbes na sandalyas na nauso noon ang ginamit ni Lean ay tsinelas. Kumbaga ay winasak ni Lean ang normal na pagsasandalyas ng mga tibak. 

Subalit sinabihan naman siya ng kanyang mga kasama, na ang tsinelas ay panloob na gamit lamang sa tahanan, o kaya ay sa malapit lang sa bahay, halimbawa’y pupunta ng tindahan o sa hardin. Ngunit hindi sa eskwelahan, lalo na’t si Lean ay isang lider-estudyante.

Ngunit pinatunayan ni Lean na mali sila, dahil imbes na mainis ang iba sa kanyang tsinelas ay naglalapitan pa ang mga ito upang alamin kung paano niya napanatili ang ganda ng kanyang mga daliri at kuko sa paa. May mga nagsasabi pang tila may mahusay siyang manikurista o may mata siyang tulad sa manikurista dahil sa ganda ng mga kuko sa paa.

Nasa nagdadala iyan, marahil ay nasa isip ni Lean. Ginamit ni Lean ang kanyang tsinelas, o kaya’y nakatsinelas siyang palagi habang nagbibigay siya ng mga pampulitikang pahayag sa rali o pampulitikang pag-aaral. Hanggang matagpuan ng kanyang mga kasama na nakahahalina lalo na sa mga kababaihan ang mga paang tulad ng kay Lean. Kaya si Lean at ang kanyang suot na tsinelas ay malakas ang dating sa mga kolehiyala, di lamang sa Maynila kundi maging sa Cebu, upang sumama sa mga layuning aktibista.

Minsan nga raw ay may nagtanong sa kanyang magandang kolehiyala kung saan makakakuha ng aklat ni Lenin na “What To Do?” na kanya pang itinama na iyon ay “What Is To Be Done?” at binulungan ni Lean ang kanyang kasama, “Maaaring manalo na tayo sa rebolusyon, tingnan mo ang mga magagandang kolehiyalang burgis na sumasama sa atin!”

Noong siya’y nangangampanya upang maging kongresista ng Malabon-Navotas ay naglakad siyang nakatsinelas, nilakad ang mga binabahang lugar ng nakatsinelas, makadaupang-palad lamang ang mga mahihirap.

Tunay nga na ang tsinelas ay isang simbolo, hindi ng kahirapan, kundi ng pagiging makatao sa mga dukha, sa mga manggagawa, at mga api sa lipunan. At ang tsinelas leadership ni Lean Alejandro ang ginamit ng nangangasiwa ng taunang The Great Lean Run bilang sagisag ng kanyang pagiging mapagkumbaba at mahinahong lider ng bayan, at ito’y mahalagang sangkap sa pagtataguyod ng kapakanan at kagalingan ng mga mahihirap nating kababayan.

5 Setyembre 2017

Walang komento: