HUSENG BATUTE, ASEDILLO AT ANG WIKANG FILIPINO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.
Sa paglalathala nating muli ng pahayagang Taliba ng Maralita bilang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), nais nating kilalanin ang isa sa mga magigiting na makata ng bayan - si Jose Corazon de Jesus o Huseng Batute. Nasa wikang Filipino ang ating pahayagan. Nasa wikang madaling maunawaan ng ating mga kapwa maralita. Kaya yaong mga Pinoy na Ingleserong nangungutya sa wikang Filipino na wikang bakya ay dapat nating tuligsain. Kaya mahalaga ang muling pagkilala, bukod sa makatang si Gat Francisco Balagtas, kay Huseng Batute, na siyang unang Hari ng Balagtasan noong 1925.
Napagkwentuhan nga namin iyan ng lider-maralitang si Mang Isko, na tumutula rin naman. Sabi niya sa akin, “Alam mo, Igor, dapat namang kilalanin din ng pamahalaan ang kahalagahan ni Jose Corazon de Jesus bilang tagapagtanggol ng wikang Filipino. Nabasa mo ba ang tula niya laban sa isang gurong Amerikana? Tinuligsa niya iyon ng patula dahil kinagagalitan nito ang mga estudyanteng nagta-Tagalog.”
“Anong magandang mungkahi mo?” Tanong ko.
“Aba’y sa Nobyembre 22 ay kaarawan niya, maanong magdeklara naman ang pangulo na kilalanin si Huseng Batute sa kanyang kaarawan. O kaya ay kilalanin ang kanyang kaarawan bilang Pambansang Araw ng Pagtula, Tulad ng pag Abril ay sinisimulan ng bayan ang Buwan ng Panitikan sa mismong kaarawan ni Balagtas, Abril 2. Bagamat dapat Abril 1 hanggang Abril 30 ang Buwan ng Panitikan. Ang Abril 1 kasi ay April Fool’s Day. Kaya ang pagsalubong lagi sa Buwan ng Panitikan ay sa kaarawan ng ating dakilang makatang si Balagtas.” Ani Mang Isko.
“Maganda po ang inyong mungkahi. Tulad rin pala iyan ng naging karanasan ni Teodoro Asedillo, na isang guro sa Laguna, bago nakilalang rebelde. Tinuruan niyang maging makabayan ang mga estudyante niya, at pinagalitan siya ng punong gurong Amerikano dahil sa pagtuturo ng wikang Filipino, kaya siya tinanggal.” Sabi ko sa kanya.
“Maalam ka pala sa kasaysayan,” tugon ni Mang Isko. “Baka mas magandang buksan natin sa isang talakayan ang usaping ito. Pagkilala kina Jose Corazon de Jesus at Teodoro Asedillo bilang mga bayani ng wika. Mungkahi kong magpalaganap tayo ng kampanyang lagda upang ideklarang Pambansang Araw ng Pagtula ang kaarawan ni Batute, kasabay ng kampanyang pagkilala kina de Jesus at Asedillo bilang mga bayani ng wikang Filipino, na nauna pa kay Manuel L. Quezon, na siyang Ama ng Wikang Pambansa.”
“Sige po.” Tugon ko. “Napanood ko kasi ang pelikulang Asedillo ni Fernando Poe Jr., at nabasa ko ang talambuhay niya sa mga aklatan kaya po alam kong ipinaglaban niya ang ating wikang pambansa. Isusulat ko muna ang borador ng kampanyang lagda para sa dalawa. Tapos po ay magpatawag tayo ng pulong ng samahan. Yayain din natin ang iba pang samahan upang sumama sa kampanyang ito. Magpatawag na po tayo ng pulong sa Sabado.”
“Ayos iyan. Ipatawag mo na.” Sabi ni Mang Isko sa akin, kaya masigla kong ginampanan ang para sa akin ay makasaysayang usapin.
Pagdating ng araw ng Sabado, ikalawa ng hapon, nagsidatingan na ang mga lider at kasapian ng samahan. Sinimulan ko ang usapin.
“Nag-usap kami ni Pangulong Isko upang maglunsad tayo ng isang malawakan at makasaysayang kampanya. Lalo’t marami rin sa inyo ay paminsan-minsang gumagawa ng tula. Una, kampanyang lagda upang ideklarang Pambansang Araw ng Pagtula ang kaarawan ni Huseng Batute at gawing bayani ng wikang Filipino sina Jose Corazon de Jesus at Teodoro Asedillo sa pagtatanggol ng ating wika laban sa mga dayo.”
Tumugon si Mang Igme, “Okay iyan. Subalit dapat dalhin natin sa Malakanyang ang panawagang iyan bukod pa sa paggawa ng panukalang batas ng ating mga kongresista at senador. Magandang layunin iyan.”
Si Aling Isay, “Nasaan na ang mga papel para sa kampanyang lagda upang masimulan na natin. Ang galing ng inyong naisip. Kahit matanda na ako’y naaakit muling tumula, at ipagtanggol ang wikang Filipino, lalo na sa nagtanggalng kursong ito sa kolehiyo.
Natapos ang pulong na masigla ang bawat isa, dahil alam nilang para sa bayan at sa kultura at kabayanihan ang kanilang bagong layunin.
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Nobyembre 2018, pahina 16-17.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento