Human Rights Walk 2017
Disyembre 10, 2017, araw ng Linggo. Nagising ako kong ika-5 ng umaga, at agad na naghanda para sa paglalakad. Ika-5:45 ay naroon na ako sa CHR, sa tapat ng rebulto ni Ka Pepe Diokno sa CHR. Wala pa ang rebulto ni Ka Pepe noong nakaraang taon, kundi signboard ng CHR. Binuwag na ang pader at ang signboard, kaya sa mismong tapat na ng rebulto ako naghintay.
Di makararating si Ron Solis na nakasama ko last year, at kasama ko rin sa Climate walk, dahil nasa Baguio siya. Wala nang ibang nag-confirm, kaya sinimulan ko na ang paglalakad ng bandang 6:10 am mula sa rebulto. Binaybay ko ang circle, at ang kahabaan ng Quezon Avenue. Nakarating ako ng Welcome Rotonda bandang ika-8:25 am, kung saan naroroon na rin ang IDefend. Last year ay sumalubong pa si Alan Silayan, kasama rin sa Climate Walk, bago mag-Welcome.
Nagkaroon ng munting programa sa Welcome at isa ako sa pinagsalita. Sinabi kong ang Human Rights Walk ay isa ring adbokasya, tulad ng ginawa namin noon sa Climate Walk noong 2014 na paglalakad mula Luneta hanggang Tacloban mula Oktubre 2, 2014 hanggang Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng naganap na bagyong Yolanda.
Ikasiyam ng umaga ay nagmartsa na kami patungong Mendiola. Habang naglalakas ay nakilala ko si Mam Silvia Umbac ng CHR na tumulong sa paghawak ng tarp na aking dala. At kakilala rin pala niya ang kaibigan kong nasa CHR na rin, si Dado Sta. Ana, na kasama ko sa history group na Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan).
Nakarating kami sa Mendiola ng bandang ika-11 ng umaga dahil hinintay pa naming matapos ang ibang grupong naunang magprograma roon. Madagundong ang hiyaw ng mga kasama, "Karapatan, Hindi Karahasan!" "Kabuhayan, Hindi Patayan!" "Yes to Life, No to EJK!"
Alas-dose ay kailangan ko nang umalis bagamat di pa tapos ang programa upang dumalo sa klase ko sa labor paralegal. - greg